Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Gawa 1:1-28:31
  • Gawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gawa
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Gawa

MGA GAWA NG MGA APOSTOL

1 Ang unang ulat na binuo ko, O Teofilo, ay tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus+ 2 hanggang sa araw na dalhin siya sa langit,+ pagkatapos niyang magbigay ng tagubilin sa pamamagitan ng banal na espiritu sa pinili niyang mga apostol.+ 3 Pagkatapos niyang magdusa, ipinakita niya sa kanila na buháy siya sa pamamagitan ng maraming nakakukumbinsing katibayan.+ Nakita nila siya sa loob ng 40 araw, at nagsasalita siya tungkol sa Kaharian ng Diyos.+ 4 Nang minsang makipagkita siya sa kanila, inutusan niya sila: “Huwag kayong umalis sa Jerusalem+ kundi patuloy ninyong hintayin ang ipinangako ng Ama,+ na narinig ninyo sa akin; 5 si Juan ay nagbautismo sa tubig, pero kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu+ pagkalipas lang ng ilang araw mula ngayon.”

6 Kaya nang magtipon sila, tinanong nila siya: “Panginoon, ibabalik mo ba sa Israel ang kaharian sa panahong ito?”+ 7 Sinabi niya: “Hindi ninyo kailangang alamin ang mga panahon o kapanahunan na ang Ama lang ang may karapatang magpasiya.*+ 8 Pero tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu,+ at magiging mga saksi+ ko kayo sa Jerusalem,+ sa buong Judea at Samaria,+ at hanggang sa pinakamalayong bahagi* ng lupa.”+ 9 Pagkasabi nito, iniakyat siya sa langit habang nakatingin sila, at isang ulap ang tumakip sa kaniya kaya hindi na nila siya nakita.+ 10 Habang nakatitig sila sa kaniya noong paakyat siya sa langit, bigla na lang na may nakatayong dalawang lalaki na nakaputing damit+ sa tabi nila, 11 at sinabi ng mga ito: “Mga lalaki ng Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatingin sa langit? Ang Jesus na ito na kasama ninyo noon at iniakyat sa langit ay darating din sa katulad na paraan kung paano ninyo siya nakitang umakyat sa langit.”

12 Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem+ mula sa Bundok ng mga Olibo, na malapit sa Jerusalem—mga isang kilometro lang ang layo.* 13 Pagdating nila, umakyat sila sa silid sa itaas, kung saan sila tumutuloy—si Pedro, gayundin sina Juan at Santiago at Andres, sina Felipe at Tomas, sina Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na masigasig, at si Hudas na anak ni Santiago.+ 14 Silang lahat ay paulit-ulit na nanalangin nang may iisang kaisipan, kasama ang ilang babae,+ si Maria na ina ni Jesus, at ang mga kapatid ni Jesus.+

15 Sa isa sa mga araw na iyon, tumayo si Pedro sa gitna ng mga kapatid (ang bilang ng mga tao ay mga 120). Sinabi niya: 16 “Mga kapatid na lalaki, kinailangang matupad ang nasa Kasulatan na inihula ni David sa patnubay ng banal na espiritu tungkol kay Hudas,+ na nagsama sa mga aaresto kay Jesus.+ 17 Dahil kabilang siya sa amin+ at may bahagi siya sa ministeryong ito. 18 (At ang taong ito mismo ay bumili ng isang bukid gamit ang bayad para sa kasamaan niya,+ at bumagsak siya na una ang ulo, nabiyak ang katawan, at lumabas ang mga laman-loob.+ 19 Nalaman ito ng lahat ng taga-Jerusalem, kaya ang bukid ay tinawag nilang Akeldama, o “Bukid ng Dugo,” ayon sa wika nila.) 20 Dahil nakasulat sa aklat ng mga Awit, ‘Maging tiwangwang nawa ang tirahan niya, at wala nawang manirahan doon’+ at, ‘Kunin nawa ng iba ang katungkulan niya bilang tagapangasiwa.’+ 21 Kaya kailangan nating pumili ng isa mula sa mga lalaking nakasama natin noong* isinasagawa ng Panginoong Jesus ang kaniyang gawain kasama natin,* 22 mula nang bautismuhan siya ni Juan+ hanggang sa araw na kunin siya mula sa atin+ at dalhin sa langit. At ang isang ito ay dapat na nakasaksi rin sa kaniyang pagkabuhay-muli tulad natin.”+

23 Kaya nagmungkahi sila ng dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas at tinatawag ding Justo, at si Matias. 24 Pagkatapos, nanalangin sila: “Ikaw, O Jehova,* ang nakababasa ng puso ng lahat,+ ipaalám mo kung sino sa dalawang lalaking ito ang pinili mo 25 para sa ministeryo at pagkaapostol na tinalikuran ni Hudas dahil sa pagtahak ng ibang landasin.”+ 26 Kaya nagpalabunutan sila,+ at si Matias ang nabunot; ibinilang siyang kasama ng 11 apostol.

2 Araw noon ng Pentecostes,+ at lahat sila ay magkakasama sa isang lugar. 2 Habang nakaupo sila, bigla silang may narinig na hugong mula sa langit na gaya ng malakas na bugso ng hangin, at dinig na dinig ito sa buong bahay.+ 3 Nakakita sila ng parang mga liyab ng apoy,* at naghiwa-hiwalay ang mga ito at dumapo sa bawat isa sa kanila, 4 at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu+ at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu.+

5 Nang panahong iyon, nasa Jerusalem ang makadiyos na mga Judio na mula sa bawat bansa sa buong lupa.*+ 6 Nang marinig ang hugong na ito, marami ang nagtipon-tipon at takang-taka sila, dahil narinig nilang sinasalita ng mga alagad ang sariling wika ng bawat isa sa kanila. 7 Talagang hangang-hanga sila, at sinabi nila: “Tingnan ninyo, hindi ba taga-Galilea+ ang lahat ng taong ito?* 8 Paano nangyaring nakapagsasalita sila ng wika ng bawat isa sa atin?* 9 Tayong mga Parto, Medo,+ at Elamita,+ mga naninirahan sa Mesopotamia, Judea, at Capadocia, sa Ponto at sa lalawigan* ng Asia,+ 10 sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lugar sa Libya na malapit sa Cirene, mga dumadayo mula sa Roma, kapuwa mga Judio at proselita,+ 11 mga Cretense, at mga Arabe—naririnig nating nagsasalita sila sa wika natin tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.” 12 Oo, hangang-hanga silang lahat at takang-taka habang sinasabi sa isa’t isa: “Ano ang ibig sabihin nito?” 13 Pero may mga nangutya at nagsabi: “Lasing lang sila.”*

14 Pero tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol,+ at sinabi niya nang malakas: “Mga taga-Judea at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayong mabuti sa sasabihin ko sa inyo. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng iniisip ninyo, dahil ikatlong oras pa lang ng araw.* 16 Ang totoo, natutupad sa kanila ang sinabi ni propeta Joel: 17 ‘“At sa mga huling araw,” ang sabi ng Diyos, “ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao,* at manghuhula ang inyong mga anak na lalaki at babae, makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki, at mananaginip ang inyong matatandang lalaki;+ 18 at sa mga araw na iyon, ibubuhos ko rin ang espiritu ko sa aking mga aliping lalaki at babae, at manghuhula sila.+ 19 At magpapakita ako ng mga tanda sa langit at mga himala sa lupa—dugo, apoy, at makapal na usok. 20 Ang araw ay magdidilim at ang buwan ay magkukulay-dugo bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ni Jehova.* 21 At ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova* ay maliligtas.”’+

22 “Mga Israelita, makinig kayo: Gaya ng alam ninyo, malinaw na ipinakita sa inyo ng Diyos na siya ang nagsugo kay Jesus na Nazareno. Sa pamamagitan niya, nagpakita sa inyo ang Diyos ng makapangyarihang mga gawa, kamangha-manghang mga bagay,* at mga tanda.+ 23 Inaresto ang taong ito kaayon ng layunin ng Diyos, at alam na Niya iyon bago pa iyon mangyari.+ Ibinigay ninyo siya sa kamay ng masasamang tao, ipinako sa tulos, at pinatay.+ 24 Pero binuhay siyang muli ng Diyos+ at pinalaya sa kapangyarihan* ng kamatayan, dahil imposible itong manaig sa kaniya.+ 25 Dahil sinabi ni David tungkol sa kaniya: ‘Laging nasa isip* ko si Jehova;* dahil nasa kanan ko siya, hindi ako matitinag.* 26 Kaya natuwa ang puso ko at talagang nagsaya ang dila ko. At mabubuhay akong* may pag-asa; 27 dahil hindi mo ako iiwan sa Libingan,* at ang katawan ng tapat sa iyo ay hindi mo hahayaang mabulok.+ 28 Ipinaalám mo sa akin ang daan tungo sa buhay; pasasayahin mo ako nang husto sa iyong presensiya.’*+

29 “Mga kapatid, hayaan ninyong malaya kong sabihin sa inyo ang tungkol sa ulo ng angkan na si David—namatay siya at inilibing,+ at ang libingan niya ay nasa lunsod natin hanggang sa araw na ito. 30 Isa siyang propeta at alam niya na ang Diyos ay nangako* sa kaniya na isa sa mga supling* niya ang uupo sa kaniyang trono,+ 31 kaya nalaman niya nang patiuna ang pagkabuhay-muli ng Kristo at nagsalita siya tungkol dito, na ang Kristo ay hindi pababayaan sa Libingan* at hindi mabubulok ang katawan nito.+ 32 Binuhay-muli ng Diyos si Jesus, at saksi kaming lahat dito.+ 33 At dahil itinaas na siya sa kanan ng Diyos+ at tinanggap niya ang banal na espiritu na ipinangako ng Ama,+ ibinuhos niya iyon sa amin, gaya ng nakikita ninyo at naririnig. 34 Hindi umakyat si David sa langit, pero siya mismo ang nagsabi, ‘Sinabi ni Jehova* sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko 35 hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.”’+ 36 Kaya hindi dapat mag-alinlangan ang buong bayang Israel na si Jesus na ipinako ninyo sa tulos+ ay ginawa ng Diyos na Panginoon+ at Kristo.”

37 Nang marinig nila ito, parang sinaksak ang puso nila, at sinabi nila kay Pedro at sa iba pang apostol: “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sinabi ni Pedro: “Magsisi kayo,+ at magpabautismo+ ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan ninyo,+ at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na regalo, ang banal na espiritu, 39 dahil ang pangakong+ ito ay para sa inyo at sa mga anak ninyo, at sa lahat ng nasa malayo, sa sinumang piliin ng Diyos nating si Jehova.”*+ 40 Nagpatuloy siya sa pagsasalita para lubusang makapagpatotoo, at patuloy siyang nagpayo: “Humiwalay kayo sa masamang henerasyong ito+ para maligtas kayo.” 41 Kaya nabautismuhan ang mga masayang tumanggap sa sinabi niya,+ at nang araw na iyon ay mga 3,000 ang nadagdag sa kanila.+ 42 At patuloy silang nagbuhos ng pansin sa turo ng mga apostol; nakipagsamahan sila sa isa’t isa,* kumain nang sama-sama,+ at laging nananalangin.+

43 Maraming naganap na kamangha-manghang bagay* at tanda sa pamamagitan ng mga apostol;+ nakita ito ng lahat* at natakot sila.* 44 Magkakasama ang lahat ng naging mananampalataya, at ibinabahagi nila sa isa’t isa ang anumang taglay nila, 45 ibinebenta ang mga pag-aari nila,+ at ipinamamahagi sa lahat ang napagbentahan, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.+ 46 At araw-araw silang nagtitipon sa templo. Masayang-masaya sila habang kumakain sa iba’t ibang tahanan at nagbibigayan ng pagkain, at ginagawa nila ito nang bukal sa puso 47 habang pinupuri ang Diyos. Naging kalugod-lugod sila sa lahat ng tao, at sa araw-araw, patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova* ang mga inililigtas niya.+

3 Sina Pedro at Juan ay papunta noon sa templo para sa oras ng panalangin, ang ikasiyam na oras.* 2 At isang lalaking ipinanganak na lumpo ang binubuhat papunta sa pinto ng templo na tinatawag na Maganda. Araw-araw siyang dinadala roon para mamalimos* sa mga pumapasok sa templo. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasók sa templo, namalimos siya sa kanila. 4 Pero tiningnan siya nina Pedro at Juan, at sinabi ni Pedro: “Tumingin ka sa amin.” 5 Kaya tumitig siya sa kanila at umasang may ibibigay sila. 6 Pero sinabi ni Pedro: “Wala akong pilak at ginto, pero ibibigay ko sa iyo kung ano ang mayroon ako. Sa ngalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, lumakad ka!”+ 7 At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay niya at itinayo siya.+ Agad na tumatag ang mga paa at bukung-bukong niya;+ 8 agad siyang tumayo+ at pumasok sa templo kasama nila habang lumalakad, lumulukso, at pumupuri sa Diyos. 9 Nakita ng lahat na naglalakad siya at pumupuri sa Diyos. 10 At nakilala nilang siya ang lalaki na dating nakaupo at namamalimos sa Magandang Pintuang-Daan ng templo,+ at manghang-mangha sila at tuwang-tuwa sa nangyari sa kaniya.

11 Habang nakahawak pa kina Pedro at Juan ang lalaki, lahat ng tao ay nagtakbuhan papunta sa kanila sa tinatawag na Kolonada* ni Solomon,+ at gulat na gulat ang mga ito. 12 Nang makita ito ni Pedro, sinabi niya: “Mga Israelita, bakit kayo namamangha rito, at bakit kayo nakatitig sa amin na para bang napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o makadiyos na debosyon? 13 Niluwalhati ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob+ ang Lingkod+ niyang si Jesus,+ na ipinaaresto ninyo+ at itinakwil sa harap ni Pilato, kahit pa nagdesisyon itong palayain siya. 14 Oo, itinakwil ninyo ang isang iyon na banal at matuwid, at mas pinili pa ninyong mapalaya ang isang mamamatay-tao+ 15 samantalang pinatay ninyo ang Punong Kinatawan para sa buhay.+ Pero binuhay siyang muli ng Diyos,* at nasaksihan namin iyon.+ 16 At sa pamamagitan ng pangalan niya at dahil sa pananampalataya namin dito, napalakas ang taong ito na nakikita ninyo at nakikilala. Ang pananampalatayang taglay namin dahil sa kaniya ang lubusang nagpagaling sa taong ito sa harap ninyong lahat. 17 Mga kapatid, alam kong ginawa ninyo iyon dahil sa kawalang-alam,+ gaya ng mga tagapamahala ninyo.+ 18 Pero sa ganitong paraan, tinupad ng Diyos ang mga bagay na patiuna niyang inihayag sa pamamagitan ng lahat ng propeta, na ang kaniyang Kristo ay magdurusa.+

19 “Kaya magsisi kayo+ at manumbalik+ para mapatawad* ang inyong mga kasalanan,+ para dumating ang mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay* Jehova* 20 at isugo niya ang Kristo na inatasan para sa inyo, si Jesus. 21 Dapat manatili ang isang ito sa langit hanggang sa panahong ibalik sa dati ang lahat ng bagay na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na mga propeta noon. 22 Sa katunayan, sinabi ni Moises: ‘Ang Diyos ninyong si Jehova* ay pipili mula sa mga kapatid ninyo ng isang propeta na gaya ko.+ Makinig kayo sa lahat ng sasabihin niya sa inyo.+ 23 Ang sinumang* hindi nakikinig sa Propetang iyon ay pupuksain.’+ 24 At pasimula kay propeta Samuel, ang lahat ng propeta ay hayagan ding nagsalita tungkol sa panahong ito.+ 25 Kayo ang mga anak ng mga propeta at ang mga makikinabang sa pakikipagtipan ng Diyos sa inyong mga ninuno.+ Sinabi niya kay Abraham: ‘At sa pamamagitan ng iyong supling,* ang lahat ng pamilya sa lupa ay pagpapalain.’+ 26 Pagkatapos atasan ng Diyos ang kaniyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo ng Diyos+ para tulungan kayong talikuran ang inyong masasamang gawa. Isa itong pagpapala sa inyo.”

4 Habang ang dalawa ay nakikipag-usap sa mga tao, biglang dumating ang mga saserdote, ang kapitan ng templo, at ang mga Saduceo.+ 2 Naiinis sila dahil tinuturuan ng mga apostol ang mga tao at hayagang sinasabi ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.*+ 3 Kaya hinuli nila ang mga ito at ikinulong+ hanggang kinabukasan, dahil gabi na noon. 4 Pero marami sa mga nakinig ang nanampalataya, at ang mga lalaki ay umabot nang mga 5,000.+

5 Kinabukasan, nagtipon-tipon sa Jerusalem ang kanilang mga tagapamahala, matatandang lalaki, at mga eskriba, 6 kasama si Anas+ na punong saserdote, si Caifas,+ si Juan, si Alejandro, at ang lahat ng kamag-anak ng punong saserdote. 7 Pinatayo nila sina Pedro at Juan sa gitna nila at tinanong: “Sino ang nagbigay sa inyo ng awtoridad na gawin ito?”* 8 Kaya sumagot si Pedro, na puspos ng banal na espiritu:+

“Mga tagapamahala ng bayan at matatandang lalaki, 9 kung nililitis ninyo kami ngayon dahil sa mabuting bagay na ginawa namin sa isang lumpo,+ at gusto ninyong malaman kung sino ang nagpagaling sa kaniya, 10 ipinaaalam namin sa inyong lahat at sa buong bayang Israel na ang taong ito ay gumaling sa ngalan ni Jesu-Kristo na Nazareno,+ na ipinako ninyo sa tulos+ pero binuhay-muli ng Diyos.*+ Dahil sa kaniya, ang taong ito ay nakatayo ngayon sa harap ninyo. 11 Siya ‘ang bato na winalang-halaga ninyong mga tagapagtayo pero naging pangunahing batong-panulok.’*+ 12 Isa pa, wala nang ibang tagapagligtas, dahil walang ibang pangalan+ sa ibabaw ng lupa* na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.”+

13 Nang makita nila ang katapangan* nina Pedro at Juan at malaman nilang hindi nakapag-aral* at pangkaraniwan ang mga taong ito,+ gulat na gulat sila. At naalaala nilang ang mga ito ay kasama noon ni Jesus.+ 14 Habang nakatingin sila sa taong pinagaling na nakatayong kasama ng mga ito,+ wala silang masabi.+ 15 Kaya pinalabas nila ang mga ito mula sa bulwagan ng Sanedrin, at nag-usap-usap sila. 16 Sinabi nila: “Ano ang gagawin natin sa mga lalaking ito?+ Talagang kapansin-pansin ang himalang* ginawa nila. Alam ito ng lahat ng taga-Jerusalem,+ at hindi natin puwedeng sabihin na hindi ito totoo. 17 Pero para huwag na itong kumalat pa, pagbantaan natin sila at utusang huwag nang makipag-usap sa iba tungkol sa pangalang ito.”+

18 Kaya tinawag nila ang mga ito at inutusang huwag nang magsalita o magturo tungkol sa pangalan ni Jesus. 19 Pero sinabi nina Pedro at Juan: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon. 20 Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.”+ 21 Pinagbantaan nila ulit ang dalawang alagad, pero pinalaya rin nila ang mga ito dahil wala silang makitang basehan para parusahan ang mga ito at takot din sila sa mga tao,+ dahil niluluwalhati ng mga tao ang Diyos sa nangyari. 22 Ang lalaking ito na napagaling sa himala* ay mahigit 40 taóng gulang na.

23 Pagkalaya ng dalawang alagad, pinuntahan nila ang mga kapananampalataya nila at ikinuwento ang sinabi sa kanila ng mga punong saserdote at matatandang lalaki. 24 Pagkarinig nito, sama-sama silang nanalangin sa Diyos:

“Kataas-taasang* Panginoon, ikaw ang gumawa ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroon,+ 25 at sa pamamagitan ng banal na espiritu, sinabi mo sa pamamagitan ng iyong lingkod at ninuno naming si David:+ ‘Bakit nagkakagulo ang mga bansa at ang mga bayan ay nag-iisip* ng walang-katuturang mga bagay? 26 Ang mga hari sa lupa ay tumindig at ang mga tagapamahala ay nagkaisa* laban kay Jehova* at sa kaniyang pinili.’*+ 27 At nagtipon nga sa lunsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato+ kasama ang mga tao ng ibang mga bansa at ang mga Israelita para kalabanin ang iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinili.*+ 28 Nagtipon sila para gawin ang inihula mo. Nangyari ang mga ito dahil sa iyong kapangyarihan* at layunin.+ 29 At ngayon, Jehova,* bigyang-pansin mo ang mga banta nila, at tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot, 30 at patuloy mong gamitin ang iyong kapangyarihan para magpagaling at gumawa ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay*+ sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”+

31 At pagkatapos nilang magsumamo,* nayanig ang lugar na pinagtitipunan nila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu+ at walang takot nilang inihayag ang salita ng Diyos.+

32 At nagkakaisa ang puso at isip ng lahat ng nanampalataya, at walang isa man sa kanila ang nag-isip na ang mga pag-aari niya ay para lang sa sarili niya, kundi ibinabahagi nila sa isa’t isa ang anumang taglay nila.+ 33 At ang mga apostol ay patuloy na nagbigay ng napakahusay na patotoo tungkol sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus,+ at silang lahat ay saganang pinagpala ng walang-kapantay na kabaitan. 34 Sa katunayan, walang isa man sa kanila ang kinapos,+ dahil ibinebenta ng lahat ng may mga bukid o bahay ang mga pag-aari nilang ito, 35 at dinadala nila sa mga apostol ang napagbentahan.+ Pagkatapos, ipinamamahagi ito sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.+ 36 At si Jose, na tinatawag din ng mga apostol na Bernabe+ (na kapag isinalin ay “Anak ng Kaaliwan”), isang Levita, isang katutubo ng Ciprus, 37 ay may isang lupain. Ibinenta niya ito at dinala ang pera sa mga apostol.+

5 May mag-asawa na nagbenta rin ng pag-aari nila. Ang lalaki ay si Ananias at ang babae ay si Sapira. 2 Pero itinago ni Ananias ang isang bahagi ng napagbentahan, at alam ito ng asawa niya. Saka niya dinala sa mga apostol ang natirang halaga.+ 3 Pero sinabi ni Pedro: “Ananias, bakit mo hinayaan si Satanas na palakasin ang loob mo na magsinungaling+ sa banal na espiritu+ at lihim na ipagkait ang isang bahagi ng halaga ng bukid? 4 Bago mo ibenta ang lupa, hindi ba pag-aari mo iyon? At nang maibenta mo na iyon, hindi ba magagamit mo ang pera sa anumang paraang gusto mo? Kaya bakit naisip mong gawin ito? Sa Diyos ka nagsinungaling, hindi sa tao.” 5 Pagkarinig nito, nabuwal si Ananias at namatay. Takot na takot ang lahat ng nakabalita sa nangyari. 6 At tumayo ang mga nakababatang lalaki, binalot siya ng tela, binuhat palabas, at inilibing.

7 Pagkalipas ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa niya, at hindi nito alam ang nangyari. 8 Sinabi ni Pedro: “Sabihin mo sa akin, ipinagbili ba ninyo ang bukid sa ganitong halaga?” Sumagot siya: “Oo, sa ganiyang halaga.” 9 Kaya sinabi ni Pedro: “Bakit nagkasundo kayong dalawa na subukin ang espiritu ni Jehova?* Papasók na sa pinto ang mga naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka nila palabas.” 10 Agad itong nabuwal sa harap ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nakita nila itong patay kaya binuhat nila ito palabas at inilibing sa tabi ng asawa nito. 11 Takot na takot ang buong kongregasyon at ang lahat ng nakabalita sa nangyari.

12 Bukod diyan, sa pamamagitan ng mga apostol, maraming tanda at kamangha-manghang bagay* ang patuloy na nagaganap sa gitna ng mga tao;+ at silang lahat ay nagtitipon-tipon sa Kolonada* ni Solomon.+ 13 Ang totoo, ang iba* ay walang lakas ng loob na sumama sa kanila; pero pinupuri sila ng mga tao. 14 Isa pa, patuloy na dumarami ang nananampalataya sa Panginoon, at napakaraming lalaki at babae ang nagiging alagad.+ 15 Inilalabas pa nga nila sa malalapad na daan ang mga maysakit at inihihiga sa maliliit na kama at sapin, para kapag dumaan si Pedro, mahagip man lang ng anino niya ang mga ito.+ 16 Gayundin, marami mula sa mga lunsod sa palibot ng Jerusalem ang pumupunta rito dala ang mga maysakit at sinasapian ng masasamang* espiritu, at gumagaling silang lahat.

17 Pero inggit na inggit ang mataas na saserdote at ang lahat ng kasama niya, na mga miyembro ng sekta ng mga Saduceo, kaya kumilos sila. 18 Hinuli nila ang mga apostol at ibinilanggo.+ 19 Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ni Jehova* ang mga pinto ng bilangguan,+ inilabas sila, at sinabi: 20 “Pumunta kayo sa templo, at patuloy ninyong sabihin sa mga tao ang lahat ng pananalita tungkol sa buhay.”* 21 Pagkarinig nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway* at nagsimulang magturo.

Nang dumating ang mataas na saserdote at ang mga kasama niya, tinipon nila ang Sanedrin at ang lahat ng matatandang lalaki sa bayang Israel, at ipinasundo nila sa bilangguan ang mga apostol. 22 Pero pagdating doon ng mga guwardiya, wala na sa bilangguan ang mga ito. Kaya bumalik sila 23 at nagsabi: “Nakakandadong mabuti ang bilangguan at nakatayo sa pinto ang mga bantay, pero pagbukas namin, walang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng kapitan ng templo at ng mga punong saserdote, litong-lito sila at iniisip nila kung ano ang puwedeng maging resulta nito. 25 Pero may dumating at nagsabi: “Nasa templo ang mga lalaking ibinilanggo ninyo at nagtuturo sa mga tao!” 26 Kaya umalis ang kapitan kasama ang mga guwardiya niya para hulihin ang mga apostol, pero hindi sila gumamit ng dahas dahil sa takot na batuhin sila ng mga tao.+

27 Kaya dinala nila ang mga ito at pinatayo sa harap ng Sanedrin. Tinanong ng mataas na saserdote ang mga apostol 28 at sinabi: “Mahigpit namin kayong pinagbawalan na magturo tungkol sa pangalang ito.+ Pero pinalaganap ninyo sa buong Jerusalem ang turo ninyo! At gusto talaga ninyong isisi sa amin ang pagkamatay ng taong ito.”+ 29 Sumagot si Pedro at ang iba pang apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.+ 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang bumuhay-muli kay Jesus, na pinatay ninyo at ipinako* sa tulos.*+ 31 Itinaas siya ng Diyos sa Kaniyang kanan+ bilang Punong Kinatawan+ at Tagapagligtas,+ para makapagsisi ang Israel at mapatawad sa mga kasalanan nila.+ 32 At mga saksi kami rito,+ gayundin ang banal na espiritu,+ na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala nila.”

33 Pagkarinig nito, galit na galit sila at gusto nilang patayin ang mga apostol. 34 Pero tumayo sa Sanedrin ang Pariseong si Gamaliel;+ siya ay isang guro ng Kautusan at iginagalang ng lahat. Iniutos niyang ilabas muna sandali ang mga apostol. 35 Pagkatapos, sinabi niya: “Mga lalaki ng Israel, pag-isipan ninyong mabuti ang binabalak ninyong gawin sa mga taong ito. 36 Tingnan ninyo ang nangyari noon kay Teudas na nagsasabing dakila siya; mga 400 lalaki ang sumama sa grupo niya. Pero pinatay siya, at nagkawatak-watak ang lahat ng tagasunod niya, at nauwi sila sa wala. 37 Pagkatapos, noong mga araw ng pagpaparehistro, lumitaw naman si Hudas na taga-Galilea, at nakahikayat din siya ng mga tagasunod. Pero namatay rin ang taong iyon, at nangalat ang lahat ng tagasunod niya. 38 Dahil diyan, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; pabayaan ninyo sila. Dahil kung galing lang sa tao ang turo o gawain nila, hindi ito magtatagumpay; 39 pero kung galing ito sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak.+ At baka ang Diyos pa nga ang maging kalaban ninyo.”+ 40 Kaya nakinig sila sa payo niya, at ipinatawag nila ang mga apostol, pinagpapalo* ang mga ito,+ inutusang huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus, at saka pinaalis.

41 Kaya ang mga apostol ay umalis sa harap ng Sanedrin nang masayang-masaya+ dahil sa karangalang magdusa* alang-alang sa pangalan niya. 42 At araw-araw sa templo at sa bahay-bahay,+ walang pagod silang nagpatuloy sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.+

6 Noong mga panahong iyon, nang dumarami ang mga alagad, ang mga Judiong nagsasalita ng Griego ay nagsimulang magreklamo laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, dahil ang mga biyuda sa kanila ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain.+ 2 Kaya tinawag ng 12 apostol ang lahat ng alagad at sinabi: “Hindi tamang* pabayaan namin ang salita ng Diyos para mamahagi ng pagkain sa mga mesa.+ 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo ng pitong lalaki sa gitna ninyo na may mabuting reputasyon,*+ puspos ng espiritu at karunungan,+ para maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito;+ 4 at kami ay patuloy na magbubuhos ng pansin sa pananalangin at pagtuturo* ng salita.” 5 At nagustuhan ng lahat ang sinabi ng mga apostol, kaya pinili nila si Esteban, na puspos ng banal na espiritu at may matibay na pananampalataya, gayundin sina Felipe,+ Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas, na isang proselita mula sa Antioquia. 6 Dinala nila ang mga ito sa mga apostol, at pagkapanalangin, ipinatong ng mga apostol sa mga ito ang mga kamay nila.+

7 Dahil dito, patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos+ at tuloy-tuloy ang pagdami ng alagad+ sa Jerusalem; marami ring saserdote ang nanampalataya.+

8 At si Esteban, na talagang kalugod-lugod sa Diyos at puspos ng kapangyarihan, ay nagsasagawa ng kamangha-manghang mga bagay* at mga tanda sa gitna ng mga tao. 9 Pero may ilang lalaki na miyembro ng Sinagoga ng mga Pinalaya, kasama ang ilan mula sa Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia, na lumapit kay Esteban para makipagtalo. 10 Pero wala silang laban sa karunungan niya at sa espiritung gumagabay sa kaniya sa pagsasalita.+ 11 Kaya palihim nilang inudyukan ang mga lalaki na sabihin: “Narinig namin siyang namumusong* laban kay Moises at sa Diyos.” 12 At sinulsulan nila ang mga tao, matatandang lalaki, at mga eskriba, at sinunggaban siya ng mga ito at puwersahang dinala sa Sanedrin. 13 Nagharap din sila ng sinungaling na mga testigo, na nagsabi: “Ang taong ito ay hindi tumitigil sa pagsasalita laban sa banal na lugar na ito at sa Kautusan. 14 Narinig naming sinabi niya: ‘Ibabagsak ni Jesus na Nazareno ang templo, at babaguhin niya ang mga kaugaliang ibinigay sa atin ni Moises.’”

15 At habang nakatingin sa kaniya ang lahat ng nakaupo sa Sanedrin, nakita nilang parang anghel ang mukha niya.

7 Pero sinabi ng mataas na saserdote: “Totoo ba ang mga ito?” 2 Sumagot si Esteban: “Mga kapatid at mga ama, makinig kayo. Ang maluwalhating Diyos ay nagpakita sa ninuno nating si Abraham habang nasa Mesopotamia siya, bago siya tumira sa Haran,+ 3 at sinabi sa kaniya ng Diyos: ‘Umalis ka sa iyong lupain, iwan mo ang mga kamag-anak mo, at pumunta ka sa lupain na ipapakita ko sa iyo.’+ 4 Kaya umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at tumira sa Haran. Pagkamatay ng ama niya,+ pinalipat siya ng Diyos para tumira sa lupaing ito na tinitirhan ninyo ngayon.+ 5 Pero walang ibinigay na mana sa kaniya ang Diyos—wala, kahit sinlaki lang ng talampakan; pero ipinangako ng Diyos na ang lupaing ito ay ibibigay sa kaniya bilang pag-aari, pati na sa mga supling* niya,+ kahit wala pa siyang anak nang panahong iyon. 6 Sinabi rin sa kaniya ng Diyos na ang mga supling* niya ay magiging dayuhan sa ibang bansa, at aalipinin sila roon at pahihirapan* nang 400 taon.+ 7 ‘At hahatulan ko ang bansang iyon na mang-aalipin sa kanila,’+ ang sabi ng Diyos, ‘at pagkatapos nito, lalaya sila at maglilingkod* sa akin sa lugar na ito.’+

8 “Nakipagtipan din sa kaniya ang Diyos, at ang tanda ng tipang ito ay pagtutuli.+ Pagkatapos, naging anak niya si Isaac+ at tinuli niya ito nang ikawalong araw,+ at naging anak ni Isaac si Jacob,* at naging anak ni Jacob ang 12 ulo ng angkan.* 9 At ang mga ulo ng angkan ay nainggit kay Jose+ at ibinenta siya sa Ehipto.+ Pero ang Diyos ay sumakaniya+ 10 at iniligtas siya mula sa lahat ng kaniyang paghihirap at tinulungan siyang maging kalugod-lugod at marunong sa harap ng Paraon, na hari ng Ehipto. At inatasan siya nitong mamahala sa Ehipto at sa buong sambahayan nito.+ 11 Pero nagkaroon ng taggutom sa buong Ehipto at Canaan, isa ngang malaking kapighatian, at walang mahanap na pagkain ang mga ninuno natin.+ 12 Pero narinig ni Jacob na may suplay ng pagkain* sa Ehipto, at isinugo niya roon ang mga ninuno natin.+ 13 Nang pumunta sila roon sa ikalawang pagkakataon, nagpakilala si Jose sa mga kapatid niya, at nakilala ng Paraon ang pamilya ni Jose.+ 14 Kaya ipinasundo ni Jose sa Canaan ang ama niyang si Jacob at ang lahat ng kamag-anak niya+—lahat-lahat ay 75.+ 15 At pumunta si Jacob sa Ehipto.+ Doon siya namatay,+ pati ang mga ninuno natin.+ 16 Dinala sila sa Sikem at inilibing sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor sa Sikem kapalit ng perang pilak.+

17 “Nang malapit nang tuparin ng Diyos ang ipinangako niya kay Abraham, ang ating bayan sa Ehipto ay lumaki, 18 hanggang sa nagkaroon ng bagong hari sa Ehipto, na hindi nakakakilala kay Jose.+ 19 Nagpakana siya ng masama laban sa ating bayan at pinilit ang mga ama na pabayaan ang mga anak nila para mamatay.+ 20 Nang panahong iyon ay ipinanganak si Moises, at napakaganda ng bata.* At inalagaan* siya nang tatlong buwan sa bahay ng ama niya.+ 21 Pero nang mapilitan ang mga magulang niya na pabayaan siya,+ kinuha siya ng anak na babae ng Paraon at pinalaki bilang sarili nitong anak.+ 22 Kaya itinuro kay Moises ang lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo. At kahanga-hanga ang kaniyang pananalita at mga ginagawa.+

23 “Nang 40 taóng gulang na siya, naisip niyang bisitahin ang* mga kapatid niya, ang mga anak ni Israel.+ 24 Nang makita niyang pinagmamalupitan ang isa sa mga kapatid niya, ipinagtanggol niya ito at ipinaghiganti, kaya pinatay niya ang Ehipsiyo. 25 Inisip niyang maiintindihan ng mga kapatid niya na ginagamit siya ng Diyos para iligtas sila, pero hindi nila ito naintindihan. 26 Kinabukasan, pinuntahan niya ulit sila, at may nakita siyang nag-aaway. Sinubukan niya silang pagbatiin, at sinabi niya: ‘Magkapatid kayo. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng isa na nanakit sa kapuwa nito at sinabi: ‘Sino ang nag-atas sa iyo na maging tagapamahala at hukom namin? 28 Gusto mo ba akong patayin gaya ng ginawa mo sa Ehipsiyo kahapon?’ 29 Pagkarinig nito, tumakas si Moises at nanirahan bilang dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya nagkaanak ng dalawang lalaki.+

30 “Pagkalipas ng 40 taon, isang anghel ang nagpakita sa kaniya sa ilang ng Bundok Sinai sa pamamagitan ng apoy sa nagliliyab na matinik na halaman.*+ 31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya rito. Pero habang palapit siya para mag-usisa, narinig niya ang tinig ni Jehova:* 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob.’+ Nanginig sa takot si Moises, at hindi na siya nag-usisa pa. 33 Sinabi ni Jehova:* ‘Hubarin mo ang sandalyas mo, dahil banal ang lupang kinatatayuan mo. 34 Nakita ko ang pang-aapi sa bayan ko na nasa Ehipto, at narinig ko ang daing nila,+ at bumaba ako para iligtas sila. Kaya ngayon ay isusugo kita sa Ehipto.’ 35 Ang Moises na ito, na kanilang itinakwil at sinabihan, ‘Sino ang nag-atas sa iyo na maging tagapamahala at hukom?’+ ang isinugo ng Diyos+ bilang tagapamahala at tagapagligtas; isinugo siya sa pamamagitan ng anghel na nagpakita sa kaniya sa matinik na halaman. 36 Siya ang naglabas sa kanila+ at nagsagawa ng kamangha-manghang mga bagay* at mga tanda sa Ehipto+ at sa Dagat na Pula+ at sa ilang sa loob ng 40 taon.+

37 “Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: ‘Ang Diyos ay pipili mula sa mga kapatid ninyo ng isang propeta na gaya ko.’+ 38 Siya ang kasama ng kongregasyon sa ilang at ang kinausap ng anghel+ sa Bundok Sinai noong kasama niya ang ating mga ninuno, at narinig niya ang buháy na salita ng Diyos,* na ipinaalám naman niya sa atin.+ 39 Pero ayaw siyang sundin ng mga ninuno natin. Itinakwil nila siya,+ at sa puso nila, nangarap silang bumalik sa Ehipto,+ 40 at sinabi nila kay Aaron: ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyon, na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto.’+ 41 Kaya gumawa sila noon ng isang guya* at naghandog sa idolo at nagpakasaya dahil sa ginawa ng kamay nila.+ 42 Kaya tinalikuran sila ng Diyos at pinabayaan silang maglingkod* sa hukbo ng langit,+ gaya ng nakasulat sa aklat ng mga Propeta: ‘Hindi kayo sa akin nag-alay ng inyong mga handog at hain sa loob ng 40 taon sa ilang, hindi ba, O sambahayan ng Israel? 43 Kundi dinala ninyo ang tolda ni Moloc+ at ang bituin ng diyos na si Repan, ang mga imaheng ginawa ninyo para sambahin. Kaya itatapon ko kayo sa lugar na mas malayo pa sa Babilonya.’+

44 “Nasa mga ninuno natin ang tolda ng patotoo sa ilang, na iniutos ng Diyos na gawin ni Moises ayon sa parisang nakita niya.+ 45 At naging pag-aari ito ng mga ninuno natin at dinala ito kasama ni Josue sa lupaing pag-aari ng mga bansa,+ na pinalayas ng Diyos sa harap ng mga ninuno natin.+ Nanatili iyon doon hanggang sa panahon ni David. 46 Naging kalugod-lugod siya sa Diyos at hiniling niya ang pribilehiyong gumawa ng tirahan para sa Diyos ni Jacob.+ 47 Pero si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa Kaniya.+ 48 Gayunman, ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay,+ gaya ng sinasabi ng propeta: 49 ‘Ang langit ang trono ko,+ at ang lupa ang tuntungan ko.+ Anong bahay ang maitatayo ninyo para sa akin? ang sabi ni Jehova.* O saan ako magpapahinga? 50 Kamay ko ang gumawa ng lahat ng bagay na ito, hindi ba?’+

51 “Mga mapagmatigas at di-tuli* ang mga puso at tainga, lagi ninyong nilalabanan ang banal na espiritu; kung ano ang ginawa ng mga ninuno ninyo, iyon din ang ginagawa ninyo.+ 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng mga ninuno ninyo?+ Oo, pinatay nila ang mga patiunang naghayag ng pagdating ng isa na matuwid,+ na pinagtaksilan ninyo ngayon at pinatay,+ 53 kayo na tumanggap ng Kautusan na dinala ng mga anghel+ pero hindi ninyo tinupad.”

54 Pagkarinig nito, galit na galit sila sa kaniya at nagngalit ang mga ngipin nila. 55 Pero siya, na puspos ng banal na espiritu, ay tumingin sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at ni Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos+ 56 at sinabi: “Nakikita ko ngayong bukás ang langit at nakatayo sa kanan ng Diyos ang Anak ng tao.”+ 57 Dahil diyan, sumigaw sila nang napakalakas at tinakpan ang mga tainga nila at sinugod siya. 58 Dinala nila siya sa labas ng lunsod at pinagbabato.+ Inilapag ng mga testigo+ ang balabal nila sa paanan ng lalaking* si Saul.+ 59 Habang binabato nila si Esteban, nagsumamo siya: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang buhay* ko.” 60 Pagkaluhod niya, sumigaw siya: “Jehova,* huwag mong singilin sa kanila ang kasalanang ito.”+ Pagkasabi nito, namatay* siya.

8 Pabor si Saul sa pagpatay kay Esteban.+

Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig sa kongregasyon na nasa Jerusalem; ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa Judea at Samaria.+ 2 Pero si Esteban ay kinuha ng makadiyos na mga lalaki para ilibing, at nagdalamhati sila nang husto. 3 At pinasimulan ni Saul na pagmalupitan ang kongregasyon. Isa-isa niyang pinapasok ang mga bahay, kinakaladkad palabas ang mga lalaki at babae, at ipinakukulong sila.+

4 Pero inihayag ng nangalat na mga alagad ang mabuting balita ng salita ng Diyos sa buong lupain.+ 5 At si Felipe ay pumunta sa lunsod* ng Samaria+ at ipinangaral niya sa mga tagaroon ang Kristo. 6 Ang lahat ng naroon ay talagang nagbigay-pansin sa mga sinasabi ni Felipe habang nakikinig sila at nakikita ang mga tanda na ginagawa niya. 7 Maraming sinapian ng masamang* espiritu ang pinagaling; sumisigaw ang mga espiritu at lumalabas sa mga ito.+ Marami rin ang napagaling na paralisado at pilay. 8 Kaya talagang nagsaya ang lunsod na iyon.

9 Nasa lunsod na iyon ang lalaking si Simon. Dati na siyang nagsasagawa ng mahika at pinahahanga niya ang mga taga-Samaria at sinasabing makapangyarihan siya. 10 At silang lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, ay nagbibigay-pansin sa kaniya at nagsasabi: “Ang taong ito ang Kapangyarihan ng Diyos, ang Malakas na Kapangyarihan.” 11 Dahil matagal na niyang napahahanga ang mga tao sa kaniyang mahika, nagbibigay-pansin sila sa kaniya. 12 Pero nang maniwala sila kay Felipe, na naghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos+ at tungkol sa pangalan ni Jesu-Kristo, ang mga lalaki at babae ay nagpabautismo.+ 13 Naging mananampalataya rin si Simon, at pagkabautismo, nanatili siyang kasama ni Felipe;+ at namangha siya sa nakikita niyang mga tanda at makapangyarihang mga gawa.

14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos,+ isinugo nila sina Pedro at Juan. 15 Pumunta roon ang mga ito at nanalangin para tumanggap ng banal na espiritu ang mga tagaroon,+ 16 dahil wala pang nakatanggap sa kanila ng banal na espiritu; nabautismuhan lang sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.+ 17 Kaya ipinatong nina Pedro at Juan ang mga kamay nila sa mga ito,+ at nakatanggap ng banal na espiritu ang mga ito.

18 Nang makita ni Simon na nakatatanggap ng espiritu ang mga tao dahil sa pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, inalok niya sila ng pera 19 at sinabi: “Bigyan din ninyo ako ng ganitong awtoridad para makatanggap din ng banal na espiritu ang sinumang patungan ko ng kamay.” 20 Pero sinabi ni Pedro: “Malipol ka nawang kasama ng pilak mo, dahil iniisip mong mabibili mo ng pera ang walang-bayad na regalo ng Diyos.+ 21 Hindi ka magkakaroon ng bahagi sa bagay na ito, dahil hindi tapat ang puso mo sa paningin ng Diyos. 22 Kaya pagsisihan mo ang kasamaan mong ito, at magsumamo ka kay Jehova* na patawarin ka kung maaari, dahil sa masamang hangarin ng puso mo, 23 dahil nakikita kong isa kang mapait na lason* at alipin ng kasamaan.” 24 Sinabi ni Simon: “Magsumamo kayo kay Jehova* para sa akin nang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”

25 Nang makapagpatotoo sila nang lubusan at maihayag ang salita ni Jehova,* naglakbay sila pabalik sa Jerusalem at inihayag ang mabuting balita sa maraming nayon ng mga Samaritano.+

26 Pero sinabi ng anghel+ ni Jehova* kay Felipe: “Pumunta ka sa timog, sa daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ito ay isang daan sa disyerto.) 27 Kaya pumunta roon si Felipe, at nakita niya ang isang Etiope, isang mataas na opisyal* at naglilingkod kay Candace na reyna ng mga Etiope, at siya ang namamahala sa lahat ng kayamanan nito. Pumunta siya sa Jerusalem para sumamba,+ 28 pero pauwi na siya. At habang nakaupo sa karwahe* niya, binabasa niya nang malakas ang isinulat ni propeta Isaias. 29 Kaya sinabi ng espiritu kay Felipe: “Habulin mo ang karwaheng iyon.” 30 Tumakbo si Felipe, at sinabayan niya ang karwahe. Narinig niyang binabasa ng Etiope ang isinulat ni propeta Isaias, at sinabi niya: “Naiintindihan mo ba ang lahat ng binabasa mo?” 31 Sumagot ang Etiope: “Ang totoo, hindi ko ito maiintindihan kung walang magtuturo sa akin.” Kaya pinasakay niya si Felipe at pinaupo sa tabi niya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na binabasa niya: “Gaya ng isang tupa, dinala siya sa katayan, at gaya ng isang kordero* na tahimik sa harap ng manggugupit nito, hindi niya ibinuka ang bibig niya.+ 33 Noong ipinapahiya siya, ipinagkait sa kaniya ang katarungan.+ Sino ang maglalahad ng mga detalye ng pinagmulan niya? Dahil ang buhay niya ay inalis sa lupa.”*+

34 Sinabi ng mataas na opisyal kay Felipe: “Pakiusap, sabihin mo kung sino ang tinutukoy rito ng propeta? Sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya gamit ang bahaging iyon ng Kasulatan, pinasimulan ni Felipe na ihayag sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus. 36 At habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig, at sinabi ng mataas na opisyal: “Tingnan mo, may tubig dito; ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?” 37 *—— 38 Kaya pinahinto niya ang karwahe, at lumusong sa tubig ang mataas na opisyal at si Felipe at binautismuhan siya nito. 39 Pagkaahon sa tubig, si Felipe ay agad na inakay palayo ng espiritu ni Jehova,* at hindi na siya nakita pa ng mataas na opisyal, pero masaya itong nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Si Felipe ay nagpunta sa Asdod, at nilibot niya ang teritoryo at patuloy na inihayag ang mabuting balita sa lahat ng lunsod hanggang sa makarating siya sa Cesarea.+

9 Pero si Saul, na patuloy na nagbabanta sa mga alagad ng Panginoon at gustong-gustong patayin ang mga ito,+ ay pumunta sa mataas na saserdote 2 at humingi ng mga liham na puwede niyang ipakita sa mga sinagoga* sa Damasco para maaresto niya at madala sa Jerusalem ang sinumang mahanap niya na kabilang sa Daan,+ kapuwa mga lalaki at babae.

3 Habang naglalakbay siya at malapit na sa Damasco, biglang suminag sa kaniya ang isang liwanag mula sa langit.+ 4 Nabuwal siya at may narinig na tinig: “Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?” 5 Nagtanong siya: “Sino ka, Panginoon?” Sinabi nito: “Ako si Jesus,+ ang inuusig mo.+ 6 Pero tumayo ka at pumasok ka sa lunsod, at may magsasabi sa iyo ng dapat mong gawin.” 7 At ang mga lalaking naglalakbay na kasama niya ay natigilan at di-makapagsalita, dahil may naririnig silang tinig pero walang nakikitang sinuman.+ 8 Kaya tumayo si Saul, at kahit nakadilat, hindi siya makakita. Kaya inakay nila siya papuntang Damasco. 9 Tatlong araw siyang hindi makakita;+ hindi rin siya kumain at uminom.

10 May isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias.+ Sinabi ng Panginoon sa kaniya sa pangitain: “Ananias!” Sumagot siya: “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi ng Panginoon: “Pumunta ka sa lansangan na tinatawag na Tuwid, at hanapin mo sa bahay ni Hudas si Saul na mula sa Tarso.+ Nananalangin siya ngayon, 12 at nakita niya sa pangitain na isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang dumating at ipinatong nito sa kaniya ang mga kamay nito para makakita siyang muli.”+ 13 Pero sinabi ni Ananias: “Panginoon, marami na akong narinig tungkol sa lalaking ito. Marami ang nagsabi kung paano niya ipinahamak ang mga alagad* mo sa Jerusalem. 14 May awtoridad din siya mula sa mga punong saserdote na arestuhin* ang lahat ng tumatawag sa pangalan mo.”+ 15 Pero sinabi ng Panginoon: “Puntahan mo siya, dahil ang taong ito ay pinili ko*+ para dalhin ang pangalan ko sa mga bansa,+ gayundin sa mga hari+ at sa mga Israelita. 16 Dahil ipapakita ko sa kaniya ang lahat ng paghihirap na daranasin niya dahil sa pangalan ko.”+

17 Kaya umalis si Ananias at pumasok sa bahay na kinaroroonan ni Saul. Ipinatong niya rito ang mga kamay niya at sinabi: “Saul, kapatid, isinugo ako ng Panginoong Jesus, na nagpakita sa iyo sa daan habang papunta ka rito, para makakita kang muli at mapuspos ng banal na espiritu.”+ 18 Biglang may nalaglag na parang mga kaliskis mula sa mga mata ni Saul, at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nabautismuhan. 19 Kumain din siya at lumakas.

Mga ilang araw siyang nanatiling kasama ng mga alagad sa Damasco,+ 20 at agad siyang nagsimulang mangaral sa mga sinagoga tungkol kay Jesus, na ito ang Anak ng Diyos. 21 Pero gulat na gulat ang lahat ng nakaririnig sa kaniya, at sinasabi nila: “Hindi ba ito ang taong nagpahirap sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito?+ Hindi ba pumunta siya rito para arestuhin sila at dalhin sa mga punong saserdote?”*+ 22 Pero lalo pang nagiging mahusay si Saul sa ministeryo at walang maisagot sa kaniya ang mga Judio na nakatira sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na si Jesus ang Kristo.+

23 Makalipas ang maraming araw, nagplano ang mga Judio na patayin siya.+ 24 Pero nalaman ni Saul ang plano nila. Nakabantay rin sila sa mga pintuang-daan, araw at gabi, para mapatay siya. 25 Kaya tinulungan siya ng mga alagad niya; isang gabi, inilagay nila siya sa isang malaking basket at idinaan sa isang butas sa pader para makababa.+

26 Pagdating sa Jerusalem,+ sinikap niyang makasama ang mga alagad, pero takot silang lahat sa kaniya, dahil hindi sila naniniwalang alagad na siya. 27 Kaya tinulungan siya ni Bernabe+ at isinama siya sa mga apostol. Sinabi nito sa kanila nang detalyado kung paano nakita ni Saul sa daan ang Panginoon,+ na nakipag-usap sa kaniya, at kung paano siya nagsalita nang walang takot sa Damasco sa ngalan ni Jesus.+ 28 Kaya nanatili siyang kasama nila. Malaya siyang nakakakilos sa Jerusalem at walang takot na nagsasalita sa ngalan ng Panginoon. 29 Nakikipag-usap siya at nakikipagtalo sa mga Judiong nagsasalita ng Griego, at ilang beses siyang pinagtangkaang patayin ng mga ito.+ 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, dinala nila siya sa Cesarea at pinapunta sa Tarso.+

31 Pagkatapos nito, ang lahat ng alagad* sa buong Judea, Galilea, at Samaria+ ay nakaranas ng isang yugto ng kapayapaan at napatibay; at habang namumuhay sila nang may takot kay Jehova* at tumatanggap ng pampatibay mula sa banal na espiritu,+ patuloy silang dumarami.

32 At habang lumilibot si Pedro sa buong rehiyon, pinuntahan niya rin ang mga alagad* sa Lida.+ 33 Nakita niya roon si Eneas, isang lalaki na walong taon nang nakaratay sa higaan dahil paralisado ito. 34 Sinabi ni Pedro: “Eneas, pinagaling ka ni Jesu-Kristo.+ Bumangon ka at ayusin ang higaan mo.”+ At agad siyang bumangon. 35 Nang makita siya ng lahat ng nakatira sa Lida at Kapatagan ng Saron, nanampalataya sila sa Panginoon.

36 At may isang alagad sa Jope na nagngangalang Tabita, na kapag isinalin ay “Dorcas.”* Napakarami niyang ginagawang mabuti, at matulungin siya sa mahihirap.* 37 Pero nang mga panahong iyon, nagkasakit siya at namatay. Kaya pinaliguan nila siya at inilagay sa isang silid sa itaas. 38 Malapit lang ang Lida sa Jope, kaya nang mabalitaan ng mga alagad na nasa lunsod na iyon si Pedro, nagsugo sila ng dalawang lalaki para sabihin sa kaniya: “Pakiusap, pumunta ka agad sa amin.” 39 Kaya sumama agad sa kanila si Pedro. Pagdating doon, isinama nila siya sa silid sa itaas; at humarap sa kaniya ang lahat ng biyuda na umiiyak habang ipinapakita ang maraming kasuotan at mahabang damit* na ginawa ni Dorcas noong buháy pa ito. 40 Pagkatapos, pinalabas ni Pedro ang lahat;+ lumuhod siya at nanalangin. Paglapit niya sa bangkay, sinabi niya: “Tabita, bumangon ka!” Dumilat ito at umupo nang makita si Pedro.+ 41 Hinawakan ni Pedro ang kamay nito at itinayo ito. Pagkatapos, tinawag niya ang mga alagad* at ang mga biyuda at ipinakitang buháy na si Tabita.+ 42 Napabalita ito sa buong Jope, at marami ang nanampalataya sa Panginoon.+ 43 Nanatili pa siya nang maraming araw sa Jope kasama ni Simon, na gumagawa ng katad.*+

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Isa siyang opisyal ng hukbo* sa tinatawag na Italyanong pangkat.* 2 Relihiyoso siya at may takot sa Diyos, pati na ang buong sambahayan niya. Matulungin din siya sa mahihirap* at laging nagsusumamo sa Diyos. 3 Nang mga ikasiyam na oras,*+ malinaw niyang nakita sa pangitain na dumating ang isang anghel ng Diyos at nagsabi: “Cornelio!” 4 Takot na takot si Cornelio habang nakatingin dito. Nagtanong siya: “Ano iyon, Panginoon?” Sinabi nito: “Ang iyong mga panalangin at kabutihang ginagawa sa mahihirap ay nakarating sa Diyos at nagsilbing alaala para sa iyo sa harap Niya.+ 5 Kaya ngayon, magsugo ka ng mga lalaki sa Jope at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. 6 Tumutuloy siya kina* Simon, na gumagawa ng katad* at nasa tabing-dagat ang bahay.” 7 Pagkaalis ng anghel na nakipag-usap sa kaniya, tinawag niya agad ang dalawa sa mga lingkod niya at isang sundalo niyang relihiyoso. 8 Ikinuwento niya sa kanila ang lahat at isinugo sila sa Jope.

9 Kinabukasan, habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay at papalapit na sa lunsod, umakyat si Pedro sa bubungan ng bahay nang bandang ikaanim na oras* para manalangin. 10 Pero nagutom siya nang husto, at gusto niyang kumain. Habang ipinaghahanda siya ng pagkain, nakakita siya ng isang pangitain.+ 11 Nakita niyang bumukas ang langit at ibinaba sa lupa ang isang tulad ng malaking telang lino na nakabitin sa apat na dulo nito; 12 at nasa loob nito ang iba’t ibang klase ng hayop na apat ang paa at mga reptilya* sa lupa at mga ibon sa langit. 13 At sinabi ng isang tinig: “Tumayo ka, Pedro, magkatay ka at kumain!” 14 Pero sinabi ni Pedro: “Hindi ko kaya, Panginoon! Dahil kahit kailan, hindi pa ako kumain ng anumang marumi at ipinagbabawal.”+ 15 Muling nagsalita ang tinig: “Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” 16 Nagsalita ito sa ikatlong pagkakataon, at agad itong* iniakyat pabalik sa langit.

17 Habang naguguluhan pa si Pedro sa ibig sabihin ng nakita niyang pangitain, nasa tapat* na ng bahay ni Simon ang mga lalaking isinugo ni Cornelio, dahil ipinagtanong nila kung nasaan ang bahay nito.+ 18 Kinausap nila ang may-bahay at tinanong ito kung doon ba tumutuloy si Simon, na tinatawag na Pedro. 19 Habang iniisip pa rin ni Pedro ang pangitain, sinabi ng espiritu:+ “Tingnan mo! May tatlong lalaki na naghahanap sa iyo. 20 Bumaba ka at huwag kang magdalawang-isip na sumama sa kanila, dahil isinugo ko sila.” 21 Kaya bumaba si Pedro, at sinabi niya sa mga lalaki: “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang sadya ninyo?” 22 Sinabi nila: “Pinapunta kami rito ni Cornelio,+ isang opisyal ng hukbo, isang lalaking matuwid at may takot sa Diyos at may mabuting ulat mula sa buong bansa ng mga Judio. Inutusan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na papuntahin ka sa bahay niya at makinig sa sasabihin mo.” 23 Kaya pinatuloy niya sila sa bahay at hindi muna pinaalis.

Kinabukasan, naghanda siya at sumama sa kanila. Sumama rin ang ilang kapatid na taga-Jope. 24 Nang sumunod na araw, nakarating siya sa Cesarea. At inaasahan na sila ni Cornelio, kaya tinipon niya ang mga kamag-anak niya at malalapít na kaibigan. 25 Pagdating ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio; lumuhod ito at yumukod sa kaniya. 26 Pero itinayo ito ni Pedro at sinabi: “Tumayo ka; tao lang din ako.”+ 27 Habang nag-uusap sila, pumasok sila sa bahay at nakita ni Pedro na maraming nagkakatipon doon. 28 Sinabi niya sa kanila: “Alam na alam ninyo na ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa taong iba ang bayang pinagmulan,+ pero ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na* marumi ang sinuman.+ 29 Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na pumunta nang ipatawag ako. Pero gusto kong malaman kung bakit mo ako ipinasundo.”

30 Sinabi ni Cornelio: “Apat na araw na ang nakararaan, nananalangin ako sa bahay ko nang ganito ring oras, ikasiyam na oras;* biglang may tumayo sa harap ko na isang lalaking may nagniningning na damit 31 at nagsabi: ‘Cornelio, pinakinggan ng Diyos ang panalangin mo, at hindi niya nakakalimutan ang kabutihang ginagawa mo sa mahihirap. 32 Kaya magsugo ka sa Jope at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Bisita siya ni Simon, na gumagawa ng katad at nasa tabing-dagat ang bahay.’+ 33 Kaya ipinasundo kita agad, at buti na lang, sumama ka papunta rito. At ngayon, nagkakatipon kaming lahat sa harap ng Diyos para pakinggan ang lahat ng iniutos ni Jehova* na sabihin mo.”

34 Nagsimulang magsalita si Pedro: “Lubusan ko nang naiintindihan ngayon na hindi nagtatangi ang Diyos,+ 35 kundi tinatanggap* niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.+ 36 Nagpadala siya ng mensahe sa mga Israelita at ipinahayag sa kanila ang mabuting balita ng kapayapaan+ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo—ang Panginoon ng lahat.+ 37 Alam ninyo kung ano ang pinag-uusapan sa buong Judea, na nagsimula sa Galilea+ matapos ipangaral ni Juan ang tungkol sa bautismo: 38 Tungkol ito kay Jesus na mula sa Nazaret; inatasan* siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu+ at binigyan ng kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ng Diyablo,+ dahil sumasakaniya ang Diyos.+ 39 At mga saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem; pero pinatay nila siya at ipinako sa tulos.* 40 Binuhay siyang muli ng Diyos sa ikatlong araw+ at hinayaang makita ng mga tao, 41 pero hindi ng lahat kundi ng mga saksi na patiunang pinili ng Diyos, kami, na kasama niyang kumain at uminom matapos siyang buhaying muli.+ 42 At inutusan niya kaming mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo+ na siya ang inatasan ng Diyos para maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.+ 43 Nagpapatotoo tungkol sa kaniya ang lahat ng propeta,+ na ang lahat ng nananampalataya sa kaniya ay mapatatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pangalan niya.”+

44 Habang nagsasalita si Pedro tungkol sa mga bagay na ito, tumanggap ng banal na espiritu ang lahat ng nakikinig sa mensahe.*+ 45 At namangha ang mga tuling mananampalataya* na kasama ni Pedro, dahil ibinubuhos din sa mga tao ng ibang mga bansa ang walang-bayad na regalo ng Diyos, ang banal na espiritu. 46 Dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng iba’t ibang wika at dinadakila ang Diyos.+ Sinabi ni Pedro: 47 “Sino ang makapagsasabing hindi dapat bautismuhan sa tubig+ ang mga taong ito na tumanggap ng banal na espiritu gaya natin?” 48 Pagkatapos, iniutos niyang bautismuhan ang mga ito sa pangalan ni Jesu-Kristo.+ At hiniling ng mga ito na manatili muna siya nang ilang araw.

11 At nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga tao ng ibang mga bansa ang salita ng Diyos. 2 Kaya nang pumunta si Pedro sa Jerusalem, pinuna siya ng* mga tagapagtaguyod ng pagtutuli+ 3 at sinabi: “Pumasok ka sa bahay ng mga taong di-tuli at kumaing kasama nila.” 4 Kaya ipinaliwanag ito sa kanila ni Pedro nang detalyado:

5 “Nasa lunsod ako noon ng Jope at nananalangin. Nakita ko sa isang pangitain ang isang tulad ng malaking telang lino na nakabitin sa apat na dulo nito; bumaba ito mula sa langit papunta sa akin.+ 6 Tiningnan ko iyon nang mabuti, at may nakita akong mga hayop sa lupa na apat ang paa, mababangis na hayop, mga reptilya,* at mga ibon sa langit. 7 May narinig din akong tinig na nagsabi: ‘Tumayo ka, Pedro, magkatay ka at kumain!’ 8 Pero sinabi ko: ‘Hindi puwede, Panginoon! Dahil kahit kailan, wala pang anumang marumi o ipinagbabawal ang pumasok sa bibig ko.’ 9 Nagsalita ulit ang tinig mula sa langit: ‘Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.’ 10 Nagsalita ito sa ikatlong pagkakataon, at ang lahat ng iyon ay iniakyat pabalik sa langit. 11 At nang pagkakataon ding iyon, may tatlong lalaking dumating sa bahay na tinutuluyan namin. Isinugo sila mula sa Cesarea para hanapin ako.+ 12 Sinabihan ako ng espiritu na huwag magdalawang-isip na sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito, at pumasok kami sa bahay ng lalaki.

13 “Sinabi niya sa amin na may nakita siyang anghel sa bahay niya na nagsabi: ‘Magsugo ka ng mga lalaki sa Jope at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro,+ 14 at sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang buong sambahayan mo.’ 15 Pero nang magsimula akong magsalita, tumanggap sila ng banal na espiritu gaya rin ng nangyari noon sa atin.+ 16 At naalaala ko ang sinasabi noon ng Panginoon: ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig,+ pero kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu.’+ 17 Kaya kung ibinigay rin ng Diyos sa kanila ang walang-bayad na regalo na ibinigay niya sa atin na naniniwala sa Panginoong Jesu-Kristo, sino ako para mahadlangan* ang Diyos?”+

18 Pagkarinig nito, hindi na sila tumutol,* at niluwalhati nila ang Diyos at sinabi: “Kung gayon, ang mga tao ng ibang mga bansa ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi para tumanggap ng buhay.”+

19 Ang mga nangalat+ dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban ay nakarating hanggang sa Fenicia, Ciprus, at Antioquia, pero sa mga Judio lang nila ibinahagi ang mensahe.+ 20 Pero ang ilan na mula sa Ciprus at Cirene ay pumunta sa Antioquia at inihayag sa mga taong nagsasalita ng Griego ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 At sumakanila ang kamay ni Jehova;* napakaraming naging mananampalataya at sumunod sa Panginoon.+

22 Nang mabalitaan ito ng kongregasyon sa Jerusalem, isinugo nila si Bernabe+ sa Antioquia. 23 Nang makarating siya roon at makita niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nagsaya siya at pinatibay niya ang lahat na patuloy na sumunod sa Panginoon nang buong puso;+ 24 si Bernabe ay isang mabuting tao, na puspos ng banal na espiritu at may matibay na pananampalataya. Dahil dito, marami ang naniwala sa Panginoon.+ 25 Kaya pumunta siya sa Tarso para hanapin si Saul.+ 26 Pagkakita rito, isinama niya ito sa Antioquia. Kaya isang buong taon silang nakipagtipon sa kongregasyon at nagturo sa maraming tao, at sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano+ ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.

27 Nang mga panahong iyon, may mga propeta+ mula sa Jerusalem na pumunta sa Antioquia. 28 Isa sa kanila si Agabo;+ inihula niya sa pamamagitan ng espiritu na malapit nang magkaroon ng malaking taggutom sa buong lupa,+ na talagang nangyari noong panahon ni Claudio. 29 Kaya nagbigay ng tulong*+ ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa,+ sa mga kapatid na nakatira sa Judea; 30 ipinadala nila ang mga ito sa matatandang lalaki sa pamamagitan nina Bernabe at Saul.+

12 Nang panahong iyon, sinimulang pagmalupitan ni Haring Herodes ang ilan sa kongregasyon.+ 2 Pinatay niya si Santiago na kapatid ni Juan+ gamit ang espada.+ 3 Nang makita niyang nagustuhan ito ng mga Judio, inaresto rin niya si Pedro. (Panahon iyon ng Tinapay na Walang Pampaalsa.)+ 4 Dinakip niya ito at ibinilanggo;+ apat na grupo ng tig-aapat na sundalo ang nagpapalitan sa pagbabantay rito. Gusto niya kasing iharap ito sa mga tao* pagkatapos ng Paskuwa. 5 Kaya nanatili si Pedro sa bilangguan, pero ang kongregasyon ay nananalangin nang marubdob sa Diyos para sa kaniya.+

6 Nang gabi bago siya ilabas ni Herodes, natutulog si Pedro. Nasa gitna siya ng dalawang sundalo at nakatanikala sa mga ito. May mga bantay rin sa harap ng pinto ng bilangguan. 7 Pero may lumitaw na anghel ni Jehova*+ at may liwanag na suminag sa selda. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising siya: “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang tanikala sa mga kamay niya.+ 8 Sinabi ng anghel: “Magbihis ka* at isuot mo ang sandalyas mo.” Ginawa niya iyon. Sinabi pa nito: “Isuot mo ang iyong balabal* at sundan mo ako.” 9 At lumabas siya at patuloy itong sinundan, pero hindi niya alam na totoo ang mga nangyayari at ang anghel. Akala niya ay nakakakita lang siya ng pangitain. 10 Pagkalampas nila sa una at ikalawang grupo ng mga guwardiya, nakarating sila sa bakal na pintuang-daan ng bilangguan na papunta sa lunsod; kusa itong bumukas at lumabas sila. Pumunta sila sa isang lansangan, at agad na humiwalay sa kaniya ang anghel. 11 Natauhan si Pedro, at sinabi niya: “Sigurado na ako ngayon na isinugo ni Jehova* ang anghel niya para iligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa lahat ng gustong mangyari ng mga Judio.”+

12 Pagkatapos pag-isipan ito, pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag na Marcos,+ kung saan marami ang nagtitipon at nananalangin. 13 Nang kumatok siya sa pinto,* lumapit ang alilang si Roda para tingnan kung sino iyon. 14 Nakilala niya ang boses ni Pedro, at sa sobrang tuwa, hindi niya binuksan ang pinto kundi tumakbo siya sa loob at sinabing nasa pinto si Pedro. 15 Sinabi nila: “Nahihibang ka.” Pero ipinipilit niya na totoo ang sinabi niya. Kaya sinabi nila: “Anghel* iyon.” 16 Hindi umalis si Pedro at patuloy na kumatok. Pagbukas nila sa pinto, nakita nila siya at gulat na gulat sila. 17 Pero sinenyasan niya sila na tumahimik at sinabi nang detalyado kung paano siya inilabas ni Jehova* sa bilangguan. Sinabi pa niya: “Ibalita ninyo ito kay Santiago+ at sa mga kapatid.” Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.

18 Nang mag-umaga na, nagkagulo ang mga sundalo; iniisip nila kung ano talaga ang nangyari kay Pedro. 19 Ipinahanap siyang mabuti ni Herodes, pero nang hindi siya makita, pinagtatanong nito ang mga guwardiya at iniutos na parusahan ang mga ito;+ at mula sa Judea ay pumunta si Herodes sa Cesarea at nanatili roon nang ilang panahon.

20 Galit si* Herodes sa mga mamamayan ng Tiro at Sidon. Kaya pumunta sila sa kaniya na iisa ang pakay, at kinumbinsi nila si Blasto, ang nangangasiwa sa sambahayan* ng hari, na tulungan sila. Pagkatapos, humiling sila ng kapayapaan, dahil sa lupain ng hari nanggagaling ang pagkain ng bansa nila. 21 Sa isang espesyal na araw, nagsuot si Herodes ng magarbong kasuotan at umupo sa luklukan ng paghatol at nagtalumpati sa harap ng mga tao. 22 At sumigaw ang nagkakatipong mga tao: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” 23 Agad siyang sinaktan ng anghel ni Jehova,* dahil hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian, at kinain siya ng mga uod at namatay.

24 Pero ang salita ni Jehova* ay patuloy na lumalaganap at marami ang nagiging mananampalataya.+

25 Kung tungkol naman kina Bernabe+ at Saul, pagkatapos nilang maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa Jerusalem,+ bumalik sila at isinama si Juan,+ na tinatawag ding Marcos.

13 May mga propeta at mga guro sa kongregasyon+ sa Antioquia: si Bernabe, si Symeon na tinatawag na Niger, si Lucio ng Cirene, si Manaen na tinuruang kasama ni Herodes na tagapamahala ng distrito, at si Saul. 2 Habang naglilingkod sila kay Jehova* at nag-aayuno,* sinabi ng banal na espiritu: “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saul,+ dahil pinili ko sila para sa isang gawain.”+ 3 Matapos mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa mga ito ang mga kamay nila at isinugo.

4 Kaya pumunta sa Seleucia ang mga lalaking ito, na isinugo ng banal na espiritu, at mula roon ay naglayag sila papuntang Ciprus. 5 Pagdating sa Salamis, sinimulan nilang ihayag ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama nila si Juan bilang tagapaglingkod.+

6 Nang malibot na nila ang buong isla hanggang sa Pafos, nakilala nila si Bar-Jesus, isang lalaking Judio na mangkukulam* at huwad na propeta. 7 Kasama siya ng proconsul* na si Sergio Paulo, isang matalinong lalaki. Ipinatawag nito sina Bernabe at Saul, dahil gustong-gusto nitong marinig ang salita ng Diyos. 8 Pero kinokontra sila ni Elimas* na mangkukulam (iyan ang kahulugan ng pangalan niya); sinisikap niyang pigilan na maging mananampalataya ang proconsul. 9 Tinitigan siya ni Saul, na tinatawag ding Pablo, na napuspos ng banal na espiritu; 10 sinabi nito: “O taong punô ng bawat uri ng pandaraya at kasamaan, ikaw na anak ng Diyablo+ at kaaway ng bawat bagay na matuwid, hindi mo ba titigilan ang pagpilipit sa matuwid na mga daan ni Jehova?* 11 Tingnan mo! Kikilos laban sa iyo ang kamay ni Jehova,* at mabubulag ka; pansamantala kang hindi makakakita ng liwanag ng araw.” At biglang lumabo at dumilim ang paningin niya, at naghanap siya ng taong aakay sa kaniya. 12 Pagkakita sa nangyari, naging mananampalataya ang proconsul, dahil namangha siya sa turo ni Jehova.*

13 Naglayag ngayon si Pablo at ang mga kasama niya mula sa Pafos at nakarating sa Perga sa Pamfilia. Pero iniwan sila ni Juan+ at bumalik ito sa Jerusalem.+ 14 Gayunman, nagpatuloy sila mula sa Perga at nakarating sa Antioquia sa Pisidia. At nang araw ng Sabbath, pumasok sila sa sinagoga+ at umupo. 15 Pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa ng Kautusan+ at mga Propeta, ipinasabi sa kanila ng mga punong opisyal ng sinagoga: “Mga kapatid, kung may mensahe kayong magpapatibay sa amin, sabihin ninyo.” 16 Kaya tumayo si Pablo, sumenyas sa mga tao, at nagsabi:

“Mga Israelita at kayong iba pa na natatakot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang mga ninuno natin ay pinili ng Diyos ng bayang ito, ang Israel, at dinakila niya sila habang naninirahan sila bilang dayuhan sa Ehipto at inilabas doon gamit ang malakas* niyang bisig.+ 18 At mga 40 taon niya silang pinagtiisan sa ilang.+ 19 Matapos pabagsakin ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati-hati niya ang lupain at ipinamana sa mga tribo ng Israel.+ 20 Nangyari ang lahat ng iyan sa loob ng mga 450 taon.

“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.+ 21 Pero pilit silang humingi ng isang hari,+ at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Kis, isang lalaki mula sa tribo ni Benjamin.+ Namahala siya sa kanila nang 40 taon. 22 Inalis siya ng Diyos at pinili si David bilang hari nila.+ Nagpatotoo siya tungkol dito, at sinabi niya: ‘Natagpuan ko si David na anak ni Jesse,+ isang lalaking kalugod-lugod sa puso ko;+ gagawin niya ang lahat ng gusto ko.’ 23 Gaya ng ipinangako ng Diyos, mula sa supling* ng taong ito ay nagbigay siya sa Israel ng isang tagapagligtas, si Jesus.+ 24 Bago dumating ang isang iyon, hayagang ipinangaral ni Juan sa lahat ng tao sa Israel ang bautismo bilang sagisag ng pagsisisi.+ 25 Pero noong papatapos na si Juan sa atas niya, sinasabi niya: ‘Sino ako sa palagay ninyo? Hindi ako ang taong iyon. Pero darating siyang kasunod ko, at hindi ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.’+

26 “Mga kapatid, kayo na mga inapo ng pamilya ni Abraham at ang iba pa sa inyo na natatakot sa Diyos, ang mensahe ng kaligtasang ito ay ipinadala sa atin.+ 27 Ang isang ito ay hindi kinilala ng mga taga-Jerusalem at ng mga tagapamahala nila, pero nang hatulan nila siya, tinupad nila ang sinabi ng mga Propeta,+ na binabasa nang malakas tuwing sabbath. 28 Kahit wala silang nakitang basehan para patayin siya,+ pinilit nila si Pilato na patayin siya.+ 29 At nang matupad nila ang lahat ng nakasulat tungkol sa kaniya, ibinaba nila siya sa tulos* at inilibing.*+ 30 Pero binuhay siyang muli ng Diyos,*+ 31 at maraming araw siyang nagpakita sa mga sumama sa kaniya mula sa Galilea papuntang Jerusalem. Sila ngayon ang nagpapatotoo sa bayan tungkol sa kaniya.+

32 “Kaya ipinahahayag namin sa inyo ang mabuting balita tungkol sa pangakong ibinigay sa mga ninuno natin. 33 Lubusan itong tinupad ng Diyos sa atin, na mga anak nila, nang buhayin niyang muli si Jesus;+ gaya ng nakasulat sa ikalawang awit: ‘Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama.’+ 34 Binuhay siyang muli ng Diyos at hindi na siya kailanman babalik sa kasiraan.* Inihula Niya ito sa ganitong paraan: ‘Ipapakita ko sa iyo ang tapat na pag-ibig na ipinangako ko kay David, at ito ay mapagkakatiwalaan.’*+ 35 Kaya sinasabi rin sa isa pang awit: ‘Ang katawan ng tapat sa iyo ay hindi mo hahayaang mabulok.’+ 36 Si David ay naglingkod sa Diyos* nang buong buhay niya, namatay,* inilibing kasama ng mga ninuno niya, at nabulok ang katawan.+ 37 Pero ang katawan ng isang ito na binuhay-muli ng Diyos ay hindi nabulok.+

38 “Kaya ipinaaalam ko sa inyo ngayon, mga kapatid, na sa pamamagitan ng isang ito ay mapatatawad ang mga kasalanan ninyo.+ 39 Sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maipahahayag na walang-sala sa lahat ng bagay,+ pero sa pamamagitan ng isang ito, ang bawat isa na naniniwala ay ipinahahayag na walang-sala.+ 40 Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang nakasulat sa mga Propeta: 41 ‘Tingnan ninyo iyon, ninyong mga mapanghamak, at mamamangha kayo at mamamatay, dahil may isinasakatuparan akong gawain sa panahon ninyo, isang gawaing hindi ninyo paniniwalaan kahit pa may magkuwento nito sa inyo nang detalyado.’”+

42 Nang paalis na sila, pinakiusapan sila ng mga tao na magsalita ulit tungkol dito sa susunod na Sabbath. 43 Kaya nang matapos ang pagtitipon sa sinagoga, marami sa mga Judio at proselita na sumasamba sa Diyos ang sumunod kina Pablo at Bernabe; habang kinakausap nila ang mga taong ito, hinimok nila ang mga ito na manatili* sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.+

44 Nang sumunod na Sabbath, halos buong lunsod ang nagkatipon para marinig ang salita ni Jehova.* 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, inggit na inggit sila at sinimulan nilang kontrahin nang may pamumusong* ang mga sinasabi ni Pablo.+ 46 Kaya lakas-loob na sinabi nina Pablo at Bernabe: “Sa inyo unang kinailangang sabihin ang salita ng Diyos.+ Pero dahil itinakwil ninyo iyon at ipinakitang hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, babaling kami sa ibang mga bansa.+ 47 Dahil ibinigay ni Jehova* ang utos na ito sa amin: ‘Inatasan kita bilang liwanag ng mga bansa, para maghatid ng kaligtasan hanggang sa mga dulo ng lupa.’”+

48 Nang marinig ito ng mga tagaibang bansa, nagsaya sila at niluwalhati nila ang salita ni Jehova,* at naging mananampalataya ang lahat ng nakaayon sa* buhay na walang hanggan. 49 At ang salita ni Jehova* ay patuloy na lumaganap sa buong lupain. 50 Pero sinulsulan ng mga Judio ang debotong mga babae na kilala sa lipunan at ang mga prominenteng lalaki sa lunsod, kaya pinag-usig+ sina Pablo at Bernabe at itinapon sila sa labas ng hangganan. 51 At ipinagpag nila ang alikabok mula sa mga paa nila bilang patotoo laban sa mga ito, at pumunta sila sa Iconio.+ 52 At ang mga alagad ay masayang-masaya+ at patuloy na napuspos ng banal na espiritu.

14 Sa Iconio, magkasama silang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at dahil sa husay nilang magsalita, maraming Judio at Griego ang naging mananampalataya. 2 Pero ang mga tao ng ibang mga bansa ay sinulsulan ng mga Judiong hindi naniwala, at siniraan ng mga ito ang mga kapatid.+ 3 Kaya mahaba-habang panahon silang nanatili roon at lakas-loob na nagsalita dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova.* Binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay* bilang patotoo sa mensahe ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan.+ 4 Pero hati ang opinyon ng mga tao sa lunsod; ang ilan ay panig sa mga Judio at ang iba ay sa mga apostol. 5 Binalak ng mga tao ng ibang mga bansa at ng mga Judio pati ng mga tagapamahala ng mga ito na ipahiya sila at pagbabatuhin,+ 6 pero nalaman nila ito kaya tumakas sila papunta sa Listra at Derbe, na mga lunsod sa Licaonia, at sa nakapalibot na lupain.+ 7 Nagpatuloy sila roon sa paghahayag ng mabuting balita.

8 Sa Listra ay may nakaupong isang lalaking lumpo mula nang ipanganak. Hindi pa siya nakalakad kahit kailan. 9 Nakikinig siya kay Pablo habang nagsasalita ito. Nang tingnan siyang mabuti ni Pablo, nakita nitong may pananampalataya siya at naniniwalang mapagagaling siya,+ 10 kaya sinabi nito nang malakas: “Tumayo ka.” At lumukso siya at nagsimulang lumakad.+ 11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia: “Ang mga diyos ay naging gaya ng mga tao at bumaba sa atin!”+ 12 At tinawag nilang Zeus si Bernabe, pero Hermes naman si Pablo, dahil siya ang nangunguna sa pagsasalita. 13 At ang saserdote ni Zeus, na ang templo ay nasa pasukan ng lunsod, ay nagdala ng mga toro at mga putong* sa mga pintuang-daan at gustong maghandog kasama ng mga tao.

14 Pero nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang damit nila at tumakbo papunta sa mga tao. Sumigaw sila: 15 “Bakit ninyo ginagawa ito? Mga tao lang din kami na may mga kahinaang gaya ninyo.+ At inihahayag namin sa inyo ang mabuting balita para iwan ninyo ang walang-kabuluhang mga bagay na ito at bumaling sa Diyos na buháy, na gumawa ng langit at lupa at dagat at lahat ng naroon.+ 16 Sa nakalipas na mga henerasyon, pinahintulutan niya ang lahat ng bansa na gawin ang gusto nila,+ 17 pero nagbigay pa rin siya ng mga patotoo tungkol sa sarili niya+—gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon+ at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.”+ 18 Kahit sinabi nila ito, hindi pa rin naging madali na pigilan ang mga tao sa paghahain sa kanila.

19 Gayunman, may dumating na mga Judio mula sa Antioquia at Iconio at inimpluwensiyahan ang mga tao.+ Kaya binato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lunsod, dahil inakala nilang patay na siya.+ 20 Pero nang palibutan siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, pumunta sila ni Bernabe sa Derbe.+ 21 Matapos ipahayag ang mabuting balita sa lunsod na iyon at matulungan ang marami na maging alagad, bumalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia. 22 Pinalakas nila ang mga alagad doon+ at pinasigla na panatilihing matibay ang kanilang pananampalataya* at sinabi: “Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.”+ 23 Nag-atas din sila ng matatandang lalaki para sa bawat kongregasyon.+ Nanalangin sila at nag-ayuno+ at ipinagkatiwala ang mga ito kay Jehova,* dahil nanampalataya ang mga ito sa kaniya.

24 At lumibot sila sa Pisidia at nakarating sa Pamfilia,+ 25 at matapos ipahayag ang salita sa Perga, pumunta sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag sila papuntang Antioquia, kung saan ipinagkatiwala sila noon ng mga kapatid sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos para maisakatuparan ang gawaing natapos na nila ngayon.+

27 Nang makarating sila at matipon ang kongregasyon, ikinuwento nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila at na binigyan niya ng pagkakataon ang ibang mga bansa na manampalataya.*+ 28 Kaya matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.

15 May ilang lalaking dumating mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid: “Maliligtas lang kayo kung tutuliin kayo ayon sa Kautusan ni Moises.”+ 2 Pagkatapos magkaroon ng mainitang pagtatalo at di-pagkakasundo sa pagitan nila at nina Pablo at Bernabe, napagpasiyahan na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pa para iharap ang usaping* ito sa mga apostol at matatandang lalaki.+

3 Sinamahan sila ng kongregasyon sa simula ng paglalakbay. Pagkatapos, nagpatuloy sila at dumaan sa Fenicia at Samaria, at inilahad nila roon nang detalyado ang pagkakumberte ng mga tao ng ibang mga bansa, kaya tuwang-tuwa ang lahat ng kapatid. 4 Pagdating sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng kongregasyon at ng mga apostol at ng matatandang lalaki, at ikinuwento nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. 5 Pero ang ilan sa dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo na naging mananampalataya ay tumayo at nagsabi: “Dapat silang tuliin at utusan na sundin ang Kautusan ni Moises.”+

6 Kaya nagtipon ang mga apostol at matatandang lalaki para pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos ng mahaba at mainitang pag-uusap,* tumayo si Pedro at nagsabi: “Mga kapatid, alam na alam ninyo na ako ang pinili noon ng Diyos sa gitna natin para sabihin sa mga tao ng ibang mga bansa ang salita ng mabuting balita, at sa gayon ay maniwala sila.+ 8 At pinatotohanan ito ng Diyos, na nakababasa ng puso,+ sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng banal na espiritu,+ gaya rin ng ginawa niya sa atin. 9 At pantay ang tingin niya sa atin at sa kanila,+ at dinalisay niya ang mga puso nila dahil sa kanilang pananampalataya.+ 10 Kaya bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga alagad ng mabigat na pasan*+ na hindi natin kayang dalhin o ng mga ninuno natin?+ 11 Kung paanong iniligtas tayo, nananampalataya tayo na maliligtas din sila sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesus.”+

12 Kaya natahimik ang buong grupo, at nakinig ang mga ito kina Bernabe at Pablo habang ikinukuwento nila ang maraming tanda at kamangha-manghang bagay* na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng ibang mga bansa. 13 Pagkatapos, sinabi ni Santiago: “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Inilahad ni Symeon+ na binigyang-pansin ngayon ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.+ 15 At kaayon ito ng sinasabi sa aklat ng mga Propeta: 16 ‘Pagkatapos nito, babalik ako at itatayo ko ulit ang nakabuwal na tolda* ni David; itatayo kong muli at aayusin ang nawasak na mga bahagi nito, 17 para buong pusong hanapin si Jehova* ng mga taong nalabi, kasama ng mga tao ng lahat ng iba pang bansa, mga taong tinatawag ayon sa pangalan ko, ang sabi ni Jehova,* na gumagawa ng mga bagay na ito,+ 18 na alam na niya noon pa man.’+ 19 Kaya ang pasiya* ko ay huwag nang pahirapan ang mga bumabaling sa Diyos na mula sa ibang mga bansa,+ 20 kundi sulatan sila na umiwas sa mga bagay na narumhan ng mga idolo,+ sa seksuwal na imoralidad,*+ sa mga binigti,* at sa dugo.+ 21 Dahil noon pa man, mayroon nang nangangaral sa bawat lunsod tungkol sa mga sinabi ni Moises, at ang mga ito ay binabasa nang malakas sa mga sinagoga tuwing sabbath.”+

22 At nagpasiya ang mga apostol at matatandang lalaki, kasama ang buong kongregasyon, na pumili mula sa kanila ng mga lalaking isusugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe; isinugo nila si Hudas na tinatawag na Barsabas at si Silas,+ mga lalaking nangangasiwa sa mga kapatid. 23 Isinulat nila ito at ipinadala sa mga lalaking iyon:

“Mula sa mga kapatid ninyong apostol at matatandang lalaki, para sa mga kapatid sa Antioquia,+ Sirya, at Cilicia na mula sa ibang mga bansa: Tanggapin ninyo ang aming pagbati! 24 Narinig namin na may ilan mula sa amin na nanggugulo sa inyo dahil sa mga sinasabi nila,+ at tinatangka nilang iligaw kayo; hindi namin iniutos na ituro nila iyon. 25 Kaya nagpasiya kaming lahat na pumili ng mga lalaking isusugo sa inyo kasama ng mahal naming sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong ibinigay na ang buhay nila para sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 27 Kaya isinugo namin sina Hudas at Silas, para masabi rin nila sa inyo ang mga bagay na ito.+ 28 Tinulungan kami ng banal na espiritu+ na magpasiya na huwag nang magdagdag ng higit na pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: 29 patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo,+ sa dugo,+ sa mga binigti,*+ at sa seksuwal na imoralidad.*+ Kung patuloy ninyong iiwasan ang mga ito, mapapabuti kayo. Hanggang sa muli!”*

30 Kaya pumunta ang mga lalaking ito sa Antioquia, at tinipon nila ang mga alagad at ibinigay ang liham. 31 Pagkabasa rito, nagsaya sila dahil sa pampatibay na tinanggap nila. 32 At pinatibay at pinalakas nina Hudas at Silas, na mga propeta rin, ang mga kapatid+ sa pamamagitan ng maraming pahayag. 33 Nanatili sila roon nang ilang panahon, at noong paalis na sila, sinabi sa kanila ng mga kapatid na makabalik sana sila nang payapa sa mga nagsugo sa kanila. 34 *—— 35 Pero sina Pablo at Bernabe ay nanatili sa Antioquia, at itinuro nila at ipinahayag ang mabuting balita ng salita ni Jehova* kasama ang maraming kapatid.

36 Pagkalipas ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: “Balikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa lahat ng lunsod kung saan natin ipinahayag ang salita ni Jehova* para makita ang kalagayan nila.”+ 37 Ipinipilit ni Bernabe na isama si Juan, na tinatawag na Marcos.+ 38 Pero ayaw ni Pablo na isama ito, dahil iniwan sila nito sa Pamfilia at hindi na sumama sa kanila sa gawain.+ 39 Dahil dito, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo at naghiwalay ng landas; at isinama ni Bernabe+ si Marcos at naglayag papuntang Ciprus. 40 Pinili ni Pablo si Silas, at umalis si Pablo matapos siyang maipagkatiwala ng mga kapatid sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova.*+ 41 Lumibot siya sa Sirya at Cilicia, at pinatibay niya ang mga kongregasyon.

16 At nakarating siya sa Derbe at gayundin sa Listra.+ At naroon ang alagad na si Timoteo,+ na ang ina ay isang mananampalatayang Judio pero ang ama ay Griego, 2 at mabuti ang sinasabi* tungkol sa kaniya ng mga kapatid sa Listra at Iconio. 3 Sinabi ni Pablo na gusto niyang isama si Timoteo, kaya isinama niya ito. Pero tinuli muna niya ito dahil sa mga Judio sa mga lugar na iyon,+ dahil alam nilang lahat na Griego ang ama nito. 4 Habang naglalakbay sila sa mga lunsod, ipinaaalam nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na napagpasiyahan ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem para masunod din nila ang mga iyon.+ 5 Kaya patuloy na tumitibay ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.

6 Bukod diyan, naglakbay sila sa Frigia at sa lupain ng Galacia,+ dahil pinagbawalan sila ng banal na espiritu na ipangaral ang salita sa lalawigan* ng Asia. 7 Karagdagan pa, nang makarating sila sa Misia, sinikap nilang makapunta sa Bitinia,+ pero hindi sila pinayagan ng espiritu ni Jesus. 8 Kaya nilampasan nila ang* Misia at pumunta sa Troas. 9 Kinagabihan, nakakita si Pablo ng pangitain—isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo sa harap niya at hinihimok siya: “Pumunta* ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” 10 Pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming makapunta sa Macedonia, dahil iniisip naming ipinatawag kami ng Diyos para sabihin sa kanila ang mabuting balita.

11 Kaya umalis kami sa Troas at tuloy-tuloy na naglayag hanggang sa Samotracia, at kinabukasan, nakarating kami sa Neapolis; 12 mula roon, pumunta kami sa Filipos,+ isang kolonya, na pangunahing lunsod ng distrito ng Macedonia. Nanatili kami rito nang ilang araw. 13 Noong araw ng Sabbath, lumabas kami sa pintuang-daan at pumunta sa tabi ng isang ilog, kung saan iniisip naming nagtitipon ang mga tao para manalangin; umupo kami at nagsimulang makipag-usap sa mga babaeng naroon. 14 At nakikinig ang babaeng si Lydia, na nagtitinda ng purpura* mula sa lunsod ng Tiatira+ at mananamba ng Diyos; binuksan ni Jehova* ang puso niya para magbigay-pansin sa sinasabi ni Pablo. 15 Nang mabautismuhan siya at ang sambahayan niya,+ sinabi niya sa amin: “Kung itinuturing ninyo akong mananampalataya ni Jehova,* tumuloy kayo sa bahay ko.” At talagang pinilit niya kaming pumunta.

16 Minsan, nang papunta kami sa lugar kung saan nagtitipon ang mga tao para manalangin, nakasalubong namin ang isang alilang babae na sinasapian ng masamang espiritu, isang demonyo ng panghuhula.+ Malaki ang kinikita ng mga amo niya dahil sa panghuhula niya. 17 Ang babaeng ito ay sunod nang sunod kay Pablo at sa amin, at isinisigaw niya: “Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos+ at inihahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Maraming araw niya itong ginawa. Kaya nagsawa na si Pablo, at sinabi niya sa masamang espiritu: “Sa ngalan ni Jesu-Kristo, inuutusan kitang lumabas sa kaniya.” At noon din ay lumabas ito.+

19 Nang makita ng mga amo niya na nawala na ang pinagkakakitaan nila,+ sinunggaban nila sina Pablo at Silas at kinaladkad papunta sa pamilihan, sa mga tagapamahala.+ 20 Dinala nila ang mga ito sa harap ng mga mahistrado sibil at sinabi: “Sobra-sobra na ang ginagawang panggugulo ng mga lalaking ito sa lunsod natin.+ Mga Judio sila, 21 at nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi natin dapat isagawa dahil mga Romano tayo.” 22 Kaya nagkaisa laban sa kanila ang mga tao, at iniutos ng mga mahistrado sibil na punitin ang mga damit nila at pagpapaluin sila.+ 23 Maraming beses silang pinagpapalo; pagkatapos, itinapon sila sa bilangguan at inutusan ang tagapagbilanggo na bantayan silang mabuti.+ 24 Dahil sa utos na iyon, dinala niya sila sa pinakaloob ng bilangguan at inilagay sa pangawan ang mga paa nila.

25 Noong kalaliman ng gabi, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng papuri sa Diyos,+ at nakikinig sa kanila ang mga bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, kaya nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. At agad na nabuksan ang lahat ng pinto, at natanggal ang mga gapos ng lahat.+ 27 Nang magising ang tagapagbilanggo at makitang bukás ang mga pinto, hinugot niya ang kaniyang espada para magpakamatay, dahil iniisip niyang nakatakas ang mga bilanggo.+ 28 Pero sumigaw si Pablo: “Huwag mong saktan ang sarili mo! Narito kaming lahat!” 29 Kaya nagpakuha siya ng mga sulo at patakbong pumasok, at nanginginig siyang lumuhod sa harap nina Pablo at Silas. 30 Dinala niya sila sa labas at sinabi: “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin para maligtas?” 31 Sinabi nila: “Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang sambahayan mo.”+ 32 At sinabi nila sa kaniya at sa lahat ng nasa bahay niya ang salita ni Jehova.* 33 At isinama niya sila nang oras ding iyon ng gabi at nilinis ang mga sugat nila. Pagkatapos, binautismuhan siya agad at ang buong sambahayan niya.+ 34 Isinama niya sila sa bahay niya at ipinaghanda sila, at dahil naniniwala na siya sa Diyos, masayang-masaya siya at gayundin ang buong sambahayan niya.

35 Nang mag-umaga na, isinugo ng mga mahistrado sibil ang mga guwardiya para sabihin: “Palayain mo ang mga taong iyan.” 36 Kaya sinabi ng tagapagbilanggo kay Pablo: “May isinugo ang mga mahistrado sibil para iutos na palayain kayong dalawa. Kaya lumabas na kayo at umuwi nang payapa.” 37 Pero sinabi ni Pablo sa kanila: “Hayagan nila kaming pinagpapalo nang hindi pa nahahatulan,* kahit mga Romano kami,+ at itinapon nila kami sa bilangguan. At ngayon, gusto nila kaming palayasin nang palihim? Hindi puwede! Sila mismo ang pumunta rito at maglabas sa amin.” 38 Sinabi ito ng mga guwardiya sa mga mahistrado sibil. Natakot ang mga ito nang malaman na Romano sila.+ 39 Kaya pumunta ang mga ito at nakiusap sa kanila, at pagkatapos silang samahan palabas, hinilingan sila ng mga ito na umalis sa lunsod. 40 Pero pagkalabas ng bilangguan, pumunta sila sa bahay ni Lydia; nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang mga ito+ at saka umalis.

17 At naglakbay sila sa Amfipolis at Apolonia at pumunta sa Tesalonica,+ kung saan may sinagoga ng mga Judio. 2 At gaya ng nakagawian ni Pablo,+ pumasok siya sa sinagoga, at tatlong magkakasunod na sabbath siyang nangatuwiran sa kanila mula sa Kasulatan;+ 3 ipinaliwanag niya at pinatunayan gamit ang mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa+ at buhaying muli.+ Sinabi niya: “Ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo, siya ang Kristo.” 4 Dahil dito, ang ilan sa kanila ay naging mananampalataya at sumama kina Pablo at Silas,+ gayundin ang maraming Griego na sumasamba sa Diyos at mga babaeng kilala sa lipunan.

5 Pero nainggit ang mga Judio,+ kaya tinawag nila ang ilang masasamang lalaki na nakatambay sa pamilihan para bumuo ng grupo ng mang-uumog, at nagpasimula sila ng gulo sa lunsod. Sinalakay nila ang bahay ni Jason para ilabas sina Pablo at Silas sa mga mang-uumog. 6 Nang hindi nila makita ang mga ito, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod, at isinisigaw nila: “Nakarating na rito ang mga lalaking nanggugulo sa lahat ng lugar,+ 7 at tinanggap sila ni Jason sa bahay niya. Nagrerebelde sila sa mga batas ni Cesar, dahil sinasabi nilang may ibang hari, si Jesus.”+ 8 Nang marinig ito ng mga tao at mga tagapamahala ng lunsod, naalarma sila; 9 kaya matapos pagpiyansahin si Jason at ang iba pa, pinaalis na nila ang mga ito.

10 Kinagabihan, agad na pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, pumunta sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Mas gustong matuto* ng mga tagaroon kaysa sa mga taga-Tesalonica, dahil buong pananabik nilang tinanggap ang salita at maingat na sinusuri ang Kasulatan araw-araw para matiyak kung totoo ang mga narinig nila. 12 Kaya naging mananampalataya ang marami sa kanila, pati na ang marami-raming babaeng Griego na kilala sa lipunan at ang ilang lalaki. 13 Pero nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinahayag din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, pumunta sila roon para sulsulan ang mga tao laban sa mga ito.+ 14 Agad na ipinahatid ng mga kapatid si Pablo sa may dagat,+ pero naiwan sina Silas at Timoteo. 15 Pero sumama hanggang sa Atenas ang mga naghatid kay Pablo, at umalis sila nang sabihin ni Pablo na papuntahin agad sa kaniya sina Silas at Timoteo.+

16 Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nakita niyang punô ng idolo ang lunsod kaya nainis siya. 17 Pumunta siya sa sinagoga at nakipagkatuwiranan doon sa mga Judio at sa iba pa na sumasamba sa Diyos, at araw-araw din siyang nakikipagkatuwiranan sa sinumang nasa pamilihan. 18 Pero nagsimulang makipagtalo sa kaniya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico, at sinasabi ng ilan: “Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?” Ang iba naman: “Nangangaral yata siya tungkol sa mga bathala* ng mga banyaga.” Ganiyan ang sinasabi nila dahil ipinahahayag niya ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli.+ 19 Kaya dinala nila siya sa Areopago at sinabi: “Puwede bang malaman kung ano ang bagong turong ito na sinasabi mo? 20 Bago sa pandinig namin ang mga sinasabi mo, at gusto naming malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga ito.” 21 Sa katunayan, ang tanging pampalipas-oras ng lahat ng taga-Atenas at mga banyagang naroon* ay ang pagsasabi o pakikinig sa anumang bago. 22 Kaya tumayo si Pablo sa gitna ng Areopago,+ at sinabi niya:

“Mga lalaki ng Atenas, kumpara sa ibang tao, napansin ko na mas may takot kayo sa mga bathala.*+ 23 Halimbawa, habang naglalakad ako at pinagmamasdan ang mga bagay na sinasamba ninyo, may nakita akong isang altar kung saan nakasulat, ‘Sa Isang Di-kilalang Diyos.’ Ang Diyos na ito na sinasamba ninyo pero hindi ninyo kilala, ito ang ipinahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos na gumawa ng mundo at ng lahat ng narito, ang Panginoon ng langit at lupa,+ ay hindi naninirahan sa mga templong gawa ng tao;+ 25 hindi rin siya pinagsisilbihan ng mga tao na para bang may kailangan siya,+ dahil siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga,+ at lahat ng bagay. 26 At mula sa isang tao,+ ginawa niya ang lahat ng bansa para manirahan sa ibabaw ng lupa,+ at nagtakda siya ng panahon para sa mga bagay-bagay at ng mga hangganan kung saan maninirahan ang mga tao,+ 27 nang sa gayon ay hanapin nila ang Diyos. Kung sisikapin nilang hanapin siya,+ talagang makikita nila siya, dahil ang totoo, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral, gaya nga ng sinabi ng ilan sa mga makata ninyo, ‘Dahil tayo rin ay mga anak* niya.’

29 “Dahil tayo ay mga anak* ng Diyos,+ hindi natin dapat isipin na ang Diyos ay gawa sa ginto o pilak o bato, gaya ng isang imahen na ginawa at dinisenyo ng mga tao.+ 30 Totoo, pinalampas noon ng Diyos ang gayong kawalang-alam,+ pero ngayon, sinasabi niya sa lahat ng tao* na dapat silang magsisi. 31 Dahil nagtakda siya ng isang araw kung kailan hahatulan niya+ ang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking inatasan niya, at bilang garantiya sa lahat ng tao, binuhay niya siyang muli.”+

32 Nang marinig nila ang tungkol sa pagkabuhay-muli, tinuya siya ng ilan,+ pero sinabi naman ng iba: “Makikinig ulit kami sa sasabihin mo tungkol dito.” 33 Kaya umalis si Pablo, 34 pero may mga sumama sa kaniya at naging mananampalataya. Kabilang sa kanila si Dionisio na hukom sa korte ng Areopago, ang babaeng si Damaris, at iba pa.

18 Pagkatapos, umalis siya sa Atenas at pumunta sa Corinto. 2 At nakilala niya ang Judiong si Aquila,+ isang katutubo ng Ponto na kamakailan lang dumating mula sa Italya kasama ang asawa nitong si Priscila, dahil pinaalis ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Kaya pumunta siya sa kanila, 3 at dahil pare-pareho silang gumagawa ng tolda, tumuloy siya sa bahay nila at nagtrabahong kasama nila.+ 4 Tuwing sabbath, nagpapahayag* siya sa sinagoga+ at hinihikayat niya ang mga Judio at Griego.

5 Nang makarating sina Silas+ at Timoteo+ mula sa Macedonia, naging abalang-abala si Pablo sa pangangaral ng salita para patunayan sa mga Judio na si Jesus ang Kristo.+ 6 Pero dahil patuloy nila siyang kinokontra at pinagsasalitaan nang may pang-aabuso, pinagpag niya ang damit niya+ at sinabi sa kanila: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo.*+ Ako ay malinis.+ Ngayon, pupunta na ako sa mga tao ng ibang mga bansa.”+ 7 Kaya mula roon* ay lumipat siya sa bahay ni Titio Justo, isang mananamba ng Diyos, na ang bahay ay katabi ng sinagoga. 8 Pero si Crispo,+ ang punong opisyal ng sinagoga, ay sumampalataya sa Panginoon, pati na ang buong sambahayan niya. At marami sa mga taga-Corinto na nakarinig ng mabuting balita ang nanampalataya at nabautismuhan. 9 Isang gabi, sinabi rin ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain: “Huwag kang matakot. Patuloy kang magsalita at huwag kang manahimik, 10 dahil ako ay sumasaiyo+ at walang mananakit sa iyo na ikapapahamak mo; dahil marami ang mananampalataya sa akin sa lunsod na ito.” 11 Kaya nanatili siya roon nang isang taon at anim na buwan habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.

12 Noong si Galio ang proconsul* ng Acaya, sinugod ng mga Judio si Pablo at nagkaisa silang dalhin ito sa luklukan ng paghatol. 13 Sinabi nila: “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” 14 Pero noong magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: “Kung tungkol nga ito sa isang pagkakasala o mabigat na krimen, O mga Judio, may dahilan ako para pakinggan kayo. 15 Pero kung ang isyu ay tungkol lang sa mga salita, pangalan, at sarili ninyong kautusan,+ kayo na ang bahala riyan. Ayokong humatol sa mga bagay na iyan.” 16 At pinaalis niya sila sa luklukan ng paghatol. 17 Kaya sinunggaban nilang lahat si Sostenes,+ ang punong opisyal ng sinagoga, at binugbog sa harap ng luklukan ng paghatol. Pero hindi nakialam si Galio.

18 Pagkatapos manatili roon nang ilang araw pa, nagpaalam si Pablo sa mga kapatid at naglayag papuntang Sirya, kasama sina Priscila at Aquila. Pinagupitan niya nang maikli ang buhok niya sa Cencrea+ dahil sa panata niya. 19 Kaya nakarating sila sa Efeso, at iniwan niya muna sila; pumasok siya sa sinagoga at nangatuwiran sa mga Judio.+ 20 Paulit-ulit nilang hiniling na manatili siya nang mas matagal, pero tumatanggi siya. 21 Nagpaalam siya sa kanila, at sinabi niya: “Kung loloobin ni Jehova,* babalik ako sa inyo.” At naglayag siya mula sa Efeso 22 papuntang Cesarea. Pinuntahan niya ang kongregasyon* at kinumusta ito, at saka siya pumunta sa Antioquia.+

23 Pagkatapos manatili roon nang ilang panahon, umalis siya at pumunta sa iba’t ibang lugar sa Galacia at Frigia+ at pinatibay ang lahat ng alagad.+

24 At si Apolos,+ isang Judio na katutubo ng Alejandria, ay dumating sa Efeso; mahusay siyang magsalita at maraming alam sa Kasulatan. 25 Naturuan siya* tungkol sa daan ni Jehova,* at habang nag-aalab ang sigasig niya dahil sa espiritu, siya ay nagsasalita at nagtuturo nang tama tungkol kay Jesus, pero bautismo lang ni Juan ang alam niya. 26 Buong tapang siyang nagsasalita sa sinagoga, at nang marinig siya nina Priscila at Aquila,+ isinama nila siya at ipinaliwanag sa kaniya nang mas malinaw* ang daan ng Diyos. 27 At dahil gusto niyang pumunta sa Acaya, sinulatan ng mga kapatid ang mga alagad at sinabing malugod nila siyang tanggapin. Noong naroon na siya, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos; 28 dahil hayagan at buong sigasig niyang pinatunayan na mali ang mga Judio at ipinakita mula sa Kasulatan na si Jesus ang Kristo.+

19 Habang nasa Corinto si Apolos,+ naglakbay si Pablo sa daang malayo sa dagat at pumunta sa Efeso.+ May nakita siyang ilang alagad doon 2 at sinabi niya sa kanila: “Tumanggap ba kayo ng banal na espiritu nang maging mananampalataya kayo?”+ Sumagot sila: “Ngayon lang namin narinig ang tungkol sa banal na espiritu.” 3 Kaya sinabi niya: “Kung gayon, sa ano kayo nabautismuhan?” Sumagot sila: “Sa bautismo ni Juan.”+ 4 Sinabi ni Pablo: “Binautismuhan ni Juan ang mga tao bilang sagisag ng pagsisisi,+ at sinabi niya sa kanila na maniwala sa isa na dumarating na kasunod niya,+ si Jesus.” 5 Pagkarinig nito, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang ipatong ni Pablo sa kanila ang mga kamay niya, ang banal na espiritu ay bumaba sa kanila,+ at nagsimula silang magsalita ng iba’t ibang wika at manghula.+ 7 Mga 12 lalaki sila.

8 Sa loob ng tatlong buwan, pumupunta siya sa sinagoga+ at nagsasalita nang may katapangan, at nagpapahayag siya tungkol sa Kaharian ng Diyos at nangangatuwiran para hikayatin ang mga tao.+ 9 Pero nang ayaw pa ring maniwala ng ilan* at patuloy nilang sinisiraan sa mga tao ang Daan,+ humiwalay siya sa kanila+ at isinama ang mga alagad, at araw-araw siyang nagpahayag sa awditoryum ng paaralan ni Tirano. 10 Dalawang taon niyang ginawa ito, kaya narinig ng lahat ng naninirahan sa lalawigan* ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at Griego.

11 At ang Diyos ay patuloy na gumagawa ng pambihirang mga himala sa pamamagitan ni Pablo;+ 12 maging ang mga tela at damit na nadikit sa kaniya ay dinadala sa mga may sakit+ at gumagaling sila at lumalabas din ang masasamang espiritu.+ 13 Pero sinubukan din ng ilan sa mga Judiong lumilibot para magpalayas ng mga demonyo na gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinaniban ng masamang espiritu; sinasabi nila: “Sa ngalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.”+ 14 Ginagawa ito ng pitong anak na lalaki ni Esceva, isang Judio na punong saserdote. 15 Pero minsan, sinagot sila ng masamang espiritu: “Kilala ko si Jesus+ at si Pablo;+ pero sino kayo?” 16 At lumundag sa kanila ang taong sinaniban ng masamang espiritu at isa-isa silang binugbog, kaya tumakas silang hubad at sugatán mula sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat, kapuwa ng mga Judio at Griego na nakatira sa Efeso; at natakot silang lahat, at lalo pang dinakila ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 At marami sa mga naging mananampalataya ang lumalapit para ipagtapat nang hayagan ang lahat ng ginagawa nila. 19 Sa katunayan, tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng mahika ang mga aklat nila at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.+ Nang kuwentahin nila iyon, nalaman nilang nagkakahalaga iyon ng 50,000 pirasong pilak. 20 Kaya sa makapangyarihang paraan, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang salita ni Jehova.*+

21 Pagkatapos ng mga ito, ipinasiya ni Pablo na pagkagaling niya sa Macedonia+ at Acaya, pupunta siya sa Jerusalem.+ At sinabi niya: “Pagkagaling ko roon, kailangan ko ring pumunta sa Roma.”+ 22 Kaya isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa mga naglilingkod sa kaniya na sina Timoteo+ at Erasto,+ pero nagtagal pa siya nang kaunti sa lalawigan ng Asia.

23 Nang panahong iyon, nagkaroon ng malaking gulo+ dahil sa Daan.+ 24 May isang panday-pilak na ang pangalan ay Demetrio, at gumagawa siya ng mga dambanang pilak ni Artemis. Sa tulong niya, kumikita rin nang malaki ang mga manggagawa.+ 25 Tinipon niya sila at ang iba pang may ganitong trabaho at sinabi: “Mga kaibigan, alam na alam ninyong malaki ang kita natin sa negosyong ito. 26 Pero nababalitaan ninyo at nakikita ninyo mismo na maraming tao, hindi lang sa Efeso+ kundi halos sa buong lalawigan ng Asia, ang nahikayat ng Pablong ito na maniwalang ang mga diyos na gawa ng kamay ay hindi talaga mga diyos.+ 27 Bukod sa posibleng sumamâ ang tingin ng mga tao sa negosyo natin, puwede ring mabale-wala ang templo ng dakilang diyosa na si Artemis. At ang diyosang sinasamba ng buong lalawigan ng Asia at ng lupa ay mawawalan ng karingalan.” 28 Pagkarinig nito, nagalit nang husto ang mga tao at nagsimula silang sumigaw: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”

29 Kaya nagkagulo ang lunsod, at sama-sama silang sumugod sa dulaan habang kinakaladkad sina Gayo at Aristarco,+ mga taga-Macedonia na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Gusto sana ni Pablo na pumunta roon para harapin ang mga tao, pero pinigilan siya ng mga alagad. 31 Maging ang ilan sa mga opisyal ng mga kapistahan at palaro na mga kaibigan niya ay nagpadala ng mensahe para pakiusapan siyang huwag pumunta sa dulaan. 32 Magkakaiba ang isinisigaw ng mga tao; nagkakagulo sila, at ang totoo, hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkakatipon. 33 Kaya mula sa gitna ng mga tao, itinulak ng mga Judio si Alejandro papunta sa harap, at sumenyas si Alejandro para sana makapagpaliwanag sa mga tao. 34 Pero nang makita nila na isa siyang Judio, mga dalawang oras silang sumigaw nang sabay-sabay: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”

35 Nang sa wakas ay mapatahimik ng pinuno* ng lunsod ang mga tao, sinabi niya: “Mga taga-Efeso, sino ba ang hindi nakaaalam na ang lunsod ng Efeso ang tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis at ng imahen na nahulog mula sa langit? 36 Hindi ito matututulan, kaya huminahon kayo at huwag kayong magpadalos-dalos. 37 Ang mga lalaking dinala ninyo rito ay hindi magnanakaw sa mga templo o mamumusong* sa ating diyosa. 38 Kaya kung si Demetrio+ at ang mga manggagawang kasama niya ay may usapin laban sa sinuman, may mga araw ng pagdinig sa kaso at may mga proconsul;* doon nila dalhin ang mga reklamo nila. 39 Pero kung higit pa riyan ang gusto ninyo, dapat itong pagpasiyahan sa isang opisyal na pagtitipon. 40 Puwedeng-puwede tayong maparatangan ng sedisyon dahil sa mga nangyari sa araw na ito, dahil wala tayong maibibigay na dahilan para sa kaguluhang ito.” 41 Pagkasabi nito, pinaalis niya ang mga tao.

20 Nang humupa ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Pinatibay niya sila at nagpaalam, saka siya naglakbay papuntang Macedonia. 2 Pagkatapos niyang malibot ang mga lugar doon at makapagbigay ng maraming pampatibay sa mga naroon, pumunta siya sa Gresya. 3 Nanatili siya roon nang tatlong buwan, at noong maglalayag na siya papuntang Sirya, nalaman niyang may pakana ang mga Judio laban sa kaniya,+ kaya ipinasiya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. 4 Sinamahan siya ni Sopatro na anak ni Pirro na taga-Berea, nina Aristarco+ at Segundo na mga taga-Tesalonica, ni Gayo ng Derbe, ni Timoteo,+ at nina Tiquico+ at Trofimo+ na mula sa lalawigan* ng Asia. 5 Nauna na ang mga ito at hinintay kami sa Troas; 6 kami naman ay naglayag mula sa Filipos pagkatapos ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ at nagkita-kita kami sa Troas makalipas ang limang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw.

7 Noong unang araw ng sanlinggo, nang magkakasama kami para kumain, nagsimulang magpahayag si Pablo, dahil aalis na siya kinabukasan; at nagpahayag siya hanggang hatinggabi. 8 Kaya maraming lampara sa silid sa itaas kung saan kami nagkakatipon. 9 Nakaupo sa bintana ang kabataang lalaki na si Eutico, at habang nagsasalita si Pablo, nakatulog siya nang mahimbing kaya nahulog siya mula sa ikatlong palapag at namatay. 10 Pero bumaba si Pablo, dumapa sa kabataan at niyakap ito+ at sinabi: “Huwag na kayong mag-alala, dahil buháy siya.”*+ 11 Pagkatapos, umakyat si Pablo at pinasimulan ang kainan.* Nakipag-usap pa siya hanggang magbukang-liwayway* at saka umalis. 12 Umuwi sila kasama ang kabataan at masayang-masaya sila dahil buháy ito.

13 Nauna kaming sumakay ng barko patungong Asos, at si Pablo naman ay naglakad papunta roon. Doon namin siya hihintayin at pasasakayin ng barko, gaya ng bilin niya. 14 Kaya nang magkita kami sa Asos, sumakay rin siya sa barko at pumunta kami sa Mitilene. 15 Kinabukasan, naglayag kami at nakarating sa tapat ng Kios, at nang sumunod na araw, dumaong kami sa Samos, at nang sumunod pang araw, dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso+ para hindi siya matagalan sa lalawigan ng Asia, dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem+ sa araw ng Kapistahan ng Pentecostes kung posible.

17 Pero mula sa Mileto, nagpadala siya ng mensahe sa Efeso para ipatawag ang matatandang lalaki ng kongregasyon. 18 Pagdating nila, sinabi niya: “Alam na alam ninyo kung paano ako namuhay kasama ninyo mula nang unang araw na dumating ako sa lalawigan ng Asia.+ 19 Nagpaalipin ako sa Panginoon nang buong kapakumbabaan,*+ na may mga luha at pagsubok dahil sa mga pakana ng mga Judio; 20 hindi rin ako nag-atubiling sabihin sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang* o turuan kayo nang hayagan+ at sa bahay-bahay.+ 21 Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at Griego tungkol sa pagsisisi+ at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.+ 22 At ngayon, dahil itinutulak* ako ng espiritu, pupunta ako sa Jerusalem, kahit hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, pagkabilanggo at mga kapighatian ang naghihintay sa akin, gaya ng paulit-ulit na sinasabi sa akin ng banal na espiritu sa bawat lunsod.+ 24 Gayunman, hindi ko itinuturing na mahalaga* ang sarili kong buhay, matapos ko lang ang aking takbuhin+ at ang ministeryong tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo tungkol sa mabuting balita ng walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos.

25 “At alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli, kayong lahat na pinangaralan ko tungkol sa Kaharian. 26 Kaya kinukuha ko kayo ngayon bilang saksi na ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao,+ 27 dahil hindi ko ipinagkait na sabihin sa inyo ang lahat ng kalooban* ng Diyos.+ 28 Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili+ at ang buong kawan; inatasan kayo ng banal na espiritu para maging mga tagapangasiwa+ nila, para magpastol sa kongregasyon ng Diyos,+ na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.+ 29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang malulupit na lobo*+ na hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, 30 at mula sa inyo mismo ay may lilitaw na mga taong pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.+

31 “Kaya manatili kayong gisíng, at isaisip ninyo na sa loob ng tatlong taon,+ gabi at araw, walang-sawa kong pinaalalahanan ang bawat isa sa inyo nang may pagluha. 32 At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan; ang salitang ito ay makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na para sa mga pinabanal.+ 33 Hindi ko hinangad ang pilak o ginto o damit ng sinuman.+ 34 Alam ninyo na ang mga kamay kong ito ang naglaan sa mga pangangailangan ko+ at ng mga kasama ko. 35 Sa lahat ng bagay, ipinakita ko sa inyo na kailangan ninyong magpagal+ sa pagtulong sa mahihina. At lagi ninyong tandaan ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay+ kaysa sa pagtanggap.’”

36 Nang masabi na niya ito, lumuhod siyang kasama nila at nanalangin. 37 Nag-iyakan silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan,* 38 dahil lungkot na lungkot sila nang sabihin niyang hindi na sila magkikitang muli.+ Pagkatapos, inihatid nila siya sa barko.

21 Malungkot kaming humiwalay sa kanila at saka naglayag nang tuloy-tuloy papuntang Cos, kinabukasan ay sa Rodas, at mula roon ay sa Patara. 2 Nang may makita kaming barko patungong Fenicia, sumakay kami at naglayag. 3 Natanaw namin ang isla ng Ciprus sa gawing kaliwa. Pero nilampasan namin iyon at naglayag papuntang Sirya at dumaong sa Tiro, kung saan ibababa ng barko ang kargamento nito. 4 Hinanap namin ang mga alagad, at nang matagpuan namin sila ay nanatili kami roon nang pitong araw. Pero dahil sa ipinaalám ng espiritu, paulit-ulit nilang sinabihan si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem.+ 5 Kaya nang oras na para umalis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Pero inihatid kami ng lahat, pati ng mga babae at bata, hanggang sa labas ng lunsod. At nanalangin kami nang nakaluhod sa dalampasigan 6 at nagpaalam sa isa’t isa. Sumakay kami sa barko, at umuwi na sila.

7 Mula Tiro, dumaong kami sa Tolemaida, at kinumusta namin ang mga kapatid at nakituloy sa kanila nang isang araw. 8 Kinabukasan, pumunta kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ni Felipe na ebanghelisador, na isa sa pitong lalaki.+ 9 Ang taong ito ay may apat na dalagang* anak na nanghuhula.+ 10 Pero nang mga ilang araw na kami roon, ang propetang si Agabo+ ay dumating mula sa Judea. 11 At pinuntahan niya kami, kinuha ang sinturon ni Pablo, at iginapos ang mga paa at kamay niya at sinabi: “Ganito ang sabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng sinturong ito ay igagapos sa ganitong paraan ng mga Judio sa Jerusalem,+ at ibibigay nila siya sa kamay ng mga tao ng ibang mga bansa.’”+ 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga naroon ay nagsimulang makiusap sa kaniya na huwag pumunta sa Jerusalem. 13 Sumagot si Pablo: “Bakit kayo umiiyak, at bakit ninyo pinahihina ang loob* ko? Handa akong maigapos at mamatay pa nga sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”+ 14 Nang ayaw niyang magpapigil, hindi na kami tumutol* at sinabi namin: “Mangyari nawa ang kalooban ni Jehova.”*

15 Pagkatapos, naghanda kami at naglakbay papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilan sa mga alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa tutuluyan namin, sa bahay ni Minason na taga-Ciprus, isa sa mga unang alagad. 17 Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Pero kinabukasan, sumama sa amin si Pablo papunta kay Santiago,+ at naroon ang lahat ng matatandang lalaki. 19 At binati niya sila at inilahad nang detalyado ang lahat ng ginawa ng Diyos sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng ministeryo niya.

20 Pagkarinig nito, niluwalhati nila ang Diyos, pero sinabi nila sa kaniya: “Kapatid, alam mong libo-libo sa mga mananampalataya ay Judio, at lahat sila ay mahigpit na sumusunod sa Kautusan.+ 21 At narinig nila ang usap-usapan tungkol sa iyo na tinuturuan mong tumalikod sa Kautusan ni* Moises ang lahat ng Judio na nasa ibang mga bansa. Sinasabi mo raw sa mga ito na huwag tuliin ang mga anak nila at huwag nang sundin ang mga kaugalian.+ 22 Kaya ano ang magandang gawin? Dahil tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito ang gawin mo: May apat na lalaki sa amin na nasa ilalim ng panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at linisin mo ang iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang mga gastusin nila, para mapaahitan nila ang kanilang ulo.* At malalaman ng lahat na hindi totoo ang usap-usapan tungkol sa iyo, kundi namumuhay ka kaayon ng Kautusan.+ 25 Para naman sa mga mananampalataya mula sa ibang mga bansa, nakapagpadala na tayo ng sulat sa kanila para ipaalám ang desisyon natin na dapat silang umiwas sa mga inihain sa idolo,+ pati na sa dugo,+ binigti,*+ at seksuwal na imoralidad.”*+

26 Kinabukasan, isinama ni Pablo ang mga lalaki at nilinis ang sarili niya sa seremonyal na paraan kasama nila,+ at pumasok siya sa templo para ipaalám kung kailan matatapos ang seremonyal na paglilinis at kung kailan dapat maghandog para sa bawat isa sa kanila.

27 Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita siya sa templo ng mga Judiong mula sa Asia. Sinulsulan nila ang mga tao at sinunggaban siya, 28 at isinigaw nila: “Mga Israelita, tulong! Ito ang taong nagtuturo sa lahat ng tao saanmang lugar ng mga bagay na laban sa ating bayan, Kautusan, at sa lugar na ito. Ang mas masama pa, nagsama siya ng mga Griego sa templo at dinumhan ang banal na lugar na ito.”+ 29 Nakita kasi nila dati na kasama niya sa lunsod si Trofimo+ na taga-Efeso, at inisip nilang isinama siya ni Pablo sa templo. 30 Nagkagulo ang buong lunsod, at sumugod ang mga tao at kinaladkad nila si Pablo palabas ng templo, at agad na isinara ang mga pinto. 31 Habang binubugbog nila siya para patayin, nabalitaan ng kumandante ng militar na nagkakagulo ang buong Jerusalem; 32 at agad siyang nagsama ng mga sundalo at opisyal ng hukbo papunta roon. Nang makita nila ang kumandante ng militar at ang mga sundalo, tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.

33 Lumapit ang kumandante ng militar at kinuha siya at iniutos na igapos siya ng dalawang tanikala;+ at itinanong nito sa mga tao kung sino siya at kung ano ang ginawa niya. 34 Pero magkakaiba ang isinisigaw nila. At dahil nagkakagulo ang lahat, walang maintindihan ang kumandante. Kaya iniutos nitong dalhin si Pablo sa kuwartel ng mga sundalo. 35 Nang makarating siya sa hagdan, kinailangan na siyang buhatin ng mga sundalo dahil napakarahas ng mga tao. 36 May grupong sumusunod sa kanila at sumisigaw: “Patayin siya!”

37 Nang dadalhin na siya sa kuwartel ng mga sundalo, sinabi ni Pablo sa kumandante ng militar: “Puwede ba kitang makausap?” Sinabi nito: “Nakapagsasalita ka ng Griego? 38 Hindi ba ikaw ang Ehipsiyo na nanulsol ng sedisyon noon at nagsama sa ilang ng 4,000 lalaking may punyal?” 39 At sinabi ni Pablo: “Ako ay isang Judio+ mula sa Tarso+ sa Cilicia, mamamayan ng isang kilalang lunsod. Pakiusap, payagan mo akong magsalita sa mga tao.” 40 Nang mabigyan ng pahintulot, sumenyas si Pablo para patahimikin ang mga tao habang nakatayo siya sa hagdan. Nang tumahimik ang lahat, sinabi niya sa kanila sa wikang Hebreo:+

22 “Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol ko.”+ 2 Nang marinig nila na kinakausap niya sila sa wikang Hebreo, lalo pa silang tumahimik. Sinabi niya: 3 “Ako ay isang Judio+ na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia,+ pero nag-aral ako sa lunsod na ito sa paanan ni Gamaliel,+ tinuruan na mahigpit na sundin ang Kautusan+ ng mga ninuno, at masigasig sa paglilingkod sa Diyos gaya ninyong lahat sa araw na ito.+ 4 Pinag-usig ko ang Daang ito hanggang kamatayan; iginapos ko at ipinabilanggo ang mga lalaki at babae,+ 5 at mapapatotohanan iyan ng mataas na saserdote at ng buong kapulungan ng matatandang lalaki. Kumuha rin ako sa kanila ng mga liham na ipapakita sa mga kapatid* sa Damasco, at naglalakbay na ako noon para arestuhin* ang mga alagad doon at dalhin sa Jerusalem para maparusahan.

6 “Pero nang malapit na ako sa Damasco, bandang tanghali, biglang suminag sa akin ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit,+ 7 at nabuwal ako at may narinig na tinig: ‘Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?’ 8 Sinabi ko: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sumagot siya: ‘Ako si Jesus na Nazareno, ang inuusig mo.’ 9 Nakita ng mga lalaking kasama ko ang liwanag, pero hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig. 10 At sinabi ko: ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon: ‘Pumunta ka sa Damasco, at sasabihin sa iyo roon ang dapat mong gawin.’*+ 11 Pero hindi ako makakita dahil sa tindi ng liwanag na iyon, kaya inakay ako ng mga kasama ko hanggang makarating sa Damasco.

12 “At si Ananias, isang lalaking makadiyos at sumusunod sa Kautusan at may mabuting ulat mula sa lahat ng Judiong nakatira doon, 13 ay pumunta sa akin. Habang nakatayo sa tabi ko, sinabi niya: ‘Saul, kapatid, makakita kang muli!’ At agad na bumalik ang paningin ko at nakita ko siya.+ 14 Sinabi niya: ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno para malaman ang kalooban niya at makita ang isa na matuwid+ at marinig ang tinig niya, 15 dahil magiging saksi ka para sa kaniya at ihahayag mo sa lahat ng tao ang mga nakita at narinig mo.+ 16 Kaya ano pa ang hinihintay mo? Magpabautismo ka at hugasan mo ang mga kasalanan mo+ sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan niya.’+

17 “Pero pagbalik ko sa Jerusalem,+ nakakita ako ng pangitain habang nananalangin sa templo. 18 Nakita ko siya na nagsabi sa akin: ‘Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi nila tatanggapin ang patotoo mo tungkol sa akin.’+ 19 At sinabi ko: ‘Panginoon, alam na alam nila na pumupunta ako noon sa bawat sinagoga at ipinabibilanggo ko at pinagpapapalo ang mga naniniwala sa iyo;+ 20 at nang pinapatay nila ang saksi mong si Esteban, nakatayo ako sa tabi at sinasang-ayunan iyon, at binabantayan ko ang balabal ng mga bumabato sa kaniya.’+ 21 Pero sinabi niya: ‘Lumakad ka na, dahil isusugo kita sa malalayong bansa.’”+

22 Patuloy silang nakinig sa kaniya hanggang sa sabihin niya iyon. Pagkatapos, isinigaw nila: “Dapat mawala ang taong iyan sa ibabaw ng lupa, dahil hindi siya dapat mabuhay!” 23 Dahil sumisigaw sila, inihahagis ang mga balabal nila, at nagsasaboy ng alabok sa hangin,+ 24 iniutos ng kumandante ng militar na dalhin si Pablo sa kuwartel ng mga sundalo at sinabing dapat siyang pagtatanungin habang hinahagupit para malaman ang totoong dahilan kung bakit iyon isinisigaw ng mga tao laban kay Pablo. 25 Nang maitali na nila siya para hagupitin, sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo na naroon: “Tama bang hagupitin ninyo ang isang Romano* na hindi pa nahahatulan?”*+ 26 Nang marinig ito ng opisyal ng hukbo, pinuntahan niya ang kumandante ng militar at sinabi: “Ano ang balak mong gawin? Romano ang taong ito.” 27 Kaya lumapit ang kumandante ng militar at tinanong siya: “Sabihin mo, Romano ka ba?” Sinabi niya: “Oo.” 28 Sinabi ng kumandante ng militar: “Nagbayad ako ng malaki para magkaroon ng mga karapatang ito bilang mamamayan.” Sinabi ni Pablo: “Pero ako ay ipinanganak na Romano.”+

29 Biglang napaatras ang mga lalaking magtatanong sana at magpapahirap kay Pablo; at natakot ang kumandante ng militar nang malaman na Romano ito, dahil iginapos niya ito.+

30 Kinabukasan, dahil gusto niyang malaman kung bakit talaga inaakusahan ng mga Judio si Pablo, pinalaya niya ito at ipinag-utos na magtipon ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin. At pinatayo niya si Pablo sa gitna nila.+

23 Habang nakatinging mabuti sa Sanedrin, sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, alam ng Diyos na hanggang sa araw na ito ay malinis ang konsensiya*+ ko.” 2 Dahil dito, iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. 3 Kaya sinabi ni Pablo: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader. Tama bang hatulan mo ako ayon sa Kautusan, pero nilalabag mo naman ang Kautusan sa pag-uutos na saktan ako?” 4 Sinabi ng mga nakatayo sa tabi: “Iniinsulto mo ba ang mataas na saserdote ng Diyos?” 5 Sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Dahil nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita ng masama sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’”+

6 At dahil alam ni Pablo na ang kalahati ng grupo ay Saduceo at ang kalahati ay Pariseo, sinabi niya sa Sanedrin: “Mga kapatid, ako ay isang Pariseo,+ isang anak ng mga Pariseo. Hinahatulan ako dahil naniniwala ako sa pag-asang mabubuhay-muli ang mga patay.” 7 Dahil sa sinabi niya, nagtalo-talo ang mga Pariseo at Saduceo, at nahati ang grupo; 8 dahil sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay-muli, anghel, o espiritu, pero pinaniniwalaan* naman ng mga Pariseo ang lahat ng iyon.+ 9 Kaya nagsigawan ang mga tao, at ilang eskriba mula sa grupo ng mga Pariseo ang tumayo at nakipagtalo at nagsabi: “Wala kaming makitang mali sa taong ito, pero kung isang espiritu o anghel ang nagsalita sa kaniya+—.” 10 Nang maging marahas na ang pagtatalo, natakot ang kumandante ng militar na baka mapatay nila si Pablo, kaya iniutos niya sa mga sundalo na kunin siya sa gitna nila at dalhin sa kuwartel ng mga sundalo.

11 Pero nang sumunod na gabi, tumayo sa tabi niya ang Panginoon at nagsabi: “Lakasan mo ang loob mo!+ Dahil kung paanong lubusan kang nagpapatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.”+

12 Kinaumagahan, nagsabuwatan ang mga Judio at sumumpa* na hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit 40 ang sumumpa at sumali sa sabuwatang ito. 14 Pumunta sila sa mga punong saserdote at matatandang lalaki, at sinabi nila: “Sumumpa kaming* hindi kami kakain ng anuman hangga’t hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya sabihin ninyo at ng Sanedrin sa kumandante na dalhin siya sa inyo; kunwari ay gusto ninyong suriing mabuti ang kaso niya. Pero bago siya makarating sa inyo, papatayin na namin siya.”

16 Narinig ng pamangking lalaki* ni Pablo ang plano nilang pananambang, kaya pumunta siya sa kuwartel ng mga sundalo, at sinabi niya ito kay Pablo. 17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Isama mo ang kabataang ito sa kumandante dahil may kailangan siyang ipaalám.” 18 Kaya isinama niya ang kabataan sa kumandante at sinabi: “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo at hiniling na dalhin sa iyo ang kabataang ito, dahil may sasabihin ito sa iyo.” 19 Hinawakan ito ng kumandante sa kamay, inilayo, at tinanong: “Ano ang sasabihin mo?” 20 Sinabi niya: “Nagkasundo ang mga Judio na sabihin sa iyo na dalhin si Pablo bukas sa Sanedrin. Kunwari, may gusto pa silang alamin tungkol sa kaso niya.+ 21 Pero huwag ka sanang pumayag, dahil mahigit 40 sa kanila ang mananambang sa kaniya. Sumumpa silang* hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila siya napapatay;+ at hinihintay na lang nilang aprobahan mo ang hiling nila.” 22 Pagkatapos, pinaalis ng kumandante ang kabataan pero nagbilin ito: “Huwag mong sasabihin sa iba na ipinaalám mo ito sa akin.”

23 At tinawag niya ang dalawa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Maghanda kayo ng 200 sundalong magmamartsa papuntang Cesarea, gayundin ng 70 mangangabayo at 200 maninibat, sa ikatlong oras ng gabi.* 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong masasakyan ni Pablo para ligtas ninyo siyang madala kay Felix na gobernador.” 25 At isinulat niya sa isang liham:

26 “Mula kay Claudio Lisias, para sa kaniyang Kamahalan, Gobernador Felix: Mga pagbati! 27 Ang lalaking ito ay sinunggaban ng mga Judio at papatayin na sana, pero dumating kami agad ng mga sundalo ko at iniligtas siya,+ dahil nalaman kong Romano siya.+ 28 At dahil gusto kong malaman kung bakit nila siya inaakusahan, dinala ko siya sa kanilang Sanedrin.+ 29 Nalaman kong inaakusahan siya ng paglabag sa sarili nilang Kautusan,+ pero walang paratang sa kaniya na nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo. 30 Pero dahil naipaalám sa akin na may pakana laban sa taong ito,+ ipinadala ko siya agad sa iyo at inutusan ang mga nag-aakusa sa kaniya na magsalita sa harap mo.”

31 Kaya isinama ng mga sundalo si Pablo+ ayon sa utos sa kanila, at dinala nila siya nang gabi sa Antipatris. 32 Kinabukasan, hinayaan nila ang mga mangangabayo na magpatuloy na kasama niya, at bumalik sila sa kuwartel ng mga sundalo. 33 Nakarating ang mga mangangabayo sa Cesarea, ibinigay ang liham sa gobernador, at iniharap si Pablo sa kaniya. 34 Kaya binasa niya iyon at tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya galing, at nalaman niyang mula siya sa Cilicia.+ 35 “Diringgin kong mabuti ang kaso mo,” ang sabi niya, “kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.”+ At ipinag-utos niya na ibilanggo siya sa palasyo* ni Herodes.

24 Pagkalipas ng limang araw, dumating ang mataas na saserdoteng si Ananias+ kasama ang ilan sa matatandang lalaki at si Tertulo na isang pangmadlang tagapagsalita,* at iniharap nila sa gobernador+ ang kaso nila laban kay Pablo. 2 Nang pagsalitain na si Tertulo, pinasimulan niyang akusahan si Pablo. Sinabi niya sa harap ni Felix:

“Dahil sa iyo ay nagtatamasa kami ng kapayapaan at dahil sa husay mong magpasiya ay maraming naging pagbabago sa bansang ito, 3 at nasaan man kami ay lagi naming kinikilala at ipinagpapasalamat ang mga iyan, Inyong Kamahalang Felix. 4 Pero para hindi ka na maabala pa, hihingi lang ako ng kaunting panahon at kabaitan habang pinakikinggan mo ang panig namin. 5 Gusto naming ipaalám sa iyo na salot* ang taong ito;+ sinusulsulan niyang maghimagsik*+ ang mga Judio sa buong lupa, at siya ay lider ng sekta ng mga Nazareno.+ 6 Tinangka rin niyang lapastanganin ang templo kaya dinakip namin siya.+ 7 *—— 8 Makikita mong totoo ang lahat ng paratang namin sa kaniya kapag tinanong* mo siya.”

9 Nakisali na rin ang mga Judio, at iginiit nilang totoo ang mga ito. 10 Nang tanguan ng gobernador si Pablo para magsalita, sinabi nito:

“Alam kong maraming taon ka nang hukom sa bansang ito, kaya nalulugod akong magsalita para ipagtanggol ang sarili ko.+ 11 Mga 12 araw pa lang mula nang pumunta ako sa Jerusalem para sumamba;+ puwede mong tiyakin iyan. 12 Kahit minsan, hindi nila ako nakitang nakipagtalo kaninuman sa templo o nagpasimula ng gulo sa mga sinagoga o saanman sa lunsod. 13 Hindi rin nila kayang patunayan sa iyo ang mga ipinaparatang nila sa akin ngayon. 14 Pero aaminin ko sa iyo na naglilingkod ako* sa Diyos ng aking mga ninuno+ ayon sa paraan ng tinatawag nilang sekta, dahil pinaniniwalaan ko ang lahat ng nasa Kautusan at nakasulat sa mga Propeta.+ 15 At umaasa ako, gaya rin ng mga taong ito, na bubuhaying muli+ ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.+ 16 Dahil diyan, lagi kong sinisikap na magkaroon ng malinis na* konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.+ 17 Ngayon, pagkalipas ng maraming taon, dumating ako para magdala ng mga kaloob udyok ng awa*+ sa aking bansa at para maghandog. 18 Habang ginagawa ko ang mga ito, nakita nila ako sa templo na malinis sa seremonyal na paraan,+ pero wala akong kasamang grupo at hindi rin ako nanggugulo. At nang pagkakataong iyon ay naroon ang ilang Judio mula sa lalawigan* ng Asia, 19 na dapat sana ay nasa harap mo ngayon at nag-aakusa laban sa akin kung may reklamo sila.+ 20 O hayaan natin ang mga narito na sabihin kung ano ang nakita nilang kasalanan ko noong nililitis nila ako sa harap ng Sanedrin, 21 maliban sa sinabi ko sa gitna nila: ‘Hinahatulan ako ngayon sa harap ninyo dahil naniniwala ako sa pagkabuhay-muli ng mga patay!’”+

22 Pero dahil alam na alam ni Felix ang totoo may kinalaman sa Daang ito,+ pinaalis niya sila at sinabi: “Kapag pumunta rito si Lisias na kumandante ng militar, saka ako magpapasiya sa usaping ito.” 23 At iniutos niya sa opisyal ng hukbo na bantayan pa rin ang lalaki pero maging maluwag dito, at payagan ang mga kasamahan nito na asikasuhin ito.

24 Pagkaraan ng ilang araw, dumating si Felix kasama ang asawa niyang si Drusila, na isang Judio, at ipinatawag niya si Pablo at nakinig dito habang nagsasalita ito tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.+ 25 Pero nang tungkol na sa tamang paggawi, pagpipigil sa sarili, at darating na paghatol+ ang ipinapaliwanag ni Pablo, natakot si Felix at sinabi niya: “Umalis ka na muna at ipapatawag ulit kita kapag may pagkakataon ako.” 26 Pero umaasa rin siyang bibigyan siya ni Pablo ng pera kaya ipinatawag niya ito nang mas madalas para makipag-usap dito. 27 Pagkalipas ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at dahil gusto ni Felix na makuha ang pabor ng mga Judio,+ hinayaan niya sa bilangguan si Pablo.

25 Tatlong araw pagkarating ni Festo+ sa lalawigan para mamahala, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2 At ang mga punong saserdote at mga prominenteng lalaking Judio ay nagbigay sa kaniya ng impormasyon laban kay Pablo.+ Nakiusap sila* kay Festo 3 na papuntahin si Pablo sa Jerusalem. Pero may plano silang tambangan sa daan si Pablo para patayin.+ 4 Gayunman, sumagot si Festo na hindi aalis si Pablo sa Cesarea at siya mismo ay pabalik na roon. 5 “Kaya sumama sa akin ang mga may awtoridad sa inyo,” ang sabi niya, “at akusahan ang lalaking iyon kung may ginawa siyang mali.”+

6 Kaya nang mga 8 hanggang 10 araw na siyang naroon, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa luklukan ng paghatol at iniutos niyang dalhin si Pablo. 7 Pagpasok ni Pablo, pinalibutan siya ng mga Judiong mula sa Jerusalem at pinaulanan ng mabibigat na paratang na hindi naman nila mapatunayan.+

8 Pero sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol: “Wala akong ginawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kay Cesar.”+ 9 Dahil gusto ni Festo na makuha ang pabor ng mga Judio,+ sinabi niya kay Pablo: “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem para doon kita hatulan may kinalaman sa mga bagay na ito?” 10 Pero sinabi ni Pablo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, gaya rin ng alam mo. 11 Kung talagang may ginawa akong kasalanan na nararapat sa kamatayan,+ handa akong mamatay; pero kung walang basehan ang paratang sa akin ng mga taong ito, walang karapatan ang sinuman na ibigay ako sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!”+ 12 At pagkatapos kausapin ni Festo ang kapulungan ng mga tagapayo, sinabi niya: “Kay Cesar ka umapela, kay Cesar ka pupunta.”

13 Pagkalipas ng ilang araw, dumating sa Cesarea si Agripa na hari at si Bernice para magbigay-galang kay Festo. 14 Dahil mananatili sila roon nang ilang araw, iniharap ni Festo sa hari ang kaso ni Pablo:

“May isang lalaki na iniwang bilanggo ni Felix, 15 at noong nasa Jerusalem ako, kinausap ako ng mga punong saserdote at matatandang lalaki ng mga Judio tungkol sa kaniya,+ at gusto nilang mahatulan siya. 16 Pero sinabi ko sa kanila na hindi ginagawa ng mga Romano na ibigay ang sinuman bilang pabor kung hindi pa nakakaharap ng akusado ang mga nagpaparatang sa kaniya at kung hindi pa niya naipagtatanggol ang sarili niya.+ 17 Kaya nang dumating sila rito, hindi ako nagpaliban. Kinabukasan, umupo ako sa luklukan ng paghatol at nag-utos na dalhin ang lalaki. 18 Nang magsalita sila, wala silang naiparatang na kasalanan sa kaniya na iniisip kong ginawa niya.+ 19 Nakikipagtalo lang sila sa kaniya tungkol sa pagsamba sa kanilang bathala*+ at tungkol sa lalaking si Jesus na patay na pero iginigiit ni Pablo na buháy pa.+ 20 Dahil hindi ko alam ang gagawin sa usaping ito, tinanong ko siya kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem para doon mahatulan may kinalaman dito.+ 21 Pero nang sabihin ni Pablo na gusto niyang umapela sa Augusto,*+ iniutos kong ibilanggo siya hanggang sa maipadala ko siya kay Cesar.”

22 Sinabi ni Agripa kay Festo: “Gusto kong mapakinggan ang taong iyon.”+ “Bukas,” sabi niya, “mapakikinggan mo siya.” 23 Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice at napakaengrande ng pagpasok nila sa bulwagan kasama ang mga kumandante ng militar at mga prominenteng lalaki sa lunsod; at iniutos ni Festo na ipasok si Pablo. 24 Sinabi ni Festo: “Haring Agripa at lahat ng narito, nasa harap ninyo ang taong inirereklamo sa akin ng lahat ng Judio rito at sa Jerusalem, at isinisigaw nilang dapat siyang mamatay.+ 25 Pero nakita kong wala siyang ginawang nararapat sa kamatayan.+ Kaya nang gustong umapela ng taong ito sa Augusto, ipinasiya kong ipadala siya. 26 Pero hindi ko alam kung ano ang isusulat ko sa aking Panginoon tungkol sa kaniya. Kaya dinala ko siya sa harap ninyo, at lalo na sa harap mo, Haring Agripa, para may maisulat na ako pagkatapos ng hudisyal na pagsusuri. 27 Dahil hindi tama para sa akin na ipadala ang isang bilanggo nang hindi sinasabi ang paratang laban dito.”

26 Sinabi ni Agripa+ kay Pablo: “Puwede ka nang magsalita.” Kaya iniunat ni Pablo ang kamay niya at sinimulang ipagtanggol ang kaniyang sarili:

2 “May kinalaman sa lahat ng ipinaparatang sa akin ng mga Judio,+ Haring Agripa, ikinalulugod kong gawin ang pagtatanggol ko sa araw na ito sa harap mo. 3 Alam kong eksperto ka sa lahat ng kaugalian pati sa mga usapin sa gitna ng mga Judio. Kaya pakisuyo, maging matiyaga ka sana sa pakikinig sa akin.

4 “Ang totoo, alam na alam ng mga Judio kung paano ako namuhay sa aking bayan* at sa Jerusalem mula pa sa pagkabata ko.+ 5 Alam ng lahat ng nakakakilala sa akin, kung gusto nilang patotohanan ito, na namuhay akong isang Pariseo+ ayon sa pinakamahigpit na turo ng aming relihiyon.+ 6 Pero ngayon, nakatayo ako para hatulan dahil naniniwala ako sa pangako ng Diyos sa ating mga ninuno;+ 7 ito rin ang pangakong inaasam na matupad ng ating 12 tribo kaya sila puspusan sa paglilingkod sa kaniya* araw at gabi. Dahil sa pangakong ito, inaakusahan ako ng mga Judio,+ O hari.

8 “Bakit hindi kapani-paniwala para sa inyo* na binubuhay-muli* ng Diyos ang mga patay? 9 Ako mismo ay kumbinsido noon na dapat kong gawin ang lahat ng magagawa ko laban sa pangalan ni Jesus na Nazareno. 10 Iyan mismo ang ginawa ko sa Jerusalem, at marami sa mga alagad* ang ipinabilanggo ko+ dahil may awtoridad ako mula sa mga punong saserdote;+ at bumoboto ako pabor sa pagpatay sa kanila. 11 Kadalasan, pinaparusahan ko sila sa lahat ng sinagoga para talikuran nila ang kanilang pananampalataya; at dahil sukdulan ang galit ko sa kanila, pinag-usig ko maging ang mga alagad sa malalayong lunsod.

12 “Habang abalang-abala ako sa paggawa nito, naglakbay ako papuntang Damasco na may awtoridad at atas mula sa mga punong saserdote. 13 Pero nang katanghaliang-tapat, O hari, isang liwanag mula sa langit na mas maningning pa sa araw ang suminag sa akin at sa mga kasama ko sa paglalakbay.+ 14 At nang mabuwal kaming lahat, sinabi sa akin ng isang tinig sa wikang Hebreo: ‘Saul, Saul, bakit mo ako inuusig? Ikaw rin ang nahihirapan dahil sinisipa mo ang mga tungkod na panggabay.’* 15 Pero sinabi ko: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon: ‘Ako si Jesus, ang inuusig mo. 16 Pero tumayo ka. Nagpakita ako sa iyo dahil pinipili kita bilang lingkod at bilang saksi ng mga bagay na nakita mo at makikita pa lang tungkol sa akin.+ 17 At ililigtas kita mula sa bayang ito at mula sa mga bansa, kung saan kita isusugo+ 18 para idilat ang mga mata+ nila, para palayain sila mula sa kadiliman+ tungo sa liwanag+ at mula sa awtoridad ni Satanas+ tungo sa Diyos, at sa gayon ay mapatawad ang mga kasalanan+ nila at tumanggap sila ng mana kasama ng mga pinabanal dahil sa pananampalataya nila sa akin.’

19 “Kaya, Haring Agripa, hindi ko sinuway ang pangitain mula sa langit, 20 kundi dinala ko ang mensahe, una ay sa mga nasa Damasco,+ pagkatapos ay sa Jerusalem,+ sa buong Judea, pati sa ibang mga bansa, na dapat silang magsisi at manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawang nagpapatunay sa kanilang pagsisisi.+ 21 Dahil diyan, sinunggaban ako ng mga Judio sa templo at tinangka akong patayin.+ 22 Pero dahil sa tulong ng Diyos, patuloy akong nakapagpapatotoo hanggang sa araw na ito sa nakabababa at nakatataas, na walang ibang sinasabi kundi ang mga ipinahayag ng mga propeta at ni Moises na mangyayari+— 23 na magdurusa ang Kristo+ at dahil siya ang unang bubuhaying muli mula sa mga patay,+ ihahayag niya sa bayang ito at sa ibang mga bansa ang tungkol sa liwanag.”+

24 Habang sinasabi ito ni Pablo bilang pagtatanggol, sumigaw si Festo: “Baliw ka na, Pablo! Nababaliw ka na dahil sa dami ng alam mo!” 25 Pero sinabi ni Pablo: “Hindi ako nababaliw, Inyong Kamahalang Festo. Matino ang isip ko at nagsasabi lang ako ng totoo. 26 Siguradong alam na alam ito ng hari na malaya kong kinakausap ngayon; kumbinsido ako na walang nakakalampas sa pansin niya, dahil ang mga bagay na ito ay hindi nangyari sa isang sulok.+ 27 Naniniwala ka ba sa sinasabi ng mga propeta, Haring Agripa? Alam kong naniniwala ka.” 28 Sinabi ni Agripa kay Pablo: “Sa maikling panahon lang, mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” 29 Kaya sinabi ni Pablo: “Hinihiling ko sa Diyos, sa maikli man o mahabang panahon, na ikaw pati na ang lahat ng nakikinig sa akin ngayon ay maging mga taong gaya ko rin, maliban sa mga gapos na ito.”

30 At tumayo ang hari, gayundin ang gobernador, si Bernice, at ang mga lalaking kasama nila. 31 Habang papaalis sila, sinasabi nila sa isa’t isa: “Ang taong ito ay walang ginawang anuman na nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo.”+ 32 Sinabi pa ni Agripa kay Festo: “Napalaya na sana ang taong ito kung hindi siya umapela kay Cesar.”+

27 Nang maipasiyang maglalayag kami papuntang Italya,+ ibinigay nila si Pablo at ang iba pang bilanggo kay Julio na opisyal ng hukbo sa pangkat ng Augusto. 2 Sumakay kami sa barko na mula sa Adrameto na dadaan sa mga daungan sa baybayin ng lalawigan* ng Asia, at kasama namin si Aristarco+ na mula sa Tesalonica, na nasa distrito ng Macedonia. 3 Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon, at naging mabait si Julio kay Pablo at hinayaan siyang makipagkita sa mga kaibigan niya at maasikaso ng mga ito.

4 Mula roon, naglayag kami malapit sa Ciprus para makapagkubli kami sa pasalungat na hangin. 5 At pumalaot kami at dumaan sa tapat ng Cilicia at Pamfilia at dumaong sa Mira sa Licia. 6 Doon, ang opisyal ng hukbo ay nakakita ng barko mula sa Alejandria na papuntang Italya, at pinasakay niya kami roon. 7 Dahan-dahan kaming naglayag sa loob ng ilang araw hanggang sa Cinido, at hindi iyon naging madali. Para makapagkubli kami sa pasalungat na hangin, naglayag kami malapit sa Creta sa may Salmone. 8 Pagkatapos ng mahirap na paglalayag sa may baybayin, nakarating kami sa Magagandang Daungan, na malapit sa lunsod ng Lasea.

9 Mahabang panahon na ang lumipas at mapanganib na ngayong maglayag dahil tapós na rin ang pag-aayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala,+ kaya sinabi ni Pablo: 10 “Mga lalaki, kung tutuloy tayo sa paglalayag, posibleng mawasak ang barko, mawala ang kargamento, at manganib ang buhay natin.” 11 Pero nakinig ang opisyal ng hukbo sa kapitan ng barko at sa may-ari nito sa halip na kay Pablo. 12 At dahil mahirap magpalipas ng taglamig sa daungang iyon, ipinayo ng karamihan na maglayag sila at tingnan kung makakarating sila sa Fenix para doon magpalipas ng taglamig; isa itong daungan ng Creta na bukás pahilagang-silangan at patimog-silangan.

13 Nang maging banayad ang ihip ng hangin mula sa timog, inisip nilang maitutuloy na nila ang plano nila, kaya itinaas nila ang angkla at naglayag sa may baybayin ng Creta. 14 Pero hindi pa natatagalan, humampas dito ang napakalakas na hangin na tinatawag na Euroaquilo.* 15 Hinahampas ng hangin ang barko at hindi na makapaglayag pasalungat dito, kaya nagpatangay na lang kami. 16 Pagkatapos, mabilis kaming naglayag malapit sa isang maliit na isla na tinatawag na Cauda, pero nahirapan kaming isalba ang maliit na bangka na hatak-hatak ng barko. 17 At nang maisampa ito sa barko, tinalian nila ng malalaking lubid ang katawan ng barko para hindi ito mabiyak, at dahil natatakot silang sumadsad sa Sirte,* ibinaba nila ang layag at nagpaanod na lang. 18 Kinabukasan, binawasan nila ang kargamento ng barko dahil hinahampas kami ng unos. 19 At noong ikatlong araw, itinapon nila ang ilang kagamitan ng barko.

20 Pero noong maraming araw nang walang araw o bituin at hinahampas kami ng malakas na unos, nawalan na kami ng pag-asang makaligtas. 21 Nang matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila at nagsabi: “Mga lalaki, kung sinunod ninyo ang sinabi ko na huwag maglayag mula sa Creta, hindi sana natin ito dinanas at wala tayong itinapong gamit.+ 22 Pero lakasan ninyo ang loob ninyo, dahil walang mamamatay sa inyo; barko lang ang mawawasak. 23 Ngayong gabi, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin at pinaglilingkuran ko* ay nagsugo ng isang anghel,+ 24 at sinabi nito: ‘Huwag kang matakot, Pablo. Tatayo ka sa harap ni Cesar,+ at ililigtas ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa barko.’ 25 Kaya lakasan ninyo ang loob ninyo, mga lalaki, dahil naniniwala akong gagawin ng Diyos ang lahat ng sinabi sa akin ng anghel. 26 Pero kailangan nating mapadpad sa baybayin ng isang isla.”+

27 Nang 14 na gabi na kami sa dagat at hinahampas-hampas kami sa Dagat ng Adria, inisip ng mga mandaragat na malapit na sila sa lupa noong hatinggabi na. 28 Sinukat nila ang lalim at nalaman na 20 dipa* ito, kaya umusad sila nang kaunti, sinukat ulit ang lalim, at nalaman na 15 dipa* ito. 29 At sa takot na sumadsad sa batuhan, apat na angkla ang inihagis nila mula sa popa,* at gustong-gusto nilang mag-umaga na. 30 Pero gustong tumakas ng mga mandaragat. Ibinaba nila ang maliit na bangka, at nagkunwari silang ibababa lang ang mga angkla mula sa proa.* 31 Kaya sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo at sa mga sundalo: “Kapag hinayaan ninyong tumakas ang mga taong ito, hindi kayo maliligtas.”+ 32 Dahil dito, pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng maliit na bangka at hinayaan itong mahulog.

33 Noong malapit nang mag-umaga, hinimok sila ni Pablo na kumain: “Ngayon ang ika-14 na araw ng inyong paghihintay, pero hindi pa rin kayo kumakain ng anuman. 34 Kaya kumain kayo kahit kaunti; para ito sa ikabubuti ninyo. Dahil hindi mawawala kahit isang hibla ng buhok sa ulo ninyo.” 35 Pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat sa Diyos sa harap nilang lahat, pinagpira-piraso ito, at kumain. 36 Kaya lumakas ang loob nilang lahat, at kumain na rin sila. 37 Lahat-lahat, kami ay 276.* 38 Nang mabusog na sila, itinapon nila ang trigo sa dagat para gumaan ang barko.+

39 Nang mag-umaga na, nakakita sila ng look na may dalampasigan. Hindi nila alam kung anong lugar iyon,+ pero determinado silang isadsad doon ang barko. 40 Kaya pinutol nila ang mga lubid ng mga angkla at hinayaang mahulog ang mga ito sa dagat, at kasabay nito, kinalag nila ang mga tali ng mga timon; at matapos itaas ang layag sa unahan, nagpatangay sila sa hangin papuntang dalampasigan. 41 Pero sumadsad sila sa mababaw na bahagi ng dagat. Bumaon doon ang proa at hindi na matanggal, at ang popa ay nawasak ng mga alon.+ 42 Dahil dito, ipinasiya ng mga sundalo na patayin ang mga bilanggo para hindi sila makalangoy palayo at makatakas. 43 Pero gusto ng opisyal ng hukbo na madalang ligtas si Pablo kaya pinigilan niya ang plano nila. Inutusan niya ang mga marunong lumangoy na tumalon sa dagat at mauna sa dalampasigan, 44 at saka susunod ang iba, gamit ang mga tabla at iba pang bahagi ng barko. Kaya lahat sila ay ligtas na nakarating sa lupa.+

28 Nang makarating kaming ligtas sa isla, nalaman namin na iyon ay tinatawag na Malta.+ 2 At ang mga tagaroon* ay nagpakita ng pambihirang kabaitan sa amin. Nagpaningas sila ng apoy at inasikaso kaming lahat dahil umuulan noon at maginaw. 3 Pero nang kumuha si Pablo ng isang bungkos ng kahoy at ilagay ito sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init at kinagat siya nito sa kamay. 4 Nang makita ng mga tagaroon na nakabitin sa kamay niya ang makamandag na ahas, sinabi nila sa isa’t isa: “Tiyak na mamamatay-tao ang lalaking ito. Nakaligtas man siya sa dagat, hindi ipinahintulot ng Katarungan* na mabuhay pa siya.” 5 Pero ipinagpag niya sa apoy ang ahas at wala namang nangyari sa kaniya. 6 Inaasahan nilang mamamaga ang katawan niya o bigla na lang siyang mabubuwal at mamamatay. Pagkatapos nilang maghintay nang matagal at makitang wala namang nangyaring masama sa kaniya, nagbago ang tingin nila at sinabing isa siyang diyos.

7 At malapit sa lugar na iyon, may mga lupaing pag-aari si Publio, ang pinuno sa isla, at malugod niya kaming tinanggap at inasikasong mabuti sa loob ng tatlong araw. 8 Nagkataong may lagnat at disintirya ang ama ni Publio at nakahiga ito, kaya pinuntahan ito ni Pablo at nanalangin, ipinatong ang mga kamay niya rito at pinagaling.+ 9 Pagkatapos nito, pinupuntahan na siya ng iba pang maysakit sa isla at gumagaling din sila.+ 10 Bilang pasasalamat, binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang maglalayag na kami, ibinigay nila ang lahat ng kailangan namin at ikinarga sa barko.

11 Pagkalipas ng tatlong buwan, sumakay kami sa barko na may nakalagay na simbolo ng “Mga Anak ni Zeus.” Ang barko ay mula sa Alejandria at nagpalipas ng taglamig sa isla. 12 Pagkadaong sa Siracusa, nanatili kami roon nang tatlong araw; 13 mula roon, naglayag kami at nakarating sa Regio. Pagkaraan ng isang araw, humihip ang hangin mula sa timog at nakarating kami sa Puteoli noong ikalawang araw. 14 Doon, may nakita kaming mga kapatid at hiniling nila na manatili kami nang pitong araw; pagkatapos, pumunta na kami sa Roma. 15 Nang mabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apio at sa Tatlong Taberna. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang loob niya.+ 16 Nang sa wakas ay makarating na kami sa Roma, pinayagan si Pablo na tumirang mag-isa sa bahay niya pero may sundalong magbabantay sa kaniya.

17 Pagkalipas ng tatlong araw, tinawag niya ang mga prominenteng lalaking Judio. Nang matipon na sila, sinabi niya: “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang laban sa bayan o sa kaugalian ng mga ninuno natin,+ ibinigay ako sa mga Romano bilang isang bilanggo+ mula sa Jerusalem. 18 At pagkatapos nila akong pagtatanungin,+ gusto nila akong palayain, dahil wala silang makitang dahilan para patayin ako.+ 19 Pero nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong umapela kay Cesar,+ pero hindi dahil sa may reklamo ako sa aking bansa. 20 Iyan ang dahilan kung bakit ko kayo gustong makita at makausap. Nakatanikala ako dahil sa kaniya na hinihintay ng Israel.”+ 21 Sinabi nila: “Wala kaming natanggap na mga sulat tungkol sa iyo mula sa Judea. Wala ring masamang sinabi o ikinuwento tungkol sa iyo ang mga kapatid* na galing doon. 22 Pero gusto rin naming marinig ang sasabihin mo, dahil masama ang sinasabi ng mga tao saanmang lugar tungkol sa sektang ito.”+

23 Kaya nagsaayos sila ng isang araw para makita siya, at mas marami sila ngayon na nagpunta sa tinutuluyan niya. Mula umaga hanggang gabi, nangaral siya sa kanila sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos at hinikayat niya silang maniwala kay Jesus+ gamit ang Kautusan ni Moises+ at ang mga Propeta.+ 24 Naniwala ang ilan sa mga sinabi niya; ang iba ay hindi. 25 At dahil hindi sila magkasundo, umalis sila, at sinabi ni Pablo:

“Tama ang sinabi ng banal na espiritu sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Isaias na propeta, 26 ‘Pumunta ka sa bayang ito, at sabihin mo: “Maririnig ninyo iyon pero hindi ninyo mauunawaan, at titingin kayo pero wala kayong makikita.+ 27 Dahil ang puso ng bayang ito ay naging manhid, at nakaririnig ang mga tainga nila pero hindi sila tumutugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata, para hindi makakita ang mga mata nila at hindi makarinig ang mga tainga nila at hindi makaunawa ang mga puso nila kaya hindi sila nanunumbalik at hindi ko sila napagagaling.”’+ 28 Kaya dapat nga ninyong malaman na ang pagliligtas na ito ng Diyos ay ipinahayag na sa ibang mga bansa;+ tiyak na pakikinggan nila ito.”+ 29 *——

30 Dalawang taon siyang nanatili sa inuupahan niyang bahay,+ at malugod niyang tinatanggap ang lahat ng pumupunta sa kaniya; 31 ipinangangaral niya sa kanila ang Kaharian ng Diyos at itinuturo ang tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo nang may buong kalayaan sa pagsasalita,*+ nang walang hadlang.

O “may awtoridad.”

O “sa pinakadulo.”

O “ang layo ay kasinghaba ng paglalakbay na ipinapahintulot sa araw ng Sabbath.”

O “sa buong panahong.”

Lit., “noong ang Panginoong Jesus ay pumapasok at lumalabas sa gitna natin.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “dila ng apoy.”

Lit., “sa silong ng langit.”

O “ang lahat ng taong ito na nagsasalita?”

O “ng katutubong wika natin?”

O “probinsiya.”

O “Lango sila sa bagong alak.”

Mga 9:00 n.u.

Lit., “sa lahat ng laman.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “mga himala.”

O posibleng “gapos.” Lit., “hapdi.”

O “nasa harapan.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “susuray.”

Lit., “At maninirahan ang laman ko nang.”

O “Hades.” Tingnan sa Glosari.

O “sa harap ng iyong mukha.”

O “sumumpa.”

Lit., “isa mula sa bunga ng balakang.”

O “Hades.” Tingnan sa Glosari.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “ibinahagi nila sa isa’t isa ang taglay nila.”

O “na himala.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “natakot sila sa Diyos.”

Tingnan ang Ap. A5.

Mga 3:00 n.h.

O “humingi ng kaloob ng awa.”

Pasilyong may hanay ng mga haligi.

Lit., “ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay.”

O “mapawi.”

Lit., “mula sa mukha ni.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Lit., “binhi.”

O “pagkabuhay-muli, gaya ng nangyari kay Jesus.”

O “Sa kaninong awtoridad o pangalan ninyo ginawa ang bagay na ito?”

Lit., “ibinangon ng Diyos mula sa mga patay.”

Lit., “naging ulo ng kanto.” Tingnan sa Glosari.

Lit., “sa silong ng langit.”

O “pagkatahasan.”

Hindi nakapag-aral sa paaralan ng mga rabbi, o lider ng relihiyon. Hindi ibig sabihin na hindi sila marunong magbasa at magsulat.

Lit., “tandang.”

O “tanda.”

O “Soberanong.”

O “nagbubulay-bulay.”

O “magkakasamang nagplano.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “Kristo.” Lit., “pinahiran.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”

Lit., “pinahiran.”

Lit., “kamay.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “at mga himala.”

O “manalangin nang marubdob.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “at himala.”

Pasilyong may hanay ng mga haligi.

Mga may masamang motibo.

Lit., “maruruming.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “buhay na ito.”

O “nang papaliwanag na.”

Lit., “ibinitin.”

O “puno.”

O “binugbog.”

O “mawalang-dangal.”

Lit., “kalugod-lugod na.”

O “mabuting ulat mula sa mga tao.”

Lit., “ministeryo.”

O “ng mga himala.”

Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”

Lit., “sa binhi.”

Lit., “ang binhi.”

O “mamaltratuhin.”

O “mag-uukol ng sagradong paglilingkod.”

O posibleng “at ginawa rin iyon ni Isaac kay Jacob.”

O “12 patriyarka.”

O “may butil.”

O “maganda ang bata sa paningin ng Diyos.”

O “pinasuso.”

O “tingnan ang kalagayan ng.”

O “palumpong.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “ng mga himala.”

O “na sagradong kapahayagan.”

O “batang baka.”

O “mag-ukol ng sagradong paglilingkod.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “manhid.”

Lit., “kabataang lalaking.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “natulog.”

O posibleng “sa isang lunsod.”

Lit., “maruming.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “apdo.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “isang bating.” Tingnan sa Glosari.

O “karo.”

O “batang tupa.”

O “Dahil pinatay siya.”

Tingnan ang Ap. A3.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan sa Glosari.

Lit., “banal.”

Lit., “igapos.”

Lit., “pinili ko bilang sisidlan.”

Lit., “para madala sila sa mga punong saserdote nang nakagapos?”

O “ang kongregasyon.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “banal.”

Ang ibig sabihin ng Griegong pangalan na Dorcas at Aramaikong pangalan na Tabita ay “Gasela.”

Lit., “at punô siya ng mga kaloob ng awa.” Tingnan sa Glosari, “Kaloob udyok ng awa.”

O “at panlabas na damit.”

Lit., “banal.”

Sa Ingles, leather.

O “Isa siyang senturyon,” na pinuno ng 100 sundalo.

Isang Romanong pangkat na binubuo ng 600 sundalo.

Lit., “Gumagawa siya ng maraming kaloob ng awa.” Tingnan sa Glosari, “Kaloob udyok ng awa.”

Mga 3:00 n.h.

O “Inaasikaso siya ni.”

Sa Ingles, leather.

Mga 12:00 n.t.

O “gumagapang na hayop.”

Malaking telang lino.

O “pintuang-daan.”

O “tawaging.”

Mga 3:00 n.h.

Tingnan ang Ap. A5.

O “sinasang-ayunan.”

Lit., “pinahiran.”

O “puno.”

Lit., “salita.”

O “tapat.”

O “nakipagtalo sa kaniya ang.”

O “gumagapang na hayop.”

O “harangan.”

Lit., “natahimik sila.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “nagpadala ng tulong bilang paglilingkod.”

O “iharap ito sa mga tao para litisin.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “Bigkisan mo ang sarili mo.”

O “panlabas na kasuotan.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “pinto ng pintuang-daan.”

Lit., “Anghel niya.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “Gustong makipag-away ni.”

Lit., “silid-tulugan.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”

O “manggagaway.” Tingnan sa Glosari, “Panggagaway.”

Romanong gobernador ng isang lalawigan. Tingnan sa Glosari.

Siya rin si Bar-Jesus sa tal. 6.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “nakataas.”

Lit., “binhi.”

O “puno.”

O “inilagay sa isang alaalang libingan.”

Lit., “ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay.”

O “sa pagkakaroon ng katawang nabubulok.”

O “tapat; mapananaligan.”

O “ay nagsagawa ng kalooban ng Diyos.”

Lit., “natulog.”

O “manatiling karapat-dapat.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan sa Glosari.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “nakaayon na tumanggap ng katotohanang umaakay sa.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “at mga himala.”

O “palamuting ipinapatong sa ulo.”

O “na manatili sa pananampalataya.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “at na binuksan niya sa mga bansa ang pinto ng pananampalataya.”

O “pagtatalong.”

O “ng maraming pagtatalo.”

O “pamatok.”

O “at himala.”

O “kubol; bahay.”

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “opinyon.”

Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.

O “hayop na pinatay na hindi pinatulo ang dugo.”

O “hayop na pinatay na hindi pinatulo ang dugo.”

Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.

O “Mabuting kalusugan sa inyo!”

Tingnan ang Ap. A3.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “ulat.”

O “probinsiya.”

O “Kaya dumaan sila sa.”

O “Tumawid.”

Tingnan sa Glosari.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

Tingnan ang Ap. A5.

O “nalilitis.”

O “Mas bukás ang isip.”

O “diyos.”

O “banyagang dumadayo roon.”

O “mas relihiyoso kayo.”

O “supling.”

O “supling.”

O “sa lahat ng tao saanmang lugar.”

O “nakikipagkatuwiranan.”

Lit., “Ang inyong dugo ay mapasainyong sariling mga ulo.”

Sinagoga.

Romanong gobernador ng isang lalawigan. Tingnan sa Glosari.

Tingnan ang Ap. A5.

Lumilitaw na sa Jerusalem.

O “Naturuan siya nang bibigan.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “tama.”

O “nang nagmamatigas pa rin ang ilan at ayaw maniwala.”

O “probinsiya.”

Tingnan ang Ap. A5.

O “tagapagtala.”

Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”

Romanong gobernador ng isang lalawigan. Tingnan sa Glosari.

O “probinsiya.”

O “nasa kaniya ang hininga niya.” Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Lit., “at pinutol ang tinapay at kumain.”

O “mag-umaga.”

O “buong kababaan ng isip.”

O “na ikabubuti ninyo.”

Lit., “iginapos.”

O “na may anumang halaga.”

O “di-sana-nararapat.”

O “layunin.”

Mababangis na aso.

O “at sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan.”

Lit., “birheng.”

O “puso.”

Lit., “tumahimik na kami.”

Tingnan ang Ap. A5.

Lit., “tinuturuan mo ng apostasya laban kay.”

Para matupad nila ang panata nila sa Diyos.

O “hayop na pinatay na hindi pinatulo ang dugo.”

Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.

Mga kapuwa Judio.

Lit., “igapos.”

O “ang itinakda para sa iyo na gawin mo.”

O “mamamayang Romano.”

O “nalilitis.”

O “budhi.”

O “inihahayag.”

O “at nagpatali sa isang sumpa.” Ibig sabihin, naniniwala silang may darating na sumpa sa kanila kapag hindi nila natupad ang napagkasunduan nila.

O “Nagpatali kami sa isang sumpa na.” Ibig sabihin, naniniwala silang may darating na sumpa sa kanila kapag hindi nila natupad ang napagkasunduan nila.

O “ng anak ng kapatid na babae.”

O “Nagpatali sila sa isang sumpa na.” Ibig sabihin, naniniwala silang may darating na sumpa sa kanila kapag hindi nila natupad ang napagkasunduan nila.

Mga 9:00 n.g.

O “pretorio.”

O “isang abogado.”

O “pasimuno ng gulo.”

Sedisyon.

Tingnan ang Ap. A3.

O “siniyasat.”

O “na nag-uukol ako ng sagradong paglilingkod.”

O “walang-kapintasang.”

Tingnan sa Glosari.

O “probinsiya.”

Lit., “Humingi sila ng pabor.”

O “tungkol sa relihiyon nila.”

Titulo para sa emperador ng Roma.

O “bansa.”

O “sa pag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod.”

Lit., “Bakit ninyo hinahatulan na hindi kapani-paniwala.”

Lit., “ibinabangon.”

Lit., “banal.”

Isang tungkod na matulis ang dulo na ginagamit para pakilusin ang isang hayop.

O “probinsiya.”

Hangin mula sa hilagang-silangan.

Tingnan sa Glosari.

O “at pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod.”

Mga 36 m (120 ft). Tingnan ang Ap. B14.

Mga 27 m (90 ft). Tingnan ang Ap. B14.

Likurang bahagi ng barko.

Unahang bahagi ng barko.

O “276 na tao.” Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “mga taong iyon na iba ang wika.”

Sa Griego, Diʹke. Posibleng tumutukoy sa konsepto ng katarungan o sa diyosa na naghihiganti para sa katarungan.

Mga kapuwa Judio.

Tingnan ang Ap. A3.

O “nang buong tapang.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share