Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
Anong praktikal na mga pakinabang ang tinatanggap mo ngayon mula sa paglakad na kasama ni Jehova? Paano mo mapaglalabanan ang tukso na pahintulutang alisin ng di-teokratikong mga tunguhin ang mga interes ng Kaharian sa unang dako nito sa iyong buhay? (Mat. 6:33) Nahihirapan ka bang makilala kung alin ang tama at mali sa isang daigdig na pinagtitinging tama ang mali? (Heb. 5:14) Ang mga bagay na ito ay tatalakayin sa “Makinabang Ngayon sa Paglakad sa mga Daan ng Diyos” na pansirkitong asamblea, pasimula sa Pebrero 2000.—Awit 128:1.
Ang isang bagong bahagi sa Sabado ng pansirkitong asambleang ito ay ang presentasyon tungkol sa huwarang Pulong sa Paglilingkod. Ipababatid ng inyong tagapangasiwa ng sirkito sa mga kongregasyon kung ano ang isinaplano upang ang lahat ay makadalo nang handa para masiyahan nang lubusan sa programa.
Ang bahagi na pinamagatang “Mga Payunir—Manatiling Mahigpit na Nagbabantay Hinggil sa Kung Paano Kayo Lumalakad” ang magpapakita sa atin kung paano magpapamalas ng karunungan at pagkamakatuwiran upang mabili ang naaangkop na panahon para sa ministeryong pagpapayunir. (Efe. 5:15-17) Ang paksang “Mag-ingat sa mga Daan na Waring Tama” ay magtuturo sa atin kung paano titiyakin kung ano ang kaayaaya sa Diyos sa bawat aspekto ng buhay. Ang pahayag na “Paano Tayo Naaapektuhan ng Natupad na mga Hula” ay tutulong upang lipusin ang ating isip at puso ng pag-ibig sa Salita ng Diyos. Ang pahayag pangmadla na “Ang mga Daan ng Diyos—Talagang Kapaki-pakinabang!” ay magdiriin sa praktikal na mga pakinabang na tinatanggap sa ngayon dahil sa pag-ayon sa matutuwid na kahilingan ni Jehova.
Hangarin ba ninyong ipakita sa madla sa pamamagitan ng bautismo sa tubig na ibig ninyong lumakad sa mga daan ng Diyos bilang isa sa kaniyang naaalay na mga lingkod? Kung gayon ay makipag-usap sa punong tagapangasiwa upang maisagawa ang kinakailangang mga kaayusan.
Gawin ninyong kapasiyahan na huwag palampasin ang napapanahong pansirkitong asambleang ito. Maging presente para sa buong dalawang-araw na programa, sapagkat “maligaya ang bawat isa na natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan.”—Awit 128:1.