Bagong Programa ng Araw ng Pantanging Asamblea
Kamangha-mangha ang pagkakadisenyo ng mata. (Awit 139:14) Subalit maaari lamang itong ipokus sa isang bagay sa bawat pagkakataon. Totoo iyan kapuwa sa literal at makasagisag na diwa. Para manatiling malinaw ang ating espirituwal na paningin, dapat nating ituon ang ating pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Dahil sa dumaraming panggambala ng sanlibutan ni Satanas, angkop na angkop nga na talakayin sa programa ng araw ng pantanging asamblea para sa taóng 2006 ang temang “Panatilihing Simple ang Iyong Mata”!—Mat. 6:22.
Ano ang dapat nating gawin upang tumanggap ng mga pagpapala mula kay Jehova? (Kaw. 10:22) Ang tanong na ito ay isasaalang-alang sa bahaging “Kamtin ang mga Pagpapala sa Pagpapanatili ng Isang Simpleng Mata.” Itatampok ng mga panayam kung paano tayo makikinabang sa pagkakapit ng maka-Kasulatang mga simulain. Ang unang pahayag ng dumadalaw na tagapagsalita, “Pagpapanatili ng Isang Simpleng Mata sa Balakyot na Sanlibutan,” ay magbibigay ng babala sa atin laban sa mga bagay na maaaring maging dahilan upang maging masalimuot ang ating buhay at unti-unting sumakal sa ating espirituwalidad. Matututuhan din natin kung ano ang nasasangkot sa pagpili ng “mabuting bahagi.”—Luc. 10:42.
Paano mapasisigla ng mga magulang at ng iba pa ang mga kabataang Kristiyano na magtuon ng pansin sa espirituwal na mga tunguhin? Kasama sa mga bahaging “Mga Magulang na Wastong Iniaasinta ang Kanilang mga Palaso” at “Mga Kabataang Umaabot sa Espirituwal na mga Tunguhin” ang kapahayagan ng mga magulang at ng mga kabataan hinggil sa mahalagang tanong na ito. (Awit 127:4) Tatalakayin sa pangwakas na pahayag ng dumadalaw na tagapagsalita kung paano tayo makaaalinsabay sa organisasyon ni Jehova bilang indibiduwal, bilang pamilya, at bilang kongregasyon.
Tayo man ay baguhan sa katotohanan o matagal nang naglilingkod kay Jehova, napakahalaga na ‘panatilihin nating simple ang ating mata.’ Tutulungan tayo ng programa ng araw ng pantanging asamblea na gawin ito.