Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
Sa ‘mga panahong ito na mapanganib at mahirap pakitunguhan,’ kailangan natin ang makadiyos na karunungan upang matamo at mapanatili ang pagsang-ayon ni Jehova. (2 Tim. 3:1) Ang programa ng pansirkitong asamblea para sa 2005 ay maglalaan sa atin ng praktikal na payo at pampatibay-loob habang tinatalakay rito ang temang “Magpaakay sa ‘Karunungan Mula sa Itaas.’”—Sant. 3:17.
Tutulungan tayo ng unang simposyum, “Pagpapamalas ng ‘Karunungan Mula sa Itaas’ sa Ating Buhay,” na maunawaan kung ano ang nasasangkot sa pagiging malinis, mapagpayapa, makatuwiran, at handang sumunod. Pagkatapos, bibigyang-pansin ng tagapangasiwa ng sirkito ang tatlong iba pang pitak ng karunungang mula sa Diyos. Sa pagtatapos ng unang araw, ipakikita ng tagapangasiwa ng distrito kung paanong ang mga ministrong Kristiyano, bagaman itinuturing ng ilan na “walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” ay sinasangkapan upang salitain ang karunungan ng Diyos.—Gawa 4:13.
Sa ikalawang araw, ang simposyum na pinamagatang “Itaguyod ang mga Bagay na Nakapagpapatibay” ay tutulong sa atin na makilala at maiwasan ang mga bagay na makapagpapahina sa atin sa espirituwal. Ipakikita rin nito kung paano natin mapatitibay ang iba sa mga pulong ng kongregasyon, sa ministeryo sa larangan, at sa loob ng pamilya. Ang pahayag pangmadla, “Kung Paano Tayo Nakikinabang sa Makadiyos na Karunungan,” ay magpapalalim ng ating pagpapahalaga sa mga kapakinabangang natatamo natin habang ikinakapit natin sa ating buhay ang mga simulaing nagmula sa Diyos. Ang huling pahayag, “Ang Pagkilos Alinsunod sa Makadiyos na Karunungan ay Nagsasanggalang sa Atin,” ay magpapatibay sa ating kapasiyahang humingi ng karunungan kay Jehova sa mga huling araw na ito.
Isang tampok na bahagi ng bawat asamblea ang pagbabautismo sa bagong mga alagad. Itatampok din sa programa ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ang Pag-aaral sa Bantayan para sa linggong iyon. Nais ni Jehova na makinabang tayong lahat sa karunungang inilalaan niya. Mapalalakas tayo sa espirituwal sa pamamagitan ng payo at pampatibay-loob na tatanggapin natin sa ating pansirkitong asamblea.—Kaw. 3:13-18.