Abril—Isang Panahon Upang Maging Masigasig sa Maiinam na Gawa!
1 Samantalang papalapit ang buhawi sa isang mataong lugar, ang pangangailangang babalaan ang mga tao sa nalalapit na panganib ay nagiging apurahan. Habang lumalapit ang buhawi, lalo namang kailangang maging mariin ang babala. Bakit? Sapagkat mga buhay ang nakataya! Ang ilang tao ay maaaring hindi nakarinig sa naunang mga babala. Ang iba’y maaaring nakarinig subalit hindi gumawa ng pagkilos. Totoo rin ito sa babala ng Diyos na iniatas sa atin upang ipahayag bago humampas ang “bagyong hangin” ng matuwid na galit ng Diyos sa lahat ng nakikitang bahagi ng balakyot na sanlibutang ito. (Kaw. 10:25) Ang walang-hanggang buhay ng bilyun-bilyong tao ay nakataya! Ang babala ay kailangang ipahayag. Kailangan tayong maging “masigasig sa maiinam na gawa.”—Tito 2:11-14.
2 Sa nakalipas na mga dekada, ang bayan ni Jehova ay ginanyak na ang kapanahunan ng Memoryal ay gawing isang panahon para maging masigasig sa ministeryo sa pantanging paraan. Noong tagsibol ng 1939, ang Informant, tagapanguna ng Ating Ministeryo sa Kaharian, ay nagbigay ng ganitong pampatibay-loob: “Dahil sa pagsapit ng tagsibol, at mabuting panahon, dapat nating asahan na ang oras sa larangan ay madodoble ng mga mamamahayag [ng kongregasyon], at ang oras ng mga payunir ay susulong nang malaki. Ang Abril ay buwan na may limang Linggo. Ito’y may limang Sabado rin. Gawin ang bawat Sabado at Linggo ng Abril . . . na isang panahon ng pantanging pagpapatotoo.” Yaon ay isang mapanghamong tunguhin na itinakda para sa mga kapatid may 60 taon na ang nakararaan! Sa taóng ito, gaya noong 1939, ang buwan ng Abril ay may limang kumpletong dulong sanlinggo. Ano ang inyong mga plano sa buwang ito? Anong mga notasyon ang inyong isinulat sa inyong kalendaryo para sa Abril 2000? Planuhing magkaroon ng isang makabuluhang bahagi sa maiinam na gawa kasama ng bayan ni Jehova sa pantanging buwang ito ng pinag-ibayong espirituwal na gawain.
3 Kung Ano ang Inaasahan Nating Maisasakatuparan: Ang pinakamahalagang araw sa taóng 2000 ay pumapatak sa buwang ito. Ito ay sa Abril 19, ang anibersaryo ng kamatayan ni Jesus. Gumawa tayo ng isang pantanging pagsisikap na anyayahan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari sa Memoryal. Gaya ng iminungkahi nang nakaraang buwan, gumawa ng isang listahan ng lahat ng potensiyal na makadadalo sa Memoryal at tiyaking walang makakaligtaan. Dapat na ilakip sa mga inanyayahan ang sinumang di-aktibong mamamahayag, mga estudyante sa Bibliya, mga dinadalaw-muli, yaong mga dating tinuturuan, kamanggagawa, kamag-aral, kapitbahay, kamang-anak, at iba pang mga kakilala. Yaon bang mga nagnanais dumalo ay may masasakyan? Kung wala, maaari ba kayong gumawa ng maibiging pagtulong? Sa gabi ng Memoryal, magkakaroon tayong lahat ng pribilehiyo na ipadama sa mga dumalo na sila’y malugod na tinatanggap. Pagkatapos ng Memoryal, maaari tayong gumawa ng pagsubaybay sa gayong mga interesadong tao taglay ang karagdagang espirituwal na tulong.
4 Ang pagiging “masigasig sa maiinam na gawa” sa mga araw bago at pagkatapos ng Memoryal ay isang mainam na paraan upang ipakita kay Jehova na talagang pinahahalagahan natin ang lahat ng kaniyang ginawa para sa atin. Ang pagkakaroon ng mas mahabang oras kung araw at mas mabuting lagay ng panahon sa maraming lugar, ay magpapangyari sa marami sa atin na mapasulong ang ating mga pagsisikap sa gawaing pag-eebanghelyo. Kung kayo ay nag-o-auxiliary pioneer, nanaisin ninyong gawin ang inyong makakaya upang gumugol ng 50 oras o higit pa sa ministeryo. (Mat. 5:37) Maingat na sundin ang ginawa ninyong iskedyul sa pagpapasimula ng buwan. (Ecles. 3:1; 1 Cor. 14:40) Nawa’y gawin nating lahat kung ano ang ating makakaya sa pagtulong sa lahat ng mga payunir, kapuwa sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanila at sa pamamagitan ng paggawang kasama nila sa larangan. (Ihambing ang 2 Hari 10:15, 16.) Kung buong-sigasig tayong maghahasik sa Abril, makaaasa tayo ng malaking kagalakan at pagpapala mula kay Jehova. (Mal. 3:10) Marahil ito ay magsisilbing isang tuntungang-bato sa patuloy na pag-o-auxiliary pioneer o sa pagre-regular pioneer. Nawa ang espirituwal na kasiglahan na ating natamo sa Abril ay magpatuloy sa sumusunod na mga buwan habang patuloy tayo sa pagiging regular na mga mamamahayag ng Kaharian.
5 Walang alinlangan, libu-libo sa bayan ni Jehova sa buwang ito ang magpapasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nais ba ninyong magpasimula ng isa? Espesipikong manalangin para sa isang pag-aaral, at gumawang kasuwato ng inyong mga panalangin. Kayo’y makatitiyak na pahahalagahan ni Jehova ang inyong mapagpakumbabang kahilingan ukol sa tulong na makasumpong ng tapat-pusong tao upang maturuan.—1 Juan 3:22.
6 Narito ang isang subok-na-sa-larangang paglapit na matagumpay na nagamit sa pagpapasimula ng mga pag-uusap. Magsimula kayo sa pagtatanong: “Sa palagay mo ba’y resulta ng makademonyong gawain ang lahat ng nangyayaring karahasan sa pampublikong mga paaralan, o ito’y dahil sa kakulangan ng pagsasanay ng magulang?” Hayaang sumagot. Kung sasabihin ng tao na “makademonyong gawain,” basahin ang Apocalipsis 12:9, 12, at itampok ang papel ng Diyablo sa pagpapasimuno ng kaguluhan sa daigdig. Pagkatapos ay buksan ang brosyur na Hinihiling sa aralin 4, at itanong kung naisip na ba ng tao kung saan nagmula ang Diyablo. Magpatuloy sa pagbasa at pagtalakay sa unang dalawang parapo. Kung pinili ng tao ang “kakulangan ng pagsasanay ng magulang” bilang sanhi ng karahasan sa mga paaralan, basahin ang 2 Timoteo 3:1-3 at ipakita ang mga ugali na maliwanag na nakaaabuloy sa suliraning ito. Pagkatapos ay buksan ang brosyur na Hinihiling sa aralin 8, basahin ang parapo 5, at ipagpatuloy ang pagtalakay. Kung makagagawa kayo ng kasunduan para sa pagbabalik, maaaring naisasaayos na ninyo ang daan para sa pagkakaroon ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya sa taong iyon. Sa susunod na pagdalaw, tanungin siya kung may kakilala siyang sinuman na maaaring interesadong makinig sa kaniyang natututuhan.
7 Ang isa pang paraan upang maging “masigasig sa maiinam na gawa” sa Abril ay ang makibahagi sa iba’t ibang paraan ng pangangaral. Kayo ba’y nag-iisip na magpatotoo sa isang parke o sa isang paradahan? Sa isang hintuan ng bus o istasyon ng tren? O nais ba ninyong subukan ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono, sa lansangan, o sa lugar ng negosyo? Bakit hindi isagawa ang inyong mga iniisip sa buwang ito? Si Jehova ay tutulong sa inyo na magkapagtipon ng kinakailangang katapangan. (Gawa 4:31; 1 Tes. 2:2b) Marahil ay makagagawa kayo ng kasunduan para gumawa kasama ng isang payunir o ng isang mamamahayag na makaranasan sa mga pitak na ito ng ministeryo.
8 Ang sinuman na gustong mapasulong ang kaniyang bahagi sa gawaing pagpapatotoo ay magnanais na makibahagi sa di-pormal na pagpapatotoo. Kadalasan ang kailangan lamang ay kausapin ang isang tao sa palakaibigang paraan. Magbangon lamang ng isang paksa na doo’y interesado siya, marahil ay sa pamamagitan ng paggamit sa paraan ng paglapit na itinampok sa parapo 6. Pagsikapang gamiting mabuti ang kahit na maliit na bahagi ng panahon na kung hindi ay masasayang lamang. Hindi natin itinatapon ang singko, diyes, o beinte singko dahil lamang sa hindi buong piso ang mga ito. Bakit hindi natin gamitin sa makabuluhang paraan ang kahit na limang minuto, sampung minuto, o labinlimang minuto sa di-pormal na pagpapatotoo?
9 Isang Panahon Para Magbulay-bulay: Muling isipin ang matitinding punto na iniharap sa drama sa katatapos pa lamang na “Makahulang Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon. Ang drama, na pinamagatang Pagpapahalaga sa Ating Espirituwal na Pamana, ay tumulong sa atin na pag-isipang mabuti ang pagkakaiba nina Jacob at Esau. Sinabi ni Esau na kagaya ni Jacob, siya’y interesado sa espirituwal na mga bagay, subalit ang mga gawa ni Esau ay hindi nagpapakita nito. (Gen. 25:29-34) Ano ngang tinding babala para sa atin! Kagaya ni Jacob, tayo’y maging handang makipagpunyagi, makipagbuno pa nga, para sa pagpapala ni Jehova. (Gen. 32:24-29) Bakit hindi gamitin ang Abril at lahat ng sumusunod na mga buwan upang pag-ibayuhin ang ating sigasig, na hindi kailanman ipinagwawalang bahala ang ating kamangha-manghang espirituwal na pamana?
10 “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zef. 1:14) Ang mabuting balita ng Kaharian ay kailangang maipahayag. Mga buhay ang nakataya! Ang buwan nawang ito ay mapatunayang pantanging pinagpala para sa buong bayan ni Jehova habang may pagkakaisa nating ipinakikita na tayo’y “masigasig sa maiinam na gawa.”
[Kahon sa pahina 4]
Mga Paalaala sa Memoryal
Ang pagdiriwang ng Memoryal sa taóng ito ay papatak sa Miyerkules, Abril 19. Dapat na bigyang-pansin ng matatanda ang sumusunod na mga bagay:
◼ Sa pagtatakda sa oras ng pulong, tiyakin na hindi ipapasa ang mga emblema kundi pagkatapos lumubog ang araw.
◼ Ang lahat, pati na ang tagapagsalita, ay dapat na sabihan sa eksaktong oras at dako ng pagdiriwang.
◼ Ang angkop na uri ng tinapay at alak ang dapat na kunin at ihanda.—Tingnan ang Agosto 15, 1985, Bantayan, pahina 19.
◼ Dapat na patiunang dalhin sa bulwagan at ilagay sa tamang dako ang mga plato, baso, at isang angkop na mesa at mantel.
◼ Ang Kingdom Hall o iba pang dako na pagpupulungan ay dapat na patiunang linisin nang lubusan.
◼ Dapat na piliin ang mga attendant at mga tagapagsilbi at tagubilinan nang patiuna tungkol sa kanilang mga tungkulin at tamang pamamaraan.
◼ Dapat na gumawa ng kaayusan na mapagsilbihan ang sinumang pinahiran na may-sakit at hindi makadalo.
◼ Kapag higit sa isang kongregasyon ang nakaiskedyul na gagamit sa iisang Kingdom Hall, dapat na magkaroon ng mabuting kaayusan sa mga kongregasyon upang maiwasan ang di-kinakailangang pagsisikip sa bulwagang hintayan o sa pasukan, sa mga pampublikong bangketa, at sa paradahan.