Akayin ang mga Estudyante sa Organisasyon na Nasa Likod ng Ating Pangalan
1 “Ito ang mensaheng sinasalita sa mahigit na 200 wika. Ito ang mensaheng naririnig sa mahigit na 210 lupain. Ito ang mensaheng inihahatid nang personal saanman masusumpungan ang mga tao. Ito’y bahagi ng pinakadakilang kampanya sa pangangaral na kailanma’y nabatid ng daigdig, isang mensaheng nagbubuklod sa milyun-milyon sa buong daigdig. Ang mga Saksi ni Jehova ay inorganisa upang ganapin ang gawaing ito sa mahigit nang isang daang taon!”
2 Ganito nagpasimula ang salaysay sa video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Ito’y nagpatuloy sa pagsagot sa mga katanungang: Sino talaga ang mga Saksi ni Jehova? Paanong ang kanilang gawain ay inorganisa? Pinangangasiwaan? Ginagastusan? Idinidiin nito sa mga nanonood ang bagay na “ang Mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay sinanay bilang isang organisasyon upang tulungan ang kanilang kapuwa na magkaroon ng pananampalataya sa Bibliya,” at ito ay nagpapasigla sa kanila na malasin para sa ganang sarili ang organisasyon sa likod ng ating pangalan. Pagkatapos na makita ang videong ito, isang babae na nakikipag-aral ang napaluha sa kagalakan at pagpapahalaga at nagsabi: “Paano mangyayaring hindi makita ninuman na ito ang organisasyon ng tunay na Diyos, si Jehova?”—Ihambing ang 1 Corinto 14:24, 25.
3 May isa pang babae na nag-aaral ng Bibliya sa mahabang panahon, subalit hindi matanggap ang katotohanan na ang Trinidad ay isang huwad na doktrina. Pagkatapos ay ipinakita sa kaniya at sa kaniyang asawa ang ating video. Sila’y lubhang humanga sa presentasyon at pinanood iyon ng dalawang ulit sa gabing iyon. Sa kanilang sumunod na pag-aaral, ipinahayag ng asawang babae ang kaniyang pagnanais na maging isang Saksi. Sinabi niyang siya’y nakatutok lamang sa paniniwala sa Trinidad at hindi tiningnan ang ating organisasyon at ang mga taong naroroon. Mula sa video ay kaniyang napatunayang nasumpungan niya ang tunay na organisasyon ng Diyos. Nais niyang magpasimula karaka-raka ng pangangaral sa bahay-bahay. Pagkatapos na maipaliwanag sa kaniya kung ano ang kinakailangang mga hakbang para maging isang di bautisadong mamamahayag, sinabi niya: “Gawin natin agad.” Siya’y nagbitiw sa kaniyang relihiyon, nagpasimula sa paglilingkuran sa larangan, at naging bihasa sa pagpapabulaan sa Trinidad.
4 Maliwanag na napatunayang ang mga estudyante sa Bibliya ay nagkakaroon ng mas mahusay na pagsulong sa espirituwal at mabilis na lumalago sa pagkamaygulang kapag kanilang kinikilala ang organisasyon ni Jehova at nakikisama dito. Kapansin-pansin, na pagkatapos na nabautismuhan ang 3,000 noong Pentecostes, “nagpatuloy sila sa pag-uukol ng kanilang sarili sa turo ng mga apostol at sa pakikisama sa isa’t isa.” (Gawa 2:42, talababa sa Ingles) Mahalaga na ating tulungan ang mga estudyante sa Bibliya na gayon din ang gawin sa ngayon. Paano?
5 Balikatin ang Pananagutan: Dapat kilalanin ng bawat gumagawa ng alagad na pananagutan niyang akayin sa organisasyon ng Diyos ang estudyante sa Bibliya. (1 Tim. 4:16) Ang bawat sesyon sa pag-aaral ay dapat malasin bilang isang tuntungang-bato tungo sa maligayang araw kapag sasagisagan na ng baguhan ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ang isang katanungan na itatanong sa seremonya ng bautismo ay: “Nauunawaan mo ba na ang iyong pag-aalay at bautismo ay magpapakilala sa iyo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova na nakikisama sa organisasyon na inuugitan ng espiritu ng Diyos?” Kaya, mahalaga na mabatid niya na hindi siya maaaring maglingkod sa Diyos kung walang aktibong pakikisama sa tunay na kongregasyong Kristiyano.—Mat. 24:45-47; Juan 6:68; 2 Cor. 5:20.
6 Patuloy na turuan ang estudyante hinggil sa lokal na kongregasyon at sa internasyonal na organisasyon na nasa likod ng mga Saksi ni Jehova. Gawin ito sa bawat sesyon ng pag-aaral sa Bibliya, mula sa unang pag-aaral. Sa mismong pasimula, anyayahan ang estudyante sa mga pulong, at patuloy na anyayahan siya.—Apoc. 22:17.
7 Gamitin ang mga Inilaang Kasangkapan: Ang pinakamabuti nating mga publikasyon para gamitin sa pagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Itinatampok ng mga ito ang pangangailangang makisama sa kongregasyon. Ang katapusan ng leksiyon 5 ng brosyur na Hinihiling ay nagsasabi: “Kailangan mong patuloy na kumuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at sundin ang kaniyang mga hinihiling. Ang pagdalo sa mga pulong sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay tutulong sa iyo na gawin ito.” Ang aklat na Kaalaman ay paulit-ulit na nagpapasigla sa estudyante na makisama sa mga pulong. Ang kabanata 5, parapo 22, ay nagpapaabot ng ganitong paanyaya: “[Ang] mga Saksi ni Jehova . . . [ay] taimtim na humihimok sa iyo na makibahagi sa kanila sa pagsamba sa Diyos ‘sa espiritu at katotohanan.’ (Juan 4:24)” Ang kabanata 12, parapo 16, ay nagsasabi: “Habang ipinagpapatuloy mo ang pag-aaral na ito at kinauugalian ang pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, higit pang titibay ang iyong pananampalataya.” Ang kabanata 16, parapo 20, ay nagsasabi: “Ugaliing dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.” Dagdag pa nito: “Ito’y tutulong sa iyong maunawaan at maikapit ang kaalaman ng Diyos sa iyong buhay at magdudulot sa iyo ng kaligayahan. Ang pagiging bahagi ng pandaigdig na Kristiyanong kapatiran ay tutulong sa iyo na makapanatiling malapit kay Jehova.” Ang kabanata 17 ay lubusang tumatalakay kung paano masusumpungan ng isa ang tunay na katiwasayan kasama ng bayan ng Diyos. Habang tayo’y nakikipag-aral kasama ng iba, pananagutan nating idiin ang mga bahaging ito ng materyal.
8 Ang brosyur na Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig ay isang mainam na kasangkapan na ginawa upang ipakilala sa mga indibiduwal ang tanging nakikitang organisasyon na ginagamit ni Jehova sa ngayon upang ganapin ang kaniyang kalooban. Ang nilalaman nitong detalyadong impormasyon hinggil sa ating ministeryo, mga pulong, at organisasyon ay magpapasigla sa mambabasa na makisama sa atin sa pagsamba sa Diyos. Minsang naitatag ang isang pag-aaral sa Bibliya, inirerekomenda na ating bigyan ang estudyante ng kopya ng brosyur na ito upang basahin niya. Hindi na kailangang pag-aralan ito na kasama niya gaya ng ginawa noong nakaraan.
9 Ang ilan sa mga video na ginawa ng Samahan ay napakainam na mga kasangkapan upang akayin ang mga estudyante sa organisasyon na nasa likod ng ating pangalan. Ang mga ito ay: (1) The New World Society in Action, pagrerepaso ng pelikula noong 1954 na nagpatingkad sa mabanayad, mahusay, at maibiging espiritu na nagpapakilos sa organisasyon ni Jehova; (2) United by Divine Teaching, na nagsusuri sa mapayapang pagkakaisa na namamalas sa ating internasyonal na mga kombensiyon sa Silanganing Europa, Timog Amerika, Aprika, at Asia; (3) To the Ends of the Earth, na nag-uukol ng pansin sa ika-50 anibersaryo ng Watchtower Bible School of Gilead at nagpapakita sa nagawa ng mga misyonero sa pambuong daigdig na gawaing pangangaral; (4) Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault, na nagsasaysay ng nakapupukaw na istorya ng tibay-loob at pananagumpay ng mga Saksi sa harap ng malupit na pag-uusig sa kanila ni Hitler; at sabihin pa, ang (5) Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name.
10 Magtakda ng Progresibong mga Tunguhin para sa mga Pulong: Dapat na ipaliwanag sa mga estudyante ng Bibliya na kailangan natin ang kapuwa pribadong pagtuturo sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya at ang mga pagtalakay sa silid-aralan na inilalaan sa mga pulong ng kongregasyon. (Juan 6:45) Kailangan ng isang baguhan ng magkaparehong pagsulong ng kaniyang kaalaman kapuwa sa mga Kasulatan at sa organisasyon. Upang matamo ito, wala nang maipapalit pa sa pagdalo sa mga pulong. (Heb. 10:23-25) Magpasimulang anyayahan kaagad ang tao sa mga pulong ng kongregasyon. Ang ilang bagong interesado ay nagpasimulang dumalo sa mga pulong kahit na bago nagkaroon ng regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sabihin pa, nais natin mismo na magbigay ng wastong halimbawa sa pamamagitan ng pagiging regular natin sa pagdalo.—Luc. 6:40; Fil. 3:17.
11 Ibahagi ang sapat na impormasyon hinggil sa mga pulong at kung paano ito idinaraos upang maging palagay ang estudyante kapag dumalo sa una niyang pulong. Yamang ang ilang tao ay hindi mapalagay kapag nagtutungo sa mga bagong lugar sa unang pagkakataon, kaypala’y makabubuting samahan ang estudyante sa Kingdom Hall kapag siya’y dumalo sa una niyang pulong. Siya’y higit na mapapalagay kung kayo’y kasama niya habang nakikilala niya ang mga miyembro ng kongregasyon. Higit sa lahat, maging mabuting punong-abala sa inyong bisita, anupat nadarama niyang siya’y malugod na tinatanggap at nagiginhawahan.—Mat. 7:12; Fil. 2:1-4.
12 Pasiglahin ang estudyante na dumalo sa pantanging araw ng asamblea, pansirkitong asamblea, o pandistritong kombensiyon sa unang pagkakataon. Marahil ay maisasama ninyo siya sa inyong mga kaayusan para sa transportasyon.
13 Ikintal ang Buong-Pusong Pagpapahalaga: Ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 92, ay nagpapaliwanag: “Kung ang inyong sariling taimtim na pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova ay naaaninaw sa pakikipag-usap ninyo sa mga taong interesado, mas madaling lalago ang pagpapahalaga nila at pakikilusin sila nito upang makagawa ng mas malaking pagsulong sa pagkilala kay Jehova.” Laging magsalita nang positibo, huwag kailanman negatibo, hinggil sa inyong lokal na kongregasyon. (Awit 84:10; 133:1, 3b) Sa panalanging inyong binibigkas sa pag-aaral ng Bibliya, banggitin ang kongregasyon at ang pangangailangan ng estudyante na makisama dito nang regular.—Efe. 1:15-17.
14 Tunay na nais nating magkaroon ang mga baguhan ng taos-pusong pagpapahalaga sa kasiya-siyang pakikipagsamahan at espirituwal na katiwasayan na nasusumpungan sa bayan ng Diyos. (1 Tim. 3:15; 1 Ped. 2:17; 5:9) Bilang mga Saksi ni Jehova, ating gawin ang lahat ng ating makakaya upang akayin ang mga estudyante ng Salita ng Diyos sa organisasyon na nasa likod ng ating pangalan.
[Blurb sa pahina 3]
Lalong bumibilis ang espirituwal na pagsulong ng mga estudyante kapag kanilang nakikita sa ganang sarili ang organisasyon
[Blurb sa pahina 4]
Huwag antalahin ang pag-aanyaya sa mga estudyante na dumalo sa mga pulong