Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Amos 1:1-9:15
  • Amos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Amos
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Amos

AMOS

1 Ang mensahe ni Amos,* isa sa mga tagapag-alaga ng tupa mula sa Tekoa,+ na tinanggap niya sa isang pangitain tungkol sa Israel noong panahon ni Haring Uzias+ ng Juda at noong panahon ni Jeroboam+ na anak ni Joas,+ ang hari ng Israel, dalawang taon bago ang lindol.+ 2 Sinabi niya:

“Si Jehova ay uungal mula sa Sion,

At sisigaw siya mula sa Jerusalem.

Ang mga pastulan ng mga pastol ay magdadalamhati,

At ang tuktok ng Carmel ay matutuyo.”+

 3 “Ito ang sinabi ni Jehova,

‘“Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik* ng Damasco, at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil giniik nila ang Gilead sa pamamagitan ng panggiik na bakal.+

 4 Kaya magpapadala ako ng apoy sa bahay ni Hazael,+

At tutupukin nito ang matitibay na tore ni Ben-hadad.+

 5 At babaliin ko ang mga halang ng pintuang-daan ng Damasco,+

Pupuksain ko ang mga nakatira sa Bikat-aven

At ang namamahala* sa Bet-eden;

At ang bayan ng Sirya ay ipatatapon sa Kir,”+ ang sabi ni Jehova.’

 6 Ito ang sinabi ni Jehova,

‘“Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik ng Gaza,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil binihag nila ang isang buong bayan+ at ibinigay sa Edom.

 7 Kaya magpapadala ako ng apoy sa pader ng Gaza,+

At tutupukin nito ang kaniyang matitibay na tore.

 8 Pupuksain ko ang mga nakatira sa Asdod+

At ang namamahala* sa Askelon;+

Pagbubuhatan ko ng kamay ang Ekron,+

At ang matitirang mga Filisteo ay mamamatay,”+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.’

 9 Ito ang sinabi ni Jehova,

‘Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik ng Tiro,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil ibinigay nila sa Edom ang isang buong bayan ng mga bihag,

At dahil hindi nila inalaala ang tipan ng magkapatid.+

10 Kaya magpapadala ako ng apoy sa pader ng Tiro,

At tutupukin nito ang kaniyang matitibay na tore.’+

11 Ito ang sinabi ni Jehova,

‘Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik ng Edom,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil hinabol niya ng espada ang sarili niyang kapatid,+

At dahil hindi siya naawa;

Sa galit niya ay patuloy niya silang nilalapa,

At napopoot pa rin siya sa kanila.+

12 Kaya magpapadala ako ng apoy sa Teman,+

At tutupukin nito ang matitibay na tore ng Bozra.’+

13 Ito ang sinabi ni Jehova,

‘“Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik ng mga Ammonita,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead para palakihin ang sarili nilang teritoryo.+

14 Kaya sisilaban ko ang pader ng Raba,+

At tutupukin nito ang kaniyang matitibay na tore,

Na may hudyat ng labanan sa araw ng digmaan,

Na may unos sa araw ng bagyo.

15 At ang hari nila ay ipatatapon kasama ang kaniyang matataas na opisyal,”+ ang sabi ni Jehova.’

2 “Ito ang sinabi ni Jehova,

‘“Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik* ng Moab,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil sinunog niya ang mga buto ng hari ng Edom para maging apog.

 2 Kaya magpapadala ako ng apoy sa Moab,

At tutupukin nito ang matitibay na tore ng Keriot;+

Mamamatay ang Moab sa gitna ng ingay,

Na may hudyat ng labanan, na may tunog ng tambuli.+

 3 Aalisin ko ang namamahala* sa kaniya,

At papatayin ko ang lahat ng opisyal na kasama nito,”+ ang sabi ni Jehova.’

 4 Ito ang sinabi ni Jehova,

‘Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik ng Juda,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil tinanggihan nila ang kautusan* ni Jehova,

At dahil hindi nila sinunod ang mga tuntunin niya.+

Ang mismong kasinungalingang sinunod ng kanilang mga ninuno ang nagligaw sa kanila.+

 5 Kaya magpapadala ako ng apoy sa Juda,

At tutupukin nito ang matitibay na tore ng Jerusalem.’+

 6 Ito ang sinabi ni Jehova,

‘Dahil sa tatlong ulit na paghihimagsik ng Israel,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,

Dahil ipinagbibili nila ang mga matuwid kapalit ng pilak,

At ang mahihirap kapalit ng isang pares ng sandalyas.+

 7 Tinatapak-tapakan nila sa lupa ang ulo ng mga hamak,+

At hinaharangan nila ang daan ng maaamo.+

Nakikipagtalik ang isang lalaki at ang ama nito sa iisang babae,

At nalalapastangan ang aking banal na pangalan.

 8 Sa tabi ng bawat altar, humihilata sila+ sa mga damit na inagaw nila bilang panagot sa utang;+

At ang alak na iniinom nila sa bahay* ng kanilang mga diyos ay galing sa mga pinagmulta nila.’

 9 ‘Pero ako ang pumuksa sa mga Amorita sa harap nila,+

Na kasintaas ng mga punong sedro at kasintatag ng mga punong ensina;

Winasak ko ang bunga niya sa itaas at ang ugat niya sa ibaba.+

10 Inilabas ko kayo mula sa lupain ng Ehipto,+

At pinalakad ko kayo sa ilang nang 40 taon,+

Para kunin ang lupain ng mga Amorita.

11 Ginawa kong propeta ang ilan sa mga anak ninyo+

At ang ilan sa mga kabataang lalaki ninyo ay ginawa kong Nazareo,+

Hindi ba, O bayan ng Israel?’ ang sabi ni Jehova.

12 ‘Pero patuloy ninyong binibigyan ng alak na maiinom ang mga Nazareo,+

At inuutusan ninyo ang mga propeta: “Huwag kayong manghula.”+

13 Kaya dudurugin ko kayo sa kinaroroonan ninyo,

Kung paanong dinudurog ng karitong may kargang bagong-aning butil ang dinadaanan nito.

14 Ang matulin ay walang matatakasan,+

Ang malakas ay magiging mahina,

At walang mandirigma na makapagliligtas ng kaniyang buhay.

15 Ang mamamanà ay hindi tatagal sa labanan,

Ang matuling tumakbo ay hindi makatatakas,

At ang mangangabayo ay hindi makapagliligtas ng kaniyang buhay.

16 Kahit ang pinakamatapang* na mandirigma

Ay tatakas nang hubad sa araw na iyon,’+ ang sabi ni Jehova.”

3 “Pakinggan ninyo ang mensaheng ito ni Jehova may kinalaman sa inyo, O bayan ng Israel, may kinalaman sa buong pamilya na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto:

 2 ‘Kayo lamang ang kinilala ko sa lahat ng pamilya sa lupa.+

Kaya pananagutin ko kayo sa lahat ng inyong kamalian.+

 3 Magkasama bang maglalakad ang dalawa kung hindi sila nagkasundong magkita?

 4 Uungal ba ang leon sa kagubatan kung wala itong masisila?

Uungal ba ang leon sa lungga nito kung wala itong nahuli?

 5 Mabibitag ba ang ibon sa lupa kung wala namang nakaumang na bitag para dito?*

Iigkas ba ang bitag mula sa lupa kung wala naman itong nahuli?

 6 Kapag ang tambuli ay hinihipan sa isang lunsod, hindi ba’t nanginginig ang bayan?

Kapag may kapahamakang nangyari sa lunsod, hindi ba’t si Jehova ang gumawa nito?

 7 Dahil ang Kataas-taasang* Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anuman

Malibang naipaalám na niya ang kaniyang lihim sa mga lingkod niyang propeta.+

 8 Umungal ang leon!+ Sino ang hindi matatakot?

Nagsalita ang Kataas-taasang Panginoong Jehova! Sino ang hindi manghuhula?’+

 9 ‘Ipahayag ninyo iyon sa matitibay na tore ng Asdod

At sa matitibay na tore sa lupain ng Ehipto.

Sabihin ninyo: “Magtipon kayo laban sa kabundukan ng Samaria;+

Tingnan ninyo ang kaguluhan sa gitna niya

At ang pandaraya sa loob niya.+

10 Dahil hindi nila alam kung paano gumawa ng tama,” ang sabi ni Jehova,

“Silang mga nag-iimbak ng karahasan at pagwasak* sa kanilang matitibay na tore.”’

11 Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova,

‘Isang kalaban ang papalibot sa lupain,+

Aalisin niya ang iyong kapangyarihan,

At ang iyong matitibay na tore ay sasamsaman.’+

12 Ito ang sinabi ni Jehova,

‘Kung paanong inaagaw ng pastol mula sa bibig ng leon ang dalawang binti o isang piraso ng tainga,

Ganoon aagawin ang bayang Israel,

Ang mga taga-Samaria na nakaupo sa magagarang kama at magagandang higaan.’*+

13 ‘Makinig kayo at babalaan ninyo ang* sambahayan ni Jacob,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, na Diyos ng mga hukbo.

14 ‘Dahil sa araw na pananagutin ko ang Israel sa lahat ng paghihimagsik* niya,+

Maglalapat din ako ng hatol sa mga altar ng Bethel;+

Ang mga sungay ng altar ay puputulin at mahuhulog sa lupa.+

15 Pababagsakin ko ang bahay na pantaglamig, pati ang bahay na pantag-araw.’

‘Maglalaho ang mga bahay na garing,*+

At mawawasak ang malalaking* bahay,’+ ang sabi ni Jehova.”

4 “Pakinggan ninyo ang salitang ito, kayong mga baka ng Basan,

Na nasa bundok ng Samaria,+

Kayong mga babae na nandaraya sa mga hamak+ at nang-aapi sa mahihirap

At nagsasabi sa inyong mga asawa,* ‘Bigyan ninyo kami ng maiinom!’

 2 Ipinanumpa ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ang kabanalan niya,

‘“Darating ang panahon na ibibitin niya kayo sa mga pangawit ng matadero

At ang iba pa sa inyo ay sa mga kawil.

 3 Bawat isa sa inyo ay deretsong lalabas sa mga butas sa pader;

At itatapon kayo sa Harmon,” ang sabi ni Jehova.’

 4 ‘Pumunta kayo sa Bethel at gumawa ng kasalanan,*+

Sa Gilgal at gumawa ng mas marami pang kasalanan!+

Dalhin ninyo ang inyong mga hain+ sa umaga,

At ang inyong ikapu*+ sa ikatlong araw.

 5 Magsunog kayo ng tinapay na may pampaalsa bilang hain ng pasasalamat;+

Ipagsigawan ninyo na mayroon kayong kusang-loob na mga handog!

Dahil iyan ang gustong-gusto ninyong gawin, O bayang Israel,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.

 6 ‘Ginawa kong malinis ang mga ngipin ninyo* sa lahat ng inyong lunsod,

At nagpasapit ako ng kakapusan sa tinapay sa lahat ng inyong bahay;+

Pero hindi kayo nanumbalik sa akin,’+ ang sabi ni Jehova.

 7 ‘Pinagkaitan ko rin kayo ng ulan tatlong buwan bago ang pag-aani;+

Nagpaulan ako sa isang lunsod pero hindi sa isa pang lunsod.

Umuulan sa isang lupain,

Pero ang isa pang lupain na hindi nauulanan ay natutuyo.

 8 Ang mga tao sa dalawa o tatlong lunsod ay sumuray-suray papunta sa isang lunsod para uminom ng tubig,+

At hindi sapat ang nakukuha nila;

Pero hindi kayo nanumbalik sa akin,’+ ang sabi ni Jehova.

 9 ‘Nagpasapit ako sa inyo ng matinding init at ng amag.+

Nagparami kayo ng hardin at ubasan,

Pero nilamon ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo;+

At hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,’+ ang sabi ni Jehova.

10 ‘Nagpadala ako sa inyo ng salot na kagaya ng sa Ehipto.+

Sa pamamagitan ng espada ay pinatay ko ang inyong mga kabataang lalaki+ at kinuha ko ang inyong mga kabayo.+

Pinaabot ko sa mga butas ng ilong ninyo ang baho ng inyong mga kampo;+

Pero hindi kayo nanumbalik sa akin,’ ang sabi ni Jehova.

11 ‘Pinabagsak ko ang inyong lupain,

Gaya ng pagpapabagsak ng Diyos sa Sodoma at Gomorra.+

At naging gaya kayo ng isang kahoy na inagaw sa apoy;

Pero hindi kayo nanumbalik sa akin,’+ ang sabi ni Jehova.

12 Kaya iyan ang gagawin ko sa iyo, O Israel.

Dahil ito ang gagawin ko sa iyo,

Humanda kang harapin ang iyong Diyos, O Israel.

13 Dahil siya ang gumawa sa mga bundok+ at lumalang* sa hangin;+

Sinasabi niya sa tao ang iniisip Niya,

Ginagawa niyang kadiliman ang bukang-liwayway,+

At tinatapakan niya ang matataas na lugar sa lupa;+

Jehova na Diyos ng mga hukbo ang pangalan niya.”

5 “Pakinggan ninyo ang sinasabi kong ito laban sa inyo bilang awit ng pagdadalamhati, O sambahayan ng Israel:

 2 ‘Ang birhen, ang Israel, ay bumagsak;

Hindi na siya makababangon.

Pinabayaan siya sa sarili niyang lupain;

Walang sinumang magbabangon sa kaniya.’

3 “Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:

‘Sa lunsod na magsusugo ng 1,000 sundalo sa digmaan ay 100 ang matitira;

At sa isa na magsusugo ng 100 ay 10 ang matitira, para sa sambahayan ng Israel.’+

4 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova sa sambahayan ng Israel:

‘Hanapin ninyo ako at patuloy kayong mabubuhay.+

 5 Huwag ninyong hanapin ang Bethel,+

Huwag kayong magpunta sa Gilgal+ o dumaan sa Beer-sheba,+

Dahil ang Gilgal ay tiyak na ipatatapon,+

At ang Bethel ay mawawala na.*

 6 Hanapin ninyo si Jehova, at patuloy kayong mabubuhay,+

Para hindi siya sumiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose

At ang Bethel ay matupok ng apoy na hindi mapapatay ninuman.

 7 Ginawa ninyong ahenho* ang katarungan,

At itinapon ninyo sa lupa ang katuwiran.+

 8 Ang lumikha ng konstelasyong Kima* at ng konstelasyong Kesil,*+

Ginagawa niyang umaga ang matinding kadiliman,

Ginagawa niyang kasindilim ng gabi ang araw,+

Tinatawag niya ang tubig sa dagat

Para ibuhos iyon sa ibabaw ng lupa+

—Jehova ang pangalan niya.

 9 Bigla siyang magpapasapit ng pagkapuksa sa malalakas,

At mawawasak ang mga tanggulan.

10 Napopoot sila sa mga sumasaway sa pintuang-daan ng lunsod,

At kinasusuklaman nila ang mga nagsasalita ng katotohanan.+

11 Dahil naniningil kayo ng upa* sa bukid mula sa mahihirap

At kinukuha ninyo ang ani* nila bilang tributo,*+

Hindi kayo patuloy na titira sa itinayo ninyong mga bahay na gawa sa tinabas na bato+

At hindi kayo iinom ng alak mula sa magagandang ubasan na inalagaan ninyo.+

12 Dahil alam ko kung gaano karaming ulit kayong naghimagsik*

At kung gaano kalaki ang mga kasalanan ninyo

—Pinahihirapan ninyo ang mga matuwid,

Tumatanggap kayo ng suhol,

At pinagkakaitan ninyo ng karapatan ang mahihirap sa pintuang-daan.+

13 Kaya ang mga may unawa ay mananahimik sa panahong iyon,

Dahil magiging panahon iyon ng kapahamakan.+

14 Hanapin ninyo ang kabutihan, hindi ang kasamaan,+

Para patuloy kayong mabuhay.+

At si Jehova na Diyos ng mga hukbo ay sasainyo,

Gaya ng sinasabi ninyo.+

15 Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan,+

Hayaang mamayani ang katarungan sa pintuang-daan.+

Baka si Jehova na Diyos ng mga hukbo

Ay mahabag sa mga natitira sa Jose.’+

16 “Kaya si Jehova na Diyos ng mga hukbo, si Jehova, ay nagsabi:

‘Sa lahat ng liwasan* ay maririnig ang paghagulgol,

At sa lahat ng lansangan ay hihiyaw sila sa pagdadalamhati.

Tatawagin nila ang mga magsasaka para magdalamhati

At ang mga bayarang tagaiyak para humagulgol.’

17 ‘Sa lahat ng ubasan ay maririnig ang paghagulgol;+

Dahil dadaan ako sa gitna ninyo,’ ang sabi ni Jehova.

18 ‘Kaawa-awa ang mga nananabik sa araw ni Jehova!+

Ano ang aasahan ninyo sa araw ni Jehova?+

Iyon ay magiging dilim, at hindi liwanag.+

19 Iyon ay magiging gaya ng taong tumakas sa leon pero nakasalubong ng oso,

At nang pumasok siya sa bahay at itinukod sa dingding ang kamay niya, tinuklaw siya ng ahas.

20 Hindi ba’t ang araw ni Jehova ay magiging dilim, at hindi liwanag;

Hindi ba’t magkakaroon iyon ng karimlan, at hindi ng kaliwanagan?

21 Napopoot ako, nasusuklam ako sa mga kapistahan ninyo,+

At hindi ako nasisiyahan sa amoy ng inyong mga banal na pagtitipon.

22 Kahit na maghain kayo sa akin ng mga buong handog na sinusunog at ng mga handog na kaloob,

Hindi ako masisiyahan sa mga iyon;+

At hindi ako matutuwang tingnan ang inyong mga haing pansalo-salo na mga pinatabang hayop.+

23 Ayokong marinig ang maiingay mong awit;

At huwag mong iparinig sa akin ang tunog ng iyong mga instrumentong de-kuwerdas.+

24 Hayaang ang katarungan ay umagos gaya ng tubig,+

At ang katuwiran gaya ng ilog na patuloy na dumadaloy.

25 Nagdala ba kayo sa akin ng mga hain at mga handog na kaloob

Sa loob ng 40 taóng iyon sa ilang, O sambahayan ng Israel?+

26 Ngayon ay kailangan ninyong buhatin si Sakut na inyong hari at si Kaiwan,*

Ang inyong mga imahen, ang inyong diyos na bituin, na ginawa ninyo para sa inyong sarili,

27 At ipatatapon ko kayo lampas pa sa Damasco,’+ ang sabi niya na ang pangalan ay Jehova na Diyos ng mga hukbo.”+

6 “Kaawa-awa ang mga kampante sa Sion,

Ang mga panatag sa bundok ng Samaria,+

Ang mga prominenteng tao sa pangunahing bansa,

Ang mga pinupuntahan ng sambahayan ng Israel!

 2 Pumunta kayo sa Calne at tingnan ninyo iyon.

Mula roon ay magpunta kayo sa dakilang lunsod ng Hamat,+

At bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo.

Mas mabuti ba ang mga iyon kaysa sa mga kahariang ito,*

O mas malaki ba ang teritoryo nila kaysa sa teritoryo ninyo?

 3 Inaalis ba ninyo sa isip ninyo ang araw ng kapahamakan+

At hinahayaang maghari sa inyo ang karahasan?*+

 4 Humihiga sila sa mga kamang yari sa garing*+ at humihilata sa mga higaan+

At kumakain ng mga barakong tupa mula sa kawan at ng mga pinatabang guya;*+

 5 Kumakatha sila ng mga awit sa saliw ng alpa,*+

At gaya ni David, nag-iimbento sila ng mga instrumentong pangmusika;+

 6 Umiinom sila ng alak sa mga mangkok,+

At pinapahiran nila ang sarili nila ng pinakapiling mga langis.

Pero wala silang pakialam* sa kasakunaan ng Jose.+

 7 Kaya mauuna silang ipatapon,+

At ang walang-patumanggang pagsasaya ng mga nakahilata ay magwawakas.

 8 ‘Ipinanumpa ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ang sarili niya,’+ ang sabi ni Jehova na Diyos ng mga hukbo,

‘“Nasusuklam ako sa pagmamataas ng Jacob,+

Napopoot ako sa kaniyang matitibay na tore,+

At ibibigay ko sa kaaway ang lunsod at ang lahat ng naroroon.+

9 “‘“At kung 10 lalaki ang maiwan sa isang bahay, mamamatay rin sila. 10 Bubuhatin sila ng isang kamag-anak* at isa-isa silang susunugin. Ilalabas niya sa bahay ang mga buto nila; pagkatapos, sasabihin niya sa sinumang nasa mga silid ng bahay, ‘May kasama ka pa ba?’ At sasabihin nito, ‘Wala na!’ Pagkatapos ay sasabihin niya, ‘Huwag ka nang magsalita! Dahil hindi ito ang panahon para banggitin ang pangalan ni Jehova.’”

11 Dahil si Jehova ang nag-uutos,+

At ang malaking bahay ay paguguhuin niya,

At ang maliit na bahay ay wawasakin niya.+

12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa ibabaw ng malaking bato,

O may mag-aararo ba roon sa pamamagitan ng mga baka?

Dahil ang katarungan ay ginawa ninyong nakalalasong halaman,

At ang bunga ng katuwiran ay ginawa ninyong ahenho.*+

13 Nagsasaya kayo sa bagay na walang kabuluhan,

At sinasabi ninyo: “Hindi ba naging makapangyarihan tayo* dahil sa sarili nating lakas?”+

14 Kaya magpapadala ako ng isang bansa laban sa inyo, O sambahayan ng Israel,’+ ang sabi ni Jehova na Diyos ng mga hukbo,

‘At pahihirapan nila kayo mula sa Lebo-hamat*+ hanggang sa Wadi* ng Araba.’”

7 Ito ang ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: Nagpadala siya ng napakaraming balang nang tumutubo na ang huling mga tanim.* Iyon ang tanim pagkatapos tabasin ang damo para sa hari. 2 Matapos ubusin ng mga balang ang pananim sa lupain, sinabi ko: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, magpatawad ka!+ Paano makaliligtas* ang Jacob? Mahina siya!”+

3 Kaya hindi iyon itinuloy* ni Jehova.+ “Hindi iyon mangyayari,” ang sabi ni Jehova.

4 Ito ang ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: Ang Kataas-taasang Panginoong Jehova ay nag-utos ng pagpaparusa sa pamamagitan ng apoy. Nilamon nito ang malawak at malalim na karagatan at nilamon ang isang bahagi ng lupain. 5 At sinabi ko: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, huwag mo itong ituloy.+ Paano makaliligtas* ang Jacob? Mahina siya!”+

6 Kaya hindi iyon itinuloy* ni Jehova.+ “Hindi rin iyon mangyayari,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.

7 Ito ang ipinakita niya sa akin: Si Jehova ay nakatayo sa isang pader na ginamitan ng hulog,* at may hulog sa kamay niya. 8 Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Ano ang nakikita mo, Amos?” Kaya sinabi ko: “Isang hulog.” At sinabi ni Jehova: “Maglalagay ako ng isang hulog sa gitna ng bayan kong Israel. Hindi ko na sila pagpapaumanhinan.+ 9 Ang matataas na lugar ni Isaac+ ay magiging tiwangwang, at ang mga santuwaryo ng Israel ay mawawasak;+ at sasalakayin ko ang sambahayan ni Jeroboam sa pamamagitan ng espada.”+

10 Ipinadala ni Amazias na saserdote ng Bethel+ ang mensaheng ito kay Haring Jeroboam+ ng Israel: “Si Amos ay nakikipagsabuwatan laban sa iyo sa loob mismo ng sambahayan ng Israel.+ Hindi na matagalan ng bayan ang lahat ng sinasabi niya.+ 11 Dahil ito ang sinasabi ni Amos, ‘Mamamatay si Jeroboam sa pamamagitan ng espada, at tiyak na palalayasin ang Israel sa sarili nitong lupain at ipatatapon.’”+

12 At sinabi ni Amazias kay Amos: “Ikaw na nakakakita ng pangitain, umalis ka na, tumakbo ka papunta sa lupain ng Juda, magtrabaho ka roon para makabili ng tinapay,* at doon ka manghula.+ 13 Pero huwag ka nang manghuhula sa Bethel,+ dahil iyon ang santuwaryo ng isang hari+ at iyon ang bahay ng isang kaharian.”

14 Sumagot si Amos kay Amazias: “Hindi ako propeta dati, at hindi rin ako anak ng propeta, kundi isang pastol+ at tagapag-alaga ng mga puno ng igos na sikomoro.* 15 Pero kinuha ako ni Jehova mula sa pag-aalaga ng kawan, at sinabi ni Jehova sa akin, ‘Manghula ka sa bayan kong Israel.’+ 16 Kaya makinig ka ngayon sa sinabi ni Jehova, ‘Sinasabi mo, “Huwag kang manghula laban sa Israel,+ at huwag kang mangaral+ laban sa sambahayan ni Isaac.” 17 Kaya ito ang sinabi ni Jehova: “Ang asawa mo ay magiging babaeng bayaran sa lunsod, at ang mga anak mo ay mamamatay sa espada. Ang lupa mo ay paghahati-hatian gamit ang lubid na panukat, at ikaw mismo ay mamamatay sa isang maruming lupain; at ang Israel ay palalayasin sa sarili nitong lupain at ipatatapon.”’”+

8 Ito ang ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: May isang basket ng prutas na pantag-araw. 2 Pagkatapos ay sinabi niya: “Ano ang nakikita mo, Amos?” Sumagot ako: “Isang basket ng prutas na pantag-araw.” Sinabi ni Jehova sa akin: “Dumating na ang wakas ng bayan kong Israel. Hindi ko na sila pagpapaumanhinan.+ 3 ‘Ang mga awit sa templo ay magiging hagulgol sa araw na iyon,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Ang mga bangkay ay makikitang nagkalat kung saan-saan+—katahimikan!’

 4 Pakinggan ninyo ito, kayong nang-aapi ng mahihirap

At sanhi ng wakas ng maaamo sa lupa,+

 5 At nagsasabi, ‘Kailan matatapos ang kapistahan ng bagong buwan,+ para makapagtinda tayo ng mga butil,

At ang Sabbath,+ para makapag-alok tayo ng mga butil?

Para mapaliit natin ang panukat na epa*

At mapabigat ang panukat na siklo,*

Para makapandaya tayo sa ating timbangan;+

 6 Para mabili natin ang mga dukha kapalit ng pilak

At ang mahihirap kapalit ng isang pares ng sandalyas,+

At maibenta ang mga pinagtahipan ng butil.’

 7 Ipinanumpa ni Jehova ang Kaluwalhatian ng Jacob,+

‘Hindi ko kailanman kalilimutan ang lahat ng ginawa nila.+

 8 Dahil dito, ang lupain* ay mayayanig,

At lahat ng tagaroon ay magdadalamhati.+

Hindi ba ang buong lupain ay magiging gaya ng umaapaw na tubig ng Nilo,

At tataas at bababa itong gaya ng Nilo ng Ehipto?’+

 9 ‘Sa araw na iyon,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova,

‘Palulubugin ko ang araw sa katanghaliang-tapat,

At padidilimin ko ang lupain sa isang araw na maaliwalas.+

10 Gagawin kong pagdadalamhati ang inyong mga kapistahan+

At ang inyong mga awit ay gagawin kong awit ng pagdadalamhati.

Lalagyan ko ng telang-sako ang lahat ng balakang at kakalbuhin ko ang bawat ulo;

Gagawin ko iyong gaya ng pagdadalamhati para sa kaisa-isang anak na lalaki,

At mapait ang magiging katapusan ng araw na iyon.’

11 ‘Darating ang panahon,’ ang sabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova,

‘Na magpapasapit ako ng taggutom sa lupain,

Hindi ng pagkagutom sa tinapay o pagkauhaw sa tubig,

Kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.+

12 Magpapasuray-suray sila mula sa isang dagat papunta sa isa pang dagat,

At mula sa hilaga hanggang sa silangan.*

Magpaparoo’t parito sila sa paghahanap sa salita ni Jehova, pero hindi nila ito makikita.

13 Sa araw na iyon, hihimatayin ang magagandang dalaga,

Pati ang mga binata, dahil sa pagkauhaw;

14 Ang mga sumusumpa sa pamamagitan ng kasalanan* ng Samaria+ at nagsasabi,

“Sa ngalan ng iyong buháy na diyos, O Dan!”+

At, “sa ngalan ng buháy na daan ng Beer-sheba!”+

Mabubuwal sila at hindi na muling babangon pa.’”+

9 Nakita ko si Jehova+ sa ibabaw ng altar, at sinabi niya: “Hampasin mo ang uluhan ng haligi, at uuga ang mga pundasyon. Putulin mo ang uluhan ng mga ito, at ang natitira sa mga tao ay papatayin ko sa pamamagitan ng espada. Walang sinuman sa kanila ang makalalayo o makatatakas.+

 2 Kung huhukay sila papunta sa Libingan,*

Mula roon ay kukunin sila ng kamay ko;

At kung aakyat sila sa langit,

Mula roon ay ibababa ko sila.

 3 At kung magtatago sila sa taluktok ng Carmel,

Hahanapin ko sila roon at kukunin.+

At kung magtatago sila sa pinakasahig ng dagat,

Doon ay uutusan ko ang ahas na tuklawin sila.

 4 At kung bibihagin sila ng kanilang mga kaaway,

Uutusan ko roon ang espada, at papatayin sila nito;+

Itititig ko sa kanila ang aking mga mata para sa kanilang ikasasama, at hindi sa ikabubuti.+

 5 Dahil ang Kataas-taasang Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ang humihipo sa lupain,*

Kaya iyon ay natutunaw,+ at ang lahat ng nakatira doon ay magdadalamhati;+

At iyon ay tataas na gaya ng Nilo,

At bababang gaya ng Nilo ng Ehipto.+

 6 ‘Ang nagtatayo ng kaniyang hagdan sa langit

At ng kaniyang istraktura* sa ibabaw ng lupa;

Ang tumatawag sa tubig ng dagat

Para ibuhos iyon sa ibabaw ng lupa+

—Jehova ang pangalan niya.’+

 7 ‘Hindi ba kayo gaya ng mga anak ng mga Cusita sa paningin ko, O bayang Israel?’ ang sabi ni Jehova.

‘Hindi ba inilabas ko ang Israel mula sa lupain ng Ehipto,+

Ang mga Filisteo mula sa Creta,+ at ang Sirya mula sa Kir?’+

 8 ‘Ang mga mata ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ay nasa makasalanang kaharian,

At lilipulin niya iyon sa ibabaw ng lupa.+

Pero hindi ko lubusang lilipulin ang sambahayan ni Jacob,’+ ang sabi ni Jehova.

 9 ‘Dahil mag-uutos ako,

At yuyugyugin ko ang sambahayan ng Israel sa gitna ng lahat ng bansa,+

Gaya ng pagyugyog sa panala,

At walang isa mang maliit na bato ang malalaglag sa lupa.

10 Mamamatay sila sa espada, ang lahat ng makasalanan sa bayan ko,

Ang mga nagsasabi, “Ang kapahamakan ay hindi lalapit o aabot sa atin.”’

11 ‘Sa araw na iyon ay itatayo ko ang nakabuwal na kubol* ni David,+

Kukumpunihin ko ang* mga butas,

At ang nawasak na mga bahagi nito ay aayusin ko;

Muli ko itong itatayo gaya noong unang panahon,+

12 Para makuha nila ang natitira sa Edom,+

At ang lahat ng bansa na tinatawag sa pangalan ko,’ ang sabi ni Jehova, na gumagawa nito.

13 ‘Darating ang panahon,’ ang sabi ni Jehova,

‘Na aabutan ng nag-aararo ang nag-aani,

At aabutan ng nagdadala ng binhi ang tumatapak sa ubas;+

At tutulo mula sa mga bundok ang matamis na alak,+

At dadaloy ito sa* lahat ng burol.+

14 Titipunin kong muli ang mga nabihag sa bayan kong Israel,+

At itatayo nilang muli ang abandonadong mga lunsod at titirhan ang mga ito;+

Magtatanim sila ng ubas at iinumin ang alak na gawa roon,+

At gagawa sila ng mga hardin at kakainin ang bunga ng mga ito.’+

15 ‘Itatanim ko sila sa lupain nila,

At hindi na sila muling bubunutin

Mula sa lupaing ibinigay ko sa kanila,’+ ang sabi ni Jehova na iyong Diyos.”

Ibig sabihin, “Isang Pasan” o “Nagdadala ng Pasan.”

O “tatlong krimen.”

Lit., “humahawak ng setro.”

Lit., “humahawak ng setro.”

O “tatlong krimen.”

Lit., “hukom.”

O “tagubilin.”

O “templo.”

O “matatag ang puso.”

O posibleng “kung wala namang pain?”

O “Soberanong.”

O “nag-iimbak ng samsam sa pamamagitan ng karahasan at pagwasak.”

O “higaan ng taga-Damasco.”

O “at magpatotoo laban sa.”

O “krimen.”

Sa Ingles, ivory.

O posibleng “maraming.”

O “panginoon.”

O “at magrebelde.”

O “ikasampung bahagi.”

O “Hindi ko kayo binigyan ng pagkain.”

O “lumikha.”

O posibleng “ay magiging nakapangingilabot.”

O “kapaitan.”

Posibleng ang mga bituin ng Pleiades sa konstelasyong Taurus.

Posibleng ang konstelasyong Orion.

O “buwis sa lupa.”

Lit., “butil.”

Tingnan sa Glosari.

O “gumawa ng krimen.”

O “plaza.”

Ang mga ito ay posibleng parehong tumutukoy sa planetang Saturn, na sinasamba bilang diyos.

Lumilitaw na tumutukoy sa kaharian ng Juda at ng Israel.

Lit., “At inilalapit ang upuan ng karahasan?”

Sa Ingles, ivory.

O “batang toro.”

O “instrumentong de-kuwerdas.”

Lit., “hindi sila nagkasakit dahil.”

Lit., “ng kapatid ng kaniyang ama.”

O “kapaitan.”

Lit., “kumuha tayo ng sungay para sa ating sarili.”

O “pasukan ng Hamat.”

Tingnan sa Glosari.

Sa buwan ng Enero at ng Pebrero.

Lit., “makababangon.”

O “Kaya ikinalungkot iyon.”

Lit., “makababangon.”

O “Kaya ikinalungkot iyon.”

Instrumentong ibinibitin para matiyak na tuwid ang pagkakatayo ng isang istraktura.

Lit., “kumain ng tinapay.”

O “tagatusok ng igos na sikomoro.”

Tingnan ang Ap. B14.

Tingnan ang Ap. B14.

O “lupa.”

O “Soberanong.”

O “sikatan ng araw.”

O “huwad na mga diyos.”

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

O “lupa.”

O “pabilog na kisame.”

O “tolda.”

O “ang kanilang.”

Lit., “At matutunaw ang.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share