Pansirkitong Asamblea na Tutulong Para Maingatan ang Ating Espirituwalidad
1. Anong paglalaan ni Jehova ang tutulong sa atin na magampanan ang ating atas na palaganapin ang mabuting balita?
1 Si Jehova ay saganang nagbibigay ng kinakailangang impormasyon, pagsasanay, at pampatibay-loob para magampanan natin ang atas na palaganapin ang mabuting balita. (Mat. 24:14; 2 Tim. 4:17) Isa sa mga paglalaan ni Jehova ang ating taunang pansirkitong asamblea. Ang programa ng pansirkitong asamblea para sa 2010 ay may temang “Ingatan ang Inyong Espirituwalidad,” batay sa Roma 8:5 at Judas 17-19. Ang bagong serye ng asambleang ito ay magsisimula sa ikatlong linggo ng Enero 2010.
2. (a) Sa anu-anong paraan makatutulong sa atin ang pansirkitong asamblea? (b) Paano nakatulong sa iyong ministeryo ang nakaraang mga pansirkitong asamblea?
2 Kung Gaano Kapaki-pakinabang: Mapaaalalahanan tayo ng programa tungkol sa mga posibleng panganib sa ating espirituwalidad, gaya ng mga pang-abalang uubos ng ating panahon at mag-aalis ng ating atensiyon sa mga bagay na talagang mahalaga. Matututuhan natin kung paano mapaglalabanan ang liberal na espiritu ng sanlibutan, at malalaman natin kung ano ang mga katangian ng isang taong espirituwal. Ipakikita sa simposyum sa araw ng Linggo kung paano mapatitibay ng mga indibiduwal at ng mga pamilya ang kanilang espirituwalidad sa harap ng tumitinding panggigipit at pagsubok sa pananampalataya. Tutulungan tayo ng programa na maingatan ang ating puso, mapanatiling malusog ang ating espirituwalidad, at maitanim sa isip ang dakilang pagpapalang naghihintay sa mga nag-iingat ng kanilang espirituwalidad.
3. Kailan ang inyong susunod na pansirkitong asamblea, at ano ang dapat na maging determinasyon mo?
3 Kapag nalaman mo na ang petsa at lugar ng inyong susunod na pansirkitong asamblea, magplano na para makadalo at makapakinig na mabuti sa lahat ng sesyon sa dalawang araw. Makatitiyak kang pagpapalain ni Jehova ang iyong pagsisikap.—Kaw. 21:5.
4. Ano ang tiyak na maitutulong sa atin ng nalalapit na pansirkitong asamblea?
4 Oo, si Jehova ang Tagapaglaan ng mabuting kaloob na ito. Ang programang inihanda ng uring tapat na alipin ay tiyak na tutulong sa iyo na magampanan ang iyong atas bilang ministrong Kristiyano. Laking pasasalamat natin kay Jehova dahil sa lahat ng kaniyang maibiging paglalaan, na tumutulong sa atin upang ‘panghawakang mahigpit ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-uurong-sulong.’—Heb. 10:23-25; Sant. 1:17.