Tanong
◼ Paano makakatulong ang bawat isa para hindi magambala ang iba sa panahon ng mga pulong sa kongregasyon? (Deut. 31:12)
Bilang paggalang kay Jehova at sa inilaan niyang mga pulong sa kongregasyon, ang lahat ay pinasisigla na dumating nang maaga at maging handang magpaturo sa kaniya. Makabubuting umupo sa bandang unahan ng bulwagan para makaupo sa likod ang mga may maliliit na anak at ang mga paminsan-minsang nahuhuli. Bago magsimula ang pulong, i-adjust ang setting ng anumang gadyet para hindi makagambala. Maiiwasan o mababawasan ang mga panggambala kung igagalang ng lahat ang panahon ng pulong.—Ecles. 5:1; Fil. 2:4.
Kapag may mga baguhang dumalo sa pulong, makabubuting tabihan sila ng sinumang kapatid na nakakakilala sa kanila. Lalo nang kailangan ito kung mayroon silang maliliit na anak na dapat sanayin. Kung naninibago pa sila sa pagdalo sa mga pulong, mas magiging komportable sila kung sa bandang likuran sila uupo. Doon, hindi sila masyadong makakagambala sakaling kailangan nilang lumabas sandali para asikasuhin ang mga bata. (Kaw. 22:6, 15) Ang mga pamilyang may maliliit na anak ay hindi dapat nakaupo sa isang bukod na silid dahil baka isipin ng mga bata na puwede na silang mag-ingay doon. Makabubuti para sa mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga anak o asikasuhin ang pangangailangan ng mga ito sa labas ng bulwagan at saka bumalik sa loob kasama ang mga bata.
Tinitiyak ng mga attendant na mapanatili ang isang kalagayang karapat-dapat para sa bahay ng pagsamba. Inihahanap nila ng angkop na mauupuan ang mga pamilya at ang mga paminsan-minsang nahuhuli. Sinisikap ng mga attendant na maging mataktika at maingat para hindi sila makagambala habang inihahanap ng komportableng mauupuan ang iba. Kapag nagkaroon ng di-inaasahang problema, may-kahusayan nilang nilulutas ito. Kapag nakagagambala na ang isang bata, may-kabaitan silang nag-aalok ng tulong.
Ang lahat ng nasa pulong ay may magagawa para di-magambala ang iba habang kumukuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin hinggil sa isang mapayapa at matuwid na bagong sanlibutan.—Heb. 10:24, 25.