ESTHER
1 Naganap ang mga pangyayaring ito noong panahon ni Ahasuero,* ang Ahasuero na namamahala sa 127 distrito+ mula India hanggang Etiopia.* 2 Namamahala noon si Haring Ahasuero mula sa kaniyang palasyo sa Susan.*+ 3 Noong ikatlong taon ng paghahari niya ay nagdaos siya ng isang malaking handaan para sa lahat ng matataas na opisyal at mga lingkod niya. Naroon ang hukbo ng Persia+ at Media,+ ang mga prominenteng tao, at ang matataas na opisyal ng mga distrito, 4 at sa loob ng maraming araw, 180 araw, ipinakita niya sa kanila ang kayamanan ng kaniyang maluwalhating kaharian at ang kaniyang karangalan at kadakilaan. 5 Pagkaraan nito, ang hari ay nagdaos ng malaking handaan sa loob ng pitong araw para sa lahat ng nasa palasyo ng Susan,* para sa mga prominente at ordinaryong tao, sa hardin ng palasyo ng hari. 6 May mga kurtinang gawa sa lino, magandang klase ng koton, at asul na tela na tinalian ng mga lubid na gawa sa magandang klase ng tela at lanang purpura.* Nakatali ang mga lubid na ito sa hugis-singsing na mga pilak na nasa mga haliging marmol. May mga higaan ding yari sa ginto at pilak, at ang sahig ay gawa sa batong porfido,* puting marmol, perlas, at itim na marmol.
7 Isinisilbi ang alak sa mga gintong kopa; walang kopa na magkapareho. At sagana ang alak, na kayang-kayang ilaan ng hari. 8 Nang pagkakataong iyon, walang nagtatakda kung gaano karami ang puwedeng inumin ng isa, dahil ipinag-utos ng hari sa mga opisyal ng palasyo na hayaan ang bawat isa na gawin kung ano ang gusto niya.
9 Si Reyna Vasti+ ay nagdaos din sa palasyo ni Haring Ahasuero ng malaking handaan para sa mga babae.
10 Nang ikapitong araw, nang ang puso ng hari ay sumaya dahil sa alak, sinabihan niya sina Mehuman, Bizta, Harbona,+ Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong opisyal ng palasyo na tagapaglingkod ni Haring Ahasuero, 11 na dalhin sa harap ng hari si Reyna Vasti na suot ang korona para ipakita sa mga tao at sa matataas na opisyal ang kaniyang kagandahan, dahil napakaganda niya. 12 Pero paulit-ulit na tumangging magpunta si Reyna Vasti at ayaw niyang sundin ang utos ng hari na ipinarating sa kaniya ng mga opisyal ng palasyo. Kaya galit na galit ang hari.
13 Nakipag-usap ang hari sa marurunong na taong nakaaalam ng mga patakaran* (dahil laging kinokonsulta ng hari ang lahat ng eksperto sa batas at mga kaso,* 14 at ang pinakamalalapít sa kaniya ay sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena, at Memucan, pitong matataas na opisyal+ ng Persia at Media, na nakalalapit sa hari at may pinakamatataas na posisyon sa kaharian). 15 Nagtanong ang hari: “Ayon sa kautusan, ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sumuway siya sa utos ni Haring Ahasuero na ipinarating sa kaniya ng mga opisyal ng palasyo?”
16 Sumagot si Memucan sa harap ng hari at ng matataas na opisyal: “Hindi lang sa hari nagkasala si Reyna Vasti,+ kundi sa lahat ng matataas na opisyal at mga mamamayan sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero. 17 Dahil malalaman ng lahat ng asawang babae ang ginawa ng reyna, at mamaliitin nila ang kani-kanilang asawang lalaki at sasabihin, ‘Nag-utos si Haring Ahasuero na dalhin sa harap niya si Reyna Vasti, pero tumanggi itong magpunta.’ 18 At sa araw na ito, ang mga asawa ng lahat ng matataas na opisyal ng Persia at Media na nakaaalam sa ginawa ng reyna ay makikipag-usap sa kanila sa ganoong paraan, at darami ang magpapakita ng kawalang-respeto at galit. 19 Kung papayag ang hari, maglabas siya ng utos at isama ito sa mga batas ng Persia at Media, na hindi puwedeng baguhin.+ Isasaad sa utos na ito na hindi na muling makahaharap si Vasti kay Haring Ahasuero. Iminumungkahi ko rin na pumili ang hari ng bagong reyna na mas mabuti kaysa sa kaniya. 20 At kapag ang utos ng hari ay narinig sa bawat panig ng kaniyang malawak na nasasakupan, igagalang ng lahat ng asawang babae ang kani-kanilang asawa, prominente man o ordinaryo.”
21 Nagustuhan ng hari at ng matataas na opisyal ang mungkahing ito, at ginawa ng hari ang sinabi ni Memucan. 22 Kaya nagpadala siya sa lahat ng distritong sakop ng kaharian ng mga liham+ na ayon sa istilo ng pagsulat ng bawat distrito at sa wika ng bawat bayan. Sinasabi rito na ang bawat asawang lalaki ay dapat maging panginoon sa kaniyang sariling pamilya at magsalita sa wika ng kaniyang sariling bayan.
2 Pagkatapos nito, nang humupa na ang galit ni Haring Ahasuero,+ naalaala niya ang ginawa ni Vasti+ at ang naging parusa rito.+ 2 At sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari: “Magpahanap ang hari ng mga dalagang* magaganda at bata pa. 3 At mag-atas ang hari ng mga tauhan sa lahat ng nasasakupang distrito.+ Titipunin nila ang lahat ng dalagang magaganda at bata pa at dadalhin ang mga ito sa palasyo ng Susan,* sa bahay ng mga babae. Si Hegai+ na lingkod* ng hari at tagapag-alaga ng mga babae ang mag-aasikaso sa kanila, at pagagandahin sila* roon. 4 At ang dalagang pinakamagugustuhan ng hari ang magiging reyna kapalit ni Vasti.”+ Natuwa ang hari sa mungkahi, at ginawa niya iyon.
5 May isang lalaking Judio sa palasyo ng Susan*+ na ang pangalan ay Mardokeo,+ anak ni Jair na anak ni Simei na anak ni Kis, isang Benjaminita.+ 6 Pinalayas siya sa Jerusalem kasama ng bayan at ni Jeconias+ na hari ng Juda, na ipinatapon ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. 7 Siya ang tumayong magulang ng pinsan* niyang si Hadasa,* o Esther,+ dahil ulilang lubos na ito. Ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Noong mamatay ang mga magulang niya, inampon siya ni Mardokeo. 8 Nang lumabas ang kautusan ng hari at nang dalhin ang maraming dalaga sa palasyo ng Susan* at ipagkatiwala kay Hegai,+ si Esther ay dinala rin sa bahay* ng hari sa pangangasiwa ni Hegai na tagapag-alaga ng mga babae.
9 Natutuwa si Hegai sa dalaga at magaan ang loob niya* rito, kaya agad niyang inasikaso ang pagpapaganda* sa dalaga+ at ang pagkain nito, at binigyan niya ito ng pitong piling kabataang babae mula sa bahay ng hari. Inilipat din niya si Esther at ang mga kabataang lingkod nito sa pinakamagandang lugar sa bahay ng mga babae. 10 Walang sinabi si Esther tungkol sa kaniyang bayan+ o mga kamag-anak dahil ibinilin ni Mardokeo+ sa kaniya na huwag itong sabihin kaninuman.+ 11 Araw-araw, naglalakad si Mardokeo sa harap ng looban ng bahay ng mga babae para alamin ang kalagayan ni Esther at kung ano ang nangyayari sa dalaga.
12 Bawat dalaga ay pinahaharap kay Haring Ahasuero pagkatapos ng 12-buwang pagpapaganda na itinakda para sa mga babae. Ganiyan katagal ang pagpapaganda* sa kanila—anim na buwan gamit ang langis ng mira+ at anim na buwan gamit ang langis ng balsamo+ at iba’t ibang pamahid na pampaganda. 13 Pagkatapos nito, ang dalaga ay handa nang humarap sa hari, at ibibigay sa kaniya ang anumang hilingin niya para sa pagpunta niya sa bahay ng hari galing sa bahay ng mga babae. 14 Sa gabi siya haharap sa hari, at kinaumagahan, uuwi siya sa ikalawang bahay ng mga babae, kung saan si Saasgaz ang lingkod* ng hari+ at tagapag-alaga ng mga pangalawahing asawa ng hari. Hindi na pupunta sa hari ang dalaga malibang gustong-gusto siya ng hari at ipatawag siya nito.+
15 Dumating ang araw na haharap na si Esther sa hari. Si Esther ay anak ni Abihail na tiyo ni Mardokeo, na siyang umampon sa kaniya.+ Hindi humiling si Esther ng anuman maliban sa inirekomenda ni Hegai na lingkod* ng hari at tagapag-alaga ng mga babae. (Samantala, humahanga kay Esther ang lahat ng nakakakita sa kaniya). 16 Dinala si Esther kay Haring Ahasuero sa kaniyang palasyo noong ika-10 buwan, ang buwan ng Tebet,* nang ikapitong taon+ ng paghahari niya. 17 At minahal ng hari si Esther nang higit kaysa sa lahat ng iba pang babae. Nagustuhan siya ng hari at pinahalagahan nang higit* kaysa sa lahat ng iba pang dalaga. Kaya inilagay ng hari ang korona sa ulo ni Esther at ginawa niya itong reyna+ kapalit ni Vasti.+ 18 At ang hari ay nagdaos ng malaking handaan para sa lahat ng kaniyang matataas na opisyal at mga lingkod bilang parangal kay Esther. Nagdeklara din siya ng amnestiya para sa lahat ng distritong sakop niya at namigay ng napakaraming regalo na hari lang ang makapagbibigay.
19 At nang tipunin ang mga dalaga+ sa ikalawang pagkakataon, si Mardokeo ay nakaupo sa pintuang-daan ng hari. 20 Walang sinasabi si Esther tungkol sa mga kamag-anak niya at sa bayan niya,+ gaya ng bilin sa kaniya ni Mardokeo; at palaging sinusunod ni Esther ang sinasabi ni Mardokeo, gaya noong nasa pangangalaga pa siya nito.+
21 Nang mga araw na iyon, habang nakaupo si Mardokeo sa pintuang-daan ng hari, ang dalawang opisyal sa palasyo na sina Bigtan at Teres, mga bantay-pinto, ay nagalit at nagplanong patayin si Haring Ahasuero. 22 Pero nalaman ito ni Mardokeo, at agad niya itong sinabi kay Reyna Esther. Nakipag-usap naman si Esther sa hari sa ngalan ni Mardokeo. 23 Inimbestigahan ito at napatunayang totoo, kaya ang dalawang lalaki ay ibinitin sa tulos; at lahat ng ito ay isinulat sa aklat ng kasaysayan sa harap ng hari.+
3 Pagkatapos ng mga bagay na ito, binigyan ni Haring Ahasuero ng mas mataas na posisyon si Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ at binigyan niya ito ng mas malaking awtoridad kaysa sa lahat ng iba pang matataas na opisyal.+ 2 At ang lahat ng lingkod ng hari na nasa pintuang-daan ng palasyo ay yumuyukod at sumusubsob sa harapan ni Haman dahil iyon ang iniutos ng hari. Pero ayaw yumukod o sumubsob ni Mardokeo. 3 Kaya ang mga lingkod ng hari na nasa pintuang-daan ng palasyo ay nagsabi kay Mardokeo: “Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?” 4 Araw-araw nila siyang sinasabihan, pero ayaw niyang makinig, at sinabi niya sa kanila na siya ay isang Judio.+ Kaya nagsumbong sila kay Haman para malaman kung palalampasin nito ang ginagawa ni Mardokeo.+
5 Nang makita ni Haman na ayaw yumukod at sumubsob ni Mardokeo sa harapan niya, nag-init siya sa galit.+ 6 Pero hindi siya kontentong si Mardokeo lang ang patayin, dahil sinabi sa kaniya ang tungkol sa bayan ni Mardokeo. Kaya humanap ng paraan si Haman para malipol ang lahat ng Judio, ang lahat ng kababayan ni Mardokeo, sa buong nasasakupan ni Ahasuero.
7 Noong unang buwan, ang buwan ng Nisan,* sa ika-12 taon+ ni Haring Ahasuero, naghagis sila ng Pur+ (o, pitsa sa palabunutan) sa harap ni Haman para malaman kung anong araw at buwan iyon dapat isagawa, at tumapat ito sa ika-12 buwan, ang Adar.*+ 8 Pagkatapos, sinabi ni Haman kay Haring Ahasuero: “May isang bayan na nakapangalat sa gitna ng mga bayan+ sa lahat ng distritong pinamamahalaan mo.+ Naiiba ang mga batas nila kumpara sa ibang bayan. Hindi sila sumusunod sa kautusan ng hari, at hindi makakabuti sa hari kung kukunsintihin sila. 9 Kung papayag ang hari, ipasulat niya nawa ang isang utos na lipulin sila. Magbibigay ako sa mga opisyal ng 10,000 talento* ng pilak para sa kabang-yaman ng hari.”*
10 Hinubad ng hari ang kaniyang singsing na panlagda+ at ibinigay iyon kay Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ na kaaway ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari kay Haman: “Bahala ka na sa pilak at sa mga taong iyon; gawin mo sa kanila kung ano ang iniisip mong tama.” 12 Pagkatapos, ang mga kalihim ng hari+ ay tinawag noong ika-13 araw ng unang buwan. Isinulat nila+ ang lahat ng utos ni Haman para sa mga satrapa ng hari, sa mga gobernador na namamahala sa mga nasasakupang distrito, at sa matataas na opisyal ng iba’t ibang bayan. Ang kautusan ay isinulat ayon sa istilo ng pagsulat ng bawat distrito at sa wika ng bawat bayan. Isinulat ito sa ngalan ni Haring Ahasuero at tinatakan ng singsing na panlagda ng hari.+
13 Ang mga liham ay dinala ng mga mensahero sa lahat ng distritong sakop ng hari. Nakasulat dito na ang lahat ng Judio, mga bata’t matanda, mga musmos at mga babae, ay dapat lipulin, patayin, at puksain sa isang araw, sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar,+ at dapat kunin ang lahat ng pag-aari nila.+ 14 Ang nilalaman ng sulat ay magiging batas sa bawat nasasakupang distrito at ipaaalam sa lahat ng tao para maging handa sila sa araw na iyon. 15 Nagmula ang batas sa palasyo ng Susan.*+ Lumabas agad ang mga mensahero+ gaya ng iniutos ng hari. Pagkatapos, ang hari at si Haman ay umupo para uminom, habang ang mga tao sa lunsod ng Susan* ay nalilito sa nangyayari.
4 Nang malaman ni Mardokeo+ ang lahat ng nangyari,+ pinunit niya ang damit niya at nagsuot siya ng telang-sako at naglagay ng abo sa sarili. Pagkatapos, lumabas siya papunta sa gitna ng lunsod, na umiiyak nang malakas dahil sa matinding kalungkutan. 2 Hanggang sa labas lang siya ng pintuang-daan ng hari dahil hindi puwedeng pumasok doon ang nakasuot ng telang-sako. 3 At sa bawat nasasakupang distrito+ kung saan nakaabot ang kautusan ng hari, ang mga Judio ay labis na nagdadalamhati. Sila ay nag-aayuno,*+ umiiyak, at humahagulgol. Marami ang nakahiga sa mga telang-sako at abo.+ 4 Nang magpunta kay Esther ang mga tagapaglingkod niyang babae at lalaki* at ibalita ang nangyari, nalungkot nang husto ang reyna. Pagkatapos ay nagpadala siya kay Mardokeo ng mga damit na pamalit sa suot nitong telang-sako, pero ayaw itong tanggapin ni Mardokeo. 5 Kaya ipinatawag ni Esther si Hatac, isa sa mga tagapaglingkod* ng hari na inatasang maglingkod sa reyna, at inutusan itong tanungin si Mardokeo kung bakit niya ginagawa iyon at kung ano ang nangyayari.
6 Kaya pinuntahan ni Hatac si Mardokeo sa liwasan* ng lunsod na nasa harap ng pintuang-daan ng hari. 7 Sinabi ni Mardokeo kay Hatac ang lahat ng nangyari sa kaniya at ang eksaktong halaga+ na ipinangako ni Haman na ibibigay sa kabang-yaman ng hari para sa paglipol sa mga Judio.+ 8 Nagbigay rin siya ng kopya ng kautusang mula sa Susan*+ tungkol sa paglipol sa kanila. Ibinilin niyang ipakita ito at ipaliwanag kay Esther at sabihin sa reyna+ na lumapit mismo sa hari para humingi ng tulong at makiusap para sa kaniyang bayan.
9 Bumalik si Hatac at ibinalita niya kay Esther ang mga sinabi ni Mardokeo. 10 Inutusan naman ni Esther si Hatac na sabihin kay Mardokeo:+ 11 “Alam ng lahat ng lingkod ng hari at ng mga mamamayan sa mga distritong sakop ng hari na may iisang batas na ipinatutupad para sa sinumang lalaki o babae na papasok sa looban ng palasyo+ nang hindi ipinapatawag ng hari: Papatayin siya, malibang iunat sa kaniya ng hari ang gintong setro.+ At ako, 30 araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Nang sabihin kay Mardokeo ang mensahe ni Esther, 13 ipinasabi niya kay Esther: “Huwag mong isipin na makaliligtas ka sa paglipol sa mga Judio dahil nasa sambahayan ka ng hari. 14 Kung mananahimik ka sa panahong ito, tiyak na may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio,+ pero ikaw at ang angkan ng iyong ama ay malilipol. Ano’ng malay mo? Baka ito ang dahilan kaya ka naging reyna.”+
15 Sumagot si Esther kay Mardokeo: 16 “Sige, tipunin mo ang lahat ng Judio sa Susan* at mag-ayuno kayo+ para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw,+ gabi at araw. Ako at ang mga tagapaglingkod kong babae ay mag-aayuno rin. Haharap ako sa hari, kahit labag sa batas. At kung kailangan kong mamatay, handa akong mamatay.” 17 Kaya umalis si Mardokeo at ginawa ang lahat ng iniutos ni Esther sa kaniya.
5 Pagdating ng ikatlong araw,+ isinuot ni Esther ang damit niyang panreyna at tumayo siya sa looban ng palasyo, na katapat ng bahay ng hari. Nakaupo noon ang hari sa kaniyang trono sa palasyo, na nakaharap sa pasukan. 2 Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa looban, natuwa ang hari, at iniunat niya ang kaniyang kamay hawak ang gintong setro.+ Kaya lumapit si Esther at hinawakan ang dulo ng setro.
3 Tinanong siya ng hari: “Ano ang sadya mo, Reyna Esther? Ano ang gusto mo? Kahit kalahati ng kaharian ko, ibibigay ko sa iyo!” 4 Sumagot si Esther: “May inihanda po akong salusalo para sa inyo. Kung papayag po ang hari, magpunta sana kayo ngayon sa handaan kasama si Haman.”+ 5 Kaya sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod niya: “Sabihin ninyo kay Haman na pumunta agad dito, gaya ng hiniling ni Esther.” Kaya ang hari at si Haman ay pumunta sa salusalong inihanda ni Esther.
6 Noong umiinom na sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther: “Ano ang hiling mo? Ibibigay ko iyon sa iyo! Ano ang gusto mo? Kahit kalahati ng kaharian ko, ibibigay ko sa iyo!”+ 7 Sumagot si Esther: “Ang pakiusap ko po at kahilingan ay, 8 Kung kinalulugdan ako ng hari at nanaisin ng hari na ibigay ang pakiusap ko at kahilingan, pumunta sana kayo ni Haman sa handaang idaraos ko bukas para sa inyo; at bukas ko po sasabihin ang kahilingan ko.”
9 Nang araw na iyon, lumabas si Haman na masayang-masaya. Pero nang makita niya si Mardokeo sa pintuang-daan ng palasyo at mapansing hindi ito tumayo at hindi ito natatakot sa kaniya, galit na galit si Haman kay Mardokeo.+ 10 Pero nagpigil si Haman at umuwi sa bahay niya. Pagkatapos, ipinatawag niya ang kaniyang mga kaibigan at ang asawa niyang si Zeres.+ 11 Ipinagyabang ni Haman na malaki ang kayamanan niya, na marami siyang anak,+ at na binigyan siya ng hari ng mas mataas na posisyon at mas malaking awtoridad kaysa sa lahat ng matataas na opisyal at mga lingkod ng hari.+
12 Sinabi pa ni Haman: “Hindi lang iyan, ako lang ang inimbita ni Reyna Esther para samahan ang hari sa salusalong inihanda niya.+ Imbitado rin ako bukas para makasama siya at ang hari.+ 13 Pero bale-wala ang lahat ng ito hangga’t nakikita ko ang Judiong si Mardokeo na nakaupo sa pintuang-daan ng palasyo.” 14 Kaya sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Zeres at ng lahat ng kaibigan niya: “Magpagawa ka ng isang tulos na 50 siko* ang taas. At bukas ng umaga, sabihin mo sa hari na ibitin doon si Mardokeo.+ Saka ka sumama sa hari sa handaan at magpakasaya ka.” Nagustuhan ni Haman ang mungkahing ito, kaya ipinagawa niya ang tulos.
6 Nang gabing iyon, hindi makatulog ang hari. Kaya ipinakuha niya ang aklat ng kasaysayan,+ at binasa ito sa hari. 2 Nabasa roon ang iniulat ni Mardokeo tungkol sa dalawang opisyal sa palasyo na sina Bigtana at Teres, mga bantay-pinto, na nagplanong pumatay kay Haring Ahasuero.+ 3 Nagtanong ang hari: “Anong parangal at gantimpala ang ibinigay kay Mardokeo para dito?” Sumagot ang mga tagapaglingkod ng hari: “Wala po.”
4 Mayamaya ay sinabi ng hari: “Sino ang nasa labas?” Si Haman noon ay nasa harap ng palasyo+ dahil sasabihin nito sa hari na ibitin si Mardokeo sa tulos na inihanda niya para dito.+ 5 Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari: “Si Haman+ po ang nasa labas.” Kaya sinabi ng hari: “Papasukin siya.”
6 Pagpasok ni Haman, sinabi ng hari: “Ano ang dapat gawin sa lalaking gustong parangalan ng hari?” Naisip ni Haman: “Sino pa ba ang gustong parangalan ng hari kundi ako?”+ 7 Kaya sinabi ni Haman sa hari: “Para sa lalaking gustong parangalan ng hari, 8 magpakuha kayo ng damit na isinusuot ng hari+ at ng isang kabayong sinasakyan ng hari at may korona. 9 Pagkatapos, ipagkatiwala ninyo ang damit at ang kabayo sa isa sa mga kagalang-galang na opisyal ng hari. Bibihisan ng mga lingkod ng hari ang lalaking gustong parangalan ng hari, at sakay ng kabayo ay ililibot nila siya sa liwasan* ng lunsod. Sisigaw sila sa unahan niya, ‘Ganito ang ginagawa sa lalaking gustong parangalan ng hari!’”+ 10 Kaagad na sinabi ng hari kay Haman: “Dali! Kunin mo ang damit at ang kabayo, at ang mga sinabi mo ay gawin mo sa Judiong si Mardokeo na nakaupo sa pintuang-daan ng palasyo. Siguraduhin mong mangyayari ang lahat ng sinabi mo.”
11 Kaya kinuha ni Haman ang damit at ang kabayo, at binihisan niya si Mardokeo+ at inilibot sa liwasan ng lunsod sakay ng kabayo. Sumisigaw si Haman sa unahan ni Mardokeo: “Ganito ang ginagawa sa lalaking gustong parangalan ng hari!” 12 Pagkatapos, bumalik si Mardokeo sa pintuang-daan ng palasyo, pero si Haman ay nagmamadaling umuwi sa bahay niya, na lumong-lumo at may takip sa ulo. 13 Nang sabihin ni Haman sa asawa niyang si Zeres+ at sa lahat ng kaibigan niya ang nangyari sa kaniya, sinabi ng kaniyang mga tagapayo* at ni Zeres: “Kung Judio* si Mardokeo, hindi ka mananalo sa kaniya. At ngayong nagsimula ka nang bumagsak sa harap niya, tuluyan ka nang babagsak.”
14 Habang nakikipag-usap pa sila sa kaniya, dumating ang mga opisyal ng palasyo at dali-daling dinala si Haman sa salusalong inihanda ni Esther.+
7 Kaya ang hari at si Haman+ ay nagpunta sa handaan ni Reyna Esther. 2 Sinabi ulit ng hari kay Esther noong ikalawang araw, habang umiinom sila ng alak: “Ano ang hiling mo, Reyna Esther? Ibibigay ko iyon sa iyo! Ano ang gusto mo? Kahit kalahati ng kaharian ko, ibibigay ko sa iyo!”+ 3 Sumagot si Reyna Esther: “Kung nalulugod kayo sa akin, mahal na hari, at kung mabuti sa tingin ng hari, iligtas ninyo ako at ang bayan ko+ mula sa kamatayan. 4 Dahil ipinagbili kami,+ ako at ang bayan ko, para lipulin, patayin, at puksain.+ Kung ipinagbili lang kami bilang mga alipin, mananahimik na lang sana ako. Pero makasasama rin ito sa hari, kaya hindi dapat hayaang mangyari ang kapahamakang ito.”
5 Sinabi ni Haring Ahasuero kay Reyna Esther: “Sino siya? Nasaan ang taong nangahas na gawin iyan?” 6 Sumagot si Esther: “Ang kalaban at kaaway ay ang masamang taong ito, si Haman.”
Natakot si Haman sa hari at sa reyna. 7 Tumayo ang hari sa tindi ng galit at nagpunta sa hardin ng palasyo. Tumayo rin si Haman para magmakaawa kay Reyna Esther na iligtas siya, dahil alam niyang tiyak na paparusahan siya ng hari. 8 Bumalik ang hari mula sa hardin ng palasyo at nakita niyang nakasubsob si Haman sa higaan kung saan naroon si Esther. Sumigaw ang hari: “Gagahasain mo pa ang reyna sa sarili kong bahay?” Pagkasabi ng hari sa mga salitang ito, tinakpan nila ang mukha ni Haman. 9 Sinabi ni Harbona,+ na isa sa mga opisyal ng palasyo: “Nagpagawa rin si Haman ng tulos para kay Mardokeo,+ ang nagligtas sa buhay ng hari dahil sa kaniyang ulat.+ Nakatayo sa bahay ni Haman ang tulos na 50 siko* ang taas.” Kaya sinabi ng hari: “Ibitin siya roon.” 10 At ibinitin nila si Haman sa tulos na inihanda nito para kay Mardokeo, at ang galit ng hari ay humupa.
8 Nang araw na iyon ay ibinigay ni Haring Ahasuero kay Reyna Esther ang lahat ng pag-aari ni Haman,+ na kaaway ng mga Judio;+ at si Mardokeo ay humarap sa hari, dahil sinabi ni Esther kung magkaano-ano silang dalawa.+ 2 Pagkatapos, hinubad ng hari ang kaniyang singsing na panlagda+ na binawi niya kay Haman, at ibinigay niya ito kay Mardokeo. At si Mardokeo ang pinamahala ni Esther sa lahat ng pag-aari ni Haman.+
3 Bukod diyan, nakipag-usap ulit si Esther sa hari. Sumubsob siya sa paanan nito at umiiyak na nakiusap na hadlangan nito ang masamang balak ni Haman na Agagita laban sa mga Judio.+ 4 Iniunat ng hari kay Esther ang gintong setro,+ kaya tumayo si Esther sa harap ng hari. 5 Sinabi ni Esther: “Kung nanaisin ng hari at kung nalulugod kayo sa akin, at kung mamarapatin ninyo at kung kasiya-siya ako sa inyong paningin, maglabas kayo ng nasusulat na utos na magpapawalang-bisa sa mga dokumento ng masamang si Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ ang mga dokumentong ginawa niya para puksain ang mga Judio sa lahat ng distritong sakop ng hari. 6 Dahil hindi ko kakayaning makita ang kapahamakan ng bayan ko, at hindi ko kakayaning makita ang pagpuksa sa mga kamag-anak ko.”
7 Kaya sinabi ni Haring Ahasuero kay Reyna Esther at kay Mardokeo na Judio: “Ibinigay ko na kay Esther ang lahat ng pag-aari ni Haman+ at ipinabitin siya sa tulos+ dahil sa pakana niyang salakayin ang* mga Judio. 8 Maaari kayong gumawa ng dokumento sa pangalan ko at isulat ninyo roon ang anumang nakikita ninyong makatutulong sa mga Judio, at tatakan ninyo iyon ng aking singsing na panlagda; dahil ang utos na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing na panlagda ng hari ay hindi na mababawi.”+
9 Kaya agad na ipinatawag ang mga kalihim ng hari noong ika-23 araw ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan.* Isinulat nila ang lahat ng iniutos ni Mardokeo sa mga Judio, pati na sa mga satrapa,+ mga gobernador, at matataas na opisyal ng 127 nasasakupang distrito+ mula India hanggang Etiopia, sa bawat distrito ayon sa sarili nitong istilo ng pagsulat at sa bawat bayan ayon sa sarili nitong wika, at sa mga Judio ayon sa sarili nilang wika at istilo ng pagsulat.
10 Ipinasulat niya ito sa pangalan ni Haring Ahasuero at tinatakan ng singsing na panlagda ng hari,+ at ipinadala niya ang mga dokumento sa mga mensaherong sakay ng matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari. 11 Sa mga dokumentong ito, pinapahintulutan ng hari ang mga Judio sa lahat ng lunsod na magtipon-tipon at ipagtanggol ang sarili nila. Pinapahintulutan silang lipulin, patayin, at puksain ang hukbo ng anumang bayan o distrito na sasalakay sa kanila, kasama na ang mga babae at mga bata, at kunin ang pag-aari ng mga ito.+ 12 Ipatutupad ito sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.*+ 13 Ang nilalaman ng dokumento ay gagawing batas sa lahat ng distrito. Ipaaalam ito sa lahat ng bayan para maging handa ang mga Judio sa araw na iyon na makipaglaban sa mga kaaway nila.+ 14 Ang kautusan ay nagmula sa palasyo ng Susan;*+ at ang mga mensahero, sakay ng mga kabayong ginagamit sa paglilingkod sa hari, ay agad na umalis at mabilis na inihatid ang mensahe gaya ng iniutos ng hari.
15 Umalis sa harap ng hari si Mardokeo na nakadamit-panghari na kulay asul at puti. May suot din siyang napakagandang koronang ginto at balabal na gawa sa magandang klase ng purpurang lana.+ At ang mga tao sa lunsod ng Susan* ay naghiyawan sa saya. 16 Para sa mga Judio, ito ay panahon ng kaginhawahan, pagsasaya, at karangalan. 17 At sa lahat ng distrito at lunsod, saanman nakarating ang utos at batas ng hari, nagsaya at nagdiwang ang mga Judio. Nagdaos sila ng mga handaan. Maraming tao ang nagsasabing Judio sila,+ dahil natatakot sila sa mga Judio.
9 Noong ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar,*+ kung kailan nakatakdang isagawa ang utos ng hari,+ at kung kailan inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na matatalo nila ang mga ito, kabaligtaran ang nangyari. Tinalo ng mga Judio ang mga napopoot sa kanila.+ 2 Ang mga Judio ay nagtipon-tipon sa mga lunsod nila sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero+ para labanan ang mga magtatangkang manakit sa kanila, at walang sinuman ang makalaban sa mga Judio dahil natatakot sa kanila ang lahat ng tao.+ 3 At ang lahat ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito, mga satrapa,+ mga gobernador, at ang mga nag-aasikaso ng gawain ng hari ay tumutulong sa mga Judio, dahil natatakot sila kay Mardokeo. 4 Naging makapangyarihan sa palasyo si Mardokeo,+ at patuloy siyang nakikilala sa lahat ng distrito dahil lalo siyang nagiging makapangyarihan.
5 Pinabagsak ng mga Judio ang lahat ng kaaway nila gamit ang espada at pinuksa ang mga ito; ginawa nila ang anumang gusto nilang gawin sa mga napopoot sa kanila.+ 6 Sa palasyo ng Susan,*+ 500 ang napatay ng mga Judio. 7 Pinatay rin nila sina Parsandata, Dalpon, Aspata, 8 Porata, Adalia, Aridata, 9 Parmasta, Arisai, Aridai, at Vaizata, 10 ang 10 anak na lalaki ni Haman na anak ni Hamedata, ang kaaway ng mga Judio.+ Pero pagkatapos nilang patayin ang mga ito, hindi nila kinuha ang pag-aari ng mga ito.+
11 Nang araw na iyon, iniulat sa hari ang bilang ng mga napatay sa palasyo ng Susan.*
12 Sinabi ng hari kay Reyna Esther: “Sa palasyo ng Susan,* 500 lalaki ang napatay ng mga Judio, pati ang 10 anak ni Haman. Paano pa kaya sa ibang distrito?+ Ano pa ang gusto mong hingin? Ibibigay iyon sa iyo. Ano pa ang gusto mong hilingin? Gagawin iyon.” 13 Sumagot si Esther: “Kung sang-ayon ang hari,+ payagan sana ninyo ang mga Judio sa Susan* na ipagpatuloy hanggang bukas ang batas na ipinatutupad ngayon,+ at ipabitin ninyo sa tulos ang 10 anak ni Haman.”+ 14 Kaya iniutos ng hari na gawin iyon. Isang batas ang inilabas sa Susan,* at ang 10 anak ni Haman ay ibinitin.
15 Ang mga Judio sa Susan* ay muling nagtipon-tipon sa ika-14 na araw ng buwan ng Adar,+ at 300 lalaki ang napatay nila sa Susan,* pero hindi nila kinuha ang pag-aari ng mga ito.
16 Ang iba pang Judio sa mga distritong sakop ng hari ay nagtipon-tipon din at ipinagtanggol ang sarili nila.+ Tinalo nila ang kanilang kaaway+—75,000 napopoot sa kanila ang napatay nila; pero hindi nila kinuha ang pag-aari ng mga ito. 17 Naganap ito noong ika-13 araw ng buwan ng Adar, at nagpahinga sila nang ika-14 na araw at ginawa itong isang araw ng mga handaan at pagsasaya.
18 Ang mga Judio sa Susan* ay nagtipon-tipon sa ika-13 araw+ at ika-14 na araw,+ at nagpahinga sila sa ika-15 araw at ginawa itong isang araw ng mga handaan at pagsasaya. 19 Iyan ang dahilan kung bakit itinakda ng mga Judiong nakatira sa mga lunsod sa labas ng Susan* ang ika-14 na araw ng buwan ng Adar bilang isang araw ng pagsasaya at mga handaan, isang araw ng pagdiriwang,+ at isang panahon ng pagbibigayan ng pagkain.+
20 Isinulat ni Mardokeo+ ang mga pangyayaring ito at nagpadala siya ng opisyal na mga liham sa mga Judio sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero, malayo man o malapit. 21 Inutusan niya sila na ipagdiwang taon-taon ang ika-14 na araw ng buwan ng Adar, pati na ang ika-15 araw nito, 22 dahil mula nang mga araw na iyon, ang mga Judio ay hindi na ginulo ng mga kaaway nila, at sa buwang iyon, napalitan ng pagsasaya ang pagdadalamhati nila at ng pagdiriwang ang kalungkutan nila.+ Ang mga ito ay magiging mga araw ng handaan at pagsasaya at panahon para magbigay ng pagkain sa isa’t isa at ng regalo para sa mahihirap.
23 Sumang-ayon ang mga Judio na ipagpatuloy ang pagdiriwang na sinimulan nila at sundin ang iniutos sa kanila ni Mardokeo. 24 Dahil si Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ na kaaway ng lahat ng Judio, ay nagplanong puksain ang mga Judio,+ at ipinahagis niya ang Pur,+ ang pitsa sa palabunutan, para takutin sila at puksain. 25 Pero nang humarap si Esther sa hari, nagbigay ito ng nasusulat na utos:+ “Gawin mismo sa kaniya* ang masama niyang pakana laban sa mga Judio”;+ at ibinitin nila siya at ang mga anak niya sa tulos.+ 26 Iyan ang dahilan kung bakit ang mga araw na ito ay tinawag nilang Purim, na galing sa salitang Pur.*+ Kaya dahil sa lahat ng nakasulat sa liham na ito at bilang pag-alaala sa mga nasaksihan at naranasan nila, 27 ipinasiya ng mga Judio na ang dalawang araw na ito ay lagi nilang ipagdiriwang pati na ng kanilang mga inapo at ng lahat ng sumasama sa kanila,+ at susundin nila ang mga nasusulat na tagubilin tungkol sa pagdiriwang na ito sa itinakdang panahon taon-taon. 28 Ang mga araw na ito ay dapat alalahanin at ipagdiwang ng lahat ng henerasyon, ng bawat pamilya, bawat distrito, at bawat lunsod; at ang mga araw na ito ng Purim ay hindi dapat kalimutan ng mga Judio at patuloy itong gugunitain ng kanilang mga inapo.
29 Pagkatapos, may ikalawang liham na isinulat tungkol sa Purim, at pinagtibay ito ni Reyna Esther, anak ni Abihail, at ng Judiong si Mardokeo, ayon sa awtoridad na ibinigay sa kanila. 30 Nagpadala si Mardokeo ng opisyal na mga liham sa lahat ng Judio sa 127 distritong+ sakop ni Ahasuero,+ na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan, 31 para pagtibayin ang pagdiriwang ng mga araw ng Purim sa takdang panahon nito, gaya ng itinagubilin sa kanila ng Judiong si Mardokeo at ni Reyna Esther,+ at gaya ng ipinasiya nilang gawin at ng kanilang mga inapo,+ kasali na ang pag-aayuno+ at pagsusumamo.+ 32 Pinagtibay ng utos ni Esther ang mga bagay na ito tungkol sa Purim,+ at isinulat iyon sa isang aklat.
10 Puwersahang pinagtrabaho ni Haring Ahasuero ang mga tao sa sakop niyang mga lupain at isla sa dagat.
2 At ang lahat ng naisagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan at kakayahan ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan+ ng mga hari ng Media at Persia,+ pati ang detalyadong ulat ng kadakilaan na ipinagkaloob ng hari kay Mardokeo,+ 3 dahil ang Judiong si Mardokeo ay ikalawa kay Haring Ahasuero. Dakila siya sa paningin ng mga Judio at iginagalang ng mga kapatid niya. Ginagawa niya ang makakabuti sa bayan niya at itinataguyod ang kapakanan ng* lahat ng kanilang inapo.
Pinaniniwalaang si Jerjes I, anak ni Dariong Dakila (Dario Hystaspis).
O “Cus.”
O “Susa.”
O “Susa.”
O “kulay-ube.” Tingnan sa Glosari.
Isang mamahaling klase ng bato na napakatigas at karaniwan nang matingkad na pula at may batik-batik na puti.
Lit., “panahon.”
O “usapin sa batas.”
O “birheng.”
O “Susa.”
Lit., “bating.” Tingnan sa Glosari.
O “bibigyan sila ng masahe.”
O “Susa.”
Anak ng kapatid ng ama niya.
Ibig sabihin, “Mirto,” isang uri ng halaman o puno.
O “Susa.”
O “palasyo.”
O “may tapat na pag-ibig siya.”
O “pagmamasahe.”
O “pagmamasahe.”
Lit., “bating.” Tingnan sa Glosari.
Lit., “bating.” Tingnan sa Glosari.
Tingnan ang Ap. B15.
O “at ang tapat na pag-ibig nito sa kaniya ay higit.”
Tingnan ang Ap. B15.
Tingnan ang Ap. B15.
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
O posibleng “Magbibigay ako ng 10,000 talento ng pilak sa kabang-yaman ng hari para sa mga gagawa nito.”
O “Susa.”
O “Susa.”
Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”
Lit., “bating.”
Lit., “bating.”
O “plaza.”
O “Susa.”
O “Susa.”
Mga 22.3 m (73 ft). Tingnan ang Ap. B14.
O “plaza.”
Lit., “taong marurunong.”
Lit., “mula sa binhi ng mga Judio.”
Mga 22.3 m (73 ft). Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “dahil iniunat niya ang kamay niya laban sa.”
Tingnan ang Ap. B15.
Tingnan ang Ap. B15.
O “Susa.”
O “Susa.”
Tingnan ang Ap. B15.
O “Susa.”
O “Susa.”
O “Susa.”
O “Susa.”
O “Susa.”
O “Susa.”
O “Susa.”
O “Susa.”
O “Susa.”
Lit., “Ibalik sa sarili niyang ulo.”
“Pur,” ibig sabihin, “pitsa sa palabunutan.” Ang pangmaramihang anyo na “Purim” ang naging tawag sa pagdiriwang ng mga Judio tuwing ika-12 buwan ng sagradong kalendaryo. Tingnan ang Ap. B15.
Lit., “at nagsasalita siya ng kapayapaan para sa.”