Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Daniel 1:1-12:13
  • Daniel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Daniel
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Daniel

DANIEL

1 Nang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Jehoiakim+ ng Juda, sinalakay* ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang Jerusalem.+ 2 At ibinigay ni Jehova si Haring Jehoiakim ng Juda sa kamay niya,+ pati na ang ilan sa mga kagamitan ng bahay* ng tunay na Diyos, at dinala niya ang mga iyon sa Sinar*+ sa bahay* ng kaniyang diyos. Inilagay niya ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng kaniyang diyos.+

3 At iniutos ng hari sa kaniyang punong opisyal sa palasyo na si Aspenaz na dalhin ang ilang Israelita, kasama ang mga anak ng mga hari at mga maharlika.+ 4 Dapat na mga kabataan* sila na walang kapintasan, maganda ang hitsura, pinagpala ng talino, kaalaman, at kaunawaan,+ at kayang maglingkod sa palasyo ng hari. Dapat ituro sa kanila ni Aspenaz ang wika at pagsulat* ng mga Caldeo. 5 Iniutos din ng hari na araw-araw silang bigyan ng pagkain at alak ng hari. Sasanayin* sila sa loob ng tatlong taon, at maglilingkod sila sa hari pagkatapos nito.

6 Kasama sa kanila ang ilan mula sa tribo* ni Juda: sina Daniel,*+ Hananias,* Misael,* at Azarias.*+ 7 At binigyan sila ng pangunahing opisyal sa palasyo ng ibang pangalan:* kay Daniel ay Beltesasar,+ kay Hananias ay Sadrac, kay Misael ay Mesac, at kay Azarias ay Abednego.+

8 Pero buo ang pasiya ni Daniel* na hindi niya durumhan ang kaniyang sarili ng pagkain at alak ng hari. Kaya nakiusap siya sa pangunahing opisyal sa palasyo na payagan siyang hindi kumain at uminom ng mga ito para hindi siya maging marumi. 9 At pinakilos ng tunay na Diyos ang pangunahing opisyal sa palasyo na magpakita ng pabor* at awa kay Daniel.+ 10 Pero sinabi kay Daniel ng pangunahing opisyal sa palasyo: “Natatakot ako sa panginoon kong hari na nagtakda ng pagkain at inumin ninyo. Paano kung makita niyang mukha kayong sakitin kumpara sa ibang kabataang* kaedad ninyo? Mananagot ako* sa hari.” 11 Sinabi ni Daniel sa lalaking inatasan ng pangunahing opisyal sa palasyo na mag-alaga sa kaniya at kina Hananias, Misael, at Azarias: 12 “Pakisuyo, subukin mo ang iyong mga lingkod sa loob ng 10 araw. Gulay at tubig ang ibigay mo sa amin, 13 at pagkatapos ay ikumpara mo kami sa mga kabataang* kumakain ng pagkain ng hari, at saka ka magpasiya para sa iyong mga lingkod ayon sa makikita mo.”

14 Kaya pumayag siya at sinubok sila sa loob ng 10 araw. 15 Pagkalipas ng 10 araw, mas maganda at mas malusog ang hitsura* nila kaysa sa lahat ng kabataang* kumakain ng pagkain ng hari. 16 Kaya gulay ang ibinibigay sa kanila ng tagapag-alaga, sa halip na pagkain at alak ng hari. 17 At binigyan ng tunay na Diyos ang apat na kabataang* ito ng karunungan, pati ng kaalaman at unawa sa lahat ng aklat; at si Daniel ay binigyan ng kakayahang maunawaan ang lahat ng klase ng pangitain at panaginip.+

18 Nang matapos ang panahong itinakda ng hari,+ dinala sila ng pangunahing opisyal sa palasyo sa harap ni Nabucodonosor. 19 Nang kausapin sila ng hari, walang iba sa grupo ang tulad nina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias;+ at patuloy silang naglingkod sa hari. 20 Sa lahat ng tanong ng hari sa kanila na kailangang gamitan ng karunungan at unawa, mas magaling sila nang 10 beses kaysa sa lahat ng mahikong saserdote at salamangkero+ sa kaharian niya. 21 At nanatili roon si Daniel hanggang sa unang taon ni Haring Ciro.+

2 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor, ilang beses siyang nanaginip at nabagabag siya nang husto+ kaya hindi siya makatulog. 2 Kaya ipinatawag ng hari ang mga mahikong saserdote, salamangkero, mangkukulam,* at mga Caldeo* para sabihin sa hari kung ano ang napanaginipan niya. Dumating sila at tumayo sa harap ng hari.+ 3 Sinabi ng hari sa kanila: “Nanaginip ako, at hindi ako mapakali dahil gusto kong malaman kung ano ang napanaginipan ko.” 4 Sumagot sa hari ang mga Caldeo sa wikang Aramaiko:*+ “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman. Sabihin mo ang panaginip sa iyong mga lingkod, at ipaaalam namin ang ibig sabihin nito.”

5 Sumagot ang hari sa mga Caldeo: “Sinasabi ko sa inyo: Kung hindi ninyo maipaaalam sa akin ang napanaginipan ko, pati ang ibig sabihin nito, pagpuputol-putulin ang katawan ninyo at gagawing pampublikong palikuran* ang mga bahay ninyo. 6 Pero kung masasabi ninyo ang napanaginipan ko at ang ibig sabihin nito, tatanggap kayo ng regalo at gantimpala at malaking karangalan.+ Kaya sabihin ninyo sa akin ang napanaginipan ko at ang ibig sabihin nito.”

7 Sumagot ulit sila: “Sabihin ng hari sa kaniyang mga lingkod ang napanaginipan niya, at ipaaalam namin ang ibig sabihin nito.”

8 Sumagot ang hari: “Alam na alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras, dahil alam na ninyo ang mangyayari sa inyo. 9 Kapag hindi ninyo naipaalám sa akin ang napanaginipan ko, iisa lang ang parusa para sa inyong lahat. Pero napagkaisahan ninyong magsinungaling sa akin at linlangin ako hanggang sa magbago ang sitwasyon. Kaya sabihin ninyo sa akin ang napanaginipan ko, at malalaman ko na kaya ninyong ipaliwanag ang ibig sabihin nito.”

10 Sumagot ang mga Caldeo sa hari: “Walang sinuman sa lupa ang makagagawa ng hinihiling ng hari, dahil wala pang hari o gobernador ang humiling ng ganito sa sinumang mahikong saserdote, salamangkero, o Caldeo. 11 Napakahirap ng hinihiling ng hari, at walang makapagsasabi nito sa hari maliban sa mga diyos, na hindi naninirahang kasama ng mga mortal.”*

12 Kaya nagalit nang husto ang hari at ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng matatalinong tao sa Babilonya.+ 13 Nang lumabas ang utos at papatayin na ang matatalinong tao, hinanap din si Daniel at ang mga kasamahan niya para patayin.

14 Nang panahong iyon, buong ingat at magalang na nakipag-usap si Daniel kay Ariok na pinuno ng mga tagapagbantay ng hari, ang papatay sa matatalinong tao sa Babilonya. 15 Tinanong niya si Ariok na opisyal ng hari: “Bakit may ganito kalupit na utos ang hari?” At sinabi ni Ariok kay Daniel ang dahilan.+ 16 Kaya pumunta sa hari si Daniel at humiling na bigyan siya ng panahon para ipaliwanag sa hari ang ibig sabihin ng panaginip.

17 Pagkatapos, umuwi si Daniel sa bahay niya at sinabi ang tungkol dito sa mga kasamahan niyang sina Hananias, Misael, at Azarias. 18 Pinakisuyuan niya silang manalangin para maawa ang Diyos ng langit at ipaalám sa kanila ang lihim na ito, para hindi mamatay si Daniel at ang mga kasamahan niya kasama ng iba pang matatalinong tao sa Babilonya.

19 Pagkatapos, sa isang pangitain sa gabi, isiniwalat kay Daniel ang lihim.+ Kaya pinuri ni Daniel ang Diyos ng langit. 20 Sinabi ni Daniel:

“Purihin nawa ang pangalan ng Diyos magpakailanman,*

Dahil nasa kaniya ang karunungan at kalakasan.+

21 Binabago niya ang oras at mga panahon.+

Nag-aalis siya at nagtatalaga ng mga hari+

At nagbibigay ng karunungan sa marurunong at ng kaalaman sa mga may unawa.+

22 Isinisiwalat niya ang malalalim na bagay at ang mga nakatago,+

Alam niya kung ano ang nasa dilim,+

At napapalibutan siya ng liwanag.+

23 O Diyos ng aking mga ninuno, nagpapasalamat ako sa iyo at pinupuri kita,

Dahil binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan.

At ipinaalám mo sa akin ngayon ang hinihiling namin;

Ipinaalám mo sa amin ang ikinababahala ng hari.”+

24 At pumunta si Daniel kay Ariok, na inatasan ng hari para patayin ang matatalinong tao sa Babilonya.+ Sinabi niya rito: “Huwag mong patayin ang sinuman sa matatalinong tao sa Babilonya. Dalhin mo ako sa harap ng hari, at sasabihin ko sa hari ang ibig sabihin ng panaginip niya.”

25 Agad na dinala ni Ariok si Daniel sa harap ng hari, at sinabi niya: “Natagpuan namin ang isang lalaking tapon mula sa Juda+ na makapagsasabi ng ibig sabihin ng panaginip ng hari.” 26 Sinabi ng hari kay Daniel, na may pangalan ding Beltesasar:+ “Talaga bang masasabi mo sa akin kung ano ang napanaginipan ko at ang ibig sabihin nito?”+ 27 Sumagot si Daniel sa hari: “Walang sinuman sa matatalino, salamangkero, mahikong saserdote, at astrologo ang makapagsasabi ng lihim na gustong malaman ng hari.+ 28 Pero may isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim,+ at ipinaaalam niya kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw. Ito ang panaginip mo at ang mga pangitaing nakita mo habang nakahiga:

29 “O hari, habang nasa higaan ka, napanaginipan mo ang* mangyayari sa hinaharap, at ipinaalám sa iyo ng Tagapagsiwalat ng mga lihim kung ano ang mangyayari. 30 Isiniwalat sa akin ang lihim na ito, hindi dahil sa mas matalino ako kaysa sa sinumang nabubuhay, kundi para maipaalám sa hari ang ibig sabihin ng panaginip niya at malaman ng hari ang laman ng isip niya.+

31 “Ikaw, O hari, ay nakakita ng isang pagkalaki-laking imahen.* Ang imaheng iyon, na malaki at napakaningning, ay nakatayo sa harap mo, at nakakatakot ang hitsura nito. 32 Ang ulo ng imahen ay purong ginto,+ ang dibdib at mga braso nito ay pilak,+ ang tiyan at mga hita nito ay tanso,+ 33 ang mga binti nito ay bakal,+ at ang mga paa nito ay pinaghalong bakal at putik.*+ 34 Habang nakatingin ka rito, isang bato ang natibag, pero hindi sa pamamagitan ng kamay, at tumama ito sa mga paa ng imahen na gawa sa bakal at putik at nadurog ang mga iyon.+ 35 Nang pagkakataong iyon, sama-samang nadurog ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto at naging gaya ng ipa sa giikan kapag tag-araw, at tinangay ito ng hangin kaya wala nang natirang bakas nito. Pero ang bato na tumama sa imahen ay naging isang malaking bundok, at napuno nito ang buong lupa.

36 “Iyon ang panaginip, at sasabihin namin ngayon sa hari ang ibig sabihin nito. 37 Ikaw, O hari, ang hari ng mga hari, sa iyo ibinigay ng Diyos ng langit ang kaharian,+ kapangyarihan, lakas, at karangalan, 38 pati ang mga tao, saanman sila naninirahan, gayundin ang mga hayop sa parang at mga ibon sa langit, at ikaw ang ginawa niyang tagapamahala nilang lahat.+ Ikaw ang ulong ginto.+

39 “Pero kasunod mo ay may babangong kaharian+ na nakabababa sa iyo; at susundan ito ng isa pang kaharian, ang ikatlo, ang tanso, na mamamahala sa buong lupa.+

40 “Ang ikaapat na kaharian naman ay magiging malakas gaya ng bakal.+ Kung paanong kayang durugin at pulbusin ng bakal ang lahat ng iba pang bagay, oo, gaya ng bakal na nangwawasak, dudurugin nito at wawasakin ang lahat ng iyon.+

41 “At kung paanong ang mga paa at ang mga daliri nito na nakita mo ay may bahaging putik* at may bahaging bakal, ang kaharian ay mahahati, pero magkakaroon din ito ng tigas ng bakal, dahil gaya ng nakita mo, may bakal ito na nakahalo sa malambot na putik. 42 At kung paanong ang mga daliri sa paa ay may bahaging bakal at may bahaging putik, ang kaharian ay may bahaging malakas at may bahaging mahina. 43 Kung paanong ang bakal ay nakahalo sa malambot na putik, gaya ng nakita mo, ang mga ito* ay mahahalo sa sangkatauhan;* pero hindi magkakadikit ang mga iyon, kung paanong ang bakal ay hindi dumidikit sa putik.

44 “Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian+ na hindi mawawasak kailanman.+ At ang kahariang ito ay hindi ibibigay sa ibang bayan.+ Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon,+ at ito lang ang mananatili magpakailanman,+ 45 kung paanong nakita mo na isang bato mula sa bundok ang natibag, hindi sa pamamagitan ng kamay, at na dinurog nito ang bakal, tanso, putik, pilak, at ginto.+ Ipinaalám ng Dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap.+ Ang panaginip ay magkakatotoo, at mapananaligan ang ibig sabihin nito.”

46 Kaya sumubsob sa lupa si Haring Nabucodonosor at nagbigay-galang kay Daniel, at ipinag-utos niyang bigyan ito ng regalo at handugan ng insenso. 47 Sinabi ng hari kay Daniel: “Totoo ngang ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim, dahil naisiwalat mo ang lihim na ito.”+ 48 At itinaas ng hari ang posisyon ni Daniel at binigyan ito ng maraming magagandang regalo, at ginawa niya itong tagapamahala ng lahat ng nasasakupang distrito ng Babilonya+ at punong prepekto ng lahat ng matatalinong tao sa Babilonya. 49 At sa kahilingan ni Daniel, inatasan ng hari sina Sadrac, Mesac, at Abednego+ na mangasiwa sa nasasakupang distrito ng Babilonya, at si Daniel naman ay naglingkod sa palasyo ng hari.

3 Ang haring si Nabucodonosor ay gumawa ng isang gintong imahen* na 60 siko* ang taas at 6 na siko* ang lapad. Itinayo niya iyon sa kapatagan ng Dura sa nasasakupang distrito ng Babilonya. 2 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Nabucodonosor ang mga satrapa, prepekto, gobernador, tagapayo, ingat-yaman, hukom, mahistrado, at lahat ng administrador ng mga nasasakupang distrito para sa inagurasyon ng imaheng itinayo ni Haring Nabucodonosor.

3 Kaya ang mga satrapa, prepekto, gobernador, tagapayo, ingat-yaman, hukom, mahistrado, at lahat ng administrador ng mga nasasakupang distrito ay nagtipon para sa inagurasyon ng imaheng itinayo ni Haring Nabucodonosor. At tumayo sila sa harap ng imaheng itinayo ni Nabucodonosor. 4 Ipinahayag ng tagapagbalita: “Inuutusan kayo, O mga bayan at bansa na iba’t iba ang wika, 5 na kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, gaita,* at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika, dapat kayong sumubsob sa lupa at sumamba sa gintong imahen na itinayo ni Haring Nabucodonosor. 6 Ang sinumang hindi susubsob sa lupa at sasamba ay agad na ihahagis sa nagniningas na hurno.”+ 7 Kaya nang marinig ng lahat ng bayan at bansa na iba’t iba ang wika ang tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika, sumubsob sila sa lupa at sumamba sa gintong imahen na itinayo ni Haring Nabucodonosor.

8 Ngayon, may ilang Caldeo na lumapit sa hari, at inakusahan* nila ang mga Judio. 9 Sinabi nila kay Haring Nabucodonosor: “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman. 10 O hari, ipinag-utos mo na ang sinumang makarinig sa tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, gaita, at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika ay dapat sumubsob sa lupa at sumamba sa gintong imahen; 11 at ang sinumang hindi susubsob sa lupa at sasamba ay dapat ihagis sa nagniningas na hurno.+ 12 Pero ang ilang Judiong inatasan mo na mangasiwa sa nasasakupang distrito ng Babilonya, sina Sadrac, Mesac, at Abednego,+ ay hindi gumalang sa iyo, O hari. Hindi sila naglilingkod sa iyong mga diyos, at ayaw nilang sambahin ang gintong imahen na itinayo mo.”

13 Galit na galit si Nabucodonosor, at ipinatawag niya sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Kaya dinala ang mga lalaking ito sa harap ng hari. 14 Sinabi ni Nabucodonosor: “Sadrac, Mesac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos+ at ayaw ninyong sambahin ang gintong imahen na itinayo ko? 15 Ngayon, kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, gaita, at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika at handa kayong sumubsob sa lupa at sumamba sa imaheng ginawa ko, mabuti. Pero kung ayaw ninyong sumamba, agad kayong ihahagis sa nagniningas na hurno. At sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo mula sa kamay ko?”+

16 Sinabi nina Sadrac, Mesac, at Abednego sa hari: “O Nabucodonosor, hindi namin kailangang magpaliwanag sa iyo tungkol dito. 17 Kung ihahagis kami sa nagniningas na hurno, kaya kaming iligtas ng Diyos na pinaglilingkuran namin mula roon at mula sa iyong kamay, O hari.+ 18 Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo, O hari, na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga diyos o sasamba sa gintong imahen na itinayo mo.”+

19 Nagalit nang husto si Nabucodonosor kina Sadrac, Mesac, at Abednego kaya nagbago ang ekspresyon ng mukha niya,* at iniutos niyang painitin ang hurno nang pitong beses na mas mainit kaysa sa dati. 20 Inutusan niya ang ilan sa malalakas na lalaki mula sa kaniyang hukbo na igapos sina Sadrac, Mesac, at Abednego at ihagis sila sa nagniningas na hurno.

21 Kaya iginapos ang mga lalaking ito na suot ang kanilang balabal, damit, gora,* at lahat ng iba pa nilang kasuotan, at inihagis sila sa nagniningas na hurno. 22 Dahil napakalupit ng utos ng hari at napakainit ng hurno, napatay ng naglalagablab na apoy ang mga lalaking nagdala kina Sadrac, Mesac, at Abednego. 23 Pero ang tatlong lalaking ito, sina Sadrac, Mesac, at Abednego, ay bumagsak nang nakagapos sa nagniningas na hurno.

24 Natakot si Haring Nabucodonosor; agad siyang tumayo at sinabi niya sa kaniyang matataas na opisyal: “Hindi ba tatlong lalaki ang iginapos natin at inihagis sa apoy?” Sumagot sila: “Opo, O hari.” 25 Sinabi niya: “Tingnan ninyo! May nakikita akong apat na lalaki na naglalakad nang walang gapos sa gitna ng apoy; walang masamang nangyari sa kanila, at parang anak ng mga diyos ang ikaapat.”

26 Lumapit si Nabucodonosor sa pinto ng nagniningas na hurno, at sinabi niya: “Sadrac, Mesac, at Abednego, kayong mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos,+ lumabas kayo riyan!” At lumabas sa nagniningas na hurno sina Sadrac, Mesac, at Abednego. 27 At nakita ng mga satrapa, prepekto, gobernador, at matataas na opisyal ng hari na nagkakatipon doon+ na hindi napinsala ng apoy ang* katawan ng mga lalaking ito;+ walang isa mang buhok sa ulo nila ang nasunog, walang nagbago sa mga balabal nila, at hindi man lang sila nangamoy-usok.

28 At sinabi ni Nabucodonosor: “Purihin nawa ang Diyos nina Sadrac, Mesac, at Abednego,+ na nagsugo ng anghel niya at nagligtas sa mga lingkod niya. Nagtiwala sila sa kaniya at sumuway sa utos ng hari at handa pa ngang mamatay* sa halip na maglingkod o sumamba sa ibang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.+ 29 Kaya iniuutos ko na pagputol-putulin ang katawan ng sinumang tao, anuman ang kaniyang bansa o wika, na magsasalita ng anumang laban sa Diyos nina Sadrac, Mesac, at Abednego, at ang bahay niya ay dapat gawing pampublikong palikuran;* dahil walang ibang diyos na makapagliligtas na gaya ng isang ito.”+

30 At binigyan ng hari ng mas mataas na posisyon* sina Sadrac, Mesac, at Abednego sa nasasakupang distrito ng Babilonya.+

4 “Ito ang mensahe ni Haring Nabucodonosor para sa lahat ng bayan at bansa sa buong lupa na iba’t iba ang wika: Magkaroon nawa kayo ng saganang kapayapaan! 2 Gusto kong ihayag ang mga tanda at himala na ginawa sa akin ng Kataas-taasang Diyos. 3 Kahanga-hanga ang kaniyang mga tanda at makapangyarihan ang kaniyang mga himala! Ang kaniyang kaharian ay walang hanggan, at ang kaniyang pamamahala ay magpapatuloy sa lahat ng henerasyon.+

4 “Akong si Nabucodonosor ay panatag noon sa aking bahay at namumuhay nang sagana sa aking palasyo. 5 May napanaginipan ako, at natakot ako rito. Habang nakahiga ako, may nakita akong mga larawan at pangitain na ikinatakot ko.+ 6 Kaya iniutos kong dalhin sa harap ko ang lahat ng matatalinong tao sa Babilonya para maipaalám nila sa akin ang ibig sabihin ng panaginip ko.+

7 “At dumating ang mga mahikong saserdote, salamangkero, Caldeo,* at astrologo.+ Nang sabihin ko sa kanila ang panaginip ko, hindi nila masabi sa akin ang ibig sabihin nito.+ 8 Nang bandang huli, humarap sa akin si Daniel, na pinangalanan ding Beltesasar+ batay sa pangalan ng aking diyos,+ at nasa kaniya ang espiritu ng mga banal na diyos.+ Sinabi ko sa kaniya ang panaginip:

9 “‘O Beltesasar na pinuno ng mga mahikong saserdote,+ alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga banal na diyos+ at na walang lihim na hindi mo kayang malaman.+ Kaya ipaliwanag mo sa akin ang mga pangitaing nakita ko sa panaginip ko at ang ibig sabihin nito.

10 “‘Sa mga pangitaing nakita ko habang nasa higaan ako, may isang puno+ sa gitna ng lupa, at pagkataas-taas nito.+ 11 Lumaki ang puno at naging matibay, at umabot sa langit ang tuktok nito, at nakikita ito hanggang sa mga dulo ng lupa. 12 Mayabong ito at mabunga, at may pagkain dito para sa lahat. Sa ilalim nito sumisilong ang mga hayop sa parang, at sa mga sanga nito namumugad ang mga ibon sa langit, at dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.*

13 “‘Sa mga pangitaing nakita ko habang nakahiga ako, may isang bantay, isang banal na mensahero, na bumababa mula sa langit.+ 14 Sinabi niya nang malakas: “Putulin ang puno,+ baliin ang mga sanga nito, alisin ang mga dahon, at ikalat ang mga bunga! Paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa mga sanga. 15 Pero huwag ninyong bunutin ang mga ugat nito. Iwan ninyo ang tuod, na may bigkis na bakal at tanso, kasama ng mga damo sa parang. Hayaan itong mabasâ ng hamog ng langit at makasama ng mga hayop sa gitna ng pananim sa lupa.+ 16 Ang taglay nitong puso ng tao ay hayaang mapalitan ng puso ng hayop, at pitong panahon+ ang palilipasin.+ 17 Ito ang utos ng mga bantay+ at ang hatol ng mga banal, para malaman ng mga taong nabubuhay na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao+ at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto, kahit sa pinakamababa sa mga tao.”

18 “‘Ito ang napanaginipan ko, akong si Haring Nabucodonosor; ngayon, O Beltesasar, sabihin mo ang ibig sabihin nito, dahil hindi ito kayang ipaalám sa akin ng lahat ng iba pang matatalino sa kaharian ko.+ Pero ikaw, kaya mo, dahil nasa iyo ang espiritu ng mga banal na diyos.’

19 “At natigilan sandali si Daniel, na may pangalan ding Beltesasar,+ at natakot siya.

“Sinabi ng hari, ‘O Beltesasar, huwag kang matakot sa panaginip at sa ibig sabihin nito.’

“Sumagot si Beltesasar, ‘O panginoon ko, ang panaginip nawa ay para sa mga napopoot sa iyo, at ang ibig sabihin nito ay para nawa sa mga kaaway mo.

20 “‘Ang punong nakita mo na naging napakalaki at matibay, na ang tuktok ay umabot sa langit at nakikita sa buong lupa,+ 21 na mayabong, mabunga, at pinagkukunan ng pagkain ng lahat, at sinisilungan ng mga hayop sa parang at pinamumugaran ng mga ibon sa langit,+ 22 ikaw iyon, O hari, dahil naging dakila ka at malakas, at ang kaluwalhatian mo ay umabot sa langit,+ at ang pamamahala mo hanggang sa mga dulo ng lupa.+

23 “‘At ang hari ay nakakita ng isang bantay, isang banal na mensahero+ na bumababa mula sa langit, na nagsabi: “Putulin ang puno at sirain iyon, pero huwag ninyong bunutin ang mga ugat nito. Iwan ninyo ang tuod, na may bigkis na bakal at tanso, kasama ng damo sa parang. Hayaan itong mabasâ ng hamog ng langit at makasama ng mga hayop sa parang hanggang sa lumipas ang pitong panahon.”+ 24 Ito ang ibig sabihin ng panaginip, O hari; ito ang sinabi ng Kataas-taasan na mangyayari sa panginoon kong hari. 25 Itataboy ka ng mga tao at maninirahang kasama ng mga hayop sa parang, at pananim ang kakainin mo gaya ng mga toro; at mababasâ ka ng hamog ng langit,+ at lilipas ang pitong panahon+ hanggang sa malaman mong ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.+

26 “‘Pero dahil sinabi nilang iwan ang tuod ng puno at ang ugat nito,+ ang iyong kaharian ay ibabalik sa iyo kapag nalaman mo nang ang tunay na tagapamahala ay nasa langit. 27 Kaya maging katanggap-tanggap sana sa iyo ang payo ko, O hari. Itigil mo ang paggawa ng kasalanan at gawin mo ang tama, at talikuran mo ang iyong kasamaan at kaawaan ang mahihirap. Baka sakaling tumagal pa ang iyong kasaganaan.’”+

28 Nangyari ang lahat ng ito kay Haring Nabucodonosor.

29 Pagkalipas ng 12 buwan, habang naglalakad ang hari sa bubungan ng maharlikang palasyo sa Babilonya, 30 sinabi niya: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang sambahayan sa pamamagitan ng aking lakas at kapangyarihan at para sa aking maluwalhating karingalan?”

31 Habang nagsasalita pa ang hari, isang tinig ang narinig mula sa langit: “Para sa iyo ang mensaheng ito, O Haring Nabucodonosor, ‘Ang kaharian ay aalisin sa iyo,+ 32 at itataboy ka ng mga tao. Maninirahan kang kasama ng mga hayop sa parang, at pananim ang kakainin mo gaya ng mga toro, at lilipas ang pitong panahon hanggang sa malaman mong ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.’”+

33 Nang sandaling iyon, natupad ang sinabi tungkol kay Nabucodonosor. Itinaboy siya ng mga tao, at nagsimula siyang kumain ng pananim gaya ng mga toro, at ang katawan niya ay nabasâ ng hamog ng langit, at humaba ang buhok niya gaya ng balahibo ng agila at ang mga kuko niya gaya ng mga kuko ng ibon.+

34 “Pagkatapos ng panahong iyon,+ akong si Nabucodonosor ay tumingala sa langit, at bumalik ako sa katinuan. At pinuri ko ang Kataas-taasan; pinuri ko at niluwalhati ang Isa na buháy magpakailanman, dahil ang pamamahala niya ay walang hanggan at ang kaniyang kaharian ay mananatili sa paglipas ng mga henerasyon.+ 35 Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay walang kabuluhan kung ikukumpara sa kaniya, at ginagawa niya sa hukbo ng langit at sa mga naninirahan sa lupa ang ayon sa kalooban niya. At walang makapipigil sa kaniya*+ o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano ang ginawa mo?’+

36 “Nang panahong iyon, bumalik ako sa katinuan, at naibalik sa akin ang kaluwalhatian ng aking kaharian at ang aking karingalan at karilagan.+ Hinanap ako ng aking matataas na opisyal at ng mga prominenteng tao, at naibalik ako sa aking kaharian, at lalo pa akong naging dakila.

37 “Ngayon, akong si Nabucodonosor ay lumuluwalhati sa Hari ng langit,+ at pinupuri ko siya at dinadakila dahil ang lahat ng kaniyang gawa ay kaayon ng katotohanan at ang mga daan niya ay makatarungan,+ at dahil kaya niyang ibaba ang mga mapagmataas.”+

5 Kung tungkol kay Haring Belsasar,+ naghanda siya ng isang malaking salusalo para sa isang libo sa mga opisyal niya, at umiinom siya ng alak sa harap nila.+ 2 Habang nasa impluwensiya ng alak, iniutos ni Belsasar na ipasok ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ng kaniyang amang si Nabucodonosor mula sa templo sa Jerusalem,+ para makainom siya* sa mga ito at ang kaniyang mga opisyal, mga pangalawahing asawa, at iba pang asawa. 3 At ipinasok nila ang mga sisidlang ginto na kinuha mula sa santuwaryo sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, at uminom sa mga ito ang hari at ang kaniyang mga opisyal, mga pangalawahing asawa, at iba pang asawa. 4 Uminom sila ng alak at pinuri ang mga diyos na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.

5 Nang sandaling iyon, may lumitaw na kamay ng isang tao at nagsimula itong sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, malapit sa patungan ng lampara, at nakikita ng hari ang kamay habang sumusulat ito. 6 At namutla ang* hari at natakot, at nanginig ang balakang niya+ at nag-umpugan ang mga tuhod niya.

7 Pasigaw na ipinatawag ng hari ang mga salamangkero, Caldeo,* at astrologo.+ Sinabi ng hari sa matatalinong tao sa Babilonya: “Ang sinumang makababasa sa sulat na ito at makapagsasabi sa akin ng ibig sabihin nito ay bibihisan ng purpura,* susuotan ng gintong kuwintas,+ at magiging ikatlong pinakamataas na tagapamahala sa kaharian.”+

8 Dumating ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian niya, pero hindi nila kayang basahin ang sulat o ipaalám sa hari ang ibig sabihin nito.+ 9 Kaya takot na takot si Haring Belsasar at namutla ang mukha niya; at litong-lito ang mga opisyal niya.+

10 Nang marinig ng reyna ang pinag-uusapan ng hari at ng mga opisyal niya, pumasok siya sa bulwagan kung saan sila nagsasalusalo. Sinabi ng reyna: “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman. Bakit ka namumutla? Huwag kang matakot. 11 May isang lalaki* sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong ama, nakilala siya bilang isang tao na may kaalaman, unawa, at karunungan na tulad ng karunungan ng mga diyos.+ Inatasan siya ng iyong amang si Haring Nabucodonosor bilang pinuno ng mga mahikong saserdote, salamangkero, Caldeo,* at astrologo;+ ginawa ito ng iyong ama, O hari. 12 Si Daniel, na pinangalanan ng hari na Beltesasar,+ ay may di-pangkaraniwang talino at kaalaman at unawa para masabi ang ibig sabihin ng mga panaginip, maipaliwanag ang mga bugtong, at malutas ang mahihirap na problema.*+ Kaya ipatawag mo si Daniel, at sasabihin niya sa iyo ang ibig sabihin nito.”

13 Kaya dinala si Daniel sa harap ng hari. Tinanong ng hari si Daniel: “Ikaw ba si Daniel, ang isa sa mga bihag* na dinala ng ama kong hari mula sa Juda?+ 14 Narinig ko na taglay mo ang espiritu ng mga diyos,+ pati ang kaalaman, unawa, at di-pangkaraniwang karunungan.+ 15 Iniharap sa akin ang matatalinong tao at mga salamangkero para basahin ang sulat na ito at sabihin sa akin ang kahulugan, pero hindi nila maibigay ang kahulugan ng mensaheng ito.+ 16 Pero narinig ko na kaya mong ibigay ang kahulugan ng mga tanda+ at lutasin ang mahihirap na problema.* Ngayon, kung kaya mong basahin ang sulat na ito at ipaalám sa akin ang ibig sabihin nito, ikaw ay bibihisan ng purpura, susuotan ng gintong kuwintas, at magiging ikatlong pinakamataas na tagapamahala sa kaharian.”+

17 Sumagot si Daniel sa hari: “Hindi ko matatanggap ang mga regalo mo; ibigay mo na lang sa iba. Pero babasahin ko sa hari ang sulat at sasabihin ang kahulugan nito. 18 O hari, ibinigay ng Kataas-taasang Diyos sa iyong amang si Nabucodonosor ang kaharian at kadakilaan at karangalan at karingalan.+ 19 Dahil sa kadakilaang ibinigay Niya sa kaniya, lahat ng bayan at bansa na iba’t iba ang wika ay nanginginig sa takot sa harap niya.+ Pinapatay niya o hinahayaang mabuhay ang sinumang gusto niya, at pinararangalan niya o hinihiya ang sinumang gusto niya.+ 20 Pero dahil naging pangahas siya nang magmatigas siya at magmataas ang puso niya,+ ibinaba siya mula sa trono ng kaniyang kaharian at inalis sa kaniya ang kaluwalhatian niya. 21 Itinaboy siya ng mga tao, at ang puso niya ay ginawang gaya ng sa hayop, at nanirahan siyang kasama ng maiilap na asno. Pananim ang naging pagkain niya gaya ng mga toro, at nabasâ ng hamog ng langit ang katawan niya, hanggang sa malaman niya na ang Kataas-taasang Diyos ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na ibinibigay niya ang pamamahala kung kanino niya gusto.+

22 “Pero ikaw, na anak niyang si Belsasar, hindi ka pa rin nagpakumbaba kahit na alam mo ang lahat ng ito. 23 Sa halip, nagrebelde ka sa Panginoon ng langit,+ at ipinakuha mo ang mga sisidlang nasa kaniyang bahay.+ At uminom kayo ng alak sa mga iyon, ikaw, ang iyong mga opisyal, mga pangalawahing asawa, at iba pang asawa, at pinuri ninyo ang mga diyos na gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato—mga diyos na hindi nakakakita, nakaririnig, o nakaaalam ng anuman.+ Pero hindi mo niluwalhati ang Diyos na nagbibigay sa iyo ng hininga ng buhay+ at may kapangyarihan sa iyong buong pamumuhay. 24 Kaya isinugo niya ang kamay, at ipinasulat niya ito.+ 25 Ang nakasulat ay MENE, MENE, TEKEL, at PARSIN.

26 “Ito ang kahulugan ng mga salita: MENE, binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at winakasan iyon.+

27 “TEKEL, tinimbang ka at napatunayang kulang.

28 “PERES, hinati ang kaharian mo at ibinigay sa mga Medo at mga Persiano.”+

29 At ibinigay ni Belsasar ang utos, at binihisan nila si Daniel ng purpura at sinuotan ng gintong kuwintas; at inianunsiyo nila na siya ang magiging ikatlong pinakamataas na tagapamahala sa kaharian.+

30 Nang mismong gabing iyon, napatay ang hari ng mga Caldeo na si Belsasar.+ 31 At tinanggap ni Dario+ na Medo ang kaharian; mga 62 taóng gulang siya.

6 Nakita ni Dario na mabuting mag-atas ng 120 satrapa para sa buong kaharian.+ 2 Nag-atas din siya ng tatlong matataas na opisyal na mamamahala sa mga ito, at isa sa kanila si Daniel;+ ang mga satrapa+ ay nag-uulat sa tatlong ito para mapangalagaan ang mga kapakanan ng hari. 3 Pero kitang-kita ang kaibahan ni Daniel sa ibang matataas na opisyal at sa mga satrapa, dahil mayroon siyang di-pangkaraniwang talino,+ at iniisip ng hari na bigyan siya ng awtoridad sa buong kaharian.

4 Nang panahong iyon, ang matataas na opisyal at mga satrapa ay naghahanap ng maiaakusa kay Daniel may kaugnayan sa pangangasiwa niya sa kaharian, pero wala silang makitang anumang masama sa kaniya, dahil tapat siya, hindi pabaya, at hindi tiwali. 5 Sinabi nila: “Wala tayong maiaakusa sa Daniel na ito, maliban na lang kung may kaugnayan ito sa kautusan ng kaniyang Diyos.”+

6 Kaya sama-samang pumunta sa hari ang matataas na opisyal at mga satrapang ito, at sinabi nila: “O Haring Dario, mabuhay ka nawa magpakailanman. 7 Ang lahat ng opisyal sa kaharian, prepekto, satrapa, tagapayo sa kaharian, at gobernador ay nag-usap-usap para bumuo ng isang batas na aaprobahan ng hari. Gusto naming ipatupad ang isang pagbabawal sa loob ng 30 araw, na ang sinumang magsumamo sa sinumang diyos o tao maliban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon.+ 8 Ngayon, O hari, pagtibayin mo nawa ang batas at lagdaan ito+ para hindi ito mabago, ayon sa kautusan ng mga Medo at mga Persiano, na hindi puwedeng mapawalang-bisa.”+

9 Kaya nilagdaan ni Haring Dario ang batas at ang pagbabawal.

10 Pero nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ang batas, umuwi siya agad sa kaniyang bahay at pumunta sa kaniyang silid sa bubungan na may nakabukas na bintanang nakaharap sa Jerusalem.+ At tatlong beses sa isang araw, lumuluhod siya, nananalangin, at pumupuri sa kaniyang Diyos, gaya ng lagi niyang ginagawa noon pa man. 11 Nang pagkakataong iyon, biglang pumasok ang mga lalaking iyon at nakita si Daniel na humihiling at nagsusumamo sa harap ng kaniyang Diyos.

12 Kaya lumapit sila sa hari at ipinaalaala sa kaniya ang pagbabawal na inaprobahan niya: “Hindi ba nilagdaan mo, O hari, ang isang batas na sa loob ng 30 araw, ang sinumang magsumamo sa sinumang diyos o tao maliban sa iyo ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Sumagot ang hari: “Oo, at hindi puwedeng ipawalang-bisa ang kautusan ng mga Medo at mga Persiano.”+ 13 Kaagad nilang sinabi: “O hari, hindi ka iginalang ni Daniel, na isang tapon mula sa Juda,+ pati ang pagbabawal na nilagdaan mo, dahil tatlong beses siyang nananalangin bawat araw.”+ 14 Nang marinig ito ng hari, nabagabag siya nang husto, at nag-isip siya ng paraan para iligtas si Daniel; at pinagsikapan niyang iligtas ito hanggang sa paglubog ng araw. 15 Nang bandang huli, sama-samang pumunta sa hari ang mga lalaking ito, at sinabi nila: “Alalahanin mo, O hari, na ayon sa kautusan ng mga Medo at mga Persiano, hindi puwedeng baguhin ang anumang pagbabawal o batas na pinagtibay ng hari.”+

16 Kaya nag-utos ang hari, at dinala nila si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon.+ Sinabi ng hari kay Daniel: “Ililigtas ka ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran.” 17 At isang bato ang itinakip sa pasukan* ng yungib, at tinatakan iyon ng hari gamit ang kaniyang singsing na panlagda at singsing na panlagda ng mga opisyal niya para hindi mabago ang desisyon may kaugnayan kay Daniel.

18 Pagkatapos, umuwi ang hari sa kaniyang palasyo. Magdamag siyang nag-ayuno* at ayaw niyang magpaaliw,* at hindi siya nakatulog. 19 Nang magbukang-liwayway na, bumangon siya agad at dali-daling pumunta sa yungib ng mga leon. 20 Habang papalapit sa yungib, sumigaw siya kay Daniel sa malungkot na tinig. Tinanong ng hari si Daniel: “O Daniel, lingkod ng Diyos na buháy, iniligtas ka ba mula sa mga leon ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran?” 21 Agad na sumagot si Daniel: “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman. 22 Isinugo ng aking Diyos ang anghel niya at itinikom ang bibig ng mga leon,+ kaya hindi ako sinaktan ng mga ito,+ dahil wala akong kasalanan sa harap niya; at wala rin akong ginawang masama sa iyo, O hari.”

23 Tuwang-tuwa ang hari, at iniutos niyang iahon si Daniel mula sa yungib. Nang maiahon si Daniel, wala siyang anumang pinsala, dahil nagtiwala siya sa kaniyang Diyos.+

24 At iniutos ng hari na ihagis sa yungib ng mga leon ang mga lalaking nag-akusa* kay Daniel, pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila nakakarating sa baba ng yungib, sinakmal na sila ng mga leon at dinurog ang lahat ng buto nila.+

25 At sumulat si Haring Dario sa lahat ng bayan at bansa sa buong lupa na iba’t iba ang wika:+ “Magkaroon nawa kayo ng saganang kapayapaan! 26 Ipinag-uutos ko na sa buong teritoryo ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat na manginig sa takot sa harap ng Diyos ni Daniel.+ Dahil siya ang Diyos na buháy at mananatili siya magpakailanman. Hindi kailanman mawawasak ang kaharian niya, at walang hanggan ang pamamahala* niya.+ 27 Siya ay sumasagip,+ nagliligtas, at nagsasagawa ng mga tanda at himala sa langit at sa lupa,+ dahil iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”*

28 Kaya naging maganda ang kalagayan ni Daniel sa kaharian ni Dario+ at sa kaharian ni Ciro na Persiano.+

7 Nang unang taon ni Haring Belsasar+ ng Babilonya, nanaginip si Daniel at nakakita ng mga pangitain habang nakahiga siya.+ At isinulat niya ang napanaginipan niya+—ang lahat ng detalye nito. 2 Sinabi ni Daniel:

“Noong gabi, nakita ko sa aking mga pangitain na binabayo ng apat na hangin ng langit ang malawak na dagat.+ 3 At apat na dambuhalang hayop+ ang umahon sa dagat. Magkakaiba ang mga ito.

4 “Ang una ay gaya ng leon+ na may mga pakpak ng agila.+ At nakatingin ako rito hanggang sa mabunot ang mga pakpak nito, at itinaas ito mula sa lupa at pinatayo sa dalawa nitong paa na parang tao, at binigyan ito ng puso ng tao.

5 “Ang ikalawang hayop ay gaya ng oso.+ Nakataas ang isang tagiliran nito, at may kagat-kagat itong tatlong tadyang; at sinabihan ito, ‘Bumangon ka at lumamon ng karne.’+

6 “Pagkatapos, may nakita akong isa pang hayop na gaya ng leopardo,+ pero may apat na pakpak sa likuran nito na gaya ng sa ibon. Mayroon itong apat na ulo+ at binigyan ng awtoridad na mamahala.

7 “Pagkatapos, may nakita pa ako sa mga pangitain noong gabi, ang ikaapat na hayop. Nakakatakot ito, kakila-kilabot, may di-pangkaraniwang lakas, at may malalaking ngiping bakal. Nanlalapa ito at nanluluray, at tinatapak-tapakan nito ang anumang natitira.+ Naiiba ito sa lahat ng hayop na nauna rito, at mayroon itong 10 sungay. 8 Habang nakatingin ako sa mga sungay, may tumubo pang isang maliit na sungay+ sa gitna ng mga iyon, at natanggal ang tatlo sa unang mga sungay. At ang sungay na ito ay may mga matang gaya ng sa tao, at may bibig ito na mayabang magsalita.+

9 “Patuloy akong tumingin hanggang sa may ilagay na mga trono at umupo+ ang Sinauna sa mga Araw.+ Ang damit niya ay puting gaya ng niyebe,+ at ang buhok sa ulo niya ay gaya ng malinis na lana. Ang trono niya ay mga liyab ng apoy; ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy.+ 10 May ilog ng apoy na umaagos at lumalabas mula sa harap niya.+ May isang libong libo-libo* na patuloy na naglilingkod sa kaniya, at sampung libong tigsasampung libo* ang nakatayo sa harap niya.+ Umupo ang Hukom,*+ at may mga aklat na nabuksan.

11 “Patuloy akong tumingin nang panahong iyon dahil sa naririnig kong pagyayabang ng sungay;+ nakatingin ako hanggang sa patayin ang hayop at ihagis sa apoy ang katawan nito, at natupok ito. 12 Pero kung tungkol sa iba pang hayop,+ inalis ang awtoridad nilang mamahala, at pinahintulutan pa silang mabuhay sa loob ng isang yugto ng panahon.

13 “Pagkatapos, may nakita pa ako sa mga pangitain ko noong gabi. Dumarating ang isang gaya ng anak ng tao+ na kasama ng mga ulap sa langit; at pinayagan siyang lumapit sa Sinauna sa mga Araw,+ at dinala nila siya sa harap Niya. 14 At binigyan siya ng awtoridad na mamahala,+ ng karangalan,+ at ng isang kaharian, para paglingkuran siya ng lahat ng bayan at bansa na iba’t iba ang wika.+ Ang pamamahala niya ay walang hanggan—hindi ito magwawakas, at hindi mawawasak ang kaharian niya.+

15 “Akong si Daniel ay nabagabag dahil sa nakakatakot na mga pangitaing nakita ko.+ 16 Lumapit ako sa isa sa mga nakatayo para itanong sa kaniya kung ano talaga ang ibig sabihin nito. Kaya sinabi niya sa akin ang kahulugan ng mga bagay na ito.

17 “‘Ang apat na dambuhalang hayop+ na ito ay apat na hari na tatayo mula sa lupa.+ 18 Pero ang mga banal ng Kadaki-dakilaan+ ang tatanggap ng kaharian,+ at magiging kanila ang kaharian+ nang walang hanggan, oo, magpakailanman.’

19 “At gusto ko pang makaalam ng higit na detalye tungkol sa ikaapat na hayop, na kakaiba sa lahat; talagang nakakatakot ito. Mayroon itong mga ngiping bakal at mga kukong tanso, nanlalapa ito at nanluluray, at tinatapak-tapakan nito ang anumang natitira;+ 20 at tungkol din sa 10 sungay+ na nasa ulo nito, at sa isa pang sungay na tumubo kung kaya natanggal ang 3,+ ang sungay na may mga mata, may mayabang na bibig, at mas malaki kaysa sa iba.

21 “Habang nakatingin ako, nakita ko ang sungay na iyon na nakikipagdigma sa mga banal, at natatalo sila nito,+ 22 hanggang sa dumating ang Sinauna sa mga Araw+ at inilapat niya ang hatol pabor sa mga banal ng Kadaki-dakilaan,+ at dumating ang itinakdang panahon para ibigay ang kaharian sa mga banal.+

23 “Ito ang sinabi niya: ‘Kung tungkol sa ikaapat na hayop, may ikaapat na kaharian na darating sa lupa. Naiiba ito sa lahat ng iba pang kaharian, at lalamunin nito ang buong lupa at tatapak-tapakan iyon at dudurugin.+ 24 Ang 10 sungay ay ang 10 hari na lilitaw mula sa kahariang iyon; at may isa pang lilitaw na kasunod nila, at naiiba siya sa mga nauna, at 3 hari ang hihiyain niya.+ 25 Magsasalita siya laban sa Kataas-taasan,+ at patuloy niyang pahihirapan ang mga banal ng Kadaki-dakilaan. Gusto niyang baguhin ang mga panahon at kautusan, at ibibigay sila sa kaniyang kamay sa loob ng isang panahon, mga panahon, at kalahating panahon.*+ 26 Pero umupo ang Hukom,* at inalis ang awtoridad niyang mamahala at lubusan siyang pinuksa.+

27 “‘At ang kaharian at ang pamamahala at ang karangalan ng mga kaharian sa ibabaw ng buong lupa* ay ibinigay sa banal na bayan ng Kadaki-dakilaan.+ Ang kaharian nila ay walang hanggan,+ at ang lahat ng pamahalaan ay maglilingkod at susunod sa kanila.’

28 “Ito ang katapusan ng ulat. Akong si Daniel ay natakot nang husto kaya namutla ako;* pero iningatan ko sa aking puso ang nakita ko at narinig.”

8 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Haring Belsasar,+ akong si Daniel ay nakakita ng isa pang pangitain.+ 2 Habang nakikita ko ang pangitain, ako ay nasa palasyo* ng Susan,*+ na nasa nasasakupang distrito ng Elam;+ nakita ko ang pangitain, at ako ay nasa tabi ng daluyan ng tubig ng Ulai. 3 At may nakita akong isang barakong tupa+ na nakatayo sa harap ng daluyan ng tubig, at mayroon itong dalawang sungay.+ Mahaba ang dalawang sungay, pero mas mahaba ang isa, at huling tumubo ang mas mahabang sungay.+ 4 Nakita ko ang barakong tupa na nanunuwag pakanluran at pahilaga at patimog, at walang mabangis na hayop na makatayo sa harap nito, at walang sinuman ang nakapagliligtas mula sa kamay nito.+ Ginagawa nito kung ano ang gusto nito, at nagmamataas ito.

5 Patuloy akong tumingin at nakita ko ang isang lalaking kambing+ mula sa kanluran* na lumilibot sa buong lupa nang hindi sumasayad ang paa. At ang kambing ay may kapansin-pansing sungay sa pagitan ng mga mata nito.+ 6 Palapit ito sa barakong tupa na may dalawang sungay, na nakita kong nakatayo sa harap ng daluyan ng tubig; galit na galit nitong sinugod ang barakong tupa.

7 Nakita kong papalapit ito nang papalapit sa barakong tupa, at galit na galit ito. Sinalakay nito ang barakong tupa at binali ang dalawang sungay nito, at walang kalaban-laban ang barakong tupa. Pinabagsak nito ang barakong tupa at pinagtatapakan, at walang makapagligtas sa barakong tupa mula sa kamay nito.

8 At nagmataas nang husto ang lalaking kambing, pero nang lumakas ito, nabali ang malaking sungay nito; at apat na kapansin-pansing sungay ang tumubo kapalit ng nabali, sa direksiyon ng apat na hangin ng langit.+

9 May tumubo pang isang maliit na sungay mula sa isa sa mga iyon, at naging napakalakas nito sa direksiyon ng timog at ng silangan* at ng Magandang Lupain.*+ 10 Sa sobrang lakas nito, umabot ito sa hukbo ng langit, at pinabagsak nito sa lupa ang ilan sa hukbo at ilan sa mga bituin at pinagtatapakan ang mga iyon. 11 Nagmataas ito kahit sa Prinsipe ng hukbo, at inalis nito sa kaniya ang regular na handog at ibinagsak ang santuwaryong itinatag niya.+ 12 Dahil sa kasalanan,* isang hukbo ang napasakamay nito at natigil ang regular na handog; at patuloy nitong ibinabagsak sa lupa ang katotohanan, at kumilos ito at nagtagumpay.

13 At narinig kong nagsasalita ang isang banal, at may isa pang banal na nagsabi sa nagsasalita: “Gaano katagal mangyayari ang mga nakita sa pangitaing ito—ang pangitain tungkol sa regular na handog, sa kasalanan* na dahilan ng pagkatiwangwang,+ at sa banal na lugar at hukbo na pinagtatapak-tapakan?” 14 Kaya sinabi niya sa akin: “Tatagal nang 2,300 gabi at umaga; at ang banal na lugar ay tiyak na ibabalik sa nararapat na kalagayan nito.”

15 Habang akong si Daniel ay nakatingin sa pangitain at sinisikap ko itong maintindihan, biglang lumitaw sa harap ko ang isang gaya ng tao. 16 At narinig ko ang boses ng isang tao sa gitna ng Ulai,+ at sinabi niya: “Gabriel,+ ipaliwanag mo sa kaniya ang nakita niya.”+ 17 Kaya lumapit siya sa kinatatayuan ko, pero natakot ako paglapit niya kaya sumubsob ako sa lupa. Sinabi niya: “Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay para sa panahon ng wakas.”+ 18 Pero habang nakikipag-usap siya sa akin, nakatulog ako nang mahimbing habang nakasubsob sa lupa. Kaya hinipo niya ako at pinatayo sa dati kong kinatatayuan.+ 19 Sinabi niya: “Ipaaalam ko sa iyo ang mangyayari sa huling bahagi ng paglalapat ng hatol, dahil mangyayari iyon sa itinakdang panahon ng wakas.+

20 “Ang nakita mong barakong tupa na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia.+ 21 Ang mabalahibong lalaking kambing ay kumakatawan sa hari ng Gresya;+ at ang malaking sungay na nasa pagitan ng mga mata nito ay kumakatawan sa unang hari.+ 22 Kung tungkol sa sungay na nabali at napalitan ng apat,+ may apat na kahariang babangon mula sa kaniyang bansa, pero hindi niya kasinlakas.

23 “At sa huling bahagi ng kaharian nila, kapag umabot na sa sukdulan ang kasamaan nila, may babangong isang haring mabagsik ang hitsura at nakakaintindi ng malalabong kasabihan.* 24 Magiging makapangyarihan siya, pero hindi dahil sa sarili niyang lakas. Napakatindi ng pagwasak na isasagawa niya, at magtatagumpay siya anuman ang gawin niya. Ipapahamak niya ang mga makapangyarihan, pati ang banal na bayan.+ 25 At dahil sa katusuhan niya, manlilinlang siya para magtagumpay; at magmamataas siya sa puso niya; at sa panahong tiwasay, marami siyang ipapahamak.* Kakalabanin niya kahit ang Prinsipe ng mga prinsipe, at babagsak siya, pero hindi sa pamamagitan ng kamay ng tao.

26 “Totoo ang mga sinabi sa pangitain tungkol sa mga gabi at umaga, pero dapat mong ilihim ang pangitain, dahil matagal pa ang panahong tinutukoy nito.”+

27 At akong si Daniel ay napagod at nagkasakit nang ilang araw.+ Pagkatapos, bumangon ako at naglingkod para sa hari;+ pero natitigilan ako dahil sa mga nakita ko, at walang makaintindi rito.+

9 Nang unang taon ni Dario+ na anak ni Ahasuero—inapo ng mga Medo na ginawang hari sa kaharian ng mga Caldeo+— 2 oo, sa unang taon ng paghahari niya, naunawaan ko, akong si Daniel, sa pamamagitan ng mga aklat,* ayon sa sinabi ni Jehova kay Jeremias na propeta, na ang bilang ng mga taon na mananatiling wasak ang Jerusalem+ ay 70 taon.+ 3 Kaya lumapit ako kay Jehova na tunay na Diyos at nakiusap sa panalangin, na may pag-aayuno+ at telang-sako at abo. 4 Nanalangin ako sa aking Diyos na si Jehova at ipinagtapat sa kaniya ang mga kasalanan namin:

“O Jehova na tunay na Diyos, na dakila at kahanga-hanga,* na tumutupad sa kaniyang tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig+ sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya,+ 5 nagkasala kami at gumawa ng mali at ng napakasamang mga bagay at nagrebelde;+ at lumihis kami sa iyong mga utos at batas.* 6 Hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na propeta,+ na nakipag-usap sa aming mga hari, pinuno, ninuno, at sa lahat ng tao sa lupain sa ngalan mo. 7 Ikaw ay matuwid, O Jehova, samantalang kami ay laging nagdadala ng kahihiyan sa sarili namin, gaya ngayon—sa buong Israel, kasama na ang mga taga-Juda at ang mga nakatira sa Jerusalem, ang mga nasa malapit at malayo, sa lahat ng lupain kung saan mo sila pinangalat dahil hindi sila naging tapat sa iyo.+

8 “O Jehova, kahiya-hiya kami, ang aming mga hari, pinuno, at ninuno, dahil nagkasala kami sa iyo. 9 Maawain at mapagpatawad ang Diyos naming si Jehova,+ pero nagrebelde kami sa kaniya.+ 10 Hindi namin sinunod ang tinig ng Diyos naming si Jehova—hindi namin sinunod ang mga iniutos niya sa amin sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta.+ 11 Nilabag ng buong Israel ang Kautusan mo, at tinalikuran ka nila nang hindi sila sumunod sa tinig mo, kaya ibinuhos mo sa amin ang sumpa na pinagtibay ng panatang nakasulat sa Kautusan ni Moises na lingkod ng tunay na Diyos,+ dahil nagkasala kami sa Kaniya. 12 Tinupad niya ang sinabi niya laban sa amin+ at laban sa aming mga pinuno na namahala* sa amin, kaya pinasapitan niya kami ng malaking kapahamakan; hindi pa nangyari sa alinmang bahagi ng lupa ang nangyari sa Jerusalem.+ 13 Kung ano ang nakasulat sa Kautusan ni Moises, iyon ang lahat ng kapahamakang sumapit sa amin,+ pero hindi namin sinikap na makuha ang pabor* ng Diyos naming si Jehova sa pamamagitan ng pagtalikod sa ginagawa naming kasalanan+ at pagbibigay-pansin sa iyong katapatan.*

14 “Kaya patuloy na nagbantay si Jehova at pinasapit niya sa amin ang kapahamakan, dahil matuwid ang lahat ng gawa ng Diyos naming si Jehova; pero hindi namin sinunod ang tinig niya.+

15 “Ngayon, O Diyos naming Jehova, ikaw na naglabas sa iyong bayan mula sa Ehipto gamit ang iyong makapangyarihang kamay+ at gumawa ng pangalan para sa iyong sarili na nananatiling tanyag hanggang ngayon,+ nagkasala kami at gumawa ng napakasamang mga bagay. 16 O Jehova, ikaw na laging kumikilos nang matuwid,+ pakisuyo, pawiin mo ang iyong galit at poot sa iyong lunsod na Jerusalem, ang iyong banal na bundok; ang Jerusalem at ang iyong bayan ay naging tampulan ng pandurusta ng lahat ng nasa palibot namin dahil sa mga kasalanan namin at mga pagkakamali ng mga ninuno namin.+ 17 At ngayon, O aming Diyos, pakinggan mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kaniyang mga pakiusap, at pasinagin mo ang iyong mukha sa iyong tiwangwang na santuwaryo,+ alang-alang sa iyong sarili, O Jehova. 18 O Diyos ko, makinig ka sana! Idilat mo ang iyong mga mata at tingnan ang aming paghihirap at ang tiwangwang na lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; nakikiusap kami sa iyo hindi dahil sa aming matuwid na mga gawa, kundi dahil napakamaawain mo.+ 19 O Jehova, makinig ka sana. O Jehova, magpatawad ka.+ O Jehova, magbigay-pansin ka at kumilos! Huwag kang magpaliban, alang-alang sa iyong sarili, O Diyos ko, alang-alang sa iyong pangalan na itinatawag sa iyong lunsod at bayan.”+

20 Habang nagsasalita pa ako at nananalangin at nagtatapat ng kasalanan ko at ng aking bayang Israel at nagsasabi ng kahilingan ko sa harap ni Jehova na aking Diyos para sa banal na bundok ng aking Diyos,+ 21 oo, habang nananalangin pa ako, ang lalaking si Gabriel,+ na nakita ko noon sa pangitain,+ ay dumating noong hinang-hina ako, noong oras ng panggabing handog na kaloob. 22 Binigyan niya ako ng kakayahang umunawa, at sinabi niya:

“O Daniel, dumating ako ngayon para bigyan ka ng kaunawaan at ng kakayahang umintindi. 23 Nang magsimula kang makiusap, may natanggap akong mensahe, kaya pumunta ako para sabihin ito sa iyo, dahil isa kang taong talagang kalugod-lugod.*+ Kaya pag-isipan mo ito at unawain mo ang pangitain.

24 “May 70 linggo* na itinakda para sa iyong bayan at banal na lunsod,+ para wakasan ang pagsuway, tapusin ang kasalanan,+ magbayad-sala para sa pagkakamali,+ maghatid ng walang-hanggang katuwiran,+ tatakan ang pangitain at hula,*+ at atasan* ang Banal ng mga Banal.* 25 Dapat mong malaman at maintindihan na pagkalabas ng utos na ibalik sa dating kalagayan ang Jerusalem+ at itayo itong muli, lilipas ang 7 linggo at 62 linggo,+ pagkatapos ay lilitaw ang Mesiyas*+ na Lider.+ Ibabalik ito sa dating kalagayan at itatayong muli na may liwasan* at kanal, pero sa isang mahirap na panahon.

26 “Pagkalipas ng 62 linggo, papatayin ang Mesiyas,+ at walang anumang matitira sa kaniya.+

“At ang lunsod at ang banal na lugar ay wawasakin ng mga hukbo* ng isang paparating na pinuno.+ Magwawakas ito na para bang may dumating na baha. At hanggang sa wakas ay magkakaroon ng digmaan; ang naipasiya ay pagkawasak.+

27 “At para sa marami, pananatilihin niyang may bisa ang tipan sa loob ng isang linggo; at sa kalagitnaan ng linggo, patitigilin niya ang paghahain at ang pag-aalay ng handog na kaloob.+

“At ang dahilan ng pagkatiwangwang ay darating na nakasakay sa pakpak ng kasuklam-suklam na mga bagay;+ at hanggang sa paglipol, ang naipasiya ay sasapitin din ng* isa na nakatiwangwang.”

10 Nang ikatlong taon ni Haring Ciro+ ng Persia, may isiniwalat kay Daniel na tinatawag ding Beltesasar;+ at totoo ang mensahe, at tungkol ito sa isang malaking labanan. Naintindihan niya ang mensahe, at naipaliwanag sa kaniya ang nakita niya.

2 Nang mga panahong iyon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nagdadalamhati.+ 3 Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, at walang karne o alak na pumasok sa bibig ko, at hindi ako nagpahid ng langis sa katawan ko sa loob ng tatlong buong linggo. 4 Noong ika-24 na araw ng unang buwan, habang ako ay nasa pampang ng malaking ilog, ang Tigris,*+ 5 may nakita akong isang lalaking nakasuot ng lino+ at ng sinturong yari sa ginto ng Upaz. 6 Ang katawan niya ay gaya ng crisolito,*+ ang mukha niya ay kasinliwanag ng kidlat, ang mga mata niya ay gaya ng nagliliyab na mga sulo, ang mga bisig niya at paa ay gaya ng pinakintab na tanso,+ at ang tinig niya ay napakalakas, na parang tinig ng maraming tao. 7 Akong si Daniel lang ang nakakita sa pangitain; hindi iyon nakita ng mga lalaking kasama ko.+ Pero bigla silang nanginig sa takot, at nagtatakbo sila at nagtago.

8 Naiwan akong mag-isa, at nang makita ko ang kamangha-manghang pangitaing ito, naubos ang lakas ko at namutla nang husto ang mukha ko at nanlupaypay ako.+ 9 Pagkatapos, narinig ko siyang nagsasalita; pero habang naririnig ko siyang nagsasalita, nakatulog ako nang mahimbing na nakasubsob sa lupa.+ 10 Pero may humawak sa akin,+ at ginising niya ako at inalalayan para makaluhod. 11 At sinabi niya:

“O Daniel, ikaw na talagang kalugod-lugod,*+ bigyang-pansin mo ang sasabihin ko sa iyo. Tumayo ka dahil isinugo ako sa iyo.”

Nang sabihin niya ito, tumayo akong nangangatog.

12 Sinabi pa niya: “Huwag kang matakot,+ O Daniel. Pinakinggan ang panalangin mo mula nang unang araw na itinuon mo ang puso mo sa pag-unawa at sa pagpapakumbaba sa harap ng iyong Diyos, at pinuntahan kita dahil sa panalangin mo.+ 13 Pero hinarangan ako ng prinsipe+ ng kaharian ng Persia sa loob ng 21 araw. Pero dumating si Miguel,*+ na isa sa mga pangunahing prinsipe,* para tulungan ako; at nanatili ako roon sa tabi ng mga hari ng Persia. 14 Pinuntahan kita para ipaunawa sa iyo ang mangyayari sa iyong bayan sa huling bahagi ng mga araw,+ dahil ang pangitaing iyon ay tungkol sa hinaharap.”+

15 Pagkasabi niya nito, yumuko ako at hindi nakapagsalita. 16 At may isang tulad ng tao na humipo sa mga labi ko,+ at ibinuka ko ang bibig ko at sinabi sa nakatayo sa harap ko: “Panginoon ko, nanginginig ako dahil sa pangitain, at wala akong lakas.+ 17 Kaya paano magagawa ng iyong lingkod na makipag-usap sa iyo, panginoon ko?+ Wala akong lakas, at hindi ako makahinga.”+

18 Hinawakan ulit ako ng isang iyon na tulad ng tao at pinalakas ako.+ 19 Sinabi niya: “Huwag kang matakot,+ O ikaw na talagang kalugod-lugod.*+ Sumaiyo nawa ang kapayapaan.+ Magpakatatag ka, oo, magpakatatag ka.” Habang kinakausap niya ako, lumakas ako at sinabi ko: “Magsalita ka panginoon ko, dahil napalakas mo ako.”

20 Sinabi niya: “Alam mo ba kung bakit kita pinuntahan? Aalis ako ngayon para makipaglaban ulit sa prinsipe ng Persia.+ Pagkaalis ko, darating ang prinsipe ng Gresya. 21 Pero sasabihin ko sa iyo ang mga nakasulat sa aklat ng katotohanan. Walang ibang sumusuporta sa akin sa mga bagay na ito maliban kay Miguel,+ ang prinsipe ninyo.+

11 “Nang unang taon ni Dario+ na Medo, tumayo ako para palakasin siya at patibayin.* 2 At ngayon ay sasabihin ko sa iyo ang katotohanan:

“Magkakaroon pa ng tatlong hari na tatayo para sa Persia, at ang ikaapat ay magiging mas mayaman kaysa sa lahat ng iba. At kapag naging malakas siya dahil sa kayamanan niya, uudyukan niya ang lahat na kalabanin ang kaharian ng Gresya.+

3 “At isang makapangyarihang hari ang tatayo at magiging malawak ang awtoridad niya+ at gagawin niya kung ano ang gusto niya. 4 At kapag napakamakapangyarihan na niya,* babagsak ang kaharian niya at mangangalat sa apat na direksiyon.*+ Mapupunta ito sa iba at hindi sa mga inapo niya, at hindi magiging katulad ng pamamahala niya ang pamamahala nila; dahil bubunutin ang kaharian niya at mapupunta sa iba.

5 “At magiging malakas ang hari ng timog, ibig sabihin, isa sa mga prinsipe niya; pero may isang makakatalo sa kaniya at magiging malawak ang awtoridad nito, mas malakas kaysa sa kapangyarihan niyang mamahala.

6 “Pagkalipas ng ilang taon, magiging magkaalyado sila, at ang anak na babae ng hari ng timog ay pupunta sa hari ng hilaga para gumawa ng isang kasunduan. Pero hindi mananatiling malakas ang bisig ng babae; at maiwawala ng hari ang kapangyarihan niya; at pababayaan ang babae, siya at ang mga nagdala sa kaniya, at ang kaniyang ama* at ang nagpapalakas sa kaniya sa mga panahong iyon. 7 At isang kapamilya* ng babae ang papalit* sa posisyon niya, at pupuntahan nito ang hukbo at sasalakayin ang tanggulan ng hari ng hilaga, at makikipaglaban ito sa kanila at tatalunin sila. 8 Pupunta rin siya sa Ehipto dala ang kanilang mga diyos, metal na imahen, kanais-nais na* bagay na gawa sa pilak at ginto, at mga bihag. Sa loob ng ilang taon, lalayuan niya ang hari ng hilaga, 9 na sasalakay naman sa kaharian ng hari ng timog pero babalik sa sarili nitong lupain.

10 “At ang mga anak niya ay maghahanda para sa pakikipagdigma at bubuo ng napakalaking hukbo. Walang makapipigil sa pagdating ng isa sa kanila,* at dadaan ito sa lupain na gaya ng baha. Pero babalik ito at makikipagdigma hanggang sa makarating sa tanggulan.

11 “At magagalit ang hari ng timog at makikipaglaban sa hari ng hilaga; titipunin naman nito ang isang malaking hukbo, pero ang hukbo ay ibibigay sa kamay ng isang iyon.* 12 At tatangayin ng haring iyon ang hukbo. Magmamataas ang puso niya, at pababagsakin niya ang sampu-sampung libo; pero hindi niya gagamitin ang kalakasan niya.

13 “At babalik ang hari ng hilaga at bubuo ng hukbo na mas malaki kaysa sa nauna; at pagkalipas ng ilang panahon, ng ilang taon, tiyak na darating siya kasama ang isang malaking hukbo na maraming sandata at suplay para sa digmaan. 14 Sa mga panahong iyon, marami ang kakalaban sa hari ng timog.

“At ang mararahas na tao* sa iyong bayan ay maiimpluwensiyahan, at gagawa sila ng paraan para matupad ang isang pangitain; pero mabibigo* sila.

15 “At darating ang hari ng hilaga at gagawa ng rampang pangubkob at sasakupin ang isang napapaderang* lunsod. At hindi makatatayo ang mga hukbo* ng timog, kahit ang piling mga lalaki nito; at wala silang lakas para lumaban. 16 At gagawin ng dumarating na kalaban nito ang anumang gusto niya, at walang makatatayo sa harap niya. Tatayo siya sa Magandang Lupain,*+ at may kakayahan siyang lumipol. 17 Determinado siyang* pumunta kasama ang buong puwersang militar ng kaharian niya, at makikipagkasundo siya rito; at isasagawa niya ang plano niya. Hahayaan din siyang ipahamak ang anak na babae. At hindi ito makatatayo, at hindi ito mananatiling kaniya. 18 Babaling siya sa mga lupain sa tabing-dagat at marami siyang sasakupin. At patitigilin ng isang kumandante ang panghahamak na dinaranas nito sa kaniya, kaya magwawakas ang panghahamak na iyon. Pagbabayarin siya nito. 19 At babalik siya* sa mga tanggulan ng lupain niya, at matitisod siya at mabubuwal, at hindi na siya makikita pang muli.

20 “At may papalit sa posisyon niya, at magpapadala ito ng isang maniningil ng buwis* sa marilag na kaharian. Gayunman, babagsak ito pagkalipas ng ilang araw, pero hindi dahil sa galit o digmaan.

21 “At ang papalit sa posisyon nito ay kinasusuklaman,* at hindi nila ibibigay sa kaniya ang karangalan ng kaharian; at darating siya sa panahong tiwasay,* at makukuha niya ang kaharian sa pamamagitan ng panlilinlang. 22 At ang mga hukbo* na gaya ng baha ay tatalunin niya, at babagsak sila, pati ang Lider+ ng tipan.+ 23 At dahil sa isang pakikipag-alyansa sa kaniya, manlilinlang siya at sasalakay at magiging malakas sa pamamagitan ng isang maliit na bansa. 24 Pupunta siya sa pinakamagagandang bahagi* ng nasasakupang distrito sa panahong tiwasay,* at gagawin niya ang hindi ginawa ng mga ninuno niya. Mamamahagi siya sa kaniyang bayan ng samsam at iba pang bagay; at magpaplano siya ng masama laban sa mga tanggulan, pero sa loob lang ng isang yugto ng panahon.

25 “At magpapakita siya ng lakas at tapang, at lulusubin niya ang hari ng timog kasama ang isang malaking hukbo; at ang hari ng timog ay maghahanda para sa digmaan kasama ang isang napakalaki at napakalakas na hukbo. At hindi siya makatatayo, dahil magpaplano sila ng masama laban sa kaniya. 26 At pababagsakin siya ng mga kumakain ng masasarap na pagkain niya.

“Matatalo* ang hukbo niya, at marami ang mamamatay.

27 “Ang puso ng dalawang haring ito ay nakatuon sa paggawa ng masama, at uupo sila sa iisang mesa at magsisinungaling sa isa’t isa. Pero walang magtatagumpay sa mga plano nila, dahil darating ang wakas sa itinakdang panahon.+

28 “At babalik siya sa lupain niya na may dalang napakaraming pag-aari, at ang puso niya ay magiging laban sa banal na tipan. Isasagawa niya ang plano niya, at babalik siya sa lupain niya.

29 “Babalik siya sa itinakdang panahon at lalabanan niya ang timog. Pero hindi na ito magiging gaya noong una, 30 dahil lalabanan siya ng mga barko ng Kitim,+ at mapapahiya siya.

“Babalik siya at tutuligsain ang* banal na tipan+ at isasagawa niya ang plano niya; at babalik siya at magbibigay-pansin sa mga tumalikod sa banal na tipan. 31 At babangon ang mga hukbo* niya; at lalapastanganin ng mga ito ang santuwaryo,+ ang tanggulan, at aalisin ang regular na handog.+

“At ipupuwesto nila ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang.+

32 “At ang mga gumagawa ng masama at sumisira sa tipan ay aakayin niya sa apostasya sa pamamagitan ng panlilinlang.* Pero ang bayan na nakakakilala sa kanilang Diyos ay mananaig at kikilos. 33 At ang mga may kaunawaan+ sa gitna ng mga tao ay magbibigay ng unawa sa marami. At mabubuwal sila at magiging biktima ng espada, apoy, pagkabihag, at pandarambong sa loob ng ilang araw. 34 Pero kapag ibinuwal sila, tatanggap sila ng kaunting tulong; at marami ang sasama sa kanila sa pamamagitan ng panlilinlang.* 35 At ibubuwal ang ilan sa mga may kaunawaan para magsagawa ng pagdadalisay* at ng paglilinis at ng pagpapaputi+ hanggang sa panahon ng wakas; dahil iyon ay sa itinakdang panahon pa.

36 “Gagawin ng hari ang gusto niya, at itataas niya ang sarili niya at dadakilain ang sarili niya nang higit kaysa sa lahat ng diyos; at magsasalita siya ng nakakagulat na mga bagay laban sa Diyos ng mga diyos.+ At magiging matagumpay siya hanggang sa matapos ang pagtuligsa; dahil dapat mangyari ang bagay na naipasiya na. 37 Hindi niya igagalang ang Diyos ng kaniyang mga ama; hindi niya igagalang ang gusto ng mga babae o ang alinmang diyos, kundi dadakilain niya ang sarili niya nang higit kaysa sa lahat. 38 Pero* luluwalhatiin niya ang diyos ng mga tanggulan; luluwalhatiin niya ang isang diyos na hindi kilala ng kaniyang mga ama sa pamamagitan ng ginto, pilak, mamahaling mga bato, at kanais-nais na* mga bagay. 39 At magtatagumpay siya sa pagsalakay sa pinakamatitibay na tanggulan, kasama ang* isang bagong* diyos. Pararangalan niya nang husto ang mga kumikilala sa kaniya* at gagawin silang tagapamahala sa marami; at ipamamahagi* niya ang lupain kapalit ng isang halaga.

40 “Sa panahon ng wakas, makikipagtulakan* sa kaniya ang hari ng timog, at sasalakayin naman ito ng hari ng hilaga na gaya ng bagyo, na may kasamang mga karwahe* at mangangabayo at maraming barko; at papasukin niya ang mga lupain at dadaanan ang mga ito na gaya ng baha. 41 Papasukin din niya ang Magandang Lupain,*+ at maraming lupain ang matatalo. Pero ang mga ito ang makatatakas mula sa kamay niya: ang Edom at ang Moab at ang pinakamahalagang grupo ng mga Ammonita. 42 At patuloy niyang gagamitin ang kapangyarihan niya laban sa mga lupain; at hindi makatatakas kahit ang lupain ng Ehipto. 43 At pamamahalaan niya ang nakatagong mga kayamanan, na ginto at pilak, at ang lahat ng kanais-nais na* bagay ng Ehipto. At susunod sa kaniya ang mga taga-Libya at taga-Etiopia.

44 “Pero may mga ulat mula sa silangan* at mula sa hilaga na liligalig sa kaniya, at galit na galit siyang manlilipol at marami siyang pupuksain. 45 At itatayo niya ang maharlikang* mga tolda niya sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Magandang Lupain;*+ at hahantong siya sa katapusan niya, at walang tutulong sa kaniya.

12 “Sa panahong iyon, tatayo si Miguel,*+ ang dakilang prinsipe+ na nakatayo alang-alang sa iyong bayan.* Mararanasan ang isang panahon ng kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. At sa panahong iyon, makatatakas ang iyong bayan,+ ang lahat ng nakasulat sa aklat.+ 2 Marami sa mga natutulog sa alabok ng lupa ang magigising, ang ilan tungo sa buhay na walang hanggan at ang iba tungo sa kahihiyan at walang-hanggang kadustaan.

3 “At ang mga may kaunawaan ay magliliwanag na gaya ng langit,* at ang mga umaakay sa marami tungo sa katuwiran* ay magniningning na gaya ng mga bituin magpakailanman.

4 “At ikaw, Daniel, ilihim mo ang mga salita at panatilihing natatakan ang aklat hanggang sa panahon ng wakas.+ Marami ang magpaparoo’t parito,* at sasagana ang tunay na kaalaman.”+

5 At akong si Daniel ay may nakita na dalawa pang nakatayo, isa sa isang panig ng pampang ng ilog at isa pa sa kabila.+ 6 Ang isa ay nagsabi sa lalaking nakasuot ng lino,+ na nasa ibabaw ng ilog: “Gaano kahaba ang katuparan ng kamangha-manghang mga bagay na ito?” 7 At narinig kong sinabi ng lalaking nakasuot ng lino, na nasa ibabaw ng ilog, habang itinataas niya tungo sa langit ang kaniyang kanan at kaliwang kamay at sumusumpa sa ngalan ng Isa na buháy magpakailanman:+ “Mangyayari iyon sa loob ng isang takdang panahon, mga takdang panahon, at kalahating panahon.* Kapag natapos ang pagdurog sa kapangyarihan ng banal na bayan,+ magwawakas ang lahat ng ito.”

8 Narinig ko ito pero hindi ko naintindihan,+ kaya sinabi ko: “O panginoon ko, ano ang kalalabasan ng mga bagay na ito?”

9 Sinabi niya: “Humayo ka, Daniel, dahil ang mga salitang ito ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas.+ 10 Marami ang maglilinis at magpapaputi ng kanilang sarili, at sila ay madadalisay.+ At ang masasama ay gagawa ng masama, at walang isa man sa kanila ang makauunawa; pero maiintindihan ito ng mga may kaunawaan.+

11 “At kapag inalis na ang regular na handog+ at ipinuwesto ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang,+ lilipas ang 1,290 araw.

12 “Maligaya siya na patuloy na naghihintay* hanggang sa matapos ang 1,335 araw!

13 “Pero ikaw, manatili kang matatag hanggang sa wakas. Magpapahinga ka, pero sa wakas ng mga araw, babangon ka para tanggapin ang iyong bahagi.”*+

O “kinubkob.”

O “templo.”

Babilonia.

O “templo.”

Lit., “bata.”

O “mga isinulat.”

O posibleng “Palulusugin.”

Lit., “mga anak na lalaki.”

Ibig sabihin, “Ang Aking Hukom ay Diyos.”

Ibig sabihin, “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap.”

Posibleng ang ibig sabihin ay “Sino ang Tulad ng Diyos?”

Ibig sabihin, “Tumulong si Jehova.”

Mga pangalang Babilonyo.

O “Pero ipinasiya ni Daniel sa kaniyang puso.”

O “kabaitan.”

Lit., “batang.”

Lit., “ang ulo ko.”

Lit., “batang.”

Lit., “at mataba ang laman.”

Lit., “batang.”

Lit., “batang.”

O “manggagaway.” Tingnan sa Glosari, “Panggagaway.”

Isang grupong eksperto sa panghuhula at astrolohiya.

Ang Dan 2:4b hanggang 7:28 ay unang isinulat sa wikang Aramaiko.

O posibleng “gagawing tambakan ng basura o dumi.”

Lit., “kasama ng laman.”

O “mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas.”

O “nabaling ang kaisipan mo sa.”

O “estatuwa.”

O “nilutong (hinulmang) luwad.”

O “putik ng magpapalayok.”

O “mga bahagi ng kahariang iyon.”

O “supling ng sangkatauhan,” o karaniwang mga tao.

O “estatuwa.”

Mga 27 m (88 ft). Tingnan ang Ap. B14.

Mga 2.7 m (8.8 ft). Tingnan ang Ap. B14.

Sa Ingles, bagpipe.

O “siniraang-puri.”

O “kaya lubusang nagbago ang pakikitungo niya sa kanila.”

O “sombrero.”

O “na walang kapangyarihan ang apoy sa.”

O “at ibinigay ang katawan nila.”

O posibleng “gawing tambakan ng basura o dumi.”

Lit., “At pinaunlad ng hari.”

Isang grupong eksperto sa panghuhula at astrolohiya.

Lit., “laman.”

O “kaniyang kamay.”

Lit., “ang hari.”

O “nagbago ang hitsura ng.”

Isang grupong eksperto sa panghuhula at astrolohiya.

Tingnan sa Glosari.

O “isang may-kakayahang lalaki.”

Isang grupong eksperto sa panghuhula at astrolohiya.

Lit., “at magkalag ng mga buhol.”

O “tapon.”

Lit., “at magkalag ng mga buhol.”

Lit., “bunganga.”

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”

O posibleng “at walang pinapasok na manunugtog.”

O “nanirang-puri.”

O “soberanya.”

O “sa pangalmot ng mga leon.”

O “isang milyon.”

O “at isang daang milyon.”

Lit., “Hukuman.”

Tatlo at kalahating panahon.

Lit., “Hukuman.”

Lit., “sa silong ng langit.”

O “kaya nagbago ang hitsura ko.”

O “tanggulan.”

O “Susa.”

O “lubugan ng araw.”

O “sikatan ng araw.”

O “ng Kagayakan; ng Dekorasyon.”

O “pagsalansang.”

O “pagsalansang.”

O “at mahusay bumuo ng masasamang plano.”

O posibleng “at marami siyang ipapahamak nang walang babala.”

Ang banal na mga aklat.

O “at karapat-dapat sa matinding paggalang.”

O “hatol.”

Lit., “mga hukom na humatol.”

Lit., “hindi namin pinalambot ang mukha.”

O “sa pagiging totoo mo.”

O “taong napakahalaga.”

Sa kontekstong ito, ang isang linggo ay katumbas ng pitong taon.

Lit., “propeta.”

Lit., “pahiran.” Tingnan sa Glosari.

O “ang Kabanal-banalan.”

O “Pinahiran.”

O “plaza.”

O “ng bayan.”

O “ay ibubuhos din sa.”

Lit., “Hidekel.”

Isang klase ng hiyas, o mahalagang bato.

O “na napakahalaga.”

Ibig sabihin, “Sino ang Tulad ng Diyos?”

O “na prinsipe na may pinakamataas na ranggo.”

O “na napakahalaga.”

O “at maging tanggulan niya.”

Lit., “kapag nakatayo na siya.”

Lit., “at mahahati sa apat na hangin ng langit.”

Lit., “ang naging dahilan ng pagsilang sa kaniya.”

Lit., “isang sibol mula sa mga ugat.”

O “tatayo.”

O “mamahaling.”

Lit., “pagdating niya.”

Hari ng timog.

O “ang mga anak ng magnanakaw.”

Lit., “matitisod.”

O “nakukutaang.”

Lit., “bisig.”

O “sa Kagayakan; sa Dekorasyon.”

O “Itutuon niya ang kaniyang mukha na.”

Lit., “At ibabaling niya ang kaniyang mukha.”

O “isang naglilista ng mga lalaki para sa hukbo; isang tagapagpatrabaho.”

O “napakasama.”

O posibleng “darating siya nang walang babala.”

Lit., “bisig.”

Lit., “sa katabaan.”

O posibleng “nang walang babala.”

O “Tatangayin ng baha.”

O “at ibubuhos ang galit niya sa.”

Lit., “bisig.”

O “pambobola.”

O “pambobola.”

Lit., “ng pagdadalisay dahil sa kanila.”

O “Pero bilang hari ay.”

O “mamahaling.”

O “sa tulong ng.”

Lit., “banyagang.”

O posibleng “mga kinikilala niya.”

O “hahati-hatiin.”

O “makikipagsuwagan.”

O “karo.”

O “ang Kagayakan; ang Dekorasyon.”

O “mamahaling.”

O “sikatan ng araw.”

O “kahanga-hangang.”

O “ng Kagayakan; ng Dekorasyon.”

Ibig sabihin, “Sino ang Tulad ng Diyos?”

O “sa mga anak ng iyong bayan.”

Lit., “kalawakan ng langit.”

Tingnan sa Glosari.

O “Susuriin itong [ang aklat] mabuti ng marami.”

Tatlo at kalahating panahon.

O “siya na naghihintay nang may pananabik.”

O “ang iyong gantimpala; ang lugar na itinakda para sa iyo.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share