Maging Matino sa Pag-iisip Habang Papalapit ang Wakas
1 Paulit-ulit na inilalarawan ng Salita ng Diyos na ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng “isang magnanakaw”—samakatuwid nga, biglaan, kagyat, di-namamalayan. (1 Tes. 5:2; Mat. 24:43; 2 Ped. 3:10; Apoc. 3:3; 16:15) “Dahil dito,” ang sabi ni Jesus, ‘maging handa kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.’ (Mat. 24:44) Paano tayo makapananatiling mapagbantay sa espirituwal habang papalapit ang wakas? Ang isang susi ay masusumpungan sa kinasihang paalaala: “Maging matino sa pag-iisip.”—1 Ped. 4:7.
2 Ang katinuan sa pag-iisip ay nangangahulugang minamalas natin ang mga bagay-bagay mula sa punto de vista ni Jehova. (Efe. 5:17) Tinutulungan tayo nito na malasin ang ating sarili bilang “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan” sa gitna ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (1 Ped. 2:11) Ipinauunawa nito sa atin kung ano talaga ang mahalaga, tinutulungan tayo nito na magtakda ng mga priyoridad, at gumawa ng mabubuting pasiya.—Fil. 1:10.
3 Magtakda ng Espirituwal na mga Tunguhin: Ang pagtatakda at pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin ay tumutulong sa atin na maging matino sa pag-iisip. Mayroon ka bang espirituwal na mga tunguhin na pinagsisikapang abutin sa kasalukuyan? Sinisikap mo bang magbasa ng Bibliya araw-araw, dumalo sa lahat ng Kristiyanong pagpupulong, magbasa ng bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising!, o marahil higit pang makabahagi sa ministeryo? Kung ikaw ay magtatakda ng mga tunguhing angkop para sa iyo, magsisikap na itaguyod ang mga ito, at hihiling kay Jehova na pagpalain ang iyong mga pagsisikap, baka magulat ka sa magiging resulta.
4 Tinanong ng isang matanda ang isang mag-asawang nasa kabataan pa tungkol sa kanilang espirituwal na mga tunguhin. Naipaunawa sa kanila ng tanong na iyon na kapag pinasimple nila ang kanilang buhay at inalis ang nakapagpapabigat na utang, makapagpapayunir sila. Nagpasiya sila na iyon ang gawin nilang tunguhin. Nagsikap silang mabayaran ang kanilang utang at humanap ng mga paraan upang mabawasan ang di-kinakailangang mga gawain na umuubos ng kanilang panahon at lakas. Pagkatapos ng eksaktong isang taon, naabot nila ang kanilang tunguhin. Ano ang naging resulta? Ganito ang sabi ng asawang lalaki: “Kung walang mga tunguhin, wala sana kami sa ganitong kalagayan ngayon. Mas maligaya kami. Mas tahimik at mas maganda ang buhay namin. Mayroon itong tunay na kabuluhan at layunin.”
5 Habang hinihintay natin ang araw ni Jehova, panatilihin nawa natin ang pagiging mapagbantay sa espirituwal sa pamamagitan ng pamumuhay taglay ang katinuan ng pag-iisip, na nagtutuon ng pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Tito 2:11-13.