Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwtsty Hukom 1:1-21:25
  • Hukom

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hukom
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Hukom

MGA HUKOM

1 Pagkamatay ni Josue,+ nagtanong ang mga Israelita kay Jehova:+ “Sino sa amin ang unang sasalakay at makikipaglaban sa mga Canaanita?” 2 Sumagot si Jehova: “Ang Juda ang sasalakay.+ Ibibigay* ko ang lupain sa kamay niya.” 3 Pagkatapos ay sinabi ng Juda sa Simeon na kapatid niya: “Sumama ka sa akin sa teritoryong ibinigay sa akin*+ para labanan ang mga Canaanita. At sasama rin ako sa iyo sa teritoryong ibinigay sa iyo.” Kaya sumama ang Simeon sa kaniya.

4 Nang sumalakay ang Juda, ibinigay ni Jehova ang mga Canaanita at ang mga Perizita sa kamay nila,+ at natalo nila ang 10,000 lalaki sa Bezek. 5 Nakita nila si Adoni-bezek sa Bezek, at nilabanan nila siya roon at tinalo ang mga Canaanita+ at ang mga Perizita.+ 6 Nang tumakas si Adoni-bezek, hinabol nila siya at nahuli nila siya at pinutol nila ang mga hinlalaki ng kaniyang mga kamay at paa. 7 Pagkatapos ay sinabi ni Adoni-bezek: “May 70 hari na pinutulan ng mga hinlalaki sa kanilang mga kamay at paa at namumulot ng pagkain sa ilalim ng mesa ko. Pinagbayad ako ng Diyos sa ginawa ko.” Pagkatapos, dinala nila siya sa Jerusalem,+ at namatay siya roon.

8 Ang mga lalaki ng Juda ay nakipagdigma rin sa Jerusalem+ at sinakop nila iyon; pinabagsak nila ang mga tagaroon sa pamamagitan ng espada, at sinunog nila ang lunsod. 9 Pagkatapos, sinalakay ng mga lalaki ng Juda ang mga Canaanita na nakatira sa mabundok na rehiyon at sa Negeb at sa Sepela.+ 10 Sinalakay ng Juda ang mga Canaanita na nakatira sa Hebron (ang pangalan ng Hebron dati ay Kiriat-arba), at pinabagsak nila sina Sesai, Ahiman, at Talmai.+

11 Mula roon ay sinalakay nila ang mga nakatira sa Debir.+ (Ang Debir ay dating tinatawag na Kiriat-seper.)+ 12 Pagkatapos ay sinabi ni Caleb:+ “Ibibigay ko ang anak kong si Acsa para maging asawa ng lalaking makapagpapabagsak at makasasakop sa Kiriat-seper.”+ 13 At nasakop iyon ni Otniel+ na anak ni Kenaz,+ na nakababatang kapatid ni Caleb. Kaya ibinigay niya rito ang anak niyang si Acsa para maging asawa nito. 14 Habang pauwi si Acsa, hinimok niya ang asawa niya na humingi ng bukid sa ama* niya. Pagkatapos, bumaba si Acsa sa kaniyang asno.* Tinanong siya ni Caleb: “Ano ang gusto mo?” 15 Sinabi ni Acsa: “Pakisuyo, bigyan ninyo ako ng pagpapala. Isang lupain sa timog* ang ibinigay ninyo sa akin, kaya ibigay rin ninyo sa akin ang Gulot-maim.”* Kaya ibinigay sa kaniya ni Caleb ang Mataas na Gulot at ang Mababang Gulot.

16 At ang mga inapo ng Kenita,+ na biyenan ni Moises,+ ay umalis sa lunsod ng mga puno ng palma+ kasama ang mga taga-Juda, at nagpunta sila sa ilang ng Juda, na nasa timog ng Arad.+ Nanirahan silang kasama ng mga tagaroon.+ 17 Pero ang Juda, kasama ang Simeon na kapatid nito, ay sumalakay sa mga Canaanita na nakatira sa Zepat, at pinuksa nila ito.+ Kaya ang lunsod ay tinawag nilang Horma.*+ 18 Pagkatapos, sinakop ng Juda ang Gaza+ at ang teritoryo nito, ang Askelon+ at ang teritoryo nito, at ang Ekron+ at ang teritoryo nito. 19 Tinutulungan ni Jehova ang Juda, at nakuha nila ang mabundok na rehiyon, pero hindi nila maitaboy ang mga nakatira sa kapatagan* dahil ang mga ito ay may mga karwaheng* pandigma na may mga patalim sa gulong.*+ 20 Ibinigay nila ang Hebron kay Caleb, gaya ng ipinangako ni Moises,+ at itinaboy niya mula roon ang tatlong anak ni Anak.+

21 Pero hindi itinaboy ng mga Benjaminita ang mga Jebusita na nakatira sa Jerusalem, kaya hanggang ngayon ay nakatira pa rin ang mga Jebusita sa Jerusalem kasama ng mga Benjaminita.+

22 Samantala, ang sambahayan ni Jose+ ay sumalakay sa Bethel, at si Jehova ay sumasakanila.+ 23 Ang sambahayan ni Jose ay nagmamanman sa Bethel (ang dating pangalan ng lunsod ay Luz),+ 24 at nakita ng mga nagmamanman ang isang lalaki na palabas ng lunsod. Kaya sinabi nila sa kaniya: “Pakisuyo, ipakita mo sa amin ang daan papasók sa lunsod, at hindi ka namin sasaktan.”* 25 Kaya ipinakita sa kanila ng lalaki ang daan papasók sa lunsod, at pinabagsak nila ang lunsod sa pamamagitan ng espada, pero hinayaan nilang makaalis ang lalaki at ang buong pamilya niya.+ 26 Ang lalaki ay nagpunta sa lupain ng mga Hiteo at nagtayo siya ng isang lunsod at tinawag niya itong Luz, na siyang pangalan nito hanggang ngayon.

27 Hindi sinakop ng Manases ang Bet-sean at ang katabing mga nayon nito,* ang Taanac+ at ang katabing mga nayon nito, ang mga nakatira sa Dor at ang katabing mga nayon nito, ang mga nakatira sa Ibleam at ang katabing mga nayon nito, at ang mga nakatira sa Megido at ang katabing mga nayon nito.+ Nagpumilit ang mga Canaanita na manatili sa lupaing ito. 28 Nang lumakas ang Israel, puwersahan nilang pinagtrabaho ang mga Canaanita,+ pero hindi nila itinaboy nang lubusan ang mga ito.+

29 Hindi rin itinaboy ng Efraim ang mga Canaanita na nakatira sa Gezer. Ang mga Canaanita ay patuloy na nanirahang kasama nila sa Gezer.+

30 Hindi itinaboy ng Zebulon ang mga nakatira sa Kitron at ang mga nakatira sa Nahalol.+ Ang mga Canaanita ay patuloy na nanirahang kasama nila, at puwersahan nilang pinagtrabaho ang mga ito.+

31 Hindi itinaboy ng Aser ang mga nakatira sa Aco at ang mga nakatira sa Sidon,+ sa Alab, sa Aczib,+ sa Helba, sa Apik,+ at sa Rehob.+ 32 Kaya ang mga Aserita ay patuloy na nanirahang kasama ng mga Canaanita sa lupain, dahil hindi nila itinaboy ang mga ito.

33 Hindi itinaboy ng Neptali ang mga nakatira sa Bet-semes at ang mga nakatira sa Bet-anat,+ kundi patuloy silang nanirahang kasama ng mga Canaanita sa lupain.+ Puwersahan nilang pinagtrabaho ang mga nakatira sa Bet-semes at sa Bet-anat.

34 Nanatili ang mga Danita sa mabundok na rehiyon dahil hindi sila hinayaan ng mga Amorita na makababa sa kapatagan.*+ 35 Ang mga Amorita ay nagpumilit na manatili sa Bundok Heres, Aijalon,+ at Saalbim.+ Pero nang lumakas ang* sambahayan ni Jose, puwersahan silang pinagtrabaho ng mga ito. 36 Ang teritoryo ng mga Amorita ay mula sa paakyat na daan ng Akrabim,+ mula sa Sela pataas.

2 Pagkatapos, ang anghel ni Jehova+ ay umalis sa Gilgal+ at nagpunta sa Bokim at nagsabi: “Inilabas ko kayo sa Ehipto at dinala sa lupaing ipinangako* ko sa mga ninuno ninyo.+ Sinabi ko pa, ‘Hinding-hindi ko sisirain ang tipan ko sa inyo.+ 2 Huwag kayong makipagtipan sa mga nakatira sa lupaing ito,+ at ibagsak ninyo ang mga altar nila.’+ Pero hindi kayo nakinig sa akin.+ Bakit ninyo ginawa ito? 3 Kaya sinabi ko rin, ‘Hindi ko sila itataboy mula sa harap ninyo,+ at sila ay magiging patibong sa inyo,+ at ililihis kayo ng mga diyos nila.’”+

4 Pagkasabi ng anghel ni Jehova ng mga salitang ito sa lahat ng Israelita, umiyak nang malakas ang bayan. 5 Kaya tinawag nilang Bokim* ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Jehova.

6 Nang paalisin ni Josue ang bayan, ang bawat Israelita ay pumunta sa kaniyang minanang lupain para ariin iyon.+ 7 Patuloy na naglingkod kay Jehova ang bayan habang nabubuhay si Josue at habang nabubuhay ang matatandang lalaki na mas huling namatay kaysa kay Josue at nakakita ng lahat ng dakilang mga gawa ni Jehova para sa Israel.+ 8 At si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Jehova, ay namatay sa edad na 110.+ 9 Kaya inilibing nila siya sa minana niyang lupain, ang Timnat-heres,+ na nasa mabundok na rehiyon ng Efraim, sa hilaga ng Bundok Gaas.+ 10 Ang buong henerasyong iyon ay namatay,* at nagkaroon ng panibagong henerasyon na hindi nakakakilala kay Jehova at hindi nakaaalam sa mga ginawa niya para sa Israel.

11 Kaya ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova at naglingkod* sila sa mga Baal.+ 12 Iniwan nila si Jehova, ang Diyos ng kanilang mga ama at ang naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto.+ At sumunod sila sa ibang mga diyos, ang mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila,+ at yumukod sa mga iyon at ginalit si Jehova.+ 13 Iniwan nila si Jehova at naglingkod sila kay Baal at sa mga imahen ni Astoret.+ 14 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova sa Israel, at ibinigay niya sila sa mga mandarambong at sinamsaman sila ng mga ito.+ Ibinigay* niya sila sa kamay ng mga kaaway sa palibot nila,+ at hindi na nila kayang labanan ang mga kaaway nila.+ 15 Saanman sila magpunta, ang kamay ni Jehova ay laban sa kanila, kaya napapahamak sila,+ gaya ng sinabi ni Jehova at gaya ng isinumpa ni Jehova sa kanila,+ at nagdusa sila nang husto.+ 16 Kaya binibigyan sila ni Jehova ng mga hukom na nagliligtas sa kanila mula sa kamay ng mga nandarambong sa kanila.+

17 Pero ayaw nilang makinig kahit sa mga hukom, at sumamba sila* sa ibang mga diyos at yumukod sa mga iyon. Agad silang lumihis sa daang nilakaran ng kanilang mga ninuno, na sumunod sa mga utos ni Jehova.+ Hindi nila tinularan ang kanilang mga ninuno. 18 Kapag binibigyan sila ni Jehova ng mga hukom,+ tinutulungan ni Jehova ang hukom at inililigtas sila mula sa kamay ng mga kaaway nila habang nabubuhay ang hukom; naaawa si Jehova sa kanila+ kapag dumaraing sila dahil sa pagpapahirap+ at pagmamalupit sa kanila.

19 Pero kapag patay na ang hukom, gumagawa sila ng mas masama kaysa sa ginawa ng mga ama nila. Sumusunod sila sa ibang mga diyos at naglilingkod at yumuyukod sa mga ito.+ Hindi sila tumigil sa mga ginagawa nila at nagmatigas sila. 20 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel,+ at sinabi niya: “Dahil nilabag ng bansang ito ang ipinakipagtipan ko+ sa kanilang mga ninuno at sumuway sila sa akin,+ 21 hindi ko itataboy mula sa harap nila ang isa man sa mga bansa na naiwan ni Josue nang mamatay siya.+ 22 Sa gayon, masusubok kung ang Israel ay susunod sa daan ni Jehova+ sa pamamagitan ng paglakad doon gaya ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya hinayaan ni Jehova na manatili ang mga bansang ito. Hindi niya sila agad itinaboy, at hindi niya sila ibinigay sa kamay ni Josue.

3 Ito ang mga bansa na hinayaan ni Jehova na manatili para masubok nila ang mga Israelita na hindi pa nakaranas makipagdigma sa mga Canaanita+ 2 (ito ay para maranasang makipagdigma ng sumunod na mga henerasyon ng mga Israelita, ang mga hindi pa nakaranas ng ganitong bagay): 3 ang limang panginoon ng mga Filisteo+ at ang lahat ng Canaanita, pati ang mga Sidonio+ at mga Hivita+ na nakatira sa Bundok Lebanon+ mula sa Bundok Baal-hermon hanggang sa Lebo-hamat.*+ 4 Sa pamamagitan ng mga ito, masusubok ang Israel kung susunod sila sa mga utos ni Jehova na ibinigay niya sa mga ninuno nila sa pamamagitan ni Moises.+ 5 Kaya ang mga Israelita ay nanirahang kasama ng mga Canaanita,+ mga Hiteo, mga Amorita, mga Perizita, mga Hivita, at mga Jebusita. 6 Kinuha ng mga Israelita ang mga anak na babae ng mga ito para mapangasawa, at ibinigay nila ang sarili nilang mga anak na babae sa mga anak na lalaki ng mga ito, at nagsimula silang maglingkod sa mga diyos ng mga ito.+

7 Kaya ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova, at nilimot nila si Jehova na kanilang Diyos at naglingkod sila sa mga Baal+ at sa mga sagradong poste.*+ 8 Dahil dito ay lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel, at ibinigay* niya sila sa kamay ni Cusan-risataim na hari ng Mesopotamia.* Naglingkod ang mga Israelita kay Cusan-risataim nang walong taon. 9 Nang humingi ng tulong ang mga Israelita kay Jehova,+ naglaan si Jehova ng magliligtas sa mga Israelita,+ si Otniel+ na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb. 10 Ang espiritu ni Jehova ay sumakaniya,+ at siya ang naging hukom ng Israel. Nang makipagdigma siya, ibinigay ni Jehova si Cusan-risataim na hari ng Mesopotamia* sa kamay niya kaya natalo niya si Cusan-risataim. 11 At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng 40 taon. Pagkatapos, namatay si Otniel na anak ni Kenaz.

12 At muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova.+ Kaya hinayaan ni Jehova si Eglon na hari ng Moab+ na maging mas malakas sa Israel, dahil ginawa nila ang masama sa paningin ni Jehova. 13 Gayundin, tinipon niya ang mga Ammonita+ at mga Amalekita+ para labanan sila. Sinalakay ng mga ito ang Israel at sinakop ang lunsod ng mga puno ng palma.+ 14 Ang mga Israelita ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab sa loob ng 18 taon.+ 15 Pagkatapos, ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova,+ kaya naglaan si Jehova ng isang tagapagligtas,+ si Ehud+ na anak ni Gera, isang kaliweteng Benjaminita.+ Nang maglaon, ang mga Israelita ay nagpadala sa kaniya ng tributo* para kay Eglon na hari ng Moab. 16 Samantala, gumawa si Ehud ng isang espadang magkabila ang talim at isang siko* ang haba, at itinali niya ito sa kaniyang kanang hita sa loob ng damit niya. 17 Pagkatapos, ibinigay niya ang tributo kay Eglon na hari ng Moab. Si Eglon ay isang lalaking napakataba.

18 Nang maibigay na ni Ehud ang tributo, pinaalis niya ang mga nagdala ng tributo. 19 Pero nang makarating sila sa may mga inukit na imahen* sa Gilgal,+ bumalik siya at nagsabi: “Mayroon akong sekretong sasabihin sa iyo, O hari.” Kaya sinabi ng hari: “Katahimikan!” Kaya umalis ang lahat ng tagapaglingkod niya. 20 Lumapit sa kaniya si Ehud habang mag-isa siyang nakaupo sa malamig niyang silid sa bubungan. Pagkatapos, sinabi ni Ehud: “May mensahe akong galing sa Diyos para sa iyo.” Kaya tumayo siya mula sa trono.* 21 Pagkatapos, hinugot ni Ehud ang espada mula sa kaniyang kanang hita gamit ang kaniyang kaliwang kamay at isinaksak iyon sa tiyan ni Eglon. 22 Bumaon pati ang hawakan ng espada at natakpan ito ng taba, dahil hindi niya hinugot ang espada sa tiyan nito, at lumabas ang dumi nito. 23 Lumabas si Ehud sa beranda,* at isinara niya ang mga pinto ng silid at ikinandado ang mga iyon. 24 Pagkalabas niya, bumalik ang mga tagapaglingkod at nakita nilang nakakandado ang mga pinto ng silid. Kaya sinabi nila: “Baka nasa palikuran lang siya.”* 25 Matagal silang naghintay, pero hindi pa rin niya binubuksan ang mga pinto ng silid, kaya nag-alala sila. Nang kunin nila ang susi at buksan ang mga pinto, nakita nila ang kanilang panginoon na nakabulagta sa sahig* at patay na!

26 Tumakas si Ehud noong naghihintay sila, at dumaan siya sa may mga inukit na imahen*+ at ligtas siyang nakarating sa Seira. 27 Pagdating niya roon, hinipan niya ang tambuli+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim;+ at bumaba ang mga Israelita mula sa mabundok na rehiyon, at siya ang nasa unahan nila. 28 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Sundan ninyo ako, dahil ibinigay na ni Jehova sa inyong kamay ang inyong mga kaaway, ang mga Moabita.” Kaya sinundan nila siya at sinakop nila ang mga tawiran ng Jordan para hindi makatakas ang mga Moabita, at wala silang pinadaan dito. 29 Nang pagkakataong iyon, mga 10,000 Moabita,+ na malalakas at matatapang na lalaki, ang napatay nila; walang isa man ang nakatakas.+ 30 Nang araw na iyon, natalo ng Israel ang Moab; at nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng 80 taon.+

31 Pagkatapos niya ay ang anak ni Anat na si Samgar,+ na pumatay ng 600 Filisteo+ gamit ang isang tungkod na panggabay ng baka;+ iniligtas din niya ang Israel.

4 Pero pagkamatay ni Ehud, ang mga Israelita ay muling gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.+ 2 Kaya ibinigay* sila ni Jehova sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan,+ na namamahala sa Hazor. Ang pinuno ng hukbo niya ay si Sisera, na nakatira sa Haroset.*+ 3 Ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova,+ dahil si Jabin* ay may 900 karwaheng pandigma na may mga patalim sa gulong,*+ at pinagmalupitan niya ang mga Israelita+ sa loob ng 20 taon.

4 Nang panahong iyon, si Debora, isang propetisa+ na asawa ni Lapidot, ay naghuhukom sa Israel. 5 Umuupo siya noon sa ilalim ng kaniyang puno ng palma* sa pagitan ng Rama+ at ng Bethel+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim; pumupunta sa kaniya ang mga Israelita para malaman ang hatol ng Diyos. 6 Ipinatawag niya si Barak+ na anak ni Abinoam mula sa Kedes-neptali.+ Sinabi niya rito: “Hindi ba nag-utos si Jehova na Diyos ng Israel? ‘Pumunta ka* sa Bundok Tabor, at magsama ka ng 10,000 lalaki mula sa tribo nina Neptali at Zebulon. 7 Dadalhin ko sa iyo sa ilog* ng Kison+ si Sisera, na pinuno ng hukbo ni Jabin, kasama ang kaniyang mga karwaheng pandigma at ang mga tauhan niya, at ibibigay ko siya sa kamay mo.’”+

8 Sinabi ni Barak sa kaniya: “Kung sasama ka sa akin, pupunta ako, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” 9 Sumagot siya: “Sasama ako sa iyo. Pero ang labanang pupuntahan mo ay hindi magbibigay sa iyo ng karangalan, dahil sa kamay ng isang babae ibibigay ni Jehova si Sisera.”+ Pagkatapos, si Debora ay sumama kay Barak sa Kedes.+ 10 Ipinatawag ni Barak sa Kedes ang Zebulon at ang Neptali,+ at 10,000 lalaki ang sumunod sa kaniya. Sumama rin sa kaniya si Debora.

11 Samantala, si Heber na Kenita ay humiwalay sa mga Kenita,+ na mga inapo ni Hobab, na biyenan ni Moises,+ at ang tolda niya ay malapit sa malaking puno sa Zaananim, na nasa Kedes.

12 Ibinalita kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umakyat sa Bundok Tabor.+ 13 Agad na tinipon ni Sisera ang lahat ng kaniyang karwaheng pandigma—900 karwahe na may mga patalim sa gulong*—at ang lahat ng hukbong kasama niya mula sa Haroset* para pumunta sa ilog* ng Kison.+ 14 Sinabi ngayon ni Debora kay Barak: “Humayo ka, dahil ito ang araw na ibibigay ni Jehova si Sisera sa kamay mo. Hindi ba si Jehova ang nasa unahan mo?” At bumaba si Barak mula sa Bundok Tabor kasunod ang 10,000 lalaki. 15 Nang sumalakay si Barak, nilito ni Jehova si Sisera at ang lahat ng kaniyang karwaheng pandigma at ang buong hukbo niya.+ Bandang huli, bumaba si Sisera sa karwahe niya at tumakas. 16 Hinabol ni Barak ang mga karwaheng pandigma at ang hukbo hanggang sa Haroset.* Kaya ang buong hukbo ni Sisera ay namatay sa espada; walang natira sa kanila.+

17 Pero tumakas si Sisera papunta sa tolda ni Jael+ na asawa ni Heber+ na Kenita, dahil may mapayapang ugnayan si Jabin+ na hari ng Hazor at ang sambahayan ni Heber na Kenita. 18 Pagkatapos, lumabas si Jael para salubungin si Sisera, at sinabi niya rito: “Pumasok ka rito, panginoon ko, pumasok ka rito. Huwag kang matakot.” Kaya pumasok ito sa tolda niya, at tinalukbungan niya ito ng kumot. 19 At sinabi nito sa kaniya: “Pakisuyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; nauuhaw ako.” Kaya nagbukas siya ng sisidlan* ng gatas at pinainom ito.+ Pagkatapos, tinalukbungan niya ulit ito. 20 Sinabi nito sa kaniya: “Tumayo ka sa pasukan ng tolda, at kapag may dumating at magtanong sa iyo, ‘May nagpunta bang lalaki rito?’ sabihin mo, ‘Wala!’”

21 Pero kumuha si Jael na asawa ni Heber ng isang tulos na pantolda at ng martilyo. Pagkatapos, habang si Sisera ay mahimbing na natutulog dahil sa pagod, dahan-dahan siyang lumapit at itinarak niya ang tulos sa sentido nito at pinatagos iyon sa lupa, at namatay ito.+

22 Nakarating doon si Barak dahil sa pagtugis kay Sisera, at lumabas si Jael para salubungin siya, at sinabi nito: “Halika, ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya pumasok siya sa tolda kasama nito, at nakita niya si Sisera na patay na at nakabulagta, at ang tulos na pantolda ay nakatarak sa sentido nito.

23 Kaya nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan.+ 24 Ang kamay ng mga Israelita ay bumigat nang bumigat laban kay Jabin na hari ng Canaan,+ hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.+

5 Nang araw na iyon, inawit ni Debora+ kasama si Barak+ na anak ni Abinoam ang awit na ito:+

 2 “Dahil sa nakalugay na buhok* ng mga mandirigma sa Israel,

Dahil sa pagkukusa ng bayan,+

Purihin si Jehova!

 3 Makinig kayo, mga hari! Makinig kayo, mga tagapamahala!

Aawit ako kay Jehova.

Aawit ako ng mga papuri kay* Jehova,+ ang Diyos ng Israel.+

 4 Jehova, sa pag-alis mo sa Seir,+

Sa paglabas mo mula sa teritoryo ng Edom,

Ang lupa ay nayanig, ang langit ay nagbuhos ng ulan,

Ang mga ulap ay nagbuhos ng tubig.

 5 Ang mga bundok ay natunaw* sa harap ni Jehova,+

Pati ang Sinai sa harap ni Jehova,+ ang Diyos ng Israel.+

 6 Sa panahon ni Samgar+ na anak ni Anat,

Sa panahon ni Jael,+ walang dumadaan sa mga lansangan,

Ang mga manlalakbay ay dumadaan sa mga iskinita.

 7 Nawala na ang mga nakatira sa mga nayon ng Israel;

Nawala sila hanggang sa ako, si Debora,+ ay dumating,

Hanggang sa ako ay dumating bilang isang ina sa Israel.+

 8 Pumili sila ng mga bagong diyos.+

At nagkaroon ng digmaan sa mga pintuang-daan.+

Walang makikitang kalasag, o sibat,

Sa 40,000 lalaki sa Israel.

 9 Ang puso ko ay para sa mga kumandante ng Israel,+

Na handang makipaglaban kasama ng bayan.+

Purihin si Jehova!

10 Kayong mga nakasakay sa mga asnong mapusyaw ang kulay,

Kayong mga nakaupo sa mamahaling alpombra,*

At kayong mga naglalakad sa lansangan,

Pag-isipan ninyo!

11 Ang tinig ng mga tagapamahagi ng tubig ay narinig sa mga igiban;*

Inilalahad nila roon ang matuwid na mga gawa ni Jehova,

Ang matuwid na mga gawa ng mga nakatira sa mga nayon ng Israel.

At bumaba ang bayan ni Jehova sa mga pintuang-daan.

12 Gumising ka, gumising ka, O Debora!+

Gumising ka, gumising ka, umawit ka!+

Bumangon ka, Barak!+ Dalhin mo ang iyong mga bihag, ikaw na anak ni Abinoam!

13 At ang mga natira ay pumunta sa matataas na opisyal;

Ang bayan ni Jehova ay lumapit sa akin para makipaglaban sa mga makapangyarihan.

14 Mula sila sa Efraim, ang mga nasa lambak;*

Sinusundan ka nila, O Benjamin, kasama ng iyong mga bayan.

Mula sa Makir+ ay bumaba ang mga kumandante,

At mula sa Zebulon ay bumaba ang mga may hawak ng tungkod ng tagapangalap.*

15 Ang matataas na opisyal ng Isacar ay kasama ni Debora,

At gaya ng Isacar, kasama rin si Barak.+

Isinugo siya sa lambak.*+

Sa mga pangkat ni Ruben ay may puspusang pagsusuri ng puso.

16 Bakit ka umupo sa pagitan ng dalawang lalagyang nakakabit sa síya,*

At nakikinig sa mga tumutugtog ng plawta para sa mga kawan?+

Para sa mga pangkat ni Ruben ay may puspusang pagsusuri sa puso.

17 Ang Gilead ay nanatili sa kabilang ibayo ng Jordan;+

At ang Dan, bakit siya nanatili sa tabi ng mga barko?+

Ang Aser ay naupong walang ginagawa sa tabing-dagat,

At nanatili siya malapit sa kaniyang mga daungan.+

18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsapanganib ng buhay* nila;

Ang Neptali rin,+ sa mga burol.+

19 Dumating ang mga hari, nakipaglaban sila;

At nakipaglaban ang mga hari ng Canaan+

Sa Taanac, sa tabi ng ilog ng Megido.+

Wala silang dinalang samsam na pilak.+

20 Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin;

Mula sa mga landas nila ay nakipaglaban sila kay Sisera.

21 Tinangay sila ng rumaragasang ilog ng Kison,+

Ang sinaunang ilog, ang rumaragasang ilog ng Kison.

Tinapakan ko ang malalakas.

22 Ang lupa ay niyayanig ng mga yabag ng mga kabayo

Habang dumadaluhong ang kaniyang mga barakong kabayo.+

23 ‘Sumpain ang Meroz,’ ang sabi ng anghel ni Jehova,

‘Oo, sumpain ang mga nakatira dito,

Dahil hindi sila nagpunta para tumulong kay Jehova,

Para tumulong kay Jehova kasama ng malalakas.’

24 Ang pinagpala sa lahat ng babae ay si Jael,+

Ang asawa ni Heber+ na Kenita;

Siya ang pinagpala sa lahat ng babaeng nakatira sa mga tolda.

25 Tubig ang hiningi nito,* gatas ang ibinigay niya.

Sa maringal na mangkok na panghandaan ay nagbigay siya ng gatas.*+

26 Kinuha niya ang tulos na pantolda,

At ng kanang kamay niya ang maso ng isang manggagawa.

Pinukpok niya si Sisera; dinurog niya ang ulo nito;

Binasag niya at binutas ang mga sentido nito.+

27 Sa pagitan ng mga paa niya ay bumagsak ito; nabuwal ito at humandusay;

Sa pagitan ng mga paa niya ay bumagsak ito;

Kung saan ito nabuwal, doon ito bumagsak na talunan.

28 Tumingin mula sa bintana ang isang babae,

Ang ina ni Sisera ay sumilip mula sa bintanang sala-sala,

‘Bakit nagtatagal ang kaniyang karwaheng pandigma?

Bakit hindi ko pa naririnig ang yabag ng mga kabayo niya?’+

29 Ang pinakamatatalino sa mga kasama niyang babae ay sumagot;

Oo, paulit-ulit din niyang sinasabi sa sarili,

30 ‘Pinaghahati-hatian na siguro nila ang kanilang samsam,

Isang babae,* dalawang babae,* sa bawat mandirigma,

Tininang tela para kay Sisera, samsam na tininang tela,

Isang burdadong damit, tininang tela, dalawang burdadong damit

Para sa leeg ng mga lalaking nananamsam.’

31 Malipol nawa ang lahat ng iyong kaaway,+ O Jehova,

Pero ang mga umiibig sa iyo ay maging gaya nawa ng araw na sumisikat nang napakaliwanag.”

At ang lupain ay nagkaroon ng kapayapaan sa loob ng 40 taon.+

6 Pero muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova,+ kaya ibinigay sila ni Jehova sa kamay ng Midian sa loob ng pitong taon.+ 2 Pinagmalupitan ng Midian ang Israel.+ Dahil sa Midian, gumawa ang mga Israelita ng mga taguan nila* sa mga bundok, sa mga kuweba, at sa mga lugar na mahirap puntahan.+ 3 Kapag nagtatanim ang Israel, sinasalakay sila ng Midian, Amalek,+ at ng mga taga-Silangan.+ 4 Nagkakampo sila para salakayin ang Israel at sinisira nila ang ani ng lupa hanggang sa Gaza, at wala silang itinitirang pagkain, tupa, toro, o asno para sa Israel.+ 5 Dahil sumasalakay silang sindami ng mga balang+ kasama ang kanilang mga alagang hayop at tolda. Hindi sila mabilang, pati ang kanilang mga kamelyo,+ at lumulusob sila sa lupain para sirain iyon. 6 Kaya ang Israel ay naghirap nang husto dahil sa Midian; at ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova.+

7 Nang ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova dahil sa Midian,+ 8 nagsugo si Jehova sa mga Israelita ng isang propeta, na nagsabi sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ako ang naglabas sa inyo mula sa Ehipto, ang lupain kung saan kayo inalipin.*+ 9 Kaya iniligtas ko kayo mula sa kamay ng Ehipto at mula sa lahat ng nagmamalupit sa inyo, at itinaboy ko sila mula sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang lupain nila.+ 10 At sinabi ko sa inyo: “Ako si Jehova na inyong Diyos.+ Huwag kayong matakot sa mga diyos ng mga Amorita, na sa kanilang lupain ay nakatira kayo.”+ Pero hindi kayo sumunod sa akin.’”*+

11 Nang maglaon, dumating ang anghel ni Jehova+ at umupo sa ilalim ng malaking puno na nasa Opra, na pag-aari ni Joas na Abi-ezrita.+ Ang anak niyang si Gideon+ ay naghahampas ng trigo sa pisaan ng ubas para hindi iyon makita ng Midian. 12 Ang anghel ni Jehova ay nagpakita sa kaniya at nagsabi: “Si Jehova ay sumasaiyo,+ ikaw na malakas na mandirigma.” 13 Sinabi ni Gideon sa kaniya: “Pagpasensiyahan mo ako, panginoon ko, pero kung si Jehova ay sumasaamin, bakit nangyayari sa amin ang lahat ng ito?+ Nasaan ang lahat ng kaniyang kamangha-manghang gawa na ikinuwento sa amin ng mga ninuno namin,+ na nagsasabi, ‘Inilabas kami ni Jehova mula sa Ehipto.’+ Ngayon ay iniwan kami ni Jehova,+ at ibinigay niya kami sa kamay ng Midian.” 14 Hinarap siya ni Jehova at sinabi: “Gamitin mo ang lakas na mayroon ka, at ililigtas mo ang Israel mula sa kamay ng Midian.+ Hindi ba’t ako ang nagsusugo sa iyo?” 15 Sinabi naman ni Gideon: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Paano ko ililigtas ang Israel? Ang angkan* ko ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.” 16 Pero sinabi ni Jehova sa kaniya: “Dahil ako ay sasaiyo,+ pababagsakin mo ang Midian na parang sila ay iisang tao.”

17 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa kaniya: “Kung kinalulugdan mo ako, bigyan mo ako ng tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin. 18 Pakisuyo, huwag kang umalis dito hanggang sa makabalik ako dala ang aking kaloob at maihain iyon sa harap mo.”+ Kaya sinabi niya: “Hihintayin kita rito.” 19 At si Gideon ay pumasok at naghanda ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang isang epa* ng harina.+ Ang karne ay inilagay niya sa basket, at ang sabaw ay inilagay niya sa palayok; pagkatapos ay inilabas niya ang mga iyon at inihain sa kaniya sa ilalim ng malaking puno.

20 Ngayon ay sinabi sa kaniya ng anghel ng tunay na Diyos: “Kunin mo ang karne at ang tinapay na walang pampaalsa at ilagay mo ang mga iyon sa malaking bato roon, at ibuhos mo ang sabaw.” At ganoon ang ginawa niya. 21 Pagkatapos ay iniunat ng anghel ni Jehova ang hawak niyang baston at idinikit ang dulo nito sa karne at sa tinapay na walang pampaalsa, at may lumabas na apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay na walang pampaalsa.+ Pagkatapos, nawala ang anghel ni Jehova. 22 Natiyak ngayon ni Gideon na iyon ay anghel ni Jehova.+

Agad na sinabi ni Gideon: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova! Nakita ko nang mukhaan ang anghel ni Jehova!”+ 23 Pero sinabi ni Jehova sa kaniya: “Huminahon ka.* Huwag kang matakot;+ hindi ka mamamatay.” 24 Kaya nagtayo roon si Gideon ng isang altar para kay Jehova, at hanggang ngayon ay tinatawag itong Jehova-shalom.*+ Iyon ay naroon pa rin sa Opra ng mga Abi-ezrita.

25 Nang gabing iyon, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Kunin mo ang batang toro* ng iyong ama, ang ikalawang batang toro na pitong taóng gulang, at gibain mo ang altar ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste* na nasa tabi nito.+ 26 Pagkatapos mong magtayo sa ibabaw ng burol na ito ng isang altar na gawa sa isang hanay ng mga bato para kay Jehova na iyong Diyos, kunin mo ang ikalawang batang toro at ihain mo iyon bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng mga piraso ng kahoy ng sagradong poste* na pinutol mo.” 27 Kaya kumuha si Gideon ng 10 lalaki mula sa mga lingkod niya at ginawa ang sinabi sa kaniya ni Jehova. Pero sa gabi niya iyon ginawa sa halip na sa araw dahil sa sobrang takot sa sambahayan ng kaniyang ama at sa mga lalaki ng lunsod.

28 Kinabukasan, maagang bumangon ang mga lalaki ng lunsod, at nakita nilang ang altar ni Baal ay giba na, ang sagradong poste* na nasa tabi nito ay putol na, at ang ikalawang batang toro ay naihandog na sa altar na itinayo. 29 Nagtanungan sila: “Sino ang gumawa nito?” Matapos silang mag-imbestiga, sinabi nila: “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa nito.” 30 Kaya sinabi kay Joas ng mga lalaki ng lunsod: “Ilabas mo ang anak mo. Dapat siyang mamatay dahil giniba niya ang altar ni Baal at pinutol niya ang sagradong poste* na nasa tabi nito.” 31 Sinabi ni Joas+ sa lahat ng sumugod sa kaniya: “Kailangan ba ninyong ipagtanggol si Baal? Kailangan ba ninyo siyang iligtas? Ang sinumang magtatanggol sa kaniya ay dapat patayin sa umagang ito.+ Kung siya ay diyos, ipagtanggol niya ang sarili niya,+ dahil may gumiba ng altar niya.” 32 At tinawag niyang Jerubaal* si Gideon nang araw na iyon, na sinasabi: “Ipagtanggol ni Baal ang sarili niya, dahil may gumiba ng altar niya.”

33 Ang buong Midian+ at Amalek+ at ang mga taga-Silangan ay nagsanib-puwersa;+ at tumawid sila* papunta sa Lambak* ng Jezreel at nagkampo roon. 34 At si Gideon ay napuspos* ng espiritu ni Jehova+ at hinipan niya ang tambuli,+ at ang mga Abi-ezrita+ ay dumating para tumulong sa kaniya. 35 Nagpadala siya ng mga mensahero sa buong Manases, at sila rin ay dumating para tumulong sa kaniya. Nagpadala rin siya ng mga mensahero sa Aser, Zebulon, at Neptali, at pinuntahan nila siya.

36 Pagkatapos ay sinabi ni Gideon sa tunay na Diyos: “Kung ililigtas mo ang Israel sa pamamagitan ko, gaya ng ipinangako mo,+ 37 mag-iiwan ako sa giikan ng balahibo ng tupa. Kung ang balahibo lang ang may hamog pero tuyo ang lupa sa palibot nito, matitiyak kong ililigtas mo ang Israel sa pamamagitan ko, gaya ng ipinangako mo.” 38 At iyon nga ang nangyari. Kinabukasan, nang bumangon siya nang maaga at pigain niya ang balahibo, napuno niya ng tubig ang isang malaking mangkok na panghandaan. 39 Pero sinabi ni Gideon sa tunay na Diyos: “Huwag sanang lumagablab ang galit mo sa akin, at hayaan mo akong humiling nang minsan pa. Pakisuyo, hayaan mo akong gumawa ng isa pang pagsubok sa balahibo. Pakisuyo, panatilihin mong tuyo ang balahibo samantalang basa ng hamog ang lupa.” 40 At ganoon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon; ang balahibo lang ang tuyo, at ang lupa ay basa ng hamog.

7 Pagkatapos, si Jerubaal, na siyang si Gideon,+ at ang buong bayan na kasama niya ay bumangon nang maaga. Nagkampo sila sa may Bukal ng Harod samantalang nasa hilaga nito ang kampo ng Midian, sa lambak* na malapit sa burol ng More. 2 Sinabi ngayon ni Jehova kay Gideon: “Napakarami mong kasamang mandirigma.+ Kung ibibigay ko ang Midian sa kamay nila, baka magyabang sa akin ang Israel at magsabi, ‘Iniligtas ako ng sarili kong kamay.’+ 3 Kaya pakisuyo, sabihin mo sa kanila: ‘Ang sinumang natatakot at nanginginig ay makakauwi na.’”+ Nang sabihin ito ni Gideon, 22,000 ang umuwi, at 10,000 ang naiwan.

4 Pero sinabi ni Jehova kay Gideon: “Napakarami pa rin nila. Papuntahin mo sila sa batis para masubok ko sila roon para sa iyo. Kapag sinabi ko sa iyo, ‘Ang isang ito ay sasama sa iyo,’ isasama mo siya, pero kapag sinabi ko sa iyo, ‘Ang isang ito ay hindi sasama sa iyo,’ hindi mo siya isasama.” 5 Kaya dinala niya sa batis ang mga mandirigma.

Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Gideon: “Ang lahat ng humihimod ng tubig mula sa kamay niya, kung paanong hinihimod ng aso ang tubig, ay ihiwalay mo sa mga lumuluhod at sumusubsob para uminom.” 6 Ang bilang ng mga humimod ng tubig, na uminom sa kanilang kamay, ay 300. Ang iba naman ay lumuhod at sumubsob para uminom.

7 Sinabi ngayon ni Jehova kay Gideon: “Ililigtas ko kayo sa pamamagitan ng 300 lalaki na humimod ng tubig, at ibibigay ko ang Midian sa kamay mo.+ Pero ang lahat ng iba pang mandirigma ay makakauwi na.” 8 Kaya 300 mandirigma lang ang pinaiwan ni Gideon at pinauwi niya ang iba pang lalaki sa Israel matapos nilang kunin ang mga pagkain at tambuli ng mga ito. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa lambak.+

9 Nang gabing iyon, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Bumangon ka, salakayin mo ang kampo, dahil ibinigay ko na iyon sa kamay mo.+ 10 Pero kung natatakot kang sumalakay, bumaba ka sa kampo kasama ng tagapaglingkod mong si Pura. 11 Pakinggan mo ang mga sinasabi nila, at lalakas ang loob* mo na salakayin ang kampo.” Kaya siya at ang tagapaglingkod niyang si Pura ay bumaba papunta sa hangganan ng nagkakampong hukbo.

12 Ngayon ang lambak ay punô ng mga Midianita, Amalekita, at ng lahat ng taga-Silangan.+ Kasindami sila ng mga balang, at napakarami ng mga kamelyo nila,+ kasindami ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat. 13 Pagdating doon ni Gideon, may isang lalaking nagkukuwento ng panaginip niya sa kasama niya. Sinabi ng lalaki: “Ganito ang napanaginipan ko. May isang bilog na tinapay na sebada na gumugulong papunta sa kampo ng Midian. Tumama ito nang napakalakas sa isang tolda kaya bumagsak ito.+ Oo, tumaob ang tolda at nawasak.” 14 Sumagot ang kasama niya: “Tiyak na iyon ang espada ni Gideon+ na anak ni Joas, na isang Israelita. Ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong kampo sa kamay niya.”+

15 Nang marinig ni Gideon ang kuwento ng lalaki tungkol sa panaginip nito at ang paliwanag dito,+ yumukod siya para sumamba. Pagkatapos, bumalik siya sa kampo ng Israel at nagsabi: “Bangon na, dahil ibinigay ni Jehova ang kampo ng Midian sa inyong kamay.” 16 Pagkatapos, hinati niya sa tatlong grupo ang 300 lalaki at binigyan silang lahat ng tambuli+ at malaking banga na may sulo sa loob. 17 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Pagmasdan ninyo ako at gayahin ninyo ang gagawin ko. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, gawin ninyo ang gagawin ko. 18 Kapag hinipan ko at ng mga kasama ko ang mga tambuli, hipan din ninyo ang mga tambuli sa kinatatayuan ninyo sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo, ‘Para kay Jehova at kay Gideon!’”

19 Si Gideon at ang 100 lalaking kasama niya ay nakarating sa hangganan ng kampo bago maghatinggabi,* noong katatapos lang magpalitan ng mga bantay. Hinipan nila ang mga tambuli+ at binasag ang hawak nilang malalaking bangang pantubig.+ 20 Kaya hinipan ng tatlong grupo ang mga tambuli at binasag ang malalaking banga. Hawak nila sa kaliwang kamay ang mga sulo habang hinihipan ang mga tambuli na nasa kanang kamay nila. At sumigaw sila: “Ang espada ni Jehova at ni Gideon!” 21 Ang bawat isa sa kanila ay nanatiling nakatayo sa kani-kaniyang puwesto sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan, na sumisigaw habang tumatakas.+ 22 Patuloy na hinipan ng 300 mandirigma ang mga tambuli, at pinaglaban-laban ni Jehova ang mga lalaki sa buong kampo at sila-sila ang nagpatayan;+ at ang hukbo ay tumakas sa Bet-sita, hanggang sa Zerera, at sa mga hangganan ng Abel-mehola,+ na malapit sa Tabat.

23 At tinawag ang mga lalaki ng Israel mula sa Neptali, Aser, at sa buong Manases,+ at hinabol nila ang Midian. 24 Nagsugo si Gideon ng mga mensahero sa buong mabundok na rehiyon ng Efraim para sabihin: “Bumaba kayo at salakayin ang Midian, at unahan ninyo sila sa Bet-bara at sa Ilog Jordan, at pabantayan ninyo ang mga tawiran nito.” Kaya nagsama-sama ang mga lalaki ng Efraim, at nauna sila sa Bet-bara at sa Ilog Jordan at pinabantayan ang mga tawiran nito. 25 Nabihag din nila ang dalawang matataas na opisyal ng Midian, sina Oreb at Zeeb; pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb,+ at pinatay nila si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Patuloy nilang hinabol ang Midian,+ at ang ulo nina Oreb at Zeeb ay dinala nila kay Gideon sa rehiyon ng Jordan.

8 Pagkatapos, sinabi sa kaniya ng mga lalaki ng Efraim: “Bakit mo ito ginawa sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban ka sa Midian?”+ Galit na galit silang nakipag-away sa kaniya.+ 2 Pero sinabi niya sa kanila: “Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo? Hindi ba ang pagsimot ng Efraim+ sa ubasan ay mas mabuti kaysa sa pag-aani ng Abi-ezer?+ 3 Sa kamay ninyo ibinigay ng Diyos ang matataas na opisyal ng Midian na sina Oreb at Zeeb,+ at ano ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo?” Nang magsalita siya sa ganitong paraan,* huminahon sila.*

4 Pagkatapos, nakarating si Gideon sa Jordan, at tinawid niya ito. Siya at ang 300 kasama niya ay pagod, pero patuloy pa rin sila sa paghabol sa kalaban. 5 Kaya sinabi niya sa mga lalaki ng Sucot: “Pakisuyong bigyan ninyo ng tinapay ang mga mandirigmang kasama ko, dahil pagod sila at hinahabol ko sina Zeba at Zalmuna, na mga hari ng Midian.” 6 Pero sinabi ng matataas na opisyal ng Sucot: “Nasa kamay mo na ba sina Zeba at Zalmuna* kaya dapat naming bigyan ng tinapay ang hukbo mo?” 7 Kaya sinabi ni Gideon: “Dahil diyan, kapag ibinigay ni Jehova sina Zeba at Zalmuna sa kamay ko, hahagupitin ko kayo ng matitinik na halaman mula sa ilang.”+ 8 At mula roon ay umakyat siya sa Penuel at nakiusap din sa mga tagaroon, pero ang isinagot ng mga lalaki ng Penuel ay gaya rin ng isinagot ng mga lalaki ng Sucot. 9 Kaya sinabi niya sa mga lalaki ng Penuel: “Kapag nagtagumpay ako at nakabalik dito, ibabagsak ko ang toreng ito.”+

10 Ngayon, sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor kasama ang kanilang mga hukbo, mga 15,000 lalaki. Ito ang lahat ng natira sa buong hukbo ng mga taga-Silangan,+ dahil 120,000 mandirigma na ang namatay. 11 Si Gideon ay dumaan sa lansangang dinadaanan ng mga nakatira sa tolda, sa silangan ng Noba at Jogbeha,+ at sinalakay niya ang kampo, na hindi nakahanda sa labanan. 12 Nang tumakas ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna, hinabol niya at hinuli ang mga ito, kaya natakot nang husto ang lahat ng nasa kampo.

13 Si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipagdigma at dumaan sa lansangang paakyat ng Heres. 14 Habang nasa daan, binihag niya ang isang kabataang lalaki mula sa Sucot at tinanong ito. Kaya isinulat ng kabataang lalaki ang pangalan ng matataas na opisyal at ng matatandang lalaki ng Sucot, 77 lalaki. 15 Pagkatapos, nagpunta siya sa mga lalaki ng Sucot at nagsabi: “Heto sina Zeba at Zalmuna. Hindi ba tinuya ninyo ako, na sinasabi, ‘Nasa kamay mo na ba sina Zeba at Zalmuna kaya dapat naming bigyan ng tinapay ang mga pagod mong mandirigma?’”+ 16 Pagkatapos, kinuha niya ang matatandang lalaki sa lunsod, at gamit ang matitinik na halaman mula sa ilang, tinuruan niya ng leksiyon ang mga lalaki ng Sucot.+ 17 Ibinagsak din niya ang tore ng Penuel+ at pinatay ang mga lalaki ng lunsod.

18 Tinanong niya sina Zeba at Zalmuna: “Anong uri ng mga lalaki ang pinatay ninyo sa Tabor?” Sumagot sila: “Gaya mo sila, ang bawat isa sa kanila ay mukhang anak ng hari.” 19 Kaya sinabi niya: “Mga kapatid ko sila, mga anak ng aking ina. Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, hindi ko sana kayo papatayin kung hindi ninyo sila pinatay.” 20 Pagkatapos, sinabi niya sa panganay niyang si Jeter: “Patayin mo sila.” Pero hindi hinugot ng kabataang lalaki ang espada niya; natatakot siya, dahil kabataan pa siya. 21 Kaya sinabi nina Zeba at Zalmuna: “Ikaw mismo ang pumatay sa amin, dahil nasusukat ang pagkalalaki ng isang tao sa lakas niya.” Kaya pinatay ni Gideon sina Zeba at Zalmuna+ at kinuha ang mga palamuting hugis-buwan na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.

22 Sa kalaunan, sinabi kay Gideon ng mga lalaki sa Israel: “Mamahala ka sa amin, ikaw, ang anak mo, pati ang apo mo, dahil iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”+ 23 Pero sinabi ni Gideon sa kanila: “Hindi ako ang mamamahala sa inyo, at hindi rin ang anak ko. Si Jehova ang mamamahala sa inyo.”+ 24 Sinabi pa ni Gideon: “May isa akong hiling sa inyo: bigyan ako ng bawat isa sa inyo ng hikaw na pang-ilong mula sa kaniyang nasamsam.” (Dahil ang tinalo nilang mga Ismaelita+ ay may mga gintong hikaw na pang-ilong.) 25 Sinabi nila: “Sige, magbibigay kami.” Kaya naglatag sila ng isang balabal, at ang bawat isa ay naghagis doon ng hikaw na pang-ilong mula sa kaniyang nasamsam. 26 Ang timbang ng mga gintong hikaw na pang-ilong na hiniling niya ay umabot nang 1,700 siklo,* bukod pa sa mga palamuting hugis-buwan, mga palawit, mga damit na lanang purpura* na isinusuot ng mga hari ng Midian, at mga kuwintas ng mga kamelyo.+

27 Ginamit ito ni Gideon sa paggawa ng isang epod*+ at itinanghal iyon sa Opra na lunsod niya;+ at doon ay sinamba iyon ng* buong Israel,+ at naging silo iyon kay Gideon at sa sambahayan niya.+

28 Sa gayon, natalo ng mga Israelita ang Midian,+ at hindi na sila muling kinalaban ng mga ito;* at ang lupain ay nagkaroon ng kapayapaan sa loob ng 40 taon habang nabubuhay si Gideon.+

29 At si Jerubaal+ na anak ni Joas ay umuwi sa bahay niya at nanatili roon.

30 Si Gideon ay nagkaroon ng 70 anak na lalaki,* dahil marami siyang asawa. 31 Nagkaroon din siya ng isang anak na lalaki sa kaniyang pangalawahing asawa sa Sikem, at pinangalanan niya itong Abimelec.+ 32 At si Gideon na anak ni Joas ay namatay matapos masiyahan sa mahabang buhay, at inilibing siya sa libingan ng ama niyang si Joas sa Opra ng mga Abi-ezrita.+

33 Pagkamatay ni Gideon, ang mga Israelita ay muling sumamba* sa mga Baal,+ at ginawa nilang diyos si Baal-berit.+ 34 Hindi inalaala ng mga Israelita si Jehova na kanilang Diyos,+ na nagligtas sa kanila mula sa kamay ng lahat ng kaaway nila sa palibot;+ 35 at hindi sila nagpakita ng tapat na pag-ibig sa sambahayan ni Jerubaal, na siyang si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihang ginawa niya para sa Israel.+

9 Nang maglaon, pumunta si Abimelec+ na anak ni Jerubaal sa mga kapatid ng kaniyang ina sa Sikem, at sinabi niya sa kanila at sa buong sambahayan ng lolo niya:* 2 “Pakisuyong tanungin ninyo ang lahat ng pinuno* ng Sikem, ‘Ano ang gusto ninyo, lahat ng 70 anak ni Jerubaal+ ang mamahala sa inyo o isa lang ang mamahala sa inyo? Tandaan ninyong kadugo ninyo ako.’”*

3 At ganoon nga ang sinabi ng mga kapatid ng kaniyang ina sa mga pinuno ng Sikem, at nahikayat silang* sumunod kay Abimelec, dahil ang sabi nila: “Kapatid natin siya.” 4 Pagkatapos ay binigyan nila siya ng 70 pirasong pilak mula sa bahay* ni Baal-berit,+ at ginamit ito ni Abimelec para umupa ng mga sasama sa kaniya, mga lalaking batugan at mayabang. 5 Pagkatapos, pumunta siya sa bahay ng kaniyang ama sa Opra+ at pinatay ang mga kapatid niya,+ ang mga anak ni Jerubaal, 70 lalaki, sa ibabaw ng isang bato. Si Jotam lang na bunsong anak na lalaki ni Jerubaal ang nakaligtas, dahil nagtago ito.

6 At ang lahat ng pinuno ng Sikem at ang buong Bet-milo ay nagtipon malapit sa malaking puno, sa may haligi na nasa Sikem, at ginawa nilang hari si Abimelec.+

7 Nang iulat nila iyon kay Jotam, agad siyang pumunta sa Bundok Gerizim+ at tumayo sa tuktok nito, at sinabi niya sa kanila sa malakas na tinig: “Makinig kayo sa akin, kayong mga pinuno ng Sikem, at makikinig ang Diyos sa inyo.

8 “Minsan, may mga puno na naghahanap ng maghahari sa kanila. Kaya sinabi nila sa punong olibo, ‘Maghari ka sa amin.’+ 9 Pero sinabi sa kanila ng punong olibo, ‘Iiwan ko ba ang langis* ko, na ginagamit sa pagluwalhati sa Diyos at sa mga tao, para iwagayway ang mga sanga ko sa ibabaw ng ibang mga puno?’ 10 Pagkatapos ay sinabi ng mga puno sa puno ng igos, ‘Halika, maghari ka sa amin.’ 11 Pero sinabi sa kanila ng puno ng igos, ‘Iiwan ko ba ang aking matamis at masarap na bunga para iwagayway ang mga sanga ko sa ibabaw ng ibang mga puno?’ 12 Sumunod ay sinabi ng mga puno sa punong ubas, ‘Halika, maghari ka sa amin.’ 13 Sinabi sa kanila ng punong ubas, ‘Iiwan ko ba ang aking bagong alak na nagpapasaya sa Diyos at sa mga tao para iwagayway ang mga sanga ko sa ibabaw ng mga puno?’ 14 Bandang huli, sinabi ng lahat ng iba pang puno sa matinik na halaman, ‘Halika, maghari ka sa amin.’+ 15 Kaya sinabi ng matinik na halaman sa mga puno, ‘Kung talagang pinipili ninyo ako para maghari sa inyo, halikayo, sumilong kayo sa aking lilim. Pero kung hindi, lalabas ang apoy sa matinik na halaman at tutupukin ang mga sedro ng Lebanon.’

16 “Ngayon, naging tapat ba kayo at matuwid nang gawin ninyong hari si Abimelec,+ naging mabuti ba kayo kay Jerubaal at sa sambahayan niya, at napakitunguhan ba ninyo siya gaya ng nararapat sa kaniya? 17 Nang makipaglaban ang aking ama para sa inyo,+ isinapanganib niya ang buhay* niya para mailigtas kayo mula sa kamay ng Midian.+ 18 Pero ngayon ay kinalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama at pinatay ang kaniyang mga anak, 70 lalaki, sa ibabaw ng isang bato.+ Pagkatapos, si Abimelec, na anak ng kaniyang aliping babae,+ ay ginawa ninyong hari sa mga pinuno ng Sikem dahil lang sa kapatid ninyo siya. 19 Oo, kung tapat kayo at ginagawa ninyo ang tama kay Jerubaal at sa kaniyang sambahayan sa araw na ito, magsaya kayo dahil kay Abimelec at magsaya rin siya dahil sa inyo. 20 Pero kung hindi, lumabas sana ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga pinuno ng Sikem at Bet-milo,+ at lumabas sana ang apoy mula sa mga pinuno ng Sikem at Bet-milo at tupukin si Abimelec.”+

21 Pagkatapos ay tumakas si Jotam+ papuntang Beer at tumira doon dahil sa kapatid niyang si Abimelec.

22 Si Abimelec ay namahala* sa Israel nang tatlong taon. 23 Pagkatapos, hinayaan ng Diyos na magkaroon ng alitan si Abimelec at ang mga pinuno ng Sikem, at nagtaksil sila kay Abimelec. 24 Nangyari ito para maipaghiganti ang karahasang ginawa sa 70 anak ni Jerubaal, at papanagutin ang kapatid nilang si Abimelec sa pagpatay sa kanila+ pati na ang mga pinuno ng Sikem sa pagtulong sa kaniya na patayin ang mga kapatid niya. 25 Kaya ang mga pinuno ng Sikem ay naglagay ng mga lalaking tatambang sa kaniya sa tuktok ng mga bundok, at ninanakawan nila ang lahat ng dumadaan sa lansangan. Nang maglaon, iniulat ito kay Abimelec.

26 Pagkatapos, si Gaal na anak ni Ebed at ang mga kapatid niya ay tumawid papunta sa Sikem,+ at ang mga pinuno ng Sikem ay nagtiwala sa kaniya. 27 Nagpunta sila sa bukid at namitas ng mga ubas sa kanilang mga ubasan, pinisa ang mga iyon, at nagdiwang; pagkatapos ay pumasok sila sa bahay ng kanilang diyos+ at kumain at uminom at isinumpa si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal na anak ni Ebed: “Sino ba si Abimelec, at sino ba si Sikem* para paglingkuran natin sila? Hindi ba anak siya ni Jerubaal,+ at hindi ba si Zebul ay opisyal niya? Sa halip, paglingkuran ninyo ang mga anak ni Hamor, na ama ni Sikem! Bakit tayo maglilingkod kay Abimelec? 29 Kung hawak ko lang ang bayang ito, patatalsikin ko si Abimelec.” At sinabi niya kay Abimelec: “Paramihin mo ang mga sundalo mo at harapin mo ako.”

30 Nang mabalitaan ni Zebul na mataas na opisyal ng lunsod ang mga sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, nag-init siya sa galit. 31 Kaya palihim* siyang nagsugo ng mga mensahero kay Abimelec para sabihin: “Si Gaal na anak ni Ebed at ang mga kapatid niya ay nasa Sikem ngayon, at sinusulsulan nila ang lunsod para lumaban sa iyo. 32 Kaya mamayang gabi, magpunta ka at ang mga tauhan mo sa labas ng lunsod at maghintay roon. 33 Bukas, pagsikat ng araw, salakayin ninyo agad ang lunsod; at kapag lumaban siya at ang mga tauhan niya, gawin mo ang lahat para matalo siya.”*

34 Kaya pagsapit ng gabi, si Abimelec at ang lahat ng kasama niya ay lumakad, naghiwa-hiwalay sa apat na grupo, at nagtago muna sa labas ng Sikem bago sumalakay. 35 Nang si Gaal na anak ni Ebed ay lumabas at tumayo sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod, si Abimelec at ang mga kasama niya ay lumabas sa pinagtataguan nila. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul: “May mga taong bumababa mula sa tuktok ng mga bundok.” Pero sinabi ni Zebul sa kaniya: “Anino ng mga bundok ang nakikita mo. Akala mo lang mga tao.”

37 Mayamaya, sinabi ni Gaal: “May mga taong bumababa mula sa gitna ng lupain. Isang grupo ang dumadaan sa may malaking puno ng Meonenim.” 38 Sinabi sa kaniya ni Zebul: “Nasaan ngayon ang sinasabi mong ‘Sino si Abimelec para paglingkuran namin siya?’+ Hindi ba sila ang mga taong itinakwil mo? Harapin mo sila ngayon at labanan.”

39 Kaya pinangunahan ni Gaal ang mga pinuno ng Sikem at nilabanan si Abimelec. 40 Nang tumakas si Gaal, hinabol siya ni Abimelec, at marami ang napatay hanggang sa pasukan ng pintuang-daan.

41 At si Abimelec ay patuloy na tumira sa Aruma, at itinaboy ni Zebul+ si Gaal at ang mga kapatid nito mula sa Sikem. 42 Kinabukasan, ang mga tao ay lumabas ng lunsod, at iniulat ito kay Abimelec. 43 Kaya tinipon niya ang mga tauhan niya, hinati niya sila sa tatlong grupo, at naghintay sila sa labas ng lunsod. Nang makita niya ang mga tao na lumalabas mula sa lunsod, sinalakay niya sila at pinabagsak. 44 Si Abimelec at ang mga grupong kasama niya ay sumalakay at pumuwesto sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod, samantalang ang dalawang grupo ay nakipaglaban sa lahat ng nasa labas ng lunsod, at pinabagsak nila ang mga iyon. 45 Nakipaglaban si Abimelec sa lunsod nang buong araw na iyon at tinalo niya ito. Pinatay niya ang mga tao roon, at giniba niya ang lunsod+ at sinabuyan ng asin.

46 Nang marinig iyon ng lahat ng pinuno sa tore ng Sikem, agad silang pumunta sa kuta ng bahay* ni El-berit.+ 47 Nang iulat kay Abimelec na ang lahat ng pinuno sa tore ng Sikem ay nagsama-sama, 48 si Abimelec at ang lahat ng tauhan niya ay umakyat sa Bundok Zalmon. Kumuha si Abimelec ng palakol, pumutol ng isang sanga ng puno, pinasan ito, at sinabi sa mga tauhan niya: “Kung ano ang nakita ninyong ginawa ko, gawin ninyo agad!” 49 Kaya silang lahat ay pumutol din ng mga sanga at sumunod kay Abimelec. Pagkatapos ay inilagay nila ang mga iyon sa palibot ng kuta at sinilaban ang kuta. Kaya namatay rin ang lahat ng tao sa tore ng Sikem, mga 1,000 lalaki at babae.

50 Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa Tebez; nakipaglaban siya sa Tebez at tinalo iyon. 51 May matibay na tore sa gitna ng lunsod, at ang lahat ng lalaki at babae at ang lahat ng pinuno ng lunsod ay tumakas doon. Ikinandado nila ang pinto ng tore at umakyat sila sa bubungan nito. 52 Sumugod si Abimelec sa tore. Lumapit siya sa pasukan nito para silaban ito. 53 At isa sa mga babae ang nagbagsak ng pang-ibabaw na bato ng gilingan sa ulo ni Abimelec kaya nabasag ang bungo nito.+ 54 Agad niyang tinawag ang tagapagdala niya ng sandata, at sinabi niya rito: “Hugutin mo ang espada mo at patayin mo ako, para hindi nila sabihin, ‘Isang babae ang nakapatay sa kaniya.’” Kaya sinaksak siya ng tagapaglingkod niya, at namatay siya.

55 Nang makita ng mga lalaki ng Israel na si Abimelec ay patay na, umuwi na silang lahat. 56 Sa gayon ay pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa kasamaang ginawa niya sa kaniyang ama nang patayin niya ang 70 kapatid niya.+ 57 At ang lahat ng kasamaan ng mga lalaki ng Sikem ay ibinalik ng Diyos sa kanila.* Kaya ang sumpa ni Jotam+ na anak ni Jerubaal+ ay nangyari sa kanila.

10 Pagkatapos ni Abimelec, si Tola mula sa tribo ni Isacar ang naging tagapagligtas ng Israel.+ Siya ay anak ni Pua, na anak ni Dodo; at nakatira siya sa Samir sa mabundok na rehiyon ng Efraim. 2 Naghukom siya sa Israel nang 23 taon. Nang maglaon, namatay siya at inilibing sa Samir.

3 Pagkatapos niya, si Jair na Gileadita ang naging hukom sa Israel sa loob ng 22 taon. 4 Mayroon siyang 30 anak na sumasakay sa 30 asno, at mayroon silang 30 lunsod, na tinatawag pa rin ngayong Havot-jair;+ ang mga iyon ay nasa lupain ng Gilead. 5 Pagkatapos, namatay si Jair at inilibing sa Kamon.

6 Muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova,+ at nagsimula silang maglingkod sa mga Baal,+ sa mga imahen ni Astoret, sa mga diyos ng Aram,* sa mga diyos ng Sidon, sa mga diyos ng Moab,+ sa mga diyos ng mga Ammonita,+ at sa mga diyos ng mga Filisteo.+ Iniwan nila si Jehova at hindi sila naglingkod sa kaniya. 7 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel, at ibinigay* niya sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga Ammonita.+ 8 Pinahirapan at pinagmalupitan ng mga ito ang mga Israelita nang taóng iyon—sa loob ng 18 taon, pinagmalupitan ng mga ito ang lahat ng Israelita na nasa silangan ng Jordan sa dating lupain ng mga Amorita sa Gilead. 9 Tumatawid din ang mga Ammonita sa Jordan para makipaglaban sa Juda at sa Benjamin at sa sambahayan ng Efraim; kaya hirap na hirap ang Israel. 10 Nang maglaon, humingi ng tulong kay Jehova ang mga Israelita+ at nagsabi: “Nagkasala kami sa iyo, dahil iniwan namin ang aming Diyos at naglingkod kami sa mga Baal.”+

11 Pero sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Hindi ba iniligtas ko kayo mula sa Ehipto+ at mula sa mga Amorita,+ sa mga Ammonita, sa mga Filisteo,+ 12 sa mga Sidonio, sa Amalek, at sa Midian nang pahirapan nila kayo? Nang dumaing kayo sa akin, iniligtas ko kayo mula sa kamay nila. 13 Pero iniwan ninyo ako at naglingkod kayo sa ibang mga diyos.+ Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas.+ 14 Lumapit kayo sa mga diyos na pinili ninyo at sa kanila kayo humingi ng tulong.+ Sila ang magligtas sa inyo sa panahon ng kagipitan.”+ 15 Pero sinabi ng mga Israelita kay Jehova: “Nagkasala kami. Gawin mo sa amin kung ano ang mabuti sa paningin mo. Pero pakisuyo, iligtas mo kami sa araw na ito.” 16 At inalis nila ang mga diyos ng mga banyaga at naglingkod sila kay Jehova,+ kaya hindi na niya natiis ang pagdurusa ng Israel.+

17 Nang maglaon, nagsama-sama ang mga Ammonita+ para makipagdigma at nagkampo sila sa Gilead. Kaya ang mga Israelita ay nagsama-sama at nagkampo sa Mizpa. 18 Ang bayan at ang matataas na opisyal ng Gilead ay nag-usap-usap: “Sino ang mangunguna sa pakikipaglaban sa mga Ammonita?+ Siya ang magiging pinuno ng lahat ng taga-Gilead.”

11 Si Jepte+ na Gileadita ay isang malakas na mandirigma; anak siya ng isang babaeng bayaran, at si Gilead ang kaniyang ama. 2 Pero nagkaroon din si Gilead ng mga anak na lalaki sa asawa niya. Nang lumaki na ang mga anak ng kaniyang asawa, pinalayas nila si Jepte at sinabi rito: “Wala kang mamanahin sa sambahayan ng aming ama, dahil anak ka ng ibang babae.” 3 Kaya lumayo si Jepte sa mga kapatid niya at tumira sa lupain ng Tob. May mga lalaking walang trabaho na sumama kay Jepte, at sumunod sila sa kaniya.

4 Nang maglaon, nakipaglaban ang mga Ammonita sa Israel.+ 5 At nang makipaglaban ang mga Ammonita sa Israel, agad na pinuntahan ng matatandang lalaki ng Gilead si Jepte para pabalikin ito mula sa lupain ng Tob. 6 Sinabi nila kay Jepte: “Sumama ka sa amin at ikaw ang maging kumandante namin, para malabanan natin ang mga Ammonita.” 7 Pero sinabi ni Jepte sa matatandang lalaki ng Gilead: “Hindi ba nasusuklam kayo sa akin kaya pinalayas ninyo ako mula sa bahay ng aking ama?+ Bakit kayo lumalapit sa akin ngayong nagigipit kayo?” 8 Sinabi ng matatandang lalaki ng Gilead kay Jepte: “Kaya nga nakikiusap kami sa iyo ngayon. Kung sasama ka sa amin at makikipaglaban sa mga Ammonita, ikaw ang magiging pinuno naming lahat sa Gilead.”+ 9 Kaya sinabi ni Jepte sa matatandang lalaki ng Gilead: “Kung isasama ninyo ako para lumaban sa mga Ammonita at talunin sila ni Jehova para sa akin, ako nga ang magiging pinuno ninyo!” 10 Sinabi naman ng matatandang lalaki ng Gilead kay Jepte: “Si Jehova nawa ang maging saksi* sa pagitan natin kung hindi namin gagawin ang sinabi mo.” 11 Kaya sumama si Jepte sa matatandang lalaki ng Gilead, at itinalaga siya ng bayan bilang kanilang pinuno at kumandante. At ang lahat ng sinabi ni Jepte ay inulit niya sa harap ni Jehova sa Mizpa.+

12 Pagkatapos, nagsugo si Jepte ng mga mensahero sa hari ng mga Ammonita+ para sabihin: “Ano ba ang nagawa ko sa iyo* at sasalakayin mo ang lupain ko?” 13 Kaya sinabi ng hari ng mga Ammonita sa mga mensahero ni Jepte: “Nang lumabas ang Israel mula sa Ehipto,+ kinuha nila ang lupain ko, mula sa Arnon+ hanggang sa Jabok at hanggang sa Jordan.+ Ngayon ay ibalik mo iyon nang mapayapa.” 14 Pero nagsugo ulit si Jepte ng mga mensahero sa hari ng mga Ammonita 15 para sabihin dito:

“Ito ang sinabi ni Jepte: ‘Hindi kinuha ng Israel ang lupain ng mga Moabita+ at ang lupain ng mga Ammonita,+ 16 dahil nang lumabas sila mula sa Ehipto, naglakad ang Israel sa ilang hanggang sa Dagat na Pula+ at nakarating sa Kades.+ 17 Pagkatapos ay nagsugo ang Israel ng mga mensahero sa hari ng Edom+ para sabihin: “Pakisuyo, paraanin mo kami sa lupain mo,” pero hindi nakinig ang hari ng Edom. Nagpadala rin sila ng mensahe sa hari ng Moab,+ pero hindi ito pumayag. Kaya ang Israel ay nanatili sa Kades.+ 18 Nang maglakbay sila sa ilang, hindi nila dinaanan ang lupain ng Edom+ at ang lupain ng Moab. Naglakbay sila sa silangan ng lupain ng Moab+ at nagkampo sa rehiyon ng Arnon; hindi sila pumasok sa lupain ng Moab,+ dahil ang Arnon ang hangganan ng Moab.

19 “‘Pagkatapos, nagsugo ang Israel ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amorita, na namamahala sa Hesbon, at sinabi ng Israel sa kaniya: “Pakisuyo, paraanin mo kami sa lupain mo papunta sa sarili naming lugar.”+ 20 Pero hindi nagtiwala si Sihon sa Israel kaya hindi niya sila pinayagang dumaan sa kaniyang teritoryo. At tinipon ni Sihon ang kaniyang buong bayan at nagkampo sila sa Jahaz at nakipaglaban sa Israel.+ 21 Dahil dito, ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel si Sihon at ang buong bayan nito sa kamay ng Israel, kaya tinalo nila ang mga ito at kinuha ng Israel ang buong lupain ng mga Amorita, ang mga nakatira sa lupaing iyon.+ 22 Sa gayon, kinuha nila ang buong teritoryo ng mga Amorita mula sa Arnon hanggang sa Jabok at mula sa ilang hanggang sa Jordan.+

23 “‘Si Jehova na Diyos ng Israel ang nagtaboy sa mga Amorita mula sa harap ng kaniyang bayang Israel,+ at ngayon ba ay itataboy mo sila? 24 Hindi ba kinukuha mo ang anumang ibinibigay sa iyo ng diyos mong si Kemos?+ Kaya ang lahat ng itinataboy ni Jehova na aming Diyos mula sa harap namin ang itataboy namin.+ 25 Ngayon, nakahihigit ka ba kay Balak+ na anak ni Zipor, na hari ng Moab? Nakipag-away ba siya sa Israel, o nakipaglaban ba siya sa kanila? 26 Ang Israel ay 300 taon nang nakatira sa Hesbon at sa katabing mga nayon nito*+ at sa Aroer at sa katabing mga nayon nito at sa lahat ng lunsod na nasa tabi ng mga pampang ng Arnon. Bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon?+ 27 Hindi ako nagkasala sa iyo, kaya hindi tamang salakayin mo ako. Si Jehova nawa na Hukom+ ang humatol ngayon sa pagitan ng bayan ng Israel at ng bayan ng Ammon.’”

28 Pero ayaw makinig ng hari ng mga Ammonita sa mensaheng ipinadala ni Jepte.

29 Si Jepte ay napuspos ng espiritu ni Jehova,+ at dumaan siya sa Gilead at sa Manases para makapunta sa Mizpe ng Gilead,+ at mula sa Mizpe ng Gilead ay nagpunta siya sa mga Ammonita.

30 Pagkatapos ay nanata si Jepte+ kay Jehova: “Kung ibibigay mo sa aking kamay ang mga Ammonita, 31 sinumang lalabas sa pinto ng bahay ko para salubungin ako pagbalik ko nang payapa mula sa mga Ammonita ay magiging kay Jehova,+ at ihahandog ko siya bilang handog na sinusunog.”+

32 At si Jepte ay nakipagdigma sa mga Ammonita, at ibinigay sila ni Jehova sa kamay niya. 33 Napakarami niyang napatay sa kanila mula sa Aroer hanggang sa Minit—20 lunsod—at hanggang sa Abel-keramim. Kaya natalo ng mga Israelita ang mga Ammonita.

34 Pag-uwi ni Jepte sa bahay niya sa Mizpa,+ lumabas ang kaniyang anak na babae para salubungin siya habang tumutugtog ng tamburin at sumasayaw! Ito ang kaisa-isa niyang anak. Wala siyang ibang anak, lalaki man o babae. 35 Nang makita niya ang anak niya, pinunit niya ang kaniyang damit at sinabi: “Anak ko! Dinurog mo ang puso ko,* dahil ikaw ang paaalisin ko. Nangako ako kay Jehova, at hindi ko na iyon mababawi.”+

36 Pero sinabi nito sa kaniya: “Ama ko, kung nangako ka kay Jehova, gawin mo sa akin ang ayon sa ipinangako mo,+ dahil ipinaghiganti ka ni Jehova sa mga kaaway mo, ang mga Ammonita.” 37 Pagkatapos, sinabi nito sa kaniyang ama: “Isa lang ang hiling ko: Hayaan mo akong magpunta sa kabundukan at manatili roon nang dalawang buwan para iyakan ang aking pagkadalaga kasama ng mga kaibigan kong babae.”*

38 Sinabi ni Jepte: “Sige!” Kaya pinayagan niya itong umalis nang dalawang buwan, at nagpunta ito sa kabundukan kasama ng mga kaibigan nitong babae para iyakan ang pagkadalaga nito. 39 Pagkatapos ng dalawang buwan, bumalik ito sa kaniyang ama, at tinupad ni Jepte ang ipinanata niya tungkol sa anak niya.+ Hindi ito nag-asawa.* At ganito ang naging kaugalian* sa Israel: 40 Taon-taon, nagpupunta ang mga kabataang babae ng Israel sa anak ni Jepte na Gileadita para purihin ito, apat na araw sa isang taon.

12 Pagkatapos, ipinatawag ang mga lalaki ng Efraim, at tumawid sila papunta sa Zapon* at nagsabi kay Jepte: “Bakit hindi mo kami isinama nang tumawid ka para makipaglaban sa mga Ammonita?+ Susunugin namin ang bahay mo kasama ka.” 2 Pero sinabi ni Jepte sa kanila: “Ako, kasama ang bayan ko, ay napaharap sa isang matinding pakikipagdigma laban sa mga Ammonita. Humingi ako ng tulong sa inyo, pero hindi ninyo ako iniligtas mula sa kamay nila. 3 Nang makita kong hindi ninyo ako ililigtas, ipinasiya kong isapanganib ang buhay ko at labanan ang mga Ammonita,+ at ibinigay sila ni Jehova sa kamay ko. Kaya bakit kayo pumunta ngayon dito para makipaglaban sa akin?”

4 Kaya tinipon ni Jepte ang lahat ng lalaki ng Gilead,+ at nakipaglaban sila sa Efraim; tinalo ng mga lalaki ng Gilead ang Efraim, na nagsabi: “Mga takas lang kayo mula sa Efraim, kayong mga Gileadita sa Efraim at sa Manases.” 5 Naunahan ng Gilead ang Efraim na masakop ang mga tawiran ng Jordan;+ at kapag tumatakas ang mga lalaki ng Efraim, sasabihin nila, “Patawirin mo ako”; tatanungin naman ng mga lalaki ng Gilead ang bawat tumatawid, “Efraimita ka ba?” Kapag sumagot siya, “Hindi!” 6 sasabihin nila sa kaniya, “Pakisuyong sabihin mo, ‘Shibolet.’” Pero sasabihin niya, “Sibolet,” dahil hindi niya mabigkas nang tama ang salita. At susunggaban nila siya at papatayin sa mga tawiran ng Jordan. Kaya 42,000 Efraimita ang napatay nang panahong iyon.

7 Si Jepte ay naghukom sa Israel nang anim na taon; pagkatapos ay namatay si Jepte na Gileadita at inilibing sa lunsod niya sa Gilead.

8 Si Ibzan mula sa Betlehem ay naghukom sa Israel pagkatapos niya.+ 9 Nagkaroon siya ng 30 anak na lalaki at 30 anak na babae. Pinag-asawa niya ang mga anak niyang babae ng mga lalaki sa labas ng kaniyang angkan, at kumuha siya ng 30 babae mula sa labas ng angkan para maging asawa ng mga anak niyang lalaki. Naghukom siya sa Israel nang pitong taon. 10 At si Ibzan ay namatay at inilibing sa Betlehem.

11 Pagkatapos niya, si Elon na Zebulonita ay naghukom sa Israel; naghukom siya sa Israel nang 10 taon. 12 At si Elon na Zebulonita ay namatay at inilibing sa Aijalon sa lupain ng Zebulon.

13 Pagkatapos niya, si Abdon na anak ni Hilel na Piratonita ay naghukom sa Israel. 14 Nagkaroon siya ng 40 anak na lalaki at 30 apong lalaki na sumasakay sa 70 asno. Naghukom siya sa Israel nang walong taon. 15 At si Abdon na anak ni Hilel na Piratonita ay namatay at inilibing sa Piraton sa lupain ng Efraim sa bundok ng mga Amalekita.+

13 Muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova,+ at ibinigay sila ni Jehova sa kamay ng mga Filisteo+ nang 40 taon.

2 Samantala, may isang lalaki sa Zora+ mula sa pamilya ng mga Danita+ na ang pangalan ay Manoa.+ Ang asawa niya ay baog at walang anak.+ 3 Nang maglaon, nagpakita sa babae ang anghel ni Jehova at sinabi nito: “Ikaw ay baog at walang anak. Pero magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang anak na lalaki.+ 4 Kaya ngayon ay huwag kang iinom ng alak o ng anumang nakalalasing,+ at huwag kang kakain ng anumang bagay na marumi.+ 5 Magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang anak na lalaki, at hindi siya puwedeng putulan ng buhok sa ulo,+ dahil ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos mula sa araw na isilang siya,* at siya ang mangunguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.”+

6 Pagkatapos, nagpunta ang babae sa asawa niya at nagsabi: “Isang lingkod ng tunay na Diyos ang nagpunta sa akin, at ang hitsura niya ay parang anghel ng tunay na Diyos, talagang kamangha-mangha. Hindi ko siya tinanong kung saan siya nanggaling, at hindi rin niya sinabi sa akin ang pangalan niya.+ 7 Pero sinabi niya sa akin, ‘Magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang anak na lalaki. Kaya ngayon ay huwag kang iinom ng alak o ng anumang nakalalasing, at huwag kang kakain ng anumang bagay na marumi, dahil ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos mula sa araw na isilang siya* hanggang sa mamatay siya.’”

8 Nakiusap si Manoa kay Jehova: “Pakisuyo, Jehova, pabalikin mo ang lingkod ng tunay na Diyos na kasusugo mo lang para maturuan niya kami kung ano ang gagawin sa batang ipanganganak.” 9 Pinakinggan ng tunay na Diyos si Manoa, at ang anghel ng tunay na Diyos ay bumalik sa babae habang nakaupo siya sa labas; hindi niya kasama ang asawa niyang si Manoa. 10 Agad na tumakbo ang babae sa asawa niya at sinabi niya rito: “Nagpakita sa akin ang lalaking nagpunta rito noong isang araw.”+

11 Kaya sumama si Manoa sa asawa niya. Pinuntahan niya ang lalaki at sinabi rito: “Ikaw ba ang lalaking nakipag-usap sa asawa ko?” Sumagot ito: “Ako nga.” 12 Pagkatapos ay sinabi ni Manoa: “Magkatotoo nawa ang mga sinabi mo! Ano ang magiging buhay ng bata at ano ang gagawin niya?”+ 13 Kaya sinabi ng anghel ni Jehova kay Manoa: “Dapat iwasan ng asawa mo ang lahat ng bagay na binanggit ko sa kaniya.+ 14 Hindi siya dapat kumain ng anuman mula sa punong ubas, hindi siya dapat uminom ng alak o ng anumang nakalalasing,+ at hindi siya dapat kumain ng anumang bagay na marumi.+ Sundin niya ang lahat ng iniutos ko sa kaniya.”

15 Sinabi ngayon ni Manoa sa anghel ni Jehova: “Pakisuyong huwag ka munang umalis, at maghahanda kami ng isang batang kambing para sa iyo.”+ 16 Pero sinabi ng anghel ni Jehova kay Manoa: “Kahit manatili ako, hindi ko kakainin ang pagkain; pero kung gusto mong mag-alay ng isang handog na sinusunog para kay Jehova, maaari kang maghandog.” Hindi alam ni Manoa na ito ay anghel ni Jehova. 17 Pagkatapos ay sinabi ni Manoa sa anghel ni Jehova: “Ano ang pangalan mo,+ para maparangalan ka namin kapag nagkatotoo ang mga sinabi mo?” 18 Pero sinabi sa kaniya ng anghel ni Jehova: “Huwag mong itanong ang pangalan ko, dahil kamangha-mangha ito.”

19 At kinuha ni Manoa ang batang kambing at ang handog na mga butil at inihandog iyon sa ibabaw ng bato para kay Jehova. At Siya ay may ginagawang kamangha-mangha habang nakatingin si Manoa at ang asawa nito. 20 Habang pumapaitaas sa langit ang apoy mula sa altar, ang anghel ni Jehova ay pumaitaas kasama ng apoy samantalang nakatingin si Manoa at ang asawa niya. Agad silang sumubsob sa lupa. 21 Hindi na muling nagpakita ang anghel ni Jehova kay Manoa at sa asawa niya. Noon lang nalaman ni Manoa na ito ay anghel ni Jehova.+ 22 At sinabi ni Manoa sa asawa niya: “Siguradong mamamatay tayo, dahil ang Diyos ang nakita natin.”+ 23 Pero sinabi sa kaniya ng asawa niya: “Kung gusto tayong patayin ni Jehova, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinusunog+ at ang handog na mga butil mula sa kamay natin, hindi sana niya ipinakita sa atin ang lahat ng bagay na ito, at hindi sana niya sinabi sa atin ang alinman sa mga bagay na ito.”

24 Nang maglaon, nagsilang ang babae ng isang anak na lalaki at pinangalanan niya itong Samson;+ at habang lumalaki ang bata, patuloy siyang pinagpapala ni Jehova. 25 Sa kalaunan, sumakaniya ang espiritu ni Jehova+ sa Mahane-dan,+ sa pagitan ng Zora at Estaol.+

14 At si Samson ay bumaba sa Timnah, at may nakita siya roon na isang babaeng Filisteo.* 2 Pag-uwi niya, sinabi niya sa kaniyang ama at ina: “May napansin akong isang babaeng Filisteo sa Timnah. Kunin ninyo siya para mapangasawa ko.” 3 Pero sinabi sa kaniya ng kaniyang ama at ina: “Wala ka bang mahanap sa mga kamag-anak natin at kababayan?+ Kailangan mo pa bang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?” Pero sinabi ni Samson sa kaniyang ama: “Kunin mo siya para sa akin, dahil siya ang nababagay sa akin.”* 4 Hindi alam ng kaniyang ama at ina na paraan ito ni Jehova, na naghahanap Siya ng pagkakataon para labanan ang mga Filisteo, dahil ang mga Filisteo ang namamahala noon sa Israel.+

5 Kaya si Samson ay bumaba sa Timnah kasama ang kaniyang ama at ina. Nang makarating siya sa mga ubasan ng Timnah, sinalubong siya ng isang leong umuungal! 6 Pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,+ at hinati niya ito sa dalawa, na parang naghahati ng isang batang kambing gamit lang ang kamay. Pero hindi niya sinabi sa kaniyang ama o ina kung ano ang ginawa niya. 7 Pagkatapos ay pinuntahan niya ang babae at kinausap ito, at para kay Samson, ito pa rin ang nababagay sa kaniya.+

8 Di-nagtagal, nang pabalik siya para iuwi ang babae,+ pinuntahan niya ang bangkay ng leon para tingnan ito, at sa loob nito ay napakaraming bubuyog at may pulot-pukyutan. 9 Kaya kinayod niya ng kamay ang pulot-pukyutan at kumain habang naglalakad. Nang makasama niya ulit ang kaniyang ama at ina, binigyan niya sila nito para kainin. Pero hindi niya sinabi sa kanila na kinayod niya ang pulot-pukyutan mula sa bangkay ng leon.

10 Ang kaniyang ama ay nagpunta sa babae, at si Samson ay nagdaos doon ng isang handaan, dahil ganiyan ang ginagawa noon ng mga kabinataan. 11 Nang makita siya ng mga tao, binigyan nila siya ng 30 abay na lalaki para samahan siya. 12 Pagkatapos, sinabi ni Samson sa kanila: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang isang bugtong. Kung sa loob ng pitong araw ng handaan ay malulutas ninyo ito at masasabi ninyo sa akin ang sagot, bibigyan ko kayo ng 30 damit na lino at 30 iba pang magagandang damit. 13 Pero kung hindi ninyo masasabi ang sagot, kayo ang magbibigay sa akin ng 30 damit na lino at 30 iba pang magagandang damit.” Sinabi nila: “Sabihin mo ang bugtong mo; gusto naming marinig.” 14 Kaya sinabi niya sa kanila:

“Mula sa kumakain ay may lumabas na pagkain,

At mula sa malakas, ang matamis ay lumabas.”+

Hindi nila masagot ang bugtong sa loob ng tatlong araw. 15 Sa ikaapat na araw, sinabi nila sa asawa ni Samson: “Linlangin mo ang asawa mo+ para sabihin niya ang sagot sa bugtong. Kung hindi, susunugin ka namin at ang sambahayan ng iyong ama. Inimbitahan ba ninyo kami rito para kunin ang mga pag-aari namin?” 16 Kaya umiyak nang umiyak kay Samson ang asawa niya at nagsabi: “Galit ka sa akin; hindi mo ako mahal.+ Nagbigay ka ng bugtong sa mga kababayan ko, pero hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.” Kaya sinabi niya rito: “Aba, sa sarili ko ngang ama at ina, hindi ko iyon sinasabi! Dapat ko bang sabihin iyon sa iyo?” 17 Pero patuloy itong umiyak sa kaniya hanggang sa ikapitong araw ng handaan. Sa ikapitong araw, sinabi na rin niya ang sagot dahil pinilit siya nito. Pagkatapos ay sinabi ng babae sa mga kababayan niya ang sagot sa bugtong.+ 18 Kaya bago lumubog ang araw* noong ikapitong araw, sinabi sa kaniya ng mga lalaki ng lunsod:

“Ano ang mas matamis kaysa sa pulot-pukyutan,

At ano ang mas malakas kaysa sa leon?”+

Sinabi naman niya sa kanila:

“Kung hindi ninyo ipinang-araro ang aking batang baka,*+

Hindi ninyo malulutas ang bugtong ko.”

19 Pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,+ at bumaba siya sa Askelon+ at nagpabagsak ng 30 lalaki sa kanila. Kinuha niya ang damit nila at ibinigay ang mga ito sa mga nakasagot ng bugtong.+ Galit na galit siyang bumalik sa bahay ng kaniyang ama.

20 Pagkatapos, ang asawa ni Samson+ ay ibinigay sa isa sa mga abay niyang lalaki na nakasama niya.+

15 Nang maglaon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dinalaw ni Samson ang asawa niya at may dala siyang isang batang kambing. Sinabi niya: “Gusto ko sanang puntahan ang asawa ko sa kuwarto.” Pero hindi siya pinapasok ng ama nito. 2 Sinabi ng ama nito: “Naisip kong galit ka sa kaniya.+ Kaya ibinigay ko siya sa abay mong lalaki.+ Hindi ba mas maganda ang nakababata niyang kapatid? Pakisuyo, siya na lang ang kunin mo.” 3 Pero sinabi ni Samson sa kanila: “Ngayon, hindi ako masisisi ng mga Filisteo kapag ginawan ko sila ng masama.”

4 Kaya si Samson ay umalis at humuli ng 300 asong-gubat.* Kumuha siya ng mga sulo, pinagdugtong ang buntot ng bawat pares ng asong-gubat, at naglagay ng isang sulo sa pagitan ng bawat pares ng buntot. 5 Pagkatapos ay sinindihan niya ang mga sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa mga bukid ng mga Filisteo na may nakatanim na mga halamang butil. Sinilaban niya ang lahat ng naroroon, mula sa mga nakabungkos hanggang sa mga hindi pa nagagapas, pati na ang mga ubasan at ang mga taniman ng olibo.

6 Nagtanong ang mga Filisteo: “Sino ang gumawa nito?” Sinabi sa kanila: “Si Samson, ang manugang ng Timnita, dahil kinuha nito ang asawa ni Samson at ibinigay sa abay niyang lalaki.”+ Kaya pinuntahan ng mga Filisteo ang babae at ang ama nito at sinunog sila.+ 7 Pagkatapos ay sinabi ni Samson sa kanila: “Dahil sa ginawa ninyo, hindi ako titigil hangga’t hindi ako nakagaganti sa inyo.”+ 8 At isa-isa niya silang pinabagsak at marami siyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at nanirahan sa isang kuweba* sa malaking batong Etam.

9 Nang maglaon, nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, na lumilibot at sumasalakay sa Lehi.+ 10 Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Juda: “Bakit ninyo kami sinasalakay?” Sumagot sila: “Nagpunta kami para hulihin* si Samson at gawin sa kaniya ang ginawa niya sa amin.” 11 Kaya 3,000 lalaki ng Juda ang pumunta sa kuweba* sa malaking batong Etam at nagsabi kay Samson: “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ang namamahala sa atin?+ Bakit mo ito ginawa sa amin?” Sinabi niya sa kanila: “Kung ano ang ginawa nila sa akin, iyon ang ginawa ko sa kanila.” 12 Pero sinabi nila sa kaniya: “Nandito kami para hulihin* ka at isuko sa mga Filisteo.” Sinabi naman ni Samson sa kanila: “Mangako kayo na hindi ninyo ako sasaktan.” 13 Sinabi nila sa kaniya: “Hindi. Tatalian ka lang namin at isusuko sa kanila, pero hindi ka namin papatayin.”

Kaya tinalian nila siya ng dalawang bagong lubid at inilabas siya mula sa kuweba. 14 Nang makarating siya sa Lehi at makita ng mga Filisteo, naghiyawan sila sa saya. Pagkatapos, pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,+ at ang mga lubid sa mga bisig niya ay naging gaya ng mga sinulid na lino na nasunog sa apoy, at nahulog ang mga ito mula sa mga kamay niya.+ 15 At nakakita siya ng sariwang panga ng lalaking asno; kinuha niya iyon at 1,000 lalaki ang pinabagsak niya gamit iyon.+ 16 Pagkatapos ay sinabi ni Samson:

“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno—isang bunton, dalawang bunton!

Sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay 1,000 lalaki ang pinabagsak ko.”+

17 Pagkatapos niyang magsalita, inihagis niya ang panga at tinawag niyang Ramat-lehi*+ ang lugar na iyon. 18 Pagkatapos, nauhaw siya nang husto, at tumawag siya kay Jehova at nagsabi: “Ikaw ang nagligtas sa iyong lingkod mula sa napakaraming kaaway. Pero ngayon ba ay mamamatay ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga di-tuli?” 19 Kaya biniyak ng Diyos ang isang uka sa lupa na nasa Lehi, at lumabas ang tubig doon.+ Nang uminom siya, bumalik ang lakas niya at sumigla siya ulit. Kaya tinawag niyang En-hakore* ang bukal, at iyon ay nasa Lehi pa rin hanggang ngayon.

20 At naghukom siya sa Israel sa loob ng 20 taon noong panahon ng mga Filisteo.+

16 Minsan, nagpunta si Samson sa Gaza at nakakita roon ng isang babaeng bayaran, at pumasok siya sa bahay nito. 2 May nagsabi sa mga Gazita: “Nandito si Samson.” Kaya pinalibutan nila siya at magdamag na inabangan sa pintuang-daan ng lunsod. Nanatili silang tahimik nang buong gabi. Iniisip nila: “Kapag lumiwanag na, saka namin siya papatayin.”

3 Pero hanggang hatinggabi lang nanatiling nakahiga si Samson. Pagkatapos ay bumangon siya at hinawakan ang mga pinto ng pintuang-daan ng lunsod at ang dalawang posteng panggilid at binaklas ang mga iyon kasama ang trangka. Pinasan niya iyon at dinala sa tuktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.

4 Pagkatapos nito, umibig siya sa isang babaeng nagngangalang Delaila+ na nakatira sa Lambak* ng Sorek. 5 Ang mga pinuno ng mga Filisteo ay pumunta sa kaniya at nagsabi: “Linlangin* mo siya,+ at alamin mo kung ano ang nagbibigay sa kaniya ng pambihirang lakas at kung paano namin siya matatalo, maigagapos, at mabibihag. Bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pirasong pilak.”

6 Kaya sinabi ni Delaila kay Samson: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin kung saan nanggagaling ang iyong pambihirang lakas at kung ano ang puwedeng gamitin para maigapos ka at mabihag.” 7 Sinabi sa kaniya ni Samson: “Kung tatalian nila ako ng pitong panghilagpos ng pana* na hindi pa napatutuyo, magiging kasinghina ako ng pangkaraniwang tao.” 8 Kaya dinalhan siya ng mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong panghilagpos ng pana* na hindi pa napatutuyo, at tinalian niya si Samson ng mga iyon. 9 Samantala, may mga lalaki sa isa pang kuwarto na nakahandang sumalakay. Sumigaw si Delaila: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” At nilagot niya ang mga panghilagpos ng pana, na parang sinulid lang ng lino* na naputol nang madampi sa apoy.+ Hindi nabunyag ang lihim ng lakas niya.

10 At sinabi ni Delaila kay Samson: “Niloko mo ako, nagsinungaling ka sa akin. Sige na, sabihin mo na sa akin kung ano ang maipantatali sa iyo.” 11 Kaya sinabi ni Samson sa kaniya: “Kung tatalian nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging kasinghina ako ng pangkaraniwang tao.” 12 Kaya kumuha si Delaila ng mga bagong lubid at itinali sa kaniya ang mga iyon at sumigaw siya: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” (Samantala, may mga lalaki sa isa pang kuwarto na nakahandang sumalakay.) Kaya nilagot niya ang mga ito sa bisig niya na parang sinulid.+

13 Pagkatapos, sinabi ni Delaila kay Samson: “Niloloko mo pa rin ako at nagsinungaling ka sa akin.+ Sabihin mo sa akin kung ano ang maipantatali sa iyo.” Sinabi ni Samson sa kaniya: “Kung ititirintas mo ang pitong tirintas ng buhok ko na may kasamang sinulid mula sa habihan, manghihina ako.” 14 Kaya hinigpitan ni Delaila ang mga tirintas sa pamamagitan ng patpat* at sumigaw siya: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” Kaya gumising ito at binunot ang patpat at ang sinulid.

15 Sinabi ni Delaila kay Samson: “Paano mo nasasabing ‘Mahal kita’+ kung hindi naman sa akin ang puso mo? Tatlong beses mo na akong niloloko at hindi mo sinasabi sa akin kung saan nanggagaling ang iyong pambihirang lakas.”+ 16 Dahil araw-araw na nangungulit at namimilit si Delaila, hindi na ito natagalan ni Samson.+ 17 Kaya bandang huli, sinabi na rin niya ang lahat: “Hindi pa ako napuputulan ng buhok sa ulo dahil isa akong Nazareo ng Diyos mula nang ipanganak ako.*+ Kung puputulan ako ng buhok, mawawala ang lakas ko at magiging kasinghina ako ng pangkaraniwang tao.”

18 Nang makita ni Delaila na sinabi na ni Samson ang lahat, ipinasabi niya sa mga pinuno ng mga Filisteo:+ “Pumunta kayo rito ngayon, dahil sinabi na niya sa akin ang lahat.” Kaya pinuntahan siya ng mga pinuno ng mga Filisteo dala ang pera. 19 Pinatulog niya si Samson sa kandungan niya; tinawag niya ang isang lalaki at ipinaputol ang pitong tirintas ng buhok nito. Pagkatapos, nasa mga kamay na ni Delaila si Samson, dahil unti-unti nang nawawala ang lakas nito. 20 Ngayon ay sumigaw siya: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” Gumising ito at nagsabi: “Makakawala ako gaya ng dati.”+ Pero hindi niya alam na iniwan na siya ni Jehova. 21 Kaya sinunggaban siya ng mga Filisteo at dinukit ang mga mata niya. Dinala nila siya sa Gaza at iginapos ng dalawang kadenang tanso, at siya ay naging tagagiling ng butil sa bilangguan. 22 Pero ang buhok niya sa ulo ay nagsimulang humaba mula nang putulan ito.+

23 Ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagtipon-tipon para mag-alay ng maraming handog sa diyos nilang si Dagon+ at para magdiwang, dahil sinasabi nila: “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay ang kaaway nating si Samson!” 24 Nang makita siya ng mga tao, pinuri nila ang diyos nila at sinabi: “Ibinigay ng diyos natin sa ating kamay ang ating kaaway, ang sumira ng lupain natin+ at pumatay ng napakarami sa atin.”+

25 Dahil masayang-masaya sila, sinabi nila: “Tawagin si Samson para may mapagkatuwaan tayo.” Kaya tinawag nila si Samson mula sa bilangguan para gawin siyang katatawanan; pinatayo nila siya sa pagitan ng mga haligi. 26 Pagkatapos, sinabi ni Samson sa batang humahawak sa kamay niya: “Pahawakin mo ako sa mga haligi na sumusuporta sa bahay para makasandig ako sa mga iyon.” 27 (Ang bahay noon ay punô ng mga lalaki at babae. Ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo ay naroon, at sa bubungan ay may mga 3,000 lalaki at babae na nanonood habang ginagawang katuwaan si Samson.)

28 Tumawag ngayon si Samson+ kay Jehova: “Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, alalahanin mo ako, at palakasin mo ako,+ pakisuyo, kahit ngayon lang, O aking Diyos, at hayaan mong maipaghiganti ko sa mga Filisteo ang isa sa mga mata ko.”+

29 At itinukod ni Samson ang kanan at kaliwang kamay niya sa dalawang panggitnang haligi na sumusuporta sa bahay. 30 Sumigaw si Samson: “Hayaan mo akong* mamatay kasama ng mga Filisteo!” Pagkatapos, itinulak niya ang mga haligi nang buong lakas, at bumagsak ang bahay sa mga pinuno at sa lahat ng naroon.+ Kaya mas marami siyang napatay nang mamatay siya kaysa noong nabubuhay siya.+

31 Nagpunta roon ang mga kapatid niya at ang buong pamilya ng kaniyang ama para kunin siya. Inilibing nila siya sa pagitan ng Zora+ at Estaol sa libingan ng ama niyang si Manoa.+ Naging hukom siya ng Israel sa loob ng 20 taon.+

17 May isang lalaki sa mabundok na rehiyon ng Efraim+ na ang pangalan ay Mikas. 2 Sinabi niya sa kaniyang ina: “Narinig kong isinumpa mo ang nagnakaw ng iyong 1,100 pirasong pilak. Nasa akin ang pilak. Ako ang kumuha.” Kaya sinabi ng kaniyang ina: “Pagpalain nawa ni Jehova ang anak ko.” 3 Isinauli niya ang 1,100 pirasong pilak sa kaniyang ina, pero sinabi ng kaniyang ina: “Ihahandog* ko ang pilak kay Jehova para magamit ng anak ko sa pagpapagawa ng inukit na imahen at isang metal na estatuwa.+ Magiging sa iyo ang pilak.”

4 Pagkatapos niyang ibalik ang pilak sa kaniyang ina, kumuha ang kaniyang ina ng 200 pirasong pilak at ibinigay iyon sa panday-pilak. Gumawa ito ng isang inukit na imahen at isang metal na estatuwa; at inilagay ang mga iyon sa bahay ni Mikas. 5 Ang lalaking ito na si Mikas ay may isang bahay na may mga diyos; gumawa siya ng isang epod*+ at mga rebultong terapim*+ at inatasan niya ang* isa sa mga anak niya na maglingkod bilang saserdote para sa kaniya.+ 6 Noong panahong iyon, walang hari sa Israel.+ Ginagawa ng bawat isa kung ano ang inaakala niyang tama.+

7 May isang kabataang lalaki sa Betlehem+ ng Juda at siya ay isang Levita.+ Nanirahan siya nang sandaling panahon sa pamilya ng Juda. 8 Umalis ang lalaki sa lunsod ng Betlehem ng Juda para humanap ng matitirhan. Sa paglalakbay niya, nakarating siya sa mabundok na rehiyon ng Efraim, sa bahay ni Mikas.+ 9 Sinabi ni Mikas sa kaniya: “Tagasaan ka?” Sumagot ito: “Isa akong Levita mula sa Betlehem ng Juda, at naghahanap ako ng matitirhan.” 10 Kaya sinabi ni Mikas sa kaniya: “Dito ka na tumira at gagawin kitang tagapayo* ko at saserdote. Bibigyan kita ng 10 pirasong pilak taon-taon at ng mga damit at pagkain.” Kaya pumasok ang Levita sa bahay. 11 Sa gayon, pumayag ang Levita na manirahang kasama niya, at ang kabataang lalaki ay parang naging anak na niya. 12 At inatasan ni Mikas ang* Levita para maglingkod sa kaniya bilang saserdote,+ at tumira ito sa bahay ni Mikas. 13 Pagkatapos ay sinabi ni Mikas: “Ngayon, alam kong magiging mabuti sa akin si Jehova, dahil ang Levita ay naging saserdote ko.”

18 Walang hari noon sa Israel.+ At naghahanap noon ang tribo ng mga Danita+ ng lupaing matitirhan nila bilang mana, dahil hanggang sa araw na iyon, kumpara sa ibang tribo ng Israel, hindi pa nila lubusang natatanggap ang mana nila.+

2 Nagsugo ang mga Danita mula sa kanilang tribo ng limang lalaki, may-kakayahang mga lalaki mula sa Zora at Estaol,+ para mag-espiya sa lupain at galugarin iyon. Sinabi nila sa mga lalaki: “Galugarin ninyo ang lupain.” Pagdating nila sa mabundok na rehiyon ng Efraim, sa bahay ni Mikas,+ nagpalipas sila roon ng gabi. 3 Habang naroon sila malapit sa bahay ni Mikas, nakilala nila ang boses* ng kabataang lalaki na Levita, kaya pinuntahan nila siya at tinanong: “Sino ang nagdala sa iyo rito? Ano ang ginagawa mo sa lugar na ito? Bakit nandito ka?” 4 Ikinuwento niya sa kanila ang mga ginawa ni Mikas para sa kaniya. Sinabi pa niya: “Inupahan niya ako para maglingkod bilang saserdote niya.”+ 5 Pagkatapos ay sinabi nila sa kaniya: “Pakisuyo, itanong mo sa Diyos kung magiging matagumpay ang paglalakbay namin.” 6 Sinabi sa kanila ng saserdote: “Lumakad kayong payapa. Sumasainyo si Jehova sa paglalakbay ninyo.”

7 Kaya nagpatuloy sa paglalakbay ang limang lalaki at nakarating sa Lais.+ Nakita nila na ang mga tao roon ay namumuhay nang hindi umaasa sa iba, gaya rin ng mga Sidonio. Tahimik at panatag sila,+ at walang malupit na mananakop sa lupain na lumiligalig sa kanila. Malayo sila sa mga Sidonio, at wala silang pakikipag-ugnayan sa iba.

8 Pagbalik nila sa kanilang mga kapatid sa Zora at Estaol,+ sinabi ng mga ito sa kanila: “Kumusta?” 9 Sumagot sila: “Napakaganda ng lupain, kaya salakayin natin sila. Bakit kayo nag-aatubili? Lumusob na tayo para sakupin ang lupain. 10 Pagdating ninyo roon, makikita ninyo ang isang bayang panatag,+ at maluwang ang lupain. Ibinigay na iyon ng Diyos sa inyong kamay, isang lupaing sagana sa lahat ng bagay.”+

11 Pagkatapos, 600 mandirigma mula sa tribo ng mga Danita ang umalis sa Zora at Estaol.+ 12 Naglakbay sila at nagkampo malapit sa Kiriat-jearim+ sa Juda. Kaya ang lugar na iyon na nasa kanluran ng Kiriat-jearim ay tinatawag na Mahane-dan*+ hanggang sa araw na ito. 13 Mula roon ay nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa mabundok na rehiyon ng Efraim, at nakarating sila sa bahay ni Mikas.+

14 Pagkatapos, ang limang lalaking nag-espiya sa lupain ng Lais+ ay nagsabi sa kanilang mga kapatid: “Alam ba ninyo na sa mga bahay na ito ay may isang epod,* mga rebultong terapim,* isang inukit na imahen, at isang metal na estatuwa?+ Bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin.” 15 Kaya pumunta sila sa bahay ng kabataang Levita+ sa bahay ni Mikas at kinumusta ito. 16 Samantala, ang 600 mandirigma ng Dan+ ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-daan. 17 Ang limang lalaki na nag-espiya sa lupain+ ay pumasok para kunin ang inukit na imahen, ang epod,+ ang mga rebultong terapim,*+ at ang metal na imahen.+ (Nakatayo ang saserdote+ sa pasukan ng pintuang-daan kasama ang 600 mandirigma.) 18 Pumasok sila sa bahay ni Mikas at kinuha ang inukit na imahen, ang epod, ang mga rebultong terapim,* at ang metal na imahen. Sinabi sa kanila ng saserdote: “Ano ang ginagawa ninyo?” 19 Pero sinabi nila sa kaniya: “Tumahimik ka. Huwag ka nang magsalita,* at sumama ka sa amin. Gagawin ka naming tagapayo* at saserdote. Ano ba ang mas maganda—ang maging saserdote para sa sambahayan ng iisang tao+ o ang maging saserdote ng isang tribo at angkan sa Israel?”+ 20 Kaya natuwa ang saserdote, at kinuha niya ang epod, ang mga rebultong terapim,* at ang inukit na imahen,+ at sumama siya sa kanila.

21 At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Inilagay nila sa unahan ang mga bata, mga alagang hayop, at mahahalagang bagay. 22 Nang malayo-layo na ang mga Danita mula sa bahay ni Mikas, nagsama-sama ang mga lalaking nakatira malapit sa bahay ni Mikas at hinabol sila ng mga ito hanggang sa maabutan sila. 23 Nang sumigaw ang mga ito sa mga Danita, humarap sila at sinabi kay Mikas: “Ano ang problema? Bakit nagsama-sama kayo?” 24 Kaya sinabi niya: “Kinuha ninyo ang mga diyos na ginawa ko, at isinama pa ninyo ang saserdote. Wala kayong itinira sa akin. Pagkatapos, tatanungin ninyo ako, ‘Ano ang problema mo?’” 25 Sumagot ang mga Danita: “Huwag mo kaming sigawan kung ayaw mong salakayin kayo ng mga galit na lalaki at mamatay ka at ang sambahayan mo.” 26 At nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Danita; nakita ni Mikas na mas malakas sila kaysa sa kaniya, kaya bumalik siya pauwi.

27 Matapos nilang kunin ang ginawa ni Mikas, pati na ang saserdote niya, nagpunta sila sa Lais,+ kung saan ang mga tao ay tahimik at panatag.+ Pinabagsak nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at sinunog ang lunsod. 28 Walang nakapagligtas dito, dahil malayo ito sa Sidon, at walang pakikipag-ugnayan sa iba ang mga tagarito, at iyon ay nasa lambak* na pag-aari ng Bet-rehob.+ Pagkatapos ay muli nilang itinayo ang lunsod at nanirahan sila roon. 29 At tinawag nilang Dan+ ang lunsod ayon sa pangalan ng kanilang amang si Dan, na anak ni Israel.+ Pero Lais ang dating pangalan ng lunsod.+ 30 Pagkatapos ay inilagay roon ng mga Danita ang inukit na imahen,+ at si Jonatan,+ na anak ni Gersom+ na anak ni Moises, at ang kaniyang mga anak ay naging mga saserdote ng tribo ng mga Danita hanggang sa araw na ipatapon ang mga tagaroon. 31 Inilagay nila roon ang inukit na imahen na ginawa ni Mikas, at nanatili iyon doon sa buong panahon na ang bahay ng tunay na Diyos ay nasa Shilo.+

19 Noong panahong iyon na walang hari sa Israel,+ isang Levita na naninirahan sa liblib na bahagi ng mabundok na rehiyon ng Efraim+ ang kumuha ng asawa* mula sa Betlehem+ ng Juda. 2 Pero pinagtaksilan siya ng asawa niya, at iniwan siya nito at umuwi sa bahay ng ama nito sa Betlehem ng Juda. Nanatili ito roon nang apat na buwan. 3 Pagkatapos, sinundan niya ang asawa niya para kumbinsihin itong bumalik; kasama ng lalaki ang kaniyang lalaking tagapaglingkod at dalawang asno. Kaya pinatuloy siya ng babae sa bahay ng ama nito. Nang makita siya ng ama ng babae, masaya siyang tinanggap nito. 4 At kinumbinsi siya ng kaniyang biyenan, ang ama ng babae, na manatili sa bahay nito nang tatlong araw; at kumakain sila at umiinom, at doon siya nagpapalipas ng gabi.

5 Noong ikaapat na araw, nang maaga silang gumising para umalis, sinabi ng ama ng babae sa manugang niya: “Kumain ka para magkaroon ka ng lakas,* at pagkatapos ay makaaalis na kayo.” 6 Kaya umupo sila at magkasamang kumain at uminom; pagkatapos, sinabi ng ama ng babae sa lalaki: “Pakisuyo, dito ka na magpalipas ng gabi at magsaya ka.”* 7 Nang tumayo ang lalaki para umalis, patuloy siyang pinakiusapan ng kaniyang biyenan, kaya doon siya muling nagpalipas ng gabi.

8 Nang maaga siyang gumising noong ikalimang araw para umalis, sinabi ng ama ng babae: “Pakisuyo, kumain ka para magkaroon ka ng lakas.”* At silang dalawa ay patuloy na kumain, at inabot na sila ng hapon. 9 Nang tumayo ang lalaki para umalis kasama ang kaniyang asawa at ang kaniyang tagapaglingkod, sinabi sa kaniya ng biyenan niya, ang ama ng babae: “Tingnan mo! Pagabi na. Pakisuyo, dito na kayo magpalipas ng gabi. Matatapos na ang araw. Dito ka na magpalipas ng gabi at magsaya ka. Bukas, puwede kayong gumising nang maaga at maglakbay pauwi sa bahay* mo.” 10 Pero ayaw na ng lalaki na magpalipas pa ng gabi roon, kaya tumayo siya at naglakbay hanggang sa Jebus, na siyang Jerusalem.+ Kasama niya ang dalawang asno na may síya,* ang kaniyang asawa, at ang kaniyang tagapaglingkod.

11 Nang malapit na sila sa Jebus, medyo dumidilim na. Kaya sinabi ng tagapaglingkod sa panginoon niya: “Puwede ba tayong tumigil dito sa lunsod ng mga Jebusita at magpalipas dito ng gabi?” 12 Pero sinabi sa kaniya ng panginoon niya: “Huwag tayong tumigil sa lunsod ng mga banyaga na hindi mga Israelita. Magpatuloy tayo hanggang sa Gibeah.”+ 13 Sinabi pa niya sa tagapaglingkod niya: “Tara, sikapin nating makarating sa Gibeah o sa Rama;+ magpalipas tayo ng gabi sa isa sa mga lugar na iyon.” 14 Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay, at palubog na ang araw nang malapit na sila sa Gibeah, na teritoryo ng Benjamin.

15 Tumigil sila sa Gibeah para doon magpalipas ng gabi. Umupo sila sa liwasan* ng lunsod pero walang nag-alok na patuluyin sila sa bahay para doon magpalipas ng gabi.+ 16 Pagkatapos, nang gabi ring iyon, isang matandang lalaki ang dumating galing sa pagtatrabaho sa bukid. Mula siya sa mabundok na rehiyon ng Efraim+ at pansamantalang naninirahan sa Gibeah; pero ang mga nakatira sa lunsod na iyon ay mga Benjaminita.+ 17 Nang makita ng matandang lalaki ang manlalakbay sa liwasan ng lunsod, sinabi niya: “Saan ka papunta, at saan ka galing?” 18 Sumagot ito: “Galing kami sa Betlehem ng Juda at pauwi kami sa isang liblib na lugar sa mabundok na rehiyon ng Efraim. Nagpunta ako sa Betlehem ng Juda,+ at papunta ako ngayon sa bahay ni Jehova,* pero walang nagpapatuloy sa akin. 19 May sapat kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin,+ at tinapay+ at alak para sa akin, sa asawa ko, at sa tagapaglingkod ko. Walang anumang kulang.” 20 Pero sinabi ng matandang lalaki: “Sumaiyo nawa ang kapayapaan! Ako na ang bahala sa mga kailangan mo. Huwag ka lang magpalipas ng gabi sa liwasan.” 21 At dinala niya ito sa bahay niya at binigyan ng pagkain ang mga asno. Pagkatapos, naghugas sila ng paa at kumain at uminom.

22 Habang masaya silang magkakasama, pinalibutan ng walang-kuwentang mga lalaki ng lunsod ang bahay; kinakalampag ng mga ito ang pinto at paulit-ulit na sinasabi sa matandang lalaki na may-ari ng bahay: “Ilabas mo ang lalaki na pumasok sa bahay mo, at makikipagtalik kami sa kaniya.”+ 23 Kaya lumabas ang may-ari ng bahay at sinabi sa kanila: “Huwag, mga kapatid ko, pakisuyo, huwag kayong gumawa ng masama. Bisita ko ang lalaking ito. Huwag ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay na iyan. 24 Narito ang anak kong dalaga* at ang asawa ng lalaking ito. Ilalabas ko sila; pagsamantalahan ninyo sila kung iyon ang gusto ninyo.+ Pero huwag ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay na iyan sa lalaking ito.”

25 Pero ayaw siyang pakinggan ng mga lalaki, kaya kinuha ng lalaki ang asawa niya+ at inilabas ito sa kanila. Ginahasa nila ito at inabuso nang buong magdamag hanggang kinaumagahan. Pagkatapos, pinaalis na nila ito nang magbukang-liwayway. 26 Nang mag-uumaga na, dumating ang babae at bumagsak sa pasukan ng bahay ng matandang lalaki na kinaroroonan ng asawa* niya; nakahandusay siya roon hanggang sa magliwanag na. 27 Nang bumangon kinaumagahan ang asawa* ng babae at buksan ang mga pinto ng bahay para magpatuloy sa paglalakbay, nakita niya ang babae, ang asawa niya, na nakahandusay sa pasukan ng bahay at ang mga kamay nito ay nasa may pintuan. 28 Kaya sinabi niya rito: “Tumayo ka; umalis na tayo.” Pero hindi ito sumasagot. Kaya isinakay ito ng lalaki sa asno at nagsimulang maglakbay pauwi.

29 Nang makarating ang lalaki sa bahay niya, kumuha siya ng kutsilyong pangkatay at pinagputol-putol ang katawan ng asawa niya sa 12 piraso at ipinadala ang bawat piraso sa bawat tribo ng Israel. 30 Lahat ng nakakita nito ay nagsabi: “Wala pang nangyari o nakitang tulad nito mula nang araw na lumabas ang mga Israelita sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito. Pag-isipan ninyo ang bagay na ito,* pag-usapan ninyo ito, at sabihin ninyo sa amin kung ano ang gagawin.”+

20 Kaya ang lahat ng Israelita mula sa Dan+ hanggang sa Beer-sheba at mula sa lupain ng Gilead+ ay lumabas at nagkakaisang* nagtipon sa harap ni Jehova sa Mizpa.+ 2 At ang mga pinuno ng bayan at ng lahat ng tribo ng Israel ay sumama sa kongregasyon ng bayan ng Diyos—400,000 sundalo na may espada.+

3 Nabalitaan ng mga Benjaminita na ang mga lalaki ng Israel ay nagpunta sa Mizpa.

Sinabi ng mga lalaki ng Israel: “Sabihin ninyo, paano nangyari ang karumal-dumal na bagay na ito?”+ 4 Sumagot ang lalaking Levita,+ ang asawa ng babaeng pinatay: “Nagpunta ako sa Gibeah+ ng Benjamin kasama ang asawa* ko para doon magpalipas ng gabi. 5 At sumugod ang mga taga-Gibeah* noong gabi at pinalibutan nila ang bahay. Ang gusto talaga nila ay patayin ako, pero ginahasa nila ang asawa ko at namatay siya.+ 6 Kaya kinuha ko ang katawan ng asawa ko at pinagputol-putol ito at ipinadala ang mga piraso nito sa buong lupain ng Israel,+ dahil gumawa sila ng isang karumal-dumal at kahiya-hiyang bagay sa Israel. 7 Ngayon, kayong lahat na mga Israelita, sabihin ninyo kung ano ang dapat gawin sa bagay na ito.”+

8 Pagkatapos, ang buong bayan ay sama-samang* tumayo at nagsabi: “Walang sinuman sa amin ang pupunta sa kaniyang tolda o babalik sa kaniyang bahay. 9 Ito ang gagawin natin ngayon sa Gibeah: Makikipagdigma tayo laban doon sa pamamagitan ng palabunutan.+ 10 Kukuha tayo ng 10 lalaki sa bawat 100 sa lahat ng tribo ng Israel, at 100 sa bawat 1,000 at 1,000 sa bawat 10,000. Kukuha sila ng mga kakailanganin ng hukbo para masalakay ng mga ito ang Gibeah ng Benjamin, dahil sa kahiya-hiyang bagay na ginawa ng mga Benjaminita sa Israel.” 11 Kaya ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipon laban sa lunsod, nagkakaisa* bilang magkakaalyado.

12 Pagkatapos, ang mga tribo ng Israel ay nagsugo ng mga lalaki sa buong tribo ng Benjamin para sabihin: “Ano itong karumal-dumal na bagay na ginawa ninyo? 13 Ibigay ninyo sa amin ngayon ang walang-kuwentang mga lalaki mula sa Gibeah,+ at papatayin namin sila para mawala ang kasamaan sa Israel.”+ Pero ayaw makinig ng mga Benjaminita sa mga kapatid nilang Israelita.

14 Pagkatapos, umalis sa mga lunsod ang mga Benjaminita at nagtipon-tipon sa Gibeah para makipagdigma sa mga lalaki ng Israel. 15 Nang araw na iyon, ang mga Benjaminita ay nakapagtipon mula sa mga lunsod nila ng 26,000 lalaking may espada, bukod pa sa 700 piling lalaki ng Gibeah. 16 Kasama sa hukbong ito ang 700 piling lalaki na kaliwete. Ang bawat isa sa mga ito ay asintado sa pagpapahilagpos ng bato at hindi nagmimintis kahit gabuhok.

17 Ang mga lalaki ng Israel, hindi kasali ang Benjamin, ay nakapagtipon ng 400,000 lalaking may espada,+ at ang bawat isa sa kanila ay makaranasan sa pakikipagdigma. 18 Nagpunta sila sa Bethel para sumangguni sa Diyos.+ Pagkatapos, sinabi ng mga Israelita: “Sino sa amin ang dapat manguna sa pakikipaglaban sa mga Benjaminita?” Sumagot si Jehova: “Ang Juda ang mangunguna.”

19 Kinaumagahan, nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibeah para makipaglaban dito.

20 Ang mga lalaki ng Israel ngayon ay lumabas at humanay sa mga puwesto nila para makipaglaban sa mga Benjaminita sa Gibeah. 21 Kaya lumabas ang mga Benjaminita mula sa Gibeah at pinabagsak ang 22,000 lalaki ng Israel nang araw na iyon. 22 Pero ang hukbo ng Israel ay nagpakalakas-loob, at kinabukasan, muli silang humanay sa lugar na pinuwestuhan nila noong unang araw na makipaglaban sila. 23 Gayundin, ang mga Israelita ay pumunta sa Bethel at umiyak sa harap ni Jehova hanggang gabi. Nagtanong sila kay Jehova: “Makikipaglaban ba kami ulit sa mga kapatid namin, sa mga Benjaminita?”+ Sumagot si Jehova: “Lumaban kayo sa kanila.”

24 Kaya lumusob ang mga Israelita sa mga Benjaminita nang ikalawang araw. 25 Sinalubong naman sila ng Benjamin mula sa Gibeah nang araw na iyon at nakapatay pa ng 18,000 Israelita,+ na lahat ay may espada. 26 Kaya ang lahat ng lalaki ng Israel ay pumunta sa Bethel. Umiyak sila at umupo roon sa harap ni Jehova,+ at nag-ayuno*+ sila nang araw na iyon hanggang gabi at nag-alay ng mga handog na sinusunog+ at mga handog na pansalo-salo+ sa harap ni Jehova. 27 Pagkatapos, sumangguni kay Jehova ang mga lalaki ng Israel,+ dahil naroon ang kaban ng tipan ng tunay na Diyos nang mga panahong iyon. 28 Si Pinehas+ na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, ay naglilingkod* sa harap ng Kaban nang mga panahong iyon. Itinanong nila: “Makikipaglaban ba kami ulit sa mga lalaki ng Benjamin na mga kapatid namin, o titigil na kami?”+ Sumagot si Jehova: “Lumaban kayo, dahil bukas ay ibibigay ko sila sa kamay ninyo.” 29 Pagkatapos, nagpuwesto ang Israel sa palibot ng Gibeah ng mga lalaking sasalakay rito.+

30 Noong ikatlong araw, nagpunta ang mga Israelita sa Gibeah at humanay para makipagdigma sa mga Benjaminita, gaya ng dati.+ 31 Nang lumabas ang mga Benjaminita para salubungin ang hukbo, napalayo ang mga Benjaminita sa lunsod.+ Pagkatapos, gaya ng dati, napatay nila ang ilan sa mga lalaki sa mga lansangang-bayan, ang isa ay paakyat sa Bethel at ang isa ay sa Gibeah. Kaya mga 30 lalaki ng Israel ang napatay sa parang.+ 32 Kaya sinabi ng mga Benjaminita: “Natatalo natin sila gaya ng dati.”+ Pero sinabi ng mga Israelita: “Uurong tayo at ilalayo natin sila sa lunsod papunta sa mga lansangang-bayan.” 33 Pagkatapos, ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipon-tipon sa Baal-tamar at humanay para makipagdigma. Samantala, ang mga Israelita namang nakaabang malapit sa Gibeah ay lumabas para sumalakay. 34 Kaya 10,000 piling lalaki mula sa buong Israel ang sumalakay sa Gibeah, at matindi ang naging labanan. Pero hindi alam ng mga Benjaminita na may naghihintay sa kanilang kapahamakan.

35 Tinalo ni Jehova ang Benjamin+ sa harap ng Israel, at nang araw na iyon ay pinabagsak ng mga Israelita ang 25,100 lalaki ng Benjamin, na lahat ay may espada.+

36 Inakala ng mga Benjaminita na matatalo ang mga lalaki ng Israel dahil umurong ang mga ito mula sa Benjamin,+ pero umurong ang mga lalaki ng Israel dahil may tiwala ang mga ito sa mga lalaking nakaabang sa palibot ng Gibeah at handang sumalakay.+ 37 Mabilis na sumalakay sa Gibeah ang mga lalaking nakaabang. Pagkatapos, kumalat sila sa buong lunsod at pinatay ang lahat ng naroon.

38 Ngayon, ang mga lalaki ng Israel ay may usapan na kapag nasalakay na ng mga lalaking nakaabang ang lunsod, magpapausok ang mga ito roon bilang hudyat.

39 Nang umurong ang mga Israelita sa pakikipaglaban, sumalakay ang mga lalaki ng Benjamin at nakapatay ng mga 30 lalaki ng Israel,+ at sinabi nila: “Natatalo na naman natin sila, gaya ng dati.”+ 40 Pero ang makapal na usok na nagsisilbing hudyat ay nagsimulang pumaitaas mula sa lunsod. Paglingon ng mga lalaki ng Benjamin, nakita nila ang usok na nanggagaling sa buong lunsod. 41 Hinarap sila ngayon ng mga lalaki ng Israel, at nanghina ang mga lalaki ng Benjamin nang makita nilang dumating na sa kanila ang kapahamakan. 42 Kaya umurong sila sa mga lalaki ng Israel at tumakas papunta sa ilang, pero hinabol sila ng mga lalaki ng Israel; tumulong din ang mga lalaking nagmula sa mga lunsod para pabagsakin sila. 43 Pinalibutan nila ang mga Benjaminita at hindi nilubayan ang pagtugis sa mga ito. Pinabagsak nila ang mga ito sa tapat mismo ng Gibeah sa gawing silangan. 44 Kaya 18,000 lalaki ng Benjamin ang namatay; lahat ng ito ay malalakas na mandirigma.+

45 Ang iba sa mga Benjaminita ay tumakas papunta sa ilang hanggang sa bundok ng Rimon.+ At 5,000 sa mga ito ang napatay ng mga Israelita sa mga lansangang-bayan, at patuloy nilang tinugis ang mga ito hanggang sa Gidom; kaya 2,000 lalaki pa ang napatay nila. 46 Ang lahat ng namatay sa Benjamin nang araw na iyon ay umabot nang 25,000 lalaking may espada;+ ang lahat ng ito ay malalakas na mandirigma. 47 Pero 600 ang tumakas papunta sa ilang hanggang sa bundok ng Rimon, at nanatili sila sa bundok ng Rimon nang apat na buwan.

48 At ang mga lalaki ng Israel ay bumalik sa Benjamin. Pinatay nila sa pamamagitan ng espada ang mga nasa lunsod, mula sa mga tao hanggang sa mga alagang hayop, ang lahat ng natira. Sinunog din nila ang lahat ng lunsod na dinaanan nila.

21 Ang mga lalaki ng Israel ay sumumpa ng ganito sa Mizpa:+ “Walang isa man sa atin ang magbibigay ng anak niyang babae para mapangasawa ng isang Benjaminita.”+ 2 Pagkatapos, ang bayan ay pumunta sa Bethel+ at umupo roon sa harap ng tunay na Diyos hanggang gabi, at umiiyak sila nang malakas. 3 Sinasabi nila: “O Jehova na Diyos ng Israel, bakit nangyari ito sa Israel? Bakit isang tribo ang mawawala ngayon sa Israel?” 4 At kinabukasan, gumising nang maaga ang bayan at nagtayo roon ng altar para maghain ng mga handog na sinusunog at mga handog na pansalo-salo.+

5 Pagkatapos, sinabi ng mga Israelita: “Sino sa mga tribo ng Israel ang hindi nakipagtipon para humarap kay Jehova?” dahil isinumpa nila na sinumang hindi humarap kay Jehova sa Mizpa ay papatayin. 6 At ang mga Israelita ay nalungkot sa nangyari sa Benjamin na kapatid nila. Sinabi nila: “Ngayon, ang Israel ay nabawasan ng isang tribo. 7 Paano natin mabibigyan ng mga asawang babae ang mga natira, gayong sumumpa tayo sa ngalan ni Jehova+ na hindi natin ibibigay ang sinuman sa mga anak nating babae para mapangasawa nila?”+

8 Itinanong nila: “Sino sa mga tribo ng Israel ang hindi humarap kay Jehova sa Mizpa?”+ At nalaman nilang walang sinuman mula sa Jabes-gilead ang nagpunta sa kampo kung saan nagtipon ang kapulungan. 9 Dahil nang bilangin nila ang mga Israelita, walang isa man mula sa Jabes-gilead ang naroon. 10 Kaya isinugo ng kapulungan ang 12,000 sa pinakamahuhusay na mandirigma. Inutusan nila ang mga ito: “Pumunta kayo sa Jabes-gilead at patayin ninyo ang mga nakatira doon, kahit ang mga babae at maliliit na bata.+ 11 Ito ang gagawin ninyo: Papatayin ninyo ang bawat lalaki, pati na ang bawat babae na nakipagtalik na sa lalaki.” 12 Nakakita sila sa Jabes-gilead ng 400 babaeng birhen, na hindi pa nakipagtalik sa lalaki. Kaya dinala nila ang mga ito sa kampo sa Shilo,+ na nasa lupain ng Canaan.

13 Pagkatapos, ang buong kapulungan ay nagpadala ng mensahe sa mga Benjaminita na nasa bundok ng Rimon+ at nag-alok sa mga ito ng kapayapaan. 14 Kaya bumalik ang Benjamin nang pagkakataong iyon. Ibinigay nila sa mga ito ang mga babaeng pinanatili nilang buháy sa Jabes-gilead,+ pero kulang pa ang mga babae para sa mga ito. 15 At nalungkot ang bayan sa nangyari sa Benjamin+ dahil gumawa si Jehova ng agwat sa pagitan ng mga tribo ng Israel. 16 Sinabi ng matatandang lalaki ng kapulungan: “Ano ang gagawin natin para mabigyan ng asawang babae ang natitirang mga lalaki? Nalipol na ang lahat ng babae sa Benjamin.” 17 Sumagot sila: “Dapat na manatili sa mga nakaligtas sa Benjamin ang mana nila, para walang tribong maglaho sa Israel. 18 Pero hindi natin puwedeng ibigay ang mga anak nating babae para mapangasawa nila, dahil sumumpa ang bayang Israel: ‘Sumpain ang magbibigay ng asawa sa Benjamin.’”+

19 Pagkatapos, sinabi nila: “Teka, taon-taon ay may kapistahan para kay Jehova sa Shilo,+ na nasa hilaga ng Bethel at silangan ng lansangang-bayan na paahon mula sa Bethel papuntang Sikem at nasa timog ng Lebona.” 20 Kaya inutusan nila ang mga lalaki ng Benjamin: “Pumunta kayo sa mga ubasan at magtago roon. 21 At kapag nakita ninyong lumabas ang mga babae* ng Shilo at sumali sa paikot na mga sayaw, lumabas kayo mula sa mga ubasan at tumangay ng isang mapapangasawa mula sa mga babae ng Shilo, at bumalik kayo sa lupain ng Benjamin. 22 At kapag ang kanilang mga ama o kapatid na lalaki ay magharap ng reklamo laban sa amin, sasabihin namin sa kanila, ‘Maging mabait kayo sa kanila alang-alang sa amin, dahil hindi kami makapagbibigay sa kanila ng asawang babae sa pamamagitan ng digmaan,+ at hindi naman kayo makapagbibigay sa kanila ng mapapangasawa nang hindi nagkakasala.’”+

23 Kaya ganoon ang ginawa ng mga lalaki ng Benjamin. Bawat isa sa kanila ay tumangay ng mapapangasawa mula sa mga babaeng nagsasayaw. Pagkatapos, bumalik sila sa kanilang mana at muling itinayo ang kanilang mga lunsod+ at tumira doon.

24 At ang mga Israelita naman ay naghiwa-hiwalay na, ang bawat isa papunta sa kani-kaniyang tribo at pamilya, at umalis sila roon, ang bawat isa papunta sa kani-kaniyang mana.

25 Noong panahong iyon, walang hari sa Israel.+ Ginagawa ng bawat isa kung ano ang inaakala niyang tama.

O “Ibinigay.”

Lit., “nakuha ko sa palabunutan.”

Si Caleb.

O posibleng “ipinalakpak niya ang mga kamay niya habang nakasakay sa asno.”

O “Negeb,” isang tuyot na lupain.

Posibleng nangangahulugang “Mga Bukal ng Tubig.”

Ibig sabihin, “Pagtatalaga sa Pagkapuksa.”

O “mababang kapatagan.”

O “karong.”

Lit., “karwaheng bakal.”

Lit., “at magpapakita kami sa iyo ng tapat na pag-ibig.”

O “ang mga nayong nakadepende rito.”

O “mababang kapatagan.”

Lit., “nang bumigat ang kamay ng.”

O “isinumpa.”

Ibig sabihin, “Mga Umiiyak.”

Lit., “natipon sa mga ama nila.” Makatang pananalita para sa kamatayan.

O “sumamba.”

Lit., “Ipinagbili.”

O “at nagsagawa sila ng prostitusyon.”

O “pasukan ng Hamat.”

Tingnan sa Glosari.

Lit., “ipinagbili.”

Lit., “Aram-naharaim.”

Lit., “Aram.”

Tingnan sa Glosari.

Malamang na maiksing siko na mga 38 cm (15 in). Tingnan ang Ap. B14.

O posibleng “sa tibagan ng bato.”

O “upuan.”

O posibleng “daanan ng hangin.”

Lit., “Baka tinatakpan niya ang paa niya.”

Lit., “lupa.”

O posibleng “sa tibagan ng bato.”

Lit., “ipinagbili.”

O “Haroset ng mga bansa; Haroset-ha-goiim.”

Lit., “siya.”

Lit., “karwaheng bakal.”

Lit., “ng puno ng palma ni Debora.”

O “Magpuwesto ka ng mga tauhan.”

O “wadi.”

Lit., “karwaheng bakal.”

O “Haroset ng mga bansa.”

O “wadi.”

O “Haroset ng mga bansa.”

O “sisidlang balat.”

Posibleng tanda ng panata o pag-aalay ng sarili sa Diyos.

O “Aawit ako at tutugtog para kay.”

O posibleng “nayanig.”

O “karpet.”

O posibleng “lugar kung saan pinaiinom ang kawan.”

O “mababang kapatagan.”

O posibleng “ang mga humahawak ng gamit ng eskriba.”

O “mababang kapatagan.”

Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Si Sisera.

O “kurtadong gatas.”

Lit., “sinapupunan.”

Lit., “sinapupunan.”

O posibleng “mga imbakan nila sa ilalim ng lupa.”

Lit., “sa bahay ng mga alipin.”

Lit., “hindi kayo nakinig sa tinig ko.”

Lit., “sanlibo.”

Mga 22 L. Tingnan ang Ap. B14.

Lit., “Sumaiyo ang kapayapaan.”

Ibig sabihin, “Si Jehova ay Kapayapaan.”

O “lalaking baka.”

Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari.

Ibig sabihin, “Hayaang Magtanggol (Makipaglaban) si Baal.”

O “tumawid sila ng ilog.”

O “Mababang Kapatagan.”

Lit., “nadamtan.”

O “mababang kapatagan.”

Lit., “ang mga kamay.”

Lit., “sa pasimula ng panggitnang pagbabantay sa gabi,” na mga 10:00 n.g. hanggang mga 2:00 n.u.

Lit., “Nang sabihin niya ang salitang ito.”

Lit., “ang espiritu nila.”

Lit., “ang palad nina Zeba at Zalmuna.”

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

O “kulay-ube.” Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari.

O “ay nagkasala ng espirituwal na prostitusyon ang.”

Lit., “hindi na muling nagtaas ng ulo ang mga ito.”

Lit., “anak na lalaki na lumabas sa hita niya.”

O “nagkasala ng espirituwal na prostitusyon.”

Lit., “buong pamilya ng sambahayan ng ama ng kaniyang ina.”

O posibleng “may-ari ng lupain.”

O “ako ay inyong buto at laman.”

Lit., “kumiling ang puso nilang.”

O “templo.”

O “pagiging mabunga.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “nag-astang prinsipe.”

Posibleng tumutukoy kay Zebul, opisyal ng Sikem.

O “may-katusuhan.”

O “gawin mo sa kaniya ang lahat ng magagawa ng kamay mo.”

O “templo.”

Lit., “sa kanilang mga ulo.”

O “Sirya.”

Lit., “ipinagbili.”

Lit., “ang makinig.”

Lit., “Ano sa akin at sa iyo?”

O “sa mga nayong nakadepende rito.”

Lit., “Ibinaba mo ako nang husto.”

O “para umiyak kasama ng mga kaibigan ko dahil hindi na ako mag-aasawa.”

O “Hindi ito kailanman nakipagtalik sa isang lalaki.”

O “tuntunin.”

O posibleng “tumawid sila pahilaga.”

Lit., “mula sa sinapupunan.”

Lit., “mula sa sinapupunan.”

Lit., “isang babae mula sa mga anak ng mga Filisteo.”

Lit., “siya ang marapat sa paningin ko.”

O posibleng “bago siya pumasok sa kuwarto ng asawa niya.”

O “Kung hindi kayo nagpatulong sa asawa ko.”

Sa Ingles, fox.

O “awang.”

O “itali.”

O “awang.”

O “itali.”

Ibig sabihin, “Burol ng Panga.”

Ibig sabihin, “Bukal ng Isa na Tumatawag.”

O “Wadi.”

O “Hikayatin.”

O “pitong sariwang litid.”

O “pitong sariwang litid.”

O “parang maikling hibla.”

Ginagamit na panghigpit ng hinabi.

Lit., “mula sa sinapupunan ng aking ina.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “Pababanalin.”

Tingnan sa Glosari.

O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”

Lit., “pinuno niya ang kamay ng.”

Lit., “ama.”

Lit., “pinuno ni Mikas ang kamay ng.”

O “punto sa pagsasalita.”

Ibig sabihin, “Kampo ng Dan.”

Tingnan sa Glosari.

O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”

O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”

O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”

Lit., “Takpan mo ng kamay mo ang bibig mo.”

Lit., “ama.”

O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”

O “mababang kapatagan.”

O “pangalawahing asawa.” Tingnan sa Glosari.

O “para lumakas ang puso mo.”

O “at pasayahin mo ang puso mo.”

O “para lumakas ang puso mo.”

Lit., “tolda.”

Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.

O “plaza.”

O posibleng “at naglilingkod ako sa bahay ni Jehova.”

O “birhen.”

Lit., “panginoon.”

Lit., “panginoon.”

O “Ituon ninyo rito ang puso ninyo.”

Lit., “parang iisang taong.”

O “pangalawahing asawa.”

O posibleng “mga may-ari ng lupain sa Gibeah.”

Lit., “parang iisang taong.”

Lit., “parang iisang tao.”

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”

Lit., “nakatayo.”

Lit., “anak na babae.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share