Huwag Sabihin—“Napakaabala Ko”
1. Bakit nag-aalangan ang ilan na mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya?
1 Nag-aalangan ang ilan na mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya dahil napakaabala nila. Kailangan kasi ng panahon sa paghahanda at pagdaraos ng pag-aaral, at sa pagtulong sa estudyante sa Bibliya na mapagtagumpayan ang mga hadlang sa kaniyang espirituwal na pagsulong. Sinabi ni apostol Pablo na ibinahagi niya ang kaniyang kaluluwa para matulungan ang mga taga-Tesalonica na makilala si Jehova. (1 Tes. 2:7, 8) Paano tayo makapagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya kahit na napakaabala natin?
2. Kung mahal natin si Jehova, paano natin gagamitin ang ating panahon?
2 Kailangan ng Panahon sa Pagsamba: Ang totoo, kailangan ng panahon sa ating pagsamba. Halimbawa, regular tayong naglalaan ng panahon sa pagdalo sa mga pulong, pakikibahagi sa ministeryo, pagbabasa ng Bibliya, at pananalangin. Kahit abala ang isa, tiyak na maglalaan siya ng panahon para sa kaniyang asawa. Gaano pa kaya sa Diyos na Jehova. Kung mahal natin siya, ‘bibilhin’ natin ang panahon para sambahin siya. (Efe. 5:15-17; 1 Juan 5:3) Ayon kay Jesus, mahalagang bahagi ng ating pagsamba ang paggawa ng alagad. (Mat. 28:19, 20) Kung bubulay-bulayin natin ito, tutulungan tayo nitong seryosohin ang pananagutan nating magdaos ng pag-aaral sa Bibliya.
3. Paano natin maidaraos ang pag-aaral sa Bibliya kapag hindi ipinahihintulot ng ating kalagayan na gawin ito?
3 Paano kung mayroon tayong trabaho, sakit, o teokratikong mga atas? May mga mamamahayag na nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng telepono o Internet kapag hindi nila mapupuntahan ang inaaralan nila. Isinasaayos naman ng mga kapatid na may problema sa kalusugan na ang mga estudyante nila ang pumunta sa kanilang bahay. Pinakikisuyuan naman ng ilan ang maaasahang mga kapatid na siyang magdaos ng pag-aaral kapag hindi sila puwede.
4. Anong mga pagpapala ang matatanggap natin kung makikibahagi tayo sa pagtuturo ng Bibliya?
4 Tuwang-tuwa si Pablo na gamitin ang kaniyang panahon at lakas sa pagtuturo ng katotohanan. (Gawa 20:35) Kapag naiisip niya ang mga natulungan niya sa Tesalonica, pinasasalamatan niya si Jehova. (1 Tes. 1:2) Higit na kaligayahan at kasiyahan ang madarama natin kung hindi natin iisiping napakaabala natin para magturo ng Bibliya.