Isaias
5 Pakisuyong paawitin ninyo ako sa aking minamahal ng isang awit tungkol sa iniibig ko may kinalaman sa kaniyang ubasan.+ Nagkaroon ng ubasan ang aking minamahal sa isang mabungang dalisdis ng burol. 2 At kaniyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato at tinamnan ng isang piling punong ubas na pula, at nagtayo siya ng tore sa gitna niyaon.+ At isang pisaan ng ubas din ang hinukay niya roon.+ At patuloy siyang umaasa na magbubunga iyon ng mga ubas,+ ngunit nang maglaon ay nagbunga iyon ng mga ubas na ligáw.+
3 “At ngayon, O kayong mga tumatahan sa Jerusalem at kayong mga tao ng Juda, pakisuyong humatol kayo sa pagitan ko at ng aking ubasan.+ 4 Ano pa ba ang magagawa para sa aking ubasan na hindi ko pa nagawa roon?+ Bakit ako umasa na magbubunga iyon ng mga ubas, ngunit nang maglaon ay nagbunga iyon ng mga ubas na ligáw? 5 At ngayon, pakisuyo, maaari bang ipaalam ko sa inyo kung ano ang gagawin ko sa aking ubasan: Aalisin ang halamang-bakod nito,+ at itatalaga iyon sa pagsunog.+ Gigibain ang batong pader nito, at itatalaga iyon bilang dakong niyuyurakan.+ 6 At itatalaga ko iyon bilang isang bagay na sira.+ Hindi iyon pupungusan, ni aasarulin man.+ At tutubuan iyon ng tinikang-palumpong at mga panirang-damo;+ at ang mga ulap ay uutusan kong huwag magbuhos ng ulan doon.+ 7 Sapagkat ang ubasan+ ni Jehova ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao ng Juda ay siyang taniman na kaniyang kinagiliwan.+ At patuloy niyang inaasahan ang kahatulan,+ ngunit, narito! ang paglabag sa kautusan; ang katuwiran, ngunit, narito! ang pagdaing.”+
8 Sa aba ng mga nagdurugtong ng bahay sa bahay,+ at ng mga nagsusudlong ng bukid sa bukid hanggang sa wala nang dako+ at kayo na lamang ang tumatahan sa gitna ng lupain! 9 Sa aking pandinig [ay sumumpa] si Jehova ng mga hukbo na maraming bahay, bagaman malalaki at magaganda, ang lubusang magiging bagay na panggigilalasan, na walang tumatahan.+ 10 Sapagkat kahit ang sampung akre+ ng ubasan ay magbibigay lamang ng isang takal na bat,+ at kahit ang isang takal na homer ng binhi ay magbibigay lamang ng isang takal na epa.+
11 Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin,+ na nagtatagal hanggang sa kadiliman ng gabi anupat pinagniningas sila ng alak!+ 12 At dapat na may alpa at panugtog na de-kuwerdas, tamburin at plawta, at alak sa kanilang mga piging;+ ngunit ang gawain ni Jehova ay hindi nila tinitingnan, at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay hindi nila nakikita.+
13 Kaya ang aking bayan ay yayaon sa pagkatapon dahil sa kakulangan ng kaalaman;+ at ang kanilang magiging kaluwalhatian ay mga taong gutom na gutom,+ at ang kanilang pulutong ay matitigang sa uhaw.+ 14 Kaya pinaluwang ng Sheol ang kaluluwa nito at ibinukang mabuti ang bibig nito nang walang hangganan;+ at yaong marilag na nasa kaniya, gayundin ang kaniyang pulutong at ang kaniyang kaguluhan at ang nagbubunyi, ay tiyak na lulusong doon.+ 15 At ang makalupang tao ay yuyukod, at ang tao ay mábababâ, at maging ang mga mata ng matataas ay mábababâ.+ 16 At si Jehova ng mga hukbo ay magiging mataas sa pamamagitan ng kahatulan,+ at tiyak na pababanalin ng tunay na Diyos, ng Isa na Banal,+ ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng katuwiran.+ 17 At ang mga lalaking kordero ay manginginain ngang gaya ng sa kanilang pastulan; at ang mga tiwangwang na dako ng mga patabaing hayop ay kakainin ng mga naninirahang dayuhan.+
18 Sa aba ng mga humihila ng kamalian sa pamamagitan ng mga lubid ng kabulaanan, at ng kasalanan sa pamamagitan ng mga panali ng karwahe;+ 19 silang nagsasabi: “Madaliin ang kaniyang gawain; dumating sana iyon nang mabilis, upang makita namin iyon; at ang pasiya nawa ng Banal ng Israel ay mapalapit at dumating, upang malaman namin iyon!”+
20 Sa aba ng mga nagsasabi na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti,+ silang nagtuturing na ang kadiliman ay liwanag at ang liwanag ay kadiliman, silang nagtuturing na ang mapait ay matamis at ang matamis ay mapait!+
21 Sa aba ng marurunong sa kanilang sariling paningin at maiingat sa harap nga ng kanilang sariling mga mukha!+
22 Sa aba ng malalakas sa pag-inom ng alak, at ng mga lalaking may kalakasan sa pagtitimpla ng nakalalangong inumin,+ 23 ng mga nag-aaring matuwid sa balakyot dahil sa suhol,+ at nag-aalis pa nga ng katuwiran ng matuwid mula sa kaniya!+
24 Kaya kung paanong nilalamon ng dila ng apoy ang pinaggapasan+ at sa mga liyab ay natutupok ang tuyong damo, ang kanilang tuod mismo ay magiging gaya ng amoy-amag,+ at ang kanilang bulaklak mismo ay iilanlang na gaya ng alabok, sapagkat itinakwil nila ang kautusan ni Jehova ng mga hukbo,+ at ang pananalita ng Banal ng Israel ay winalang-galang nila.+ 25 Iyan ang dahilan kung bakit ang galit ni Jehova ay nag-init laban sa kaniyang bayan, at kaniyang iuunat ang kamay niya laban sa kanila at sasaktan sila.+ At ang mga bundok ay maliligalig,+ at ang kanilang mga bangkay ay magiging gaya ng yagit sa gitna ng mga lansangan.+
Sa lahat ng ito ay hindi pa napapawi ang kaniyang galit, kundi nakaunat pa ang kaniyang kamay. 26 At nagtaas siya ng hudyat sa isang dakilang bansa sa malayo,+ at sinipulan niya iyon sa dulo ng lupa;+ at, narito! dali-daling darating iyon nang matulin.+ 27 Walang sinumang pagod ni may sinuman sa kanila na natitisod. Walang sinumang nag-aantok at walang sinumang natutulog. At ang sinturon sa kanilang mga balakang ay tiyak na hindi bubuksan, ni ang mga sintas man ng kanilang mga sandalyas ay mapapatid; 28 sapagkat ang kanilang mga palaso ay pinatulis at ang lahat ng kanilang mga busog ay nakahutok.+ Ang mismong mga kuko ng kanilang mga kabayo ay ibibilang na batong pingkian,+ at ang kanilang mga gulong naman ay bagyong hangin.+ 29 Ang pag-ungal nila ay gaya ng sa leon, at umuungal silang gaya ng mga may-kilíng na batang leon.+ At uungol sila at susunggaban ang nasila at tatangayin iyon, at walang magiging tagapagligtas.+ 30 At uungulan nila iyon sa araw na iyon gaya ng pag-ungol ng dagat.+ At ang isa ay tititig nga sa lupain, at, narito! may nakapipighating kadiliman;+ at maging ang liwanag ay nagdilim dahil sa mga patak na bumabagsak doon.