Bahagi 7—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Pananalangin sa Pag-aaral
1. (a) Bakit angkop na simulan at tapusin ang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng panalangin? (b) Paano natin ipaliliwanag at pasisimulan ang pananalangin sa isang pag-aaral sa Bibliya?
1 Upang sumulong sa espirituwal ang mga estudyante sa Bibliya, kailangan ang pagpapala ni Jehova. (1 Cor. 3:6) Kaya nga angkop na simulan at tapusin ang pag-aaral sa pamamagitan ng panalangin. Kadalasan nang magagawa natin ito sa mismong kauna-unahang pakikipag-aral sa mga taong relihiyoso. Sa iba naman, baka kailangan nating gumamit ng unawa kung kailan angkop na ipaliliwanag at pasisimulan ang pananalangin sa pag-aaral. Maaari mong gamitin ang Awit 25:4, 5 at 1 Juan 5:14 upang tulungan ang estudyante na maunawaan kung bakit dapat manalangin at gamitin din ang Juan 15:16 upang ipaliwanag ang kahalagahan ng pananalangin kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
2. Kung bautisadong brother o lalaking di-bautisadong mamamahayag ang kasama ng isang sister sa pag-aaral sa Bibliya, sino ang mananalangin?
2 Sino ang dapat manalangin sa isang pag-aaral sa Bibliya? Kapag bautisadong brother ang kasama ng isang sister sa pag-aaral, ang brother ang mananalangin, bagaman maaaring pangasiwaan ng sister ang pag-aaral samantalang nalalambungan ang kaniyang ulo. (1 Cor. 11:5, 10) Sa kabilang dako, kung lalaking di-bautisadong mamamahayag ng Kaharian naman ang kasama ng isang sister sa pag-aaral, ang sister ang mananalangin. Sa gayong kalagayan, dapat siyang maglambong sa ulo kapag nananalangin at nangangasiwa sa pag-aaral.
3. Anu-anong bagay ang angkop na ipanalangin sa isang pag-aaral sa Bibliya?
3 Kung Ano ang Ipananalangin: Hindi kailangang habaan ang mga panalangin sa pag-aaral sa Bibliya, subalit dapat na espesipiko ang mga ito. Bukod sa paghiling ng pagpapala ng Diyos sa pag-aaral at pagpapasalamat sa mga katotohanang natutuhan, angkop na papurihan si Jehova bilang ang Pinagmumulan ng tagubilin. (Isa. 54:13) Maaari rin nating ilakip ang mga kapahayagang nagpapakita ng ating taimtim na interes sa estudyante at ng ating pagpapahalaga sa organisasyong ginagamit ni Jehova. (1 Tes. 1:2, 3; 2:7, 8) Kapag hinihiling natin ang pagpapala ni Jehova sa mga pagsisikap ng estudyante na ikapit ang kaniyang natututuhan, matutulungan siyang makita ang kahalagahan ng pagiging ‘tagatupad ng salita.’—Sant. 1:22.
4. Anu-anong pakinabang ang matatamo kung sisimulan at tatapusin ang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng panalangin?
4 Maraming pakinabang ang natatamo sa pananalangin. Nagdudulot ito ng pagpapala ng Diyos. (Luc. 11:13) Idiniriin nito ang kahalagahan ng pag-aaral sa Salita ng Diyos. Habang nakikinig ang estudyante sa ating mga panalangin, natututo siyang manalangin. (Luc. 6:40) Bukod diyan, ang mga panalangin na nagmumula sa pusong lipos ng pag-ibig sa Diyos at ng pasasalamat sa kaniyang walang-kapantay na mga katangian ay makatutulong sa estudyante na linangin ang personal na kaugnayan kay Jehova.