Bagong Programa ng Araw ng Pantanging Asamblea
Kapag nakakita tayo o nakarinig ng isang babala subalit hindi natin ito sinunod, maaaring maging kapaha-pahamak ang resulta nito. Lalo nang mahalaga na sumunod sa espirituwal na mga tagubilin na inilalaan ni Jehova. Idiriin ito sa programa ng araw ng pantanging asamblea para sa taóng 2005. Ang tema ay “Bigyang-Pansin Ninyo Kung Paano Kayo Nakikinig.”—Luc. 8:18.
Sa kaniyang unang pahayag, tatalakayin ng panauhing tagapagsalita kung paano kumakapit sa atin sa ngayon ang payo na nasa pambungad na mga kabanata ng kinasihang liham ni Pablo para sa mga Hebreo. Sa huling pahayag, “Laging Magbigay-Pansin sa Turo ng Diyos,” tutulungan niya ang lahat na magsuri kung talaga ngang nakikinig sila kay Jehova, sa kaniyang Anak, at sa “tapat at maingat na alipin.”—Mat. 24:45.
Lalo nang kapaki-pakinabang sa mga pamilya ang ilang bahagi ng programa. Ang bahaging “Mga Pamilyang Nakikinig sa Salita ng Diyos Nang Walang Gambala” ay tutulong sa atin upang hindi mahadlangan ng mga bagay sa sanlibutan ang pagsulong ng ating espirituwalidad. Kakapanayamin sa bahaging ito ang mga gumawa ng mga pagbabago upang unahin ang espirituwal na mga bagay. Sa bahaging “Kung Paano Pinatitibay ng Matamang Pakikinig sa Salita ng Diyos ang Ating mga Kabataan,” kakapanayamin ang mga kabataang nanindigan para sa katotohanan sa paaralan, sa kanilang mga kasamahan, o sa ministeryo. Ang “Maliliit na Anak na Nakikinig sa Diyos at Natututo” ay tutulong sa atin na huwag maliitin ang kakayahan ng mga kabataan na matuto. Ang pakikipanayam sa mga kabataan at sa kanilang mga magulang ay tutulong sa atin na makita ang kapakinabangan ng pagsasanay sa mga bata mula sa pagkasanggol sa mga daan ni Jehova.
Samantalang ‘inililigaw ni Satanas ang buong tinatahanang lupa,’ ipinakikita naman ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod ang daan na dapat nilang lakaran. (Apoc. 12:9; Isa. 30:21) Ang matamang pakikinig sa kaniyang payo at masunuring pagkakapit nito sa ating buhay ay makapagpaparunong, makapagpapaligaya, at aakay sa atin sa buhay na walang hanggan.—Kaw. 8:32-35.