Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
Si Jehova ay karapat-dapat luwalhatiin. Paano natin maluluwalhati si Jehova? Bakit nahihirapan ang ilan na lumuwalhati kay Jehova? Anu-ano ang mga pagpapala ng mga lumuluwalhati sa Diyos ngayon? Sasagutin ng programa ng pansirkitong asamblea para sa 2008 ang mga tanong na ito. Ang tema ng programa ng pansirkitong asamblea ay “Gawin ang Lahat ng Bagay sa Ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Cor. 10:31) Pag-isipan kung ano ang aasahan natin sa nalalapit na dalawang araw ng saganang pagtuturo mula sa Diyos.
Ipapahayag ng tagapangasiwa ng distrito ang mga paksang “Bakit Dapat Luwalhatiin ang Diyos?” at “Maging Huwaran sa Pagtupad sa mga Kahilingan ng Diyos.” Bibigkasin niya ang pahayag pangmadla na “Sino ang mga Taong Lumuluwalhati sa Diyos?,” at ang huling pahayag na “Nagkakaisang Lumuluwalhati sa Diyos sa Buong Daigdig.” Siya rin ang mangangasiwa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Ipapahayag naman ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga paksang “Magkaroon ng Kaluguran sa Pagpapaaninag ng Kaluwalhatian ng Diyos,” “Pagbibigay-Pansin sa mga Pangangailangan ng Sirkito,” at “Manatiling ‘Matibay na Nakatatag sa Katotohanan,’” na batay sa 2 Pedro 1:12. Bukod pa riyan, malalaman natin kung paano “Lumuluwalhati sa Diyos ang Pagpapayunir.” Susuriin ng una sa dalawang nakapupukaw-kaisipang simposyum na pinamagatang “Luwalhatiin ang Diyos sa Lahat ng Aspekto ng Ating Buhay,” ang lalim ng kahulugan ng kinasihang pananalita sa 1 Corinto 10:31. Tatalakayin ng simposyum na pinamagatang “Pag-uukol ng Sagradong Paglilingkod Upang Purihin si Jehova” ang iba’t ibang aspekto ng ating pagsamba. Mayroon tayong sumaryo ng Ang Bantayan at pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto sa Linggo. Magkakaroon din ng bautismo.
Ayaw kilalanin ng karamihan ng mga tao ang Diyos. Maraming tao ang lubhang abala sa kanilang mga plano kaya wala na silang panahong pag-isipan pa ang karingalan ni Jehova. (Juan 5:44) Subalit kumbinsido tayo na mahalagang gumugol ng panahon upang pag-isipan kung paano natin dapat “Gawin ang Lahat ng Bagay sa Ikaluluwalhati ng Diyos.” Tiyaking naroroon ka at lubusang makinabang sa lahat ng apat na sesyon.