Gamiting Mabuti ang Iyong Panahon sa Ministeryo
1 Talagang maraming dapat gawin sa ating ministeryo, pero maikli na ang panahong natitira. (Juan 4:35; 1 Cor. 7:29) Kung organisado tayo sa ating gawain at magpaplano nang patiuna, magagamit nating mabuti ang ating panahon na iniskedyul para sa ministeryo.
2 Maghanda: Bago magtungo sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, tiyaking mayroon ka nang literaturang kakailanganin mo at nakapaghanda ka na ng iyong presentasyon. Matapos ang pansarang panalangin sa pagtitipon, magtungo na agad sa larangan. Sa gayon, mas marami kayong magagawa ng iyong kasama sa panahong nakalaan para sa paglilingkod sa larangan.
3 Kung inatasan kang mangasiwa sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, magsimula sa itinakdang oras. Gawing maikli ang pagtitipon—hindi lalampas nang 10 hanggang 15 minuto. Bago umalis ang grupo, tiyaking alam ng bawat isa kung sino ang makakasama niya at kung saan sila mangangaral.
4 Habang Nasa Ministeryo: Pagkatapos na pagkatapos ng pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, huwag nang magtagal pa kundi magtungo na sa teritoryo. Kung maaga kang aalis sa teritoryo, marahil maaari kang magsaayos ng iyong sariling transportasyon upang ang iba pa sa grupo ay hindi kailanganing umalis nang maaga. Kapag gumagawang kasama ng grupo, maging makonsiderasyon sa iba na naghihintay na matapos kang makipag-usap. Maaaring mataktikang magpaalam sa taong nakikipagtalo o magsaayos na bumalik sa ibang pagkakataon sa isang interesado.—Mat. 10:11.
5 Kapag dumadalaw-muli, maiiwasan mo ang di-kinakailangang pagbibiyahe kung dadalaw ka sa mga nasa isang lugar bago lumipat sa ibang lugar. Maaaring tawagan sa telepono ang ilang indibiduwal na balak mong dalawin para matiyak na nasa bahay sila. (Kaw. 21:5) Kung alam mong matatagalan ka sa pagdalaw-muli, maaaring isaayos ng iba pa sa inyong grupo na mangaral sa malapit o gumawa ng ibang pagdalaw-muli.
6 Nabubuhay tayo sa panahon ng malaking espirituwal na pag-aani. (Mat. 9:37, 38) Malapit nang matapos ang gawain. Kaya nga, dapat nating maging hangarin na gamiting mabuti ang ating panahon habang nasa ministeryo.