Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwtsty 2 Timoteo 1:1-4:22
  • 2 Timoteo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 2 Timoteo
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
2 Timoteo

IKALAWANG LIHAM KAY TIMOTEO

1 Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos para maihayag ang pangakong buhay na naging posible dahil kay Kristo Jesus,+ 2 ay sumusulat kay Timoteo, isang anak na minamahal:+

Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Panginoon.

3 Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglilingkuran ko gaya ng paglilingkod ng aking mga ninuno at nang may malinis na konsensiya;+ lagi kitang inaalaala sa mga pagsusumamo ko araw at gabi. 4 Kapag naaalaala ko ang mga luha mo, nasasabik akong makita ka para sumaya ako. 5 Dahil hindi ko nalilimutan ang pananampalataya mong walang halong pagkukunwari,+ na unang nakita sa iyong lolang si Loida at inang si Eunice, at nagtitiwala ako na gayon pa rin ang pananampalataya mo.

6 Kaya naman pinaaalalahanan kita na paningasin mong tulad ng apoy ang regalo ng Diyos na tinanggap mo nang ipatong ko sa iyo ang mga kamay ko.+ 7 Dahil hindi duwag na puso+ ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos* kundi kapangyarihan,+ pag-ibig, at matinong pag-iisip. 8 Kaya huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon,+ at huwag mo rin akong ikahiya, ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya. Sa halip, maging handa kang maghirap+ para sa mabuting balita habang umaasa sa kapangyarihan ng Diyos.+ 9 Iniligtas niya tayo at tinawag para maging banal,+ hindi dahil sa mga ginawa natin,+ kundi dahil sa kalooban niya at walang-kapantay na kabaitan.+ Napakatagal na panahon na ang nakalilipas mula nang ibigay niya ito sa atin dahil kay Kristo Jesus,+ 10 pero ngayon ay malinaw na itong nakikita dahil sa pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus,+ na nag-alis ng kamatayan+ at nagsiwalat kung paano magkakaroon ng buhay+ at katawang di-nasisira+ sa pamamagitan ng mabuting balita,+ 11 at para maipaalám ito sa iba, inatasan ako bilang mángangarál, apostol, at guro.+

12 Kaya naman pinagdurusahan ko rin ang mga bagay na ito,+ pero hindi ako nahihiya.+ Dahil kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko, at nagtitiwala akong kaya niyang bantayan hanggang sa araw na iyon ang ipinagkatiwala ko sa kaniya.+ 13 Manghawakan ka sa pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita+ na narinig mo sa akin habang nagpapakita ka ng pananampalataya at pag-ibig na resulta ng pagiging kaisa ni Kristo Jesus. 14 Sa pamamagitan ng banal na espiritu na nasa atin, bantayan mo ang kayamanang ito na ipinagkatiwala sa iyo.+

15 Alam mong iniwan ako ng lahat ng nasa lalawigan ng Asia,+ kasama na sina Figelo at Hermogenes. 16 Kaawaan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo,+ dahil lagi niya akong napapatibay, at hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako. 17 At ang totoo, noong nasa Roma siya, talagang hinanap niya ako at nakita niya ako. 18 Kaawaan nawa siya ng Panginoong Jehova sa araw na iyon. Alam na alam mo rin ang lahat ng ginawa niya para sa akin sa Efeso.

2 Kaya anak ko,+ patuloy mong palakasin ang sarili mo sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ipinapakita ni Kristo Jesus; 2 at kung tungkol sa mga bagay na narinig mo sa akin na sinusuportahan ng maraming saksi,+ ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat, na magiging lubusan ding kuwalipikado na magturo sa iba. 3 Bilang isang mahusay na sundalo+ ni Kristo Jesus, maging handa ka sa pagdurusa.+ 4 Hindi magnenegosyo ang sinumang sundalo kung gusto niyang makuha ang pabor ng nagpasok sa kaniya bilang sundalo. 5 At kahit sa mga palaro, hindi ginagantimpalaan* ang isang manlalaro kung hindi siya naglaro ayon sa mga alituntunin.+ 6 Ang masipag na magsasaka ang dapat na unang makinabang sa mga bunga. 7 Lagi mong pag-isipan ang sinasabi ko; ipauunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng bagay.

8 Alalahanin mong si Jesu-Kristo ay binuhay-muli+ at supling ni David+ ayon sa mabuting balita na ipinangangaral ko,+ 9 na dahilan kung bakit ako naghihirap at nakabilanggo bilang kriminal.+ Pero ang salita ng Diyos ay hindi nakagapos.+ 10 Kaya tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili,+ para maligtas din sila sa pamamagitan ni Kristo Jesus at makatanggap ng walang-hanggang kaluwalhatian. 11 Mapananaligan ito: Kung mamatay tayong magkakasama, mabubuhay rin tayong magkakasama;+ 12 kung patuloy tayong magtitiis, maghahari din tayong magkakasama;+ kung ikakaila natin siya, ikakaila rin niya tayo;+ 13 kung tayo ay maging di-tapat, mananatili pa rin siyang tapat, dahil hindi niya kayang ikaila ang sarili niya.

14 Lagi mong ipaalaala sa kanila ang mga ito; sabihan mo sila sa harap ng Diyos na huwag pag-awayan ang mga salita, dahil wala itong pakinabang at nakasasama ito sa mga nakikinig. 15 Gawin mo ang iyong buong makakaya para maging kalugod-lugod ka sa harap ng Diyos, isang manggagawa na walang ikinahihiya at ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan.+ 16 Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal,+ dahil ang mga ito ay aakay sa mas marami at mas masamang di-makadiyos na paggawi 17 at kakalat na tulad ng ganggrena. Kasama sa mga nagpapakalat nito sina Himeneo at Fileto.+ 18 Lumihis sa katotohanan ang mga taong ito dahil sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli,+ at sinisira nila ang pananampalataya ng ilan. 19 Sa kabila nito, nananatiling matatag ang matibay na pundasyon ng Diyos, kung saan nakasulat, “Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya,”+ at, “Talikuran ng lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova+ ang kasamaan.”

20 Ngayon, sa isang malaking bahay ay may mga kagamitang* ginto at pilak at mayroon ding gawa sa kahoy at luwad; ang ilan ay ginagamit sa marangal na paraan, pero ang iba ay sa di-marangal na paraan. 21 Kaya kung lalayuan ng isang tao ang mga huling nabanggit,+ magagamit siya sa marangal na paraan, at siya ay magiging banal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, at handa para sa bawat mabuting gawa. 22 Kaya tumakas ka mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan; itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso.+

23 Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate,+ dahil alam mong nauuwi lang sa away ang mga ito. 24 Dahil ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat,+ kuwalipikadong magturo, nagpipigil kapag nagawan ng mali,+ 25 at mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.+ Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi at sa gayon ay makakuha sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan,+ 26 at matauhan sila at makatakas sa bitag ng Diyablo, dahil nahuli na niya silang buháy at puwede na niyang magamit para gawin ang kagustuhan niya.+

3 Pero sinasabi ko sa iyo na sa mga huling araw,+ magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. 2 Dahil ang mga tao ay magiging makasarili,* maibigin sa pera, mayabang, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, di-tapat, 3 walang likas na pagmamahal, ayaw makipagkasundo, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, napopoot sa kabutihan, 4 taksil, matigas ang ulo, mapagmalaki, maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos, 5 at mukhang makadiyos pero iba naman ang paraan ng pamumuhay.+ Layuan mo sila. 6 At may ilan sa kanila na pumapasok sa mga sambahayan sa tusong paraan at minamanipula ang mahina at makasalanang mga babae na nagpapadala sa iba’t ibang pagnanasa 7 at laging nag-aaral pero hindi lubusang nakukuha ang tumpak na kaalaman sa katotohanan.

8 Sinasalungat nila ang katotohanan, kung paanong sinalungat nina Janes at Jambres si Moises. Talagang baluktot ang isip nila at hindi sila nakaaabot sa pamantayan ng pananampalataya. 9 Pero wala na silang ibang magagawa, dahil malinaw na makikita ng lahat ang kamangmangan nila, gaya ng nangyari sa dalawang lalaking iyon.+ 10 Pero ikaw, talagang binigyang-pansin mo ang aking turo, landasin sa buhay,+ tunguhin, pananampalataya, pagpapasensiya, pag-ibig, at pagtitiis* 11 at ang pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia,+ Iconio,+ at Listra.+ Tiniis* ko ang mga pag-uusig na iyon, at iniligtas ako ng Panginoon mula sa lahat ng iyon.+ 12 Ang totoo, pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.+ 13 Pero ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ. Sila ay manlíligaw at maililigaw.+

14 Pero ikaw, patuloy mong sundin ang mga bagay na natutuhan mo at nahikayat na paniwalaan,+ dahil alam mo kung kanino mo natutuhan ang mga ito 15 at na mula pa noong sanggol ka+ ay alam mo na ang banal na mga kasulatan,+ na nagpaparunong sa iyo para maligtas ka sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.+ 16 Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos+ at kapaki-pakinabang sa pagtuturo,+ pagsaway, pagtutuwid,+ at pagdidisiplina ayon sa katuwiran,+ 17 para ang lingkod ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, na handang-handa para sa bawat mabuting gawa.

4 Sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus, na hahatol+ sa mga buháy at mga patay,+ at sa pamamagitan ng kaniyang pagkakahayag+ at kaniyang Kaharian,+ inuutusan kita: 2 Ipangaral mo ang salita ng Diyos;+ gawin mo ito nang apurahan, maganda man o mahirap ang kalagayan; sumaway ka,+ magbabala, at magpayo nang may pagtitiis at husay sa pagtuturo.+ 3 Dahil darating ang isang yugto ng panahon kung kailan hindi na nila tatanggapin ang kapaki-pakinabang na turo,+ kundi gaya ng gusto nila, papalibutan nila ang kanilang sarili ng mga guro na kikiliti sa mga tainga nila.+ 4 Hindi na sila makikinig sa katotohanan at magbibigay-pansin sila sa mga kuwentong di-totoo.+ 5 Pero ikaw, gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip sa lahat ng pagkakataon,+ tiisin mo ang mga paghihirap,+ gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador,* at isagawa mo nang lubusan ang iyong ministeryo.+

6 Dahil gaya ako ngayon ng ibinubuhos na handog na inumin,+ at malapit na akong lumaya.+ 7 Naipaglaban ko na ang marangal na pakikipaglaban,+ natapos ko na ang takbuhan,+ nanatili akong matatag sa pananampalataya. 8 Mula ngayon, may nakalaan nang korona ng katuwiran para sa akin,+ na ibibigay ng Panginoon, ang matuwid na hukom,+ bilang gantimpala ko sa araw na iyon,+ pero hindi lang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kaniyang pagkakahayag.

9 Sikapin mong makapunta agad sa akin. 10 Dahil pinabayaan ako ni Demas;+ inibig niya ang sistemang ito at pumunta siya sa Tesalonica, si Cresente naman ay sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. 11 Si Lucas lang ang kasama ko. Isama mo rito si Marcos dahil malaking tulong siya sa akin sa ministeryo.+ 12 Pinapunta ko na si Tiquico+ sa Efeso. 13 Dalhin mo rin dito ang balabal na iniwan ko kay Carpo sa Troas at ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino.

14 Napakasama ng mga ginawa sa akin ng panday-tanso na si Alejandro. Gagantihan siya ni Jehova ayon sa mga ginawa niya.+ 15 Mag-ingat ka rin sa kaniya, dahil inatake niya nang husto ang mensahe namin.

16 Sa una kong pagtatanggol, walang pumanig sa akin at pinabayaan nila ako; huwag nawa itong singilin sa kanila ng Diyos. 17 Pero ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin at pinalakas niya ako+ para lubusan kong maipangaral ang mensahe at marinig ito ng lahat ng bansa;+ at iniligtas niya ako sa bibig ng leon.+ 18 Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan at ililigtas niya ako para sa kaniyang Kaharian sa langit.+ Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

19 Ikumusta mo ako kina Prisca at Aquila+ at sa sambahayan ni Onesiforo.+

20 Nanatili sa Corinto si Erasto,+ pero iniwan ko si Trofimo+ sa Mileto dahil may sakit siya. 21 Sikapin mong makarating bago magtaglamig.

Kinukumusta ka ni Eubulo, pati nina Pudente, Lino, at Claudia at ng lahat ng kapatid.

22 Pagpalain ka nawa ng Panginoon habang nagpapakita ka ng magagandang katangian.* Sumainyo nawa ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan.

O “Dahil hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagiging duwag.”

O “kinokoronahan.”

O “sisidlang.”

O “maibigin sa sarili.”

O “pagbabata.”

O “Binatâ.”

O “patuloy mong ipangaral ang mabuting balita.”

O “saloobin.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share