Maging mga Guro ng Salita ng Diyos—Na Ginagamit ang mga Brosyur
1 Bawat nakaalay na lingkod ni Jehova ay kailangang maging guro ng Salita ng Diyos. Inatasan tayo ni Jesus na ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na tinuturuan sila.’ (Mat. 28:18-20) Kaya nga, sa pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita tayo’y kailangang maging mga guro!—2 Tim. 2:2.
2 Sa Agosto, magagamit natin ang ating kakayahang magturo sa pag-aalok ng mga brosyur. Makapipili tayo mula sa mga ito ng ilang nakawiwiling mga punto sa Kasulatan at maghanda ng ilang komento na tutulong sa ating mapasimulan ang pag-uusap.
3 Kapag iniaalok ang brosyur na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?” maaari mong sabihin:
◼ “Napansin namin na marami sa inyong mga kapitbahay ang nababahala sa mabilis na paglago ng krimen, terorismo, at karahasan. Sa inyong palagay, bakit kaya nagkaroon ng ganitong problema? [Hayaang sumagot.] Kapansin-pansin na inihula ng Bibliya na ito’y mangyayari. [Basahin ang 2 Timoteo 3:1-3.] Pansinin na ito’y magaganap sa ‘mga huling araw.’ Nagpapahiwatig ito na may isang bagay na malapit nang magwakas. Ano kaya iyon sa palagay ninyo?” Hayaang sumagot. Buksan sa pahina 22, ituro ang ilustrasyon, at talakayin ang isa o dalawang kasulatan na sinipi sa pahinang iyon. Gumawa ng kaayusan ng pagbabalik.
4 Baka nais mong gamitin ang paraan ng paglapit na ito kapag iniaalok ang brosyur na “Ano ang Layunin ng Buhay—Paano Mo Masusumpungan?”:
◼ “Maraming tao ang nahihirapang makasumpong sa tunay na layunin ng buhay. Bagaman ang ilan ay waring maligaya, marami naman ang dumaranas ng buhay na lipos ng kabiguan at pagdurusa. Sa palagay mo kaya’y gusto ito ng Diyos? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita ng Bibliya na ibig ng Diyos na tayo’y manirahan sa isang sanlibutan na gaya nito.” Ipakita ang ilustrasyon sa pahina 21, at buksan ang pahina 25 at 26, parapo 4-6. Ibangon ang tanong na ito para pag-usapan sa iyong pagbabalik: “Papaano tayo makatitiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako?”
5 Maiaalok mo ang brosyur na “Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!” sa pamamagitan ng pagpapakita ng buong larawan sa unahan at likod ng pabalat at pagtatanong:
◼ “Gusto mo bang manirahan sa isang sanlibutan na gaya nito? [Hayaang sumagot.] Sinasabi sa atin ng Bibliya na iniibig ng Diyos ang mga tao at gusto niyang sila’y mabuhay magpakailanman sa lupa taglay ang kaligayahan.” Buksan ang larawan numero 49, at basahin ang isa sa mga siniping teksto. Pagkatapos, sa larawan numero 50, ipakita kung ano ang dapat nating gawin upang makapanirahan sa Paraiso. Sabihing babalik ka para sa higit pang pag-uusap.
6 Nalulugod si Jehova kapag ang ating ‘pagsulong ay nahahayag sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa ating turo.’ (1 Tim. 4:15, 16) Ang ating mga brosyur ay makatutulong sa atin nang malaki sa pagsisikap na matulungan yaong nananabik na makarinig ng “mabuting balita ng lalong mabuting bagay.”—Isa. 52:7.