Puspusang Pandaigdig na Pagsisikap na Ianunsiyo ang “Sundan ang Kristo!” na Pandistritong Kombensiyon
Muling Mamamahagi ng Espesyal na Handbill ang mga Mamamahayag
1 Noong nakaraang taon, ang pandaigdig na kampanya na ianunsiyo ang “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon ay nagkaroon ng malaking epekto sa mga interesado. Sa kauna-unahang pagkakataon, nasaksihan ng mga nagpaunlak sa espesyal na imbitasyon ang isang masaganang espirituwal na kapistahan ng mga Saksi ni Jehova. (Isa. 65:13) Nasiyahan sila sa pakikisama sa ating mainit at nagkakaisang kapatirang Kristiyano. (Awit 133:1) Upang matulungan ang pinakamarami hangga’t maaari na dumalo sa “Sundan ang Kristo!” na Pandistritong Kombensiyon, muli tayong mamamahagi ng espesyal na handbill sa buong daigdig.
2 Resulta ng Nakaraang Taon: Ayon sa report na tinanggap mula sa buong daigdig, napakaganda ng naging resulta ng pag-aanunsiyo ng “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon. Halimbawa, sa isang lunsod, naglathala ang isang pahayagan ng isang anim-na-tudling na balita tungkol sa kampanyang ito na nagsasabi: “Upang mapaabutan ang lahat bago ang kombensiyon, ang mga Saksi ay gumagawa ng ekstrang pagsisikap sa kanilang komunidad—gumugugol ng mas mahabang oras, naglalakad nang mas malayo, at nagsasalita nang mas mabilis.” Sa isa pang lunsod, di-kukulangin sa tatlong pahayagan ang naglathala ng ating gawaing iyon bago ang kombensiyon. Isang reporter ang sumulat ng ilang mahahabang artikulo na umokupa sa mahigit dalawang pahina ng pang-Linggong edisyon ng isang pahayagan. Ipinaliwanag nito ang ating mga paniniwala, pagkakapatiran, pamamahagi ng handbill, at ang kombensiyon mismo. Nang iabot ng isang mamamahayag ang imbitasyon, biglang sinabi ng may-bahay: “Ah, oo. Nabasa ko kanina sa diyaryo ang tungkol dito!” Ganito naman ang sabi ng isa pang may-bahay: “Kababasa ko lang ng tungkol sa inyo, at heto ka na ngayon! Ito ba ang imbitasyon ko?” Saka idinagdag niya, “Maganda ang ginagawang ito ng mga Saksi ni Jehova.”
3 Maraming interesado ang dumating sa lugar ng kombensiyon hawak ang kanilang imbitasyon. Ang ilang interesado naman ay nanggaling pa sa malalayong lunsod para daluhan ang mga sesyon. Dahil sa masikap nating pag-aanyaya sa iba, lalong dumami ang mga dumalo. Halimbawa, sa isang bansa, tumaas nang 27 porsiyento ang dumalo sa kombensiyon kaysa noong nakaraang taon. Dito sa Pilipinas, isang bagong pinakamataas na bilang na 340,215 ang dumalo sa ating mga kombensiyon noong nakaraang taon.
4 Paggawa sa Teritoryo: Maaari ka nang magsimulang mamahagi ng handbill tatlong linggo bago ang inyong kombensiyon. Pagsikapang mabuti na magawa ang buong teritoryo ng kongregasyon. Sa mga kongregasyon na malaki ang teritoryo, maaari nang iwan ng mga mamamahayag ang handbill sa isang lugar na hindi makikita ng mga nagdaraan sa mga bahay na walang tao kapag huling linggo na bago ang kombensiyon. Dapat sikapin ng mga kongregasyon na maipamahagi ang lahat ng handbill na tinanggap nila at magawa ang maraming teritoryo hangga’t maaari. Kapag may natira, maaari itong gamitin ng mga payunir sa kongregasyon.
5 Kung Ano ang Sasabihin: Maaari mong sabihin: “Namimigay po kami sa buong daigdig ng imbitasyong ito para sa darating na mahalagang okasyon. Ito po ang para sa inyo. Mababasa po ninyo sa imbitasyong iyan ang iba pang detalye.” Kapag maikli lamang ang presentasyon, mas maraming mabibigyan ng imbitasyon. Mangyari pa, kapag nagtanong ang may-bahay, dapat itong sagutin. Kapag may nagpakita ng interes, isulat ito at balikan agad hangga’t maaari.
6 Napakahalaga ngang pagsikapan na sundan ang Kristo! (Juan 3:36) Ang ating nalalapit na pandistritong kombensiyon ay tutulong sa lahat ng dumalo na ito mismo ang gawin. Tiyak na isa na namang napakalaking patotoo ang maibibigay dahil sa puspusang pagsisikap na ianunsiyo ang “Sundan ang Kristo!” na Pandistritong Kombensiyon. Kung gayon, maging masigasig sa pag-aanyaya sa pinakamaraming tao hangga’t maaari na dumalo rito. Sumaiyo nawa ang mayamang pagpapala ni Jehova habang buong-sikap kang nakikibahagi sa nagkakaisang pandaigdig na kampanyang ito.