IKALAWANG HARI
1 Pagkamatay ni Ahab, naghimagsik ang Moab+ laban sa Israel.
2 Nahulog noon si Ahazias mula sa silid niya sa bubungan sa Samaria, sa isang butas na may sala-sala. Kaya nagsugo siya ng mga mensahero at nagsabi sa kanila: “Sumangguni kayo kay Baal-zebub na diyos ng Ekron+ at alamin ninyo kung gagaling pa ako.”+ 3 Pero sinabi ng anghel ni Jehova kay Elias*+ na Tisbita: “Salubungin mo ang mga mensahero ng hari ng Samaria at sabihin mo sa kanila, ‘Wala bang Diyos sa Israel kaya sasangguni kayo kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?+ 4 Kaya ito ang sinabi ni Jehova: “Hindi ka na babangon sa kamang hinihigaan mo, dahil mamamatay ka.”’” At umalis na si Elias.
5 Pagbalik sa kaniya ng mga mensahero, tinanong niya sila agad: “Bakit kayo bumalik?” 6 Sumagot sila sa kaniya: “May isang lalaki na sumalubong sa amin, at sinabi niya, ‘Bumalik kayo sa hari na nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Wala bang Diyos sa Israel kaya nagsugo ka ng sasangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron? Dahil diyan, hindi ka na babangon sa kamang hinihigaan mo, dahil mamamatay ka.’”’”+ 7 Tinanong niya sila: “Ano ang hitsura ng lalaki na sumalubong sa inyo at nagsabi ng mga bagay na ito?” 8 Kaya sinabi nila sa kaniya: “Ang lalaki ay may damit na gawa sa balahibo ng hayop+ at sinturong gawa sa katad.”*+ Agad niyang sinabi: “Si Elias iyon na Tisbita.”
9 At nagsugo ang hari sa kaniya ng isang pinuno ng 50 kasama ang 50 tauhan nito. Nang pumunta ito sa kaniya, nakaupo si Elias sa tuktok ng bundok. Sinabi nito sa kaniya: “Lingkod ng tunay na Diyos,+ sinabi ng hari, ‘Bumaba ka.’” 10 Pero sumagot si Elias sa pinuno ng 50: “Kung lingkod ako ng Diyos, bumaba nawa ang apoy mula sa langit+ at lamunin ka at ang 50 tauhan mo.” At ang apoy ay bumaba mula sa langit at nilamon ang pinuno at ang 50 tauhan nito.
11 Kaya nagsugo ulit ang hari ng isa pang pinuno ng 50 kasama ang 50 tauhan nito. Nagpunta ito sa kaniya at nagsabi: “Lingkod ng tunay na Diyos, ito ang sinabi ng hari, ‘Bumaba ka agad diyan.’” 12 Pero sinabi ni Elias sa kanila: “Kung lingkod ako ng tunay na Diyos, bumaba nawa ang apoy mula sa langit at lamunin ka at ang 50 tauhan mo.” At ang apoy ng Diyos ay bumaba mula sa langit at nilamon ang pinuno at ang 50 tauhan nito.
13 At nagsugo ulit ang hari, sa ikatlong pagkakataon, ng pinuno ng 50 kasama ang 50 tauhan nito. Pero ang ikatlong pinuno ng 50 ay umakyat sa bundok at lumuhod sa harap ni Elias at nakiusap dito at nagsabi: “Lingkod ng tunay na Diyos, pakisuyo, maging mahalaga nawa sa paningin mo ang buhay ko at ang buhay ng 50 lingkod mong ito. 14 Bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon ang dalawang naunang pinuno ng 50 at ang tig-50 tauhan nila, pero ngayon ay maging mahalaga nawa sa paningin mo ang buhay ko.”
15 Kaya sinabi ng anghel ni Jehova kay Elias: “Bumaba kang kasama niya. Huwag kang matakot sa kaniya.” Kaya tumayo si Elias at bumabang kasama niya papunta sa hari. 16 Sinabi ni Elias sa hari: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Bakit ka nagsugo ng mga mensahero para sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?+ Wala bang Diyos sa Israel?+ Bakit hindi ka sumangguni sa kaniya? Dahil diyan, hindi ka na babangon sa kamang hinihigaan mo, dahil mamamatay ka.’” 17 Kaya namatay siya, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Elias; at dahil wala siyang anak na lalaki, si Jehoram*+ ang naging hari kapalit niya, nang ikalawang taon ni Jehoram+ na anak ni Jehosapat na hari ng Juda.
18 Ang iba pang nangyari kay Ahazias,+ ang mga ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.
2 Nang malapit nang kunin ni Jehova si Elias+ papunta sa kalangitan* sa pamamagitan ng isang buhawi,+ sina Elias at Eliseo+ ay umalis sa Gilgal.+ 2 Sinabi ni Elias kay Eliseo: “Pakisuyo, dito ka lang, dahil pinapupunta ako ni Jehova sa Bethel.” Pero sinabi ni Eliseo: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Bethel.+ 3 At ang mga anak ng mga propetang* nasa Bethel ay pumunta kay Eliseo at nagsabi: “Alam mo ba na ngayon ay kukunin ni Jehova sa iyo ang panginoon mo?”+ Sinabi niya: “Alam ko na iyon. Tumahimik kayo.”
4 Sinabi ngayon ni Elias sa kaniya: “Eliseo, dito ka lang, pakisuyo, dahil pinapupunta ako ni Jehova sa Jerico.”+ Pero sinabi niya: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Jerico. 5 Pagkatapos, ang mga anak ng mga propetang nasa Jerico ay lumapit kay Eliseo at nagsabi: “Alam mo ba na ngayon ay kukunin ni Jehova sa iyo ang panginoon mo?” Sinabi niya: “Alam ko na iyon. Tumahimik kayo.”
6 Sinabi ngayon ni Elias sa kaniya: “Pakisuyo, dito ka lang, dahil pinapupunta ako ni Jehova sa Jordan.” Pero sinabi niya: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya magkasama silang umalis. 7 Sumama rin ang 50 sa mga anak ng mga propeta; tinitingnan sila ng mga ito sa malayo habang nakatayo silang dalawa sa may Jordan. 8 Pagkatapos, kinuha ni Elias ang kaniyang opisyal na damit,+ inirolyo iyon, at inihampas sa tubig, at nahati ang tubig, kaya tumawid silang dalawa sa tuyong lupa.+
9 Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo: “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin sa iyo.” Sinabi ni Eliseo: “Pakisuyo, bigyan mo ako ng dalawang bahagi+ ng iyong espiritu.”+ 10 Sumagot si Elias: “Mahirap ang hinihiling mo. Kung makikita mo akong kinukuha sa iyo, mangyayari iyon; pero kung hindi, hindi iyon mangyayari.”
11 Habang naglalakad sila at nag-uusap, bigla silang pinaghiwalay ng isang maapoy na karwahe* at maapoy na mga kabayo,+ at si Elias ay dinala sa kalangitan* ng isang buhawi.+ 12 Habang nakikita ito ni Eliseo, sumisigaw siya: “Ama ko, ama ko! Ang karwahe ng Israel at ang kaniyang mga mangangabayo!”+ Nang hindi na niya makita si Elias, hinawakan niya ang sarili niyang damit at pinunit ito sa dalawa.+ 13 At pinulot niya ang opisyal na damit+ na nahulog mula kay Elias, at bumalik siya at tumayo sa pampang ng Jordan. 14 Pagkatapos, inihampas niya sa tubig ang opisyal na damit na nahulog mula kay Elias at sinabi: “Nasaan si Jehova, ang Diyos ni Elias?” Nang hampasin niya ang tubig, nahati ito kaya nakatawid si Eliseo.+
15 Nang makita siya sa malayo ng mga anak ng mga propetang nasa Jerico, sinabi nila: “Ang espiritu ni Elias ay pumunta kay Eliseo.”+ Kaya lumapit sila sa kaniya at sumubsob sa harap niya. 16 Sinabi nila sa kaniya: “Mayroon ditong 50 may-kakayahang lalaki kasama ng mga lingkod mo. Pakisuyo, ipahanap mo sa kanila ang iyong panginoon. Baka itinaas siya ng espiritu* ni Jehova at inihagis sa isa sa mga bundok o sa isa sa mga lambak.”+ Pero sinabi niya: “Huwag ninyo silang isugo.” 17 Pero pinilit nila siya hanggang sa mahiya na siya, kaya sinabi niya: “Isugo ninyo sila.” Isinugo nila ang 50 lalaki; tatlong araw silang naghanap pero hindi nila ito nakita. 18 Nasa Jerico+ pa siya nang bumalik sila. Sinabi niya sa kanila: “Hindi ba sinabi ko sa inyo na huwag na ninyo siyang hanapin?”
19 Nang maglaon, sinabi ng mga lalaki ng lunsod kay Eliseo: “Nakikita ng panginoon ko na maganda ang lokasyon ng lunsod;+ pero hindi ligtas ang tubig, at tigang* ang lupain.” 20 Kaya sinabi niya: “Ikuha ninyo ako ng isang bago at maliit na mangkok, at lagyan ninyo iyon ng asin.” Kaya dinala nila iyon sa kaniya. 21 Pagkatapos, pumunta siya sa pinagmumulan ng tubig at naghagis doon ng asin+ at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Nilinis ko na ang tubig na ito. Hindi na ito magiging dahilan ng kamatayan o ng pagkatigang.’”* 22 At hanggang ngayon, malinis ang tubig na iyon, gaya ng sinabi ni Eliseo.
23 Mula roon, nagpunta siya sa Bethel. Habang nasa daan, may mga batang lalaki na lumabas mula sa lunsod at nanukso sa kaniya.+ Paulit-ulit nilang sinasabi: “Umakyat ka, kalbo! Umakyat ka, kalbo!” 24 Lumingon siya at tumingin sa kanila at isinumpa niya sila sa ngalan ni Jehova. Pagkatapos, dalawang babaeng oso+ ang lumabas mula sa gubat at niluray ang 42 sa mga bata.+ 25 Nagpatuloy siya sa paglalakbay hanggang sa Bundok Carmel,+ at mula roon ay bumalik siya sa Samaria.
3 Ang anak ni Ahab na si Jehoram+ ay naging hari ng Israel, sa Samaria, nang ika-18 taon ni Haring Jehosapat ng Juda, at namahala siya nang 12 taon. 2 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, pero hindi kasinsama ng ginawa ng kaniyang ama o ina, dahil inalis niya ang sagradong haligi ni Baal na ginawa ng ama niya.+ 3 Pero ginawa rin niya ang mga kasalanang ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat; pinagkasala rin niya ang Israel.+ Patuloy niya itong ginawa.
4 Si Mesa na hari ng Moab ay isang tagapag-alaga ng tupa, at dati siyang nagbibigay ng 100,000 kordero* at 100,000 lalaking tupa na hindi pa nagugupitan bilang tributo* sa hari ng Israel. 5 Pagkamatay ni Ahab,+ naghimagsik ang hari ng Moab sa hari ng Israel.+ 6 Kaya lumabas si Haring Jehoram nang araw na iyon mula sa Samaria at tinipon niya ang buong Israel. 7 Nagpadala rin siya ng ganitong mensahe kay Haring Jehosapat ng Juda: “Naghimagsik sa akin ang hari ng Moab. Sasama ka ba sa akin sa paglaban sa Moab?” Sumagot ito: “Sasama ako.+ Ikaw at ako ay iisa. Ang bayan mo at ang bayan ko ay iisa rin, pati na ang mga kabayo mo at ang mga kabayo ko.”+ 8 At nagtanong ito: “Saan tayo dadaan?” Sumagot siya: “Sa ilang ng Edom.”
9 At umalis ang hari ng Israel kasama ang hari ng Juda at ang hari ng Edom.+ Pagkatapos nilang maglakbay nang pitong araw, wala nang tubig para sa hukbo at sa mga alaga nilang hayop na sumusunod sa kanila. 10 Sinabi ng hari ng Israel: “Ano ba naman ito? Tinipon ni Jehova ang tatlong haring ito para ibigay lang sila sa kamay ng Moab!” 11 Sinabi ni Jehosapat: “Wala bang propeta si Jehova rito para makasangguni tayo kay Jehova sa pamamagitan niya?”+ Kaya sumagot ang isa sa mga lingkod ng hari ng Israel: “Nandito si Eliseo+ na anak ni Sapat, na nagbubuhos noon ng tubig sa mga kamay ni Elias.”*+ 12 Sinabi ni Jehosapat: “Nagsasalita si Jehova sa pamamagitan niya.” Kaya pinuntahan siya ng hari ng Israel, ni Jehosapat, at ng hari ng Edom.
13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel: “Bakit sa akin ka lumalapit?*+ Pumunta ka sa mga propeta ng iyong ama at sa mga propeta ng iyong ina.”+ Pero sinabi sa kaniya ng hari ng Israel: “Hindi, dahil si Jehova ang nagtipon sa tatlong haring ito para ibigay sila sa kamay ng Moab.” 14 Sumagot si Eliseo: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova ng mga hukbo na pinaglilingkuran ko*—kung hindi dahil kay Haring Jehosapat+ ng Juda, hindi kita titingnan o papansinin.+ 15 Magdala kayo rito ng manunugtog ng alpa.”*+ Nang magsimulang tumugtog ang manunugtog ng alpa, bumaba ang espiritu* ni Jehova kay Eliseo.+ 16 Sinabi niya: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Maghukay kayo ng mga kanal sa lambak* na ito, 17 dahil ito ang sinabi ni Jehova: “Walang darating na hangin o ulan; pero mapupuno ng tubig ang lambak* na ito,+ at iinom kayo rito, kayo at ang mga alaga ninyong hayop.”’ 18 Pero maliit na bagay lang ito kay Jehova,+ dahil ibibigay rin niya sa kamay ninyo ang Moab.+ 19 Pabagsakin ninyo ang bawat napapaderang* lunsod+ at ang bawat magandang lunsod, putulin ninyo ang bawat mabuting puno, sarhan ninyo ang lahat ng bukal, at tapunan ninyo ng maraming bato ang bawat matabang lupa.”+
20 Kinabukasan, nang oras ng pag-aalay ng handog na mga butil para sa umaga,+ biglang umagos ang tubig galing sa Edom, at napuno ng tubig ang lupain.
21 Narinig ng lahat ng Moabita na dumating ang mga hari para labanan sila, kaya tinipon nila ang lahat ng lalaking makapagdadala ng sandata,* at pumuwesto sila sa hangganan. 22 Paggising nila kinaumagahan, tumatama sa tubig ang sikat ng araw, at sa tingin ng mga Moabita sa kabilang panig, ang tubig ay mapula na parang dugo. 23 Sinabi nila: “Dugo! Siguradong nagpatayan na ang mga hari. Sugod, mga Moabita! Kunin ang mga samsam!”+ 24 Pagdating nila sa kampo ng Israel, umatake ang mga Israelita at sinimulan nilang pabagsakin ang mga Moabita, na tumakas sa kanila.+ Pumasok sila sa Moab at patuloy na pinabagsak ang mga Moabita habang sumasalakay sila. 25 Giniba nila ang mga lunsod, at bawat isa sa kanila ay naghagis ng bato sa bawat matabang lupa, at napuno iyon ng bato; sinarhan nila ang bawat bukal+ at pinutol ang bawat mabuting puno.+ Ang mga pader lang ng Kir-hareset+ ang naiwang nakatayo, at pinalibutan ng mga tagapaghilagpos ang lunsod at pinabagsak ito.
26 Nang makita ng hari ng Moab na talo na sila sa digmaan, nagsama siya ng 700 lalaking may espada para makalusot hanggang sa hari ng Edom,+ pero hindi nila nagawa. 27 Kaya kinuha niya ang kaniyang panganay na anak na maghahari kapalit niya at inihandog ito bilang haing sinusunog+ sa pader. At nagkaroon ng matinding galit laban sa Israel, kaya umurong sila at bumalik sa kanilang lupain.
4 Ang asawa ng isa sa mga propeta*+ ay dumaing kay Eliseo: “Ang iyong lingkod, ang asawa ko, ay patay na, at alam mo na ang iyong lingkod ay may takot kay Jehova.+ Ngayon, isang pinagkakautangan namin ang dumating para kunin ang dalawa kong anak at gawing alipin niya.” 2 Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Ano ang maitutulong ko sa iyo? Ano ba ang mayroon ka sa bahay?” Sumagot siya: “Ang iyong lingkod ay walang anuman sa bahay maliban sa isang banga ng langis.”+ 3 Sinabi ni Eliseo: “Lumabas ka, humingi ka ng mga lalagyan sa mga kapitbahay mo, mga lalagyang walang laman. Kumuha ka ng pinakamaraming makukuha mo. 4 Pagkatapos, pumasok kayong mag-iina sa bahay at isara mo ang pinto. Punuin mo ng langis ang lahat ng lalagyan, at itabi mo ang mga punô na.” 5 At umalis na ang babae.
Pumasok silang mag-iina sa bahay at isinara niya ang pinto. Iniaabot sa kaniya ng mga anak niya ang mga lalagyan, at nilalagyan naman niya ng langis ang mga ito.+ 6 Nang mapuno na ang mga lalagyan, sinabi niya sa isa sa mga anak niya: “Abutan mo pa ako ng lalagyan.”+ Pero sinabi nito: “Wala na pong lalagyan.” At naubos na ang langis.+ 7 Kaya pumunta siya sa lingkod ng tunay na Diyos at sinabi niya ang nangyari. Sinabi nito: “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang mga utang mo. Mabubuhay na kayong mag-iina sa matitira.”
8 Isang araw, pumunta si Eliseo sa Sunem,+ kung saan may isang kilalang babae, at pinilit siya nito na kumain doon.+ Sa tuwing mapapadaan siya sa lugar na iyon, kumakain siya roon. 9 Kaya sinabi ng babae sa asawa niya: “Alam kong isang banal na lingkod ng Diyos ang palaging dumadaan dito. 10 Pakisuyo, gumawa tayo ng isang maliit na kuwarto sa bubungan+ at maglagay tayo roon ng isang higaan, isang mesa, isang upuan, at isang patungan ng lampara. Sa tuwing darating siya, puwede siyang tumuloy roon.”+
11 Isang araw, nang dumating siya, tumuloy siya sa kuwarto sa bubungan at humiga roon. 12 Pagkatapos, sinabi niya sa tagapaglingkod niyang si Gehazi:+ “Tawagin mo ang babaeng Sunamita.”+ Kaya tinawag nito ang babae, at pumunta sa kaniya ang babae. 13 At sinabi ni Eliseo kay Gehazi: “Pakisabi mo sa babae, ‘Ang dami mo nang sakripisyo para sa amin.+ Ano ang puwede naming gawin para sa iyo?+ May gusto ka bang hilingin sa hari+ o sa pinuno ng hukbo? Ako ang kakausap.’” Pero sinabi ng babae: “Nakatira ako sa sarili kong bayan.” 14 Kaya sinabi ni Eliseo: “Ano kaya ang puwede nating gawin para sa kaniya?” Sinabi ngayon ni Gehazi: “Wala siyang anak na lalaki,+ at matanda na ang asawa niya.” 15 Agad niyang sinabi: “Tawagin mo siya.” Kaya tinawag ito ni Gehazi, at tumayo ito sa may pintuan. 16 Pagkatapos, sinabi ni Eliseo: “Sa ganitong panahon sa susunod na taon, may kakargahin ka nang anak na lalaki.”+ Pero sinabi nito: “Huwag, panginoon ko, lingkod ng tunay na Diyos! Huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.”
17 Pero nagdalang-tao ang babae at nagsilang ng isang anak na lalaki nang panahon ding iyon nang sumunod na taon, gaya ng sinabi sa kaniya ni Eliseo. 18 Lumaki ang bata, at isang araw, pumunta siya sa ama niya, na kasama ng mga manggagapas. 19 Paulit-ulit niyang sinasabi sa kaniyang ama: “Ang ulo ko! Ang sakit ng ulo ko!” Sinabi ng ama niya sa tagapaglingkod: “Dalhin mo siya sa kaniyang ina.” 20 Kaya binuhat niya ang bata at dinala ito sa kaniyang ina. Kumandong ang bata sa kaniyang ina hanggang tanghali, at ito ay namatay.+ 21 Pagkatapos, umakyat ang ina at inilagay ang bata sa higaan ng lingkod ng tunay na Diyos,+ at isinara niya ang pinto at umalis siya. 22 At tinawag niya ang asawa niya at sinabi: “Pakisuyong papuntahin mo sa akin ang isa sa mga tagapaglingkod kasama ang isang asno, at hayaan mo akong makapunta agad sa lingkod ng tunay na Diyos at makabalik uli.” 23 Pero sinabi ng asawa niya: “Bakit ka pupunta sa kaniya ngayon? Hindi naman bagong buwan+ o sabbath.” Pero sinabi ng babae: “Huwag kang mag-alala.” 24 Kaya nilagyan niya ng síya* ang asno at sinabi sa tagapaglingkod niya: “Bilisan mo ang pagpapatakbo. Huwag mong babagalan para sa akin malibang sabihin ko sa iyo.”
25 Pumunta siya sa lingkod ng tunay na Diyos sa Bundok Carmel. Nang makita siya ng lingkod ng tunay na Diyos mula sa malayo, sinabi nito kay Gehazi na tagapaglingkod: “Tingnan mo! Parating ang babaeng Sunamita. 26 Pakisuyo, tumakbo ka at salubungin mo siya. Tanungin mo siya, ‘Ayos ka lang ba? Ayos lang ba ang asawa at anak mo?’” Sinabi ng babae nang tanungin siya: “Ayos naman.” 27 Nang dumating ang babae sa lingkod ng tunay na Diyos sa bundok, hinawakan niya agad ang mga paa nito.+ Lumapit si Gehazi para itaboy siya, pero sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos: “Pabayaan mo siya, dahil naghihirap ang kalooban niya. Hindi ko alam kung bakit, dahil hindi sinabi sa akin ni Jehova.” 28 Sinabi ng babae: “Humingi ba ako ng anak na lalaki sa panginoon ko? Hindi ba sinabi ko, ‘Huwag mo akong paaasahin’?”+
29 Sinabi niya agad kay Gehazi: “Ibigkis mo ang damit mo sa baywang mo+ at dalhin mo ang tungkod ko at umalis ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong batiin; at kung may bumati sa iyo, huwag mong sagutin. Ipatong mo ang tungkod ko sa mukha ng bata.” 30 Sinabi ng ina ng bata: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.”+ Kaya sumama siya sa babae. 31 Nauna si Gehazi sa kanila at ipinatong niya ang tungkod sa mukha ng bata, pero wala itong imik at walang reaksiyon.+ Bumalik siya at sinalubong si Eliseo at sinabi rito: “Hindi gumising ang bata.”
32 Pagdating ni Eliseo sa bahay, nakita niya sa higaan niya ang batang namatay.+ 33 Pumasok siya sa kuwarto at isinara ang pinto. Siya at ang bata lang ang naroon. At nanalangin siya kay Jehova.+ 34 Pagkatapos, sumampa siya sa higaan at dumapa sa bata at idinikit ang bibig niya sa bibig ng bata, ang mga mata niya sa mga mata nito, at ang mga palad niya sa mga palad nito, at nanatili siyang nakadapa sa bata, at ang katawan ng bata ay unti-unting uminit.+ 35 Naglakad siya nang paroo’t parito sa loob ng bahay, at sumampa siya sa higaan at dumapa ulit sa bata. Bumahin ang bata nang pitong ulit at dumilat.+ 36 Tinawag ngayon ni Eliseo si Gehazi at sinabi rito: “Tawagin mo ang babaeng Sunamita.” Kaya tinawag ito ni Gehazi at pumunta roon ang babae. Pagkatapos, sinabi ni Eliseo: “Kunin mo na ang anak mo.”+ 37 At pumasok ang babae at sumubsob sa paanan niya at yumukod sa sahig sa harap ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha niya ang anak niya at lumabas.
38 Pagbalik ni Eliseo sa Gilgal, may taggutom sa lupain.+ Nakaupo sa harap niya ang mga anak ng mga propeta,+ at sinabi niya sa tagapaglingkod niya:+ “Isalang mo ang malaking lutuan at magpakulo ka ng sabaw para sa mga anak ng mga propeta.” 39 Kaya isa sa kanila ang pumunta sa parang para manguha ng mga malva,* at nakakita siya ng mga halamang ligáw at nanguha ng mga bunga nito hanggang sa mapuno ang damit niya. Bumalik siya at hiniwa iyon at inihulog sa lutuan, pero hindi niya alam kung ano ang mga iyon. 40 Pagkatapos, inihain nila iyon para makain ng mga lalaki, pero nang matikman nila iyon, sinabi nila: “May lason ang pagkain, O lingkod ng tunay na Diyos!” Kaya hindi nila iyon makain. 41 Kaya sinabi niya: “Kumuha kayo ng harina.” Pagkalagay niya nito sa lutuan, sinabi niya: “Ihain ninyo ito sa mga tao.” At nawala ang lason sa pagkaing nasa lutuan.+
42 Isang lalaki mula sa Baal-salisa+ ang dumating at may dala siyang 20 tinapay na gawa sa unang bunga ng sebada+ at isang supot ng bagong-aning sebada para sa lingkod ng tunay na Diyos.+ Pagkatapos, sinabi ni Eliseo: “Ibigay mo iyon sa mga tao para makakain sila.” 43 Pero sinabi ng tagapaglingkod niya: “Paano ko ito pagkakasyahin sa 100 lalaki?”+ Sumagot siya: “Ibigay mo iyan sa mga tao para makakain sila, dahil sinabi ni Jehova, ‘Kakain sila at may matitira pa.’”+ 44 Kaya inihain niya iyon sa kanila, at kumain sila at may natira pa,+ gaya ng sinabi ni Jehova.
5 Si Naaman na pinuno ng hukbo ng hari ng Sirya ay isang kilalang lalaki. Mataas ang tingin sa kaniya ng panginoon niya, dahil sa pamamagitan niya ay pinagtagumpay* ni Jehova ang Sirya. Isa siyang magiting na mandirigma, pero may ketong siya.* 2 Sa isa sa mga pagsalakay ng mga Siryano, nabihag nila mula sa lupain ng Israel ang isang batang babae na naging alipin ng asawa ni Naaman. 3 Sinabi ng bata sa amo niyang babae: “Kung makakapunta lang ang panginoon ko sa propetang+ nasa Samaria, pagagalingin ng propeta ang ketong niya!”+ 4 Kaya pumunta siya* sa kaniyang panginoon at binanggit ang sinabi ng batang babae mula sa Israel.
5 Sinabi ng hari ng Sirya: “Pumunta ka na ngayon! Magpapadala ako ng liham sa hari ng Israel.” Kaya umalis ito at nagdala ng 10 talento* ng pilak, 6,000 pirasong ginto, at 10 damit. 6 Dinala niya sa hari ng Israel ang liham. Ganito ang nakasulat: “Kasabay ng liham na ito, isinugo ko ang lingkod kong si Naaman para pagalingin mo ang ketong niya.” 7 Pagkabasa ng hari ng Israel sa liham, pinunit niya ang damit niya at sinabi: “Diyos ba ako para pumatay o magligtas ng buhay?+ Pinapunta niya ang lalaking ito sa akin para pagalingin ang ketong niya! Kitang-kita ninyong naghahanap siya ng away.”
8 Nang mabalitaan ni Eliseo na lingkod ng tunay na Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang damit nito, nagpadala agad siya ng mensahe sa hari: “Bakit mo pinunit ang damit mo? Pakisuyo, papuntahin mo siya sa akin para malaman niya na may propeta sa Israel.”+ 9 Kaya nagpunta si Naaman kasama ang kaniyang mga kabayo at mga karwaheng pandigma at tumayo sa pasukan ng bahay ni Eliseo. 10 Pero isang mensahero ang pinapunta ni Eliseo para sabihin sa kaniya: “Pumunta ka sa Jordan+ at lumublob ka roon nang pitong beses,+ at babalik sa dati ang laman mo at magiging malinis ka.” 11 Nagalit si Naaman at umalis at nagsabi: “Naisip ko pa naman, ‘Lalabas siya at tatayo sa harap ko at tatawag sa pangalan ni Jehova na kaniyang Diyos habang iwinawasiwas ang kamay niya sa ibabaw ng ketong para pagalingin ito.’ 12 Hindi ba ang Abana at ang Parpar, na mga ilog ng Damasco,+ ay mas mabuti kaysa sa lahat ng ilog sa Israel? Hindi ba ako puwedeng lumublob doon at luminis?” At umalis siyang galit na galit.
13 Nilapitan siya ng mga lingkod niya at sinabi: “Ama ko, kung mahirap ang ipinagawa sa iyo ng propeta, hindi ba gagawin mo iyon? Kaya lalo na ito. Ang sinabi lang naman niya sa iyo, ‘Lumublob ka sa tubig at magiging malinis ka.’” 14 Kaya lumusong siya at lumublob sa Jordan nang pitong beses gaya ng sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos.+ Pagkatapos, ang laman niya ay naging gaya ng laman ng isang bata,+ at naging malinis siya.+
15 Kaya bumalik siya sa lingkod ng tunay na Diyos,+ siya at ang lahat ng kasama* niya, at tumayo siya sa harap nito at nagsabi: “Alam ko na ngayon na walang Diyos saanman sa lupa maliban sa Israel.+ Pakisuyong tanggapin mo ang isang regalo* mula sa iyong lingkod.” 16 Pero sinabi ni Eliseo: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova na pinaglilingkuran ko,* hindi ko tatanggapin iyan.”+ Pinilit nito si Eliseo na tanggapin ang regalo, pero paulit-ulit niya itong tinanggihan. 17 Kaya sinabi ni Naaman: “Kung ayaw mong tanggapin ang regalo, pakisuyong bigyan mo ang lingkod mo mula sa lupaing ito ng lupang mapapasan ng dalawang mula,* dahil ang lingkod mo ay hindi na mag-aalay ng handog na sinusunog o ng hain sa sinumang diyos maliban kay Jehova. 18 Pero patawarin sana ni Jehova ang iyong lingkod sa isang bagay na ito: Kapag pumupunta ang panginoon ko sa bahay* ni Rimon para yumukod doon, humahawak siya sa braso ko, kaya kailangan ko ring yumukod sa bahay ni Rimon. Kapag yumuyukod ako sa bahay ni Rimon, patawarin sana ni Jehova ang iyong lingkod.” 19 Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Umuwi kang payapa.” At umalis na siya. Nang malayo-layo na siya, 20 naisip ni Gehazi+ na tagapaglingkod ni Eliseo na lingkod ng tunay na Diyos:+ ‘Pinauwi ng panginoon ko ang Siryanong si Naaman+ nang hindi tinatanggap ang dala nito. Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, hahabulin ko siya at hihingi ako mula sa dala niya.’ 21 Kaya hinabol ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman na may humahabol sa kaniya, bumaba siya sa karwahe niya para salubungin ito. Sinabi niya: “May problema ba?” 22 Sumagot ito: “Wala naman po. Pinasunod ako ng panginoon ko para sabihin sa inyo, ‘May biglang dumating na dalawang lalaki na mga anak ng mga propeta at galing sila sa mabundok na rehiyon ng Efraim. Pakisuyong bigyan mo sila ng isang talento ng pilak at dalawang damit.’”+ 23 Sinabi ni Naaman: “Sige, kumuha ka ng dalawang talento.” Pinilit niya si Gehazi,+ at inilagay niya ang dalawang talento ng pilak sa dalawang supot, kasama ang dalawang damit. Ipinadala niya ito sa dalawa niyang tagapaglingkod, na lumakad sa unahan ni Gehazi.
24 Pagdating niya sa Opel,* kinuha niya ang mga ito mula sa kanila at inilagay sa bahay at pinaalis ang mga lalaki. Pagkaalis nila, 25 pumasok siya at tumayo sa tabi ng panginoon niya. Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Saan ka galing, Gehazi?” Pero sinabi niya: “Hindi naman umalis ang iyong lingkod.”+ 26 Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Alam ko na bumaba ang lalaki mula sa karwahe niya para salubungin ka. Panahon ba ito para tumanggap ng pilak o tumanggap ng mga damit o ng mga taniman ng olibo o ng mga ubasan o ng mga tupa o ng mga baka o ng mga aliping lalaki o babae?+ 27 Kaya ang ketong ni Naaman+ ay kakapit sa iyo at sa mga inapo mo magpakailanman.” Agad siyang umalis na namumuting parang niyebe dahil sa ketong.+
6 Sinabi kay Eliseo ng mga anak ng mga propeta:+ “Masikip para sa atin ang tinitirhan natin. 2 Pakisuyo, hayaan mo kaming pumunta sa Jordan. Kukuha kami roon ng tig-iisang troso at magtatayo roon ng matitirhan natin.” Sinabi niya: “Sige.” 3 Sinabi ng isa sa kanila: “Pakisuyo, samahan mo ang iyong mga lingkod.” Sumagot siya: “Sasama ako.” 4 Kaya sumama siya sa kanila, at nakarating sila sa Jordan at pumutol ng mga puno. 5 Habang pumuputol ng puno ang isa sa kanila, tumilapon sa tubig ang ulo ng palakol. Napasigaw ito: “Naku, panginoon ko, hiram lang iyon!” 6 Sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos: “Saan iyon bumagsak?” Kaya itinuro nito sa kaniya kung saan. At pumutol siya ng isang piraso ng kahoy at inihagis iyon doon at pinalutang ang ulo ng palakol. 7 Sinabi niya: “Kunin mo.” Kaya inabot niya iyon at kinuha.
8 Nakipagdigma ang hari ng Sirya sa Israel.+ Sumangguni siya sa mga lingkod niya at sinabi sa kanila: “Sa ganito at ganoong lugar tayo magkakampo.” 9 Ipinasabi ng lingkod ng tunay na Diyos+ sa hari ng Israel: “Huwag kang dadaan sa lugar na iyon, dahil doon dadaan ang mga Siryano.” 10 Kaya ang hari ng Israel ay nagpadala ng mensahe sa mga tauhan niya na nasa lugar na binanggit ng lingkod ng tunay na Diyos. Paulit-ulit itong nagbabala sa hari, at ilang ulit* niyang iniwasan ang lugar na iyon.+
11 Galit na galit ang hari* ng Sirya, kaya ipinatawag niya ang mga lingkod niya at sinabi sa kanila: “Sabihin ninyo! Sino rito ang kakampi ng hari ng Israel?” 12 Sumagot ang isa sa mga lingkod niya: “Wala, panginoon kong hari! Si Eliseo na propeta sa Israel ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga bagay na sinasabi ninyo sa inyong kuwarto.”+ 13 Sinabi niya: “Alamin ninyo kung nasaan siya, at ipahuhuli ko siya.” Nang maglaon, iniulat sa kaniya: “Nasa Dotan siya.”+ 14 Nagpadala agad siya roon ng mga kabayo at mga karwaheng pandigma at ng isang malaking hukbo; dumating sila nang gabi at pumalibot sa lunsod.
15 Maagang bumangon ang tagapaglingkod ng lingkod ng tunay na Diyos. At paglabas niya, nakita niyang nakapalibot sa lunsod ang isang hukbo na may mga kabayo at mga karwaheng pandigma. Sinabi niya agad kay Eliseo: “Naku, panginoon ko! Ano ang gagawin natin?” 16 Pero sinabi nito: “Huwag kang matakot!+ Dahil mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.”+ 17 Pagkatapos, nanalangin si Eliseo: “O Jehova, pakisuyo, idilat mo ang mga mata niya para makakita siya.”+ Agad na idinilat ni Jehova ang mga mata ng tagapaglingkod, at nakakita ito. Nakita niyang punô ng mga kabayo at mga karwaheng pandigma na nag-aapoy+ ang mabundok na rehiyon sa palibot ni Eliseo.+
18 Nang papalapit na kay Eliseo ang mga Siryano, nanalangin siya kay Jehova: “Pakisuyo, bulagin mo ang mga taong ito.”*+ Kaya binulag niya sila, gaya ng hiniling ni Eliseo. 19 Sinabi sa kanila ni Eliseo: “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sundan ninyo ako, at ihahatid ko kayo sa lalaking hinahanap ninyo.” Pero inihatid niya sila sa Samaria.+
20 Pagdating nila sa Samaria, sinabi ni Eliseo: “O Jehova, idilat mo ang mga mata nila para makakita sila.” Kaya idinilat ni Jehova ang mga mata nila, at nakita nila na nasa gitna sila ng Samaria. 21 Nang makita sila ng hari ng Israel, sinabi nito kay Eliseo: “Papatayin ko ba sila, papatayin ko ba sila, ama ko?” 22 Pero sinabi niya: “Huwag mo silang patayin. Pinapatay mo ba ang mga nabihag mo sa pamamagitan ng iyong espada at pana? Bigyan mo sila ng tinapay at tubig para makakain sila at makainom+ at makabalik sa panginoon nila.” 23 Kaya naghanda ang hari ng maraming pagkain para sa kanila, at kumain sila at uminom. Pagkatapos, pinabalik niya sila sa kanilang panginoon. At hindi na muling bumalik sa lupain ng Israel ang mga grupo ng mga mandarambong na Siryano.+
24 Pagkatapos, tinipon ni Ben-hadad na hari ng Sirya ang buong hukbo* niya at pumunta sila sa Samaria at pinalibutan ito.+ 25 Kaya nagkaroon ng matinding taggutom+ sa Samaria, at pinalibutan nila ito hanggang sa ang isang ulo ng asno+ ay nagkakahalaga na ng 80 pirasong pilak, at ang sangkapat na kab* ng dumi ng kalapati ay nagkakahalaga ng 5 pirasong pilak. 26 Habang dumadaan ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader, isang babae ang sumigaw sa kaniya: “Tulungan mo kami, O panginoon kong hari!” 27 Sinabi ng hari: “Kung hindi ka tinutulungan ni Jehova, paano kita matutulungan? May makukuha ba ako sa giikan o sa pisaan ng ubas o sa pisaan para sa langis?” 28 Tinanong ng hari ang babae: “Ano ba ang problema mo?” Sumagot ito: “Sinabi ng babaeng ito sa akin, ‘Ibigay mo ang anak mo, at kakainin natin siya ngayon, at bukas, kakainin natin ang anak ko.’+ 29 Kaya pinakuluan namin ang anak ko at kinain siya.+ Kinabukasan, sinabi ko sa kaniya, ‘Ibigay mo ang anak mo para makain natin siya.’ Pero itinago niya ang anak niya.”
30 Nang marinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang damit niya.+ Sa pagdaan niya sa ibabaw ng pader, nakita ng bayan na may suot siyang telang-sako sa ilalim ng damit niya. 31 Pagkatapos, sinabi niya: “Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung sa araw na ito ay hindi ko papupugutan ng ulo si Eliseo na anak ni Sapat!”+
32 Nakaupo si Eliseo sa bahay niya, at ang matatandang lalaki ay nakaupong kasama niya. Nagsugo ang hari ng isang mensahero na mauuna sa kaniya, pero bago ito dumating, sinabi ni Eliseo sa matatandang lalaki: “Ang anak ng mamamatay-taong ito+ ay nagsugo ng pupugot sa ulo ko. Pagdating ng mensahero, isara ninyo ang pinto, at huwag ninyo siyang papapasukin. Hindi ba ninyo naririnig ang mga yabag ng panginoon niya sa likuran niya?” 33 Habang nagsasalita pa siya sa kanila, dumating ang mensahero, at sinabi ng hari: “Ang kapahamakang ito ay galing kay Jehova. Bakit pa ako maghihintay kay Jehova?”
7 Sinabi ngayon ni Eliseo: “Pakinggan ninyo ang sinabi ni Jehova. Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Bukas ng mga ganitong oras sa pintuang-daan* ng Samaria, magiging isang siklo* ang halaga ng isang seah* ng magandang klase ng harina, at isang siklo ang dalawang seah ng sebada.’”+ 2 Ang ayudanteng* pinagkakatiwalaan ng hari ay nagsabi sa lingkod ng tunay na Diyos: “Kahit na buksan pa ni Jehova ang mga pintuan ng tubig sa langit, imposibleng mangyari iyan!”*+ Sumagot siya: “Makikita iyon ng sarili mong mga mata,+ pero hindi ka kakain ng mga iyon.”+
3 May apat na ketongin sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod,+ at sinabi nila sa isa’t isa: “Bakit nakaupo lang tayo rito at naghihintay na mamatay? 4 Kung papasok tayo sa lunsod habang may taggutom sa lunsod,+ mamamatay tayo roon. At kung uupo lang tayo rito, mamamatay rin tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Siryano. Kung hindi nila tayo patayin, ligtas tayo, pero kung patayin nila tayo, ganoon talaga.” 5 Kaya umalis sila nang gumabi na at pumunta sa kampo ng mga Siryano. Pagdating nila sa hangganan ng kampo ng mga Siryano, nakita nilang walang katao-tao roon.
6 Bago nito, nagparinig si Jehova sa kampo ng mga Siryano ng ingay ng mga karwaheng pandigma at mga kabayo, ng ingay ng isang malaking hukbo.+ Kaya sinabi ng mga ito sa isa’t isa: “Binayaran ng hari ng Israel ang mga hari ng mga Hiteo at ang mga hari ng Ehipto para salakayin tayo!” 7 Tumakas agad ang mga ito nang gabing iyon at basta na lang iniwan ang kanilang mga tolda, kabayo, asno, at ang buong kampo para iligtas ang buhay* nila.
8 Pagdating ng mga ketongin sa hangganan ng kampo, pumasok sila sa isang tolda at kumain at uminom. Kumuha sila roon ng pilak, ginto, at mga damit at umalis at itinago ang mga iyon. Pagkatapos, bumalik sila at pumasok sa isa pang tolda at kumuha ng mga bagay roon at umalis at itinago ang mga iyon.
9 Bandang huli, sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi tama ang ginagawa natin. Dapat nating sabihin sa iba ang magandang balitang ito! Kung hindi tayo kikilos agad at maghihintay pa tayo hanggang sa lumiwanag na, tiyak na paparusahan tayo. Tara na! Ibalita natin ito sa bahay ng hari.” 10 Kaya umalis sila at sinabi sa mga bantay ng pintuang-daan ng lunsod: “Pumasok kami sa kampo ng mga Siryano, pero walang katao-tao roon—napakatahimik. Ang naroon lang ay mga kabayo at mga asno na nakatali at mga tolda na basta na lang iniwan.” 11 Agad na isinigaw ng mga bantay ng pintuang-daan ang balita at ipinarating ito sa bahay ng hari.
12 Agad na bumangon ang hari nang gabing iyon at nagsabi sa mga lingkod niya: “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang balak gawin sa atin ng mga Siryano. Alam nilang gutom tayo,+ kaya iniwan nila ang kampo para magtago sa parang. Iniisip nila, ‘Lalabas sila ng lunsod, at huhulihin natin sila nang buháy, at papasok tayo sa lunsod.’”+ 13 Sinabi ng isa sa mga lingkod niya: “Pakisuyo, ipadala mo sa ilang lalaki ang lima sa natitirang mga kabayo sa lunsod. Tutal, ang kahihinatnan nila ay katulad din ng mangyayari sa lahat ng Israelitang nandito; magiging gaya lang din sila ng lahat ng Israelita na namatay na. Isugo natin sila para malaman natin kung ano talaga ang nangyari.” 14 Kaya kumuha sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo, at isinugo sila ng hari sa kampo ng mga Siryano. Sinabi niya: “Pumunta kayo roon at tingnan ninyo.” 15 Sinundan nila ang mga ito hanggang sa Jordan. Nagkalat sa daan ang mga damit at kagamitang itinapon ng mga Siryano dahil sa pagkataranta noong tumatakas ang mga ito. Bumalik ang mga mensahero at iniulat ito sa hari.
16 At lumabas ang bayan at pinagkukuha ang mga pag-aari ng mga Siryano sa kampo. Kaya ang halaga ng isang seah ng magandang klase ng harina ay naging isang siklo, at ang halaga ng dalawang seah ng sebada ay naging isang siklo, gaya ng sinabi ni Jehova.+ 17 Inatasan ng hari ang ayudanteng pinagkakatiwalaan niya na bantayan ang pintuang-daan, pero napagtatapakan siya ng mga tao sa pintuang-daan at namatay siya, gaya ng sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos sa hari nang pumunta ang hari sa kaniya. 18 Nangyari ang eksaktong sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos sa hari: “Magiging isang siklo ang halaga ng dalawang seah ng sebada, at isang siklo ang isang seah ng magandang klase ng harina sa ganitong oras bukas sa pintuang-daan ng Samaria.”+ 19 Pero sinabi ng ayudante sa lingkod ng tunay na Diyos: “Kahit na buksan pa ni Jehova ang mga pintuan ng tubig sa langit, imposibleng mangyari iyan!”* At sinabi naman ni Eliseo: “Makikita iyon ng sarili mong mga mata, pero hindi ka kakain ng mga iyon.” 20 Ganiyan mismo ang nangyari sa kaniya, dahil napagtatapakan siya ng mga tao sa pintuang-daan hanggang sa mamatay siya.
8 Sinabi ni Eliseo sa ina ng batang binuhay niyang muli:+ “Pumunta kayo ng sambahayan mo saanman kayo puwedeng manirahan bilang dayuhan, dahil sinabi ni Jehova na magkakaroon ng taggutom+ sa lupain sa loob ng pitong taon.” 2 At sinunod ng babae ang sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos. Siya at ang sambahayan niya ay nanirahan sa lupain ng mga Filisteo+ nang pitong taon.
3 Makalipas ang pitong taon, bumalik ang babae mula sa lupain ng mga Filisteo at nakiusap sa hari na ibalik sa kaniya ang kaniyang bahay at lupa. 4 Nakikipag-usap noon ang hari kay Gehazi na tagapaglingkod ng lingkod ng tunay na Diyos. Sinabi ng hari: “Pakisuyo, ikuwento mo sa akin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Eliseo.”+ 5 Habang ikinukuwento niya sa hari kung paano binuhay-muli ni Eliseo ang patay,+ lumapit sa hari ang ina ng batang binuhay-muli nito at nakiusap ang babae na ibalik sa kaniya ang kaniyang bahay at lupa.+ Agad na sinabi ni Gehazi: “Panginoon kong hari, siya ang babae, at ito ang anak niya na binuhay-muli ni Eliseo.” 6 Tinanong ng hari ang babae, at ikinuwento nito ang nangyari. Pagkatapos, inutusan ng hari ang isang opisyal sa palasyo na tulungan ang babae. Sinabi ng hari: “Ibalik mo ang lahat ng pag-aari niya at ang lahat ng inani sa bukid niya mula nang umalis siya rito hanggang sa pagbabalik niya ngayon.”
7 Pumunta si Eliseo sa Damasco+ noong may sakit ang hari ng Sirya na si Ben-hadad.+ May nagbalita sa hari: “Nandito ang lingkod ng tunay na Diyos.”+ 8 Kaya sinabi ng hari kay Hazael:+ “Magdala ka ng regalo at puntahan mo ang lingkod ng tunay na Diyos.+ Sumangguni ka kay Jehova sa pamamagitan niya. Itanong mo, ‘Gagaling ba ako sa sakit na ito?’” 9 Pinuntahan siya ni Hazael at may dala itong regalo, iba’t ibang magagandang bagay mula sa Damasco na mapapasan ng 40 kamelyo. Humarap ito kay Eliseo at nagsabi: “Isinugo ako ng iyong anak, ang hari ng Sirya na si Ben-hadad, para itanong sa iyo, ‘Gagaling ba ako sa sakit na ito?’” 10 Sinabi rito ni Eliseo: “Sabihin mo sa kaniya, ‘Gagaling ka,’ pero ipinakita sa akin ni Jehova na mamamatay siya.”+ 11 At tinitigan niya ito hanggang sa mahiya ito. Pagkatapos, umiyak ang lingkod ng tunay na Diyos. 12 Nagtanong si Hazael: “Bakit umiiyak ang panginoon ko?” Sumagot siya: “Dahil alam ko ang kasamaang gagawin mo sa Israel.+ Susunugin mo ang mga tanggulan nila, papatayin mo sa pamamagitan ng espada ang piling mga lalaki nila, pagluluray-lurayin mo ang mga anak nila, at lalaslasin mo ang tiyan ng mga nagdadalang-tao sa kanila.”+ 13 Sinabi ni Hazael: “Paano magagawa iyan ng iyong lingkod, na isang aso lang?” Pero sinabi ni Eliseo: “Ipinakita sa akin ni Jehova na magiging hari ka ng Sirya.”+
14 Pagkatapos, iniwan niya si Eliseo at bumalik sa sarili niyang panginoon, na nagtanong sa kaniya: “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?” Sumagot siya: “Sinabi niya sa akin na gagaling ka.”+ 15 Pero kinabukasan, kumuha si Hazael ng isang kubrekama, inilublob iyon sa tubig, at itinakip* sa mukha ng hari hanggang sa mamatay ito.+ At naging hari si Hazael kapalit nito.+
16 Noong ikalimang taon ni Jehoram+ na anak ni Ahab na hari ng Israel, samantalang si Jehosapat ay hari ng Juda, si Jehoram+ na anak ni Haring Jehosapat ng Juda ay naging hari. 17 Siya ay 32 taóng gulang nang maging hari, at walong taon siyang namahala sa Jerusalem. 18 Tinularan niya ang mga hari ng Israel,+ gaya ng ginawa ng mga nasa sambahayan ni Ahab,+ dahil napangasawa niya ang anak ni Ahab;+ at patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova.+ 19 Pero hindi gustong lipulin ni Jehova ang Juda alang-alang kay David na lingkod niya,+ dahil nangako siyang magbibigay ng lampara kay David+ at sa mga anak nito at hindi ito mawawala sa kanila.
20 Noong panahon niya, nagrebelde ang Edom sa Juda+ at nagluklok ng sarili nitong hari.+ 21 Kaya tumawid si Jehoram sa Zair kasama ang lahat ng kaniyang karwahe at sumalakay nang gabi at tinalo ang mga Edomita na pumalibot sa kaniya at sa mga pinuno ng mga karwahe; at ang mga sundalo ay tumakas papunta sa mga tolda nila. 22 Pero hanggang ngayon, patuloy na nagrerebelde ang Edom sa Juda. Nagrebelde rin ang Libna+ nang panahong iyon.
23 At ang iba pang nangyari kay Jehoram, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 24 Pagkatapos, si Jehoram ay namatay* at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David.+ At ang anak niyang si Ahazias+ ang naging hari kapalit niya.
25 Nang ika-12 taon ni Jehoram na anak ni Ahab na hari ng Israel, si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ng Juda ay naging hari.+ 26 Si Ahazias ay 22 taóng gulang nang maging hari, at isang taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Athalia+ na apo* ni Haring Omri+ ng Israel. 27 Tinularan niya ang sambahayan ni Ahab+ at patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, gaya ng sambahayan ni Ahab, dahil kapamilya siya ni Ahab.+ 28 Sumama siya kay Jehoram na anak ni Ahab para makipagdigma kay Haring Hazael ng Sirya sa Ramot-gilead,+ pero nasugatan ng mga Siryano si Jehoram.+ 29 Kaya bumalik si Haring Jehoram sa Jezreel+ para magpagaling ng sugat na natamo niya sa mga Siryano sa Rama nang lumaban siya kay Haring Hazael ng Sirya.+ Pumunta sa Jezreel si Ahazias na anak ni Jehoram na hari ng Juda para dalawin si Jehoram na anak ni Ahab, dahil nasugatan* ito.
9 Pagkatapos, tinawag ng propetang si Eliseo ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi rito: “Ibigkis mo sa baywang mo ang damit mo, at dalhin mo ang langis na ito at pumunta ka kaagad sa Ramot-gilead.+ 2 Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu+ na anak ni Jehosapat na anak ni Nimsi; pumasok ka at ihiwalay mo siya sa iba pang mga pinuno at dalhin mo siya sa kaloob-loobang silid. 3 Pagkatapos, kunin mo ang langis at ibuhos mo iyon sa ulo niya at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Inaatasan* kita bilang hari sa Israel.”’+ Pagkatapos, buksan mo ang pinto at umalis ka kaagad.”
4 Kaya pumunta sa Ramot-gilead ang tagapaglingkod ng propeta. 5 Pagdating niya roon, nakaupo ang mga pinuno ng hukbo. Sinabi niya: “May mensahe ako para sa iyo, O pinuno.” Nagtanong si Jehu: “Kanino sa amin?” Sinabi niya: “Para sa iyo, O pinuno.” 6 Kaya tumayo si Jehu at pumasok sa bahay; ibinuhos ng tagapaglingkod ang langis sa ulo niya at sinabi sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Inaatasan* kita bilang hari sa bayan ni Jehova, sa Israel.+ 7 Lipulin mo ang sambahayan ng panginoon mong si Ahab, at ipaghihiganti ko ang dugo ng mga lingkod kong propeta at ang dugo ng lahat ng lingkod ni Jehova na pinatay ni Jezebel.+ 8 At mapupuksa ang buong sambahayan ni Ahab; at lilipulin ko ang lahat ng lalaki* sa sambahayan ni Ahab, pati na ang mga hamak at mahihina sa Israel.+ 9 At ang sambahayan ni Ahab ay gagawin kong gaya ng sambahayan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat at gaya ng sambahayan ni Baasa+ na anak ni Ahias. 10 Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain sa Jezreel,+ at walang maglilibing sa kaniya.’” Pagkatapos, binuksan ng tagapaglingkod ang pinto at tumakbo paalis.+
11 Pagbalik ni Jehu sa mga lingkod ng panginoon niya, tinanong siya ng mga ito: “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot siya: “Kilala naman ninyo ang lalaking iyon. Kung ano-ano lang ang sinasabi niya.” 12 Pero sinabi ng mga ito: “Hindi totoo iyan! Sige na, sabihin mo sa amin.” Sinabi niya: “Ito ang mensahe niya sa akin, at idinagdag pa niya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Inaatasan* kita bilang hari sa Israel.”’”+ 13 Agad na hinubad ng bawat isa sa kanila ang kani-kaniyang damit at inilatag ang mga iyon sa mga baytang na dadaanan niya,+ at hinipan nila ang tambuli at sinabi: “Si Jehu ay naging hari!”+ 14 Pagkatapos, si Jehu+ na anak ni Jehosapat na anak ni Nimsi ay nakipagsabuwatan laban kay Jehoram.
Si Jehoram at ang buong Israel ay nakabantay noon sa Ramot-gilead+ dahil kay Haring Hazael+ ng Sirya. 15 Nang maglaon, bumalik si Haring Jehoram sa Jezreel+ para magpagaling mula sa mga sugat na natamo niya sa mga Siryano nang makipaglaban siya kay Haring Hazael ng Sirya.+
Sinabi ngayon ni Jehu: “Kung kakampi ko kayo, huwag ninyong hayaang makatakas ang sinuman mula sa lunsod para ibalita ito sa Jezreel.” 16 Pagkatapos, sumakay si Jehu sa karwahe niya at nagpunta sa Jezreel, dahil si Jehoram ay nagpapagaling doon, at si Haring Ahazias ng Juda ay pumunta roon para dalawin si Jehoram. 17 Habang nakatayo ang bantay sa tore sa Jezreel, nakita niya ang malaking pangkat ni Jehu na paparating. Agad niyang sinabi: “May nakikita akong malaking pangkat ng mga lalaki.” Sinabi ni Jehoram: “Magsugo ka ng kabalyero para salubungin sila at sabihin, ‘Kapayapaan ba ang dala ninyo?’” 18 Kaya sinalubong siya ng mangangabayo at sinabi: “Ito ang sinabi ng hari, ‘Kapayapaan ba ang dala ninyo?’” Pero sinabi ni Jehu: “Ano ang alam mo sa ‘kapayapaan’? Pumunta ka sa likuran ko!”
Iniulat ng bantay: “Nakarating sa kanila ang mensahero, pero hindi pa siya bumabalik.” 19 Kaya nagsugo siya ng ikalawang mangangabayo. Nang makarating ito sa kanila, sinabi nito: “Ito ang sinabi ng hari, ‘Kapayapaan ba ang dala ninyo?’” Pero sinabi ni Jehu: “Ano ang alam mo sa ‘kapayapaan’? Pumunta ka sa likuran ko!”
20 Iniulat ng bantay: “Nakarating siya sa kanila, pero hindi pa siya bumabalik. At ang pagpapatakbo ng pinuno nila ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu na apo* ni Nimsi, dahil nagpapatakbo siyang parang baliw.” 21 Sinabi ni Jehoram: “Ihanda ang karwahe!” Kaya inihanda ang kaniyang karwaheng pandigma. Si Haring Jehoram ng Israel at si Haring Ahazias+ ng Juda ay sumakay sa kani-kaniyang karwaheng pandigma para salubungin si Jehu. Nasalubong nila ito sa bukid ni Nabot+ na Jezreelita.
22 Pagkakita ni Jehoram kay Jehu, sinabi niya: “Kapayapaan ba ang dala mo, Jehu?” Pero sinabi nito: “Paano magkakaroon ng kapayapaan kung patuloy sa pakikiapid at pangkukulam* ang iyong inang si Jezebel?”+ 23 Agad na iniliko ni Jehoram ang karwahe niya para tumakas, at sinabi niya kay Ahazias: “Pinagtaksilan tayo, Ahazias!” 24 At kinuha ni Jehu ang kaniyang pana at pinana sa likod si Jehoram, at ang palaso ay tumagos sa puso nito, at bumagsak ito sa loob ng karwaheng pandigma nito. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa ayudante* niyang si Bidkar: “Buhatin mo siya at ihagis sa bukid ni Nabot na Jezreelita.+ Tandaan mo, magkasama tayong nagpapatakbo ng karwahe sa likod ng ama niyang si Ahab nang sabihin mismo ni Jehova ang hatol na ito laban sa kaniya:+ 26 ‘“Nakita ko kahapon ang dugo ni Nabot+ at ang dugo ng mga anak niya,” ang sabi ni Jehova. “Titiyakin kong magbabayad ka+ sa mismong bukid na ito,” ang sabi ni Jehova.’ Kaya ngayon, buhatin mo siya at ihagis sa bukid, gaya ng sinabi ni Jehova.”+
27 Nang makita ni Haring Ahazias+ ng Juda ang nangyayari, tumakas siya at dumaan sa isang malaking hardin.* (Nang maglaon, hinabol siya ni Jehu at sinabi: “Pabagsakin din siya!” At nasugatan nila siya habang nasa karwahe paakyat sa Gur, malapit sa Ibleam.+ Pero nagpatuloy pa siya sa pagtakas hanggang sa Megido, at doon siya namatay. 28 Pagkatapos, isinakay siya ng mga lingkod niya sa isang karwahe papuntang Jerusalem, at inilibing nila siya sa libingan niya kasama ng kaniyang mga ninuno sa Lunsod ni David.+ 29 Naging hari si Ahazias+ sa Juda noong ika-11 taon ni Jehoram na anak ni Ahab.)
30 Nang dumating si Jehu sa Jezreel,+ nalaman iyon ni Jezebel.+ Kaya kinulayan niya ng itim ang mga mata niya at inayusan ang ulo niya at dumungaw sa bintana. 31 Pagpasok ni Jehu sa pintuang-daan, sinabi ni Jezebel: “Napabuti ba si Zimri, ang pumatay sa kaniyang panginoon?”+ 32 Tumingala si Jehu sa bintana at nagsabi: “Sino ang kampi sa akin? Sino?”+ Dalawa o tatlong opisyal sa palasyo ang agad na dumungaw sa kaniya. 33 Sinabi niya: “Ihulog ninyo siya!” Kaya inihulog nila si Jezebel, at ang dugo nito ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at pinagtatapakan ng mga kabayo ni Jehu si Jezebel. 34 Pagkatapos, pumasok si Jehu at kumain at uminom. At sinabi niya: “Pakisuyo, asikasuhin ninyo ang isinumpang babaeng iyon at ilibing siya. Tutal, anak siya ng isang hari.”+ 35 Pero nang puntahan nila ito para ilibing, wala na silang inabutan kundi ang bungo nito at ang mga paa at ang mga palad nito.+ 36 Nang bumalik sila at sabihin sa kaniya ang tungkol dito, sinabi niya: “Natupad ang sinabing ito ni Jehova+ sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias na Tisbita, ‘Sa lupain sa Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel.+ 37 At ang bangkay ni Jezebel ay magiging dumi* sa ibabaw ng lupa ng Jezreel kaya hindi nila masasabi: “Ito si Jezebel.”’”
10 Si Ahab+ ay may 70 anak na lalaki sa Samaria. Kaya gumawa si Jehu ng mga liham at ipinadala ang mga iyon sa Samaria sa matataas na opisyal sa Jezreel, sa matatandang lalaki,+ at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab.* Ito ang laman ng sulat: 2 “Kasama ninyo ang mga anak ng inyong panginoon, at mayroon kayong mga karwaheng pandigma, mga kabayo, isang napapaderang* lunsod, at mga sandata. Kapag natanggap ninyo ang liham na ito, 3 piliin ninyo ang pinakamagaling at pinakakarapat-dapat* sa mga anak ng inyong panginoon at ilagay ninyo siya sa trono ng kaniyang ama. Pagkatapos, ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon.”
4 Pero natakot sila at nagsabi: “Hindi nga umubra sa kaniya ang dalawang hari,+ paano pa kaya tayo?” 5 Kaya ang namamahala sa palasyo,* ang gobernador ng lunsod, ang matatandang lalaki, at ang mga tagapag-alaga ay nagpadala ng ganitong mensahe kay Jehu: “Mga lingkod mo kami, at gagawin namin ang lahat ng sasabihin mo sa amin. Wala kaming gagawing hari. Kung ano ang mabuti sa tingin mo, gawin mo.”
6 Pagkatapos, gumawa siya ng ikalawang liham. Ganito ang sabi: “Kung kakampi ko kayo at handa kayong sumunod sa akin, dalhin ninyo rito sa akin sa Jezreel ang mga ulo ng mga anak ng inyong panginoon bukas ng ganitong oras.”
Ang 70 anak ng hari ay kasama ng kilalang mga tao sa lunsod na nag-aalaga sa kanila. 7 Pagkatanggap nila sa liham, kinuha nila ang mga anak ng hari at pinatay ang mga ito, 70 lalaki,+ at inilagay ang mga ulo ng mga ito sa mga basket at ipinadala ang mga iyon sa kaniya sa Jezreel. 8 Dumating ang mensahero at sinabi nito sa kaniya: “Dinala nila ang mga ulo ng mga anak ng hari.” Sinabi niya: “Hatiin ninyo sa dalawang bunton ang mga iyon at ilagay sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod, at iwan ninyo iyon doon hanggang sa umaga.” 9 Paglabas niya kinaumagahan, tumayo siya sa harap ng buong bayan at nagsabi: “Wala kayong kasalanan.* Oo, nakipagsabuwatan ako laban sa aking panginoon, at pinatay ko siya,+ pero sino ang nagpabagsak sa lahat ng ito? 10 Kaya tandaan ninyo, walang isa mang salita ni Jehova na sinabi ni Jehova laban sa sambahayan ni Ahab ang hindi matutupad,*+ at ginawa ni Jehova ang sinabi niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias.”+ 11 Bukod diyan, pinabagsak ni Jehu ang lahat ng natira sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, pati na ang lahat ng kaniyang kilalang tauhan, mga kaibigan, at mga saserdote,+ hanggang sa wala nang matira sa kaniya.+
12 At naglakbay siya papuntang Samaria. Ang bahay-talian* ng mga pastol ay nasa daan. 13 Nakasalubong doon ni Jehu ang mga kapatid ni Haring Ahazias+ ng Juda at sinabi niya sa kanila, “Sino kayo?” Sinabi nila: “Mga kapatid kami ni Ahazias, at pupuntahan namin ang mga anak ng hari at ang mga anak ng inang reyna para kumustahin sila.” 14 Agad niyang sinabi: “Hulihin ninyo sila nang buháy!” Kaya hinuli nila ang mga ito nang buháy at pinatay sa imbakan ng tubig ng bahay-talian, 42 lalaki. Wala siyang pinaligtas kahit isa sa mga ito.+
15 Pag-alis niya roon, nakita niya si Jehonadab+ na anak ni Recab,+ na parating para salubungin siya. Binati* niya ito at sinabi: “Tapat* ba sa akin ang puso mo, gaya ng puso ko na tapat sa iyo?”
Sumagot si Jehonadab: “Oo.”
“Kung gayon, iabot mo sa akin ang kamay mo.”
Kaya iniabot ni Jehonadab kay Jehu ang kamay niya at hinila siya nito paakyat sa karwahe. 16 Pagkatapos, sinabi ni Jehu: “Sumama ka sa akin at makikita mong hindi ako papayag na magkaroon ng kaagaw si* Jehova.”+ Kaya isinama nila siya sakay ng kaniyang karwaheng pandigma. 17 Pagdating niya sa Samaria, pinabagsak niya ang lahat ng natitira sa sambahayan ni Ahab sa Samaria hanggang sa malipol niya sila,+ gaya ng sinabi ni Jehova kay Elias.+
18 Bukod diyan, tinipon ni Jehu ang buong bayan at sinabi sa kanila: “Kaunti lang ang ginawa ni Ahab sa pagsamba kay Baal,+ pero gagawin ni Jehu ang lahat sa pagsamba kay Baal. 19 Kaya papuntahin ninyo sa akin ang lahat ng propeta ni Baal,+ ang lahat ng mananamba niya, at ang lahat ng saserdote niya.+ Tiyakin ninyong walang kulang kahit isa, dahil marami akong ihahandog para kay Baal. Ang hindi pupunta ay mamamatay.” Pero nagkukunwari lang si Jehu, para mapuksa niya ang mga mananamba ni Baal.
20 Sinabi pa ni Jehu: “Magdeklara kayo ng* isang banal na pagtitipon para kay Baal.” Kaya idineklara nila ito. 21 Pagkatapos, nagpadala si Jehu ng mensahe sa buong Israel, at dumating ang lahat ng mananamba ni Baal. Walang isa man sa kanila ang hindi dumating. Pumasok sila sa bahay* ni Baal,+ at napuno ang bahay ni Baal hanggang sa magkabilang dulo. 22 Sinabi niya sa namamahala sa bihisan: “Maglabas ka ng mga damit para sa lahat ng mananamba ni Baal.” Kaya inilabas niya ang mga damit para sa kanila. 23 Pagkatapos, pumasok sa bahay ni Baal si Jehu at si Jehonadab+ na anak ni Recab. Sinabi niya ngayon sa mga mananamba ni Baal: “Tumingin kayong mabuti sa paligid at tiyakin ninyo na walang mananamba ni Jehova rito, kundi mga mananamba lang ni Baal.” 24 At pumasok sila para mag-alay ng mga hain at handog na sinusunog. Nagpuwesto si Jehu ng 80 tauhan niya sa labas at sinabi niya sa mga ito: “Kayo na ang bahala sa kanila. Kapag may isa mang nakatakas sa mga taong iyon, buhay ninyo ang magiging kapalit.”*
25 Matapos siyang mag-alay ng handog na sinusunog, sinabi ni Jehu sa mga bantay* at sa mga ayudante:* “Pumasok kayo at pabagsakin ninyo sila! Huwag ninyong hayaang makatakas ang sinuman sa kanila!”+ Kaya pinabagsak sila ng mga bantay at ng mga ayudante sa pamamagitan ng espada at inihagis sila sa labas, at tuloy-tuloy ang mga ito hanggang sa pinakaloob na santuwaryo* ng bahay ni Baal. 26 Pagkatapos, inilabas ng mga ito ang mga sagradong haligi+ ng bahay ni Baal at sinunog ang lahat ng iyon.+ 27 Ibinagsak ng mga ito ang sagradong haligi+ ni Baal, at ibinagsak ng mga ito ang bahay ni Baal+ at ginawang mga palikuran, na ginagamit hanggang ngayon.
28 Sa gayon, binura ni Jehu sa Israel ang pagsamba kay Baal. 29 Pero hindi lumihis si Jehu mula sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel may kinalaman sa mga gintong guya* na nasa Bethel at Dan.+ 30 Kaya sinabi ni Jehova kay Jehu: “Dahil mahusay ang ginawa mo at ginawa mo ang tama sa paningin ko nang gawin mo ang lahat ng gusto kong mangyari sa sambahayan ni Ahab,+ apat na henerasyon ng mga anak mo ang uupo sa trono ng Israel.”+ 31 Pero hindi naging buong puso ang pagsunod ni Jehu sa Kautusan ni Jehova na Diyos ng Israel.+ Hindi siya lumihis mula sa mga kasalanan ni Jeroboam na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+
32 Nang panahong iyon, hinayaan ni Jehova na unti-unting lumiit ang sakop ng Israel. Patuloy na sinalakay ni Hazael ang mga teritoryo ng Israel,+ 33 mula sa Jordan pasilangan, ang buong lupain ng Gilead—ng mga Gadita, ng mga Rubenita, at ng mga Manasita+—mula sa Aroer, na malapit sa Lambak* ng Arnon, hanggang sa Gilead at Basan.+
34 At ang iba pang nangyari kay Jehu, ang lahat ng ginawa niya at ang kagitingan niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 35 Si Jehu ay namatay,* at inilibing nila siya sa Samaria; at ang anak niyang si Jehoahaz+ ang naging hari kapalit niya. 36 Naghari si Jehu sa Israel nang 28 taon sa Samaria.
11 Nang malaman ni Athalia+ na ina ni Ahazias na namatay ang anak niya,+ pinatay niya ang lahat ng anak ng hari.*+ 2 Pero si Jehoas+ na anak ni Ahazias ay kinuha ni Jehosheba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias at itinakas mula sa mga anak ng hari na papatayin. Itinago niya ang bata at ang yaya nito sa isang kuwarto. Naitago nila ito mula kay Athalia, kaya hindi ito napatay. 3 Kasama niya ito nang anim na taon at nakatago sa bahay ni Jehova, habang namamahala si Athalia sa lupain.
4 Nang ikapitong taon, ipinatawag ni Jehoiada sa bahay ni Jehova ang mga pinuno* ng mga tagapagbantay na Cariano at ng mga bantay* ng palasyo.+ Nakipagtipan siya sa kanila at pinasumpa sila sa bahay ni Jehova. Pagkatapos, ipinakita niya sa kanila ang anak ng hari.+ 5 Inutusan niya sila: “Ganito ang gagawin ninyo: Ang sangkatlo sa inyo ay maglilingkod sa araw ng Sabbath at mahigpit na magbabantay sa bahay* ng hari,+ 6 ang isa namang sangkatlo ay sa Pintuang-Daan ng Pundasyon, at ang isa pang sangkatlo ay sa pintuang-daan sa likuran ng mga bantay ng palasyo. Magsasalitan kayo sa pagbabantay sa bahay. 7 Ang dalawang pangkat sa inyo na hindi nakatakdang magbantay kapag Sabbath ay mahigpit na magbabantay sa bahay ni Jehova para protektahan ang hari. 8 Papalibutan ninyo ang hari, hawak ang mga sandata ninyo. Sinumang papasok sa hanay ng mga sundalo ay papatayin. Sundan ninyo ang hari kahit saan siya magpunta.”*
9 Ginawa ng mga pinuno ng daan-daan+ ang lahat ng iniutos ng saserdoteng si Jehoiada. Tinawag nilang lahat ang kani-kanilang mga tauhan na naglilingkod kapag Sabbath, pati ang mga hindi nakatakdang maglingkod kapag Sabbath, at pumunta sila sa saserdoteng si Jehoiada.+ 10 Pagkatapos, ibinigay ng saserdote sa mga pinuno ng daan-daan ang mga sibat at ang bilog na mga kalasag na naging pag-aari ni Haring David at nasa bahay ni Jehova. 11 At ang mga bantay ng palasyo+ ay pumunta sa kani-kanilang puwesto hawak ang mga sandata nila, mula sa kanang panig ng bahay hanggang sa kaliwang panig ng bahay, malapit sa altar+ at sa bahay, sa palibot ng hari. 12 Pagkatapos, inilabas ni Jehoiada ang anak ng hari+ at inilagay sa ulo nito ang korona* at ang Patotoo,*+ at ginawa nila itong hari at pinahiran ng langis. Nagpalakpakan sila at nagsabi: “Mabuhay ang hari!”+
13 Nang marinig ni Athalia ang ingay ng nagtatakbuhang mga tao, agad siyang pumunta sa mga tao sa bahay ni Jehova.+ 14 At nakita niya ang hari na nakatayo sa tabi ng haligi ayon sa kaugalian.+ Kasama ng hari ang mga pinuno at ang mga tagahihip ng trumpeta,+ at ang buong bayan ay nagsasaya at humihihip ng mga trumpeta. Pinunit ni Athalia ang kaniyang damit at sumigaw: “Sabuwatan! Sabuwatan!” 15 Pero inutusan ng saserdoteng si Jehoiada ang mga pinuno ng daan-daan,+ ang mga inatasang manguna sa hukbo: “Ilabas ninyo siya mula sa hanay ng mga sundalo, at patayin ninyo sa pamamagitan ng espada ang sinumang susunod sa kaniya!” Dahil sinabi ng saserdote: “Huwag ninyo siyang patayin sa bahay ni Jehova.” 16 Kaya sinunggaban nila siya, at nang madala nila siya sa lugar na pinapasukan ng mga kabayo sa bahay* ng hari,+ pinatay nila siya roon.
17 Pagkatapos, si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan ni Jehova at ng hari at ng bayan,+ na patuloy silang magiging bayan ni Jehova, at gumawa rin siya ng tipan sa pagitan ng hari at ng bayan.+ 18 Pagkatapos, pumunta ang buong bayan sa bahay* ni Baal at winasak ang mga altar nito,+ pinagdurog-durog ang mga imahen nito,+ at pinatay sa harap ng mga altar si Mattan na saserdote ni Baal.+
At ang saserdote ay nag-atas ng mga tagapangasiwa sa bahay ni Jehova.+ 19 Bukod diyan, isinama niya ang mga pinuno ng daan-daan,+ ang mga tagapagbantay na Cariano, ang mga bantay ng palasyo,+ at ang buong bayan, at sinamahan nila ang hari mula sa bahay ni Jehova papunta sa bahay* ng hari; dumaan sila sa pintuang-daan ng mga bantay ng palasyo. Pagkatapos, umupo ito sa trono ng mga hari.+ 20 Kaya nagsaya ang buong bayan at nagkaroon ng katahimikan sa lunsod, dahil pinatay nila si Athalia sa pamamagitan ng espada sa bahay ng hari.
21 Pitong taóng gulang si Jehoas+ nang maging hari siya.+
12 Nang ikapitong taon ni Jehu,+ naging hari si Jehoas,+ at 40 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Zibia na mula sa Beer-sheba.+ 2 Patuloy na ginawa ni Jehoas ang tama sa paningin ni Jehova sa buong panahon na tinuturuan siya ng saserdoteng si Jehoiada. 3 Pero hindi naalis ang matataas na lugar,+ at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.
4 Sinabi ni Jehoas sa mga saserdote: “Kunin ninyo ang lahat ng perang dinadala sa bahay ni Jehova bilang banal na handog,+ ang buwis na dapat bayaran ng bawat isa,+ ang perang ibinibigay ng mga nanata, at ang lahat ng perang dinadala ng bawat isa sa bahay ni Jehova nang bukal sa puso.+ 5 Kukunin iyon ng mga saserdote mula sa mga nag-aabuloy* at gagamitin sa pagkukumpuni sa bahay, saanman ito may sira.”*+
6 Nang ika-23 taon ni Haring Jehoas, hindi pa rin nakukumpuni ng mga saserdote ang mga sira sa bahay.+ 7 Kaya ipinatawag ni Haring Jehoas ang saserdoteng si Jehoiada+ at ang iba pang mga saserdote at sinabi sa kanila: “Bakit hindi ninyo kinukumpuni ang mga sira sa bahay? Huwag na kayong tumanggap ng pera sa mga nag-aabuloy kung hindi ninyo iyon gagamitin para kumpunihin ang bahay.”+ 8 At sumang-ayon ang mga saserdote na hindi na sila tatanggap ng pera mula sa bayan at hindi na sila ang magkukumpuni sa bahay.
9 Pagkatapos, kumuha ang saserdoteng si Jehoiada ng isang kahon+ at binutasan ang takip nito at inilagay sa tabi ng altar sa gawing kanan pagpasok sa bahay ni Jehova. Doon ilalagay ng mga saserdoteng nagbabantay sa pinto ang lahat ng perang dinadala sa bahay ni Jehova.+ 10 Kapag nakikita nilang napakarami nang pera sa kahon, pumupunta ang kalihim ng hari at ang mataas na saserdote para kunin* at bilangin ang perang dinala sa bahay ni Jehova.+ 11 Ibinibigay nila ang nabilang na pera sa mga inatasang mangasiwa sa gawain sa bahay ni Jehova. Ibinabayad naman nila iyon sa mga karpintero at tagapagtayo na gumagawa sa bahay ni Jehova,+ 12 pati sa mga mason at tagatabas ng bato. Bumili rin sila ng mga kahoy at mga batong tinabas para sa pagkukumpuni ng mga sira sa bahay ni Jehova, at ginamit nila ang pera para sa lahat ng iba pang gastos sa pagkukumpuni ng bahay.
13 Pero ang perang dinala sa bahay ni Jehova ay hindi ginamit sa paggawa ng mga pilak na tipunan ng tubig, mga pamatay ng apoy, mga mangkok, mga trumpeta,+ o anumang uri ng kagamitang ginto o pilak para sa bahay ni Jehova.+ 14 Ibinibigay lang nila iyon sa mga nangangasiwa sa gawain, at ginamit iyon ng mga ito sa pagkukumpuni sa bahay ni Jehova. 15 Hindi na nila hinihingan ng ulat ang mga lalaki na binibigyan nila ng perang pambayad sa mga manggagawa, dahil mapagkakatiwalaan ang mga ito.+ 16 Pero ang pera na handog para sa pagkakasala+ at ang pera na handog para sa kasalanan ay hindi dinadala sa bahay ni Jehova; para sa mga saserdote iyon.+
17 Noon sinalakay ni Hazael+ na hari ng Sirya ang Gat+ at sinakop iyon. Pagkatapos, binalingan naman niya ang Jerusalem.+ 18 Kaya kinuha ni Haring Jehoas ng Juda ang lahat ng banal na handog na pinabanal ng mga ninuno niyang sina Jehosapat, Jehoram, at Ahazias, na mga hari ng Juda, pati ang sarili niyang mga banal na handog at ang lahat ng ginto na nasa kabang-yaman ng bahay ni Jehova at ng bahay* ng hari, at ipinadala ang mga iyon kay Hazael na hari ng Sirya.+ Kaya umalis ito sa Jerusalem.
19 At ang iba pang nangyari kay Jehoas, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 20 Pero nagsabuwatan ang mga lingkod niya+ at pinabagsak nila si Jehoas sa tanggulan ng Gulod,*+ sa daang pababa sa Sila. 21 Ang mga lingkod niyang si Jozacar na anak ni Simeat at si Jehozabad na anak ni Somer ang pumatay sa kaniya.+ Inilibing nila siya na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David, at ang anak niyang si Amazias ang naging hari kapalit niya.+
13 Noong ika-23 taon ni Jehoas+ na anak ni Ahazias+ na hari ng Juda, si Jehoahaz na anak ni Jehu+ ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang 17 taon. 2 Patuloy siyang gumawa ng masama sa paningin ni Jehova, at tinularan niya ang kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ Hindi siya lumihis mula roon. 3 Kaya galit na galit si Jehova+ sa Israel,+ at ibinigay niya sila sa kamay ni Haring Hazael+ ng Sirya at sa kamay ni Ben-hadad+ na anak ni Hazael sa lahat ng kanilang araw.
4 Nang maglaon, nakiusap si Jehoahaz kay* Jehova, at pinakinggan siya ni Jehova, dahil nakita Niya ang pagmamalupit ng hari ng Sirya sa Israel.+ 5 Kaya nagbigay si Jehova sa Israel ng isang tagapagligtas+ para palayain sila sa kamay ng Sirya, at muling nanirahan ang mga Israelita sa mga tahanan nila gaya noong una.* 6 (Pero hindi sila lumihis sa kasalanan ng sambahayan ni Jeroboam na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ Nagpatuloy sila sa kasalanang ito,* at ang sagradong poste*+ ay nanatiling nakatayo sa Samaria.) 7 Ang natira na lang sa hukbo ni Jehoahaz ay 50 mangangabayo, 10 karwahe, at 10,000 sundalo, dahil ang iba sa kanila ay nilipol ng hari ng Sirya+ at pinagtatapakang gaya ng alabok sa giikan.+
8 Ang iba pang nangyari kay Jehoahaz, ang lahat ng ginawa niya at ang mga tagumpay niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 9 Nang maglaon, si Jehoahaz ay namatay* at inilibing nila siya sa Samaria;+ at ang anak niyang si Jehoas ang naging hari kapalit niya.
10 Nang ika-37 taon ni Haring Jehoas ng Juda, si Jehoas+ na anak ni Jehoahaz ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang 16 na taon. 11 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova at hindi siya lumihis sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ Nagpatuloy* siya sa mga kasalanang ito.
12 Ang iba pang nangyari kay Jehoas, ang lahat ng ginawa niya at ang mga tagumpay niya at kung paano siya nakipaglaban kay Haring Amazias ng Juda,+ ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 13 Nang maglaon, si Jehoas ay namatay,* at si Jeroboam*+ ang umupo sa trono niya. Si Jehoas ay inilibing sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel.+
14 Nang magkaroon si Eliseo+ ng sakit na ikinamatay niya nang maglaon, pinuntahan siya ni Jehoas na hari ng Israel at iniyakan siya nito. Sinabi nito: “Ama ko, ama ko! Ang karwaheng pandigma ng Israel at ang mga mangangabayo niya!”+ 15 At sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Kumuha ka ng pana.” Kaya kumuha siya ng pana. 16 At sinabi niya sa hari ng Israel: “Hawakan mo ang pana.” Nang hawakan ito ng hari, ipinatong ni Eliseo ang mga kamay niya sa mga kamay nito. 17 Pagkatapos, sinabi niya: “Buksan mo ang bintana sa gawing silangan.” Kaya binuksan nito ang bintana. Sinabi ni Eliseo: “Pumana ka!” Kaya pumana ito. Sinabi niya ngayon: “Ang palaso ng tagumpay* ni Jehova, ang palaso ng tagumpay* laban sa Sirya! Pababagsakin* mo ang Sirya sa Apek+ hanggang sa mapuksa mo ito.”
18 Sinabi pa niya: “Kunin mo ang mga palaso.” Kaya kinuha nito ang mga iyon. Pagkatapos, sinabi niya sa hari ng Israel: “Hampasin mo ang lupa.” Kaya hinampas nito ang lupa nang tatlong ulit at tumigil. 19 Nagalit sa hari ang lingkod ng tunay na Diyos at nagsabi: “Dapat ay lima o anim na beses mong hinampas ang lupa! Mapababagsak mo sana ang Sirya hanggang sa mapuksa mo ito, pero ngayon, tatlong ulit mo lang mapababagsak ang Sirya.”+
20 Pagkatapos, namatay si Eliseo at inilibing. May mga grupo ng mga mandarambong na Moabita+ na dumarating sa lupain tuwing pasimula ng taon.* 21 Minsan, habang may mga lalaking naglilibing, nakita nila ang grupo ng mga mandarambong, kaya basta na lang nila inihagis ang bangkay sa libingan ni Eliseo at tumakbo. Nang mapadikit ang bangkay sa mga buto ni Eliseo, nabuhay ito+ at tumayo.
22 Pinagmalupitan ni Haring Hazael+ ng Sirya ang Israel+ sa buong panahon ni Jehoahaz. 23 Pero si Jehova ay nagpakita sa kanila ng kabaitan at awa+ at pinagmalasakitan niya sila dahil sa tipan niya kay Abraham,+ kay Isaac,+ at kay Jacob.+ Ayaw niya silang lipulin, at hindi niya sila itinataboy mula sa harap niya hanggang sa araw na ito. 24 Nang mamatay si Haring Hazael ng Sirya, ang anak niyang si Ben-hadad ang naging hari kapalit niya. 25 Binawi ni Jehoas na anak ni Jehoahaz mula kay Ben-hadad na anak ni Hazael ang mga lunsod na kinuha ni Hazael sa ama niyang si Jehoahaz noong panahon ng digmaan. Tatlong ulit na tinalo ni Jehoas si Ben-hadad,+ at nabawi niya ang mga lunsod ng Israel.
14 Nang ikalawang taon ni Jehoas+ na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel, si Amazias na anak ni Haring Jehoas ng Juda ay naging hari. 2 Siya ay 25 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 29 na taon sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Jehoadin ng Jerusalem.+ 3 Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova, pero hindi gaya ng ninuno niyang si David.+ Ginawa niya ang lahat ng ginawa ng ama niyang si Jehoas.+ 4 Pero hindi naalis ang matataas na lugar,+ at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.+ 5 Nang matatag na ang paghahari niya, pinabagsak niya ang mga lingkod niyang nagpabagsak sa kaniyang amang hari.+ 6 Pero hindi niya pinatay ang mga anak ng mga mamamatay-taong ito. Sinunod niya ang utos na ito ni Jehova na nakasulat sa aklat ng Kautusan ni Moises: “Ang ama ay hindi papatayin dahil sa anak niya, at ang anak ay hindi papatayin dahil sa ama niya; ang bawat isa ay papatayin dahil sa sarili niyang kasalanan.”+ 7 Pinabagsak niya ang mga Edomita+ sa Lambak ng Asin,+ 10,000 lalaki, at sinakop ang Sela sa digmaan,+ at ang pangalan nito ay naging Jokteel hanggang ngayon.
8 Pagkatapos, nagsugo si Amazias ng mga mensahero kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu na hari ng Israel para sabihin: “Magharap tayo sa digmaan.”+ 9 Nagpadala ng ganitong mensahe si Haring Jehoas ng Israel para kay Haring Amazias ng Juda: “Ang matinik na panirang-damo sa Lebanon ay nagpadala ng ganitong mensahe sa sedro sa Lebanon, ‘Ibigay mo ang anak mong babae sa anak ko bilang asawa.’ Pero isang mabangis na hayop ng Lebanon ang dumaan at tinapakan ang matinik na panirang-damo. 10 Oo, napabagsak mo ang Edom,+ kaya nagmamalaki ka. Magpakasaya ka sa kaluwalhatian mo, pero diyan ka na lang sa bahay* mo. Bakit ka naghahanap ng kapahamakan na magpapabagsak sa iyo at sa Juda?” 11 Pero hindi nakinig si Amazias.+
Kaya sumalakay si Haring Jehoas ng Israel, at naglaban sila ni Haring Amazias ng Juda sa Bet-semes,+ na sakop ng Juda.+ 12 Natalo ng Israel ang Juda, kaya nagsitakas ang mga ito sa kani-kaniyang bahay.* 13 Nabihag ni Haring Jehoas ng Israel si Haring Amazias ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Ahazias, sa Bet-semes. Pagkatapos, pumunta sila sa Jerusalem, at winasak niya ang pader ng Jerusalem mula sa Pintuang-Daan ng Efraim+ hanggang sa Panulukang Pintuang-Daan,+ 400 siko.* 14 Kinuha niya ang lahat ng ginto at pilak at ang lahat ng kagamitan sa bahay ni Jehova at sa kabang-yaman ng bahay* ng hari, pati ang mga bihag. Pagkatapos, bumalik siya sa Samaria.
15 Ang iba pang nangyari kay Jehoas, ang mga ginawa niya at ang mga tagumpay niya at kung paano siya nakipaglaban kay Haring Amazias ng Juda, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16 Pagkatapos, si Jehoas ay namatay* at inilibing sa Samaria+ kasama ng mga hari ng Israel; at ang anak niyang si Jeroboam*+ ang naging hari kapalit niya.
17 Si Amazias+ na anak ni Jehoas na hari ng Juda ay nabuhay pa nang 15 taon pagkamatay ni Jehoas+ na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.+ 18 Ang iba pang nangyari kay Amazias ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 19 Nang maglaon, may mga nagsabuwatan laban sa kaniya+ sa Jerusalem, at tumakas siya papuntang Lakis, pero pinasundan nila siya sa Lakis at pinatay roon. 20 Iniuwi nila siya sakay ng kabayo at inilibing sa Jerusalem kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David.+ 21 Pagkatapos, kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias,*+ na 16 na taóng gulang,+ at ginawa nila siyang hari kapalit ng ama niyang si Amazias.+ 22 Muli niyang itinayo ang Elat+ at ibinalik ito sa Juda pagkamatay ng* hari.*+
23 Nang ika-15 taon ni Amazias na anak ni Jehoas na hari ng Juda, si Jeroboam+ na anak ni Haring Jehoas ng Israel ay naging hari sa Samaria, at namahala siya nang 41 taon. 24 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova. Hindi siya lumihis sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 25 Naibalik niya sa Israel ang dating hangganan nito, mula sa Lebo-hamat*+ hanggang sa Dagat ng Araba,*+ gaya ng sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel sa pamamagitan ng lingkod niyang si Jonas+ na anak ni Amitai, ang propeta mula sa Gat-heper.+ 26 Dahil nakita ni Jehova ang matinding pagdurusa ng Israel.+ Walang sinumang natira sa bayan, kahit ang mga walang kalaban-laban o mahihina, na maaaring tumulong sa Israel. 27 Pero nangako si Jehova na hindi niya aalisin sa lupa ang pangalan ng Israel.+ Kaya iniligtas niya sila sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.+
28 Ang iba pang nangyari kay Jeroboam, ang lahat ng ginawa niya at ang mga tagumpay niya, kung paano siya nakipaglaban at kung paano niya ibinalik ang Damasco+ at ang Hamat+ sa Juda sa Israel, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 29 Pagkatapos, si Jeroboam ay namatay* at inilibing kasama ng mga hari ng Israel; at ang anak niyang si Zacarias+ ang naging hari kapalit niya.
15 Nang ika-27 taon ni Haring Jeroboam* ng Israel, si Azarias*+ na anak ni Haring Amazias+ ng Juda ay naging hari.+ 2 Siya ay 16 na taóng gulang nang maging hari, at 52 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Jecolias ng Jerusalem. 3 Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng ama niyang si Amazias.+ 4 Pero hindi naalis ang matataas na lugar,+ at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.+ 5 Binigyan ni Jehova ng sakit ang hari, at nanatili siyang ketongin+ hanggang sa araw na mamatay siya; tumira siya sa hiwalay na bahay+ habang ang anak niyang si Jotam+ ang nangangasiwa sa bahay* at humahatol sa bayan.+ 6 Ang iba pang nangyari kay Azarias,+ ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 7 Pagkatapos, si Azarias ay namatay,*+ at inilibing nila siyang kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David; at ang anak niyang si Jotam ang naging hari kapalit niya.
8 Nang ika-38 taon ni Haring Azarias+ ng Juda, si Zacarias+ na anak ni Jeroboam ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang anim na buwan. 9 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng mga ninuno niya. Hindi siya lumihis sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 10 Pagkatapos, nakipagsabuwatan laban sa kaniya si Salum na anak ni Jabes at pinabagsak siya+ sa Ibleam.+ Matapos siyang patayin, naging hari si Salum kapalit niya. 11 Ang iba pang nangyari kay Zacarias ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 12 Kaya natupad ang sinabi ni Jehova kay Jehu: “Apat na henerasyon ng mga anak mo+ ang uupo sa trono ng Israel.”+ At iyon nga ang nangyari.
13 Si Salum na anak ni Jabes ay naging hari nang ika-39 na taon ni Haring Uzias+ ng Juda, at namahala siya sa Samaria nang isang buong buwan. 14 Pagkatapos, si Menahem na anak ni Gadi ay pumunta sa Samaria mula sa Tirza+ at pinabagsak si Salum+ na anak ni Jabes sa Samaria. Matapos siyang patayin, naging hari si Menahem kapalit niya. 15 Ang iba pang nangyari kay Salum at ang pakikipagsabuwatan niya ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16 Noon pumunta si Menahem sa Tipsa mula sa Tirza at winasak ito at ang teritoryo nito at pinatay ang lahat ng naroon, dahil ayaw siyang pagbuksan ng mga tagaroon. Pinabagsak niya ito at nilaslas ang tiyan ng mga babae roon na nagdadalang-tao.
17 Nang ika-39 na taon ni Haring Azarias ng Juda, si Menahem na anak ni Gadi ay naging hari sa Israel, at namahala siya nang 10 taon sa Samaria. 18 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova. Sa buong panahon niya, hindi siya lumihis sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 19 Pumunta sa lupain si Haring Pul+ ng Asirya, at binigyan ni Menahem si Pul ng 1,000 talento* ng pilak kapalit ng suporta nito para mapatatag ang paghahari niya.+ 20 Para matipon ang halagang ito, humingi si Menahem ng pilak mula sa mga prominente at mayayamang lalaki sa Israel.+ Nagbayad siya sa hari ng Asirya ng 50 siklong* pilak para sa bawat lalaki. At ang hari ng Asirya ay umalis na sa lupain. 21 Ang iba pang nangyari kay Menahem,+ ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 22 Pagkatapos, si Menahem ay namatay;* at ang anak niyang si Pekahias ang naging hari kapalit niya.
23 Nang ika-50 taon ni Haring Azarias ng Juda, si Pekahias na anak ni Menahem ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang dalawang taon. 24 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova. Hindi siya lumihis sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 25 At ang ayudante* niyang si Peka+ na anak ni Remalias ay nakipagsabuwatan laban sa kaniya at pinatay siya sa Samaria sa matibay na tore ng bahay* ng hari kasama nina Argob at Arie. May kasama itong 50 lalaki mula sa Gilead; at matapos siyang patayin, naging hari ito kapalit niya. 26 Ang iba pang nangyari kay Pekahias, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.
27 Nang ika-52 taon ni Haring Azarias ng Juda, si Peka+ na anak ni Remalias ay naging hari sa Israel sa Samaria, at namahala siya nang 20 taon. 28 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, at hindi siya lumihis sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 29 Noong panahon ni Haring Peka ng Israel, sinalakay at sinakop ni Haring Tiglat-pileser+ ng Asirya ang Ijon, Abel-bet-maaca,+ Janoa, Kedes,+ Hazor, Gilead,+ at Galilea, ang buong lupain ng Neptali,+ at ipinatapon niya sa Asirya ang mga nakatira dito.+ 30 Pagkatapos, si Hosea+ na anak ni Elah ay nakipagsabuwatan laban kay Peka na anak ni Remalias, at pinatay niya ito; at naging hari siya kapalit nito noong ika-20 taon ni Jotam+ na anak ni Uzias. 31 Ang iba pang nangyari kay Peka, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.
32 Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam+ na anak ni Haring Uzias+ ng Juda ay naging hari. 33 Siya ay 25 taóng gulang nang maging hari, at 16 na taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok.+ 34 Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng ama niyang si Uzias.+ 35 Pero hindi naalis ang matataas na lugar, at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.+ Siya ang nagtayo ng mataas na pintuang-daan ng bahay ni Jehova.+ 36 Ang iba pang nangyari kay Jotam, ang mga ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 37 Nang panahong iyon, sinimulang isugo ni Jehova si Rezin na hari ng Sirya at si Peka+ na anak ni Remalias laban sa Juda.+ 38 Pagkatapos, si Jotam ay namatay* at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David na kaniyang ninuno. At ang anak niyang si Ahaz ang naging hari kapalit niya.
16 Nang ika-17 taon ni Peka na anak ni Remalias, si Ahaz+ na anak ni Haring Jotam ng Juda ay naging hari. 2 Si Ahaz ay 20 taóng gulang nang maging hari, at 16 na taon siyang namahala sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang tama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos; hindi niya tinularan ang ninuno niyang si David.+ 3 Sa halip, tinularan niya ang mga hari ng Israel,+ at sinunog pa nga niya* ang sarili niyang anak bilang handog;+ tinularan niya ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga bansang+ itinaboy ni Jehova mula sa harap ng mga Israelita. 4 Patuloy rin siyang naghandog at gumawa ng haing usok sa matataas na lugar,+ sa mga burol, at sa ilalim ng bawat mayabong na puno.+
5 Noon sumalakay si Haring Rezin ng Sirya at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel para makipagdigma sa Jerusalem.+ Pinalibutan nila si Ahaz, pero hindi nila nasakop ang lunsod. 6 Nang panahong iyon, isinauli ni Haring Rezin ng Sirya ang Elat+ sa Edom. Pagkatapos, itinaboy niya ang mga Judio* mula sa Elat. Pumasok ang mga Edomita sa Elat, at naninirahan sila roon hanggang ngayon. 7 Kaya nagsugo si Ahaz ng mga mensahero kay Haring Tiglat-pileser+ ng Asirya para sabihin: “Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Pumunta ka rito at iligtas mo ako mula sa kamay ng hari ng Sirya at ng hari ng Israel, na sumasalakay sa akin.” 8 At kinuha ni Ahaz ang pilak at ginto sa bahay ni Jehova at sa mga kabang-yaman ng bahay* ng hari at nagpadala ng suhol sa hari ng Asirya.+ 9 Pinakinggan ng hari ng Asirya ang kahilingan niya, at nagpunta ito sa Damasco at sinakop iyon at ipinatapon sa Kir ang mga tagaroon,+ at pinatay nito si Rezin.+
10 Pagkatapos, pinuntahan ni Haring Ahaz si Haring Tiglat-pileser ng Asirya sa Damasco. Nang makita ni Haring Ahaz ang altar na nasa Damasco, nagpadala siya sa saserdoteng si Urias ng plano ng altar, na nagpapakita ng parisan nito at kung paano ito ginawa.+ 11 Nagtayo ang saserdoteng si Urias+ ng altar+ ayon sa lahat ng tagubilin na ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco. Natapos iyon ng saserdoteng si Urias bago makabalik si Haring Ahaz mula sa Damasco. 12 Nang makabalik ang hari mula sa Damasco at makita ang altar, lumapit siya sa altar at naghandog doon.+ 13 At nagpausok siya ng kaniyang mga handog na sinusunog at handog na mga butil sa altar na iyon; ibinuhos din niya ang kaniyang mga handog na inumin at iwinisik doon ang dugo ng kaniyang mga haing pansalo-salo. 14 Pagkatapos, inalis niya ang tansong altar+ na nasa harap ni Jehova mula sa puwesto nito sa harap ng bahay, sa pagitan ng sarili niyang altar at ng bahay ni Jehova, at inilagay niya ito sa hilaga ng sarili niyang altar. 15 Inutusan ni Haring Ahaz ang saserdoteng si Urias:+ “Pausukin mo sa malaking altar ang pang-umagang handog na sinusunog,+ pati ang handog na mga butil sa gabi,+ ang handog na sinusunog at ang handog na mga butil ng hari, ganoon din ang mga handog na sinusunog, handog na mga butil, at handog na inumin ng buong bayan. Iwisik mo rin doon ang lahat ng dugo ng mga handog na sinusunog at ng iba pang hain. Tungkol sa tansong altar, ako ang magpapasiya kung ano ang gagawin doon.” 16 At ginawa ng saserdoteng si Urias ang lahat ng iniutos ni Haring Ahaz.+
17 Bukod diyan, pinagputol-putol ni Haring Ahaz ang panggilid na mga panel ng mga patungang de-gulong+ at inalis doon ang mga tipunan ng tubig,+ at ibinaba niya ang malaking tipunan ng tubig mula sa mga tansong toro+ na pinagpapatungan nito at inilagay sa sahig na bato.+ 18 At inalis niya ang istrakturang may bubong para sa Sabbath na itinayo sa bahay at isinara ang daanan ng hari papasók sa bahay ni Jehova; ginawa niya ito dahil sa hari ng Asirya.
19 Ang iba pang nangyari kay Ahaz, ang mga ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda.+ 20 Pagkatapos, si Ahaz ay namatay* at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David; at ang anak niyang si Hezekias*+ ang naging hari kapalit niya.
17 Nang ika-12 taon ni Haring Ahaz ng Juda, si Hosea+ na anak ni Elah ay naging hari sa Israel sa Samaria; namahala siya nang siyam na taon. 2 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, pero hindi kasinsama ng ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kaniya. 3 Si Haring Salmaneser ng Asirya ay nakipagdigma sa kaniya,+ at si Hosea ay naging lingkod niya at nagsimulang magbigay sa kaniya ng tributo.*+ 4 Pero nalaman ng hari ng Asirya na sangkot si Hosea sa isang sabuwatan, dahil nagsugo si Hosea ng mga mensahero kay Haring So ng Ehipto+ at hindi niya dinala ang tributo sa hari ng Asirya na gaya ng naunang mga taon. Kaya ikinulong siya at iginapos ng hari ng Asirya.
5 Sinalakay ng hari ng Asirya ang buong lupain, at pinalibutan ng hukbo niya ang Samaria sa loob ng tatlong taon. 6 Nang ikasiyam na taon ni Hosea, sinakop ng hari ng Asirya ang Samaria.+ Pagkatapos, ang mga nasa Israel ay ipinatapon niya+ sa Asirya at pinatira sa Hala at sa Habor sa ilog ng Gozan+ at sa mga lunsod ng mga Medo.+
7 Nangyari ito dahil nagkasala ang Israel kay Jehova na kanilang Diyos, na nagpalaya sa kanila mula sa lupain ng Ehipto at sa kamay ng Paraon na hari ng Ehipto.+ Sumamba* sila sa ibang mga diyos,+ 8 sumunod sila sa kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Jehova mula sa harap ng mga Israelita, at sumunod sila sa kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel.
9 Ginawa ng mga Israelita ang mga bagay na hindi tama sa paningin ni Jehova na kanilang Diyos. Patuloy silang nagtayo ng matataas na lugar sa lahat ng lunsod nila,+ mula sa bantayan hanggang sa mga napapaderang* lunsod.* 10 Patuloy silang nagtayo ng mga sagradong haligi at mga sagradong poste*+ sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat mayabong na puno;+ 11 at sa lahat ng matataas na lugar ay gumagawa sila ng haing usok na gaya ng mga bansang pinalayas ni Jehova sa harap nila.+ Patuloy silang gumawa ng masasamang bagay para galitin si Jehova.
12 Patuloy silang naglingkod sa kasuklam-suklam na mga idolo,*+ kahit na sinabi ni Jehova sa kanila: “Huwag ninyong gagawin ito!”+ 13 Paulit-ulit na nagbabala si Jehova sa Israel at Juda sa pamamagitan ng lahat ng propeta at ng bawat lingkod niyang nakakakita ng pangitain:+ “Tigilan na ninyo ang masasamang ginagawa ninyo!+ Sundin ninyo ang mga utos at tuntunin ko, ang lahat ng kautusang ibinigay ko sa mga ninuno ninyo at ipinaabot ko sa inyo sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta.” 14 Pero hindi sila nakinig, at nanatiling matigas ang ulo nila* gaya ng mga ninuno nila na hindi nanampalataya kay Jehova na kanilang Diyos.+ 15 Patuloy nilang itinakwil ang mga tuntunin niya at ang pakikipagtipan niya+ sa mga ninuno nila at ang mga paalaalang ibinigay niya bilang babala sa kanila,+ at patuloy silang sumunod sa walang-silbing mga idolo+ at sila mismo ay naging walang silbi rin.+ Tinularan nila ang mga bansang nasa palibot nila kahit na inutusan sila ni Jehova na huwag tularan ang mga ito.+
16 Palagi nilang binabale-wala ang lahat ng utos ni Jehova na kanilang Diyos, at gumawa sila ng metal na estatuwa ng dalawang guya*+ at isang sagradong poste,*+ at yumukod sila sa buong hukbo ng langit+ at naglingkod kay Baal.+ 17 Sinunog din nila ang mga anak nilang lalaki at babae bilang handog,+ nanghula sila+ at naghanap ng mga tanda, at nagpakalugmok sila* sa paggawa ng masama sa paningin ni Jehova para galitin siya.
18 Galit na galit si Jehova sa Israel, kaya inalis niya sila sa harapan niya.+ Wala siyang itinira maliban sa tribo ng Juda.
19 Maging ang Juda ay hindi tumupad sa mga utos ni Jehova na kanilang Diyos;+ sinunod din nila ang mga kaugaliang sinunod ng Israel.+ 20 Itinakwil ni Jehova ang buong Israel* at hiniya sila at ibinigay sa kamay ng mga mandarambong, hanggang sa maitaboy niya sila mula sa harap niya. 21 Inalis niya ang Israel mula sa sambahayan ni David, at ginawa nilang hari si Jeroboam na anak ni Nebat.+ Pero inilihis ni Jeroboam ang Israel mula sa pagsunod kay Jehova at inudyukan silang gumawa ng mabigat na kasalanan. 22 At patuloy na tinularan ng bayang Israel ang lahat ng kasalanan ni Jeroboam.+ Hindi sila tumigil sa paggawa ng mga kasalanang iyon 23 hanggang sa alisin ni Jehova ang Israel sa harapan niya, gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng lahat ng lingkod niyang propeta.+ Kaya kinuha ang Israel mula sa sarili nilang lupain at ipinatapon sa Asirya,+ at naroon pa rin sila hanggang ngayon.
24 Pagkatapos, nagdala ang hari ng Asirya ng mga tao mula sa Babilonya, Cuta, Ava, Hamat, at Separvaim+ at pinatira sila sa mga lunsod ng Samaria kapalit ng mga Israelita; inangkin nila ang Samaria at tumira sa mga lunsod nito. 25 Noong bago pa lang silang naninirahan doon, hindi sila natatakot* kay Jehova. Kaya nagpadala si Jehova sa kanila ng mga leon,+ at pinatay ng mga ito ang ilan sa kanila. 26 Iniulat sa hari ng Asirya: “Ang mga bansang ipinatapon at pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria ay walang alam sa relihiyon* at sa Diyos ng lupain. Kaya patuloy siyang nagpapadala sa kanila ng mga leon, na pumapatay sa kanila, dahil walang isa man sa kanila ang nakaaalam sa relihiyon at sa Diyos ng lupain.”
27 Kaya nag-utos ang hari ng Asirya: “Pabalikin ninyo ang isa sa mga saserdoteng mula roon na ipinatapon ninyo at patirahin siya roon para turuan niya sila tungkol sa relihiyon at sa Diyos ng lupain.” 28 Kaya ang isa sa mga saserdoteng mula sa Samaria na ipinatapon nila ay bumalik at nanirahan sa Bethel,+ at tinuruan niya sila kung paano sila dapat matakot* kay Jehova.+
29 Pero ang bawat bansa ay gumawa ng sarili nilang diyos,* at inilagay nila ang mga ito sa mga bahay para sa pagsamba na nasa matataas na lugar na ginawa ng mga Samaritano; ganoon ang ginawa ng bawat bansa sa mga lunsod na tinitirhan nila. 30 Gumawa ang mga lalaki ng Babilonya ng imahen ni Sucot-benot, gumawa ang mga lalaki ng Cut ng imahen ni Nergal, gumawa ang mga lalaki ng Hamat+ ng imahen ni Asima, 31 at gumawa ang mga Avita ng mga imahen nina Nibhaz at Tartak. Sinusunog ng mga Separvita ang mga anak nila bilang handog kay Adramelec at kay Anamelec na mga diyos ng Separvaim.+ 32 Natatakot sila kay Jehova, pero nag-atas naman sila ng mga saserdote para sa matataas na lugar mula sa sinuman sa kanila, at ito ang naglingkod sa kanila sa mga bahay para sa pagsamba na nasa matataas na lugar.+ 33 Natatakot sila kay Jehova, pero sumasamba sila sa sarili nilang mga diyos ayon sa relihiyon* ng mga bansang pinanggalingan nila.+
34 Hanggang ngayon, sumusunod sila sa dati nilang mga relihiyon.* Walang isa man sa kanila ang sumasamba* kay Jehova, at walang sumusunod sa kaniyang mga tuntunin, hatol, Kautusan, at batas na ibinigay ni Jehova sa mga anak ni Jacob, na ang pangalan ay pinalitan niya ng Israel.+ 35 Nang makipagtipan sa kanila si Jehova,+ inutusan niya sila: “Huwag kayong matatakot sa ibang diyos, at huwag kayong yuyukod sa kanila o maglilingkod sa kanila o maghahandog sa kanila.+ 36 Si Jehova, na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at unat na bisig,+ ang dapat ninyong katakutan,+ at sa kaniya kayo dapat yumukod, at sa kaniya kayo dapat maghandog. 37 At lagi ninyong sunding mabuti ang mga tuntunin, hatol, Kautusan, at batas na isinulat niya para sa inyo,+ at huwag kayong matatakot sa ibang diyos. 38 At huwag ninyong kalilimutan ang pakikipagtipan ko sa inyo,+ at huwag kayong matatakot sa ibang diyos. 39 Si Jehova na inyong Diyos ang dapat ninyong katakutan, dahil siya ang magliligtas sa inyo mula sa kamay ng lahat ng kaaway ninyo.”
40 Pero hindi sila sumunod; ang dati nilang relihiyon* ang sinunod nila.+ 41 Natakot kay Jehova ang mga bansang ito,+ pero naglilingkod din sila sa sarili nilang mga inukit na imahen. Tinutularan ng mga anak at apo nila ang ginawa ng mga ninuno nila hanggang ngayon.
18 Nang ikatlong taon ng hari ng Israel na si Hosea+ na anak ni Elah, si Hezekias+ na anak ni Haring Ahaz+ ng Juda ay naging hari. 2 Siya ay 25 taóng gulang nang maging hari, at 29 na taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Abi* na anak ni Zacarias.+ 3 Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova,+ gaya ng ginawa ng ninuno niyang si David.+ 4 Siya ang nag-alis sa matataas na lugar,+ nagwasak sa mga sagradong haligi, at pumutol sa sagradong poste.*+ Dinurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises;+ dahil hanggang noong panahong iyon, gumagawa pa rin ang mga Israelita ng haing usok para doon, at tinatawag iyon noon na tansong ahas na idolo.* 5 Nagtiwala siya kay Jehova+ na Diyos ng Israel; walang sinumang katulad niya sa lahat ng hari ng Juda na nauna sa kaniya o sumunod sa kaniya. 6 Nanatili siyang tapat kay Jehova.+ Hindi siya tumigil sa pagsunod sa kaniya; patuloy niyang tinupad ang mga utos na ibinigay ni Jehova kay Moises. 7 At pinatnubayan siya ni Jehova. Naging marunong siya sa lahat ng ginagawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asirya at hindi naglingkod dito.+ 8 Tinalo rin niya ang mga Filisteo+ hanggang sa Gaza at sa mga teritoryo nito, mula sa bantayan hanggang sa napapaderang* lunsod.*
9 Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na ikapitong taon ng hari ng Israel na si Hosea+ na anak ni Elah, si Haring Salmaneser ng Asirya ay sumalakay sa Samaria at pinalibutan iyon ng hukbo niya.+ 10 Nasakop nila iyon+ pagkalipas ng halos tatlong taon; nang ikaanim na taon ni Hezekias, na ikasiyam na taon ni Haring Hosea ng Israel, nasakop ang Samaria. 11 Pagkatapos, ipinatapon ng hari ng Asirya ang mga Israelita+ sa Asirya at pinatira sila sa Hala at sa Habor sa ilog ng Gozan at sa mga lunsod ng mga Medo.+ 12 Nangyari ito dahil hindi nila pinakinggan ang tinig ni Jehova na kanilang Diyos, kundi patuloy nilang nilabag ang kaniyang tipan, ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ni Jehova.+ Hindi sila nakinig o sumunod.
13 Nang ika-14 na taon ni Haring Hezekias, sinalakay ni Senakerib na hari ng Asirya+ ang lahat ng napapaderang lunsod ng Juda at sinakop ang mga iyon.+ 14 Kaya si Haring Hezekias ng Juda ay nagpadala ng mensahe sa hari ng Asirya sa Lakis: “Nagkamali ako. Umurong kayo, at ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo sa akin.” Pinagbayad ng hari ng Asirya si Haring Hezekias ng Juda ng 300 talento* ng pilak at 30 talento ng ginto. 15 Kaya ibinigay ni Hezekias ang lahat ng pilak sa bahay ni Jehova at sa mga kabang-yaman ng bahay* ng hari.+ 16 Nang panahong iyon, inalis* ni Hezekias ang mga pinto ng templo+ ni Jehova at ang mga poste ng pinto na binalutan ng ginto ni Haring Hezekias ng Juda,+ at ibinigay niya ang mga iyon sa hari ng Asirya.
17 Pagkatapos, isinugo ng hari ng Asirya kay Haring Hezekias sa Jerusalem ang Tartan,* ang Rabsaris,* at ang Rabsases* kasama ang isang malaking hukbo mula sa Lakis.+ Pumunta sila sa Jerusalem+ at pumuwesto sa may padaluyan ng tubig na galing sa tipunan ng tubig sa itaas at nasa daang papunta sa parang ng tagapaglaba.+ 18 Nang tawagin nila ang hari para lumabas ito, hinarap sila ni Eliakim+ na anak ni Hilkias, na namamahala sa sambahayan,* ng kalihim na si Sebnah,+ at ng tagapagtalang si Joa na anak ni Asap.
19 Kaya sinabi ng Rabsases sa kanila: “Pakisuyo, sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ito ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asirya: “Ano ang ipinagmamalaki mo?+ 20 Sinasabi mo, ‘Alam ko ang gagawin ko at kaya kong makipagdigma,’ pero hindi totoo iyan. Kanino ka ba umaasa at ang lakas ng loob mong magrebelde sa akin?+ 21 Nagtitiwala ka sa tulong ng baling tambong ito, ang Ehipto.+ Matutusok ang palad ng sinumang tutukod dito. Ganiyan ang Paraon na hari ng Ehipto sa lahat ng nagtitiwala sa kaniya. 22 At kung sasabihin ninyo sa akin, ‘Nagtitiwala kami kay Jehova na aming Diyos,’+ hindi ba sa kaniya ang matataas na lugar at ang mga altar na inalis ni Hezekias,+ at sinasabi niya sa Juda at sa Jerusalem, ‘Dapat kayong yumukod sa altar na ito sa Jerusalem’?”’+ 23 Pakisuyo, makipagpustahan ka sa panginoon kong hari ng Asirya: Bibigyan kita ng 2,000 kabayo kung may mapapasakay ka sa lahat ng ito.+ 24 Paano mo mapauurong ang kahit isang gobernador na pinakamababa sa mga lingkod ng panginoon ko, gayong umaasa ka lang sa Ehipto para sa mga karwahe at mangangabayo? 25 Wala bang pahintulot ni Jehova ang pagpunta ko sa lugar na ito para wasakin ito? Si Jehova mismo ang nagsabi sa akin, ‘Pumunta ka sa lupaing ito at wasakin mo ito.’”
26 Sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias at ni Sebnah+ at ni Joa sa Rabsases:+ “Pakisuyo, makipag-usap ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaiko,*+ dahil naiintindihan namin ito; huwag kang makipag-usap sa amin sa wika ng mga Judio na naririnig ng mga taong nasa pader.”+ 27 Pero sinabi ng Rabsases sa kanila: “Sa iyo lang ba at sa panginoon mo ipinapasabi ng panginoon ko ang mensaheng ito? Hindi ba para din ito sa mga lalaking nakaupo sa pader, na kakain ng sarili nilang dumi at iinom ng sarili nilang ihi kasama ninyo?”
28 Pagkatapos, tumayo ang Rabsases at sumigaw sa wika ng mga Judio: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asirya.+ 29 Ito ang sinabi ng hari, ‘Huwag kayong magpaloko kay Hezekias, dahil hindi niya kayo kayang iligtas sa kamay ko.+ 30 At huwag kayong magtiwala kay Jehova dahil sa sinasabi ni Hezekias: “Tiyak na ililigtas tayo ni Jehova, at hindi ibibigay ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asirya.”+ 31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, dahil ito ang sinabi ng hari ng Asirya: “Makipagpayapaan kayo sa akin at sumuko, at bawat isa sa inyo ay kakain mula sa sarili niyang puno ng ubas at ng igos at iinom ng tubig mula sa sarili niyang imbakan ng tubig, 32 hanggang sa dumating ako at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng sarili ninyong lupain,+ isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at mga ubasan, isang lupain ng punong olibo at pulot-pukyutan. At mananatili kayong buháy at hindi mamamatay. Huwag kayong makinig kay Hezekias, dahil niloloko niya kayo kapag sinasabi niya, ‘Ililigtas tayo ni Jehova.’ 33 Mayroon ba sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng kanilang lupain mula sa kamay ng hari ng Asirya? 34 Nasaan ang mga diyos ng Hamat+ at ng Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Separvaim,+ Hena, at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa kamay ko?+ 35 Walang sinuman sa mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng lupain nila mula sa kamay ko. Kaya paano maililigtas ni Jehova ang Jerusalem mula sa kamay ko?”’”+
36 Pero hindi umimik ang bayan at wala silang anumang isinagot sa kaniya, dahil iniutos ng hari, “Huwag ninyo siyang sagutin.”+ 37 Pero si Eliakim na anak ni Hilkias, na namamahala sa sambahayan,* ang kalihim na si Sebnah, at ang tagapagtalang si Joa na anak ni Asap ay pumunta kay Hezekias na punít ang mga damit, at sinabi nila sa kaniya ang mensahe ng Rabsases.
19 Nang marinig iyon ni Haring Hezekias, pinunit niya ang damit niya at nagsuot siya ng telang-sako at pumasok sa bahay ni Jehova.+ 2 Pagkatapos, si Eliakim na namamahala sa sambahayan,* ang kalihim na si Sebnah, at ang nakatatandang mga saserdote, na lahat ay nakasuot ng telang-sako, ay isinugo niya sa propetang si Isaias+ na anak ni Amoz. 3 Sinabi nila sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Hezekias, ‘Ang araw na ito ay isang araw ng pagdurusa, ng pagsaway,* at ng kahihiyan; dahil handa nang lumabas* ang sanggol, pero walang lakas ang ina para isilang ito.+ 4 Baka sakaling marinig ni Jehova na iyong Diyos ang lahat ng sinabi ng Rabsases, na isinugo ng hari ng Asirya na kaniyang panginoon para insultuhin ang Diyos na buháy,+ at panagutin niya ito sa mga salitang narinig ni Jehova na iyong Diyos. Kaya manalangin ka+ alang-alang sa mga natitira pang buháy.’”
5 Nang pumunta kay Isaias ang mga lingkod ni Haring Hezekias,+ 6 sinabi ni Isaias sa kanila: “Ito ang sabihin ninyo sa inyong panginoon, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Huwag kang matakot+ dahil sa mga salitang narinig mo, sa mga pamumusong* sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asirya.+ 7 May ilalagay ako sa isip niya, at makaririnig siya ng isang ulat at babalik siya sa sarili niyang lupain; at pababagsakin ko siya sa pamamagitan ng espada sa sarili niyang lupain.”’”+
8 Matapos marinig ng Rabsases na ang hari ng Asirya ay umalis na sa Lakis,+ bumalik siya sa hari at nakita itong nakikipagdigma sa Libna.+ 9 May nag-ulat sa hari tungkol kay Haring Tirhaka ng Etiopia: “Parating na siya para makipagdigma sa iyo.” Kaya nagpadala siya ulit ng mga mensahero+ kay Hezekias. Sinabi niya sa mga ito: 10 “Ito ang sasabihin ninyo kay Haring Hezekias ng Juda, ‘Huwag kang magpaloko sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabi sa iyo: “Ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asirya.”+ 11 Nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asirya sa lahat ng bansa—pinuksa nila ang mga iyon.+ Sa tingin mo ba, makaliligtas ka? 12 Iniligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa na winasak ng mga ninuno ko? Nasaan ang Gozan, ang Haran,+ ang Rezep, at ang mga taga-Eden na nasa Tel-asar? 13 Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, at ang hari ng mga lunsod ng Separvaim, at ng Hena, at ng Iva?’”+
14 Kinuha ni Hezekias ang mga liham mula sa mga mensahero at binasa ang mga iyon. Pagkatapos, pumunta si Hezekias sa bahay ni Jehova at inilatag ang mga iyon* sa harap ni Jehova.+ 15 At nanalangin si Hezekias+ sa harap ni Jehova: “O Jehova na Diyos ng Israel, na nakaupo sa trono sa ibabaw* ng mga kerubin,+ ikaw lang ang tunay na Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa.+ Ikaw ang gumawa ng langit at ng lupa. 16 O Jehova, pakinggan mo ako!+ Buksan mo ang mga mata mo,+ O Jehova, at tingnan mo! Pakinggan mo ang mensaheng ipinadala ni Senakerib para insultuhin ang Diyos na buháy. 17 Totoo, O Jehova, na nawasak ng mga hari ng Asirya ang mga bansa at ang mga lupain nila.+ 18 At naihagis nila sa apoy ang mga diyos ng mga ito, dahil hindi diyos ang mga iyon+ kundi mga gawa ng kamay ng tao,+ mga kahoy at bato. Kaya nawasak nila ang mga iyon. 19 Pero ngayon, O Jehova na aming Diyos, pakisuyong iligtas mo kami mula sa kamay niya, para malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lang ang Diyos, O Jehova.”+
20 Pagkatapos, ipinadala ni Isaias na anak ni Amoz ang mensaheng ito kay Hezekias: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Narinig ko ang panalangin mo+ tungkol kay Haring Senakerib ng Asirya.+ 21 Ito ang sinabi ni Jehova laban sa kaniya:
“Hinahamak ka ng anak na dalaga ng Sion, nilalait ka niya.
Pailing-iling sa iyo ang anak na babae ng Jerusalem.
22 Sino ang ininsulto mo at kanino ka namusong?*+
Sino ang sinigawan mo+
At tiningnan nang may kayabangan?
Hindi ba ang Banal ng Israel?+
23 Sa pamamagitan ng mga mensahero mo+ ay ininsulto mo si Jehova+ at sinabi mo,
‘Gamit ang napakarami kong karwaheng pandigma,
Aakyatin ko ang taluktok ng mga bundok,
Ang pinakamalalayong bahagi ng Lebanon.
Puputulin ko ang matatayog nitong sedro, ang pinakamagaganda nitong puno ng enebro.
Papasukin ko ang kasulok-sulukan nito, ang pinakamakakapal nitong kagubatan.
24 Huhukay ako ng mga balon at iinom ng tubig ng ibang lupain;
Tutuyuin ko ang lahat ng ilog* ng Ehipto sa pamamagitan ng talampakan ko.’
25 Hindi mo ba narinig? Naipasiya* na ito noong unang panahon.+
Matagal ko na itong inihanda.*+
Ngayon ay gagawin ko na ito.+
Gagawin mong mga bunton ng guho ang mga napapaderang* lunsod.+
26 Ang mga tagaroon ay walang magagawa;
Matatakot sila at mapapahiya.
Magiging gaya sila ng mga pananim sa parang at ng berdeng damo,+
Gaya ng damo sa mga bubong na natuyot dahil sa hanging silangan.
27 Pero alam na alam ko kapag umuupo ka, kapag lumalabas ka, kapag pumapasok ka,+
At kapag galit na galit ka sa akin,+
28 Dahil narinig ko ang matinding galit mo sa akin+ at ang pag-ungal mo.+
Kaya ilalagay ko ang pangawit ko sa ilong mo at ang renda ko+ sa pagitan ng mga labi mo,
At ibabalik kita sa pinagmulan mo.”+
29 “‘At ito ang magiging tanda para sa iyo:* Sa taóng ito, kakainin mo ang mga kusang sumibol;* at sa ikalawang taon, kakainin mo ang mga butil na sumibol mula roon;+ pero sa ikatlong taon, maghahasik ka ng binhi, at magtatanim ka ng ubas at kakainin mo ang bunga ng mga ito.+ 30 Ang mga nasa sambahayan ng Juda na makatatakas, ang mga matitira,+ ay mag-uugat sa ilalim at mamumunga sa itaas. 31 Dahil isang maliit na grupo ang matitira at lalabas mula sa Jerusalem, at lalabas mula sa Bundok Sion ang mga makaliligtas. Mangyayari ito dahil sa sigasig ni Jehova ng mga hukbo.+
32 “‘Kaya ito ang sinabi ni Jehova tungkol sa hari ng Asirya:+
“Hindi siya papasok sa lunsod na ito;+
Hindi rin niya iyon papanain
O lulusubin nang may kalasag
O lalagyan ng rampang pangubkob.+
33 Babalik siya sa daan na pinanggalingan niya;
Hindi siya papasok sa lunsod na ito,” ang sabi ni Jehova.
34 “Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito+ at ililigtas ito alang-alang sa pangalan ko+
At alang-alang sa lingkod kong si David.”’”+
35 Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Jehova ang 185,000 sundalo sa kampo ng mga Asiryano.+ Paggising ng mga tao kinaumagahan, nakita nila ang lahat ng bangkay.+ 36 Kaya si Haring Senakerib ng Asirya ay umalis at bumalik sa Nineve+ at nanatili roon.+ 37 At habang yumuyukod siya sa bahay* ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya ng sarili niyang mga anak na sina Adramelec at Sarezer sa pamamagitan ng espada,+ at tumakas sila papunta sa lupain ng Ararat.+ At ang anak niyang si Esar-hadon+ ang naging hari kapalit niya.
20 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay.+ Dumating ang propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi nito sa kaniya, “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Magbilin ka na sa sambahayan mo dahil mamamatay ka; hindi ka na gagaling.’”+ 2 Humarap siya sa dingding at nanalangin kay Jehova: 3 “Nakikiusap ako sa iyo, O Jehova, alalahanin mong lumakad ako sa harap mo* nang may katapatan at buong puso, at ginawa ko ang mabuti sa paningin mo.”+ At umiyak nang husto si Hezekias.
4 Hindi pa nakakarating si Isaias sa gitna ng looban nang dumating sa kaniya ang mensaheng ito ni Jehova:+ 5 “Bumalik ka at sabihin mo kay Hezekias, ang pinuno ng bayan ko, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng ninuno mong si David: “Narinig ko ang panalangin mo. Nakita ko ang mga luha mo.+ Pagagalingin kita.+ Sa ikatlong araw ay pupunta ka sa bahay ni Jehova.+ 6 Daragdagan ko ng 15 taon ang buhay* mo, at ililigtas kita at ang lunsod na ito mula sa kamay ng hari ng Asirya,+ at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa pangalan ko at alang-alang sa lingkod kong si David.”’”+
7 Pagkatapos, sinabi ni Isaias: “Kumuha kayo ng kakaning gawa sa pinatuyong igos na pinipi.” Dinala nila ito at inilagay sa pigsa, at unti-unti siyang gumaling.+
8 Tinanong noon ni Hezekias si Isaias: “Ano ang tanda+ na pagagalingin ako ni Jehova at makakapunta ako sa bahay ni Jehova sa ikatlong araw?” 9 Sumagot si Isaias: “Ito ang tanda mula kay Jehova na magpapakitang gagawin ni Jehova ang sinabi niya: Gusto mo bang umabante ang anino nang 10 baytang sa hagdan* o umatras nang 10 baytang?”+ 10 Sinabi ni Hezekias: “Aabante talaga ang anino nang 10 baytang, pero hindi ito aatras nang 10 baytang.” 11 Kaya tumawag ang propetang si Isaias kay Jehova, at ang anino na nakababa na sa hagdan ni Ahaz ay pinaatras Niya nang 10 baytang.+
12 Nang panahong iyon, ang hari ng Babilonya, si Berodac-baladan na anak ni Baladan, ay nagpadala ng mga liham at ng regalo kay Hezekias, dahil nabalitaan niyang nagkasakit si Hezekias.+ 13 Tinanggap* sila ni Hezekias at ipinakita niya sa kanila ang kaniyang buong imbakan ng yaman+—ang pilak, ang ginto, ang langis ng balsamo at iba pang mamahaling langis, ang taguan niya ng mga sandata, at ang lahat ng nasa mga kabang-yaman niya. Walang bagay sa sarili niyang bahay* at sa kaniyang buong kaharian na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias.
14 Pagkatapos, pinuntahan ng propetang si Isaias si Haring Hezekias at tinanong ito: “Ano ang sinabi ng mga lalaking iyon, at saan sila nanggaling?” Sumagot si Hezekias: “Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonya.”+ 15 Nagtanong pa siya: “Ano ang nakita nila sa bahay* mo?” Sinabi ni Hezekias: “Nakita nila ang lahat ng nasa bahay* ko. Wala akong hindi ipinakita sa kanila sa mga kabang-yaman ko.”
16 Sinabi ngayon ni Isaias kay Hezekias: “Pakinggan mo ang sinabi ni Jehova,+ 17 ‘Darating ang panahon na lahat ng nasa bahay* mo ngayon at lahat ng natipon ng mga ninuno mo ay dadalhin sa Babilonya.+ Walang matitira,’ ang sabi ni Jehova. 18 ‘At ang ilan sa magiging mga anak mo ay kukunin+ at magiging mga opisyal sa palasyo ng hari ng Babilonya.’”+
19 Kaya sinabi ni Hezekias kay Isaias: “Ang mensahe ni Jehova na sinabi mo ay makatuwiran.”+ Sinabi pa niya: “Mabuti at magkakaroon ng kapayapaan at kapanatagan* habang nabubuhay ako.”+
20 Ang iba pang nangyari kay Hezekias, ang kagitingan niya at ang paggawa niya ng tipunan ng tubig+ at ng daluyan ng tubig papunta sa lunsod,+ ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 21 Pagkatapos, si Hezekias ay namatay;*+ at ang anak niyang si Manases+ ang naging hari kapalit niya.+
21 Si Manases+ ay 12 taóng gulang nang maging hari, at 55 taon siyang namahala sa Jerusalem.+ Ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepziba. 2 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova at tinularan ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga bansang+ pinalayas ni Jehova mula sa harap ng Israel.+ 3 Muli niyang itinayo ang matataas na lugar na winasak ng ama niyang si Hezekias,+ at nagtayo siya ng mga altar para kay Baal at gumawa ng sagradong poste,*+ gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel.+ At yumukod siya sa buong hukbo ng langit at naglingkod sa mga ito.+ 4 Nagtayo rin siya ng mga altar sa bahay ni Jehova,+ ang bahay na tinutukoy ni Jehova nang sabihin niya: “Sa Jerusalem ko ilalagay ang pangalan ko.”+ 5 At nagtayo siya ng mga altar para sa buong hukbo ng langit+ sa dalawang looban* ng bahay ni Jehova.+ 6 At sinunog niya ang sarili niyang anak bilang handog; nagsagawa siya ng mahika, naghanap ng mga tanda,+ at nag-atas ng mga espiritista at manghuhula.+ Napakarami niyang ginawang masama sa paningin ni Jehova para galitin siya.
7 Ang inukit na imahen, ang sagradong poste*+ na ginawa niya, ay ipinasok niya sa bahay na tinutukoy ni Jehova nang sabihin Niya kay David at sa anak nitong si Solomon: “Permanente kong ilalagay ang pangalan ko sa bahay na ito at sa Jerusalem, na pinili ko mula sa lahat ng tribo ng Israel.+ 8 At hindi ko paaalisin ang Israel sa* lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila+ kung susundin nilang mabuti ang lahat ng iniutos ko sa kanila,+ ang buong Kautusan na sinabi ng lingkod kong si Moises na sundin nila.” 9 Pero hindi sila sumunod, at patuloy silang iniligaw ni Manases, kaya mas masahol pa ang ginawa nila kaysa sa ginawa ng mga bansang nilipol ni Jehova sa harap ng mga Israelita.+
10 Si Jehova ay patuloy na nagsalita sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta.+ Sinabi niya: 11 “Ginawa ni Manases na hari ng Juda ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ito; mas masama ang ginawa niya kaysa sa lahat ng ginawa ng mga Amorita+ na nauna sa kaniya,+ at pinagkasala niya ang Juda sa pamamagitan ng kaniyang kasuklam-suklam na mga idolo.* 12 Kaya ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Magpapadala ako ng malaking kapahamakan sa Jerusalem+ at sa Juda, at mangingilabot ang* sinumang makaririnig nito.+ 13 At iuunat ko sa ibabaw ng Jerusalem ang pising panukat+ na ginamit sa Samaria+ at gagamitin ang nibel* na ginamit sa sambahayan ni Ahab,+ at pupunasan ko ang Jerusalem para luminis ito, gaya ng isang mangkok na pinupunasan para luminis at saka itinataob.+ 14 Pababayaan ko ang natira sa aking mana+ at ibibigay ko sila sa kamay ng mga kaaway nila, at magiging mga samsam sila ng lahat ng kaaway nila,+ 15 dahil ginawa nila ang masama sa paningin ko at patuloy nila akong ginagalit mula nang araw na lumabas sa Ehipto ang mga ninuno nila hanggang sa araw na ito.’”+
16 Nagpadanak din si Manases ng napakaraming dugo ng inosenteng mga tao hanggang sa mapuno niya ang buong Jerusalem;+ hindi pa kasama rito ang kasamaang ginawa niya nang udyukan niya ang Juda na magkasala at gumawa ng masama sa paningin ni Jehova. 17 Ang iba pang nangyari kay Manases at ang lahat ng ginawa niya at ang mga kasalanan niya ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 18 Pagkatapos, si Manases ay namatay* at inilibing sa hardin ng bahay niya, sa hardin ni Uza;+ at ang anak niyang si Amon ang naging hari kapalit niya.
19 Si Amon+ ay 22 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang dalawang taon sa Jerusalem.+ Ang kaniyang ina ay si Mesulemet na anak ni Haruz na mula sa Jotba. 20 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng ama niyang si Manases.+ 21 Tinularan niya ang lahat ng ginawa ng ama niya, at patuloy siyang naglingkod at yumukod sa kasuklam-suklam na mga idolo na pinaglingkuran ng ama niya.+ 22 Kaya iniwan niya si Jehova na Diyos ng kaniyang mga ninuno, at hindi siya lumakad sa daan ni Jehova.+ 23 Bandang huli, nagsabuwatan ang mga lingkod ni Amon laban sa kaniya at pinatay ang hari sa sarili niyang bahay. 24 Pero pinatay ng bayan ang lahat ng nagsabuwatan laban kay Haring Amon, at ginawa nilang hari ang anak niyang si Josias kapalit niya.+ 25 Ang iba pang nangyari kay Amon, ang mga ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 26 Kaya inilibing nila siya sa kaniyang libingan sa hardin ni Uza,+ at ang anak niyang si Josias+ ang naging hari kapalit niya.
22 Walong taóng gulang si Josias+ nang maging hari, at namahala siya nang 31 taon sa Jerusalem.+ Ang kaniyang ina ay si Jedida na anak ni Adaias mula sa Bozkat.+ 2 Ginawa niya ang tama sa paningin ni Jehova at lumakad siya sa lahat ng daan ng ninuno niyang si David,+ at hindi siya lumihis sa kanan o sa kaliwa.
3 Noong ika-18 taon ni Haring Josias, ang kalihim na si Sapan na anak ni Azalias na anak ni Mesulam ay isinugo ng hari sa bahay ni Jehova+ matapos pagbilinan ng ganito: 4 “Pumunta ka sa mataas na saserdoteng si Hilkias,+ at ipakolekta mo sa kaniya ang lahat ng perang dinadala sa bahay ni Jehova,+ na kinolekta mula sa mga tao ng mga bantay sa pinto.+ 5 Ibibigay nila iyon sa mga inatasang mangasiwa sa gawain sa bahay ni Jehova. Ibibigay naman ng mga ito ang pera sa mga magkukumpuni sa mga sira* sa bahay ni Jehova,+ 6 sa mga bihasang manggagawa, sa mga tagapagtayo, at sa mga mason; at ipambibili nila ito ng kahoy at mga batong tinabas na gagamitin sa pagkukumpuni sa bahay.+ 7 Pero hindi na sila hihingan ng ulat sa perang ibinigay sa kanila, dahil mapagkakatiwalaan sila.”+
8 Nang maglaon, sinabi ng mataas na saserdoteng si Hilkias sa kalihim na si Sapan:+ “Nakita ko sa bahay ni Jehova ang aklat ng Kautusan.”+ Kaya ibinigay ni Hilkias kay Sapan ang aklat, at binasa ito ni Sapan.+ 9 Pagkatapos, pumunta sa hari ang kalihim na si Sapan at sinabi niya: “Kinuha ng iyong mga lingkod ang perang nasa bahay, at ibinigay nila iyon sa mga inatasang mangasiwa sa gawain sa bahay ni Jehova.”+ 10 Sinabi rin ng kalihim na si Sapan sa hari: “May aklat+ na ibinigay sa akin ang saserdoteng si Hilkias.” At binasa iyon ni Sapan sa harap ng hari.
11 Nang marinig ng hari ang sinasabi sa aklat ng Kautusan, pinunit niya ang damit niya.+ 12 Pagkatapos, inutusan ng hari ang saserdoteng si Hilkias, si Ahikam+ na anak ni Sapan, si Acbor na anak ni Micaias, ang kalihim na si Sapan, at ang lingkod ng hari na si Asaias: 13 “Sumangguni kayo kay Jehova alang-alang sa akin, alang-alang sa bayan, at alang-alang sa buong Juda tungkol sa mga sinasabi sa aklat na ito na natagpuan; matindi ang galit ni Jehova sa atin+ dahil hindi sinunod ng mga ninuno natin ang mga sinasabi sa aklat na ito; hindi nila ginawa ang lahat ng nakasulat dito may kinalaman sa atin.”
14 Kaya ang saserdoteng si Hilkias, si Ahikam, si Acbor, si Sapan, at si Asaias ay pumunta sa propetisang si Hulda.+ Siya ay asawa ng tagapag-ingat ng bihisan na si Salum na anak ni Tikva na anak ni Harhas. Nakatira si Hulda sa Ikalawang Distrito ng Jerusalem; at nakipag-usap sila sa kaniya roon.+ 15 Sinabi niya sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo: 16 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Magdadala ako ng kapahamakan sa lugar na ito at sa mga nakatira dito, ayon sa lahat ng sinasabi sa aklat na binasa ng hari ng Juda.+ 17 Dahil iniwan nila ako at nagsusunog sila ng mga handog sa ibang mga diyos+ para galitin ako sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang kamay,+ magliliyab ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito mapapawi.’”+ 18 Pero ito ang sasabihin ninyo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo para sumangguni kay Jehova, “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel tungkol sa mga salitang narinig mo: 19 ‘Dahil maamo ka* at nagpakumbaba ka+ sa harap ni Jehova nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga nakatira dito—na susumpain sila at mangingilabot ang mga tao sa mangyayari sa kanila—at pinunit mo ang damit mo+ at umiyak ka sa harap ko, pinakinggan din kita, ang sabi ni Jehova. 20 Kaya hindi mo makikita ang lahat ng kapahamakang pasasapitin ko sa lugar na ito. Mamamatay ka* at ihihigang payapa sa libingan mo.’”’” Pagkatapos, iniulat nila sa hari ang sinabi ng propetisa.
23 Kaya ipinatawag ng hari ang lahat ng matatandang lalaki ng Juda at Jerusalem.+ 2 Pagkatapos, pumunta ang hari sa bahay ni Jehova kasama ang lahat ng lalaki ng Juda, ang lahat ng nakatira sa Jerusalem, ang mga saserdote, at ang mga propeta—ang lahat ng tao, ang nakabababa at ang nakatataas. Binasa niya sa kanila ang lahat ng nakasulat sa aklat+ ng tipan+ na nakita sa bahay ni Jehova.+ 3 Tumayo ang hari sa tabi ng haligi, at nakipagtipan siya* kay Jehova,+ na susundin niya si Jehova at tutuparin ang Kaniyang mga utos, paalaala, at tuntunin nang kaniyang buong puso at buong kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa tipang ito na nakasulat sa aklat na ito. Nangako rin ang buong bayan na susunod sila sa tipan.+
4 Pagkatapos, inutusan ng hari ang mataas na saserdoteng si Hilkias,+ ang katulong na mga saserdote, at ang mga bantay sa pinto na ilabas mula sa templo ni Jehova ang lahat ng kagamitang ginawa para kay Baal, para sa sagradong poste,*+ at para sa buong hukbo ng langit. Pagkatapos, sinunog niya ang mga ito sa labas ng Jerusalem sa dalisdis ng Kidron at dinala ang abo ng mga iyon sa Bethel.+ 5 Pinaalis niya ang mga saserdote ng huwad na diyos, na inatasan ng mga hari ng Juda para gumawa ng haing usok sa matataas na lugar sa mga lunsod ng Juda at sa palibot ng Jerusalem, pati ang mga gumagawa ng haing usok para kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga konstelasyon, at sa buong hukbo ng langit.+ 6 Inilabas niya ang sagradong poste*+ mula sa bahay ni Jehova at dinala ito sa hangganan ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog iyon+ sa Lambak ng Kidron at pinulbos iyon at isinaboy ang abo nito sa libingan ng karaniwang mga tao.+ 7 Ibinagsak din niya ang mga bahay ng mga lalaking bayaran sa templo+ na nasa bahay ni Jehova at kung saan naghahabi ang mga babae ng mga tolda para sa pagsamba sa sagradong poste.*
8 Pagkatapos, inilabas niya mula sa mga lunsod ng Juda ang lahat ng saserdote, at ginawa niyang di-karapat-dapat sa pagsamba ang matataas na lugar kung saan gumagawa ng haing usok ang mga saserdote, mula sa Geba+ hanggang sa Beer-sheba.+ Winasak din niya ang matataas na lugar na nasa pasukan ng pintuang-daan ni Josue, ang pinuno ng lunsod, na nasa kaliwa pagpasok sa pintuang-daan ng lunsod. 9 Ang mga saserdote ng matataas na lugar ay hindi naglilingkod sa altar ni Jehova sa Jerusalem,+ pero kumakain sila ng mga tinapay na walang pampaalsa kasama ng mga kapatid nila. 10 Ginawa rin niyang di-karapat-dapat sa pagsamba ang Topet,+ na nasa Lambak ng mga Anak ni Hinom,*+ para wala nang makapagsunog ng kaniyang anak na lalaki o babae bilang handog kay Molec.+ 11 At ang mga kabayong inialay* ng mga hari ng Juda para sa araw ay ipinagbawal niyang ipasok sa bahay ni Jehova; hindi na puwedeng idaan ang mga ito sa silid* ng opisyal na si Natan-melec, na nasa mga portiko; at ang mga karwaheng inialay sa araw+ ay sinunog niya sa apoy. 12 Winasak din ng hari ang mga altar na ginawa ng mga hari ng Juda sa bubungan+ ng itaas na silid ni Ahaz, pati na ang mga altar na ginawa ni Manases sa dalawang looban* ng bahay ni Jehova.+ Pinulbos niya ang mga ito at isinaboy sa Lambak ng Kidron. 13 At ginawa ng hari na di-karapat-dapat sa pagsamba ang matataas na lugar sa tapat ng Jerusalem, na nasa timog* ng Bundok ng Pagkawasak.* Itinayo ito ni Solomon na hari ng Israel para kay Astoret na kasuklam-suklam na diyosa ng mga Sidonio; at para kay Kemos na kasuklam-suklam na diyos ng Moab; at para kay Milcom+ na karima-rimarim na diyos ng mga Ammonita.+ 14 Pinagdurog-durog niya ang mga sagradong haligi at pinutol ang mga sagradong poste*+ at tinambakan ng mga buto ng tao ang kinaroroonan ng mga ito. 15 Winasak din niya ang altar na nasa Bethel, ang mataas na lugar na ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ Matapos wasakin ang altar na iyon at ang mataas na lugar, sinunog niya ang mataas na lugar, pinulbos ang lahat ng naroon, at sinunog ang sagradong poste.*+
16 Nang makita ni Josias ang mga libingan sa bundok, ipinakuha niya ang mga buto sa mga libingan at sinunog ang mga iyon sa altar para gawin itong di-karapat-dapat sa pagsamba, ayon sa salita ni Jehova na inihayag ng lingkod ng tunay na Diyos na humulang mangyayari ang mga bagay na ito.+ 17 Pagkatapos, sinabi niya: “May nakikita akong puntod doon. Kanino iyon?” Sinabi sa kaniya ng mga lalaki sa lunsod: “Libingan iyon ng lingkod ng tunay na Diyos mula sa Juda+ na humula ng mga bagay na ginawa mo sa altar ng Bethel.” 18 Kaya sinabi niya: “Hayaan ninyo siyang magpahinga. Huwag ninyong ipagalaw ang mga buto niya.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niya, pati ang mga buto ng propetang nanggaling sa Samaria.+
19 Inalis din ni Josias ang lahat ng bahay para sa pagsamba na nasa matataas na lugar sa mga lunsod ng Samaria,+ na itinayo ng mga hari ng Israel para galitin ang Diyos, at ginawa rin niya sa mga iyon ang ginawa niya sa Bethel.+ 20 Kaya inihandog niya sa mga altar ang lahat ng saserdote ng matataas na lugar na naroon, at nagsunog siya ng mga buto ng tao sa mga iyon.+ Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.
21 Inutusan ngayon ng hari ang buong bayan: “Magdaos kayo ng Paskuwa+ para kay Jehova na inyong Diyos gaya ng nakasulat sa aklat na ito ng tipan.”+ 22 Walang Paskuwa na gaya nito ang idinaos mula noong panahong humahatol sa Israel ang mga hukom o sa buong panahon ng mga hari ng Israel at ng mga hari ng Juda.+ 23 Pero noong ika-18 taon ni Haring Josias, idinaos sa Jerusalem ang Paskuwa na ito para kay Jehova.
24 Inalis din ni Josias ang mga espiritista, mga manghuhula,+ mga rebultong terapim,*+ mga kasuklam-suklam na idolo,* at ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay na lumitaw sa lupain ng Juda at sa Jerusalem, para masunod ang sinasabi ng Kautusan+ na nakasulat sa aklat na natagpuan ng saserdoteng si Hilkias sa bahay ni Jehova.+ 25 Walang haring nauna sa kaniya ang gaya niya na nanumbalik kay Jehova nang kaniyang buong puso, buong kaluluwa,+ at buong lakas, ayon sa buong Kautusan ni Moises; at wala ring hari na sumunod sa kaniya ang naging gaya niya.
26 Pero hindi nawala ang nag-aapoy na galit ni Jehova laban sa Juda dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Manases para galitin Siya.+ 27 Sinabi ni Jehova: “Aalisin ko rin ang Juda sa harap ko+ gaya ng ginawa ko sa Israel;+ at itatakwil ko ang lunsod na ito ng Jerusalem na pinili ko at ang bahay na sinabi kong ‘Doon mananatili ang pangalan ko.’”+
28 Ang iba pang nangyari kay Josias, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 29 Noong panahon niya, nagpunta si Paraon Necoh na hari ng Ehipto sa may ilog ng Eufrates para makipagkita sa hari ng Asirya, at pumunta roon si Haring Josias para labanan ito; pero nang makita siya ni Necoh, pinatay siya nito sa Megido.+ 30 Kaya ang bangkay niya ay isinakay ng mga lingkod niya sa isang karwahe at mula sa Megido ay dinala siya sa Jerusalem at inilibing sa libingan niya. Pagkatapos, kinuha ng bayan ang anak ni Josias na si Jehoahaz at pinahiran ito ng langis at ginawang hari kapalit ng ama nito.+
31 Si Jehoahaz+ ay 23 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya sa Jerusalem nang tatlong buwan. Ang kaniyang ina ay si Hamutal+ na anak ni Jeremias na taga-Libna. 32 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova; tinularan niya ang lahat ng ginawa ng mga ninuno niya.+ 33 Ibinilanggo siya ni Paraon Necoh+ sa Ribla+ sa lupain ng Hamat para hindi siya makapamahala sa Jerusalem. Pagkatapos, pinagbayad niya ang lupain ng 100 talento* ng pilak at isang talento ng ginto.+ 34 Bukod diyan, si Eliakim na anak ni Josias ay ginawang hari ni Paraon Necoh kapalit ng ama nitong si Josias at pinalitan ang pangalan nito ng Jehoiakim; dinala naman niya si Jehoahaz sa Ehipto,+ kung saan ito namatay nang maglaon.+ 35 Ibinigay ni Jehoiakim sa Paraon ang pilak at ang ginto, pero pinatawan niya ng buwis ang lupain para maibigay ang pilak na hinihingi ng Paraon. Pinagbayad niya ng takdang dami ng pilak at ginto ang bawat isa sa lupain para ibigay kay Paraon Necoh.
36 Si Jehoiakim+ ay 25 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 11 taon sa Jerusalem.+ Ang kaniyang ina ay si Zebida na anak ni Pedaias na taga-Ruma. 37 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova;+ tinularan niya ang lahat ng ginawa ng mga ninuno niya.+
24 Nang panahon ni Jehoiakim, sinalakay ni Haring Nabucodonosor+ ng Babilonya ang lupain, at naging lingkod niya si Jehoiakim nang tatlong taon. Pero naghimagsik ito sa kaniya. 2 Pagkatapos, nagsugo si Jehova laban kay Jehoiakim ng mga grupo ng mga mandarambong na Caldeo,+ Siryano, Moabita, at Ammonita. Paulit-ulit niya silang isinugo laban sa Juda para wasakin ito, ayon sa salita ni Jehova+ na sinabi niya sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. 3 Nangyari ito sa Juda ayon sa utos ni Jehova, para maalis niya sila sa harapan niya+ dahil sa lahat ng kasalanang ginawa ni Manases,+ 4 at dahil din sa pinadanak nitong dugo ng inosenteng mga tao;+ pinuno nito ang Jerusalem ng dugo ng inosenteng mga tao at ayaw magpatawad ni Jehova.+
5 Ang iba pang nangyari kay Jehoiakim, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda.+ 6 Nang maglaon, si Jehoiakim ay namatay;*+ at ang anak niyang si Jehoiakin ang naging hari kapalit niya.
7 Ang hari ng Ehipto ay hindi na muling lumabas sa lupain niya, dahil kinuha ng hari ng Babilonya ang lahat ng pag-aari ng hari ng Ehipto,+ mula sa Wadi* ng Ehipto+ hanggang sa Ilog ng Eufrates.+
8 Si Jehoiakin+ ay 18 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang tatlong buwan sa Jerusalem.+ Ang kaniyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan ng Jerusalem. 9 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova; tinularan niya ang lahat ng ginawa ng kaniyang ama. 10 Nang panahong iyon, sumalakay sa Jerusalem ang mga lingkod ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya, at pinalibutan nila ang lunsod.+ 11 Pumunta sa lunsod si Haring Nabucodonosor ng Babilonya habang ang mga lingkod niya ay nakapalibot sa lunsod.
12 Sumuko si Jehoiakin na hari ng Juda sa hari ng Babilonya,+ kasama ang kaniyang ina, mga lingkod, mga pinuno, at mga opisyal sa palasyo;+ at binihag siya ng hari ng Babilonya sa ikawalong taon ng pamamahala nito.+ 13 Pagkatapos, kinuha ng hari ng Babilonya ang lahat ng kayamanan sa bahay ni Jehova at ang kayamanan sa bahay* ng hari.+ Pinagputol-putol niya ang lahat ng kagamitang ginto na ginawa ni Solomon na hari ng Israel sa templo ni Jehova.+ Nangyari ito gaya ng inihula ni Jehova. 14 Ipinatapon niya ang buong Jerusalem, ang lahat ng pinuno,+ ang lahat ng malalakas na mandirigma, at ang bawat bihasang manggagawa at panday*+—10,000 lahat. Walang naiwan maliban sa pinakamahihirap na tao sa lupain.+ 15 Ipinatapon niya si Jehoiakin+ sa Babilonya;+ kinuha rin niya sa Jerusalem ang ina ng hari, mga asawa ng hari, mga opisyal nito sa palasyo, at ang mga prominenteng tao sa lupain, at ipinatapon niya ang mga ito sa Babilonya. 16 Kinuha rin ng hari ng Babilonya ang lahat ng mandirigma, 7,000, pati ang 1,000 bihasang manggagawa at panday,* na lahat ay malalakas na lalaki at sinanay sa digmaan, at ipinatapon niya ang mga ito sa Babilonya. 17 Si Matanias, na tiyo ni Jehoiakin,+ ang ipinalit ng hari ng Babilonya kay Jehoiakin bilang hari, at ginawa niyang Zedekias ang pangalan nito.+
18 Si Zedekias ay 21 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 11 taon sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Hamutal+ na anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova; tinularan niya ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim.+ 20 Dahil sa galit, hinayaan ni Jehova na mangyari sa Jerusalem at sa Juda ang mga bagay na ito hanggang sa mapalayas niya sila sa harapan niya.+ At si Zedekias ay naghimagsik sa hari ng Babilonya.+
25 Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, noong ika-10 araw ng ika-10 buwan, lumusob sa Jerusalem si Haring Nabucodonosor+ ng Babilonya kasama ang kaniyang buong hukbo.+ Nagkampo sila at nagtayo ng pader na pangubkob sa palibot nito;+ 2 pinalibutan nila ang lunsod hanggang sa ika-11 taon ni Haring Zedekias. 3 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, matindi na ang taggutom+ sa lunsod, at wala nang makain ang mga tao.+ 4 Nabutas at napasok ang pader ng lunsod,+ at tumakas ang lahat ng sundalo noong gabi; dumaan sila sa pintuang-daan sa pagitan ng dalawang pader malapit sa hardin ng hari habang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod; at ang hari ay tumakas papuntang Araba.+ 5 Pero ang hari ay hinabol ng hukbo ng mga Caldeo, at naabutan nila siya sa mga tigang na kapatagan ng Jerico. Nahiwalay siya sa hukbo niya at nagkawatak-watak ang mga ito. 6 Hinuli nila ang hari+ at dinala siya sa hari ng Babilonya sa Ribla, at hinatulan nila siya. 7 Pinatay nila ang mga anak ni Zedekias sa harap niya; pagkatapos, binulag ni Nabucodonosor si Zedekias, iginapos ng kadenang tanso, at dinala sa Babilonya.+
8 Noong ikapitong araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya, dumating sa Jerusalem si Nebuzaradan+ na pinuno ng mga bantay at isang lingkod ng hari ng Babilonya.+ 9 Sinunog niya ang bahay ni Jehova,+ ang bahay* ng hari,+ at ang lahat ng bahay sa Jerusalem;+ sinunog din niya ang bahay ng bawat prominenteng tao.+ 10 At ang mga pader sa palibot ng Jerusalem ay giniba ng buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng pinuno ng mga bantay.+ 11 Ipinatapon ni Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay ang lahat ng natira sa lunsod, ang mga kumampi sa hari ng Babilonya, at ang lahat ng iba pa sa bayan.+ 12 Pero iniwan ng pinuno ng mga bantay ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain para maging mga tagapag-alaga ng ubasan at sapilitang trabahador.+ 13 At pinagputol-putol ng mga Caldeo ang mga haliging tanso+ sa bahay ni Jehova at ang mga patungang de-gulong+ at ang malaking tipunan ng tubig+ na yari sa tanso na nasa bahay ni Jehova, at dinala nila sa Babilonya ang mga tanso.+ 14 Kinuha rin nila ang mga lalagyan ng abo, mga pala, mga pamatay ng apoy, mga kopa, at ang lahat ng kagamitang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo. 15 Kinuha ng pinuno ng mga bantay ang mga lalagyan ng baga* at ang mga mangkok na yari sa tunay na ginto+ at pilak.+ 16 Hindi matimbang sa dami ang tanso mula sa dalawang haligi, sa malaking tipunan ng tubig, at sa mga patungang de-gulong na ginawa ni Solomon para sa bahay ni Jehova.+ 17 Bawat haligi ay may taas na 18 siko,*+ at yari sa tanso ang kapital na nasa ibabaw nito; tatlong siko ang taas ng kapital, at gawa sa tanso ang lambat at mga palamuting granada* sa palibot ng kapital.+ Ganiyan din ang ikalawang haligi na may lambat.
18 Kinuha rin ng pinuno ng mga bantay ang punong saserdote na si Seraias,+ ang pangalawang saserdote na si Zefanias,+ at ang tatlong bantay sa pinto.+ 19 At kinuha niya sa lunsod ang isang opisyal ng palasyo na namamahala sa mga sundalo, ang limang tagapayong malapít sa hari na nakita sa lunsod, pati ang kalihim ng pinuno ng hukbo, na tagatipon sa mga tao, at ang 60 karaniwang tao na nasa lunsod pa. 20 Kinuha sila ni Nebuzaradan+ na pinuno ng mga bantay at dinala sila sa hari ng Babilonya sa Ribla.+ 21 Pinatay sila ng hari ng Babilonya sa Ribla sa lupain ng Hamat.+ Sa gayon, napalayas ang mga taga-Juda mula sa lupain nila at naipatapon.+
22 Si Gedalias+ na anak ni Ahikam+ na anak ni Sapan+ ay inatasan ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya na mamahala sa mga taong iniwan niya sa lupain ng Juda.+ 23 Nang marinig ng lahat ng pinuno ng hukbo at ng mga tauhan nila na inatasan ng hari ng Babilonya si Gedalias, pumunta sila agad kay Gedalias sa Mizpa. Sila ay sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet na Netopatita, at Jaazanias na anak ng Maacateo, kasama ang mga tauhan nila.+ 24 Sumumpa si Gedalias sa kanila at sa mga tauhan nila: “Huwag kayong matakot na maging lingkod ng mga Caldeo. Tumira kayo sa lupain at maglingkod sa hari ng Babilonya, at mapapabuti kayo.”+
25 Nang ikapitong buwan, si Ismael+ na anak ni Netanias na anak ni Elisama, na mula sa angkan ng hari,* ay dumating na may kasamang 10 lalaki, at pinatay nila si Gedalias, pati ang mga Judio at ang mga Caldeo na kasama nito sa Mizpa.+ 26 Pagkatapos, ang buong bayan, ang nakabababa at ang nakatataas, kasama na ang mga pinuno ng hukbo, ay pumunta sa Ehipto,+ dahil natatakot sila sa mga Caldeo.+
27 At nang ika-37 taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin+ ng Juda, noong ika-27 araw ng ika-12 buwan, si Haring Jehoiakin ng Juda ay pinalaya ni Haring Evil-merodac ng Babilonya noong taóng maging hari ito.+ 28 Naging mabait ito* sa kaniya at ginawa nitong mas mataas ang trono niya kaysa sa mga trono ng iba pang mga hari na kasama niya sa Babilonya. 29 Kaya hinubad ni Jehoiakin ang damit niyang pambilanggo, at lagi na siyang kasalo ng hari sa pagkain habang nabubuhay siya. 30 Regular siyang binibigyan ng pagkain ng hari, araw-araw, habang siya ay nabubuhay.
Ibig sabihin, “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”
Sa Ingles, leather.
Kapatid ni Ahazias.
O “himpapawid.”
Ang “mga anak ng mga propeta” ay malamang na tumutukoy sa isang grupo ng mga propeta o sa isang samahan na nagsasanay sa mga propeta.
O “karo.”
O “himpapawid.”
O “hangin.”
O posibleng “nagiging dahilan ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis.”
O posibleng “pagkalaglag ng ipinagbubuntis.”
O “batang tupa.”
Tingnan sa Glosari.
O “na lingkod noon ni Elias.”
Lit., “Ano sa akin at sa iyo?”
Lit., “na sa harap niya ay nakatayo ako.”
O “musikero.”
Lit., “kamay.”
O “wadi.”
O “wadi.”
O “nakukutaang.”
O “lahat ng nagsusuot ng sinturon.”
Lit., “mga anak ng mga propeta.”
Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.
Isang uri ng gulay.
O “iniligtas.”
O “may sakit siya sa balat.”
Posibleng tumutukoy kay Naaman.
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “ang buong kampo.”
Lit., “pagpapala.”
Lit., “na sa harap niya ay nakatayo ako.”
Anak ng kabayo at asno.
O “templo.”
Isang lugar sa Samaria, posibleng isang burol o kuta.
O “at mahigit isa o dalawang ulit.”
Lit., “puso ng hari.”
Lit., “ang bansang ito.”
Lit., “kampo.”
Ang isang kab ay 1.22 L. Tingnan ang Ap. B14.
O “pamilihan.”
Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.
Ang isang seah ay 7.33 L. Tingnan ang Ap. B14.
Opisyal ng militar.
Lit., “ang salitang iyan.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “ang salitang iyan.”
O “inilagay.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Lit., “anak.”
O “may sakit.”
Lit., “Pinapahiran.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”
Lit., “Pinapahiran.”
Lit., “ang sinumang umiihi sa pader.” Pananalitang Hebreo na ginagamit sa paghamak sa mga lalaki.
Lit., “Pinapahiran.”
Lit., “anak.”
O “panggagaway.” Tingnan sa Glosari.
Opisyal ng militar.
Lit., “sa bahay-hardin.”
O “pataba.”
Lit., “mga tagapag-alaga ni Ahab.”
O “nakukutaang.”
O “pinakamatuwid.”
Lit., “bahay.”
O “Matuwid kayo.”
Lit., “ang babagsak sa lupa.”
Malamang na isang lugar kung saan itinatali ang mga tupang gugupitan.
O “Pinagpala.”
O “Matuwid.”
O “makikita mo ang sigasig ko para kay.”
O “Pabanalin ninyo ang.”
O “templo.”
O “buhay para sa buhay ang magiging kapalit.”
Lit., “mananakbo.”
Opisyal ng militar.
Lit., “sa lunsod,” malamang na isang istraktura na parang tanggulan.
O “batang baka.”
O “Wadi.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Lit., “ang buong binhi ng kaharian.”
Lit., “pinuno ng daan-daan.”
Lit., “mananakbo.”
O “palasyo.”
Lit., “kapag lumalabas siya at kapag pumapasok siya.”
O “diadema.”
Malamang na isang balumbong naglalaman ng Kautusan ng Diyos.
O “palasyo.”
O “templo.”
O “palasyo.”
O “kakilala nila.”
O “bitak.”
O “ilagay sa mga supot.” Lit., “itali.”
O “palasyo.”
O “sa Bet-milo.”
Lit., “pinalambot ni Jehoahaz ang mukha ni.”
Nanirahan nang payapa at panatag.
Lit., “Lumakad siya rito.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Lit., “Lumakad.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Si Jeroboam II.
O “pagliligtas.”
O “pagliligtas.”
O “Tatalunin.”
Lit., “sa pagpasok ng taon,” malamang na sa tagsibol.
O “palasyo.”
Lit., “tolda.”
Mga 178 m (584 ft). Tingnan ang Ap. B14.
O “palasyo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Si Jeroboam II.
Ibig sabihin, “Tumulong si Jehova.” Tinatawag siyang Uzias sa 2Ha 15:13; 2Cr 26:1-23; Isa 6:1; at Zac 14:5.
Lit., “nang humigang kasama ng mga ama ang.”
Ang ama niyang si Amazias.
O “pasukan ng Hamat.”
Dagat Asin, o Dagat na Patay.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Si Jeroboam II.
Ibig sabihin, “Tumulong si Jehova.” Tinatawag siyang Uzias sa 2Ha 15:13; 2Cr 26:1-23; Isa 6:1; at Zac 14:5.
O “palasyo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Opisyal ng militar.
O “palasyo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Lit., “pinaraan pa nga niya sa apoy.”
O “taga-Juda.”
O “palasyo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Ibig sabihin, “Pinalalakas ni Jehova.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “Natakot.”
O “nakukutaang.”
Sa lahat ng lugar, kaunti man o marami ang nakatira.
Tingnan sa Glosari.
Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
Lit., “at pinatigas nila ang leeg nila.”
O “batang baka.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “ipinagbili ang sarili nila.”
O “ang lahat ng inapo ng Israel.”
O “sumasamba.”
O “relihiyosong mga kaugalian.”
O “sumamba.”
O “mga diyos.”
O “relihiyosong mga kaugalian.”
O “relihiyosong mga kaugalian.”
O “natatakot.”
O “relihiyosong mga kaugalian.”
Pinaikling Abias.
Tingnan sa Glosari.
O “tinatawag iyon noon na Nehustan.”
O “nakukutaang.”
Sa lahat ng lugar, kaunti man o marami ang nakatira.
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
O “palasyo.”
Lit., “pinutol.”
O “kumandante.”
O “punong opisyal ng palasyo.”
O “punong tagapagsilbi ng inumin.”
O “palasyo.”
O “Siryano.”
O “palasyo.”
O “palasyo.”
O “pang-iinsulto.”
Lit., “nasa bukana na ng sinapupunan.”
O “pang-iinsulto.” Tingnan sa Glosari.
Lit., “inilatag iyon.”
O posibleng “pagitan.”
Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”
O “kanal ng Nilo.”
Lit., “Ginawa.”
O “binuo.”
O “nakukutaang.”
Si Hezekias.
O “tumubo mula sa mga natapong butil.”
O “templo.”
O “namuhay ako.”
Lit., “mga araw.”
Malamang na ginagamit ang mga baytang na ito sa hagdan bilang orasan, gaya ng sundial.
O “Pinakinggan.”
O “palasyo.”
O “palasyo.”
O “palasyo.”
O “palasyo.”
O “katotohanan.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Tingnan sa Glosari.
O “bakuran.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “hindi ko na muling pagagalain ang paa ng Israel mula sa.”
Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
Lit., “mangingilabot ang dalawang tainga ng.”
O “hulog,” instrumentong ibinibitin para matiyak na tuwid ang pagkakatayo ng isang istraktura.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
O “bitak.”
Lit., “malambot ang puso mo.”
Lit., “Matitipon ka sa iyong mga ama.” Makatang pananalita para sa kamatayan.
O “muli niyang pinagtibay ang tipan.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari, “Gehenna.”
Lit., “ibinigay.”
O “silid-kainan.”
O “bakuran.”
Lit., “kanan.” Gawing timog kapag nakaharap sa silangan.
Bundok ng mga Olibo, partikular na ang pinakadulong bahagi sa timog na kilala ring Bundok ng Paglabag.
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”
Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Tingnan sa Glosari.
O “palasyo.”
O posibleng “tagapagtayo ng mga balwarte.”
O posibleng “tagapagtayo ng mga balwarte.”
O “palasyo.”
Lit., “apoy.”
Ang isang siko ay 44.5 cm (17.5 in). Tingnan ang Ap. B14.
Tingnan sa Glosari.
Lit., “mula sa binhi ng kaharian.”
O “Nakipag-usap ito nang mabait.”