Isang Paglalaan Para sa mga Kristiyanong Ministro
1. Anong bagong kaayusan ang pinasimulan noong 1938, at sa anong layunin?
1 Noong 1938, pinasimulan ng organisasyon ni Jehova ang isang bagong kaayusan. Ang mga grupo ng kongregasyon ay inanyayahang dumalo sa mga pansonang asamblea na tinatawag ngayong pansirkitong asamblea. Bakit? Ang isyu ng Enero 1939 ng Informant (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian) ay nagsasabi: “Ang mga asambleang ito ay bahagi ng Teokratikong Organisasyon ni Jehova upang maisakatuparan ang paglilingkod sa Kaharian. Ang mga tagubiling inilalaan dito ay kailangan para maisagawa ng bawat isa ang atas sa tamang paraan.” Kung isasaalang-alang ang pagdami ng mga tagapaghayag ng Kaharian mula 58,000 noong 1938 tungo sa mahigit 7,000,000 noong 2010, kitang-kita na nagagampanan ng mga pansirkitong asamblea ang layunin nitong tulungan ang mga ministro na “gawin ang nakaatas na gawain”!
2. Anong mga impormasyon ang ihaharap sa ating pansirkitong asamblea sa susunod na taon?
2 Kasunod na Tema: Pinananabikan natin ang programa ng pansirkitong asamblea na magsisimula sa Pebrero gayundin ang ilalaan nitong pampatibay. Ang tema na “Hindi Kayo Bahagi ng Sanlibutan” ay batay sa Juan 15:19. Ano ang ilan sa mga pahayag na tiyak na pakikinabangan ng mga Kristiyanong ministro? Mapapakinggan natin sa Sabado ang pahayag na “Proteksiyon sa Atin ang Buong-Panahong Paglilingkod—Paano?” Masisiyahan din tayo sa simposyum na “Huwag Hayaang Madungisan ng . . . ” “Mabangis na Hayop,” “Dakilang Patutot,” at “Mga Naglalakbay na Mangangalakal.” Sa Linggo, maririnig natin ang simposyum na “Ibigin si Jehova, Hindi ang Sanlibutan.” Ang iba pang pahayag ay “Manatiling ‘mga Dayuhan at mga Pansamantalang Naninirahan,’” at “Lakasan ang Inyong Loob! Kaya Ninyong Daigin ang Sanlibutan.”
3. Ano ang magiging pakinabang natin sa pagdalo sa pansirkitong asamblea?
3 Matapos dumalo sa isang pansirkitong asamblea, isang sister na dating di-gaanong aktibo sa ministeryo ang sumulat na natulungan siya ng programa na suriing muli ang kaniyang kalagayan at maging determinadong “lumabas sa larangan at tigilan na ang pagdadahilan!” Tutulungan tayo ng programa ng pansirkitong asamblea sa susunod na taon na ibigin si Jehova sa halip na ang sanlibutan. (1 Juan 2:15-17) Tiyaking naroon ka at makinig na mabuti para makinabang nang husto sa maibiging paglalaang ito para sa mga Kristiyanong ministro!