Jonas
1 At ang salita ni Jehova ay nagsimulang dumating kay Jonas+ na anak ni Amitai, na nagsasabi: 2 “Bumangon ka, pumaroon ka sa Nineve+ na dakilang lunsod, at ihayag mo laban sa kaniya na ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.”+
3 At si Jonas ay bumangon at tumakas patungo sa Tarsis+ mula sa harap ni Jehova;+ at nang maglaon ay bumaba siya sa Jope+ at nakasumpong ng isang barko na papunta sa Tarsis. Kaya nagbayad siya ng pasahe nito at lumulan doon, upang sumama sa kanila sa Tarsis mula sa harap ni Jehova.
4 At si Jehova ay nagpabugso ng isang malakas na hangin sa dagat,+ at nagkaroon ng malakas na unos+ sa dagat; at kung tungkol sa barko, iyon ay malapit nang magiba. 5 At ang mga marinero ay nagsimulang matakot at humingi ng saklolo, bawat isa ay sa kaniyang diyos.+ At inihagis nila sa dagat ang mga kagamitang nasa barko, upang makapagpagaan ito sa kanila.+ Ngunit si Jonas ay bumaba sa kaloob-loobang bahagi ng sasakyang may kubyerta, at siya ay humiga at nakatulog nang mahimbing.+ 6 Nang maglaon ay lumapit sa kaniya ang kapitan ng barko at nagsabi sa kaniya: “Ano ang nangyayari sa iyo, matutulugin? Bumangon ka, tumawag ka sa iyong diyos!+ Baka sakaling magmalasakit sa atin ang tunay na Diyos, at hindi tayo mamamatay.”+
7 At nagsimula silang magsabi sa isa’t isa: “Halikayo, at magpalabunutan tayo,+ upang malaman natin kung sino ang dahilan kung bakit napasaatin ang kapahamakang ito.”+ At patuloy silang nagpalabunutan, at nang dakong huli ay nahulog kay Jonas ang palabunot.+ 8 Kaya sinabi nila sa kaniya: “Sabihin mo sa amin, pakisuyo, sino ang dahilan kung bakit napasaatin ang kapahamakang ito?+ Ano ang iyong gawain, at saan ka nanggaling? Ano ang iyong bansa, at aling bayan ang pinagmulan mo?”
9 Sa gayon ay sinabi niya sa kanila: “Ako ay isang Hebreo,+ at si Jehova na Diyos ng langit+ ang kinatatakutan ko,+ ang Isa na gumawa ng dagat at ng tuyong lupa.”+
10 At ang mga lalaki ay nagsimulang matakot nang lubha, at sinabi nila sa kaniya: “Ano itong ginawa mo?”+ Sapagkat nalaman ng mga lalaki na tumatakas siya mula sa harap ni Jehova, sapagkat sinabi niya sa kanila. 11 Sa kalaunan ay sinabi nila sa kaniya: “Ano ang dapat naming gawin sa iyo,+ upang ang dagat ay pumayapa para sa atin?” Sapagkat ang dagat ay lalo pang nagiging maunos. 12 Kaya sinabi niya sa kanila: “Buhatin ninyo ako at ihagis ninyo ako sa dagat, at ang dagat ay papayapa para sa inyo; sapagkat batid ko na dahil sa akin kung kaya ang malakas na unos na ito ay sumapit sa inyo.”+ 13 Ngunit ang mga lalaki ay nagsikap nang puspusan, upang maibalik ang barko sa tuyong lupa; gayunma’y hindi nila magawa, sapagkat ang dagat ay lalo pang nagiging maunos laban sa kanila.+
14 At sila ay tumawag kay Jehova at nagsabi:+ “Ah, O Jehova, pakisuyo, huwag nawa kaming mamatay dahil sa kaluluwa ng lalaking ito! At huwag kang magpataw sa amin ng dugong walang-sala,+ yamang ginagawa mo, O Jehova, ang ayon sa iyong kinalulugdan!”+ 15 Pagkatapos ay binuhat nila si Jonas at inihagis nila siya sa dagat; at ang dagat ay nagsimulang tumigil sa pagngangalit nito.+ 16 At ang mga lalaki ay nagsimulang matakot na lubha kay Jehova,+ kaya sila ay naghandog ng hain kay Jehova+ at nanata.+
17 At itinalaga ni Jehova ang isang malaking isda upang lulunin si Jonas,+ anupat si Jonas ay napasa mga panloob na bahagi ng isda nang tatlong araw at tatlong gabi.+