Apocalipsis
11 At isang tambo na tulad ng isang tungkod+ ang ibinigay sa akin habang sinasabi niya: “Tumindig ka at sukatin mo ang santuwaryo ng templo+ ng Diyos at ang altar at yaong mga sumasamba roon. 2 Ngunit kung tungkol naman sa looban na nasa labas+ ng santuwaryo ng templo, lubusan mo itong pabayaan at huwag mong sukatin, sapagkat ibinigay na ito sa mga bansa,+ at yuyurakan nila ng kanilang mga paa ang banal na lunsod+ sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan.+ 3 At ang aking dalawang+ saksi ay pangyayarihin kong manghula+ nang isang libo dalawang daan at animnapung araw na nadaramtan ng telang-sako.”+ 4 Ang mga ito ay isinasagisag ng dalawang punong olibo+ at ng dalawang kandelero+ na nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa.+
5 At kung nais ng sinuman na pinsalain sila, lumalabas ang apoy mula sa kanilang mga bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway;+ at kung nanaisin ng sinuman na pinsalain sila, sa ganitong paraan siya dapat patayin. 6 Ang mga ito ay may awtoridad na sarhan ang langit+ upang walang bumuhos na ulan+ sa mga araw ng kanilang panghuhula, at may awtoridad sila sa mga tubig upang gawing dugo+ ang mga ito at upang hampasin ang lupa ng bawat uri ng salot sa tuwing kanilang naisin.
7 At kapag natapos na nila ang kanilang pagpapatotoo, ang mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman+ ay makikipagdigma sa kanila at dadaigin sila at papatayin sila.+ 8 At ang kanilang mga bangkay ay malalagay sa malapad na daan ng dakilang lunsod na sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma+ at Ehipto, kung saan ang kanilang Panginoon ay ibinayubay rin.+ 9 At yaong mula sa mga bayan at mga tribo at mga wika at mga bansa+ ay titingin sa kanilang mga bangkay nang tatlo at kalahating araw,+ at hindi nila hahayaang mailagay sa libingan ang kanilang mga bangkay. 10 At yaong mga tumatahan sa lupa ay nagsasaya+ dahil sa kanila at nagkakatuwaan, at magpapadala sila ng mga kaloob sa isa’t isa,+ sapagkat pinahirapan ng dalawang propetang ito yaong mga tumatahan sa lupa.
11 At pagkatapos ng tatlo at kalahating araw+ ay pumasok sa kanila ang espiritu ng buhay mula sa Diyos,+ at tumayo sila sa kanilang mga paa, at dinatnan ng malaking takot yaong mga nagmamasid sa kanila. 12 At narinig nila ang isang malakas na tinig+ mula sa langit na nagsasabi sa kanila: “Umakyat kayo rito.”+ At umakyat sila sa langit na nasa ulap, at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway. 13 At nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at ang ikasampu+ ng lunsod ay bumagsak; at pitong libong tao ang napatay ng lindol, at ang iba ay natakot at nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ng langit.+
14 Ang ikalawang kaabahan+ ay natapos na. Narito! Ang ikatlong kaabahan ay dumarating nang madali.
15 At hinipan ng ikapitong anghel ang kaniyang trumpeta.+ At nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, na nagsasabi: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon+ at ng kaniyang Kristo,+ at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.”+
16 At ang dalawampu’t apat na matatanda+ na nakaupo sa kanilang mga trono sa harap ng Diyos ay nagsubsob ng kanilang mga mukha+ at sumamba sa Diyos,+ 17 na sinasabi: “Pinasasalamatan ka namin,+ Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat,+ ang Isa na ngayon+ at ang nakaraan, sapagkat kinuha mo na ang iyong dakilang kapangyarihan+ at nagsimulang mamahala bilang hari.+ 18 Ngunit ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot ay dumating, at ang takdang panahon upang hatulan ang mga patay, at upang ibigay ang kanilang gantimpala+ sa iyong mga alipin na mga propeta+ at sa mga banal at doon sa mga natatakot sa iyong pangalan, sa maliliit at sa malalaki,+ at upang ipahamak+ yaong mga nagpapahamak sa lupa.”+
19 At ang santuwaryo ng templo ng Diyos na nasa langit+ ay nabuksan, at ang kaban+ ng kaniyang tipan ay nakita sa santuwaryo ng kaniyang templo.+ At nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog at isang lindol at makapal na graniso.