“Lubusang Nasangkapan Ukol sa Bawat Mabuting Gawa”
1 Ang bayan ni Jehova ngayon ay saganang pinagpala ng masustansiyang espirituwal na pagkain. (Isa. 25:6) Napakarami ang matatamasang maka-Kasulatang materyal sa pamamagitan ng personal at pampamilyang pag-aaral at sa mga pulong ng kongregasyon, asamblea, at mga kombensiyon. Subalit lubusan ba nating sinasamantala ang lahat ng ito upang maging “lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa”?—2 Tim. 3:17.
2 Isipin na lamang ang espirituwal na pagkain para sa taóng 1998, na ang kalahati nito ay nakaraan na! Sa pamamagitan ng lingguhang mga pulong ng kongregasyon, tinatalakay natin ang ilan sa mga tampok na bahagi ng 23 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, nirerepaso ang impormasyon na masusumpungan sa Insight on the Scriptures may kinalaman sa mga buhay ng 49 na mga tauhan sa Bibliya, at isinasaalang-alang ang 138 pahina ng aklat na Tagapaghayag. Nirerepaso rin natin ang sangkatlo ng aklat na Kaalaman, ang halos kabuuan ng aklat na Kaligayahan sa Pamilya, at ang buong aklat na Salita ng Diyos. Karagdagan pa rito, sinusustinihan tayo ng 12 isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian, 52 araling artikulo sa Bantayan, at halos gayunding dami ng pahayag pangmadla na tumatalakay sa iba’t ibang paksa ng Bibliya. Karagdagan pa sa lahat ng ito ang mahahalagang programa sa mga kombensiyon at asamblea. Kay saganang espirituwal na mabubuting bagay ang inilalaan sa atin!
3 Pahalagahan ang mga Paglalaan ni Jehova: Upang lubusang makinabang, kailangang pahalagahan natin kung bakit inilalaan ni Jehova ang gayong espirituwal na kasaganaan. Ang pagkain sa mabubuting bagay na ito ay nagpapalakas ng ating pananampalataya at nagpapatibay ng ating kaugnayan sa kaniya. (1 Tim. 4:6) Gayunman, ang espirituwal na pagkain ay hindi inilalaan para lamang turuan tayo. Inuudyukan tayo nito upang ibahagi ang katotohanan sa iba at sinasangkapan tayo upang maging mabisa sa paggawa nito bilang mga ministro ng mabuting balita.—2 Tim. 4:5.
4 Huwag nating pabayaan ang ating espirituwal na mga pangangailangan, kundi laging linangin ang pananabik ukol sa masustansiya at kasiya-siyang espirituwal na mga paglalaan mula sa mesa ni Jehova. (Mat. 5:3; 1 Ped. 2:2) Upang makinabang nang lubusan, kailangang maglaan ng sapat na panahon para sa gayong mahahalagang bagay na gaya ng regular na personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong. (Efe. 5:15, 16) Ang mga nakasisiyang gantimpala sa paggawa ng gayon ay makakasuwato ng kinasihang pampatibay-loob na isinulat ni Pablo sa mga tapat na Hebreong Kristiyano, gaya ng nakaulat sa Hebreo 13:20, 21.