Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Nehemias 1:1-13:31
  • Nehemias

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nehemias
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Nehemias

NEHEMIAS

1 Ang mga salita ni Nehemias*+ na anak ni Hacalias: Noong ika-20 taon, buwan ng Kislev,* ako ay nasa palasyo* ng Susan.*+ 2 At dumating si Hanani,+ na isa sa mga kapatid ko, kasama ang iba pang lalaki mula sa Juda. Tinanong ko sila tungkol sa mga Judiong nakaligtas sa pagkabihag+ at tungkol sa Jerusalem. 3 Sumagot sila: “Kaawa-awa at kahiya-hiya ang kalagayan ng mga nasa nasasakupang distrito* na nakaligtas sa pagkabihag.+ Giba ang mga pader ng Jerusalem,+ at nasunog ang mga pintuang-daan nito.”+

4 Nang marinig ko ito, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno,*+ at nanalangin sa Diyos ng langit. 5 Sinabi ko: “O Jehova, ang Diyos ng langit, ang Diyos na dakila at kahanga-hanga,* na tumutupad sa kaniyang tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya,+ 6 pakisuyo, pakinggan mo nawa at bigyang-pansin ang panalangin sa iyo ngayon ng iyong lingkod. Araw at gabi,+ nananalangin ako may kinalaman sa iyong mga lingkod na Israelita at sa mga kasalanan sa iyo ng bayang Israel. Nagkasala kami, ako at ang sambahayan ng aking ama.+ 7 Talagang nagkasala kami sa iyo+ dahil hindi namin sinunod ang mga utos, tuntunin, at desisyon* na ibinigay mo sa lingkod mong si Moises.+

8 “Pakisuyo, alalahanin mo ang sinabi* mo sa lingkod mong si Moises: ‘Kung hindi kayo magiging tapat, pangangalatin ko kayo sa mga bansa.+ 9 Pero kung manunumbalik kayo sa akin at susunod sa mga utos ko, kahit pa mangalat kayo hanggang sa dulo ng lupa, titipunin ko kayo+ at dadalhin sa lugar na pinili ko para doon maluwalhati ang pangalan ko.’+ 10 Sila ay iyong mga lingkod at iyong bayan, na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong malakas na kapangyarihan at kamay.+ 11 O Jehova, pakisuyo, pakinggan mo* ang panalangin ng iyong lingkod at ang panalangin ng iyong mga lingkod na natatakot* sa pangalan mo, at pakisuyo, pagpalain mo ngayon ang iyong lingkod, at magpakita sana ng awa sa akin ang hari.”+

Ako noon ay katiwala ng kopa ng hari.+

2 Noong ika-20 taon+ ni Haring Artajerjes,+ buwan ng Nisan, may nakahandang alak sa harap niya, at gaya ng dati, kinuha ko ang alak at ibinigay iyon sa hari.+ At ngayon lang ako naging matamlay sa harap niya. 2 Kaya sinabi ng hari: “Bakit matamlay ka? Wala ka namang sakit. Tiyak na may bumabagabag sa iyo.” Kaya takot na takot ako.

3 Sinabi ko: “Pagpalain nawa ang hari!* Matamlay po ako dahil wasak ang lunsod kung saan nakalibing ang mga ninuno ko, at ang mga pintuang-daan nito ay natupok ng apoy.”+ 4 Kaya sinabi ng hari: “Ano ang gusto mo?” Nanalangin agad ako sa Diyos ng langit.+ 5 Pagkatapos, sinabi ko sa hari: “Kung mabuti sa hari at kung ang inyong lingkod ay karapat-dapat sa inyong pabor, payagan po sana ninyo akong pumunta sa Juda, sa lunsod kung saan nakalibing ang mga ninuno ko, para maitayo kong muli iyon.”+ 6 Sinabi sa akin ng hari, habang nakaupo sa tabi niya ang kaniyang reyna: “Gaano katagal ang paglalakbay mo, at kailan ka babalik?” Kaya pinayagan ako ng hari,+ at sinabi ko sa kaniya kung gaano katagal akong mawawala.+

7 Sinabi ko pa sa hari: “Kung mabuti sa hari, bigyan nawa ako ng mga liham para sa mga gobernador sa rehiyon sa kabila ng Ilog*+ para ligtas akong makadaan doon papuntang Juda, 8 pati ng isang liham kay Asap na tagapag-ingat ng kagubatan* ng hari para bigyan niya ako ng mga troso na magagamit na biga sa mga pintuang-daan ng Tanggulan+ ng Bahay,* sa mga pader ng lunsod,+ at sa bahay na titirhan ko.” Kaya ibinigay sa akin ng hari ang mga iyon+ dahil tinulungan ako ng aking Diyos.+

9 Nang makarating ako sa rehiyon sa kabila ng Ilog, ibinigay ko sa mga gobernador ang mga liham ng hari. Pinasamahan din ako ng hari sa mga pinuno ng hukbo at sa mga mangangabayo. 10 Nang mabalitaan iyon ni Sanbalat+ na Horonita at ni Tobia+ na Ammonitang+ opisyal,* galit na galit sila na may dumating para gumawa ng mabuti sa bayan ng Israel.

11 Sa wakas, nakarating ako sa Jerusalem at nanatili roon nang tatlong araw. 12 Noong gabi, bumangon ako at ang ilang lalaking kasama ko. Hindi ko ipinaalám kaninuman kung ano ang inilagay ng Diyos sa puso ko na gawin para sa Jerusalem, at wala akong dalang hayop maliban sa hayop na sinasakyan ko. 13 At nang gabing iyon, lumabas ako sa may Pintuang-Daan ng Lambak,+ dumaan sa harap ng Bukal ng Malaking Ahas* hanggang sa Pintuang-Daan ng mga Bunton ng Abo,+ at ininspeksiyon ko ang nagibang mga pader ng Jerusalem at ang mga pintuang-daan nito na natupok ng apoy.+ 14 Pinuntahan ko rin ang Pintuang-Daan ng Bukal+ at ang Imbakan ng Tubig ng Hari, at walang madaanan ang hayop na sinasakyan ko. 15 Pero nagpatuloy ako sa pag-akyat sa lambak,*+ at patuloy kong ininspeksiyon ang pader; pagkatapos, bumalik ako at pumasok sa Pintuang-Daan ng Lambak.

16 Hindi alam ng mga kinatawang opisyal+ kung saan ako pumunta at kung ano ang ginagawa ko dahil wala pa akong anumang sinasabi sa mga Judio, saserdote, prominenteng tao, kinatawang opisyal, at sa mga manggagawa. 17 Kaya sinabi ko sa kanila: “Nakikita ninyo ang kaawa-awang kalagayan natin; wasak ang Jerusalem at nasunog ang mga pintuang-daan nito. Halikayo, muli nating itayo ang mga pader ng Jerusalem para hindi na magpatuloy ang kahihiyang ito.” 18 Pagkatapos, sinabi ko sa kanila kung paano ako tinulungan ng aking Diyos+ at kung ano ang sinabi sa akin ng hari.+ Kaya sinabi nila: “Simulan na natin ang pagtatayo!” At naghanda silang mabuti* para sa gawain.+

19 Nang mabalitaan iyon ni Sanbalat na Horonita, ni Tobia+ na Ammonitang+ opisyal,* at ni Gesem na Arabe,+ sinimulan nila kaming tuyain+ at hamakin. Sinasabi nila: “Ano ang ginagawa ninyo? Nagrerebelde ba kayo sa hari?”+ 20 Sumagot ako: “Ang Diyos ng langit ang tutulong sa amin na magtagumpay,+ at kaming mga lingkod niya ay sama-samang magtatayo; pero kayo ay walang kinalaman sa Jerusalem o anumang karapatan dito o anumang bahagi sa kasaysayan nito.”+

3 Sinimulan ni Eliasib+ na mataas na saserdote at ng mga kapatid niyang saserdote na itayo ang Pintuang-Daan ng mga Tupa.+ Pinabanal* nila ito+ at inilagay ang mga pinto nito; nagpatuloy sila sa pagtatayo hanggang sa Tore ng Mea+ at hanggang sa Tore ni Hananel+ at pinabanal ito. 2 At ang mga lalaking taga-Jerico+ ang nagtayo ng kasunod na bahagi; at si Zacur na anak ni Imri ang nagtayo ng kasunod na bahagi.

3 Itinayo ng mga anak ni Hasenaa ang Pintuang-Daan ng mga Isda;+ nilagyan nila ito ng hamba,+ at saka nila ikinabit ang mga pinto, mga trangka, at mga halang nito. 4 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ni Meremot+ na anak ni Urias na anak ni Hakoz, at ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ni Mesulam+ na anak ni Berekias na anak ni Mesezabel, at ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ni Zadok na anak ni Baana. 5 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng mga Tekoita,+ pero ang kanilang mga prominenteng tao ay hindi nagpakumbaba para makibahagi* sa gawain ng mga nangangasiwa sa kanila.

6 Kinumpuni ng anak ni Pasea na si Joiada at ng anak ni Besodeias na si Mesulam ang Pintuang-Daan ng Matandang Lunsod;+ nilagyan nila ito ng hamba, at saka nila ikinabit ang mga pinto, mga trangka, at mga halang nito. 7 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ni Melatias na Gibeonita+ at ni Jadon na Meronotita, mga lalaking mula sa Gibeon at Mizpa+ na nasa ilalim ng awtoridad* ng gobernador sa rehiyon sa kabila ng Ilog.*+ 8 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng anak ni Harhaias na si Uziel, isa sa mga platero ng ginto; at ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ni Hananias, isa sa mga tagagawa ng pabango;* at nilatagan nila ng mga bato ang Jerusalem hanggang sa Malapad na Pader.+ 9 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng anak ni Hur na si Repaias, tagapamahala sa kalahati ng distrito ng Jerusalem. 10 At kinumpuni ni Jedaias na anak ni Harumap ang kasunod na bahagi, na nasa tapat ng bahay niya; at ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ni Hatus na anak ni Hasabneias.

11 Kinumpuni ng anak ni Harim+ na si Malkias at ng anak ni Pahat-moab+ na si Hasub ang isa pang bahagi, pati na ang Tore ng mga Pugon.+ 12 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng anak ni Halohes na si Salum, tagapamahala sa kalahati ng distrito ng Jerusalem. Kasama niya ang mga anak niyang babae.

13 Kinumpuni ni Hanun at ng mga taga-Zanoa+ ang Pintuang-Daan ng Lambak;+ inayos nila ito at saka nila ikinabit ang mga pinto, mga trangka, at mga halang nito, at 1,000 siko* ng pader ang kinumpuni nila hanggang sa Pintuang-Daan ng mga Bunton ng Abo.+ 14 Kinumpuni ng anak ni Recab na si Malkias, tagapamahala sa distrito ng Bet-hakerem,+ ang Pintuang-Daan ng mga Bunton ng Abo; inayos niya ito at saka niya ikinabit ang mga pinto, mga trangka, at mga halang nito.

15 Kinumpuni ng anak ni Colhoze na si Salun, tagapamahala sa distrito ng Mizpa,+ ang Pintuang-Daan ng Bukal;+ inayos niya ito pati ang bubong nito at ikinabit niya ang mga pinto, mga trangka, at mga halang nito. Kinumpuni rin niya ang pader ng Imbakan ng Tubig+ ng Batis, na malapit sa Hardin ng Hari,+ hanggang sa Hagdanan+ na pababa mula sa Lunsod ni David.+

16 Kinumpuni ng anak ni Azbuk na si Nehemias, tagapamahala sa kalahati ng distrito ng Bet-zur,+ ang kasunod na bahagi, mula sa tapat ng Libingan ni David*+ hanggang sa artipisyal na imbakan ng tubig+ at hanggang sa Bahay ng mga Makapangyarihan.*

17 Nagkumpuni rin ang mga Levita: Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng mga Levitang nasa pangangasiwa ni Rehum na anak ni Bani; at si Hasabias, tagapamahala sa kalahati ng distrito ng Keila,+ ang nagkumpuni sa kasunod na bahagi bilang kinatawan ng kaniyang distrito. 18 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng ibang mga Levita na nasa pangangasiwa ng anak ni Henadad na si Bavai, tagapamahala sa kalahati ng distrito ng Keila.

19 Kinumpuni ng anak ni Jesua+ na si Ezer, tagapamahala sa Mizpa, ang kasunod na bahagi, mula sa tapat ng paakyat na bahagi hanggang sa Taguan ng mga Sandata na nasa Sumusuportang Haligi.+

20 Buong-sigasig na kinumpuni ni Baruc na anak ni Zabai+ ang kasunod na bahagi, mula sa Sumusuportang Haligi hanggang sa pasukan ng bahay ni Eliasib+ na mataas na saserdote.

21 Kinumpuni ni Meremot+ na anak ni Urias na anak ni Hakoz ang kasunod na bahagi, mula sa pasukan ng bahay ni Eliasib hanggang sa dulo ng bahay nito.

22 Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng mga saserdote, mga lalaking mula sa distrito ng Jordan.*+ 23 Kinumpuni nina Benjamin at Hasub ang kasunod na bahagi, na nasa tapat ng bahay nila. Kinumpuni ni Azarias na anak ni Maaseias na anak ni Anania ang kasunod na bahagi, na malapit sa bahay niya. 24 Kinumpuni ni Binui na anak ni Henadad ang kasunod na bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa Sumusuportang Haligi+ at hanggang sa kanto ng pader.

25 Kinumpuni ni Palal na anak ni Uzai ang kasunod na bahagi, sa may Sumusuportang Haligi at sa may tore sa Bahay* ng Hari,+ ang mataas na tore na malapit sa Looban ng Bantay.+ Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ni Pedaias na anak ni Paros.+

26 At ang mga lingkod sa templo*+ na nakatira sa Opel+ ay nagkumpuni hanggang sa may Pintuang-Daan ng Tubig+ sa silangan at sa toreng nakaungos sa pader.

27 Kinumpuni ng mga Tekoita+ ang kasunod na bahagi, mula sa may malaking toreng nakaungos sa pader hanggang sa pader ng Opel.

28 Nagkumpuni ang mga saserdote sa ibabaw ng Pintuang-Daan ng mga Kabayo,+ ang bawat isa sa tapat ng bahay niya.

29 Kinumpuni ni Zadok+ na anak ni Imer ang kasunod na bahagi, na nasa tapat ng bahay niya.

Ang kasunod na bahagi ay kinumpuni ng anak ni Secanias na si Semaias, tagapag-ingat ng Silangang Pintuang-Daan.+

30 Kinumpuni ng anak ni Selemias na si Hananias at ng ikaanim na anak ni Zalap na si Hanun ang kasunod na bahagi.

Kinumpuni ni Mesulam+ na anak ni Berekias ang kasunod na bahagi, na nasa tapat ng bahay* niya.

31 Kinumpuni ni Malkias, miyembro ng samahan ng mga platero ng ginto, ang kasunod na bahagi hanggang sa bahay ng mga lingkod sa templo*+ at ng mga negosyante, na malapit sa Pintuang-Daan ng Pagsisiyasat, at hanggang sa itaas na silid sa kanto ng pader.

32 At ang bahaging nasa pagitan ng itaas na silid sa kanto at ng Pintuang-Daan ng mga Tupa+ ay kinumpuni ng mga platero ng ginto at ng mga negosyante.

4 Nagalit si Sanbalat+ nang mabalitaan niyang itinatayo naming muli ang pader. Talagang hindi niya ito nagustuhan, at patuloy niyang tinuya ang mga Judio. 2 At sinabi niya sa harap ng mga kapatid niya at ng hukbo ng Samaria: “Ano ang ginagawa ng lalampa-lampang mga Judio? Aasa ba sila sa sarili nila? Maghahain ba sila? Matatapos ba nila iyon sa isang araw? Magagamit pa ba nila ang nasunog na mga bato mula sa mga bunton ng guho?”+

3 Sinabi naman ni Tobia+ na Ammonita+ na nasa tabi niya: “May sumampa lang na asong-gubat* sa itinatayo nilang batong pader, babagsak na agad iyon.”

4 Dinggin mo kami, O aming Diyos, dahil hinahamak nila kami.+ Ibalik mo sana sa kanila* ang pang-iinsulto nila,+ at gawin mo silang bihag sa ibang lupain.* 5 Huwag mong bale-walain ang kasalanan nila, at huwag mo itong alisin sa harap mo+ dahil ininsulto nila ang mga tagapagtayo.

6 Kaya nagpatuloy kami sa pagtatayo hanggang sa mapagdugtong ang buong pader, at naitayo ito hanggang sa kalahati ng taas nito, at ang bayan ay patuloy na nagtrabaho nang puspusan.*

7 Galit na galit sina Sanbalat at Tobia+ at ang mga Arabe,+ Ammonita, at Asdodita+ nang mabalitaan nilang tuloy-tuloy ang pagkukumpuni sa mga pader ng Jerusalem at natatakpan na ang mga puwang nito. 8 Nagsabuwatan sila para sumugod at makipaglaban sa Jerusalem at manggulo roon. 9 Pero nanalangin kami sa aming Diyos at nag-atas ng bantay araw at gabi.

10 Pero sinasabi ng mga taga-Juda: “Nanghihina na ang mga manggagawa,* at napakarami pang guhong naiwan; hindi natin kayang tapusin ang pagtatayo ng pader.”

11 At patuloy na sinasabi ng mga kaaway namin: “Magugulat na lang sila, napasok na natin sila. Papatayin natin sila at patitigilin ang pagtatayo.”

12 Tuwing dumarating ang mga Judiong nakatira malapit sa kanila, paulit-ulit* na sinasabi ng mga ito sa amin: “Susugurin nila tayo mula sa lahat ng direksiyon.”

13 Kaya nag-atas ako ng mga bantay sa likod ng pader, sa mababa at hantad na mga lugar. Ipinuwesto ko sila ayon sa mga pamilya na dala-dala ang kanilang mga espada, sibat, at pana. 14 Nang makita kong natatakot sila, agad akong tumayo para sabihin sa mga prominenteng tao,+ mga kinatawang opisyal, at iba pa sa bayan: “Huwag kayong matakot sa kanila.+ Alalahanin ninyo si Jehova, na dakila at kahanga-hanga;*+ at lumaban kayo para sa inyong mga kapatid, anak, asawa, at tahanan.”

15 Noong mabalitaan ng mga kaaway namin na alam na namin ang plano nila at na binigo iyon ng tunay na Diyos, bumalik kaming lahat sa pagtatayo ng pader. 16 Mula nang araw na iyon, kalahati na lang sa mga lalaki ang nagtatrabaho+ at ang isa pang kalahati ay may hawak na mga sibat, kalasag, at pana, at may suot na kutamaya.* At ang mga tagapamahala+ ay sumusuporta sa* buong sambahayan ng Juda 17 na nagtatayo ng pader. Ang mga tagapasan ay nagtatrabaho gamit ang isang kamay habang may hawak na sandata* sa isa pang kamay. 18 Ang bawat tagapagtayo ay may espadang nakasukbit sa balakang habang nagtatrabaho, at ang tagaihip ng tambuli+ ay nakatayo sa tabi ko.

19 At sinabi ko sa mga prominenteng tao, mga kinatawang opisyal, at iba pa sa bayan: “Ang gawain ay malaki at malawak, at magkakalayô tayo habang nagkukumpuni ng pader. 20 Kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, magtipon-tipon kayo kung nasaan kami. Ang ating Diyos ang makikipaglaban para sa atin.”+

21 Kaya mula madaling-araw hanggang gabi,* patuloy kami sa pagtatrabaho habang ang kalahati sa mga lalaki ay may hawak na sibat. 22 Sinabi ko noon sa bayan: “Ang bawat lalaki kasama ang tagapaglingkod niya ay magpapalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem. Babantayan nila tayo sa gabi at magtatrabaho sila sa araw.” 23 Kaya ako, ang mga kapatid ko, ang mga tagapaglingkod ko,+ at ang mga bantay na sumusunod sa akin ay hindi man lang naghuhubad ng aming kasuotan, at lagi kaming may hawak na sandata sa aming kanang kamay.

5 Pero maraming inirereklamo ang mga lalaki at ang mga asawa nila laban sa mga kapatid nilang Judio.+ 2 May mga nagsasabi: “Marami kaming anak. Kailangan naming makakuha ng butil para makakain at manatiling buháy.” 3 Sinasabi naman ng iba: “Isinasangla namin* ang aming mga bukid, ubasan, at bahay para makakuha ng butil sa panahon ng taggutom.” 4 Inirereklamo ng iba: “Ginawa naming prenda* ang aming mga bukid at ubasan para makautang ng pambayad ng buwis* sa hari.+ 5 Magkakapatid* kami, at ang mga anak namin ay parang anak na rin nila; pero napipilitan kaming ipaalipin ang mga anak namin, at ang totoo, alipin na nga ang ilan sa mga anak naming babae.+ Pero wala kaming magawa dahil pag-aari na ng iba ang mga bukid at ubasan namin.”

6 Galit na galit ako nang marinig ko ang mga daing nila. 7 Kaya pinag-isipan kong mabuti ang problema at hinarap ko ang mga prominenteng tao at mga kinatawang opisyal. Sinabi ko sa kanila: “Bawat isa sa inyo ay nagpapahiram nang may interes* sa sarili ninyong kapatid.”+

Nagsaayos din ako ng isang malaking pagpupulong dahil sa kanila. 8 Sinabi ko sa kanila: “Sa abot ng aming makakaya, tinubos namin ang mga kapatid nating Judio na ipinagbili sa mga bansa; pero ngayon, bakit ibinebenta ninyo ang sarili ninyong mga kapatid?+ Kailangan din ba namin silang tubusin?” Kaya hindi sila nakaimik, at wala silang maidahilan. 9 Pagkatapos ay sinabi ko: “Mali ang ginagawa ninyo. Hindi ba dapat kayong mamuhay nang may takot sa Diyos+ para hindi tayo hamakin ng mga bansa, na mga kaaway natin? 10 Ako, ang mga kapatid ko, at ang mga tagapaglingkod ko ay nagpapahiram din sa kanila ng pera at butil pero walang interes. Kaya pakiusap, huwag na kayong magpahiram nang may interes.+ 11 Pakiusap, ibalik ninyo sa kanila sa mismong araw na ito ang kanilang mga bukid,+ ubasan, taniman ng olibo, at bahay, pati na ang interes* ng ipinahiram ninyong pera, butil, bagong alak, at langis.”

12 Kaya sinabi nila: “Ibabalik namin sa kanila ang mga iyon at wala kaming hihinging kapalit. Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo.” Kaya tinawag ko ang mga saserdote at pinasumpa sa harap nila ang mga lalaking iyon* na tuparin ang pangakong ito. 13 Ipinagpag ko rin ang mga tupi* ng damit ko* at sinabi: “Sa ganitong paraan nawa ipagpag ng tunay na Diyos ang bawat tao mula sa kaniyang sariling bahay at mga pag-aari kung hindi siya tutupad sa pangakong ito, at sa ganitong paraan siya ipagpag at mawalan ng lahat ng pag-aari.” Kaya sumagot ang buong kongregasyon: “Amen!”* At pinuri nila si Jehova, at tinupad ng bayan ang pangako nila.

14 Bukod diyan, sa loob ng 12 taon mula nang araw na atasan ako ng hari na maging gobernador+ sa lupain ng Juda, mula nang ika-20 taon+ hanggang sa ika-32 taon+ ni Haring Artajerjes,+ ako at ang mga kapatid ko ay hindi kumain ng pagkain na para sa gobernador.+ 15 Pero ang mga dating gobernador ay naging pabigat sa mga tao at humihingi sila ng 40 siklong* pilak para sa kanilang tinapay at alak araw-araw. Ang mga tagapaglingkod nila ay nagpahirap din sa bayan. Pero hindi ko ginawa iyon+ dahil sa takot sa Diyos.+

16 Isa pa, ako at ang lahat ng tagapaglingkod ko ay tumulong sa pagtatayo ng pader na ito, at wala kaming kinuha na kahit isang bukid.+ 17 Kumakain sa aking mesa ang 150 Judio at kinatawang opisyal, pati na ang mga nanggaling sa ibang bansa. 18 Araw-araw, nagpapahanda ako* ng isang toro,* anim na piling tupa, at mga ibon, at tuwing ika-10 araw, nagpapahanda ako* ng maraming alak na iba’t ibang klase. Pero hindi ko hinihingi ang pagkain na para sa gobernador dahil nabibigatan na ang bayan sa mga gawaing nakaatang sa kanila. 19 Alalahanin mo ako at pagpalain,* O Diyos ko, dahil sa lahat ng ginawa ko para sa bayang ito.+

6 Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobia,+ Gesem na Arabe,+ at ng iba pang kaaway namin na naitayo ko na ang pader+ at wala na itong mga puwang (bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang-daan nang mga panahong iyon),+ 2 agad na ipinadala sa akin nina Sanbalat at Gesem ang mensaheng ito: “Magkita tayo sa mga nayon ng Kapatagan ng Ono+ ayon sa mapagkakasunduang oras.” Pero may masamang balak sila sa akin. 3 Kaya nagsugo ako ng mga mensahero para sabihin sa kanila: “Hindi ako makakapunta dahil sa laki ng gawain. Matitigil ito kung iiwan ko para lang makipagkita sa inyo.” 4 Apat na beses nilang ipinarating sa akin ang mensaheng iyon, pero hindi nagbago ang sagot ko.

5 Sa ikalimang beses, nagsugo si Sanbalat ng tagapaglingkod niya dala ang mensaheng iyon na may kasamang bukás na liham. 6 Nakasulat doon: “Nabalitaan na ng mga bansa, at sinasabi rin ni Gesem,+ na ikaw at ang mga Judio ay may planong maghimagsik.+ Iyan ang dahilan kaya itinatayo mo ang pader; at ayon sa mga balita, ikaw ang magiging hari nila. 7 May inatasan ka ring mga propeta para ipamalita sa buong Jerusalem ang tungkol sa iyo, ‘May isang hari sa Juda!’ Makakarating ito sa hari. Kaya magkita tayo at pag-usapan natin ito.”

8 Pero ito ang sagot na ipinadala ko sa kaniya: “Walang totoo sa lahat ng sinabi mo. Bunga lang iyan ng imahinasyon mo.”* 9 Gusto kasi nilang lahat na takutin kami. Sinasabi nila: “Manghihina sila* at hindi nila matatapos ang gawain.”+ Pero dalangin ko, palakasin mo ako.*+

10 At pumunta ako sa bahay ni Semaias na anak ni Delaias na anak ni Mehetabel habang nagkukulong siya roon. Sinabi ni Semaias: “Magkita tayo sa bahay ng tunay na Diyos, sa loob ng templo, ayon sa mapagkakasunduang oras, at isara natin ang mga pinto ng templo dahil darating sila para patayin ka. Darating sila sa gabi para patayin ka.” 11 Pero sinabi ko: “Dapat bang tumakas ang lalaking gaya ko? Makakapasok ba sa templo ang gaya ko at mananatiling buháy?+ Hindi ako papasok!” 12 Pagkatapos, nalaman kong hindi siya isinugo ng Diyos. Binayaran lang siya nina Tobia at Sanbalat+ para sabihin ang hulang ito laban sa akin. 13 Binayaran siya para takutin ako at makagawa ako ng kasalanan, nang sa gayon ay masira nila ang reputasyon ko at madusta ako.

14 O Diyos ko, huwag mong kalimutan ang mga ginagawa nina Tobia+ at Sanbalat, pati na rin ang ginagawa ni Noadias na propetisa at ng iba pang propeta na laging nananakot sa akin.

15 Kaya natapos ang pader sa loob ng 52 araw, noong ika-25 ng Elul.*

16 Nang mabalitaan iyon ng lahat ng kaaway namin at nang makita iyon ng lahat ng nakapalibot na bansa, talagang napahiya sila,*+ at nalaman nila na natapos namin ang gawaing ito dahil sa tulong ng aming Diyos. 17 Noong mga panahong iyon, ang mga prominenteng tao+ ng Juda ay nagpapadala ng maraming liham kay Tobia, at sinasagot naman ni Tobia ang mga ito. 18 Marami sa Juda ang sumumpa ng katapatan sa kaniya dahil manugang siya ni Secanias na anak ni Arah+ at napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na babae ni Mesulam+ na anak ni Berekias. 19 Lagi rin silang nagkukuwento sa akin ng mabubuting bagay tungkol sa kaniya at ipinaaalam nila sa kaniya kung ano ang sinasabi ko. Pagkatapos, nagpapadala si Tobia ng mga liham para takutin ako.+

7 Nang muling maitayo ang pader,+ inilagay ko agad ang mga pinto.+ Pagkatapos, nag-atas ako ng mga bantay ng pintuang-daan,+ mga mang-aawit,+ at mga Levita.+ 2 At inatasan ko ang kapatid kong si Hanani+ na mamahala sa Jerusalem, kasama ang pinuno ng Tanggulan+ na si Hananias dahil talagang mapagkakatiwalaan ang lalaking ito at kumpara sa maraming iba pa, mas may takot siya sa tunay na Diyos.+ 3 Sinabi ko sa kanila: “Ang mga pintuang-daan ng Jerusalem ay bubuksan lang kapag araw; at sa gabi, ang mga pintuang-daan ay dapat isara at itrangka ng mga bantay rito. At atasan ninyo ang mga nakatira sa Jerusalem bilang bantay, ang ilan ay sa kanilang atas na puwesto at ang iba ay sa tapat ng sarili nilang bahay.” 4 At ang lunsod ay malawak at malaki, at kakaunti ang mga tao rito,+ at hindi pa naitatayong muli ang mga bahay.

5 Pero pinakilos ako ng Diyos* na tipunin ang mga prominenteng tao, mga kinatawang opisyal, at ang bayan para mairehistro sila sa kani-kanilang angkan.+ At nakita ko ang aklat ng talaangkanan ng mga naunang dumating, at ganito ang nakasulat doon:

6 At ito ang mga mamamayan sa nasasakupang distrito* na nakalaya sa pagkabihag, ang mga ipinatapon ni Haring Nabucodonosor+ ng Babilonya+ at nang maglaon ay bumalik sa kani-kanilang lunsod sa Jerusalem at Juda.+ 7 Dumating sila kasama nina Zerubabel,+ Jesua,+ Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mardokeo, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baanah.

Ito ang bilang ng mga lalaking Israelita na nagsibalik:+ 8 ang mga anak ni Paros, 2,172; 9 ang mga anak ni Sepatias, 372; 10 ang mga anak ni Arah,+ 652; 11 ang mga anak ni Pahat-moab,+ mula sa mga anak ni Jesua at ni Joab,+ 2,818; 12 ang mga anak ni Elam,+ 1,254; 13 ang mga anak ni Zatu, 845; 14 ang mga anak ni Zacai, 760; 15 ang mga anak ni Binui, 648; 16 ang mga anak ni Bebai, 628; 17 ang mga anak ni Azgad, 2,322; 18 ang mga anak ni Adonikam, 667; 19 ang mga anak ni Bigvai, 2,067; 20 ang mga anak ni Adin, 655; 21 ang mga anak ni Ater mula sa sambahayan ni Hezekias, 98; 22 ang mga anak ni Hasum, 328; 23 ang mga anak ni Bezai, 324; 24 ang mga anak ni Harip, 112; 25 ang mga anak ni Gibeon,+ 95; 26 ang mga taga-Betlehem at taga-Netopa, 188; 27 ang mga taga-Anatot,+ 128; 28 ang mga taga-Bet-azmavet, 42; 29 ang mga taga-Kiriat-jearim,+ taga-Kepira, at taga-Beerot,+ 743; 30 ang mga taga-Rama at taga-Geba,+ 621; 31 ang mga taga-Micmas,+ 122; 32 ang mga taga-Bethel+ at taga-Ai,+ 123; 33 ang mga mula sa isa pang Nebo, 52; 34 ang mga anak ng isa pang Elam, 1,254; 35 ang mga anak ni Harim, 320; 36 ang mga taga-Jerico, 345; 37 ang mga taga-Lod, taga-Hadid, at taga-Ono,+ 721; 38 at ang mga taga-Senaa, 3,930.

39 Ang mga saserdote:+ ang mga anak ni Jedaias mula sa sambahayan ni Jesua, 973; 40 ang mga anak ni Imer, 1,052; 41 ang mga anak ni Pasur,+ 1,247; 42 at ang mga anak ni Harim,+ 1,017.

43 Ang mga Levita:+ ang mga anak ni Jesua, mula kay Kadmiel,+ mula sa mga anak ni Hodeva, 74. 44 Ang mga mang-aawit:+ ang mga anak ni Asap,+ 148. 45 Ang mga bantay ng pintuang-daan:+ ang mga anak ni Salum, ang mga anak ni Ater, ang mga anak ni Talmon, ang mga anak ni Akub,+ ang mga anak ni Hatita, at ang mga anak ni Sobai, 138.

46 Ang mga lingkod sa templo:*+ ang mga anak ni Ziha, ang mga anak ni Hasupa, ang mga anak ni Tabaot, 47 ang mga anak ni Keros, ang mga anak ni Sia, ang mga anak ni Padon, 48 ang mga anak ni Lebana, ang mga anak ni Hagaba, ang mga anak ni Salmai, 49 ang mga anak ni Hanan, ang mga anak ni Gidel, ang mga anak ni Gahar, 50 ang mga anak ni Reaias, ang mga anak ni Rezin, ang mga anak ni Nekoda, 51 ang mga anak ni Gazam, ang mga anak ni Uza, ang mga anak ni Pasea, 52 ang mga anak ni Besai, ang mga anak ng* Meunim, ang mga anak ni Nepusesim, 53 ang mga anak ni Bakbuk, ang mga anak ni Hakupa, ang mga anak ni Harhur, 54 ang mga anak ni Bazlit, ang mga anak ni Mehida, ang mga anak ni Harsa, 55 ang mga anak ni Barkos, ang mga anak ni Sisera, ang mga anak ni Temah, 56 ang mga anak ni Nezias, at ang mga anak ni Hatipa.

57 Ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon:+ ang mga anak ni Sotai, ang mga anak ni Soperet, ang mga anak ni Perida, 58 ang mga anak ni Jaala, ang mga anak ni Darkon, ang mga anak ni Gidel, 59 ang mga anak ni Sepatias, ang mga anak ni Hatil, ang mga anak ni Pokeret-hazebaim, at ang mga anak ni Amon. 60 Ang lahat ng lingkod sa templo*+ at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392.

61 At ito ang mga nanggaling sa Tel-mela, Tel-harsa, Kerub, Adon, at Imer, pero hindi nila mapatunayan na Israelita ang kanilang mga ninuno at angkan:*+ 62 ang mga anak ni Delaias, ang mga anak ni Tobia, at ang mga anak ni Nekoda, 642. 63 At mula sa mga saserdote: ang mga anak ni Habaias, ang mga anak ni Hakoz,+ at ang mga anak ni Barzilai, na nag-asawa ng isa sa mga anak na babae ni Barzilai+ na Gileadita at tinawag ayon sa pangalan ng kaniyang biyenan. 64 Naghanap sila ng mga dokumentong magpapatunay ng pinanggalingan nilang angkan, pero wala silang nakita, kaya hindi sila naging kuwalipikado bilang saserdote.*+ 65 Sinabi sa kanila ng gobernador*+ na hindi sila puwedeng kumain ng mga kabanal-banalang bagay+ hanggang sa may dumating na saserdoteng makasasangguni sa Urim at Tumim.+

66 Ang buong kongregasyon ay may bilang na 42,360,+ 67 bukod pa sa kanilang mga aliping lalaki at babae,+ na may bilang na 7,337. Mayroon din silang 245 mang-aawit na lalaki at babae.+ 68 Ang kanilang mga kabayo ay 736, ang kanilang mga mula* ay 245, 69 ang kanilang mga kamelyo ay 435, at ang kanilang mga asno ay 6,720.

70 Ang ilan sa mga ulo ng angkan ay nag-abuloy para sa gawain.+ Ang gobernador* ay nagbigay sa kabang-yaman ng 1,000 gintong drakma,* 50 mangkok, at 530 mahahabang damit ng saserdote.+ 71 At ang ilan sa mga ulo ng angkan ay nagbigay ng 20,000 gintong drakma at 2,200 pilak na mina* para sa kabang-yaman ng mga gawain. 72 At ang lahat ng iba pa sa bayan ay nagbigay ng 20,000 gintong drakma, 2,000 pilak na mina, at 67 mahahabang damit ng saserdote.

73 At ang mga saserdote, mga Levita, mga bantay ng pintuang-daan, mga mang-aawit,+ karaniwang mga tao, at mga lingkod sa templo* ay tumira sa kani-kanilang lunsod.+ Kaya ang lahat ng Israelita ay nanirahan sa kani-kanilang lunsod. Noong ikapitong buwan,+ ang mga Israelita ay naroon na sa mga lunsod nila.+

8 Pagkatapos, ang buong bayan ay nagtipon-tipon sa liwasan* na nasa tapat ng Pintuang-Daan ng Tubig,+ at sinabi nila kay Ezra+ na tagakopya* na dalhin ang aklat ng Kautusan ni Moises,+ na ibinigay ni Jehova sa Israel.+ 2 Kaya nang unang araw ng ikapitong buwan,+ ang Kautusan ay dinala ni Ezra na saserdote sa harap ng nagkakatipong+ mga lalaki, babae, at lahat ng* kaya nang umunawa sa kanilang naririnig. 3 At mula pagsikat ng araw* hanggang tanghali, binasa niya iyon nang malakas+ sa harap ng mga lalaki, babae, at lahat ng* kaya nang umunawa na nasa liwasan sa tapat ng Pintuang-Daan ng Tubig; at ang bayan ay nakinig na mabuti+ sa aklat ng Kautusan. 4 At si Ezra na tagakopya* ay nakatayo sa isang entabladong kahoy na ginawa para sa okasyong iyon. Nakatayo sa kaniyang kanan sina Matitias, Sema, Anaias, Uria, Hilkias, at Maaseias; sa kaniyang kaliwa ay sina Pedaias, Misael, Malkias,+ Hasum, Has-badana, Zacarias, at Mesulam.

5 Binuksan ni Ezra ang aklat. Nakikita siya ng buong bayan dahil mataas ang kinatatayuan niya. Tumayo ang buong bayan nang buksan niya iyon. 6 Pagkatapos, pinuri ni Ezra si Jehova, ang tunay at dakilang Diyos. Sumagot ang buong bayan, “Amen!* Amen!”+ at itinaas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, lumuhod sila sa harap ni Jehova at yumukod sa lupa. 7 At ang mga Levitang sina Jesua, Bani, Serebias,+ Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad,+ Hanan, at Pelaias ay nagpaliwanag ng Kautusan sa bayan+ habang nakatayo ang bayan. 8 At patuloy nilang binasa nang malakas ang aklat, ang Kautusan ng tunay na Diyos. Ipinaliwanag nila ang kahulugan nito sa simple at malinaw na paraan, kaya natulungan nila ang mga tao na maintindihan ang binabasa.+

9 At si Nehemias, na siyang gobernador* noon, si Ezra+ na saserdote at tagakopya,* at ang mga Levita na nagtuturo sa mga tao ay nagsabi sa buong bayan: “Ang araw na ito ay banal kay Jehova na inyong Diyos.+ Huwag kayong magdalamhati o umiyak.” Ang buong bayan kasi ay umiiyak habang naririnig nila ang nilalaman ng Kautusan. 10 Sinabi niya sa kanila: “Sige, kumain kayo ng pinakamasasarap na pagkain* at uminom kayo ng matatamis, at padalhan ninyo ng pagkain+ ang mga walang naihanda, dahil ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. At huwag kayong malungkot, dahil ang kagalakang nagmumula kay Jehova ang inyong moog.”* 11 At pinayapa ng mga Levita ang buong bayan at sinabi: “Huwag kayong umiyak, dahil banal ang araw na ito, at huwag kayong malungkot.” 12 Kaya umalis ang buong bayan para kumain, uminom, magpadala ng pagkain sa iba, at magdiwang,+ dahil naintindihan nila ang mga bagay na ipinaliwanag sa kanila.+

13 Kinabukasan, ang mga ulo ng mga angkan ng buong bayan, ang mga saserdote, at ang mga Levita ay nagtipon sa palibot ni Ezra na tagakopya* para mas marami pa silang maintindihan mula sa Kautusan. 14 Pagkatapos, nakita nilang nakasulat sa Kautusan na iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises na ang mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol* sa panahon ng kapistahan sa ikapitong buwan,+ 15 at dapat nilang ipahayag+ at ipaalám sa lahat ng kanilang lunsod at sa buong Jerusalem: “Pumunta kayo sa mabundok na rehiyon at kumuha ng madahong mga sanga mula sa mga puno ng olibo, pino, mirto, palma, at iba pang puno para gumawa ng mga kubol, ayon sa nasusulat.”

16 Kaya umalis ang bayan at kumuha ng mga iyon para gumawa ng kubol sa kani-kanilang bubong, looban, pati na sa mga looban* ng bahay ng tunay na Diyos,+ sa liwasan ng Pintuang-Daan ng Tubig,+ at sa liwasan ng Pintuang-Daan ng Efraim.+ 17 Kaya ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at tumira sa mga iyon; ngayon na lang ito ginawa ng mga Israelita sa ganitong paraan mula noong panahon ni Josue+ na anak ni Nun, kaya nagkaroon ng napakalaking pagsasaya.+ 18 At araw-araw na binasa ang aklat ng Kautusan ng tunay na Diyos,+ mula nang unang araw hanggang sa huling araw. At pitong araw nilang ipinagdiwang ang kapistahan, at nagkaroon ng isang banal na pagtitipon sa ikawalong araw, ayon sa hinihiling ng Kautusan.+

9 Nang ika-24 na araw ng buwang ito, nagtipon ang mga Israelita; nag-ayuno sila, nagsuot ng telang-sako, at naglagay ng alabok sa kanilang ulo.+ 2 Ang likas na mga Israelita ay humiwalay sa lahat ng dayuhan,+ at tumayo sila at ipinagtapat ang mga kasalanan nila at ng mga ninuno nila.+ 3 Pagkatapos, nanatili sila sa kinatatayuan nila at tatlong oras* na binasa nang malakas ang aklat ng Kautusan+ ni Jehova na kanilang Diyos; tatlong oras* din silang nagtapat ng kasalanan at yumukod kay Jehova na kanilang Diyos.

4 Sina Jesua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Bunni, Serebias,+ Bani, at Kenani ay tumayo sa entablado+ ng mga Levita at nanalangin nang malakas kay Jehova na kanilang Diyos. 5 At ang mga Levitang sina Jesua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias, at Petahias ay nagsabi: “Tumayo kayo at purihin ninyo si Jehova na inyong Diyos magpakailanman.*+ O Diyos, purihin nawa nila ang iyong maluwalhating pangalan, na karapat-dapat sa lahat ng pagpapala at papuri.

6 “Walang Diyos na gaya mo, O Jehova;+ ginawa mo ang langit, oo, ang langit ng mga langit at lahat ng naroon,* ang lupa at lahat ng nasa ibabaw nito, at ang mga dagat at lahat ng naroon. Iniingatan mong buháy ang lahat ng iyon, at ang lahat ng nasa langit* ay yumuyukod sa iyo. 7 Ikaw si Jehova na tunay na Diyos, na pumili kay Abram+ at naglabas sa kaniya mula sa Ur+ ng mga Caldeo at nagbigay sa kaniya ng pangalang Abraham.+ 8 Nakita mong tapat sa iyo ang kaniyang puso,+ kaya nakipagtipan ka sa kaniya na ibibigay mo sa kaniya at sa mga supling* niya ang lupain ng mga Canaanita, Hiteo, Amorita, Perizita, Jebusita, at Girgasita;+ at tinupad mo ang iyong mga pangako dahil matuwid ka.

9 “Kaya nakita mo ang paghihirap ng mga ninuno namin sa Ehipto,+ at narinig mo ang kanilang pagdaing sa Dagat na Pula. 10 Pagkatapos, gumawa ka ng mga tanda at himala para parusahan ang Paraon, ang lahat ng lingkod niya, at ang lahat ng nasa lupain niya+ dahil alam mong pinahirapan nila ang iyong bayan.+ Ipinakilala mo ang iyong pangalan na nananatiling tanyag hanggang ngayon.+ 11 At hinati mo ang dagat sa harap nila kaya nakatawid sila sa tuyong sahig nito,+ at ang mga humahabol sa kanila ay inihagis mo sa kalaliman gaya ng batong itinapon sa maunos na dagat.+ 12 Ginabayan mo sila sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at ng haliging apoy kung gabi na nagsisilbing liwanag sa dapat nilang daanan.+ 13 At bumaba ka sa Bundok Sinai+ at nakipag-usap sa kanila mula sa langit+ at binigyan sila ng matuwid na mga kahatulan, mapananaligang kautusan,* at magagandang patakaran at batas.+ 14 Ipinaalám mo sa kanila ang iyong banal na Sabbath,+ at binigyan mo sila ng mga batas, patakaran, at isang kautusan sa pamamagitan ng iyong lingkod na si Moises. 15 Binigyan mo sila ng pagkain mula sa langit nang magutom sila,+ at nagpalabas ka ng tubig mula sa malaking bato nang mauhaw sila,+ at sinabi mo sa kanila na pasukin at kunin ang lupaing ipinangako mo sa kanila.

16 “Pero sila, ang mga ninuno namin, ay naging pangahas+ at matigas ang ulo,*+ at hindi nila pinakinggan ang mga utos mo. 17 Ayaw nilang makinig,+ at kinalimutan nila ang mga himala* na ginawa mo sa gitna nila; naging matigas ang ulo* nila at nag-atas sila ng mangunguna pabalik sa pagkaalipin sa Ehipto.+ Pero ikaw ay isang Diyos na handang magpatawad,* mapagmalasakit* at maawain, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig,*+ at hindi mo sila iniwan.+ 18 Gumawa sila ng metal na estatuwa ng isang guya* at sinabi nila, ‘Ito ang ating Diyos na naglabas sa atin mula sa Ehipto,’+ at may iba pa silang ginawa na lumapastangan sa iyo, 19 pero ikaw, dahil napakamaawain mo, hindi mo pa rin sila iniwan sa ilang.+ Hindi mo inalis ang haliging ulap na gumagabay sa kanila kung araw at ang haliging apoy kung gabi na nagsisilbing liwanag sa dapat nilang daanan.+ 20 At ibinigay mo sa kanila ang iyong espiritu* para magbigay sa kanila ng unawa,+ hindi mo ipinagkait sa kanila ang iyong manna,+ at binigyan mo sila ng tubig nang mauhaw sila.+ 21 Sa loob ng 40 taon, pinaglaanan mo sila ng pagkain sa ilang.+ Hindi sila nagkulang ng anuman. Hindi naluma ang mga damit nila+ at hindi namaga ang mga paa nila.

22 “Binigyan mo sila ng mga kaharian at mga bayan, at hinati-hati mo ang mga iyon para sa kanila,+ kaya napasakanila ang lupain ni Sihon,+ na lupain ng hari ng Hesbon,+ pati na ang lupain ni Og+ na hari ng Basan. 23 At pinarami mo ang mga anak nila na gaya ng mga bituin sa langit.+ Pagkatapos, dinala mo sila sa lupaing ipinangako mong makukuha ng kanilang mga ninuno.+ 24 Kaya pumasok ang mga anak nila at kinuha ang lupain,+ at tinalo mo para sa kanila ang mga Canaanita+ na nakatira sa lupain. Ibinigay mo ang mga ito sa kanilang kamay, ang mga hari nito at ang mga bayan sa lupain, para gawin sa mga ito kung ano ang gusto nila. 25 At ang sinakop nila ay mga napapaderang* lunsod+ at isang matabang lupain,+ at napasakanila ang mga bahay na punô ng mamahaling gamit, mga imbakan ng tubig na hinukay, mga ubasan, mga taniman ng olibo,+ at napakaraming namumungang puno. Kaya kumain sila, nabusog, at tumaba, at nasiyahan sila sa iyong saganang kabutihan.

26 “Pero naging masuwayin sila at nagrebelde sa iyo+ at tinalikuran nila ang iyong Kautusan.* Pinatay nila ang iyong mga propeta na nagbabala sa kanila para magbalik-loob sa iyo, at nilapastangan ka nila.+ 27 Kaya ibinigay mo sila sa kamay ng kanilang mga kalaban,+ na patuloy na nagpapahirap sa kanila.+ Pero dumaraing sila sa iyo kapag nahihirapan na sila, at dinirinig mo sila mula sa langit; at dahil napakamaawain mo, nagsusugo ka ng mga tagapagligtas para palayain sila sa kamay ng mga kalaban nila.+

28 “Pero kapag maayos na ulit ang kalagayan nila, gagawa na naman sila ng masama sa harap mo,+ at pababayaan mo silang matalo* ng mga kaaway nila.+ Pagkatapos, magbabalik-loob sila at hihingi ng tulong sa iyo,+ at diringgin mo sila mula sa langit at paulit-ulit mo silang ililigtas dahil napakamaawain mo.+ 29 Kahit nagbabala ka sa kanila para manumbalik sila sa iyong Kautusan, naging pangahas pa rin sila at hindi nakinig sa iyong mga utos;+ nagkasala sila dahil nilabag nila ang iyong mga batas, na kung susundin ng isang tao ay magdudulot ng buhay sa kaniya.+ Tinalikuran ka nila at nagrebelde sila,* at hindi sila nakinig. 30 Naging matiisin ka sa kanila+ sa loob ng maraming taon at paulit-ulit silang binigyan ng babala ng iyong mga propeta na ginabayan ng iyong espiritu, pero ayaw nilang makinig. Nang dakong huli, ibinigay mo sila sa kamay ng mga bayan* sa lupain.+ 31 At dahil napakamaawain mo, hindi mo sila pinabayaan o nilipol.+ Isa kang Diyos na mapagmalasakit* at maawain.+

32 “At ngayon, O aming Diyos, ang Diyos na dakila, makapangyarihan, at kahanga-hanga,* na tumutupad sa kaniyang tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig,+ huwag mo nawang maliitin ang lahat ng paghihirap na naranasan namin, ng aming mga hari, pinuno,+ saserdote,+ propeta,+ ninuno, at ng iyong buong bayan mula nang mga araw ng mga hari ng Asirya+ hanggang sa araw na ito. 33 Hindi ka namin masisisi* sa lahat ng sinapit namin, dahil kumilos ka nang may katapatan; kami ang gumawa ng masama.+ 34 Ang aming mga hari, pinuno, saserdote, at mga ninuno ay hindi sumunod sa iyong Kautusan at hindi nagbigay-pansin sa iyong mga batas o mga paalaala na nagsilbing babala sa kanila. 35 Kahit noong may kaharian pa sila at nasisiyahan sa iyong pagkabukas-palad at kahit sila ay nasa malawak at matabang lupaing ibinigay mo sa kanila, hindi sila naglingkod sa iyo+ at hindi nila iniwan ang kanilang masasamang gawain. 36 Kaya heto kami ngayon, mga alipin+—oo, mga alipin sa lupaing ibinigay mo sa mga ninuno namin para masiyahan sa mga bunga nito at sa mabubuting bagay rito. 37 Dahil sa mga kasalanan namin, ang saganang ani ay napupunta sa mga haring pinamamahala mo sa amin.+ Namamahala sila sa amin* at sa mga alagang hayop namin sa paraang gusto nila, at talagang hirap na hirap kami.

38 “Kaya dahil sa lahat ng ito, gumagawa kami ng isang nasusulat na kasunduan,+ na pinagtitibay ng tatak ng aming mga pinuno, mga Levita, at mga saserdote.”+

10 Ito ang mga nagpatibay sa kasunduan sa pamamagitan ng kanilang tatak:+

Si Nehemias na gobernador,* na anak ni Hacalias;

Kasama rin sina Zedekias, 2 Seraias, Azarias, Jeremias, 3 Pasur, Amarias, Malkias, 4 Hatus, Sebanias, Maluc, 5 Harim,+ Meremot, Obadias, 6 Daniel,+ Gineton, Baruc, 7 Mesulam, Abias, Mijamin, 8 Maazias, Bilgai, at Semaias; ito ang mga saserdote.

9 Kasama rin ang mga Levita: si Jesua na anak ni Azanias, si Binui na mula sa mga anak ni Henadad, si Kadmiel,+ 10 at ang kanilang mga kapatid na sina Sebanias, Hodias, Kelita, Pelaias, Hanan, 11 Mica, Rehob, Hasabias, 12 Zacur, Serebias,+ Sebanias, 13 Hodias, Bani, at Beninu.

14 Ang mga pinuno ng bayan: sina Paros, Pahat-moab,+ Elam, Zatu, Bani, 15 Bunni, Azgad, Bebai, 16 Adonias, Bigvai, Adin, 17 Ater, Hezekias, Azur, 18 Hodias, Hasum, Bezai, 19 Harip, Anatot, Nebai, 20 Magpias, Mesulam, Hezir, 21 Mesezabel, Zadok, Jadua, 22 Pelatias, Hanan, Anaias, 23 Hosea, Hananias, Hasub, 24 Halohes, Pilha, Sobek, 25 Rehum, Hasabna, Maaseias, 26 Ahias, Hanan, Anan, 27 Maluc, Harim, at Baanah.

28 Ang lahat ng iba pa sa bayan—ang mga saserdote, mga Levita, mga bantay ng pintuang-daan, mga mang-aawit, mga lingkod sa templo,* at ang lahat ng humiwalay sa mga bayan sa lupain para sundin ang Kautusan ng tunay na Diyos,+ kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, ang lahat ng may kaalaman at unawa*— 29 ay sumama sa kanilang mga kapatid, na mga prominenteng tao, at gumawa ng isang panata na puwedeng magdala ng sumpa sa kanila kung hindi nila tutuparin ang Kautusan ng tunay na Diyos, na ibinigay sa pamamagitan ni Moises na lingkod ng tunay na Diyos, at kung hindi nila susunding mabuti ang lahat ng batas, kahatulan, at patakaran ni Jehova na aming Panginoon. 30 Hindi namin ibibigay ang aming mga anak na babae sa mga bayan sa lupain, at hindi namin kukunin ang kanilang mga anak na babae para sa aming mga anak na lalaki.+

31 Kung ang mga bayan sa lupain ay magdadala ng paninda at iba’t ibang uri ng butil para ipagbili sa araw ng Sabbath, hindi kami bibili ng anuman mula sa kanila kapag Sabbath+ o sa iba pang banal na araw.+ Sa ikapitong taon, hindi kami magsasaka+ at hindi na namin sisingilin ang lahat ng utang sa amin.+

32 Nanata rin ang bawat isa sa amin na magbibigay kami ng sangkatlo ng isang siklo* taon-taon bilang suporta sa paglilingkod sa bahay* ng aming Diyos,+ 33 para sa magkakapatong na tinapay,*+ sa araw-araw na paghahain ng handog na mga butil,*+ sa handog na sinusunog tuwing Sabbath+ at bagong buwan,+ at para sa mga nakatakdang kapistahan,+ sa mga banal na bagay, sa mga handog para sa kasalanan+ bilang pambayad-sala ng Israel, at para sa lahat ng gawain sa bahay ng aming Diyos.

34 Nagpalabunutan din kami para pagpasiyahan kung kailan magdadala ng kahoy para sa bahay ng aming Diyos ang bawat angkan ng mga saserdote, Levita, at iba pa sa bayan taon-taon. Ang kahoy ay susunugin sa altar ni Jehova na aming Diyos, ayon sa nakasulat sa Kautusan.+ 35 Dadalhin din namin sa bahay ni Jehova ang mga unang hinog na bunga ng aming lupain at ang mga unang hinog na bunga ng bawat uri ng puno taon-taon,+ 36 pati na ang panganay sa aming mga anak at alagang hayop+—ayon sa nakasulat sa Kautusan—at ang panganay sa aming mga bakahan at kawan. Dadalhin namin ang mga iyon sa bahay ng aming Diyos, sa mga saserdote na naglilingkod sa bahay ng aming Diyos.+ 37 Gayundin, ang aming magaspang na harina mula sa mga unang bunga,+ ang aming mga abuloy, bunga ng bawat uri ng puno,+ bagong alak, at langis+ ay dadalhin namin sa mga saserdote, sa mga silid-imbakan* sa bahay ng aming Diyos.+ At dadalhin namin sa mga Levita ang ikasampu* mula sa aming lupain,+ dahil ang mga Levita ang nangongolekta ng ikasampu mula sa lahat ng lunsod namin na may sakahan.

38 At ang saserdote, na anak ni Aaron, ay sasama sa mga Levita kapag kinokolekta ng mga Levita ang ikasampu; at ang mga Levita naman ay maghahandog ng ikasampu ng ikasampu sa bahay ng aming Diyos,+ sa mga silid* sa imbakan. 39 Dadalhin ng mga Israelita at ng mga Levita ang abuloy na butil, bagong alak, at langis+ sa mga silid-imbakan*+ na pinaglalagyan ng mga kagamitan ng templo at kung saan tumutuloy ang naglilingkod na mga saserdote, ang mga bantay ng pintuang-daan, at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang bahay ng aming Diyos.+

11 Ang mga tagapamahala ng bayan ay nakatira sa Jerusalem.+ Pero ang iba pa sa bayan ay nagpalabunutan+ para ang 1 sa bawat 10 ay tumira sa Jerusalem, ang banal na lunsod; ang 9 na iba pa ay nanatili sa kani-kanilang lunsod. 2 At pinuri* ng bayan ang lahat ng lalaking nagboluntaryong tumira sa Jerusalem.

3 At ito ang mga prominenteng lalaki sa nasasakupang distrito* na tumira sa Jerusalem. (Ang lahat ng iba pa sa Israel—ang mga saserdote, mga Levita, mga lingkod sa templo,*+ at mga anak ng mga lingkod ni Solomon+—ay tumira sa iba pang lunsod ng Juda, bawat isa sa sarili niyang lupain sa kaniyang lunsod.+

4 Tumira sa Jerusalem ang ilan mula sa tribo ni Juda at ni Benjamin.) Mula sa tribo ni Juda ay si Ataias na anak ni Uzias na anak ni Zacarias na anak ni Amarias na anak ni Sepatias na anak ni Mahalalel, na mula sa pamilya ni Perez;+ 5 at si Maaseias na anak ni Baruc na anak ni Colhoze na anak ni Hazaias na anak ni Adaias na anak ni Joiarib na anak ni Zacarias na anak ng Shelanita. 6 Ang lahat ng anak ni Perez na nakatira sa Jerusalem ay 468 malalakas na lalaki.

7 At ang mga ito ang mula sa tribo ni Benjamin: si Sallu+ na anak ni Mesulam na anak ni Joed na anak ni Pedaias na anak ni Kolaias na anak ni Maaseias na anak ni Itiel na anak ni Jesaias, 8 at kasama rin sina Gabai at Salai, 928; 9 at si Joel na anak ni Zicri ang tagapangasiwa nila sa lunsod, at ang ikalawa sa kaniya ay si Juda na anak ni Hasenua.

10 Mula sa mga saserdote: si Jedaias na anak ni Joiarib, si Jakin,+ 11 si Seraias na anak ni Hilkias na anak ni Mesulam na anak ni Zadok na anak ni Meraiot na anak ni Ahitub+ na iginagalang na lalaki sa bahay* ng tunay na Diyos, 12 at ang mga kapatid nilang naglilingkod sa templo, 822; at si Adaias na anak ni Jeroham na anak ni Pelalias na anak ni Amzi na anak ni Zacarias na anak ni Pasur+ na anak ni Malkias, 13 at ang kaniyang mga kapatid, mga ulo ng angkan, 242; at si Amashai na anak ni Azarel na anak ni Azai na anak ni Mesilemot na anak ni Imer, 14 at ang mga kapatid nilang malalakas at magigiting na lalaki, 128; at ang tagapangasiwa nila ay si Zabdiel, na galing sa prominenteng pamilya.

15 At mula sa mga Levita: si Semaias+ na anak ni Hasub na anak ni Azrikam na anak ni Hasabias na anak ni Bunni, 16 at sina Sabetai+ at Jozabad,+ na kabilang sa mga ulo ng mga Levita, na nangangasiwa sa mga gawain sa labas ng bahay ng tunay na Diyos; 17 at ang konduktor sa pag-awit na nanguna sa pagbibigay ng papuri sa panahon ng panalangin+ na si Matanias,+ na anak ni Mikas na anak ni Zabdi na anak ni Asap,+ at si Bakbukias na pangalawa kay Matanias, at si Abda na anak ni Samua na anak ni Galal na anak ni Jedutun.+ 18 Ang lahat ng Levita sa banal na lunsod ay 284.

19 At ang mga bantay ng pintuang-daan ay si Akub, si Talmon,+ at ang mga kapatid nila, 172.

20 Ang lahat ng iba pa sa Israel, pati sa mga saserdote at sa mga Levita, ay nasa iba pang lunsod ng Juda, bawat isa sa minana niyang lupain. 21 Ang mga lingkod sa templo*+ ay nakatira sa Opel,+ at sina Ziha at Gispa ang nangangasiwa sa mga lingkod sa templo.*

22 Ang tagapangasiwa ng mga Levita sa Jerusalem ay si Uzi na anak ni Bani na anak ni Hasabias na anak ni Matanias+ na anak ni Mica, na mula sa pamilya ni Asap na mga mang-aawit; si Uzi ang nangangasiwa sa gawain sa bahay ng tunay na Diyos. 23 At naglabas ng utos ang hari para sa kapakanan ng mga mang-aawit,+ kaya inilalaan ang araw-araw na pangangailangan ng mga ito. 24 At ang tagapayo ng hari* sa bawat bagay na may kinalaman sa bayan ay si Petahias na anak ni Mesezabel na mula sa mga anak ni Zera na anak ni Juda.

25 Ang ilan mula sa tribo ni Juda ay tumira sa Kiriat-arba+ at sa katabing mga nayon nito,* sa Dibon at sa katabing mga nayon nito, sa Jekabzeel+ at sa katabing mga pamayanan nito, 26 sa Jesua, sa Molada,+ sa Bet-pelet,+ 27 sa Hazar-sual,+ sa Beer-sheba at sa katabing mga nayon nito, 28 sa Ziklag,+ sa Mecona at sa katabing mga nayon nito, 29 sa En-rimon,+ sa Zora,+ at sa Jarmut, 30 sa Zanoa,+ sa Adulam, at sa katabing mga pamayanan ng mga ito, sa Lakis+ at sa katabing mga bukid nito, at sa Azeka+ at sa katabing mga nayon nito. Tumira* sila mula sa Beer-sheba hanggang sa Lambak ng Hinom.+

31 At ang tribo ni Benjamin ay nasa Geba,+ Micmash, Aija, Bethel+ at sa katabing mga nayon nito, 32 Anatot,+ Nob,+ Anania, 33 Hazor, Rama,+ Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod, at Ono,+ ang lambak ng mga bihasang manggagawa. 36 At ang ilang grupo ng mga Levita na mula sa Juda ay tumira sa teritoryo ng Benjamin.

12 Ito ang mga saserdote at mga Levita na sumama kay Zerubabel,+ na anak ni Sealtiel,+ at kay Jesua:+ sina Seraias, Jeremias, Ezra, 2 Amarias, Maluc, Hatus, 3 Secanias, Rehum, Meremot, 4 Ido, Ginetoi, Abias, 5 Mijamin, Maadias, Bilga, 6 Semaias, Joiarib, Jedaias, 7 Sallu, Amok, Hilkias, at Jedaias. Sila ang mga ulo ng mga saserdote at ng kanilang mga kapatid noong panahon ni Jesua.

8 Ang mga Levita ay sina Jesua, Binui, Kadmiel,+ Serebias, Juda, at Matanias.+ Si Matanias at ang mga kapatid niya ang nangasiwa sa pag-awit ng pasasalamat. 9 At ang mga kapatid nilang sina Bakbukias at Uni ay nakatayo sa tapat nila para magbantay.* 10 Naging anak ni Jesua si Joiakim, at naging anak ni Joiakim si Eliasib,+ at naging anak ni Eliasib si Joiada.+ 11 At naging anak ni Joiada si Jonatan, at naging anak ni Jonatan si Jadua.

12 Noong panahon ni Joiakim, ito ang mga saserdote at mga ulo ng angkan: kay Seraias,+ si Meraias; kay Jeremias, si Hananias; 13 kay Ezra,+ si Mesulam; kay Amarias, si Jehohanan; 14 kay Maluki, si Jonatan; kay Sebanias, si Jose; 15 kay Harim,+ si Adna; kay Meraiot, si Helkai; 16 kay Ido, si Zacarias; kay Gineton, si Mesulam; 17 kay Abias,+ si Zicri; kay Miniamin, . . . ;* kay Moadias, si Piltai; 18 kay Bilga,+ si Samua; kay Semaias, si Jehonatan; 19 kay Joiarib, si Matenai; kay Jedaias,+ si Uzi; 20 kay Salai, si Kalai; kay Amok, si Eber; 21 kay Hilkias, si Hasabias; at kay Jedaias, si Netanel.

22 Nakarekord kung sino ang mga ulo ng mga angkan ng mga Levita at mga saserdote mula noong panahon nina Eliasib, Joiada, Johanan, hanggang kay Jadua,+ noong paghahari ni Dario na Persiano.

23 Ang mga Levita na mga ulo ng angkan hanggang sa panahon ni Johanan na anak ni Eliasib ay nakarekord sa aklat ng kasaysayan. 24 Ang mga ulo ng mga Levita ay sina Hasabias, Serebias, at Jesua+ na anak ni Kadmiel,+ at ang mga kapatid nilang bantay ay nakatayo sa tapat nila nang grupo-grupo para magbigay ng papuri at magpasalamat ayon sa mga tagubilin ni David+ na lingkod ng tunay na Diyos. 25 Sina Matanias,+ Bakbukias, Obadias, Mesulam, Talmon, at Akub+ ay mga bantay ng pintuang-daan;+ binabantayan nila ang mga silid-imbakan na malapit sa pintuang-daan ng templo. 26 Naglingkod sila noong panahon ni Joiakim na anak ni Jesua+ na anak ni Jozadak at noong panahon ni Nehemias na gobernador at ni Ezra+ na saserdote at tagakopya.*

27 Hinanap nila ang mga Levita sa lahat ng lugar na tinitirhan ng mga ito at tinipon sa Jerusalem para makisaya sa inagurasyon ng pader nito. Umawit sila ng pasasalamat+ at tumugtog ng mga simbalo,* instrumentong de-kuwerdas, at alpa. 28 At ang mga anak ng mga mang-aawit* ay nagtipon-tipon mula sa distrito,* mula sa buong Jerusalem, mula sa mga pamayanan ng mga Netopatita,+ 29 mula sa Bet-gilgal,+ at mula sa mga rehiyon sa palibot ng Geba+ at Azmavet,+ dahil ang mga mang-aawit ay bumuo ng sarili nilang mga pamayanan sa iba’t ibang lugar sa Jerusalem. 30 At pinabanal ng mga saserdote at ng mga Levita ang kanilang sarili, at pinabanal nila ang bayan,+ ang mga pintuang-daan,+ at ang pader.+

31 Pagkatapos, isinama ko ang mga pinuno ng Juda sa ibabaw ng pader. Nag-atas din ako ng dalawang malalaking koro* ng pasasalamat at ng grupong susunod sa bawat koro, at ang isang koro ay lumakad pakanan sa ibabaw ng pader papunta sa Pintuang-Daan ng mga Bunton ng Abo.+ 32 Si Hosaias at ang kalahati sa mga pinuno ng Juda ay lumakad kasunod nila, 33 kasama sina Azarias, Ezra, Mesulam, 34 Juda, Benjamin, Semaias, at Jeremias. 35 Kasama rin nila ang ilang anak ng mga saserdote na humihihip ng trumpeta:+ si Zacarias na anak ni Jonatan na anak ni Semaias na anak ni Matanias na anak ni Micaias na anak ni Zacur na anak ni Asap,+ 36 at ang mga kapatid niyang sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanel, Juda, at Hanani, na tumutugtog ng mga instrumentong pangmusika na katulad ng ginamit ni David+ na lingkod ng tunay na Diyos; at si Ezra+ na tagakopya* ay nasa unahan nila. 37 Mula sa Pintuang-Daan ng Bukal,+ dumeretso sila at nadaanan ang Hagdanan+ ng Lunsod ni David+ sa paahong bahagi ng pader sa itaas ng Bahay ni David hanggang sa Pintuang-Daan ng Tubig+ sa silangan.

38 Ang isa pang koro ng pasasalamat ay lumakad sa kabilang direksiyon,* at sinundan ko iyon kasama ang isang grupo, sa ibabaw ng pader sa itaas ng Tore ng mga Pugon+ at nagpatuloy hanggang sa Malapad na Pader,+ 39 Pintuang-Daan ng Efraim,+ Pintuang-Daan ng Matandang Lunsod,+ Pintuang-Daan ng mga Isda,+ Tore ni Hananel,+ Tore ng Mea, at Pintuang-Daan ng mga Tupa;+ at huminto sila sa Pintuang-Daan ng Bantay.

40 Pagkatapos, nakarating ang dalawang koro ng pasasalamat sa harap ng bahay ng tunay na Diyos; nakarating din ako at ang kalahati sa mga kinatawang opisyal na kasama ko, 41 pati na ang mga saserdoteng sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias, at Hananias, na mga humihihip ng trumpeta, 42 at sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkias, Elam, at Ezer. At ang mga mang-aawit ay kumanta nang malakas sa pangangasiwa ni Izrahias.

43 Nang araw na iyon, naghandog sila ng maraming hain at nagdiwang+ dahil talagang pinasaya sila ng tunay na Diyos. Nagsaya rin ang mga babae at mga bata,+ kaya ang pagsasaya ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo.+

44 Nang araw na iyon, nag-atas ng mga lalaking mangangasiwa sa mga imbakan+ para sa mga abuloy,+ mga unang bunga,+ at mga ikasampu.*+ Mula sa mga bukid ng mga lunsod, titipunin nila sa mga imbakang iyon ang mga bahaging hinihiling ng Kautusan+ para sa mga saserdote at mga Levita,+ dahil ang Juda ay nasisiyahan sa paglilingkod ng mga saserdote at mga Levita. 45 At pinasimulan nilang gampanan ang mga atas sa kanila ng Diyos at ang atas sa pagpapabanal, at gayon din ang ginawa ng mga mang-aawit at mga bantay ng pintuang-daan, ayon sa mga tagubilin ni David at ng anak niyang si Solomon. 46 Dahil noong panahon nina David at Asap, may mga konduktor para sa mga mang-aawit at awit ng papuri at pasasalamat sa Diyos.+ 47 At noong panahon ni Zerubabel+ at noong panahon ni Nehemias, ang buong Israel ay nagbibigay ng pagkain sa mga mang-aawit+ at mga bantay ng pintuang-daan+ ayon sa araw-araw na pangangailangan ng mga ito. Nagbubukod din sila ng pagkain para sa mga Levita,+ at ang mga Levita naman para sa mga inapo ni Aaron.

13 Nang araw na iyon, binasa ang aklat ni Moises sa harap ng bayan,+ at nakitang nakasulat doon na ang mga Ammonita o Moabita+ ay hindi dapat tanggapin kailanman sa kongregasyon ng tunay na Diyos,+ 2 dahil hindi nila binigyan ng tinapay at tubig ang mga Israelita, kundi binayaran nila si Balaam para isumpa ang mga Israelita.+ Pero binaligtad ng aming Diyos ang sumpa at ginawa itong pagpapala.+ 3 Nang marinig ng bayan ang Kautusan, pinasimulan nilang paalisin sa Israel ang lahat ng dayuhan at anak ng mga ito.+

4 Bago ito nangyari, ang saserdoteng nangangasiwa sa mga silid-imbakan* sa bahay* ng aming Diyos+ ay si Eliasib,+ na kamag-anak ni Tobia.+ 5 Ipinagamit niya kay Tobia ang isang malaking silid-imbakan,* kung saan nila dating inilalagay ang handog na mga butil,* ang olibano, at ang mga kagamitan at ang ikasampu* ng butil, bagong alak, at langis,+ na para sa mga Levita,+ mang-aawit, at bantay ng pintuang-daan, pati na ang abuloy para sa mga saserdote.+

6 Wala ako sa Jerusalem nang mga panahong iyon dahil pumunta ako sa hari noong ika-32 taon+ ni Haring Artajerjes+ ng Babilonya; at makalipas ang ilang panahon, nagpaalam ako sa hari para umalis. 7 Pagdating ko sa Jerusalem, nakita ko ang napakasamang ginawa ni Eliasib.+ Ipinagamit niya kay Tobia+ ang isang silid-imbakan sa looban* ng bahay ng tunay na Diyos. 8 Talagang ikinagalit ko ito, kaya inihagis ko sa labas ang lahat ng muwebles na pag-aari ni Tobia na nasa silid-imbakan.* 9 Pagkatapos, iniutos kong linisin nila ang mga silid-imbakan;* at ibinalik ko roon ang mga kagamitan sa bahay ng tunay na Diyos,+ pati na ang handog na mga butil at ang olibano.+

10 Natuklasan ko rin na hindi naibibigay sa mga Levita ang mga bahaging nakalaan para sa kanila,+ kaya ang naglilingkod na mga Levita at mang-aawit ay umalis para magtrabaho sa kani-kaniyang bukid.+ 11 Kaya sinaway ko ang mga kinatawang opisyal,+ at sinabi ko: “Bakit pinababayaan ang bahay ng tunay na Diyos?”+ Pagkatapos, tinipon ko ang mga Levita at ibinalik sa kani-kanilang atas. 12 At ang buong Juda ay nagdala ng ikasampu+ ng butil, bagong alak, at langis sa mga silid-imbakan.+ 13 Pagkatapos, nag-atas ako ng maaasahang mga lalaki para mangasiwa sa mga silid-imbakan—si Selemias na saserdote, si Zadok na tagakopya,* at si Pedaias na Levita—at ang katulong nila ay si Hanan na anak ni Zacur na anak ni Matanias. Nakaatas sa kanila ang pamamahagi sa mga kapatid nila.

14 O aking Diyos, alalahanin mo ako+ dahil dito, at huwag mong kalimutan ang tapat na pag-ibig na ipinakita ko para sa bahay ng aking Diyos at sa mga gawain* dito.+

15 Nang panahong iyon, nakita kong ang mga tao sa Juda ay nagtatrabaho* sa mga pisaan ng ubas kapag Sabbath,+ nagtitipon ng mga bunton ng butil at ipinapasan ang mga ito sa mga asno nila, at nagdadala sa Jerusalem ng alak, ubas, igos, at iba pang produkto sa araw ng Sabbath.+ Kaya pinagsabihan ko sila na huwag magtinda ng anumang produkto sa araw na iyon.* 16 At ang mga taga-Tiro na nakatira sa lunsod ay nagpapasok ng isda at lahat ng klase ng paninda at ibinebenta ang mga ito kapag Sabbath sa mga inapo ni Juda na nasa Jerusalem.+ 17 Kaya sinaway ko ang mga prominenteng tao ng Juda, at sinabi ko sa kanila: “Ano itong kasamaang ginagawa ninyo? Nilalabag ninyo ang kautusan ng Sabbath. 18 Hindi ba ito ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya pinarusahan tayo ng ating Diyos, pati na ang lunsod na ito? Lalo ninyong pinatitindi ang galit ng Diyos laban sa Israel dahil nilalabag ninyo ang kautusan ng Sabbath.”+

19 Bago dumilim at magsimula ang araw ng Sabbath, ipinasara ko ang mga pintuang-daan ng Jerusalem. Sinabi ko rin na huwag nilang bubuksan ang mga iyon hanggang sa matapos ang Sabbath, at inilagay ko sa mga pintuang-daan ang ilan sa sarili kong mga tagapaglingkod para walang maipasok na produkto sa araw ng Sabbath. 20 Kaya ang mga negosyante at nagbebenta ng lahat ng klase ng paninda ay nagpalipas ng gabi sa labas ng Jerusalem nang isa o dalawang beses. 21 Sinabihan ko sila: “Bakit kayo nagpapalipas ng gabi sa harap ng pader? Kapag inulit pa ninyo iyan, puwersahan ko kayong paaalisin.” Mula noon, hindi na sila pumupunta kapag Sabbath.

22 At sinabi ko sa mga Levita na dapat ay lagi nilang pabanalin ang kanilang sarili at lagi silang pumunta at magbantay sa mga pintuang-daan para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.+ O aking Diyos, alalahanin mo rin ang ginawa kong ito at kaawaan mo ako ayon sa iyong saganang tapat na pag-ibig.+

23 Nang panahong iyon, natuklasan ko rin na may mga Judiong nag-asawa* ng mga babaeng Asdodita,+ Ammonita, at Moabita.+ 24 Ang kalahati sa mga anak nila ay nagsasalita ng wikang Asdodita at ang kalahati ay nagsasalita ng wika ng ibang bayan, pero walang isa man sa kanila ang marunong magsalita ng wika ng mga Judio. 25 Kaya sinaway ko ang mga Judiong iyon at isinumpa sila at sinaktan ang ilan sa mga lalaki+ at binunot ang kanilang buhok, at sinabi ko: “Sumumpa kayo sa Diyos na hindi ninyo ibibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki at hindi ninyo tatanggapin ang sinuman sa kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki o para sa inyong sarili.+ 26 Hindi ba ito ang dahilan kaya nagkasala si Haring Solomon ng Israel? Walang haring tulad niya saanmang bansa;+ minahal siya ng kaniyang Diyos+ at ginawang hari sa buong Israel. Pero kahit siya, nagkasala dahil sa mga asawang banyaga.+ 27 Kaya paano ninyo nagawa ang napakalaking kasalanang ito na mag-asawa ng mga babaeng banyaga at maging di-tapat sa Diyos?”+

28 Ang isa sa mga anak ni Joiada+ na anak ni Eliasib+ na mataas na saserdote ay naging manugang ni Sanbalat+ na Horonita. Kaya pinaalis ko siya.

29 Huwag mong kalimutan, O Diyos ko, na dinungisan nila ang pagkasaserdote at ang tipan sa mga saserdote+ at mga Levita.+

30 At nilinis* ko sila mula sa lahat ng masasamang impluwensiya ng mga dayuhan, at binigyan ko ng kani-kaniyang atas ang mga saserdote at mga Levita.+ 31 Isinaayos ko rin ang pagkakaroon ng regular na suplay ng kahoy+ at pagdadala ng mga unang hinog na bunga.

Alalahanin mo ako at pagpalain,* O Diyos ko.+

Ibig sabihin, “Inaaliw ni Jah.”

Tingnan ang Ap. B15.

O “tanggulan.”

O “Susa.”

Distritong sakop ng Medo-Persia.

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”

O “at karapat-dapat sa matinding paggalang.”

O “hudisyal na pasiya.”

O “utos; babala.”

Lit., “bigyang-pansin ng iyong tainga.”

Lit., “na nalulugod na matakot.”

Lit., “Mabuhay ang hari!”

O “sa kanluran ng Eufrates.”

O “parke.”

O “Templo.”

Lit., “lingkod.”

Malamang na ito rin ang Balon ng En-rogel.

O “wadi.”

Lit., “At pinalakas nila ang mga kamay nila.”

Lit., “lingkod.”

O “Inialay.”

Lit., “hindi naglagay ng kanilang batok.”

Lit., “na sakop ng trono.”

O “sa kanluran ng Eufrates.”

O “tagatimpla ng ungguento.”

Mga 445 m (1,460 ft). Tingnan ang Ap. B14.

Posibleng inilibing din dito ang mga hari ng Juda.

O “Mandirigma.”

O posibleng “sa kalapít na distrito.”

O “Palasyo.”

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

O “malaking kuwarto.”

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

Sa Ingles, fox.

Lit., “sa kanilang ulo.”

Lit., “at ibigay mo sila bilang samsam sa lupain ng pagkabihag.”

O “at patuloy na ibinigay ng bayan ang puso nila sa gawain.”

O “tagabuhat.”

Lit., “10 beses.”

O “at karapat-dapat sa matinding paggalang.”

Kasuotang pandigma na pamprotekta sa dibdib at likod.

Lit., “nasa likuran ng.”

O “sibat; diyabelin.”

Lit., “hanggang sa paglitaw ng mga bituin.”

O “Ginagawa naming panagot.”

O “panagot.”

O “tributo.”

O “Magkakadugo.”

O “malaking patubo.”

Lit., “ikasandaang bahagi,” o 1 porsiyento kada buwan.

Ang mga nagpahiram nang may interes.

Nagsisilbing bulsa sa bandang dibdib.

Lit., “ang dibdib ko.”

O “Mangyari nawa!”

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

O “sa sarili kong gastos, nagpapahanda ako.”

O “lalaking baka.”

O “sa sarili kong gastos, nagpapahanda ako.”

O “Alalahanin mo ako sa ikabubuti.”

Lit., “Kinatha lang iyan ng puso mo.”

O “Lalaylay ang mga kamay nila.”

Lit., “ang mga kamay ko.”

Tingnan ang Ap. B15.

Lit., “lubha silang napababa sa sarili nilang paningin.”

Lit., “inilagay ng Diyos sa puso ko.”

Distritong sakop ng Medo-Persia.

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

O posibleng “mga anak ni.”

O “ng Netineo.” Lit., “ng ibinigay.”

O “angkan ng ama.”

O “hindi sila pinaglingkod bilang saserdote dahil marumi sila.”

O “Tirsata,” titulong Persiano para sa gobernador ng isang distrito.

Anak ng kabayo at asno.

O “Tirsata,” titulong Persiano para sa gobernador ng isang distrito.

Isang barya na karaniwang itinutumbas sa gintong darik ng Persia na may timbang na 8.4 g. Iba sa drakma ng Griegong Kasulatan. Tingnan ang Ap. B14.

Sa Hebreong Kasulatan, ang isang mina ay 570 g. Tingnan ang Ap. B14.

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

O “plaza.”

O “eskriba.”

O “lahat ng bata na.”

O “mula bukang-liwayway.”

O “lahat ng bata na.”

O “eskriba.”

O “Mangyari nawa!”

O “Tirsata,” titulong Persiano para sa gobernador ng isang distrito.

O “eskriba.”

Lit., “ng matatabang bagay.”

O “lakas.”

O “eskriba.”

O “pansamantalang tirahan.”

O “bakuran.”

Lit., “at sangkapat ng araw.”

Lit., “sangkapat ng araw.”

O “mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas.”

Lit., “lahat ng hukbo nito.”

Lit., “ang hukbo ng mga langit.”

Lit., “sa binhi.”

O “kautusang batay sa katotohanan.”

Lit., “leeg.”

O “ang kamangha-manghang mga gawa.”

Lit., “leeg.”

O “Diyos ng mga pagpapatawad.”

O “magandang-loob.”

O “sa maibiging-kabaitan.”

O “batang baka.”

Lit., “mabuting espiritu.”

O “nakukutaang.”

Lit., “at itinapon nila ang iyong Kautusan sa kanilang likuran.”

O “madurog.”

Lit., “at pinatigas ang leeg nila.”

Mga banyaga.

O “magandang-loob.”

O “at karapat-dapat sa matinding paggalang.”

O “Naging patas ka sa amin.”

Lit., “aming mga katawan.”

O “Tirsata,” titulong Persiano para sa gobernador ng isang distrito.

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

O posibleng “lahat ng kaya nang umunawa.”

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

O “templo.”

Tinapay na pantanghal.

O “handog na pagkain.”

O “silid-kainan.”

O “ikapu.”

O “silid-kainan.”

O “silid-kainan.”

O “pinagpala.”

Distritong sakop ng Medo-Persia.

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

O “templo.”

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

O “mga Netineo.” Lit., “mga ibinigay.”

O “ang nasa tabi ng hari.”

O “sa mga nayong nakadepende rito.”

O “Nagkampo.”

O posibleng “habang umaawit.”

Lumilitaw na may inalis na pangalan dito sa sinaunang mga kopya ng Hebreong Kasulatan.

O “eskriba.”

O “pompiyang.”

O “At ang sinanay na mga mang-aawit.”

Distrito sa palibot ng Jordan.

O “grupo ng mga mang-aawit.”

O “eskriba.”

O “sa harap.”

O “ikapu.”

O “silid-kainan.”

O “templo.”

O “silid-kainan.”

O “handog na pagkain.”

O “ikapu.”

O “bakuran.”

O “silid-kainan.”

O “silid-kainan.”

O “eskriba.”

O “sa pag-iingat.”

O “yumayapak.”

O posibleng “pinagsabihan ko sila nang araw na iyon na huwag magtinda ng anumang produkto.”

O “na nagdala sa mga bahay nila.”

O “pinabanal.”

O “Alalahanin mo ako sa ikabubuti.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share