Kailangang Marinig ng Ating Kapuwa ang Mabuting Balita
1 Kalooban ng Diyos “na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Kasali sa “lahat ng uri ng mga tao” ang lahat ng ating kapuwa. Ang pag-abot sa kanila taglay ang mabuting balita ay nangangailangan ng sari-saring mga presentasyon at ng pagiging palaisip tungkol sa kung saan interesado ang bawat taong ating natatagpuan. (1 Cor. 9:19-23) Ang organisasyon ni Jehova ay naglalaan ng mga kasangkapan na makatutulong sa atin upang maabot ang puso niyaong mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.” (Gawa 13:48) Alamin natin kung paano natin magagamit ang iba’t ibang brosyur sa Hulyo at Agosto upang matugunan ang espirituwal na mga pangangailangan ng ating kapuwa.
2 Mga Itatampok na Brosyur: Sa ibaba ay masusumpungan ninyong nakatala ang mga mungkahing maaaring makatulong kapag naghaharap ng ilang brosyur. Kasali sa bawat mungkahi ang (1) isang pumupukaw-kaisipang tanong para mapasimulan ang isang pag-uusap, (2) isang reperensiya kung saan masusumpungan sa brosyur ang mga puntong mapag-uusapan, at (3) isang angkop na kasulatan na maaaring basahin sa panahon ng pag-uusap. Maaari ninyong punan sa sariling pananalita ang natitirang bahagi ng presentasyon, ayon sa tugon ng kausap. Para sa karamihan ng mga brosyur, binabanggit ang isang naunang isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian na doo’y masusumpungan ninyo ang isang mas detalyadong presentasyon para sa brosyur.
Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
Ano sa palagay ninyo ang pag-asa para matulungan ang mga taong nakaranas ng pang-aabuso?—Pahina 27-8, parapo 23-7; Isa. 65:17, 18; km 7/97 p. 4.
Ano ang Layunin ng Buhay—Paano Mo Masusumpungan?
Bakit maraming tao sa ngayon ang waring hindi nasisiyahan sa kanilang buhay?—Pahina 29-30, parapo 2, 25-6; Awit 145:16; km 7/96 p. 4.
Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!
Naisip na ba ninyo kung ano na ang ginagawa ngayon ni Jesu-Kristo?—Mga larawan 41-2; Apoc. 11:15; km 8/96 p. 8.
Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso.
Gusto ba ninyong makaalam tungkol sa Kaharian na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin?—Pahina 3; Mat. 6:9, 10; km 8/96 p. 8.
Kapag Namatay ang Iyong Minamahal.
Naisip na ba ninyo kung paano aaliwin ang isa na namatayan ng isang minamahal?—Pahina 26, parapo 2-5; Juan 5:28, 29; km 7/97 p. 4.
Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
Mahalaga ba para sa ating kinabukasan ang ating pagkaunawa sa tunay na kalikasan ng Diyos?—Pahina 3, parapo 3, 7-8; Juan 17:3.
3 Brosyur na Magpapatibay ng Pananampalataya sa Bibliya: Sa “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon noong nakaraang Disyembre at Enero, tinanggap natin ang bagong brosyur na pinamagatang Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao. Yamang hindi pa natin iniaalok ang brosyur na ito sa larangan mula nang ito’y ilabas, ang kampanya sa Hulyo at Agosto ay magiging napakainam na pagkakataon upang malawakang ipamahagi ang bagong brosyur na ito sa larangan. Yamang ito’y bago, dapat itong makaakit sa mga nakabasa na ng ating mga naunang brosyur at gustong kumuha ng lahat ng ating bagong mga publikasyon.
4 Ang bagong brosyur na ito ay inihanda upang tulungan ang mga tao na maaaring may pinag-aralan subalit kakaunti ang nalalaman tungkol sa Bibliya. Ito’y dinisenyo upang udyukan silang magnais na suriin ang Salita ng Diyos. Kapag iniaalok ang brosyur na ito, baka nanaisin ninyong gamitin ang sumusunod na mungkahi:
Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao.
Sasang-ayon ba kayo na kasali sa pagkakaroon ng isang kumpletong edukasyon ang pagkuha ng kaalaman sa nilalaman ng Bibliya?—Pahina 3, parapo 1-3 at pahina 30, parapo 2; Ecles. 12:9, 10.
5 Brosyur Para sa Pag-aaral ng Bibliya: Dapat na ang ating tunguhin sa ministeryo ay laging magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, ito man ay sa unang pagdalaw o sa susunod na pagdalaw-muli. Sa layuning iyan, taglay natin ang sumusunod na madaling-gamiting brosyur para sa pagpapasimula at pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya:
Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
Alam ba ninyo na sa loob ng 30 minuto o wala pa bawat linggo na sasaklaw ng 16 na sanlinggo, maaari kayong magkaroon ng saligang unawa sa Bibliya?—Aralin 2, parapo 6; 2 Tim. 3:16, 17; km 3/97 p. 4.
6 Sa ilustrasyon hinggil sa mapagkapuwang Samaritano, nilinaw ni Jesus na ang tunay na kapuwa ay ang isa na nagpapamalas ng pag-ibig at kabaitan upang tulungan ang iba na nasa kagipitan. (Luc. 10:27-37) Ang mga kapuwa natin ay nasa espirituwal na kagipitan. Kailangang marinig nila ang mabuting balita. Balikatin nawa natin ang pananagutang ibahagi ito sa kanila, sa gayon ay pinatutunayan ang ating sarili bilang mga tunay na alagad ni Jesu-Kristo.—Mat. 24:14; Gal. 5:14.