Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwtsty 2 Samuel 1:1-24:25
  • 2 Samuel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 2 Samuel
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
2 Samuel

IKALAWANG SAMUEL

1 Pagkamatay ni Saul, nang makabalik si David matapos talunin* ang mga Amalekita, si David ay nanatili sa Ziklag+ nang dalawang araw. 2 Sa ikatlong araw, isang lalaki ang dumating mula sa kampo ni Saul, at ang damit niya ay punít at may lupa sa kaniyang ulo. Paglapit niya kay David, lumuhod siya at sumubsob sa lupa.

3 Tinanong siya ni David: “Saan ka nanggaling?” Sumagot siya: “Tumakas ako mula sa kampo ng Israel.” 4 Tinanong siya ni David: “Ano ang nangyari? Pakisuyong sabihin mo sa akin.” Sumagot siya: “Tumakas ang mga sundalo mula sa digmaan at marami ang napabagsak at namatay. Pati si Saul at ang anak niyang si Jonatan ay namatay.”+ 5 Pagkatapos, tinanong ni David ang lalaking nagbalita sa kaniya: “Paano mo nalamang patay na si Saul at ang anak niyang si Jonatan?” 6 Sumagot ang lalaki: “Nagkataong nasa Bundok Gilboa ako,+ at naroon si Saul na nakasandig sa sibat niya; maaabutan na siya ng mga karwahe* at mangangabayo.+ 7 Nang lumingon siya at makita ako, tinawag niya ako, at sinabi ko, ‘Narito po ako!’ 8 Tinanong niya ako, ‘Sino ka?’ Sumagot ako, ‘Isa akong Amalekita.’+ 9 Pagkatapos, sinabi niya, ‘Pakisuyo, lumapit ka rito at patayin mo ako. Hirap na hirap na ako, pero hindi pa ako namamatay.’ 10 Kaya lumapit ako sa kaniya at pinatay ko siya;+ alam kong hindi na siya mabubuhay pa matapos siyang bumagsak na sugatán. Pagkatapos, kinuha ko ang korona* sa ulo niya at ang pulseras sa braso niya, at dinala ko iyon dito sa aking panginoon.”

11 Kaya pinunit ni David ang damit niya, at ganoon din ang ginawa ng lahat ng tauhan niya na kasama niya. 12 At hanggang gabi ay hinagulgulan at iniyakan at ipinag-ayuno*+ nila si Saul, ang anak nitong si Jonatan, ang bayan ni Jehova, at ang sambahayan ng Israel,+ dahil bumagsak sila sa pamamagitan ng espada.

13 Tinanong ni David ang lalaking nagdala ng balita sa kaniya: “Tagasaan ka?” Sinabi nito: “Anak ako ng isang Amalekita na naninirahan sa Israel.” 14 Pagkatapos, sinabi rito ni David: “Bakit hindi ka natakot na patayin ang pinili* ni Jehova?”+ 15 At tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at sinabi: “Lumapit ka at patayin mo siya.” Kaya pinatay niya ito.+ 16 Sinabi rito ni David: “Ikaw ang may kasalanan sa sarili mong kamatayan, dahil ikaw na rin ang nagpatotoo laban sa sarili mo nang sabihin mo, ‘Ako mismo ang pumatay sa pinili* ni Jehova.’”+

17 At inawit ni David ang awit na ito ng pagdadalamhati para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan,+ 18 at sinabi niyang dapat ituro sa bayan ng Juda ang awit ng pagdadalamhati na pinamagatang “Ang Pana,” na nakasulat sa aklat na Jasar:+

19 “Ang kagandahan, O Israel, ay pinatay sa iyong matataas na lugar.+

Ang makapangyarihan ay bumagsak!

20 Huwag ninyo itong ipamalita sa Gat;+

Huwag ninyo itong isigaw sa mga lansangan ng Askelon,

Dahil magsasaya ang mga anak na babae ng mga Filisteo,

Dahil magdiriwang ang mga anak na babae ng mga lalaking di-tuli.

21 Kayong mga bundok ng Gilboa,+

Huwag na sanang humamog o umulan sa inyo,

At huwag sanang mamunga ang inyong mga bukid ng mga bagay na maiaalay sa Diyos,+

Dahil narumhan doon ang kalasag ng mga makapangyarihan,

Ang kalasag ni Saul ay wala nang pahid ng langis.

22 Mula sa dugo ng mga pinatay, mula sa taba ng mga makapangyarihan,

Ang pana ni Jonatan ay hindi umurong,+

At ang espada ni Saul ay hindi bumabalik nang hindi nagtatagumpay.+

23 Sina Saul at Jonatan,+ na minahal at kinagiliwan noong nabubuhay pa sila,

Kahit sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay.+

Mas matutulin sila kaysa sa mga agila,+

Mas malalakas kaysa sa mga leon.+

24 O mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,

Na nagdamit sa inyo ng matingkad na pula at ng magagandang kasuotan,

Na naglagay ng mga palamuting ginto sa inyong damit.

25 Ang mga makapangyarihan ay bumagsak sa digmaan!

Si Jonatan ay napatay sa iyong matataas na lugar!+

26 Napakalungkot ko sa pagkamatay mo, kapatid kong Jonatan;

Mahal na mahal kita.+

Nakahihigit ang pagmamahal mo sa akin kaysa sa pagmamahal ng mga babae.+

27 Ang mga makapangyarihan ay bumagsak

At ang mga sandatang pandigma ay naglaho!”

2 Pagkatapos, nagtanong si David kay Jehova:+ “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Pumunta ka.” At sinabi ni David: “Saan pong lunsod?” Sumagot siya: “Sa Hebron.”+ 2 Kaya nagpunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawa, si Ahinoam+ ng Jezreel at si Abigail+ na biyuda ni Nabal na Carmelita. 3 Isinama rin ni David ang mga tauhan niya+ at ang kani-kanilang pamilya, at nanirahan sila sa mga lunsod sa palibot ng Hebron. 4 Pagkatapos, dumating ang mga lalaki ng Juda, at doon ay pinahiran nila ng langis si David bilang hari sa sambahayan ng Juda.+

Sinabi nila kay David: “Ang mga lalaki ng Jabes-gilead ang naglibing kay Saul.” 5 Kaya nagsugo si David ng mga mensahero sa mga lalaki ng Jabes-gilead para sabihin sa kanila: “Pagpalain nawa kayo ni Jehova, dahil nagpakita kayo ng tapat na pag-ibig sa panginoon ninyong si Saul nang ilibing ninyo siya.+ 6 Pagpakitaan nawa kayo ni Jehova ng tapat na pag-ibig at ng katapatan. Magpapakita rin ako sa inyo ng kabaitan dahil ginawa ninyo iyon.+ 7 Ngayon ay magpakatatag kayo* at magpakatapang, dahil ang panginoon ninyong si Saul ay patay na, at pinahiran ako ng langis ng sambahayan ng Juda bilang hari nila.”

8 Pero kinuha ni Abner,+ na anak ni Ner at pinuno ng hukbo ni Saul, ang anak ni Saul na si Is-boset,+ at itinawid niya ito ng ilog papunta sa Mahanaim+ 9 at ginawang hari sa Gilead,+ sa mga Ashurita, sa Jezreel,+ sa Efraim,+ sa Benjamin, at sa buong Israel. 10 Si Is-boset, na anak ni Saul, ay 40 taóng gulang nang maging hari sa Israel, at namahala siya sa loob ng dalawang taon. Pero ang sambahayan ng Juda ay sumuporta kay David.+ 11 Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ng Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan.+

12 Nang maglaon, si Abner na anak ni Ner at ang mga lingkod ni Is-boset, na anak ni Saul, ay lumabas ng Mahanaim+ at nagpunta sa Gibeon.+ 13 Lumabas din si Joab+ na anak ni Zeruias+ at ang mga lingkod ni David, at nagkita sila sa may tipunan ng tubig ng Gibeon; ang isang grupo ay umupo sa isang panig ng tipunan, at ang isa namang grupo ay sa kabilang panig ng tipunan. 14 At sinabi ni Abner kay Joab: “Patayuin natin ang ating mga tauhan at paglabanin sa harap natin.” Sinabi ni Joab: “Sige.” 15 Kaya tumayo at nagsalubong ang dalawang grupo na magkapareho ang bilang: 12 Benjaminita mula sa panig ng anak ni Saul na si Is-boset at 12 mula sa mga lingkod ni David. 16 Sinunggaban nila ang isa’t isa sa ulo, at sinaksak ng bawat isa ang tagiliran ng kalaban niya, at pare-pareho silang nabuwal. Kaya ang lugar na iyon, na nasa Gibeon, ay tinawag na Helkat-hazurim.

17 Napakatindi ng sumunod na labanan nang araw na iyon, at bandang huli ay natalo ng mga lingkod ni David si Abner at ang mga lalaki ng Israel. 18 Naroon ang tatlong anak ni Zeruias+—sina Joab,+ Abisai,+ at Asahel;+ at napakabilis tumakbo ni Asahel, simbilis ng isang gasela* sa parang. 19 Hinabol ni Asahel si Abner, at hindi siya tumigil sa pagtugis dito. 20 Lumingon si Abner at nagtanong, “Ikaw ba iyan, Asahel?” Sumagot ito, “Ako nga.” 21 Sinabi rito ni Abner: “Huwag mo na akong habulin; hulihin mo ang isa sa mga lalaki at kunin mo ang makukuha mo sa kaniya.” Pero ayaw tumigil ni Asahel sa pagtugis sa kaniya. 22 Kaya sinabi ulit ni Abner kay Asahel: “Huwag mo na akong habulin. Baka mapatay kita. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa kapatid mong si Joab?” 23 Pero ayaw tumigil ni Asahel sa paghabol, kaya sinaksak siya ni Abner sa tiyan gamit ang kabilang dulo ng sibat nito+ at tumagos ang sibat sa likod niya; at nabuwal siya roon at namatay. Ang lahat ng dumadaan sa lugar na iyon kung saan nabuwal at namatay si Asahel ay napapatigil.

24 Hinabol nina Joab at Abisai si Abner. Nang papalubog na ang araw, nakarating sila sa burol ng Amma, na nasa tapat ng Gia sa daan papunta sa ilang ng Gibeon. 25 At nagtipon ang mga Benjaminita sa likod ni Abner, at bumuo sila ng isang grupo at pumuwesto sa ibabaw ng isang burol. 26 Pagkatapos, sumigaw si Abner kay Joab: “Hindi ba tayo titigil sa pagpapatayan? Hindi mo ba alam na wala itong ibubunga kundi kasawian? Kailan mo pa sasabihin sa bayan na tumigil na sa pagtugis sa mga kapatid nila?” 27 Sumagot si Joab: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy ang tunay na Diyos, kung hindi ka nagsabi, sa kinaumagahan pa titigil ang bayan sa pagtugis sa mga kapatid nila.” 28 Hinipan ni Joab ang tambuli, at tumigil ang mga tauhan niya sa paghabol sa Israel, at huminto ang labanan.

29 Si Abner naman at ang mga tauhan niya ay naglakad sa Araba+ nang buong gabing iyon, tumawid ng Jordan, dumaan sa dalisdis,* at nakarating sa Mahanaim.+ 30 Pagkatapos tumigil ni Joab sa pagtugis kay Abner, tinipon niya ang buong hukbo. Sa mga lingkod ni David, 19 ang nawala, bukod pa kay Asahel. 31 Pero tinalo ng mga lingkod ni David ang mga Benjaminita at ang mga tauhan ni Abner, at 360 sa mga ito ang namatay. 32 Kinuha nila si Asahel+ at inilibing sa libingan ng kaniyang ama sa Betlehem.+ Pagkatapos, magdamag na naglakad si Joab at ang mga tauhan niya, at nakarating sila sa Hebron+ pagsapit ng bukang-liwayway.

3 Nagtagal ang digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Saul at ng sambahayan ni David. Patuloy na lumakas si David+ at humina naman nang humina ang sambahayan ni Saul.+

2 Samantala, nagkaroon si David ng mga anak na lalaki sa Hebron.+ Ang panganay niya ay si Amnon,+ kay Ahinoam+ ng Jezreel. 3 Ang ikalawa niya ay si Kileab kay Abigail+ na biyuda ni Nabal na Carmelita, at ang ikatlo ay si Absalom+ na anak ni Maaca, na anak ni Talmai+ na hari ng Gesur. 4 Ang ikaapat ay si Adonias+ na anak ni Hagit, at ang ikalima ay si Sepatias na anak ni Abital. 5 Ang ikaanim ay si Itream, na anak ni David kay Egla. Ito ang mga naging anak ni David sa Hebron.

6 Habang nagpapatuloy ang digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Saul at ng sambahayan ni David, patuloy namang pinalalakas ni Abner+ ang katayuan niya sa sambahayan ni Saul. 7 Si Saul ay nagkaroon noon ng pangalawahing asawa na ang pangalan ay Rizpa,+ na anak ni Aias. Nang maglaon, sinabi ni Is-boset+ kay Abner: “Bakit mo sinipingan ang asawa ng aking ama?”+ 8 Galit na galit si Abner sa sinabi ni Is-boset. Sinabi ni Abner: “Isa ba akong aso* mula sa Juda? Hanggang sa araw na ito, nagpapakita ako ng tapat na pag-ibig sa sambahayan ng ama mong si Saul at sa mga kapatid at kaibigan niya, at hindi kita tinraidor at ibinigay sa kamay ni David. Pagkatapos ngayon, sisitahin mo ako dahil sa pagkakamali ko sa isang babae? 9 Bigyan nawa ng Diyos si Abner ng mabigat na parusa kung hindi ko gagawin para kay David ang ipinangako sa kaniya ni Jehova:+ 10 na ilipat ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul at itatag ang trono ni David sa Israel at sa Juda, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba.”+ 11 Hindi na siya nakasagot kay Abner dahil sa takot niya rito.+

12 Agad na nagsugo si Abner ng mga mensahero para sabihin kay David: “Sino ang may-ari ng lupain?” Ipinasabi pa niya: “Makipagtipan ka sa akin, at gagawin ko ang buo kong makakaya* para pumanig sa iyo ang buong Israel.”+ 13 Sumagot si David: “Mabuti! Makikipagtipan ako sa iyo, pero sa isang kondisyon: Isama mo si Mical,+ na anak ni Saul, sa pagpunta mo rito. Kung hindi, huwag kang magpapakita sa akin.” 14 Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero para sabihin kay Is-boset+ na anak ni Saul: “Ibigay mo sa akin ang asawa kong si Mical, na ipinangako sa akin kapalit ng 100 dulong-balat ng mga Filisteo.”+ 15 Kaya ipinakuha siya ni Is-boset mula sa asawa niyang si Paltiel+ na anak ni Lais. 16 Pero ang asawa niya ay patuloy na naglakad kasama niya, at umiiyak ito habang sinusundan siya hanggang sa Bahurim.+ Pagkatapos, sinabi ni Abner kay Paltiel: “Umuwi ka na!” Kaya umuwi siya.

17 Samantala, nagpadala si Abner ng ganitong mensahe sa matatandang lalaki ng Israel: “Noon pa man, gusto ninyong maghari sa inyo si David. 18 Ngayon, kumilos kayo, dahil sinabi ni Jehova kay David: ‘Sa pamamagitan ng lingkod kong si David,+ ililigtas ko ang bayan kong Israel mula sa kamay ng mga Filisteo at mula sa kamay ng lahat ng kanilang kaaway.’” 19 Pagkatapos, nakipag-usap si Abner sa mga Benjaminita.+ Nakipag-usap din si Abner nang sarilinan kay David sa Hebron para sabihin sa kaniya kung ano ang napagkasunduan ng Israel at ng buong sambahayan ng Benjamin.

20 Pagdating ni Abner kay David sa Hebron kasama ang 20 tauhan niya, naghanda si David ng isang salusalo para kay Abner at para sa mga tauhan niya. 21 Sinabi ni Abner kay David: “Hayaan mo akong umalis at tipunin ang buong Israel sa panginoon kong hari, para makipagtipan sila sa iyo, at magiging hari ka sa buong bayan.”* Kaya pinayagan ni David na umalis si Abner, at lumakad itong payapa.

22 Pagkatapos, ang mga lingkod ni David at si Joab ay nagbalik mula sa isang pagsalakay, at napakarami nilang dalang samsam. Hindi na kasama ni David si Abner sa Hebron, dahil pinayagan na niya itong umalis nang payapa. 23 Pagdating ni Joab+ at ng buong hukbong kasama niya, may nagsabi kay Joab: “Si Abner+ na anak ni Ner+ ay nagpunta sa hari, at pinayagan siyang umalis ng hari, at lumakad na siyang payapa.” 24 Kaya pumunta si Joab sa hari at nagsabi: “Ano ang ginawa mo? Nagpunta na sa iyo si Abner. Bakit mo pa siya hinayaang makaalis? 25 Kilala mo naman si Abner na anak ni Ner! Nagpunta siya rito para lokohin ka at alamin ang bawat galaw mo at ang lahat ng ginagawa mo.”

26 Kaya iniwan ni Joab si David at nagsugo siya ng mga mensahero para habulin si Abner, at mula sa imbakan ng tubig ng Sira ay isinama nila ito pabalik; pero hindi iyon alam ni David. 27 Pagbalik ni Abner sa Hebron,+ dinala ito ni Joab sa loob ng pintuang-daan para kausapin nang sarilinan. Pero doon ay sinaksak niya ito sa tiyan, at namatay ito;+ para ito sa pagpatay sa* kapatid niyang si Asahel.+ 28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya: “Sa harap ni Jehova, ako at ang kaharian ko ay walang kasalanan sa pagpatay+ kay Abner na anak ni Ner. 29 Parusahan nawa si Joab+ at ang buong sambahayan ng ama niya. Ang sambahayan nawa ni Joab ay hindi mawalan ng lalaking may sakit sa ari*+ o ng ketongin+ o ng lalaking nag-iikid* o ng isa na pinatay sa pamamagitan ng espada o ng isa na kapos sa pagkain!”+ 30 Pinatay ni Joab at ng kapatid niyang si Abisai+ si Abner+ dahil pinatay nito ang kapatid nilang si Asahel sa labanan+ sa Gibeon.

31 Sinabi ni David kay Joab at sa buong bayan na kasama niya: “Punitin ninyo ang inyong damit at magsuot* kayo ng telang-sako at hagulgulan ninyo si Abner.” Si Haring David mismo ay naglakad kasunod ng higaan ng patay. 32 Inilibing nila si Abner sa Hebron; at humagulgol ang hari sa libingan ni Abner, at umiyak ang buong bayan. 33 Inawit ng hari ang awit na ito ng pagdadalamhati:

“Dapat bang mamatay si Abner na gaya ng isang taong mangmang?

34 Ang mga kamay mo ay hindi nakagapos,

At ang mga paa mo ay hindi nakakadena.*

Bumagsak kang gaya ng isa na pinabagsak ng mga kriminal.”*+

At muli siyang iniyakan ng buong bayan.

35 Pagkatapos, ang buong bayan ay nagpunta kay David at binigyan nila siya ng tinapay para aliwin siya* habang araw pa, pero sumumpa si David: “Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung titikim ako ng tinapay o ng kahit ano bago lumubog ang araw!”+ 36 Nakita iyon ng buong bayan, at ikinatuwa nila iyon, kung paanong natutuwa sila sa lahat ng ginagawa ng hari. 37 Kaya nang araw na iyon, nalaman ng buong bayan at ng buong Israel na walang kinalaman ang hari sa pagpatay kay Abner na anak ni Ner.+ 38 Pagkatapos, sinabi ng hari sa mga lingkod niya: “Hindi ba ninyo alam na isang pinuno at isang dakilang tao ang namatay sa araw na ito sa Israel?+ 39 Ngayon ay mahina ako, kahit pinili* bilang hari,+ at para sa akin, ang mga lalaking ito na mga anak ni Zeruias+ ay napakalupit.+ Pagbayarin nawa ni Jehova ang masama sa ginagawa niyang kasamaan.”+

4 Nang marinig ni Is-boset, na anak ni Saul,+ na namatay si Abner sa Hebron,+ pinanghinaan siya ng loob* at nabahala ang lahat ng Israelita. 2 May dalawang lalaki na pinuno ng mga mandarambong na tauhan ng anak ni Saul: ang pangalan ng isa ay Baanah at ang isa pa ay Recab. Mga anak sila ni Rimon na Beerotita, mula sa tribo ni Benjamin. (Dahil ang Beerot+ ay dati ring itinuturing na bahagi ng Benjamin. 3 Ang mga Beerotita ay tumakas papuntang Gitaim,+ at naninirahan sila roon bilang dayuhan hanggang ngayon.)

4 Ang anak ni Saul na si Jonatan+ ay may lumpong anak na lalaki.+ Limang taóng gulang siya nang dumating ang balita mula sa Jezreel+ tungkol kina Saul at Jonatan, at binuhat siya ng kaniyang yaya at tumakas, pero dahil natataranta ito habang tumatakas, nahulog siya at nalumpo. Ang pangalan niya ay Mepiboset.+

5 Ang mga anak ni Rimon na Beerotita, sina Recab at Baanah, ay nagpunta sa bahay ni Is-boset nang mainit na ang araw, habang nagpapahinga siya sa tanghali. 6 Pumasok sila sa bahay na kunwari ay kukuha ng trigo, at sinaksak nila siya sa tiyan; pagkatapos, tumakas si Recab at ang kapatid niyang si Baanah.+ 7 Noong pumasok sila sa bahay, nakahiga siya sa kama sa kaniyang kuwarto, at sinaksak nila siya at pinatay; pagkatapos, pinugutan nila siya ng ulo. Kinuha nila ang ulo niya at magdamag silang naglakad sa daan papuntang Araba. 8 Dinala nila ang ulo ni Is-boset+ kay David sa Hebron at sinabi sa hari: “Heto ang ulo ni Is-boset na anak ng kaaway mong si Saul+ na gustong pumatay sa iyo.+ Ngayon ay ipinaghiganti ni Jehova ang panginoon kong hari kay Saul at sa mga inapo nito.”

9 Pero sinabi ni David kay Recab at sa kapatid nitong si Baanah, na mga anak ni Rimon na Beerotita: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na siyang nagligtas* sa akin mula sa lahat ng kapighatian,+ 10 noong may nag-ulat sa akin, ‘Patay na si Saul,’+ at inakala niyang mabuting balita ang dala niya, sinunggaban ko siya at pinatay+ sa Ziklag. Iyon ang gantimpalang tinanggap niya sa akin bilang mensahero! 11 Paano pa kaya kapag pinatay ng masasamang lalaki ang isang lalaking matuwid sa sarili niyang bahay, sa kama niya? Hindi ko ba dapat singilin ang dugo niya mula sa kamay ninyo+ at burahin kayo sa lupa?” 12 Pagkatapos, inutusan ni David ang mga tauhan niya na patayin sila.+ Pinutol ng mga ito ang mga kamay at paa nila at ibinitin sila+ sa tabi ng tipunan ng tubig sa Hebron. Pero kinuha ng mga ito ang ulo ni Is-boset at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

5 Nang maglaon, ang lahat ng tribo ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron+ at nagsabi: “Kadugo* mo kami.+ 2 Noong si Saul ang hari namin, ikaw ang nangunguna sa Israel sa mga labanan.*+ At sinabi ni Jehova sa iyo: ‘Papastulan mo ang bayan kong Israel, at magiging pinuno ka ng Israel.’”+ 3 Kaya ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel ay pumunta sa hari sa Hebron, at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila+ sa Hebron sa harap ni Jehova. Pagkatapos, pinahiran nila ng langis si David bilang hari sa Israel.+

4 Si David ay 30 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 40 taon.+ 5 Sa Hebron ay naghari siya sa Juda nang 7 taon at 6 na buwan, at sa Jerusalem+ ay namahala siya nang 33 taon sa buong Israel at Juda. 6 At ang hari at ang mga tauhan niya ay pumunta sa Jerusalem para labanan ang mga Jebusita+ na nakatira sa lupain. Ininsulto nila si David: “Hindi ka makakapasok dito! Itataboy ka kahit ng mga bulag at mga lumpo.” Iniisip nila, ‘Hindi makakapasok dito si David.’+ 7 Pero sinakop ni David ang moog ng Sion, na ngayon ay Lunsod ni David.+ 8 Kaya sinabi ni David nang araw na iyon: “Ang mga sasalakay sa mga Jebusita ay dapat dumaan sa daluyan ng tubig para patayin ‘ang mga lumpo at mga bulag,’ na kinamumuhian ni David!” Kaya sinasabi ng mga tao: “Ang mga bulag at mga lumpo ay hindi makakapasok sa bahay.” 9 Pagkatapos, nanirahan si David sa moog, at iyon ay tinawag* na Lunsod ni David; at si David ay nagsimulang magtayo ng mga pader at gusali sa Gulod*+ at sa iba pang bahagi ng lunsod.+ 10 Kaya lalong naging makapangyarihan si David,+ at si Jehova na Diyos ng mga hukbo ay sumasakaniya.+

11 Si Haring Hiram+ ng Tiro ay nagpadala ng mga mensahero kay David, pati ng mga trosong sedro,+ mga karpintero, at mga mason para sa pagtatayo ng mga pader, at nagtayo sila ng bahay* para kay David.+ 12 At nalaman ni David na ginawang matibay ni Jehova ang paghahari niya sa Israel+ at ginawa siyang dakilang hari+ alang-alang sa Kaniyang bayang Israel.+

13 Si David ay kumuha pa ng mga pangalawahing asawa+ at iba pang mga asawa sa Jerusalem pagdating niya galing sa Hebron, at nagkaroon pa si David ng mga anak na lalaki at babae.+ 14 Ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: Samua, Sobab, Natan,+ Solomon,+ 15 Ibhar, Elisua, Nepeg, Japia, 16 Elisama, Eliada, at Elipelet.

17 Nang marinig ng mga Filisteo na si David ay inatasan* bilang hari sa Israel,+ sumugod ang lahat ng Filisteo para hanapin si David.+ Nang marinig iyon ni David, pumunta siya sa moog.+ 18 Pagkatapos, dumating ang mga Filisteo at kumalat sa Lambak* ng Repaim.+ 19 Itinanong ni David kay Jehova:+ “Lalaban ba ako sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ko?” Sinabi ni Jehova kay David: “Lumaban ka, dahil ibibigay ko ang mga Filisteo sa kamay mo.”+ 20 Kaya pumunta si David sa Baal-perazim, at pinabagsak sila roon ni David. At sinabi niya: “Pinabagsak ni Jehova ang mga kaaway ko,+ gaya ng pader na nawasak dahil sa tubig.” Kaya tinawag niya ang lugar na iyon na Baal-perazim.*+ 21 Iniwan doon ng mga Filisteo ang mga idolo nila, at inalis ni David at ng mga tauhan niya ang mga iyon.

22 Nang maglaon, bumalik ang mga Filisteo at nangalat sa Lambak* ng Repaim.+ 23 Sumangguni si David kay Jehova, pero sinabi Niya: “Huwag kang lumusob sa harapan. Sa halip, pumunta ka sa likuran nila, at salakayin mo sila sa harap ng mga halamang* baca. 24 At kapag may narinig kang tunog na gaya ng mga yabag sa ibabaw ng mga halamang baca, kumilos ka agad, dahil nauna nang lumabas si Jehova para pabagsakin ang hukbo ng mga Filisteo.” 25 At ginawa ni David ang iniutos ni Jehova sa kaniya, at pinabagsak niya ang mga Filisteo+ mula sa Geba+ hanggang sa Gezer.+

6 Muling tinipon ni David ang lahat ng pinakamahuhusay na sundalo sa Israel, 30,000 lalaki. 2 At naglakbay si David at ang lahat ng tauhan niya papunta sa Baale-juda para kunin doon ang Kaban ng tunay na Diyos,+ na sa harap nito ay tumatawag ang mga tao sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo,+ na nakaupo sa trono sa ibabaw* ng mga kerubin.+ 3 Pero isinakay nila ang Kaban ng tunay na Diyos sa isang bagong karwahe+ para madala nila iyon mula sa bahay ni Abinadab,+ na nasa burol; at sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang gumagabay sa bagong karwahe.

4 Kaya dinala nila ang Kaban ng tunay na Diyos mula sa bahay ni Abinadab sa burol, at si Ahio ay naglalakad sa unahan ng Kaban. 5 Si David at ang buong sambahayan ng Israel ay nagdiriwang sa harap ni Jehova gamit ang iba’t ibang instrumentong yari sa kahoy na enebro, mga alpa, iba pang instrumentong de-kuwerdas,+ mga tamburin,+ sistro, at simbalo.*+ 6 Pero nang makarating sila sa giikan ng Nacon,* biglang iniunat ni Uzah ang kamay niya sa Kaban ng tunay na Diyos at hinawakan ito,+ dahil muntik na itong maitumba ng mga baka. 7 Dahil dito, lumagablab ang galit ni Jehova kay Uzah, at pinabagsak siya roon ng tunay na Diyos+ dahil sa ginawa niyang kawalang-galang,+ at namatay siya roon sa tabi ng Kaban ng tunay na Diyos. 8 Pero nagalit* si David dahil sumiklab ang galit ni Jehova kay Uzah; at ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uzah* hanggang ngayon. 9 Kaya natakot si David kay Jehova+ nang araw na iyon at nagsabi: “Paano makakarating sa akin ang Kaban ni Jehova?”+ 10 Ayaw nang dalhin ni David ang Kaban ni Jehova sa lugar niya sa Lunsod ni David.+ Kaya ipinadala iyon ni David sa bahay ni Obed-edom+ na Giteo.

11 Ang Kaban ni Jehova ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Giteo nang tatlong buwan, at patuloy na pinagpala ni Jehova si Obed-edom at ang buong sambahayan nito.+ 12 Iniulat kay Haring David: “Pinagpala ni Jehova ang sambahayan ni Obed-edom at ang lahat ng kaniya dahil sa Kaban ng tunay na Diyos.” Kaya pumunta roon si David para kunin ang Kaban ng tunay na Diyos sa bahay ni Obed-edom at dalhin iyon sa Lunsod ni David nang may pagsasaya.+ 13 Nang makaanim na hakbang ang mga nagbubuhat+ ng Kaban ni Jehova, naghandog siya ng isang toro* at isang pinatabang hayop.

14 Masiglang nagsasasayaw si David sa harap ni Jehova habang nakasuot* ng linong epod.*+ 15 Dinala ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang Kaban+ ni Jehova habang nagsisigawan sila sa tuwa+ at humihihip ng tambuli.+ 16 Pero nang makarating ang Kaban ni Jehova sa Lunsod ni David, ang anak ni Saul na si Mical+ ay dumungaw sa bintana at nakita niya si Haring David na naglululukso at nagsasasayaw sa harap ni Jehova; at hinamak niya ito sa kaniyang puso.+ 17 Ipinasok nila ang Kaban ni Jehova at inilagay iyon sa puwesto nito sa loob ng tolda na itinayo ni David para dito.+ Pagkatapos, nag-alay si David ng mga handog na sinusunog+ at mga haing pansalo-salo+ sa harap ni Jehova.+ 18 Nang matapos ni David ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog at mga haing pansalo-salo, pinagpala niya ang bayan sa ngalan ni Jehova ng mga hukbo. 19 Bukod diyan, namahagi siya sa buong bayan ng Israel, sa bawat lalaki at babae, ng isang hugis-singsing na tinapay, isang kakaning datiles, at isang kakaning pasas. Pagkatapos, umuwi ang buong bayan sa kani-kanilang bahay.

20 Pagbalik ni David para pagpalain ang sarili niyang sambahayan, lumabas ang anak ni Saul na si Mical+ para salubungin siya. Sinabi nito: “Ginawang napakaluwalhati ng hari ng Israel ang sarili niya nang maghubad siya ngayon sa paningin ng mga aliping babae ng mga lingkod niya, gaya ng lantarang paghuhubad ng isang taong walang-isip!”+ 21 Sinabi ni David kay Mical: “Nagdiriwang ako sa harap ni Jehova, na pumili sa akin sa halip na sa iyong ama at sa buo niyang sambahayan at nag-atas sa akin na maging pinuno ng bayan ni Jehova, ang Israel.+ Kaya magdiriwang ako sa harap ni Jehova, 22 at magpapakababa ako nang higit pa rito, at magiging mababa kahit sa sarili kong paningin. Pero sa harap ng mga aliping babae na binanggit mo, luluwalhatiin ako.” 23 Kaya ang anak ni Saul na si Mical+ ay hindi nagkaroon ng anak hanggang sa araw na mamatay siya.

7 Nang tumira ang hari sa sarili niyang bahay*+ at bigyan siya ni Jehova ng kapahingahan mula sa lahat ng kaaway niya sa palibot, 2 sinabi ng hari sa propetang si Natan:+ “Nakatira ako sa isang bahay na gawa sa mga sedro+ samantalang ang Kaban ng tunay na Diyos ay nasa tolda.”+ 3 Sinabi ni Natan sa hari: “Gawin mo kung ano ang nasa puso mo, dahil si Jehova ay sumasaiyo.”+

4 Nang gabing iyon, dumating kay Natan ang mensaheng ito ni Jehova: 5 “Sabihin mo sa lingkod kong si David, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Ipagtatayo mo ba ako ng bahay na titirhan ko?+ 6 Mula noong ilabas ko sa Ehipto ang bayan kong Israel, hindi pa ako nanirahan sa isang bahay,+ kundi nasa tolda ako at nasa tabernakulo na nagpapalipat-lipat.*+ 7 Sa buong panahong kasama ako ng mga Israelita, sinabi ko ba sa sinumang pinuno ng mga tribo ng Israel na inatasan kong magpastol sa bayan kong Israel, ‘Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na gawa sa sedro?’”’ 8 Sabihin mo ngayon sa lingkod kong si David, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Kinuha kita mula sa mga pastulan, mula sa pag-aalaga ng kawan,+ para maging pinuno ng bayan kong Israel.+ 9 At ako ay sasaiyo saan ka man magpunta,+ at lilipulin ko sa harap mo ang lahat ng iyong kaaway;+ at gagawin kong dakila ang pangalan mo,+ gaya ng pangalan ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ng lupain ang bayan kong Israel at doon ko sila patitirahin, at mamumuhay sila roon at wala nang gagambala sa kanila; at hindi na sila pahihirapan ng masasamang tao gaya ng ginawa sa kanila noon,+ 11 mula nang araw na mag-atas ako ng mga hukom+ sa bayan kong Israel. At bibigyan kita ng kapahingahan mula sa lahat ng kaaway mo.+

“‘“Sinabi rin sa iyo ni Jehova na magtatatag si Jehova ng isang sambahayan* para sa iyo.+ 12 Kapag nagwakas na ang buhay mo+ gaya ng iyong mga ninuno, gagawin kong hari na kahalili mo ang iyong supling,* ang sarili mong anak,* at gagawin kong matibay ang pagkakatatag ng kaharian niya.+ 13 Siya ang magtatayo ng bahay para sa pangalan ko,+ at gagawin kong matibay ang trono ng kaniyang kaharian magpakailanman.+ 14 Magiging ama niya ako, at magiging anak ko siya.+ Kapag gumawa siya ng mali, didisiplinahin ko siya sa pamamagitan ng pamalo ng mga tao at ng mga hampas ng mga anak ng tao.*+ 15 Hindi mawawala ang aking tapat na pag-ibig sa kaniya kung paanong nawala ito kay Saul,+ na inalis ko sa harap mo. 16 Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay magiging matatag sa harap mo magpakailanman; ang iyong trono ay magiging matibay magpakailanman.”’”+

17 Sinabi ni Natan kay David ang lahat ng salitang ito at ang buong pangitaing ito.+

18 Kaya umupo si Haring David sa harap ni Jehova at nagsabi: “Sino ako, O Kataas-taasang Panginoong Jehova? At ano ang sambahayan ko para gawin mo sa akin ang lahat ng ito?+ 19 At para bang kulang pa ito sa iyo, O Kataas-taasang Panginoong Jehova, kaya sinabi mo pa ang mangyayari sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa malayong hinaharap; at ito ay tuntunin* para sa buong sangkatauhan, O Kataas-taasang Panginoong Jehova. 20 Ano pa ba ang masasabi sa iyo ng lingkod mong si David? Kilalang-kilala mo ako,+ O Kataas-taasang Panginoong Jehova. 21 Alang-alang sa iyong salita at ayon sa iyong kalooban, ginawa mo ang lahat ng dakilang bagay na ito at isiniwalat sa iyong lingkod.+ 22 Iyan ang dahilan kung bakit ikaw ay talagang dakila,+ O Kataas-taasang Panginoong Jehova. Wala kang katulad,+ at walang Diyos maliban sa iyo;+ pinatutunayan ito ng lahat ng narinig namin. 23 At anong bansa sa lupa ang kagaya ng bayan mong Israel?+ Tinubos sila ng Diyos bilang kaniyang bayan,+ at gumawa siya ng pangalan para sa sarili niya+ sa pamamagitan ng paggawa ng dakila at kamangha-manghang mga bagay para sa kanila.+ Itinaboy mo ang mga bansa at ang mga diyos nila alang-alang sa iyong bayan, na tinubos mo mula sa Ehipto para sa iyong sarili. 24 Ginawa mong sarili mong bayan ang Israel sa habang panahon;+ at ikaw, O Jehova, ang naging Diyos nila.+

25 “Ngayon, O Diyos na Jehova, tuparin mo magpakailanman ang pangako mo may kinalaman sa iyong lingkod at sa sambahayan niya, at gawin mo nawa ang ipinangako mo.+ 26 Maging dakila nawa ang pangalan mo magpakailanman,+ para sabihin ng mga tao, ‘Si Jehova ng mga hukbo ay Diyos ng Israel,’ at maging matibay nawa ang pagkakatatag ng sambahayan ng lingkod mong si David sa harap mo.+ 27 O Jehova ng mga hukbo, na Diyos ng Israel, sinabi mo sa iyong lingkod, ‘Magtatatag ako ng isang sambahayan* para sa iyo.’+ Kaya ang lingkod mo ay nagkaroon ng lakas ng loob na* bigkasin ang panalanging ito sa iyo. 28 At ngayon, O Kataas-taasang Panginoong Jehova, ikaw ang tunay na Diyos, at ang salita mo ay katotohanan,+ at ipinangako mo ang mabubuting bagay na ito sa iyong lingkod. 29 Pagpalain mo nawa ang sambahayan ng iyong lingkod, at manatili nawa ito magpakailanman sa harap mo;+ dahil ikaw, O Kataas-taasang Panginoong Jehova, ay nangako, at pagpalain mo nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”+

8 Makalipas ang ilang panahon, nakipaglaban si David sa mga Filisteo+ at tinalo ang mga ito,+ at kinuha ni David ang Meteg-amma mula sa kamay ng mga Filisteo.

2 Tinalo niya ang mga Moabita.+ Pinahiga niya sila sa lupa at sinukat ng pisi. Ang mga nasaklaw ng dalawang sukat ng pisi ay pinatay, at ang mga nasaklaw ng isang sukat ng pisi ay pinanatiling buháy.+ Ang mga Moabita ay naging mga lingkod ni David at nagdala sila ng tributo.*+

3 Tinalo ni David ang hari ng Zoba+ na si Hadadezer na anak ni Rehob nang papunta ito sa Ilog Eufrates+ para muling sakupin iyon. 4 Nakabihag si David mula sa kaniya ng 1,700 mangangabayo at 20,000 sundalo. Pagkatapos, pinutulan ni David ng litid sa binti ang lahat ng kabayong+ pangkarwahe maliban sa 100.

5 Nang dumating ang mga Siryano ng Damasco+ para tulungan si Haring Hadadezer ng Zoba, pinabagsak ni David ang 22,000 sa mga Siryano.+ 6 Pagkatapos, nagtayo si David ng mga himpilan ng mga sundalo sa Sirya ng Damasco, at ang mga Siryano ay naging mga lingkod ni David at nagdala sila ng tributo. Pinagtatagumpay* ni Jehova si David saanman ito pumunta.+ 7 Bukod diyan, kinuha ni David mula sa mga lingkod ni Hadadezer ang bilog na mga kalasag na yari sa ginto at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.+ 8 Kumuha si Haring David ng napakaraming tanso mula sa Beta at Berotai, na mga lunsod ni Hadadezer.

9 Narinig ni Haring Toi ng Hamat+ na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer.+ 10 Kaya isinugo ni Toi kay Haring David ang anak niyang si Joram para kumustahin ito at batiin dahil nilabanan nito at tinalo si Hadadezer (dahil madalas makipagdigma si Hadadezer kay Toi). Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, ginto, at tanso. 11 Inialay* ni Haring David ang mga ito kay Jehova, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at gintong nakuha niya sa lahat ng bansang tinalo niya:+ 12 sa Sirya at Moab,+ sa mga Ammonita, Filisteo,+ at Amalekita,+ at sa nasamsam niya sa hari ng Zoba na si Hadadezer+ na anak ni Rehob. 13 Gumawa rin si David ng pangalan para sa sarili niya pagbalik niya matapos makapagpabagsak ng 18,000 Edomita sa Lambak ng Asin.+ 14 Nagtayo siya ng mga himpilan ng mga sundalo sa Edom. Nagtayo siya ng mga himpilan sa buong Edom, at ang lahat ng Edomita ay naging mga lingkod ni David.+ Pinagtatagumpay* ni Jehova si David saanman ito pumunta.+

15 Patuloy na naghari si David sa buong Israel,+ at ang mga ginagawa ni David para sa buong bayan niya ay makatarungan at matuwid.+ 16 Si Joab+ na anak ni Zeruias ang pinuno ng hukbo, at si Jehosapat+ na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 17 Si Zadok+ na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga saserdote, at si Seraias ang kalihim. 18 Si Benaias+ na anak ni Jehoiada ang pinuno ng mga Kereteo at Peleteo.+ At ang mga anak ni David ay naging mga punong opisyal.*

9 At sinabi ni David: “Mayroon pa bang natitira sa sambahayan ni Saul na mapagpapakitaan ko ng tapat na pag-ibig alang-alang kay Jonatan?”+ 2 Ang sambahayan ni Saul ay may isang lingkod noon na ang pangalan ay Ziba.+ Kaya tinawag nila siya para iharap kay David, at tinanong siya ng hari: “Ikaw ba si Ziba?” Sumagot siya: “Ako nga po, ang inyong lingkod.” 3 Sinabi pa ng hari: “Mayroon pa bang natitira sa sambahayan ni Saul na mapagpapakitaan ko ng tapat na pag-ibig na gaya ng ipinapakita ng Diyos?” Sumagot si Ziba sa hari: “May isa pang anak si Jonatan; pilay ang dalawang paa niya.”*+ 4 Tinanong siya ng hari: “Nasaan siya?” Sinabi ni Ziba sa hari: “Nasa Lo-debar siya, sa bahay ni Makir+ na anak ni Amiel.”

5 Agad siyang ipinasundo ni Haring David mula sa Lo-debar, sa bahay ni Makir na anak ni Amiel. 6 Nang makarating kay David si Mepiboset na anak ni Jonatan na anak ni Saul, sumubsob ito para magbigay-galang. Pagkatapos, sinabi ni David: “Mepiboset!” Sumagot ito: “Opo, panginoon ko.” 7 Sinabi ni David sa kaniya: “Huwag kang matakot, dahil magpapakita ako sa iyo ng tapat na pag-ibig+ alang-alang sa iyong amang si Jonatan, at ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng lolo mong si Saul, at lagi kang kakaing* kasama ko sa aking mesa.”+

8 Kaya sumubsob siya at nagsabi: “Sino ang iyong lingkod at nagbibigay ka ng ganitong atensiyon* sa isang patay na asong+ gaya ko?” 9 Ipinatawag ngayon ng hari si Ziba, na tagapaglingkod ni Saul, at sinabi rito: “Ang lahat ng naging pag-aari ni Saul at ng kaniyang buong sambahayan ay ibibigay ko sa apo ng iyong panginoon.+ 10 Sasakahin mo ang lupain para sa kaniya—ikaw at ang iyong mga anak at mga lingkod—at titipunin mo ang mga ani nito na magiging pagkain ng sambahayan ng apo ng iyong panginoon. Pero si Mepiboset, ang apo ng iyong panginoon, ay laging kakaing kasama ko sa aking mesa.”+

Si Ziba ay may 15 anak na lalaki at 20 lingkod.+ 11 Pagkatapos, sinabi ni Ziba sa hari: “Gagawin ng iyong lingkod ang lahat ng iniutos ng panginoon kong hari.” Kaya si Mepiboset ay kumain sa mesa ni David* na gaya ng isa sa mga anak ng hari. 12 Si Mepiboset ay may isang batang anak na lalaki na ang pangalan ay Mica;+ at lahat ng nakatira sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mepiboset. 13 Si Mepiboset ay tumira sa Jerusalem, dahil lagi siyang kasalo sa mesa ng hari;+ at pilay ang dalawang paa niya.+

10 Nang maglaon, namatay ang hari ng mga Ammonita,+ at ang anak niyang si Hanun ang pumalit sa kaniya bilang hari.+ 2 Kaya sinabi ni David: “Magpapakita ako ng tapat na pag-ibig kay Hanun na anak ni Nahas, gaya ng tapat na pag-ibig na ipinakita sa akin ng kaniyang ama.” Kaya isinugo ni David ang mga lingkod niya para makiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito. Pero pagdating ng mga lingkod ni David sa lupain ng mga Ammonita, 3 sinabi ng matataas na opisyal ng mga Ammonita sa panginoon nilang si Hanun: “Sa tingin mo ba, pinararangalan ni David ang iyong ama sa pagsusugo niya ng mga makikiramay sa iyo? Hindi kaya pinapunta sa iyo ni David ang mga lingkod niya para mag-espiya sa buong lunsod at ibagsak ito?” 4 Kaya kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David at inahit ang kalahati ng balbas nila+ at pinutol hanggang sa pigi ang mga damit nila at pinaalis sila. 5 Nang sabihin kay David ang tungkol dito, nagsugo siya agad ng mga tauhan para salubungin sila, dahil ang mga lalaki ay napahiya nang husto; at sinabi sa kanila ng hari: “Doon muna kayo sa Jerico+ hanggang sa tumubo ulit ang balbas ninyo, saka kayo bumalik.”

6 Nang malaman ng mga Ammonita na galit na galit sa kanila si David, nagsugo ang mga Ammonita ng mga mensahero at inupahan ang mga Siryano ng Bet-rehob+ at ang mga Siryano ng Zoba,+ 20,000 sundalo; at ang hari ng Maaca,+ kasama ang 1,000 sundalo. Umupa rin sila ng 12,000 sundalo mula sa Istob.*+ 7 Nang mabalitaan ito ni David, isinugo niya si Joab at ang buong hukbo, kasama ang pinakamalalakas niyang mandirigma.+ 8 At ang mga Ammonita ay lumabas at humanay sa pasukan ng pintuang-daan para makipagdigma, samantalang ang mga Siryano ng Zoba at ng Rehob, kasama ang Istob* at ang Maaca, ay magkakasama sa parang.

9 Nang makita ni Joab na sumasalakay ang mga kalaban sa harapan at likuran niya, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo sa Israel, at ang mga ito ang iniharap niya para makipaglaban sa mga Siryano.+ 10 Ang iba pang sundalo ay inilagay niya sa pangunguna* ng kapatid niyang si Abisai,+ at humanay sila para makipagdigma sa mga Ammonita.+ 11 Pagkatapos, sinabi niya: “Kapag natatalo ako ng mga Siryano, tulungan mo ako; pero kapag natatalo ka ng mga Ammonita, tutulungan kita. 12 Magpakatatag tayo at lakasan natin ang ating loob+ para sa ating bayan at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gagawin ni Jehova ang mabuti sa paningin niya.”+

13 Pagkatapos, umabante si Joab at ang mga tauhan niya para makipagdigma sa mga Siryano, at tumakas ang mga ito mula sa harap niya.+ 14 Nang makita ng mga Ammonita na tumakas ang mga Siryano, tumakas sila mula kay Abisai at pumunta sa lunsod. Matapos makipaglaban sa mga Ammonita, bumalik si Joab sa Jerusalem.

15 Nang makita ng mga Siryano na natalo sila ng Israel, muli nilang tinipon ang kanilang hukbo.+ 16 Kaya ipinatawag ni Hadadezer+ ang mga Siryano na nasa rehiyon ng Ilog;*+ pagkatapos, pumunta sila sa Helam, at si Sobac na pinuno ng hukbo ni Hadadezer ang nanguna sa kanila.

17 Nang ibalita ito kay David, agad niyang tinipon ang buong Israel at tumawid sila ng Jordan at nakarating sa Helam. Humanay ang hukbo ng mga Siryano at nakipaglaban kay David.+ 18 Pero tumakas ang mga Siryano mula sa Israel; at 700 tagapagpatakbo ng karwahe at 40,000 mangangabayo ng mga Siryano ang napatay ni David, at pinabagsak niya si Sobac, ang pinuno ng kanilang hukbo, at namatay ito roon.+ 19 Nang makita ng lahat ng hari, na mga lingkod ni Hadadezer, na natalo sila ng Israel, agad silang nakipagpayapaan sa Israel at naging mga sakop nito;+ at takot na ang mga Siryano na tulungan pa ang mga Ammonita.

11 Sa pasimula ng taon,* noong nakikipagdigma ang mga hari, isinugo ni David si Joab at ang mga lingkod niya at ang buong hukbo ng Israel para lipulin ang mga Ammonita, at pinalibutan nila ang Raba,+ pero si David ay nanatili sa Jerusalem.+

2 Isang gabi,* bumangon si David mula sa higaan niya at naglakad-lakad sa bubungan ng bahay* ng hari. Mula sa bubungan ay nakita niya ang isang babaeng naliligo, at napakaganda ng babae. 3 Nagsugo si David ng tauhan para alamin kung sino ang babae. Iniulat ng tauhan: “Siya si Bat-sheba+ na anak ni Eliam+ at asawa ni Uria+ na Hiteo.”+ 4 Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero para sunduin ang babae.+ Kaya nagpunta ito sa kaniya, at sinipingan niya ito.+ (Nangyari ito habang nililinis pa ng babae ang sarili mula sa karumihan.*)+ Pagkatapos, bumalik ito sa bahay niya.

5 Nabuntis ang babae, at nagpadala ito ng mensahe kay David: “Buntis ako.” 6 Dahil dito, nagpadala ng ganitong mensahe si David kay Joab: “Papuntahin mo sa akin si Uria na Hiteo.” Kaya pinapunta ni Joab si Uria kay David. 7 Pagdating ni Uria kay David, kinumusta niya rito si Joab, ang lagay ng hukbo, at ang digmaan. 8 Pagkatapos, sinabi ni David kay Uria: “Umuwi ka sa bahay mo at magpahinga.”* Nang makaalis na si Uria sa bahay ng hari, nagpadala sa kaniya ng regalo* ang hari. 9 Pero natulog si Uria sa pasukan ng bahay ng hari kasama ng lahat ng iba pang lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi siya umuwi sa bahay niya. 10 Pagkatapos, may nagsabi kay David: “Hindi umuwi si Uria sa bahay niya.” Kaya sinabi ni David kay Uria: “Hindi ba kagagaling mo lang sa paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi sa bahay mo?” 11 Sinabi naman ni Uria kay David: “Ang Kaban+ at ang Israel at ang Juda ay nasa pansamantalang mga tirahan, at ang panginoon kong si Joab at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Kaya paano ko magagawang umuwi sa bahay ko para kumain at uminom at sumiping sa asawa ko?+ Isinusumpa ko,* hindi ko gagawin iyan!”

12 Pagkatapos, sinabi ni David kay Uria: “Dito ka muna ngayong araw na ito, at bukas ay pababalikin na kita.” Kaya si Uria ay nanatili sa Jerusalem nang araw na iyon at nang sumunod na araw. 13 At ipinatawag siya ni David para kumain at uminom na kasama nito, at nilasing siya nito. Pero kinagabihan, lumabas siya para matulog sa higaan niya kasama ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi siya umuwi sa bahay niya. 14 Kinaumagahan, sumulat si David ng liham para kay Joab at ipinadala iyon kay Uria. 15 Sinabi niya sa liham: “Ilagay ninyo si Uria sa bandang unahan ng hukbo, kung saan pinakamatindi ang labanan. Pagkatapos, umurong kayo at iwan siya para mapabagsak siya ng kalaban at mamatay.”+

16 Binabantayang mabuti ni Joab ang lunsod, at ipinuwesto niya si Uria sa lugar kung saan alam niyang may malalakas na mandirigma. 17 Nang lumabas ang mga lalaki ng lunsod at makipaglaban kay Joab, ang ilan sa mga lingkod ni David ay napatay, kasama na si Uria na Hiteo.+ 18 Iniulat ngayon ni Joab kay David ang lahat ng nangyari sa digmaan. 19 Ibinilin niya sa mensahero: “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang lahat ng nangyari sa digmaan, 20 baka magalit ang hari at sabihin sa iyo, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lunsod para makipaglaban? Hindi ba ninyo alam na papanain nila kayo mula sa ibabaw ng pader? 21 Sino ang nagpabagsak kay Abimelec+ na anak ni Jerubeset?+ Hindi ba napatay siya sa Tebez ng isang babae na nagbagsak sa kaniya ng pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa ibabaw ng pader? Bakit kinailangan ninyong lumapit nang husto sa pader?’ Sabihin mo naman, ‘Namatay rin ang lingkod mong si Uria na Hiteo.’”

22 Kaya umalis ang mensahero at pinarating kay David ang lahat ng ipinapasabi ni Joab. 23 Pagkatapos, sinabi ng mensahero kay David: “Dinaig kami ng kalaban, at sinugod nila kami sa parang; pero napaatras namin sila pabalik sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod. 24 Pinana ng mga kalaban ang mga lingkod mo mula sa ibabaw ng pader, at namatay ang ilan sa mga lingkod ng hari; namatay rin ang lingkod mong si Uria na Hiteo.”+ 25 Kaya sinabi ni David sa mensahero: “Sabihin mo kay Joab: ‘Huwag mong alalahanin ang nangyari, dahil talagang may namamatay sa digmaan. Paigtingin mo pa ang pakikipagdigma sa lunsod at sakupin mo iyon.’+ At patibayin mo ang loob niya.”

26 Nang malaman ng asawa ni Uria na ang asawa niyang si Uria ay namatay, nagdalamhati siya para sa asawa niya. 27 Pagkatapos ng panahon ng pagdadalamhati, agad siyang ipinasundo ni David para dalhin sa bahay nito, at siya ay naging asawa nito+ at nagkaroon sila ng anak na lalaki. Pero ang ginawa ni David ay napakasama sa paningin ni Jehova.+

12 Kaya isinugo ni Jehova si Natan+ kay David. Pinuntahan niya ito+ at sinabi: “May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap. 2 Napakaraming tupa at baka ng taong mayaman;+ 3 pero ang taong mahirap ay may iisang maliit na babaeng kordero,* na binili niya.+ Inalagaan niya ito, at lumaki itong kasama niya at ng mga anak niya. Kumakain ito mula sa kaunting pagkaing mayroon siya, umiinom mula sa kopa niya, at natutulog sa bisig niya. Naging parang anak na niya ito. 4 Nang maglaon, may bumisita sa taong mayaman, pero ayaw niyang kumuha mula sa sarili niyang mga tupa at mga baka para ihain sa manlalakbay na bumisita sa kaniya. Sa halip, kinuha niya ang babaeng kordero ng taong mahirap at inihain iyon sa lalaking bumisita sa kaniya.”+

5 Nagalit nang husto si David sa taong iyon, at sinabi niya kay Natan: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova,+ dapat mamatay ang taong gumawa nito! 6 At dapat siyang magbayad ng apat na kordero kapalit ng korderong kinuha niya,+ dahil ginawa niya ito at hindi siya naawa.”

7 Sinabi ni Natan kay David: “Ikaw ang taong iyon! Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Ako mismo ang nag-atas* sa iyo bilang hari ng Israel,+ at iniligtas kita mula sa kamay ni Saul.+ 8 Ibinigay ko sa iyo ang sambahayan ng iyong panginoon+ at inilagay ang mga asawa ng iyong panginoon+ sa bisig mo, at ibinigay ko sa iyo ang sambahayan ng Israel at ng Juda.+ At kung hindi pa sapat ang mga iyon, handa kong gawin ang higit pa para sa iyo.+ 9 Bakit mo hinamak ang salita ni Jehova at ginawa ang masama sa paningin niya? Pinabagsak mo si Uria na Hiteo sa pamamagitan ng espada!+ Pagkatapos, kinuha mo bilang asawa ang asawa niya+ matapos mong patayin si Uria sa pamamagitan ng espada ng mga Ammonita.+ 10 Ngayon, hindi kailanman iiwan ng espada ang sarili mong sambahayan,+ dahil hinamak mo ako nang kunin mo bilang asawa ang asawa ni Uria na Hiteo.’ 11 Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Magdadala ako ng kapahamakan sa iyo mula sa sarili mong sambahayan;+ at sa harap mo mismo, kukunin ko ang mga asawa mo at ibibigay sa ibang lalaki,*+ at lantaran niyang sisipingan ang mga asawa mo.+ 12 Palihim kang kumilos,+ pero lantaran ko itong gagawin sa harap ng buong Israel.’”

13 Sinabi ni David kay Natan: “Nagkasala ako kay Jehova.”+ Sinabi naman ni Natan kay David: “Pinatatawad* ni Jehova ang kasalanan mo.+ Hindi ka mamamatay.+ 14 Pero dahil nilapastangan mo si Jehova sa ginawa mo, ang anak mong lalaki na kasisilang pa lang ay tiyak na mamamatay.”

15 Pagkatapos, umuwi si Natan sa bahay niya.

At sinaktan ni Jehova ang bata na ipinanganak ng asawa ni Uria kay David, at ito ay nagkasakit. 16 Nakiusap si David sa tunay na Diyos para sa bata. Nag-ayuno si David. Pumapasok siya sa kuwarto niya at humihiga sa sahig nang buong magdamag.+ 17 Kaya ang matatandang lalaki ng sambahayan niya ay tumayo sa tabi niya para ibangon siya mula sa sahig, pero tumanggi siya at hindi kumaing kasama nila. 18 Nang ikapitong araw ay namatay ang bata, pero natatakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kaniyang patay na ang bata. Sinabi nila: “Noong buháy pa ang bata at nakipag-usap tayo sa kaniya, hindi siya nakinig sa atin. Kaya paano natin sasabihin sa kaniya na patay na ang bata? Baka kung ano ang gawin niya.”

19 Nang makita ni David na nagbubulungan ang mga lingkod niya, naisip niyang patay na ang bata. Tinanong ni David ang mga lingkod niya: “Patay na ba ang bata?” Sumagot sila: “Patay na siya.” 20 Kaya tumayo si David mula sa sahig. Naligo siya, nagpahid ng langis,+ nagpalit ng damit, at pumunta sa bahay+ ni Jehova para sumamba.* Pagkatapos, umuwi siya sa bahay* niya at humiling na dalhan siya ng pagkain, at kumain siya. 21 Tinanong siya ng mga lingkod niya: “Bakit ganoon? Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno ka at umiyak nang umiyak; pero nang mamatay ang bata, tumayo ka at kumain.” 22 Sumagot siya: “Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno ako+ at umiyak nang umiyak dahil iniisip ko, ‘Baka maawa sa akin si Jehova at hayaan niyang mabuhay ang bata.’+ 23 Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya?+ Pupunta ako sa kaniya,+ pero hindi siya babalik sa akin.”+

24 Pagkatapos, inaliw ni David ang asawa niyang si Bat-sheba.+ Pinuntahan niya ito at sumiping dito. Nang maglaon, nanganak si Bat-sheba ng isang lalaki, at pinangalanan itong Solomon.*+ At minahal ito ni Jehova,+ 25 at nagpadala siya ng mensahe sa pamamagitan ng propetang si Natan+ na pangalanan itong Jedidias,* alang-alang kay Jehova.

26 Si Joab ay patuloy na nakipaglaban sa Raba+ ng mga Ammonita,+ at nabihag niya ang maharlikang lunsod.*+ 27 Kaya nagsugo si Joab ng mga mensahero kay David at nagsabi: “Nakipaglaban ako sa Raba,+ at nabihag ko ang lunsod ng mga tubig.* 28 Tipunin mo ngayon ang iba pang sundalo at palibutan mo ang lunsod at sakupin mo iyon. Kung hindi, ako ang makasasakop sa lunsod, at sa akin mapupunta ang papuri.”*

29 Kaya tinipon ni David ang lahat ng sundalo at pumunta sa Raba at nakipaglaban doon at binihag iyon. 30 Pagkatapos, kinuha niya ang korona ni Malcam mula sa ulo nito. Ito ay may bigat na isang talento* ng ginto at may mamahaling mga bato, at inilagay ito sa ulo ni David. Kumuha rin siya ng napakaraming samsam+ mula sa lunsod.+ 31 At kinuha niya ang mga tagaroon at pinaglagari sila ng mga bato, pinagtrabaho gamit ang matatalas na kasangkapang bakal at mga palakol na bakal, at pinagawa ng laryo.* Ganito ang ginawa niya sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita. Bandang huli, si David at ang lahat ng sundalo ay bumalik sa Jerusalem.

13 Ang anak ni David na si Absalom ay may isang magandang kapatid na babae na ang pangalan ay Tamar,+ at nagkagusto sa kaniya si Amnon+ na anak ni David. 2 Sa sobrang lungkot ay nagkasakit na si Amnon dahil sa kapatid niyang si Tamar, dahil dalaga ito at parang imposibleng mangyari ang gusto niya. 3 May kaibigan si Amnon na ang pangalan ay Jehonadab,+ na anak ng kapatid ni David na si Simeah;+ at napakatalino ni Jehonadab. 4 Kaya sinabi nito sa kaniya: “Bakit laging napakalungkot ng anak ng hari? Sabihin mo sa akin.” Sinabi ni Amnon sa kaniya: “Gusto ko si Tamar na kapatid na babae+ ng kapatid kong si Absalom.” 5 Sinabi ni Jehonadab sa kaniya: “Humiga ka sa higaan mo at magkunwari kang may sakit. Kapag dinalaw ka ng iyong ama, sabihin mo sa kaniya, ‘Pakisuyo, papuntahin mo sa akin si Tamar na kapatid ko para bigyan ako ng pagkain. Kung maghahanda siya sa harap ko ng pagkain para sa maysakit,* at siya ang magpapakain sa akin, kakain ako.’”

6 Kaya humiga si Amnon at nagkunwaring may sakit, at dinalaw siya ng hari. Sinabi ni Amnon sa hari: “Pakisuyo, papuntahin mo rito si Tamar na kapatid ko para magluto sa harap ko ng dalawang tinapay na hugis-puso at pakainin ako.” 7 Kaya nagpadala ng ganitong mensahe si David para kay Tamar sa bahay nito: “Pakisuyo, pumunta ka sa bahay ng kapatid mong si Amnon at maghanda ka ng pagkain* para sa kaniya.” 8 Kaya pumunta si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Amnon at nadatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng harina at minasa ito para gawing mga tinapay at niluto sa harap ni Amnon. 9 Pagkatapos, kinuha niya ang tinapay at inihain ito kay Amnon. Pero ayaw nitong kumain. Sinabi ni Amnon: “Lumabas kayong lahat!” Kaya lumabas silang lahat.

10 Sinabi ngayon ni Amnon kay Tamar: “Dalhin mo sa kuwarto ang pagkain* at pakainin mo ako.” Kaya kinuha ni Tamar ang mga tinapay na hugis-puso na ginawa niya at dinala ang mga ito sa kapatid niyang si Amnon sa kuwarto. 11 Nang dalhin niya ang mga ito para kainin ni Amnon, sinunggaban siya nito at sinabi: “Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.” 12 Pero sinabi niya rito: “Huwag, kapatid ko! Huwag mo akong ilagay sa kahihiyan; hindi ginagawa ang ganiyan sa Israel.+ Huwag mong gawin ang kahiya-hiyang bagay na ito.+ 13 Ano pang mukha ang maihaharap ko? At ikaw, ituturing kang isa sa kasuklam-suklam na mga lalaki sa Israel. Pakisuyo, kausapin mo ang hari, dahil hindi niya ako ipagkakait sa iyo.” 14 Pero ayaw siya nitong pakinggan, at dinaan siya nito sa dahas at pinagsamantalahan. 15 Pagkatapos nito, nakadama si Amnon ng labis na pagkamuhi sa kaniya—pagkamuhi na mas matindi pa kaysa sa pagkagusto na nadama nito sa kaniya. Sinabi sa kaniya ni Amnon: “Bumangon ka; layas!” 16 Sumagot siya: “Huwag, kapatid ko, dahil ang pagpapalayas mo sa akin ngayon ay mas masama kaysa sa nagawa mo na sa akin!” Pero ayaw nitong makinig sa kaniya.

17 Tinawag niya ang kaniyang tagapaglingkod at sinabi rito: “Pakisuyo, alisin mo ang babaeng ito sa harap ko, at ikandado mo ang pinto.” 18 (Si Tamar ay nakasuot ng espesyal na* damit, na isinusuot ng mga anak na dalaga ng hari.) Kaya inilabas siya ng tagapaglingkod, at ikinandado nito ang pinto. 19 Pagkatapos, naglagay ng abo sa ulo si Tamar,+ at pinunit niya ang magandang damit na suot niya. Nasa ulo niya ang mga kamay niya habang naglalakad at umiiyak.

20 Kaya tinanong siya ng kapatid niyang si Absalom:+ “Hindi ba si Amnon na kapatid mo ang kasama mo? At ngayon, kapatid ko, tumahimik ka. Kapatid mo siya.+ Huwag mo nang isipin ang nangyari.” Pagkatapos, tumira si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Absalom at hindi nakisalamuha sa iba. 21 Nang malaman ni Haring David ang lahat ng ito, galit na galit siya.+ Pero ayaw niyang saktan ang damdamin ng anak niyang si Amnon. Mahal niya ito dahil ito ang panganay niya. 22 Walang sinabi si Absalom kay Amnon, masama man o mabuti; napopoot si Absalom+ kay Amnon dahil nilapastangan nito ang kapatid niyang si Tamar.+

23 Makalipas ang dalawang taon, nang ang mga manggugupit ng tupa ni Absalom ay nasa Baal-hazor, na malapit sa Efraim,+ inimbitahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari.+ 24 Pumunta si Absalom sa hari at nagsabi: “Nagpapagupit ng tupa ang iyong lingkod. Sumama sana sa akin ang hari at ang mga lingkod niya.” 25 Pero sinabi ng hari kay Absalom: “Huwag, anak ko. Kung sasama kaming lahat, magiging pabigat kami sa iyo.” Kahit pinilit nito ang hari, hindi siya pumayag na sumama. Pero pinagpala niya ito. 26 Pagkatapos, sinabi ni Absalom: “Kung hindi kayo puwede, si Amnon na lang sana ang pasamahin ninyo sa amin.”+ Sinabi sa kaniya ng hari: “Bakit kailangan niyang sumama sa iyo?” 27 Pero pinilit niya ito, kaya pinasama nito si Amnon at ang lahat ng anak ng hari.

28 Pagkatapos, inutusan ni Absalom ang mga tagapaglingkod niya: “Magbantay kayo. Kapag masaya na si Amnon dahil sa alak, sasabihin ko sa inyo, ‘Pabagsakin ninyo si Amnon!’ Papatayin ninyo siya. Huwag kayong matakot, dahil ako ang nag-utos sa inyo. Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob.” 29 Ginawa ng mga tagapaglingkod ni Absalom kay Amnon ang iniutos ni Absalom; at ang lahat ng iba pang anak ng hari ay tumayo at sumakay sa kani-kaniyang mula* at tumakas. 30 Habang nasa daan sila, nakarating kay David ang ganitong balita: “Pinabagsak ni Absalom ang lahat ng anak ng hari, at walang isa man sa kanila ang nakaligtas.” 31 Tumayo ang hari at pinunit ang damit niya at humiga sa sahig, at ang lahat ng lingkod niya ay nakatayo malapit sa kaniya na punít ang mga damit.

32 Pero si Jehonadab+ na anak ni Simeah,+ na kapatid ni David, ay nagsabi: “Huwag isipin ng panginoon ko na lahat ng anak na lalaki ng hari ay pinatay nila, dahil si Amnon lang ang namatay.+ Iniutos ito ni Absalom, na nagbalak gawin ito+ mula nang araw na lapastanganin ni Amnon ang kapatid niyang+ si Tamar.+ 33 Huwag sanang paniwalaan ng panginoon kong hari ang balitang namatay ang lahat ng anak ng hari; si Amnon lang ang namatay.”

34 Samantala, tumakas si Absalom.+ Nang maglaon, nakita ng bantay ang maraming taong paparating mula sa daan sa tabi ng bundok. 35 At sinabi ni Jehonadab+ sa hari: “Tingnan ninyo! Nakabalik na ang mga anak ng hari. Tama ang sinabi ng inyong lingkod.” 36 Matapos siyang magsalita, dumating ang mga anak ng hari, na umiiyak nang malakas; ang hari at ang lahat ng lingkod niya ay humagulgol din. 37 Si Absalom naman ay tumakas at pumunta kay Talmai+ na anak ni Amihud at hari ng Gesur. Nagdalamhati si David nang maraming araw para sa anak niya. 38 Matapos tumakas si Absalom at magpunta sa Gesur,+ nanatili siya roon nang tatlong taon.

39 Nang maglaon, gustong-gusto ni Haring David na puntahan si Absalom, dahil natanggap na niya ang pagkamatay ni Amnon.

14 Nalaman ngayon ni Joab na anak ni Zeruias+ na nananabik na ang hari kay Absalom.+ 2 Kaya nagpakuha si Joab sa Tekoa+ ng isang babaeng marunong. Sinabi niya sa babae: “Pakisuyo, magkunwari kang nagdadalamhati, magsuot ka ng damit ng mga nagdadalamhati, at huwag kang magpahid ng langis.+ Magkunwari kang isang babae na matagal nang nagdadalamhati para sa isang namatay. 3 Pagkatapos, pumunta ka sa hari at ganito ang sabihin mo.” At itinuro sa kaniya ni Joab kung ano ang sasabihin niya.

4 Ang babaeng Tekoita ay pumunta sa hari at sumubsob para magbigay-galang. Sinabi niya: “Tulungan mo ako, O hari!” 5 Sinabi ng hari sa kaniya: “Ano ang nangyari?” Sumagot siya: “Biyuda na ako; patay na ang asawa ko. 6 At ako, ang iyong lingkod, ay may dalawang anak na lalaki, at nag-away sila sa bukid. Walang tao roon para awatin sila, at pinatay ng isa ang kapatid niya. 7 Ngayon, ang buong pamilya ay laban sa akin, sa iyong lingkod, at sinasabi nila, ‘Ibigay mo ang pumatay sa kapatid niya, para mapatay namin siya kapalit ng buhay ng kapatid na pinatay niya,+ kahit na walang matirang tagapagmana!’ Papatayin nila ang huling nagniningas na baga na natitira* sa akin, at walang maiiwang pangalan o anak* ang asawa ko sa ibabaw ng lupa.”

8 Pagkatapos, sinabi ng hari sa babae: “Umuwi ka na, at maglalabas ako ng utos may kinalaman sa iyo.” 9 Dahil dito, sinabi ng babaeng Tekoita sa hari: “O panginoon kong hari, ako nawa at ang sambahayan ng aking ama ang managot, at manatiling walang-sala ang hari at ang kaniyang trono.” 10 At sinabi ng hari: “Kung may sinumang magsalita pa sa iyo, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya guguluhin.” 11 Pero sinabi ng babae: “Pakisuyo, alalahanin nawa ng hari si Jehova na iyong Diyos, para ang tagapaghiganti ng dugo+ ay hindi magdala ng kapahamakan at patayin ang anak ko.” At sinabi ng hari: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova,+ walang isa mang buhok ng anak mo ang mahuhulog sa lupa.” 12 Sinabi ngayon ng babae: “Pakisuyo, hayaan mo nawa ang iyong lingkod na magsalita sa panginoon kong hari.” Kaya sinabi ng hari: “Sige, magsalita ka.”

13 Sinabi ng babae: “Bakit mo naisip na gawin ito laban sa bayan ng Diyos?+ Sa sinabi ng hari, hinahatulan na rin niya ang sarili niya, dahil hindi pa niya pinababalik ang sarili niyang anak na itinaboy niya.+ 14 Mamamatay tayo at magiging gaya ng tubig na ibinuhos sa lupa, na hindi na matitipon pa. Pero hindi papatay ang Diyos, at isinasaalang-alang niya ang mga dahilan kung bakit ang itinaboy ay hindi dapat manatiling nakahiwalay sa kaniya. 15 Pumunta ako rito para sabihin ito sa panginoon kong hari dahil tinakot ako ng bayan. Kaya sinabi ng iyong lingkod, ‘Pakisuyo, hayaan ninyong kausapin ko ang hari. Baka pagbigyan niya ang hinihiling ng kaniyang alipin. 16 Baka makinig ang hari at iligtas ang kaniyang alipin mula sa kamay ng taong gustong mag-alis sa akin at sa nag-iisa kong anak mula sa mana na ibinigay ng Diyos sa amin.’+ 17 Pagkatapos, sinabi ng iyong lingkod, ‘Magbigay nawa sa akin ng kaginhawahan ang sasabihin ng panginoon kong hari,’ dahil ang panginoon kong hari ay parang isang anghel ng tunay na Diyos sa pagkilala ng mabuti at ng masama. Sumaiyo nawa si Jehova na iyong Diyos.”

18 Sinabi ngayon ng hari sa babae: “Pakisuyo, sagutin mo ang anumang itatanong ko sa iyo at huwag kang maglihim.” Sumagot ang babae: “Pakisuyo, magsalita ang panginoon kong hari.” 19 Itinanong ng hari: “Si Joab ba ang nag-utos sa iyo na gawin ito?”+ Sumagot ang babae: “Sumusumpa ako sa iyo,* O panginoon kong hari, tama ang sinabi ng panginoon kong hari, dahil ang lingkod mong si Joab ang nag-utos sa akin at nagturo ng lahat ng sasabihin ng iyong lingkod. 20 Ginawa ito ng lingkod mong si Joab para mabago ang tingin mo sa sitwasyon, pero ang panginoon ko ay may karunungang gaya ng sa anghel ng tunay na Diyos at alam mo ang lahat ng nangyayari sa lupain.”

21 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Joab: “Sige, gagawin ko ito.+ Puntahan mo at sunduin si Absalom.”+ 22 Dahil dito, sumubsob si Joab para magbigay-galang at pinuri niya ang hari. Sinabi ni Joab: “Alam na ngayon ng lingkod mo na nalulugod ka sa akin, O panginoon kong hari, dahil pinagbigyan ng hari ang hiling ng lingkod niya.” 23 Pagkatapos, tumayo si Joab at pumunta sa Gesur+ at dinala si Absalom sa Jerusalem. 24 Pero sinabi ng hari: “Makababalik siya sa bahay niya, pero hindi siya puwedeng humarap sa akin.” Kaya bumalik si Absalom sa bahay niya, at hindi siya humarap sa hari.

25 Sa buong Israel, si Absalom ang pinakahinahangaan dahil sa kaguwapuhan. Mula ulo hanggang paa, walang maipipintas sa kaniya. 26 Kapag ginugupit niya ang buhok niya—kailangan niya itong gupitin taon-taon dahil napakabigat nito para sa kaniya—ang timbang ng buhok niya sa ulo ay 200 siklo* ayon sa batong panimbang ng palasyo.* 27 Si Absalom ay nagkaroon ng tatlong anak na lalaki+ at isang anak na babae na ang pangalan ay Tamar. At napakaganda niyang babae.

28 At si Absalom ay patuloy na nanirahan sa Jerusalem nang dalawang taon, pero hindi siya humarap sa hari.+ 29 Kaya ipinatawag ni Absalom si Joab para isugo ito sa hari, pero hindi pumupunta sa kaniya si Joab. Ipinatawag niya ito ulit, sa ikalawang pagkakataon, pero ayaw pa rin nitong pumunta. 30 Kaya sinabi niya sa mga lingkod niya: “Magkatabi ang bukid namin ni Joab, at mayroon siyang sebada roon. Puntahan ninyo iyon at sunugin.” Kaya sinunog ng mga lingkod ni Absalom ang bukid. 31 Dahil dito, pumunta si Joab sa bahay ni Absalom at sinabi niya rito: “Bakit sinunog ng mga lingkod mo ang bukid ko?” 32 Sinabi ni Absalom kay Joab: “Nagpadala ako ng ganitong mensahe sa iyo, ‘Magpunta ka rito at isusugo kita sa hari para itanong: “Bakit pa ako umalis sa Gesur para pumunta rito?+ Mas mabuti pang nanatili na lang ako roon. Ngayon ay hayaan mo akong humarap sa hari, at kung may kasalanan ako, patayin niya ako.”’”

33 Kaya pumunta si Joab sa hari para sabihin ito. Pagkatapos, tinawag nito si Absalom, na pumunta naman sa hari at lumuhod at sumubsob sa harap ng hari. At hinalikan ng hari si Absalom.+

15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpagawa si Absalom ng isang karwahe at kumuha ng mga kabayo at 50 lalaki na tatakbo sa unahan niya.+ 2 Si Absalom ay bumabangon nang maaga at tumatayo sa tabi ng daan papunta sa pintuang-daan ng lunsod.+ Kapag may dumadaan doon na may idudulog na kaso sa hari,+ tinatawag ito ni Absalom at sinasabi niya rito: “Tagasaang lunsod ka?” Sinasabi naman nito: “Ang iyong lingkod ay mula sa isa sa mga tribo ng Israel.” 3 Sinasabi ni Absalom sa kaniya: “Nasa katuwiran ka, pero walang kinatawan ang hari para duminig sa kaso mo.” 4 Sinasabi pa ni Absalom: “Kung maaatasan lang sana akong hukom sa lupain! Makalalapit sa akin ang bawat taong may idudulog na kaso o usapin, at titiyakin kong mabibigyan siya ng katarungan.”

5 At kapag may taong lumalapit sa kaniya para yumukod, hinahawakan ito ni Absalom at hinahalikan.+ 6 Ganiyan ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelita na pumupunta sa hari para humingi ng katarungan; kaya patuloy na ninanakaw ni Absalom ang puso ng mga tao sa Israel.+

7 Sa pagtatapos ng apat na taon,* sinabi ni Absalom sa hari: “Pakisuyo, payagan mo akong pumunta sa Hebron+ para tuparin ang panata ko kay Jehova. 8 Dahil ang iyong lingkod ay nagbitiw ng ganitong taimtim na panata+ noong nakatira ako sa Gesur+ sa Sirya: ‘Kung ibabalik ako ni Jehova sa Jerusalem, maghahandog* ako kay Jehova.’” 9 Sinabi sa kaniya ng hari: “Umalis kang payapa.” Kaya pumunta siya sa Hebron.

10 Pagkatapos, nagsugo si Absalom ng mga espiya sa lahat ng tribo ng Israel. Sinabi niya sa kanila: “Kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, isigaw ninyo, ‘Si Absalom ay naging hari sa Hebron!’”+ 11 May 200 lalaki mula sa Jerusalem na sumama kay Absalom; inimbitahan sila at sumama nang walang kamalay-malay sa nangyayari. 12 Pagkatapos, nang ialay ni Absalom ang mga handog, ipinatawag niya si Ahitopel+ na Gilonita, ang tagapayo ni David,+ mula sa lunsod nito na Gilo.+ Ang sabuwatan ay patuloy na tumitindi, at dumarami ang mga sumusuporta kay Absalom.+

13 Nang maglaon, may dumating na tagapagbalita kay David, na nagsabi: “Ang puso ng mga tao sa Israel ay napunta na kay Absalom.” 14 Agad na sinabi ni David sa lahat ng lingkod na kasama niya sa Jerusalem: “Halikayo, tumakas na tayo.+ Kung hindi, walang makaliligtas sa atin kay Absalom! Dalian ninyo, dahil baka maabutan niya tayo at patayin tayo at ang lahat ng tao sa lunsod!”+ 15 Sumagot ang mga lingkod ng hari: “Anuman ang ipasiya ng panginoon kong hari ay handang gawin ng iyong mga lingkod.”+ 16 Kaya lumabas ang hari kasunod ang buong sambahayan niya, pero nag-iwan ang hari ng 10 pangalawahing asawa+ para mag-asikaso sa bahay.* 17 Nagpatuloy sa paglalakbay ang hari kasunod ang buong bayan, at huminto sila sa Bet-merhak.

18 Ang lahat ng lingkod niya na umalis kasama niya at ang lahat ng Kereteo, Peleteo,+ at Giteo,+ 600 lalaki na sumunod sa kaniya mula sa Gat,+ ay dumadaan at tinitingnan ng hari ang kalagayan nila. 19 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Ittai+ na Giteo: “Bakit sasama ka rin sa amin? Bumalik ka at sumama sa bagong hari dahil banyaga ka, at isa pa, ipinatapon ka mula sa bayan mo. 20 Kahapon ka lang dumating, kaya bakit kita pasasamahin saanman at kailanman kami magpagala-gala? Bumalik ka at isama mo ang mga kapatid mo, at pagpakitaan ka nawa ni Jehova ng tapat na pag-ibig at katapatan!”+ 21 Pero sumagot si Ittai sa hari: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ang panginoon kong hari, saanman pumunta ang panginoon kong hari, sa kamatayan man o sa buhay, sasama ang iyong lingkod!”+ 22 Sinabi ni David kay Ittai:+ “Sige, tumawid ka.” Kaya tumawid si Ittai na Giteo, pati ang lahat ng tauhan niya at ang mga batang kasama niya.

23 Ang lahat ng nasa lupain ay umiiyak nang malakas habang ang lahat ng taong ito ay tumatawid, at ang hari ay nakatayo malapit sa Lambak ng Kidron;+ ang buong bayan ay tumatawid papunta sa daan na patungong ilang. 24 Naroon din si Zadok+ kasama ang lahat ng Levita+ na nagdadala ng kaban+ ng tipan ng tunay na Diyos,+ at inilapag nila ang Kaban ng tunay na Diyos; pumunta rin doon si Abiatar;+ samantala, nakaalis ang buong bayan sa lunsod at nakatawid. 25 Pero sinabi ng hari kay Zadok: “Ibalik mo sa lunsod ang Kaban ng tunay na Diyos.+ Kung nalulugod sa akin si Jehova, ibabalik niya ako at ipapakita iyon sa akin at ang tahanan nito.+ 26 Pero kung sasabihin niya, ‘Hindi ako nalulugod sa iyo,’ gawin niya sa akin kung ano ang mabuti sa paningin niya.” 27 Sinabi pa ng hari sa saserdoteng si Zadok: “Tagakita*+ ka, hindi ba? Bumalik kayong payapa sa lunsod, at isama ninyo ang anak mong si Ahimaas at ang anak ni Abiatar na si Jonatan.+ 28 Mananatili ako sa mga tawiran sa ilang hanggang sa makatanggap ako ng mensahe mula sa inyo.”+ 29 Kaya ibinalik nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang Kaban ng tunay na Diyos, at nanatili sila roon.

30 Habang umaakyat si David sa Bundok ng mga Olibo,+ umiiyak siya; may takip ang ulo niya, at naglalakad siyang nakapaa. Ang lahat ng kasama niya ay nagtakip din ng ulo at umiiyak habang umaakyat. 31 May nag-ulat kay David: “Kasama si Ahitopel sa mga nakikipagsabuwatan+ kay Absalom.”+ Sinabi ni David: “Pakisuyo, gawin mong kamangmangan ang payo ni Ahitopel,+ O Jehova!”+

32 Nang makarating si David sa tuktok ng bundok kung saan yumuyukod noon sa Diyos ang bayan, naroon si Husai+ na Arkita+ para salubungin siya; punít ang damit nito at may lupa sa ulo. 33 Pero sinabi ni David dito: “Kung sasama ka sa akin sa pagtawid, magiging pabigat ka sa akin. 34 Pero kung babalik ka sa lunsod at sasabihin mo kay Absalom, ‘Lingkod mo ako, O Hari. Dati akong lingkod ng iyong ama, pero ngayon ay lingkod mo na ako,’+ matutulungan mo akong biguin ang plano ni Ahitopel.+ 35 Hindi ba kasama mo roon ang mga saserdoteng sina Zadok at Abiatar? Sabihin mo sa mga saserdoteng sina Zadok at Abiatar ang lahat ng maririnig mo mula sa sambahayan ng hari.+ 36 Kasama nila si Ahimaas+ na anak ni Zadok at si Jonatan+ na anak ni Abiatar, at isugo mo sila para sabihin sa akin ang lahat ng maririnig ninyo.” 37 Kaya si Husai, na kaibigan* ni David,+ ay pumunta sa lunsod habang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.

16 Nang makalampas nang kaunti si David sa tuktok ng bundok,+ naroon si Ziba+ na tagapaglingkod ni Mepiboset+ para salubungin siya. Mayroon itong isang pares ng asnong may síya* na may pasang 200 tinapay, 100 kakaning pasas, 100 kakaning gawa sa prutas na pantag-araw,* at isang malaking banga ng alak.+ 2 Sinabi ng hari kay Ziba: “Bakit dinala mo ang mga ito?” Sumagot si Ziba: “Ang mga asno ay para may masakyan ang sambahayan ng hari, ang tinapay at ang mga prutas na pantag-araw ay para may makain ang iyong mga tauhan, at ang alak ay para may mainom ang mga napagod sa ilang.”+ 3 Sinabi ngayon ng hari: “Nasaan ang anak* ng iyong panginoon?”+ Sinabi ni Ziba sa hari: “Naroon siya sa Jerusalem, at ang sabi niya, ‘Ibabalik sa akin ngayon ng sambahayan ng Israel ang paghahari ng aking ama.’”+ 4 At sinabi ng hari kay Ziba: “Sa iyo na ang lahat ng pag-aari ni Mepiboset.”+ Sinabi ni Ziba: “Yumuyukod ako sa iyo. Kalugdan mo nawa ako, panginoon kong hari.”+

5 Pagdating ni Haring David sa Bahurim, isang lalaki mula sa angkan ni Saul na nagngangalang Simei+ na anak ni Gera ang lumabas at nagsasalita ng masasama habang papalapit sa kaniya.+ 6 Binabato nito si David at ang lahat ng lingkod ni Haring David, pati ang lahat ng iba pang taong kasama niya at ang mga mandirigmang nasa magkabilang panig niya. 7 Ganito ang masasamang sinabi ni Simei: “Lumayas ka, lumayas ka! Mamamatay-tao ka! Wala kang kuwentang tao! 8 Pinagbayad ka ni Jehova dahil sa lahat ng pinatay mo sa sambahayan ni Saul. Pinalitan mo siya bilang hari, pero ibinigay ni Jehova ang pamamahala sa kamay ng anak mong si Absalom. Ngayon ay napahamak ka dahil mamamatay-tao ka!”+

9 Pagkatapos, ang anak ni Zeruias na si Abisai+ ay nagsabi sa hari: “Bakit isinusumpa ng patay na asong ito+ ang panginoon kong hari?+ Pakisuyo, payagan mo akong pumunta roon at tagpasin ang ulo niya.”+ 10 Pero sinabi ng hari: “Bakit kayo nakikialam, mga anak ni Zeruias?+ Hayaan ninyo siyang sumpain ako,+ dahil sinabi sa kaniya ni Jehova,+ ‘Sumpain mo si David!’ Kaya sino ang makapagsasabi, ‘Bakit mo ginagawa iyan?’” 11 Sinabi pa ni David kay Abisai at sa lahat ng lingkod niya: “Kung ang sarili ko ngang anak na nanggaling mismo sa akin, gusto akong patayin,+ ano pa ang aasahan ninyo sa isang Benjaminita?+ Hayaan ninyo siyang sumpain ako, dahil iniutos iyon sa kaniya ni Jehova! 12 Baka sakaling makita ni Jehova ang paghihirap ko,+ at bigyan ako ni Jehova ng mga pagpapala sa halip na mga sumpa gaya ng isinisigaw sa akin ngayon.”+ 13 Kaya si David at ang mga tauhan niya ay patuloy na naglakad pababa sa lansangan, samantalang si Simei ay nasa gilid ng bundok at naglalakad kasabay niya; nagsisisigaw ito ng masasamang bagay,+ nambabato, at nagsasaboy ng maraming alabok.

14 Pagdating ng hari at ng lahat ng kasama niya sa destinasyon nila, pagod na pagod sila, kaya nagpahinga sila.

15 Samantala, si Absalom at ang lahat ng tagasunod niya sa Israel ay dumating sa Jerusalem, at kasama niya si Ahitopel.+ 16 Nang si Husai+ na Arkita,+ na kaibigan* ni David, ay lumapit kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom: “Mabuhay ang hari!+ Mabuhay ang hari!” 17 Sinabi naman ni Absalom kay Husai: “Ganiyan ka ba magpakita ng tapat na pag-ibig sa kaibigan mo? Bakit hindi ka sumama sa kaibigan mo?” 18 Sinabi ni Husai kay Absalom: “Hindi ko magagawa iyon, dahil nasa panig ako ng pinili ni Jehova, ng mga taong ito, at ng lahat ng iba pang Israelita. Magiging tapat ako sa taong iyon. 19 Inuulit ko, Kanino ba ako dapat maglingkod? Hindi ba sa anak niya? Kung paanong naglingkod ako sa iyong ama, maglilingkod ako sa iyo.”+

20 Pagkatapos, sinabi ni Absalom kay Ahitopel: “Payuhan mo ako.+ Ano ang gagawin natin?” 21 Sinabi ni Ahitopel kay Absalom: “Sipingan mo ang mga pangalawahing asawa ng iyong ama,+ ang mga iniwan niya para mag-asikaso sa bahay.*+ At malalaman ng buong Israel na ginawa mong kasuklam-suklam ang sarili mo sa iyong ama, at lalakas ang loob ng mga sumusuporta sa iyo.” 22 Kaya ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubong,+ at sinipingan ni Absalom ang mga pangalawahing asawa ng kaniyang ama+ sa paningin ng buong Israel.+

23 Nang mga panahong iyon, ang payo ni Ahitopel+ ay itinuturing na* salita ng tunay na Diyos. Ganoon ang tingin ni David at ni Absalom sa lahat ng payo ni Ahitopel.

17 Pagkatapos, sinabi ni Ahitopel kay Absalom: “Hayaan mo akong pumili ng 12,000 lalaki at hahabulin ko si David ngayong gabi. 2 Lulusubin ko siya habang pagod siya at walang lakas,*+ at gugulantangin ko siya; at tatakas ang lahat ng kasama niya, at ang hari lang ang papatayin ko.+ 3 Pagkatapos, ibabalik ko sa iyo ang buong bayan. Ang pagbabalik ng buong bayan ay nakadepende sa mangyayari sa lalaking hinahanap mo. At ang buong bayan ay magiging payapa.” 4 Nagustuhan ni Absalom at ng lahat ng matatandang lalaki ng Israel ang mungkahi.

5 Pero sinabi ni Absalom: “Pakisuyong tawagin din si Husai+ na Arkita, at pakinggan natin ang sasabihin niya.” 6 Kaya humarap si Husai kay Absalom. Pagkatapos, sinabi ni Absalom sa kaniya: “Ito ang ipinayo ni Ahitopel. Susundin ba natin ang payo niya? Kung hindi, sabihin mo sa amin.” 7 Sinabi ni Husai kay Absalom: “Sa pagkakataong ito, hindi maganda ang payo ni Ahitopel!”+

8 Sinabi pa ni Husai: “Alam na alam mong malakas ang iyong ama at ang mga tauhan niya,+ at mga desperado silang gaya ng oso na nawalan ng mga anak sa parang.+ Isa pa, mandirigma ang iyong ama,+ at hindi siya magpapalipas ng gabi kasama ng bayan. 9 Sa mga sandaling ito, nagtatago siya sa isa sa mga kuweba* o sa ibang lugar;+ at kung mauuna siyang sumalakay, sasabihin ng mga makaririnig nito, ‘Natalo ang mga sumusunod kay Absalom!’ 10 Kahit ang matapang na lalaki na ang puso ay gaya ng puso ng leon+ ay tiyak na manlalambot sa takot, dahil alam ng buong Israel na ang iyong ama ay isang malakas na mandirigma+ at matatapang ang mga tauhan niya. 11 Ito ang payo ko: Tipunin mo ang buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba,+ na sindami ng mga butil ng buhangin sa tabi ng dagat,+ at ikaw ang manguna sa kanila sa labanan. 12 Lalabanan natin siya saanman siya naroon, at sasalakayin natin siya gaya ng pagbagsak ng hamog sa lupa; at walang isa man sa kanila ang makaliligtas, siya o sinuman sa mga tauhan niya. 13 Kung tatakas siya papunta sa isang lunsod, ang buong Israel ay magdadala ng mga lubid sa lunsod na iyon, at kakaladkarin natin iyon papunta sa lambak, hanggang sa wala nang matira kahit isang maliit na bato.”

14 Sinabi ni Absalom at ng lahat ng lalaki ng Israel: “Mas maganda ang payo ni Husai na Arkita+ kaysa sa payo ni Ahitopel!” Dahil ipinasiya* ni Jehova na biguin ang magandang plano ni Ahitopel,+ para makapagdulot si Jehova ng kapahamakan kay Absalom.+

15 Nang maglaon, sinabi ni Husai sa mga saserdoteng sina Zadok at Abiatar:+ “Ganito ang ipinayo ni Ahitopel kay Absalom at sa matatandang lalaki ng Israel, at ganito naman ang ipinayo ko. 16 Magpadala agad kayo ng mensahe kay David para babalaan siya, ‘Huwag kang manatili sa mga tawiran* sa ilang ngayong gabi; tumawid ka, dahil baka malipol* ang hari at ang lahat ng kasama niya.’”+

17 Sina Jonatan+ at Ahimaas+ ay nanatili sa En-rogel+ dahil ayaw nilang mangahas na pumasok sa lunsod at makita ng mga tao; kaya isang lingkod na babae ang pumunta at nagbalita sa kanila, at sila naman ang nagbalita kay Haring David. 18 Pero isang lalaki ang nakakita sa kanila at nagsumbong kay Absalom. Kaya silang dalawa ay agad na umalis at pumunta sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim,+ na may balon sa bakuran. Bumaba sila roon, 19 at ang asawa ng lalaki ay naglagay ng pantabing sa ibabaw ng balon at nagbunton doon ng dinurog na butil; walang nakaaalam nito. 20 Ang mga lingkod ni Absalom ay pumunta sa babae sa bahay nito at nagtanong: “Nasaan si Ahimaas at si Jonatan?” Sumagot ang babae: “Dumaan sila rito papunta sa ilog.”+ Hinanap sila ng mga lalaki pero hindi sila nakita, kaya bumalik ang mga ito sa Jerusalem.

21 Pagkaalis ng mga lalaki, umahon sila sa balon at pumunta kay Haring David para magbalita. Sinabi nila sa kaniya: “Umalis kayo at tumawid agad sa ilog, dahil may ipinayo si Ahitopel na pakana laban sa inyo.”+ 22 Agad na umalis si David at ang lahat ng kasama niya at tumawid sila sa Jordan. Nang magbukang-liwayway, lahat sila ay nasa kabilang ibayo na ng Jordan.

23 Nang makita ni Ahitopel na hindi sinunod ang ipinayo niya, inihanda niya ang asno niya at umuwi sa kaniyang bahay sa sarili niyang bayan.+ Matapos pagbilinan ang sambahayan niya,+ nagbigti siya.+ Kaya namatay siya at inilibing sa libingan ng kaniyang mga ninuno.

24 Samantala, pumunta si David sa Mahanaim.+ Si Absalom naman at ang mga tagasunod niya sa Israel ay tumawid ng Jordan. 25 Hinirang ni Absalom si Amasa+ bilang pinuno ng hukbo kapalit ni Joab;+ si Amasa ay anak ng isang lalaking Israelita na si Itra, na sumiping kay Abigail+ na anak ni Nahas at kapatid ni Zeruias, ang ina ni Joab. 26 Ang mga Israelita at si Absalom ay nagkampo sa lupain ng Gilead.+

27 Pagdating ni David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas mula sa Raba+ ng mga Ammonita, si Makir+ na anak ni Amiel mula sa Lo-debar, at si Barzilai+ na Gileadita mula sa Rogelim 28 ay nagdala ng mga higaan, mangkok, palayok, trigo, sebada, harina, binusang butil, habas,* lentehas, sinangag na butil, 29 pulot-pukyutan, mantikilya, tupa, at keso.* Inilabas nila ang lahat ng ito para may makain si David at ang mga kasama niya,+ dahil ang sabi nila: “Nagutom sila, napagod, at nauhaw sa ilang.”+

18 At binilang ni David ang mga kasama niya at nag-atas siya ng mga mangunguna sa kanila, mga pinuno ng libo-libo at mga pinuno ng daan-daan.+ 2 At isinugo ni David ang sangkatlo ng mga lalaki sa pamumuno* ni Joab,+ sangkatlo sa pamumuno ng kapatid ni Joab na si Abisai+ na anak ni Zeruias,+ at sangkatlo sa pamumuno ni Ittai+ na Giteo. Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanila: “Sasama rin ako sa inyo.” 3 Pero sinabi nila: “Huwag kang sumama,+ dahil kapag tumakas kami, bale-wala iyon sa kanila;* at kahit mamatay ang kalahati sa amin, bale-wala iyon sa kanila, pero ikaw, 10,000 sundalo ang katumbas mo.+ Kaya mas mabuti kung magpapadala ka sa amin ng tulong mula sa lunsod.” 4 Sinabi ng hari sa kanila: “Kung ano ang mabuti sa tingin ninyo, gagawin ko.” Kaya tumayo ang hari sa tabi ng pintuang-daan ng lunsod, at lahat ng lalaki ay lumabas nang daan-daan at libo-libo. 5 Pagkatapos, inutusan ng hari sina Joab, Abisai, at Ittai: “Huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.”+ Narinig ng lahat ang hari nang mag-utos ito sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom.

6 Ang mga lalaki ay lumabas para makipaglaban sa Israel, at naganap ang labanan sa kagubatan ng Efraim.+ 7 Doon, ang bayan ng Israel+ ay tinalo ng mga lingkod ni David,+ at napakaraming namatay nang araw na iyon—20,000 lalaki. 8 Umabot ang labanan sa lahat ng panig ng rehiyon. At mas maraming namatay dahil sa kagubatan kaysa sa espada nang araw na iyon.

9 Pagkatapos, nakaharap ni Absalom ang mga lingkod ni David. Nakasakay si Absalom sa isang mula,* at nang tumakbo ito sa ilalim ng isang malaking puno na maraming sanga, sumabit ang ulo niya sa mga sanga nito; kaya naiwan siyang nakabitin sa puno,* samantalang tuloy-tuloy sa pagtakbo ang mulang sinasakyan niya. 10 May nakakita rito at sinabi nito kay Joab:+ “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang malaking puno!” 11 Sinabi ni Joab sa lalaking nagbalita sa kaniya: “Nakita mo na pala siya, bakit hindi mo pa pinatay?* Nabigyan sana kita ng 10 pirasong pilak at isang sinturon.” 12 Pero sinabi ng lalaki kay Joab: “Kahit bigyan pa ako ng* 1,000 pirasong pilak, hindi ko magagawang patayin ang anak ng hari, dahil narinig naming iniutos sa iyo, kay Abisai, at kay Ittai, ‘Tiyakin ninyong walang mananakit sa anak kong si Absalom.’+ 13 Kung sumuway* ako at pinatay ko siya, malalaman at malalaman iyon ng hari, at hindi mo naman ako ipagtatanggol.” 14 At sinabi ni Joab: “Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon!” Kaya kumuha siya ng tatlong palaso* at itinarak ang mga iyon sa puso ni Absalom habang buháy pa ito sa malaking puno. 15 Pagkatapos, dumating ang 10 lingkod na nagdadala ng mga sandata ni Joab; sinaksak nila si Absalom at namatay ito.+ 16 Hinipan ngayon ni Joab ang tambuli, at bumalik ang mga lalaki mula sa paghabol sa Israel; pinahinto sila ni Joab. 17 Kinuha nila si Absalom at inihagis siya sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan siya ng napakalaking bunton ng mga bato.+ At ang buong Israel ay tumakas papunta sa mga bahay nila.

18 Noong buháy pa si Absalom, kumuha siya ng haligi at nagtayo ng isang monumento sa Lambak* ng Hari,+ dahil ang sabi niya: “Wala akong anak na lalaki na magdadala ng pangalan ko.”+ Kaya tinawag niya ang haligi sa pangalan niya, at hanggang sa araw na ito ay tinatawag itong Monumento ni Absalom.

19 Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaas:+ “Pakisuyo, hayaan mo akong tumakbo at ibalita ito sa hari, dahil binigyan siya ni Jehova ng katarungan at pinalaya siya mula sa mga kaaway niya.”+ 20 Pero sinabi ni Joab sa kaniya: “Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito. Puwede kang magdala ng balita sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang sariling anak ng hari.”+ 21 Pagkatapos, sinabi ni Joab sa isang Cusita:+ “Pumunta ka sa hari at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod ang Cusita kay Joab at tumakbo paalis. 22 Si Ahimaas na anak ni Zadok ay muling nagsabi kay Joab: “Anuman ang mangyari, pakisuyong hayaan mo rin akong tumakbong kasunod ng Cusita.” Pero sinabi ni Joab: “Bakit ka tatakbo, anak ko? Wala ka namang balitang sasabihin.” 23 Sinabi pa rin niya: “Anuman ang mangyari, hayaan mo akong tumakbo.” Kaya sinabi ni Joab sa kaniya: “Sige, tumakbo ka!” At tumakbo si Ahimaas at dumaan sa distrito ng Jordan,* at naunahan niya ang Cusita.

24 Si David ngayon ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-daan ng lunsod,+ at ang bantay+ ay umakyat sa bubungan ng pintuang-daan sa may pader. Nakita niya ang isang lalaki na mag-isang tumatakbo. 25 Kaya sumigaw ang bantay at sinabi ito sa hari. Sinabi naman ng hari: “Kung nag-iisa lang siya, may dala siyang balita.” Habang papalapit ito, 26 nakita ng bantay ang isa pang lalaking tumatakbo. Kaya sinabi ng bantay sa bantay ng pintuang-daan: “May isa pang lalaki na mag-isang tumatakbo!” Sinabi ng hari: “May dala ring balita ang isang ito.” 27 Sinabi ng bantay: “Parang takbo ni Ahimaas+ na anak ni Zadok ang takbo ng lalaking nauuna,” kaya sinabi ng hari: “Mabuti siyang tao, at may dala siyang magandang balita.” 28 Pagdating ni Ahimaas, sinabi niya sa hari: “Maayos po ang lahat!” At lumuhod siya at sumubsob sa harap ng hari. Sinabi pa niya: “Purihin nawa si Jehova na iyong Diyos, na nagsuko sa mga lalaking nagrebelde sa* panginoon kong hari!”+

29 Pero sinabi ng hari: “Nasa mabuting kalagayan ba ang anak kong si Absalom?” Sumagot si Ahimaas: “Nagkakagulo nang isugo ni Joab ang lingkod ng hari at ang iyong lingkod, pero hindi ko alam kung ano ang dahilan.”+ 30 Kaya sinabi ng hari: “Tumabi ka, tumayo ka rito.” Kaya tumabi siya at tumayo roon.

31 Pagkatapos, dumating ang Cusita,+ at sinabi ng Cusita: “Tanggapin nawa ng panginoon kong hari ang balitang ito: Binigyan ka ngayon ni Jehova ng katarungan at pinalaya ka mula sa kamay ng lahat ng nagrebelde sa iyo.”+ 32 Pero sinabi ng hari sa Cusita: “Nasa mabuting kalagayan ba ang anak kong si Absalom?” Sumagot ang Cusita: “Ang lahat nawa ng kaaway ng panginoon kong hari at ang lahat ng nagrebelde para mapahamak ka ay maging gaya ng lalaking iyon!”+

33 Nanlumo ang hari at umakyat sa silid sa bubungan sa ibabaw ng pintuang-daan at umiyak. Sinasabi niya habang naglalakad: “Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw, anak kong Absalom, anak ko!”+

19 Ibinalita kay Joab: “Ang hari ay umiiyak at nagdadalamhati para kay Absalom.”+ 2 Kaya ang tagumpay* nang araw na iyon ay naging pagdadalamhati para sa buong bayan, dahil nalaman nila na labis na dinamdam ng hari ang pagkamatay ng anak niya. 3 Ang bayan ay tahimik na bumalik sa lunsod+ nang araw na iyon, gaya ng mga taong napahiya dahil sa pagtakas sa digmaan. 4 Tinakpan ng hari ang kaniyang mukha at umiyak nang umiyak. Isinisigaw niya: “Anak kong Absalom! Absalom, anak ko, anak ko!”+

5 Pagkatapos, pinuntahan ni Joab ang hari sa bahay at sinabi: “Ipinahiya mo ngayon ang lahat ng lingkod mo na sa araw na ito ay nagligtas sa buhay mo at sa buhay ng iyong mga anak na lalaki,+ mga anak na babae,+ mga asawa, at mga pangalawahing asawa.+ 6 Mahal mo ang mga napopoot sa iyo at napopoot ka sa mga nagmamahal sa iyo, dahil ipinakita mo ngayon na hindi mahalaga sa iyo ang mga pinuno at mga lingkod mo. Sigurado ako na kung buháy si Absalom ngayon at kaming lahat ay patay, bale-wala iyon sa iyo. 7 Tumayo ka ngayon, lumabas ka at palakasin mo ang loob* ng iyong mga lingkod, dahil sumusumpa ako sa ngalan ni Jehova na kung hindi ka lalabas, walang isa mang maiiwang kasama mo ngayong gabi. Mas masahol iyon kaysa sa lahat ng kapahamakang naranasan mo mula nang kabataan ka hanggang ngayon.” 8 Kaya tumayo ang hari at umupo sa pintuang-daan ng lunsod, at ipinaalám sa buong bayan: “Nakaupo ngayon ang hari sa pintuang-daan.” Pagkatapos, pumunta ang bayan sa harap ng hari.

Pero ang Israel* ay tumakas papunta sa kani-kaniyang bahay.+ 9 Ang lahat ng tao sa lahat ng tribo ng Israel ay nagtatalo-talo. Sinasabi nila: “Iniligtas tayo ng hari mula sa mga kaaway natin,+ at sinagip niya tayo mula sa mga Filisteo; pero ngayon ay tumakas siya sa lupain dahil kay Absalom.+ 10 At si Absalom, na pinili* nating maghari sa atin,+ ay namatay sa labanan.+ Kaya bakit wala kayong ginagawa ngayon para ibalik ang hari?”

11 Nagpadala si Haring David ng ganitong mensahe sa mga saserdoteng sina Zadok+ at Abiatar:+ “Sabihin ninyo sa matatandang lalaki ng Juda,+ ‘Bakit wala pa kayong ginagawa para maibalik ang hari sa bahay niya? Ang sinasabi ng mga tao sa buong Israel ay nakarating na sa hari sa bahay niya. 12 Mga kapatid ko kayo, mga kadugo.* Bakit wala pa kayong ginagawa para maibalik ang hari?’ 13 At sabihin ninyo kay Amasa,+ ‘Hindi ba kadugo kita? Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung hindi ikaw ang maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon sa halip na si Joab.’”+

14 At nakumbinsi niya ang lahat ng lalaki ng Juda, at nagpadala sila ng ganitong mensahe sa hari: “Bumalik ka, ikaw at ang lahat ng lingkod mo.”

15 Ang hari ay naglakbay pabalik at nakarating sa Jordan, at ang bayan ng Juda ay pumunta sa Gilgal+ para salubungin ang hari at samahan siya sa pagtawid sa Jordan. 16 Si Simei,+ na anak ni Gera at isang Benjaminita mula sa Bahurim, ay nagmadali at sumama sa mga lalaki ng Juda para salubungin si Haring David, 17 at may kasama siyang 1,000 lalaki mula sa Benjamin. Si Ziba,+ na tagapaglingkod ng sambahayan ni Saul, kasama ang kaniyang 15 anak na lalaki at 20 lingkod, ay nagmadali rin papunta sa Jordan at nauna sa hari. 18 Lumusong siya* sa tawiran para itawid ang sambahayan ng hari at gawin kung ano ang gustong ipagawa ng hari. Pero si Simei na anak ni Gera ay sumubsob sa harap ng hari nang patawid na ito sa Jordan. 19 Sinabi niya sa hari: “Huwag mo akong hatulan, panginoon ko, at huwag mo nang alalahanin ang pagkakamali ng iyong lingkod+ nang araw na lumabas ng Jerusalem ang panginoon kong hari. Huwag na sana itong isipin ng hari, 20 dahil alam na alam ng iyong lingkod na nagkasala ako; kaya sa buong sambahayan ni Jose, ako ang kauna-unahang pumunta rito ngayon para salubungin ang panginoon kong hari.”

21 Agad na sinabi ni Abisai+ na anak ni Zeruias:+ “Hindi ba dapat patayin si Simei sa ginawa niya? Isinumpa niya ang pinili* ni Jehova.”+ 22 Pero sinabi ni David: “Bakit kayo nakikialam, mga anak ni Zeruias?+ Bakit ninyo ako kinakalaban ngayon? May dapat bang patayin ngayon sa Israel? Hindi ko ba alam na ako ang hari ngayon sa Israel?” 23 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei: “Hindi ka mamamatay.” At sumumpa sa kaniya ang hari.+

24 Si Mepiboset+ na apo ni Saul ay dumating din para salubungin ang hari. Hindi siya naglinis ng paa o naggupit ng bigote o naglaba ng damit niya mula nang araw na umalis ang hari hanggang sa araw na makabalik itong payapa. 25 Nang dumating siya sa* Jerusalem para salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kaniya: “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mepiboset?” 26 Sumagot siya: “Panginoon kong hari, niloko ako ng lingkod ko.+ Sinabi ko,* ‘Lagyan mo ng síya* ang asno para masakyan ko iyon at makasama ako sa hari,’ dahil lumpo ako.+ 27 Pero siniraan niya ang iyong lingkod sa panginoon kong hari.+ Gayunman, ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng tunay na Diyos, kaya gawin mo kung ano ang mabuti sa paningin mo. 28 Puwede sanang lipulin ng panginoon kong hari ang buong sambahayan ng aking ama, pero isinama mo ang iyong lingkod sa mga kumakain sa iyong mesa.+ Kaya ano pa ang mahihiling ko sa hari?”

29 Sinabi ng hari sa kaniya: “Sapat na ang narinig ko. Ito ang desisyon ko: Maghahati kayo ni Ziba sa bukid.”+ 30 Sinabi ni Mepiboset sa hari: “Kunin na niyang lahat iyon. Sapat na sa akin na nakarating nang payapa sa bahay niya ang panginoon kong hari.”

31 Si Barzilai+ na Gileadita ay umalis sa Rogelim papunta sa Jordan para samahan ang hari sa Ilog Jordan. 32 Napakatanda na ni Barzilai, 80 taóng gulang na, at naglaan siya ng pagkain sa hari habang nakatira ito sa Mahanaim,+ dahil napakayaman niya. 33 Kaya sinabi ng hari kay Barzilai: “Tumawid kang kasama ko, at paglalaanan kita ng pagkain sa Jerusalem.”+ 34 Pero sinabi ni Barzilai sa hari: “Ilang araw* na lang ang natitira sa buhay ko. Kaya bakit pa ako sasama sa hari sa Jerusalem? 35 Ako ay 80 taóng gulang na ngayon.+ Makikita ko pa ba ang pagkakaiba ng mabuti at masama? Malalasahan ko pa ba ang kinakain at iniinom ko? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mga mang-aawit na lalaki at babae?+ Magiging pabigat lang ang iyong lingkod sa panginoon kong hari. 36 Hindi mo na ako kailangang gantimpalaan, mahal na hari. Sapat na sa akin ang maihatid ka sa Jordan. 37 Pakisuyo, hayaan mong bumalik ang iyong lingkod, para sa sariling lunsod ko ako mamatay malapit sa libingan ng aking ama at ina.+ Pero heto ang lingkod mong si Kimham.+ Hayaan mo siyang tumawid na kasama mo, panginoon kong hari, at gawin mo para sa kaniya kung ano ang mabuti sa paningin mo.”

38 Kaya sinabi ng hari: “Kasama kong tatawid si Kimham, at gagawin ko para sa kaniya kung ano ang sa tingin mo ay mabuti; anumang hilingin mo sa akin ay gagawin ko para sa iyo.” 39 Tumawid ngayon sa Jordan ang buong bayan, at nang tumawid ang hari, hinalikan niya si Barzilai+ at pinagpala ito; at umuwi si Barzilai. 40 Nang tumawid ang hari papunta sa Gilgal,+ sumama sa kaniya si Kimham. Ang buong bayan ng Juda at ang kalahati ng bayan ng Israel ay sumama sa hari sa pagtawid.+

41 Pagkatapos, lumapit sa hari ang lahat ng lalaki ng Israel at sinabi sa kaniya: “Bakit ka palihim na kinuha ng mga kapatid naming taga-Juda para itawid ka at ang iyong sambahayan sa Jordan, pati na ang lahat ng tauhan mo?”+ 42 Sinagot ng lahat ng lalaki ng Juda ang mga lalaki ng Israel: “Dahil kamag-anak namin ang hari.+ Bakit kayo nagagalit? May kinain ba kaming ginastusan ng hari, o may kaloob bang ibinigay sa amin?”

43 Pero ang mga lalaki ng Israel ay sumagot sa mga lalaki ng Juda: “Mayroon kaming 10 bahagi sa hari, kaya mas may karapatan kami kay David kaysa sa inyo. Bakit ninyo kami hinamak? Hindi ba dapat ay kami ang maunang maghatid sa hari pabalik?” Pero nangibabaw* ang salita ng mga lalaki ng Juda sa salita ng mga lalaki ng Israel.

20 May isang lalaki na gumagawa ng gulo na ang pangalan ay Sheba,+ na anak ni Bicri na isang Benjaminita. Hinipan niya ang tambuli+ at sinabi: “Wala tayong kaugnayan kay David, at wala tayong mana sa anak ni Jesse.+ Bumalik kayong lahat sa inyong mga diyos,* O Israel!”+ 2 Kaya tumigil ang lahat ng lalaki ng Israel sa pagsunod kay David at sumunod sila kay Sheba na anak ni Bicri;+ pero hindi iniwan ng mga lalaki ng Juda ang kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem.+

3 Pagdating ni David sa bahay* niya sa Jerusalem,+ kinuha ng hari ang 10 pangalawahing asawa na iniwan niya noon para mag-asikaso sa bahay,+ at inilagay niya sila sa isang bahay na may bantay. Pinaglaanan niya sila ng pagkain pero hindi niya sila sinipingan.+ Nanatili silang may bantay hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at para silang mga biyuda kahit buháy pa ang asawa nila.

4 Sinabi ngayon ng hari kay Amasa:+ “Tipunin mo ang mga lalaki ng Juda sa loob ng tatlong araw at iharap mo sila sa akin, at dapat nandito ka rin.” 5 Kaya tinipon ni Amasa ang Juda, pero dumating siya nang lampas sa takdang panahon na ibinigay sa kaniya. 6 Pagkatapos, sinabi ni David kay Abisai:+ “Baka mas malala pa sa nagawa ni Absalom ang gawing pinsala+ sa atin ni Sheba+ na anak ni Bicri. Kunin mo ang mga lingkod ng iyong panginoon at habulin mo siya, para hindi siya makahanap ng mga napapaderang* lunsod at makatakas sa atin.” 7 Kaya ang mga tauhan ni Joab,+ ang mga Kereteo, mga Peleteo,+ at lahat ng malalakas na lalaki ay lumabas kasunod niya; umalis sila sa Jerusalem para habulin si Sheba na anak ni Bicri. 8 Noong malapit na sila sa malaking bato sa Gibeon,+ sinalubong sila ni Amasa.+ Suot ni Joab ang kaniyang damit na pandigma, at may espada siya na nasa lalagyan nito at nakasabit sa balakang niya. Paglapit niya, nahulog ang espada.

9 Sinabi ni Joab kay Amasa: “Kumusta ka, kapatid ko?” Pagkatapos, gamit ang kanang kamay, hinawakan ni Joab ang balbas ni Amasa na para bang hahalikan ito. 10 Hindi nag-ingat si Amasa sa espada na nasa kamay ni Joab, at sinaksak siya ni Joab sa tiyan,+ at lumuwa ang mga bituka niya sa lupa. Hindi na nito kinailangan pang saksakin siyang muli; sapat na ang isang beses para patayin siya. Pagkatapos, hinabol ni Joab at ng kapatid niyang si Abisai si Sheba na anak ni Bicri.

11 Isa sa mga tauhan ni Joab ang tumayo sa tabi ni Amasa. Sinasabi niya: “Sinumang nasa panig ni Joab at sinumang kay David, sundan niya si Joab!” 12 Samantala, naliligo sa sariling dugo si Amasa sa gitna ng daan. Nang makita ng lalaki na napapahinto ang lahat ng nakakakita rito, inilipat niya si Amasa mula sa daan papunta sa parang at tinakpan ito ng damit. 13 Nang maalis niya ito sa daan, ang lahat ng lalaki ay sumunod kay Joab sa paghabol kay Sheba+ na anak ni Bicri.

14 Dumaan si Sheba sa lahat ng tribo ng Israel hanggang sa Abel ng Bet-maaca.+ Ang mga Bicrita ay nagtipon at sumunod sa kaniya.

15 Dumating si Joab at ang mga tauhan nito* at pinaligiran nila siya sa Abel ng Bet-maaca. Naglagay sila ng rampang pangubkob para salakayin ang lunsod, na napapalibutan ng matibay na pader. Pagkatapos, ang lahat ng tauhan ni Joab ay naghukay sa may pader para mapabagsak iyon. 16 Isang marunong na babae ang sumigaw mula sa lunsod: “Makinig kayo, mga lalaki, makinig kayo! Pakisuyo, sabihin ninyo kay Joab, ‘Lumapit ka rito, at makikipag-usap ako sa iyo.’” 17 Kaya lumapit ito, at sinabi ng babae: “Ikaw ba si Joab?” Sumagot ito: “Ako nga.” Sinabi ng babae sa kaniya: “Makinig ka sa sasabihin ng iyong lingkod.” Sinabi naman nito: “Nakikinig ako.” 18 Sinabi ng babae: “Lagi nilang sinasabi noon, ‘Sumangguni muna sila sa Abel,’ at maaayos ang lahat. 19 Ako ang kumakatawan sa mga mapagpayapa at tapat na mga tao sa Israel. Sinisikap mong lipulin ang lunsod na maituturing na ina sa Israel. Bakit mo lilipulin* ang mana ni Jehova?”+ 20 Sumagot si Joab: “Hindi ko magagawang lipulin at wasakin ito. 21 Hindi ganiyan ang sitwasyon. Isang lalaki na nagngangalang Sheba,+ na anak ni Bicri na mula sa mabundok na rehiyon ng Efraim,+ ang nagrebelde kay Haring David. Kung isusuko ninyo ang lalaking iyon, iiwan ko ang lunsod.” Sinabi ng babae kay Joab: “Sige! Ihahagis sa iyo ang ulo niya sa labas ng pader!”

22 Kaagad na umalis ang marunong na babae at kinausap ang buong bayan, at pinugot nila ang ulo ni Sheba na anak ni Bicri at inihagis iyon kay Joab. Pagkatapos, hinipan ni Joab ang tambuli, at iniwan nila ang lunsod at umuwi sa kani-kanilang bahay;+ at si Joab ay bumalik sa hari sa Jerusalem.

23 Si Joab ang namumuno sa buong hukbo ng Israel;+ si Benaias+ na anak ni Jehoiada+ ang namamahala sa mga Kereteo at mga Peleteo.+ 24 Si Adoram+ ang namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho; si Jehosapat+ na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 25 Si Seva ang kalihim; sina Zadok+ at Abiatar+ ang mga saserdote. 26 At si Ira na Jairita ay naging punong opisyal* din ni David.

21 Nagkaroon ng taggutom+ noong panahon ni David sa loob ng tatlong sunod-sunod na taon; kaya sumangguni si David kay Jehova, at sinabi ni Jehova: “Si Saul at ang sambahayan niya ay may pagkakasala sa dugo, dahil pinatay niya ang mga Gibeonita.”+ 2 Kaya tinawag ng hari ang mga Gibeonita+ at nakipag-usap sa kanila. (Ang mga Gibeonita ay hindi mga Israelita, kundi natirang mga Amorita.+ Sumumpa sa kanila ang mga Israelita na hindi sila papatayin,+ pero tinangka ni Saul na lipulin sila dahil sa sigasig niya para sa bayan ng Israel at Juda.) 3 Sinabi ni David sa mga Gibeonita: “Ano ang gagawin ko para sa inyo, at paano ako makapagbabayad-sala, para pagpalain ninyo ang mana ni Jehova?” 4 Sinabi sa kaniya ng mga Gibeonita: “Hindi kami humihingi ng pilak o ginto+ bilang kabayaran sa ginawa ni Saul at ng sambahayan niya; at hindi rin kami makapapatay ng sinuman sa Israel.” Kaya sinabi niya: “Anuman ang sabihin ninyo ay gagawin ko para sa inyo.” 5 Sinabi nila sa hari: “Nilipol kami ng lalaking iyon at tinangka niya kaming ubusin sa buong teritoryo ng Israel,+ 6 kaya ibigay mo sa amin ang pitong anak niyang lalaki. Ibibitin namin ang bangkay nila*+ sa harap ni Jehova sa Gibeah+ na lunsod ni Saul,* ang pinili ni Jehova.”+ Sumagot ang hari: “Ibibigay ko sila sa inyo.”

7 Pero naawa ang hari kay Mepiboset,+ ang anak ni Jonatan na anak ni Saul, dahil sa sumpaan nina David at Jonatan+ na anak ni Saul sa harap ni Jehova. 8 Kaya kinuha ng hari sina Armoni at Mepiboset, ang dalawang anak ni Saul kay Rizpa+ na anak ni Aias, at ang limang apo ni Saul sa anak niyang si Mical*+ at sa asawa nitong si Adriel+ na anak ni Barzilai na Meholatita. 9 Pagkatapos, ibinigay niya ang mga ito sa mga Gibeonita, at ibinitin nila ang bangkay ng mga ito sa bundok sa harap ni Jehova.+ Sama-samang namatay ang pitong ito; pinatay sila noong mga unang araw ng pag-aani, sa pasimula ng pag-aani ng sebada. 10 Pagkatapos, si Rizpa+ na anak ni Aias ay kumuha ng telang-sako at inilatag iyon sa ibabaw ng bato mula sa pasimula ng pag-aani hanggang sa bumuhos ang ulan sa mga bangkay; hindi niya hinayaang dapuan ang mga ito ng mga ibon sa himpapawid kung araw o lapitan ng mga hayop sa parang kung gabi.

11 Iniulat kay David ang ginawa ni Rizpa, na pangalawahing asawa ni Saul at anak ni Aias. 12 Kaya kinuha ni David ang mga buto ni Saul at ang mga buto ng anak nitong si Jonatan sa mga pinuno* ng Jabes-gilead,+ na nagnakaw ng mga iyon mula sa liwasan* ng Bet-san, kung saan sila ibinitin ng mga Filisteo nang araw na patayin ng mga Filisteo si Saul sa Gilboa.+ 13 Dinala niya ang mga buto ni Saul at ang mga buto ng anak nitong si Jonatan, at tinipon din nila ang mga buto ng mga lalaking pinatay.*+ 14 Pagkatapos, inilibing nila ang mga buto ni Saul at ng anak nitong si Jonatan sa lupain ng Benjamin sa Zela,+ sa libingan ng ama ni Saul na si Kis.+ Matapos nilang gawin ang lahat ng iniutos ng hari, dininig ng Diyos ang mga panalangin nila para sa lupain.+

15 Nagkaroon muli ng digmaan sa pagitan ng mga Filisteo at ng Israel.+ Kaya lumabas si David at ang mga lingkod niya at nakipaglaban sa mga Filisteo, pero napagod si David. 16 Isang lalaki mula sa lahi ng mga Repaim+ na nagngangalang Isbi-benob, na may tansong sibat na 300 siklo*+ ang bigat at may bagong espada, ang nagtangkang pumatay kay David. 17 Pero sumaklolo+ agad si Abisai+ na anak ni Zeruias at pinatay ang Filisteo. Sa pagkakataong iyon, iginiit ng* mga tauhan ni David sa kaniya: “Huwag ka nang sumama sa amin sa pakikipaglaban!+ Huwag mong patayin ang lampara ng Israel!”+

18 Pagkatapos nito, muli silang nakipagdigma sa mga Filisteo+ sa Gob. Sa labanang iyon, napatay ni Sibecai+ na Husatita si Sap, na mula sa lahi ng mga Repaim.+

19 At muli silang nakipagdigma sa mga Filisteo+ sa Gob, at napatay ni Elhanan na anak ni Jaare-oregim na Betlehemita si Goliat na Giteo, na ang hawakan ng sibat ay kasinlaki ng baras ng habihan.+

20 Muling nagkaroon ng digmaan sa Gat, kung saan may isang lalaki na pambihira ang laki at may 6 na daliri sa bawat kamay at 6 na daliri sa bawat paa, 24 lahat; at mula rin siya sa lahi ng mga Repaim.+ 21 Wala siyang tigil sa pang-iinsulto sa Israel.+ Kaya pinatay siya ni Jonatan na anak ni Simei,+ na kapatid ni David.

22 Ang apat na ito ay mula sa lahi ng mga Repaim sa Gat, at namatay sila sa kamay ni David at ng mga lingkod niya.+

22 Umawit si David kay Jehova+ nang araw na iligtas siya ni Jehova mula sa kamay ng mga kaaway niya+ at mula sa kamay ni Saul.+ 2 Inawit niya:

“Si Jehova ang aking malaking bato at ang aking moog+ at tagapagligtas.+

 3 Ang aking Diyos ang aking bato;+ sa kaniya ako nanganganlong,

Ang aking kalasag+ at aking sungay* ng kaligtasan,* ang aking ligtas na kanlungan*+

At lugar na matatakbuhan,+ ang aking tagapagligtas;+ inililigtas mo ako mula sa karahasan.

 4 Tumatawag ako kay Jehova, na karapat-dapat purihin,

At ililigtas niya ako sa mga kaaway ko.

 5 Pinaghahampas ako ng nakamamatay na mga alon;+

At natakot ako sa pagbaha ng walang-kuwentang mga tao.+

 6 Ang mga lubid ng Libingan* ay pumulupot sa akin;+

Ang mga bitag ng kamatayan ay sumalubong sa akin.+

 7 Sa kagipitan ay tumawag ako kay Jehova,+

Patuloy akong tumawag sa aking Diyos.

At mula sa kaniyang templo ay narinig niya ang tinig ko;

Narinig niya ang paghingi ko ng tulong.+

 8 Nayanig ang lupa at umuga;+

Ang mga pundasyon ng langit ay nayanig+

At umuga dahil ginalit siya.+

 9 Umusok ang ilong niya,

At lumabas sa bibig niya ang tumutupok na apoy;+

Lumagablab ang nagniningas na mga baga mula sa kaniya.

10 Pinayuko niya ang langit nang bumaba siya;+

Makapal at maitim na ulap ang tinutuntungan niya.+

11 Sumakay siya sa isang kerubin+ at dumating na lumilipad.

Kitang-kita siya sa ibabaw ng mga pakpak ng isang espiritu.*+

12 Pagkatapos, naglagay siya sa palibot niya ng kadiliman na parang tolda,+

Ng maiitim at makakapal na ulap.

13 Mula sa liwanag sa harap niya ay lumagablab ang nagniningas na mga baga.

14 At nagpakulog si Jehova mula sa langit;+

Ipinarinig ng Kataas-taasan ang kaniyang tinig.+

15 Nagpakawala siya ng mga palaso,+ at nagkawatak-watak ang mga kaaway;

Nagpakidlat siya, at nalito sila.+

16 Lumitaw ang sahig ng dagat;+

Nalantad ang mga pundasyon ng lupain dahil sa pagsaway ni Jehova,

Dahil sa buga ng hangin mula sa kaniyang ilong.+

17 Mula sa kaitaasan ay inabot niya ako;

Hinawakan niya ako at iniahon mula sa malalim na tubig.+

18 Iniligtas niya ako mula sa malakas kong kaaway,+

Mula sa mga napopoot sa akin na mas malakas kaysa sa akin.

19 Sinalakay nila ako sa araw ng aking kagipitan,+

Pero tinulungan ako ni Jehova.

20 Inilabas niya ako papunta sa isang ligtas* na lugar;+

Iniligtas niya ako dahil nalulugod siya sa akin.+

21 Ginagantihan ni Jehova ang paggawa ko ng tama;+

Ginagantimpalaan niya ako dahil malinis* ang aking mga kamay.+

22 Dahil sinunod ko ang mga daan ni Jehova,

At hindi ako gumawa ng masama, hindi ko iniwan ang aking Diyos.

23 Ang lahat ng kahatulan* niya+ ay nasa harap ko;

Hindi ako lilihis mula sa kaniyang mga kautusan.+

24 Mananatili akong malinis*+ sa harap niya,

At lalayo ako sa kasalanan.+

25 Gantihan nawa ni Jehova ang paggawa ko ng tama,+

Ang kalinisan* ko sa harap niya.+

26 Magiging tapat ka sa mga tapat;+

Hindi mo pababayaan ang mga walang kapintasan.+

27 Sa mga taong dalisay ay ipinapakita mong dalisay ka,+

Pero sa masasama ay ipinapakita mong matalino ka.*+

28 Dahil inililigtas mo ang mga mapagpakumbaba,+

Pero ikaw ay laban sa mga mapagmataas, at ibinababa mo sila.+

29 Dahil ikaw ang aking lampara, O Jehova;+

Pinagliliwanag ni Jehova ang kadiliman ko.+

30 Sa tulong mo ay malalabanan ko ang grupo ng mga mandarambong;

Sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos ay makaaakyat ako sa pader.+

31 Ang daan ng tunay na Diyos ay perpekto;+

Ang salita ni Jehova ay dalisay.+

Isa siyang kalasag sa lahat ng nanganganlong sa kaniya.+

32 Dahil sino ang Diyos maliban kay Jehova?+

At sino ang bato maliban sa ating Diyos?+

33 Ang tunay na Diyos ang aking matibay na tanggulan,+

At gagawin niyang perpekto ang aking daan.+

34 Ang mga paa ko ay ginagawa niyang gaya ng sa usa;

Pinatatayo niya ako sa matataas na lugar.+

35 Sinasanay niya ang mga kamay ko sa pakikipagdigma;

Nababaluktot ng mga bisig ko ang tansong pana.

36 Ibinibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan,

At nagiging dakila ako dahil sa iyong kapakumbabaan.+

37 Pinalalapad mo ang nilalakaran ko;

Hindi madudulas ang aking mga paa.+

38 Hahabulin ko at lilipulin ang mga kaaway ko;

Hindi ako babalik hangga’t hindi sila nauubos.

39 Pupuksain ko sila at dudurugin, at hindi na sila makababangon;+

Babagsak sila sa paanan ko.

40 Bibigyan mo ako ng lakas para sa pakikipagdigma;+

Pababagsakin mo sa harap ko ang aking mga kalaban.+

41 Pauurungin mo ang mga kaaway ko;*+

Pupuksain* ko ang mga napopoot sa akin.+

42 Humihingi sila ng tulong, pero walang nagliligtas sa kanila;

Tumatawag pa nga sila kay Jehova, pero hindi niya sila sinasagot.+

43 Dudurugin ko sila nang pino na gaya ng alabok;

Pupulbusin ko sila at tatapakang gaya ng putik sa lansangan.

44 Ililigtas mo ako mula sa pamimintas ng aking bayan.+

Iingatan mo ako para maging pinuno ng mga bansa;+

Paglilingkuran ako ng bayan na hindi ko kilala.+

45 Nakayukong lalapit sa akin ang mga dayuhan;+

Dahil sa maririnig nila tungkol sa akin ay mapapasunod ko sila.*

46 Panghihinaan ng loob* ang mga dayuhan;

Lalabas silang nanginginig mula sa kanilang mga kuta.

47 Buháy si Jehova! Purihin ang aking Bato!+

Dakilain nawa ang Diyos, ang Bato na tagapagligtas ko.+

48 Ang tunay na Diyos ang tagapaghiganti ko;+

Isinusuko niya sa akin ang mga bayan;+

49 Inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.

Itinataas mo ako+ mula sa mga sumasalakay sa akin;

Sinasagip mo ako mula sa taong marahas.+

50 Kaya pasasalamatan kita, O Jehova, sa gitna ng mga bansa,+

At aawitan ko ng mga papuri ang* iyong pangalan:+

51 Kamangha-mangha ang mga pagliligtas niya* sa kaniyang hari;+

Nagpapakita siya ng tapat na pag-ibig sa kaniyang pinili,*

Kay David at sa mga supling* niya magpakailanman.”+

23 Ito ang mga huling salita ni David:+

“Ang salita ni David na anak ni Jesse,+

At ang salita ng lalaking dinakila,+

Ang pinili*+ ng Diyos ni Jacob,

Ang kalugod-lugod na mang-aawit ng* mga awitin+ ng Israel.

 2 Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko;+

Ang salita niya ay nasa dila ko.+

 3 Ang Diyos ng Israel ay nagsalita;

Sinabi sa akin ng Bato ng Israel:+

‘Kapag ang namamahala sa sangkatauhan ay matuwid,+

Na namamahalang may takot sa Diyos,+

 4 Gaya iyon ng liwanag sa umaga pagsikat ng araw,+

Isang umagang maaliwalas.*

Gaya iyon ng liwanag pagkatapos ng ulan,

Na nagpapasibol ng mga damo sa lupa.’+

 5 Hindi ba ganiyan ang sambahayan ko sa harap ng Diyos?

Dahil nakipagtipan siya sa akin ng isang walang-hanggang tipan,+

Matatag at inayos ang bawat detalye.

Dahil iyon ang aking ganap na kaligtasan at ang aking buong kaluguran,

Hindi ba palalaguin niya iyon?+

 6 Pero ang lahat ng walang-kuwentang tao ay itinatapon,+ gaya ng matitinik na halaman*

Na hindi mahawakan.

 7 Kapag hihipuin sila ng isang tao,

Dapat na lubusan siyang nasasandatahan ng bakal at sibat,

At sila ay dapat sunugin nang lubusan sa kinaroroonan nila.”

8 Ito ang mga pangalan ng malalakas na mandirigma ni David:+ Joseb-basebet na isang Takemonita at ang pinuno sa tatlo.+ Sa isang pagkakataon, pumatay siya ng 800 gamit ang kaniyang sibat. 9 Sumunod sa kaniya si Eleazar+ na anak ni Dodo+ na anak ni Ahohi. Kabilang siya sa tatlong malalakas na mandirigmang kasama ni David nang tuyain nila ang mga Filisteo. Nagtipon sila para makipagdigma, at nang umurong ang mga lalaki ng Israel, 10 hindi siya natinag kundi patuloy niyang pinabagsak ang mga Filisteo hanggang sa mapagod ang mga braso niya at mangawit ang kamay niya sa paghawak sa espada.+ Binigyan sila ni Jehova ng malaking tagumpay* nang araw na iyon;+ at bumalik ang bayan at sumunod sa kaniya para kunin ang pag-aari ng mga napatay.

11 Sumunod sa kaniya si Shamah na anak ni Agee na Hararita. Nagtipon ang mga Filisteo sa Lehi, kung saan may isang bukid na punô ng lentehas; at tumakas ang bayan dahil sa mga Filisteo. 12 Pero hindi siya natinag sa gitna ng bukid kundi ipinagtanggol niya iyon at pinabagsak ang mga Filisteo, kaya binigyan sila ni Jehova ng malaking tagumpay.*+

13 Tatlo sa 30 pinuno ang pumunta kay David sa kuweba ng Adulam+ sa panahon ng pag-aani, at isang grupo ng mga Filisteo ang nagkakampo sa Lambak* ng Repaim.+ 14 Si David noon ay nasa kuta,+ at isang himpilan ng mga Filisteo ang nasa Betlehem. 15 Pagkatapos, sinabi ni David: “Makainom sana ako ng tubig mula sa imbakan ng tubig na nasa pintuang-daan ng Betlehem!” 16 Kaya pinasok ng tatlong malalakas na mandirigma ang kampo ng mga Filisteo at sumalok sila ng tubig mula sa imbakan na nasa pintuang-daan ng Betlehem at dinala ito kay David; pero ayaw niyang inumin iyon, sa halip, ibinuhos niya iyon para kay Jehova.+ 17 Sinabi niya: “O Jehova, hinding-hindi ko magagawang inumin ang dugo+ ng mga lalaking nagsapanganib ng buhay nila!” Kaya hindi niya iyon ininom. Ito ang mga ginawa ng kaniyang tatlong malalakas na mandirigma.

18 Si Abisai+ na kapatid ni Joab na anak ni Zeruias+ ang pinuno sa isa pang tatlo; pumatay siya ng 300 gamit ang kaniyang sibat, at siya ay may reputasyon na gaya ng sa tatlo.+ 19 Kahit na siya ang pinakakilala sa isa pang tatlo at siya ang pinuno nila, hindi niya napantayan ang unang tatlo.

20 Si Benaias+ na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki* na maraming ulit na nagpakita ng kagitingan sa Kabzeel.+ Pinabagsak niya ang dalawang anak ni Ariel ng Moab, at nang isang araw na umuulan ng niyebe, bumaba siya sa isang balon at pumatay ng leon.+ 21 Pinabagsak din niya ang isang lalaking Ehipsiyo na pambihira ang laki. May hawak na sibat ang Ehipsiyo, pero sinugod niya ito hawak ang isang pamalo at inagaw ang sibat sa kamay ng Ehipsiyo at pinatay ito gamit ang sarili nitong sibat. 22 Ito ang mga ginawa ni Benaias na anak ni Jehoiada, at may reputasyon siya na gaya ng sa tatlong malalakas na mandirigma. 23 Kahit mas kilala siya kaysa sa tatlumpu, hindi niya napantayan ang tatlo. Pero inatasan siya ni David na mamuno sa sarili nitong mga guwardiya.

24 Si Asahel+ na kapatid ni Joab ay kabilang sa tatlumpu, pati na si Elhanan na anak ni Dodo ng Betlehem,+ 25 si Shamah na Harodita, si Elika na Harodita, 26 si Helez+ na Paltita, si Ira+ na anak ni Ikes na Tekoita, 27 si Abi-ezer+ na Anatotita,+ si Mebunai na Husatita, 28 si Zalmon na Ahohita, si Maharai+ na Netopatita, 29 si Heleb na anak ni Baanah na Netopatita, si Ittai na anak ni Ribai ng Gibeah ng mga Benjaminita, 30 si Benaias+ na isang Piratonita, si Hidai na mula sa mga wadi* ng Gaas,+ 31 si Abi-albon na Arbatita, si Azmavet na Bar-humita, 32 si Eliaba na Saalbonita, ang mga anak ni Jasen, si Jonatan, 33 si Shamah na Hararita, si Ahiam na anak ni Sarar na Hararita, 34 si Elipelet na anak ni Ahasbai na anak ng Maacateo, si Eliam na anak ni Ahitopel+ na Gilonita, 35 si Hezro na Carmelita, si Paarai na Arbita, 36 si Igal na anak ni Natan ng Zoba, si Bani na Gadita, 37 si Zelek na Ammonita, si Naharai na Beerotita at tagapagdala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruias, 38 si Ira na Itrita, si Gareb na Itrita,+ 39 at si Uria+ na Hiteo—37 lahat.

24 Muling nag-init ang galit ni Jehova sa Israel+ nang may mag-udyok kay David:* “Bilangin mo+ ang Israel at ang Juda.”+ 2 Kaya sinabi ng hari sa kasama niyang pinuno ng hukbo na si Joab:+ “Pakisuyo, lumibot ka sa lahat ng tribo ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba,+ at irehistro mo ang mga tao para malaman ko ang bilang nila.” 3 Pero sinabi ni Joab sa hari: “Palakihin nawa ni Jehova na iyong Diyos ang bilang ng bayan nang 100 ulit, at makita nawa iyon ng panginoon kong hari, pero bakit gusto ng panginoon kong hari na gawin ang gayong bagay?”

4 Pero ang sinabi ng hari ang nasunod at hindi ang kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo. Kaya si Joab at ang mga pinuno ng hukbo ay umalis sa harap ng hari para irehistro ang mga tao sa Israel.+ 5 Tumawid sila ng Jordan at nagkampo sa Aroer,+ sa kanan* ng lunsod sa gitna ng lambak,* at pumunta sa mga Gadita at sa Jazer.+ 6 Pagkatapos, nagpunta sila sa Gilead+ at sa lupain ng Tatim-hodsi at nagpatuloy sa Dan-jaan hanggang sa Sidon.+ 7 Pagkatapos, pumunta sila sa tanggulan ng Tiro+ at sa lahat ng lunsod ng mga Hivita+ at ng mga Canaanita, hanggang sa makarating sila sa Negeb+ ng Juda sa Beer-sheba.+ 8 Kaya lumibot sila sa buong lupain at dumating sa Jerusalem sa pagtatapos ng siyam na buwan at 20 araw. 9 Ibinigay ngayon ni Joab sa hari ang bilang ng mga nairehistro. Ang Israel ay may 800,000 mandirigma na may espada, at ang mga lalaki ng Juda ay 500,000.+

10 Pero nakonsensiya+ si David matapos niyang bilangin ang bayan. Sinabi ni David kay Jehova: “Malaking kasalanan+ ang nagawa ko. O Jehova, pakisuyo, patawarin mo ang pagkakamali ng iyong lingkod,+ dahil malaking kamangmangan ang nagawa ko.”+ 11 Paggising ni David kinaumagahan, sinabi ni Jehova sa propetang si Gad,+ ang lingkod ni David na nakakakita ng pangitain: 12 “Pumunta ka kay David at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Bibigyan kita ng tatlong mapagpipilian. Pumili ka ng isa na gagawin ko sa iyo.”’”+ 13 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi rito: “Ano ang pipiliin mo: magkakaroon ng pitong-taóng taggutom sa iyong lupain,+ o tatlong buwan kang tatakas sa mga kalaban na tumutugis sa iyo,+ o tatlong araw na magkakaroon ng salot sa iyong lupain?+ Pag-isipan mong mabuti ang isasagot ko sa nagsugo sa akin.” 14 Sinabi ni David kay Gad: “Hirap na hirap ang loob ko. Pakisuyo, mahulog nawa tayo sa kamay ni Jehova,+ dahil maawain siya.+ Huwag mo akong hayaang mahulog sa kamay ng tao.”+

15 Pagkatapos, nagpadala si Jehova ng salot+ sa Israel mula umaga hanggang sa itinakdang panahon, kaya 70,000 tao mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba+ ang namatay.+ 16 Nang iunat ng anghel ang kamay niya sa Jerusalem para pumuksa, nalungkot si Jehova sa kapahamakan ng bayan+ at sinabi niya sa anghel na tagapuksa: “Tama na! Ibaba mo na ang kamay mo.” Ang anghel ni Jehova ay malapit sa giikan ni Arauna+ na Jebusita.+

17 Nang makita ni David ang anghel na nagpapabagsak sa mga tao, sinabi niya kay Jehova: “Ako ang nagkasala. Ako ang nagkamali; pero ang mga tupang ito+—ano ang nagawa nila? Pakisuyo, ako na lang at ang sambahayan ng aking ama ang parusahan mo.”+

18 Kaya pumunta si Gad kay David nang araw na iyon at sinabi rito: “Pumunta ka sa giikan ni Arauna na Jebusita+ at magtayo ka roon ng altar para kay Jehova.” 19 Kaya pumunta roon si David ayon sa iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Gad. 20 Nang makita ni Arauna na dumarating ang hari at ang mga lingkod nito, agad na sumalubong si Arauna at sumubsob sa lupa sa harap ng hari. 21 Nagtanong si Arauna: “Bakit pumunta ang panginoon kong hari sa kaniyang lingkod?” Sumagot si David: “Gusto kong bilhin ang giikan mo at magtayo rito ng isang altar para kay Jehova, para matigil ang salot sa bayan.”+ 22 Pero sinabi ni Arauna kay David: “Ibibigay ko ito sa iyo, panginoon kong hari. Ihandog mo kung ano ang gusto mo.* Heto ang mga baka bilang handog na sinusunog; at gawin mong panggatong ang panggiik na kareta at ang pamatok ng mga baka. 23 Ang lahat ng ito, O hari, ay ibinibigay ni Arauna sa hari.” Sinabi pa ni Arauna sa hari: “Pagpalain ka nawa ni Jehova na iyong Diyos.”

24 Pero sinabi ng hari kay Arauna: “Hindi. Bibilhin ko iyon sa iyo. Hindi ako maghahandog kay Jehova na aking Diyos ng mga haing sinusunog nang wala akong ibinayad.” Kaya nagbayad si David ng 50 siklong* pilak para sa giikan at sa mga baka.+ 25 At nagtayo roon si David ng isang altar+ para kay Jehova at naghandog ng mga haing sinusunog at mga haing pansalo-salo. Pinakinggan ni Jehova ang pakiusap para sa lupain,+ at natigil ang salot sa Israel.

O “pabagsakin.”

O “karo.”

O “diadema.”

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”

Lit., “pinahiran.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “magpakalakas nawa ang inyong mga kamay.”

Isang hayop na parang usa.

O posibleng “buong Bitron.”

Lit., “ulo ng aso.”

Lit., “at ang kamay ko ay nasa iyo.”

O “sa lahat ng gusto mo.”

Lit., “sa dugo ng.”

May lumalabas na malapot na likido sa ari.

Malamang na tumutukoy sa isang may-kapansanang lalaki na pinagagawa ng trabahong pambabae.

O “magbigkis.”

O “nakagapos ng tanso.”

Lit., “mga anak ng kasamaan.”

O “tinapay ng pagdadalamhati.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “nanghina ang mga kamay niya.”

O “tumubos.”

O “Buto at laman.”

Lit., “ang naglalabas at ang nagpapasok sa Israel.”

O posibleng “tinawag niya.”

O “Milo.” Salitang Hebreo na nangangahulugang “panambak.”

O “palasyo.”

Lit., “pinahiran.”

O “Mababang Kapatagan.”

Ibig sabihin, “Panginoon ng Pagwasak.”

O “Mababang Kapatagan.”

O “palumpong na.”

O posibleng “pagitan.”

O “pompiyang.”

O posibleng “ni Nacon.”

O “nadismaya.”

Ibig sabihin, “Pagsiklab ng Galit kay Uzah.”

O “lalaking baka.”

Lit., “nabibigkisan.”

Tingnan sa Glosari.

O “palasyo.”

Lit., “naglalakad.”

O “dinastiya.”

Lit., “binhi.”

Lit., “ang isa na lalabas mula sa iyong mga panloob na bahagi.”

O posibleng “ni Adan.”

O “kautusan.”

O “dinastiya.”

Lit., “Kaya nakita ng lingkod mo ang puso niya para.”

Tingnan sa Glosari.

O “Inililigtas.”

Lit., “Pinabanal.”

O “Inililigtas.”

Lit., “mga saserdote.”

O “lumpo siya.”

Lit., “kakain ng tinapay.”

Lit., “at ibinabaling mo ang iyong mukha.”

O posibleng “mesa ko.”

O “mga lalaki ng Tob.”

O “mga lalaki ng Tob.”

Lit., “sa kamay.”

Eufrates.

Tagsibol.

O “dapit-hapon.”

O “palasyo.”

Posibleng karumihan dahil sa pagreregla.

Lit., “maghugas ka ng paa.”

O “parte ng hari,” na tumutukoy sa regalong ipinadadala ng punong-abala sa iginagalang niyang panauhin.

O “Kung paanong buháy ka.”

O “batang tupa.”

Lit., “nagpahid.”

O “sa kapuwa mo.”

O “Pinalalampas.”

O “yumukod.”

O “palasyo.”

Mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “Kapayapaan.”

Ibig sabihin, “Minamahal ni Jah.”

O “ang lunsod ng kaharian.”

Posibleng tumutukoy sa mga pinagkukunan ng tubig ng lunsod.

Lit., “at ang pangalan ko ang itatawag doon.”

Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.

Bloke na ginagamit sa pagtatayo; gawa sa pinatigas na putik.

O “ng tinapay ng kaaliwan.”

O “tinapay ng kaaliwan.”

O “tinapay ng kaaliwan.”

O “ng may-palamuting.”

Anak ng kabayo at asno.

Huling pag-asa para magkaroon ng mga inapo.

Lit., “nalabi.”

O “Kung paanong buháy ka.”

Mga 2.3 kg (5 lb). Tingnan ang Ap. B14.

Maaaring tumutukoy sa panimbang na ginagamit sa palasyo ng hari o sa isang espesyal na siklo na iba sa karaniwang siklo.

O posibleng “40 taon.”

O “sasamba.” Lit., “maglilingkod.”

O “palasyo.”

Tingnan sa Glosari.

O “napagsasabihan ng niloloob.”

Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.

Kadalasan nang igos at posible ring datiles.

O “apo.”

O “napagsasabihan ng niloloob.”

O “palasyo.”

O “ay gaya ng pagsangguni sa.”

O “at nanghihina ang mga kamay.”

O “hukay; bangin.”

O “iniutos.”

O posibleng “tigang na kapatagan.”

Lit., “malamon.”

Kahawig ng patani.

O “kurtadong gatas ng baka.”

Lit., “ilalim ng kamay.”

Lit., “hindi sila magtutuon ng puso sa amin.”

Anak ng kabayo at asno.

Lit., “sa pagitan ng langit at lupa.”

O “pinabagsak sa lupa.”

Lit., “Kahit tinitimbang ko sa mga palad ko ang.”

O “nagtaksil.”

O posibleng “sibat.”

O “Mababang Kapatagan.”

Lit., “sa distrito.”

Lit., “na nagtaas ng kamay nila laban sa.”

O “kaligtasan.”

Lit., “at magsalita ka sa puso.”

Ang mga Israelitang sumuporta kay Absalom.

Lit., “pinahiran.”

Lit., “buto at laman ko.”

O posibleng “sila.”

Lit., “pinahiran.”

O posibleng “mula sa.”

Lit., “ng iyong lingkod.”

Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.

Lit., “araw ng mga taon.”

O “mas mabagsik.”

O posibleng “tolda.”

O “palasyo.”

O “nakukutaang.”

Lit., “Dumating sila.”

Lit., “lalamunin.”

Lit., “naging saserdote.”

Lit., “Ilalantad namin sila,” na bali ang mga braso at binti.

Lit., “Gibeah ni Saul.”

O posibleng “Merab.”

O posibleng “may-ari ng lupain.”

O “plaza.”

Lit., “inilantad.”

Mga 3.42 kg (7.5 lb). Tingnan ang Ap. B14.

Lit., “sumumpa ang.”

Tingnan sa Glosari.

O “at aking makapangyarihang tagapagligtas.”

O “aking mataas at ligtas na lugar.”

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

O “hangin.”

O “maluwang.”

O “walang-sala.”

O “batas.”

O “walang-sala.”

O “pagiging walang-sala.”

O posibleng “ay kikilos ka nang kakatwa.”

O “Ibibigay mo sa akin ang likod ng mga kaaway ko.”

Lit., “Patatahimikin.”

Lit., “Sa pagkarinig ng tainga, susunod sila sa akin.”

O “Maglalaho.”

O “At aawit ako at tutugtog para sa.”

O “Nagbibigay siya ng malalaking tagumpay.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “sa binhi.”

Lit., “pinahiran.”

O “Ang kalugod-lugod ng.”

O “walang ulap.”

O “palumpong.”

O “kaligtasan.”

O “kaligtasan.”

O “Mababang Kapatagan.”

Lit., “ay anak ng magiting na lalaki.”

Tingnan sa Glosari.

O “nang udyukan si David.”

O “timog.”

O “wadi.”

O “ang mabuti sa paningin mo.”

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share