UNANG LIHAM SA MGA TAGA-TESALONICA
1 Akong si Pablo, kasama sina Silvano+ at Timoteo,+ ay sumusulat sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica+ na kaisa ng Diyos na Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo:+
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan.
2 Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos kapag binabanggit namin kayong lahat sa panalangin,+ 3 dahil lagi naming naaalaala sa harap ng ating Diyos at Ama ang mga bagay na ginawa ninyo dahil sa inyong pananampalataya at pag-ibig at kung paano kayo nagtiis* dahil sa inyong pag-asa+ sa ating Panginoong Jesu-Kristo. 4 Dahil mga kapatid na minamahal ng Diyos, alam naming pinili niya kayo, 5 dahil nang ipangaral namin sa inyo ang mabuting balita, hindi lang kami basta nagsalita; ibinahagi namin iyon nang may puwersa, sa tulong ng banal na espiritu, at may kombiksiyon.+ At kayo mismo ang nakakita kung naging anong uri kami ng tao alang-alang sa inyo. 6 At tinularan ninyo kami+ at ang Panginoon,+ dahil tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakan na mula sa banal na espiritu kahit nagdurusa kayo,+ 7 kaya naging halimbawa kayo sa lahat ng mananampalataya sa Macedonia at Acaya.
8 Ang totoo, hindi lang ang salita ni Jehova ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo; lumaganap din sa lahat ng lugar ang tungkol sa pananampalataya ninyo sa Diyos,+ kaya wala na kaming kailangan pang sabihin. 9 Dahil sila mismo ang paulit-ulit na nagsasabi kung paano namin kayo unang nakilala at kung paanong tinalikuran ninyo ang inyong mga idolo+ para magpaalipin sa buháy at tunay na Diyos 10 at para maghintay sa kaniyang Anak mula sa langit,+ si Jesus, na binuhay niyang muli* at siyang nagliligtas sa atin mula sa dumarating na poot ng Diyos.+
2 Siguradong alam ninyo, mga kapatid, na hindi naman nasayang ang pagdalaw namin sa inyo.+ 2 Dahil kahit nagdusa kami sa umpisa at napagmalupitan sa Filipos,+ gaya ng alam ninyo, nag-ipon kami ng lakas ng loob sa tulong ng ating Diyos para masabi namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos+ kahit marami ang humahadlang. 3 Hindi kami nagbibigay ng payo sa inyo dahil sa maling opinyon at masamang motibo, at hindi rin ito mapanlinlang; 4 kundi nagsasalita kami bilang mga pinili ng Diyos na karapat-dapat pagkatiwalaan ng mabuting balita, hindi para maging kalugod-lugod sa mga tao, kundi sa Diyos, na sumusuri sa puso namin.+
5 Ang totoo, gaya ng alam ninyo, hindi namin kayo labis na pinuri at hindi rin kami naging mapagkunwari sa inyo para makakuha ng pakinabang.+ Saksi ang Diyos! 6 Hindi rin namin hinangad na maparangalan ng tao, kayo man o ng iba, kahit puwede naming sabihin sa inyo na gastusan ninyo kami dahil mga apostol kami ni Kristo.+ 7 Sa halip, naging mapagmahal at mabait kami sa inyo, gaya ng isang ina na buong pagmamahal na nag-aalaga sa mga anak niya. 8 Mahal na mahal namin kayo, kaya gustong-gusto naming ibahagi sa inyo, hindi lang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang sarili namin,+ dahil napamahal na kayo sa amin.+
9 Siguradong natatandaan ninyo, mga kapatid, ang pagtatrabaho namin at pagpapakahirap. Gabi’t araw kaming nagtrabaho para hindi mapabigatan ang sinuman sa inyo+ nang ipangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos. 10 Saksi namin kayo, pati ang Diyos, kung paano kami naging tapat, matuwid, at di-mapipintasan sa pagtulong sa inyo na mga mananampalataya. 11 Alam na alam ninyo na pinapayuhan namin ang bawat isa sa inyo, pinapatibay, at tinuturuan,+ gaya ng ginagawa ng ama+ sa mga anak niya, 12 para patuloy kayong mamuhay nang karapat-dapat sa harap ng Diyos,+ na tumatawag sa inyo sa kaniyang Kaharian+ at kaluwalhatian.+
13 Kaya naman walang tigil naming pinasasalamatan ang Diyos,+ dahil nang marinig ninyo mula sa amin ang salita ng Diyos, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng tao, kundi gaya ng kung ano talaga ito, bilang salita ng Diyos, na umiimpluwensiya sa inyo na mga mananampalataya. 14 Tinularan ninyo, mga kapatid, ang mga kongregasyon ng Diyos sa Judea na kaisa ni Kristo Jesus, dahil ang mga pinagdusahan ninyo sa kamay ng mga kababayan ninyo+ ay katulad ng mga pinagdurusahan nila sa kamay ng mga Judio, 15 na pumatay pa nga sa Panginoong Jesus+ at sa mga propeta at umusig sa amin.+ Bukod diyan, ang ginagawa nila ay hindi nakalulugod sa Diyos at hindi nakakabuti sa sinuman; 16 pinagsisikapan nilang hadlangan ang pakikipag-usap namin* sa mga tao ng ibang mga bansa, ang gawaing magliligtas sa mga ito.+ Kaya patuloy na nadaragdagan ang mga kasalanan nila. Pero tiyak na matitikman nila* ang poot ng Diyos.+
17 Mga kapatid, sandali kaming napalayo noon sa inyo (pero lagi kayong nasa puso namin). At pinagsikapan naming makapunta sa inyo dahil gustong-gusto namin kayong makita.* 18 Dahil diyan, gusto naming dumalaw sa inyo. Kaya dalawang beses kong pinagsikapang gawin ito, akong si Pablo, pero hinarangan kami ni Satanas. 19 Dahil sa panahon ng presensiya ng Panginoong Jesus, sino ba ang aming pag-asa o kagalakan o ipagmamalaking korona? Hindi ba kayo?+ 20 Kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.
3 Kaya nang hindi na kami makatiis, nagpasiya kaming manatili na lang sa Atenas;+ 2 at isinugo namin sa inyo si Timoteo,+ ang ating kapatid at lingkod ng Diyos alang-alang sa mabuting balita tungkol sa Kristo, para patatagin ang pananampalataya ninyo at aliwin kayo, 3 nang sa gayon, walang sinuman sa inyo ang manghina* dahil sa mga paghihirap na ito. Dahil alam ninyong hindi talaga natin maiiwasang pagdusahan ang mga bagay na ito.+ 4 Noong kasama pa namin kayo, sinasabi na namin sa inyo na magdurusa tayo, at gaya ng alam ninyo, iyan nga ang nangyari.+ 5 Kaya nang hindi na ako makatiis, may isinugo ako sa inyo para malaman kung nananatili kayong tapat,+ dahil baka sa anumang paraan ay nadaya na kayo ng Manunukso+ at nasayang na ang mga pagsisikap namin.
6 Pero kararating lang ni Timoteo+ at may dala siyang magandang balita tungkol sa inyong katapatan at pag-ibig; sinabi niya na lagi ninyong naaalaala ang masasayang panahon natin at na gustong-gusto rin ninyo kaming makita gaya ng pananabik naming makita kayo. 7 Kaya naman mga kapatid, kahit nagigipit kami at nagdurusa, napapatibay kami dahil sa inyo at sa katapatang ipinapakita ninyo.+ 8 Dahil lumalakas kami kapag nananatiling matibay ang kaugnayan ninyo sa Panginoon. 9 Paano ba kami makapagpapasalamat sa Diyos dahil talagang napasaya ninyo kami? 10 Gabi’t araw kaming marubdob na nagsusumamo na makita sana namin kayo nang personal* at mailaan ang anumang kailangan* para mapatibay ang inyong pananampalataya.+
11 Gumawa sana ng paraan ang atin mismong Diyos at Ama at ang ating Panginoong Jesus para makapunta kami sa inyo. 12 Pasaganain din sana kayo ng Panginoon, oo, pasidhiin sana niya ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa+ at sa lahat, gaya ng nadarama namin para sa inyo, 13 para mapatatag niya ang puso ninyo at kayo ay maging walang kapintasan at banal sa harap ng ating Diyos+ at Ama sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesus+ kasama ang lahat ng kaniyang banal.
4 Bilang panghuli, mga kapatid, tinagubilinan namin kayo noon kung paano kayo dapat mamuhay para maging kalugod-lugod sa Diyos,+ at iyan nga ang ginagawa ninyo. Ngayon, hinihiling namin sa inyo, oo, nakikiusap kami sa inyo sa ngalan ng Panginoong Jesus na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo. 2 Dahil alam ninyo ang mga itinagubilin* namin sa inyo sa ngalan ng Panginoong Jesus.
3 Dahil kalooban ng Diyos na maging banal kayo+ at umiwas sa seksuwal na imoralidad.+ 4 Dapat na alam ng bawat isa sa inyo kung paano kontrolin ang kaniyang katawan+ para mapanatili itong banal+ at marangal, 5 na hindi nagpapadala sa sakim at di-makontrol na seksuwal na pagnanasa,+ gaya ng ginagawa ng mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.+ 6 Hindi dapat lumampas sa limitasyon ang sinuman sa bagay na ito at masamantala ang kapatid niya, dahil pinaparusahan ni Jehova ang gumagawa ng mga ito. Noon pa man ay sinabi na namin ito at binigyan namin kayo ng malinaw na babala tungkol dito. 7 Dahil tinawag tayo ng Diyos para maging banal, hindi para maging marumi.+ 8 Kaya kung may hindi nagbibigay-pansin dito, hindi tao ang binabale-wala niya kundi ang Diyos,+ na nagbibigay sa inyo ng kaniyang banal na espiritu.+
9 Pero kung tungkol naman sa pag-ibig sa mga kapatid,+ hindi na namin ito kailangang isulat sa inyo, dahil tinuruan na kayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa.+ 10 Ang totoo, ginagawa na ninyo iyan sa lahat ng kapatid sa buong Macedonia. Pero hinihimok namin kayo, mga kapatid, na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik+ at huwag makialam sa buhay ng iba+ at magtrabaho kayo,+ gaya ng tagubilin namin sa inyo, 12 para makita ng mga tao sa labas na namumuhay kayo nang disente+ at hindi nangangailangan ng anuman.
13 Bukod diyan, mga kapatid, gusto naming maunawaan ninyo ang* mangyayari sa mga namatay na,+ para hindi kayo malungkot gaya ng iba na walang pag-asa.+ 14 Dahil kung nananampalataya tayo na namatay si Jesus at nabuhay-muli,+ nananampalataya rin tayong bubuhayin ng Diyos ang mga namatay* na kaisa ni Jesus para makasama niya.*+ 15 Ito ang sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ni Jehova: Ang mga buháy sa atin sa panahon ng presensiya ng Panginoon ay hindi mauunang umakyat sa langit kaysa sa mga namatay* na; 16 dahil ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit at maririnig ang kaniyang tinig, tinig ng isang arkanghel,+ at hawak niya ang trumpeta ng Diyos, at ang mga patay na kaisa ni Kristo ang unang bubuhaying muli.+ 17 Pagkatapos, tayong mga natitirang buháy ay aagawin sa mga ulap+ para makasama sila at para salubungin ang Panginoon+ sa hangin; at lagi na nating makakasama ang Panginoon.+ 18 Kaya patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.
5 Kung tungkol sa mga panahon at kapanahunan, mga kapatid, hindi na ito kailangang isulat sa inyo. 2 Dahil alam na alam ninyo na ang pagdating ng araw ni Jehova+ ay kagayang-kagaya ng magnanakaw sa gabi.+ 3 Kapag sinasabi na nila, “Kapayapaan at katiwasayan!” biglang darating ang kanilang pagkapuksa,+ gaya ng kirot na nadarama ng isang babaeng manganganak, at hinding-hindi sila makatatakas. 4 Pero wala kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi kayo gaya ng mga magnanakaw na magugulat sa pagdating ng araw na iyon, 5 dahil kayong lahat ay anak ng liwanag at anak ng araw.+ Wala tayo sa panig ng kadiliman o gabi.+
6 Kaya huwag na tayong matulog gaya ng ginagawa ng iba,+ kundi manatili tayong gisíng+ at alerto.+ 7 Dahil ang mga natutulog ay natutulog sa gabi, at ang mga nagpapakalasing ay lasing sa gabi.+ 8 Pero kung para sa atin na nasa panig ng araw, manatili tayong alerto* at isuot natin ang pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti at ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet,+ 9 dahil pinili tayo ng Diyos, hindi para matikman ang poot niya, kundi para maligtas+ sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo. 10 Namatay siya para sa atin,+ nang sa gayon, tayo man ay manatiling gisíng o matulog, mabubuhay tayong kasama niya.+ 11 Kaya patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa,+ gaya ng ginagawa na ninyo.
12 Ngayon mga kapatid, hinihiling namin sa inyo na igalang ang mga nagpapagal sa gitna ninyo at nangunguna sa inyo may kaugnayan sa gawain ng Panginoon at nagpapayo sa inyo; 13 mahalin ninyo sila at maging mas makonsiderasyon sa kanila dahil sa ginagawa nila.+ Makipagpayapaan kayo sa isa’t isa.+ 14 Pero hinihimok din namin kayo, mga kapatid, na babalaan ang mga masuwayin,+ patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob,+ alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.+ 15 Tiyakin ninyo na walang sinumang gaganti ng masama para sa masama;+ sa halip, lagi kayong gumawa ng mabuti sa isa’t isa at sa lahat ng iba pa.+
16 Lagi kayong magsaya.+ 17 Lagi kayong manalangin.+ 18 Magpasalamat kayo para sa lahat ng bagay.+ Ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo na kaisa ni Kristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu.+ 20 Huwag ninyong hamakin ang mga hula.+ 21 Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay;+ manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mabuti. 22 Umiwas kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.+
23 Lubusan nawa kayong pabanalin ng Diyos ng kapayapaan. At mga kapatid, maingatan nawa ang inyong buong katawan, saloobin,* at buhay at manatiling walang kapintasan sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 24 Ang tumatawag sa inyo ay tapat, at tiyak na gagawin niya iyon.
25 Mga kapatid, patuloy ninyo kaming ipanalangin.+
26 Malugod ninyong batiin ang lahat ng kapatid.
27 Binibigyan ko kayo ng mabigat na pananagutan sa ngalan ng Panginoon na tiyaking mabasa ang liham na ito sa lahat ng kapatid.+
28 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.
O “nagbata.”
Lit., “na ibinangon niya mula sa mga patay.”
O “patuloy nila kaming pinagbabawalang makipag-usap.”
O posibleng “Pero lubusan na nilang natikman.”
Lit., “gustong-gusto naming makita ang inyong mukha.”
Lit., “mailihis.”
Lit., “makita sana namin ang mukha ninyo.”
O “kulang.”
O “iniutos.”
O “ayaw naming wala kayong alam sa.”
Lit., “natulog.”
Jesus.
Lit., “natulog.”
O “malinaw ang isip.”
Lit., “espiritu.”