AYON KAY JUAN
1 Sa pasimula ay umiral ang Salita,+ at ang Salita ay kasama ng Diyos,+ at ang Salita ay isang diyos.+ 2 Sa simula pa lang, kasama na siya ng Diyos.+ 3 Ginamit siya ng Diyos sa paggawa ng lahat ng bagay,+ at walang bagay na ginawa ang Diyos nang hindi siya katulong.
4 Sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng buhay, at ang buhay niya ang liwanag para sa mga tao.+ 5 At ang liwanag ay sumisikat sa kadiliman,+ at hindi ito natatalo ng kadiliman.
6 May isang tao na isinugo bilang kinatawan ng Diyos; ang pangalan niya ay Juan.+ 7 Ang taong ito ay dumating bilang isang saksi para magpatotoo tungkol sa liwanag,+ nang sa gayon, ang lahat ng uri ng tao ay manampalataya dahil sa mga sinabi niya. 8 Hindi siya ang liwanag na iyon,+ pero dumating siya para magpatotoo tungkol sa liwanag.+
9 Ang tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao ay paparating na sa sangkatauhan.+ 10 Kasama na siya noon ng sangkatauhan,+ at katulong siya ng Diyos nang gawin ito,+ pero hindi siya nakilala* ng sangkatauhan. 11 Dumating siya sa sarili niyang bayan, pero hindi siya tinanggap ng mga tao.+ 12 Gayunman, ang lahat ng tumanggap sa kaniya ay binigyan niya ng pagkakataong maging mga anak ng Diyos+ dahil nanampalataya sila sa pangalan niya.+ 13 At ipinanganak sila, hindi ng kanilang mga magulang o dahil sa kagustuhan ng mga ito, kundi dahil sa kagustuhan ng Diyos.+
14 Kaya ang Salita ay naging tao+ at namuhay kasama namin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian na tinatanggap ng kaisa-isang anak+ mula sa kaniyang ama; at nasa kaniya ang pabor ng Diyos at nagtuturo siya ng katotohanan.+ 15 (Nagpatotoo si Juan tungkol sa kaniya, oo, isinigaw niya: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘Ang isa na dumarating na kasunod ko ay naging mas dakila sa akin, dahil una siyang umiral sa akin.’”)+ 16 Dahil sagana ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, patuloy tayong nakatatanggap nito mula sa kaniya. 17 Ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises,+ pero ang walang-kapantay na kabaitan+ at katotohanan ay ibinigay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.+ 18 Walang taong nakakita sa Diyos kailanman;+ ang kaisa-isang Anak na tulad-diyos+ at nasa tabi ng Ama+ ang nakapagpaliwanag kung sino ang Ama.+
19 Nagsugo ang mga Judio ng mga saserdote at mga Levita mula sa Jerusalem para tanungin si Juan: “Sino ka ba?”+ 20 Hindi siya nagpaligoy-ligoy at sinabi niya: “Hindi ako ang Kristo.”+ 21 Tinanong nila siya: “Kung gayon, ikaw ba si Elias?”+ Sumagot siya: “Hindi ako.”+ “Ikaw ba ang Propeta?”+ Sumagot siya: “Hindi!” 22 Kaya sinabi nila: “Sino ka? Sabihin mo, para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Magpakilala ka.” 23 Sinabi niya: “Ako ang isa na sumisigaw sa ilang, ‘Patagin ninyo ang dadaanan ni Jehova,’+ gaya ng sinabi ni propeta Isaias.”+ 24 Ang mga nagtatanong na iyon ay sugo ng mga Pariseo. 25 Kaya tinanong nila siya: “Kung gayon, bakit ka nagbabautismo kung hindi ikaw ang Kristo o si Elias o ang Propeta?” 26 Sumagot si Juan: “Nagbabautismo ako sa tubig. May isa sa gitna ninyo na hindi ninyo nakikilala, 27 ang dumarating na kasunod ko, at hindi ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.”+ 28 Nangyari ang mga ito sa Betania sa kabila ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.+
29 Kinabukasan, nakita niya si Jesus na papalapit sa kaniya. Sinabi niya: “Tingnan ninyo, ang Kordero+ ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan+ ng sangkatauhan!+ 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko: ‘Dumarating na kasunod ko ang isang lalaki na naging mas dakila sa akin, dahil una siyang umiral sa akin.’+ 31 Hindi ko rin siya kilala noon, pero nagbabautismo ako sa tubig para makilala siya ng Israel.”+ 32 Sinabi rin ni Juan bilang patotoo: “Nakita ko ang espiritu na bumababa mula sa langit na tulad ng isang kalapati, at nanatili ito sa kaniya.+ 33 Hindi ko rin siya kilala, pero sinabi mismo ng Diyos na nagsugo sa akin para magbautismo sa tubig: ‘Kapag nakita mo ang espiritu na bumaba sa sinuman at nanatili ito sa kaniya,+ siya ang nagbabautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu.’+ 34 At nakita ko iyon, at pinatutunayan ko na siya nga ang Anak ng Diyos.”+
35 Nang sumunod na araw, nakatayo ulit doon si Juan kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad. 36 Nakita niya si Jesus na naglalakad, kaya sinabi niya: “Tingnan ninyo, ang Kordero+ ng Diyos!” 37 Nang marinig ito ng dalawa niyang alagad, sinundan nila si Jesus. 38 Pagkatapos, lumingon si Jesus at nakita niyang sumusunod sila. Sinabi niya: “Ano ang kailangan ninyo?” Sinabi nila: “Rabbi (na kapag isinalin ay “Guro”), saan ka tumutuloy?” 39 Sinabi niya: “Sumama kayo sa akin para makita ninyo.” Kaya sumama sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at nanatili silang kasama niya nang araw na iyon; mga ika-10 oras na noon. 40 Si Andres,+ na kapatid ni Simon Pedro, ay isa sa dalawa na nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus. 41 Una niyang nakita* ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya rito: “Nakita na namin ang Mesiyas”+ (na kapag isinalin ay “Kristo”),+ 42 at isinama niya si Simon kay Jesus. Tumingin si Jesus dito, at sinabi niya: “Ikaw si Simon,+ na anak ni Juan; tatawagin kang Cefas” (na isinasaling “Pedro”).+
43 Kinabukasan, nagpasiya si Jesus na pumunta sa Galilea. At nakita niya si Felipe+ at sinabi rito: “Maging tagasunod kita.” 44 Si Felipe ay mula sa lunsod ng Betsaida, tulad nina Andres at Pedro. 45 Nakita ni Felipe si Natanael+ at sinabi rito: “Nakita na namin ang isa na tinutukoy sa Kautusan, na isinulat ni Moises, at sa mga Propeta:+ si Jesus, na anak ni Jose,+ na mula sa Nazaret.” 46 Pero sinabi ni Natanael: “Mayroon bang anumang mabuti na puwedeng manggaling sa Nazaret?”+ Sinabi ni Felipe: “Halika at tingnan mo.” 47 Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya, at sinabi niya tungkol dito: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita na walang anumang pagkukunwari.”+ 48 Sinabi ni Natanael sa kaniya: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot si Jesus: “Bago ka tinawag ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.”+ 50 Kaya sinabi ni Jesus: “Nananampalataya ka ba dahil sinabi ko sa iyo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang makikita mo.” 51 Sinabi pa niya: “Tinitiyak ko sa inyo, makikita ninyong bukás ang langit at ang mga anghel ng Diyos na bumababa sa Anak ng tao at umaakyat sa langit.”+
2 Pagkaraan ng dalawang araw, nagkaroon ng isang handaan sa kasal sa Cana+ ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Inimbitahan din si Jesus at ang mga alagad niya sa handaan.
3 Nang paubos na ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: “Wala na silang alak.” 4 Pero sinabi ni Jesus: “Ano ang kinalaman natin doon? Hindi pa dumarating ang oras ko.” 5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga nagsisilbi: “Gawin ninyo anuman ang sabihin niya sa inyo.” 6 At may anim na batong banga na nakahanda para sa ritwal na paglilinis ng mga Judio.+ Ang bawat banga ay makapaglalaman ng mga 44 hanggang 66 na litro. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nila ang mga iyon. 8 Pagkatapos, sinabi niya: “Sumalok kayo ngayon ng kaunti at dalhin ninyo sa nangangasiwa* sa handaan.” Kaya dinala nila iyon. 9 Tinikman ng nangangasiwa sa handaan ang tubig na ginawang alak. Hindi niya alam kung saan ito galing (pero alam iyon ng mga nagsisilbi na sumalok ng tubig). Pagkatapos, tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi: “Ang lahat ng iba pa ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang klase naman. Pero ngayon mo inilabas ang mainam na alak.” 11 Ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea ang kaniyang unang himala para maipakita ang kaniyang kapangyarihan,+ at nanampalataya sa kaniya ang mga alagad niya.
12 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Capernaum+ kasama ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki,+ at mga alagad, pero ilang araw lang sila roon.
13 Ang Paskuwa+ ng mga Judio ay malapit na, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng baka, tupa, at kalapati,+ pati na ang nakaupong mga nagpapalit ng pera. 15 Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid at pinalayas sa templo ang lahat ng nagtitinda ng tupa at baka, at ibinuhos niya ang mga barya ng mga nagpapalit ng pera at itinaob ang mga mesa nila.+ 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati: “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag na ninyong gawing lugar ng negosyo ang bahay ng aking Ama!”+ 17 Naalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: “Mag-aalab ang sigasig ko para sa iyong bahay.”+
18 Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya: “Magbigay ka ng tanda+ para patunayang may karapatan kang gawin ang mga ito.” 19 Sinabi ni Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito, at itatayo ko ito sa loob ng tatlong araw.”+ 20 Sinabi naman ng mga Judio: “Itinayo ang templong ito nang 46 na taon, at maitatayo mo ito sa loob lang ng tatlong araw?” 21 Pero ang tinutukoy niyang templo ay ang kaniyang katawan.+ 22 At nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng mga alagad niya na dati pa niya itong sinasabi,+ kaya pinaniwalaan nila ang kasulatan at ang sinabi ni Jesus.
23 Gayunman, nang nasa Jerusalem siya noong kapistahan ng Paskuwa, marami ang nanampalataya sa kaniyang pangalan nang makita nila ang ginagawa niyang mga tanda.+ 24 Pero si Jesus ay hindi lubos na nagtiwala sa kanila dahil nakikilala niya silang lahat, 25 at hindi niya kailangan ang sinuman para magpaliwanag sa kaniya tungkol sa mga tao dahil alam niya kung ano ang nasa puso nila.+
3 May isang Pariseo na ang pangalan ay Nicodemo.+ Isa siyang tagapamahala ng mga Judio. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus+ at sinabi niya: “Rabbi,+ alam naming isa kang guro na nagmula sa Diyos dahil walang sinuman ang makagagawa ng mga himalang*+ ginagawa mo kung walang tulong ng Diyos.”*+ 3 Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, kung hindi ipanganganak-muli ang isa,+ hindi niya makikita ang Kaharian ng Diyos.”+ 4 Sinabi ni Nicodemo: “Paano maipanganganak ang isa kung matanda na siya? Puwede ba siyang makapasok sa sinapupunan ng kaniyang ina at maipanganak na muli?” 5 Sumagot si Jesus: “Tinitiyak ko sa iyo, ang isa ay makakapasok lang sa Kaharian ng Diyos kung ipanganganak siya mula sa tubig+ at sa espiritu.+ 6 Ang ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang mamangha dahil sa sinabi kong dapat kayong maipanganak na muli.+ 8 Ang hangin ay humihihip kung saan nito gusto, at naririnig mo ang hugong nito, pero hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan ito pupunta. Gayon din ang bawat isa na ipinanganak sa espiritu.”+
9 Sinabi ni Nicodemo: “Paano mangyayari ang mga ito?” 10 Sumagot si Jesus: “Isa kang guro sa Israel, bakit hindi mo alam ang mga ito? 11 Tinitiyak ko sa iyo, ang alam namin ay sinasabi namin, at ang nakita namin ay pinapatotohanan namin,+ pero hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo.+ 12 Nagsalita ako sa inyo tungkol sa mga bagay sa lupa pero hindi kayo naniwala, kaya paano kayo maniniwala kung magsasalita ako tungkol sa mga bagay sa langit?+ 13 Isa pa, walang taong umakyat sa langit+ maliban sa isa na bumaba mula sa langit,+ ang Anak ng tao. 14 At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang,+ kailangan ding itaas ang Anak ng tao+ 15 para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa na naniniwala sa kaniya.+
16 “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak+ para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.+ 17 Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo, hindi para hatulan ang mga tao, kundi para maligtas ang mga tao sa pamamagitan niya.+ 18 Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi hahatulan.+ Ang sinumang hindi nananampalataya ay nahatulan na, dahil hindi siya nanampalataya sa pangalan ng kaisa-isang Anak ng Diyos.*+ 19 Dumating ang liwanag sa mundo*+ pero sa halip na ibigin ng mga tao ang liwanag, inibig nila ang kadiliman dahil napakasama ng ginagawa nila, at iyan ang dahilan kung bakit sila hahatulan.+ 20 Ang sinumang gumagawa ng napakasamang mga bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag para hindi malantad* ang kaniyang mga gawa. 21 Pero ang sinumang gumagawa ng tama ay lumalapit sa liwanag+ para mahayag na katanggap-tanggap sa Diyos ang kaniyang mga gawa.”
22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang mga alagad niya ay pumunta sa mga nayon ng Judea. Doon, gumugol siya ng ilang panahon kasama nila at nagbautismo.+ 23 Pero si Juan ay nagbabautismo rin sa Enon malapit sa Salim dahil may malaking katubigan doon,+ at pumupunta sa kaniya ang mga tao at nagpapabautismo.+ 24 Hindi pa nakabilanggo noon si Juan.+
25 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa ritwal na paglilinis. 26 Pagkatapos, pumunta sila kay Juan at sinabi nila: “Rabbi, natatandaan po ba ninyo ang lalaking binabanggit ninyo+ at kasama ninyo noon sa kabila ng Jordan? Nagbabautismo siya, kaya ang lahat ay pumupunta sa kaniya.” 27 Sumagot si Juan: “Ang isang tao ay hindi makatatanggap ng kahit isang bagay malibang ibigay iyon sa kaniya mula sa langit. 28 Narinig ninyo mismo nang sabihin ko, ‘Hindi ako ang Kristo,+ pero isinugo ako sa unahan ng isang iyon.’+ 29 Sa isang kasalan, ang nobya ay para sa nobyo.+ Ang kaibigan ng nobyo, na nakatayo malapit sa nobyo, ay masayang-masaya kapag narinig na niya ang tinig nito. Kaya naman lubos na ang kagalakan ko. 30 Ang isang iyon ay patuloy na darami, pero ako ay patuloy na kakaunti.”+
31 Ang isa na galing sa itaas+ ay nakahihigit sa lahat ng tao. Ang isa na mula sa lupa ay mula sa lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang isa na galing sa langit ay nakahihigit sa lahat ng tao.*+ 32 Pinapatotohanan niya ang kaniyang nakita at narinig,+ pero walang taong naniniwala sa kaniyang patotoo.+ 33 Ang sinumang naniniwala sa kaniyang patotoo ay nagpapatunay na tapat ang Diyos.+ 34 At ang sinasabi ng isinugo ng Diyos ay mga pananalita ng Diyos,+ dahil hindi Siya maramot* sa pagbibigay ng espiritu. 35 Mahal ng Ama ang Anak,+ at ibinigay niya ang lahat ng bagay sa kamay ng Anak.+ 36 Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan;+ ang sumusuway sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay na iyon,+ kundi mananatili sa kaniya ang poot ng Diyos.+
4 Nang malaman ng Panginoon na nabalitaan ng mga Pariseo na mas marami siyang nagiging alagad* at binabautismuhan+ kaysa kay Juan— 2 pero ang totoo, hindi si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga alagad niya— 3 umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea.+ 4 Pero kinailangan niyang dumaan sa Samaria. 5 Nakarating siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar; malapit ito sa parang na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose.+ 6 Naroon din ang balon ni Jacob.+ Ngayon, si Jesus, na pagod sa paglalakbay, ay nakaupo sa tabi ng balon. Mga ikaanim na oras noon.
7 Isang babaeng taga-Samaria ang dumating para sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?” 8 (Ang mga alagad niya ay wala noon dahil pumunta sila sa lunsod para bumili ng pagkain.) 9 Sinabi ng Samaritana: “Isa kang Judio, kaya bakit ka humihingi sa akin ng maiinom kahit isa akong Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikihalubilo sa mga Samaritano.)+ 10 Sumagot si Jesus: “Kung alam mo lang ang walang-bayad na regalo ng Diyos+ at kung sino ang nagsasabi sa iyo, ‘Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?’ humingi ka sana sa kaniya ng tubig, at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”+ 11 Sinabi ng Samaritana: “Ginoo, wala ka man lang panalok ng tubig, at malalim ang balon. Kaya saan mo kukunin ang ibibigay mong tubig na nagbibigay-buhay? 12 Nakahihigit ka ba sa ninuno naming si Jacob? Siya ang nagbigay sa amin ng balong ito, at uminom siya rito, pati na ang kaniyang mga anak at mga alagang baka.” 13 Sumagot si Jesus: “Ang lahat ng umiinom ng tubig na mula rito ay muling mauuhaw. 14 Ang sinumang iinom sa tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw kailanman,+ at ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal ng tubig sa loob niya na magbibigay sa kaniya ng buhay na walang hanggan.”+ 15 Sinabi ng babae: “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauhaw o paulit-ulit na pumunta rito para sumalok ng tubig.”
16 Sinabi niya sa babae: “Tawagin mo ang iyong asawa at isama mo rito.” 17 Sumagot ang babae: “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus: “Tama ang sinabi mo, ‘Wala akong asawa.’ 18 Nagkaroon ka ng limang asawa, at ang lalaking kasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Kaya totoo ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae: “Ginoo, isa kang propeta!+ 20 Ang mga ninuno namin ay sumamba sa bundok na ito, pero sinasabi ninyo na sa Jerusalem dapat sumamba ang mga tao.”+ 21 Sinabi ni Jesus: “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na hindi na ninyo sasambahin ang Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem man. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala;+ sinasamba namin ang aming nakikilala, dahil unang ipinaalám sa mga Judio ang tungkol sa kaligtasan.+ 23 Pero ngayon, nagsisimula na ang panahon kung kailan sasambahin ng tunay na mga mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang totoo, hinahanap ng Ama ang mga gustong sumamba sa kaniya sa ganitong paraan.+ 24 Ang Diyos ay Espiritu,+ at ang mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”+ 25 Sinabi ng babae: “Alam kong darating ang Mesiyas, na tinatawag na Kristo. Kapag dumating na siya, ihahayag niya sa amin ang lahat ng bagay.”+ 26 Sinabi ni Jesus: “Ako siya, ang nakikipag-usap sa iyo ngayon.”+
27 Nang pagkakataong ito, dumating ang mga alagad niya, at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero walang nagtanong sa kaniya kung bakit niya kinakausap ang babae o kung ano ang kailangan niya rito. 28 Iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao: 29 “Sumama kayo sa akin para makita ninyo ang taong nakapagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Hindi kaya siya ang Kristo?” 30 Umalis sila sa lunsod at pumunta kay Jesus.
31 Samantala, pinipilit siya ng mga alagad: “Rabbi,+ kumain ka.” 32 Pero sinabi niya: “May pagkain ako na hindi ninyo alam.” 33 Kaya sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “May nagbigay ba sa kaniya ng pagkain?” 34 Sinabi ni Jesus: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin+ at tapusin ang gawain niya.+ 35 Hindi ba sinasabi ninyo na may apat na buwan pa bago ang pag-aani? Pero tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.+ 36 Ang manggagapas ay tumatanggap na ng kabayaran at nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan para ang manghahasik at ang manggagapas ay makapagsayang magkasama.+ 37 Kaya totoo ang kasabihan: Ang isa ay manghahasik at ang isa naman ay manggagapas. 38 Isinugo ko kayo para gapasin ang hindi ninyo inihasik. Iba ang nagtrabaho, pero nakinabang din kayo sa ginawa nila.”
39 Marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang nanampalataya sa kaniya dahil sa patotoong ito ng babae: “Nasabi niya sa akin ang lahat ng ginawa ko.”+ 40 Kaya nang pumunta sa kaniya ang mga Samaritano, hiniling nila sa kaniya na huwag muna siyang umalis, at nanatili siya roon nang dalawang araw. 41 Dahil dito, marami pa ang naniwala sa mga sinabi niya, 42 at sinabi nila sa babae: “Naniniwala kami ngayon, hindi lang dahil sa mga sinabi mo, kundi dahil kami na mismo ang nakarinig sa kaniya, at sigurado kami na ang taong ito ang tagapagligtas ng sangkatauhan.”+
43 Pagkaraan ng dalawang araw, pumunta siya sa Galilea. 44 Pero sinabi mismo ni Jesus na ang isang propeta ay hindi pinahahalagahan sa kaniyang sariling bayan.+ 45 Kaya pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga tagaroon, dahil nakita nila ang lahat ng ginawa niya sa kapistahan sa Jerusalem+ nang magpunta sila sa kapistahan.+
46 Pagkatapos, bumalik siya sa Cana ng Galilea, kung saan niya ginawang alak ang tubig.+ At may isang opisyal ng hari sa Capernaum, at ang anak na lalaki nito ay may sakit. 47 Nang mabalitaan ng lalaking ito na dumating si Jesus sa Galilea galing sa Judea, pinuntahan niya si Jesus at pinakiusapang sumama sa kaniya para pagalingin ang anak niya dahil malapit na itong mamatay. 48 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at di-pangkaraniwang mga bagay, hindi kayo kailanman maniniwala.”+ 49 Sinabi ng opisyal ng hari: “Panginoon, sumama ka na sa akin bago pa mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus: “Umuwi ka na; magaling na ang anak mo.”+ Pinaniwalaan ng lalaki ang sinabi ni Jesus, at umuwi siya. 51 Habang nasa daan pa siya, sinalubong siya ng mga alipin niya para sabihing magaling na ang anak niya. 52 Tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila: “Nawala ang lagnat niya kahapon nang ikapitong oras.”+ 53 Naalaala ng ama na iyon ang mismong oras nang sabihin ni Jesus: “Magaling na ang anak mo.”+ Kaya nanampalataya siya at ang kaniyang buong sambahayan. 54 Ito ang ikalawang pagkakataon na gumawa ng himala+ si Jesus sa Galilea pagkagaling sa Judea.
5 Pagkatapos nito, nagkaroon ng kapistahan+ ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 At sa Jerusalem, sa Pintuang-Daan ng mga Tupa,+ ay may paliguan* na tinatawag sa Hebreo na Betzata, na may limang kolonada.* 3 Naroon ang maraming maysakit, bulag, pilay, at mga paralisado* ang kamay o paa. 4 —— 5 At may isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit. 6 Nakita ni Jesus ang lalaking iyon na nakahiga at alam niyang matagal na itong may sakit, kaya tinanong niya ito: “Gusto mo bang gumaling?”+ 7 Sumagot ang lalaki: “Ginoo, walang tumutulong sa akin na pumunta sa paliguan kapag gumalaw na ang tubig; tuwing pupunta ako, laging may nauuna sa akin.” 8 Sinabi ni Jesus: “Tumayo ka! Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.”+ 9 Agad na gumaling ang lalaki, at binuhat niya ang hinihigaan niya at naglakad.
Araw iyon ng Sabbath.+ 10 Kaya sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling: “Sabbath ngayon, kaya hindi mo puwedeng buhatin ang hinihigaan mo.”+ 11 Pero sumagot siya: “Ang mismong nagpagaling sa akin ang nagsabi, ‘Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.’” 12 Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo iyan at lumakad ka’?” 13 Pero hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kaniya dahil umalis agad si Jesus at napahalo sa karamihan.
14 Pagkatapos nito, nakita siya ni Jesus sa templo at sinabi sa kaniya: “Magaling ka na. Huwag ka nang gumawa muli ng kasalanan para walang mas masamang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya. 16 Kaya pinag-usig ng mga Judio si Jesus dahil ginawa niya ang mga ito nang Sabbath.+ 17 Pero sinabi niya sa kanila: “Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, kaya patuloy rin akong gumagawa.”+ 18 Kaya naman mas tumindi ang kagustuhan ng mga Judio na mapatay siya, dahil bukod sa nilalabag niya ang Sabbath, tinatawag din niyang sarili niyang Ama ang Diyos, sa gayon ay ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya.+
19 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.+ Dahil anuman ang ginagawa ng Ama, gayon din ang ginagawa ng Anak. 20 Mahal ng Ama ang Anak+ at ipinapakita Niya sa kaniya ang lahat ng bagay na ginagawa Niya, at ipapakita Niya sa kaniya ang mga gawa na mas dakila pa kaysa sa mga ito para mamangha kayo.+ 21 At kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila,+ binubuhay rin ng Anak ang sinumang gusto niya.+ 22 Dahil ang Ama ay hindi humahatol kaninuman, kundi ipinagkatiwala niya sa Anak ang lahat ng paghatol+ 23 para ang lahat ay magparangal sa Anak kung paanong nagpaparangal sila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.+ 24 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nakikinig sa aking salita at nananampalataya sa nagsugo sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan,+ at hindi siya hahatulan kundi nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay.+
25 “Sinasabi ko sa inyo, nagsisimula na ang panahon kung kailan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nagbigay-pansin ay mabubuhay. 26 Ang Ama ay may kapangyarihang magbigay ng buhay,+ at ipinagkaloob din niya sa Anak ang kakayahang magbigay ng buhay.+ 27 At binigyan Niya siya ng awtoridad na humatol,+ dahil siya ang Anak ng tao.+ 28 Huwag kayong mamangha rito, dahil darating ang panahon na ang lahat ng nasa mga libingan* ay makaririnig sa tinig niya+ 29 at mabubuhay silang muli—ang mga gumawa ng mabubuting bagay, tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, pero ang mga gumawa ng masasamang bagay, tungo sa paghatol.+ 30 Wala akong anumang magagawa sa sarili kong pagkukusa. Humahatol ako ayon sa sinasabi ng Ama, at matuwid ang hatol ko+ dahil ang gusto kong gawin ay ang kalooban ng nagsugo sa akin, hindi ang sarili kong kalooban.+
31 “Kung sarili ko lang ang magpapatotoo sa akin, hindi mapananaligan ang patotoo ko.+ 32 May isa pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong mapananaligan ang patotoo niya.+ 33 Nagsugo kayo ng mga tao kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan.+ 34 Gayunman, hindi ko kailangan ng patotoo na mula sa tao, pero sinasabi ko ang mga ito para maligtas kayo. 35 Ang taong iyon ay isang lamparang nagniningas at nagliliwanag, at sa loob ng maikling panahon ay ginusto ninyong magsaya nang husto sa kaniyang liwanag.+ 36 Pero mas dakila ang patotoo ko kaysa kay Juan, dahil ang mismong mga gawang iniatas sa akin ng aking Ama, na siyang ginagawa ko, ang nagpapatotoo na ang Ama ang nagsugo sa akin.+ 37 At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpatotoo rin tungkol sa akin.+ Hindi ninyo kailanman narinig ang kaniyang tinig o nakita ang kaniyang anyo,+ 38 at hindi nanatili sa puso ninyo ang kaniyang salita dahil hindi kayo naniwala sa isinugo niya.
39 “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan+ dahil iniisip ninyo na magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan nito;* at ang mismong nakasulat dito ang nagpapatotoo tungkol sa akin.+ 40 Pero ayaw naman ninyong lumapit sa akin+ para magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa tao, 42 at alam na alam kong hindi ninyo mahal ang Diyos. 43 Dumating ako sa pangalan ng aking Ama, pero hindi ninyo ako pinaniwalaan. Kung may ibang dumating sa sarili niyang pangalan, paniniwalaan ninyo siya. 44 Tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa’t isa+ at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa nag-iisang Diyos, kaya paano kayo maniniwala?+ 45 Huwag ninyong isipin na aakusahan ko kayo sa harap ng Ama; may isa na nag-aakusa sa inyo, si Moises,+ na siyang pinagkakatiwalaan ninyo. 46 Ang totoo, kung pinaniwalaan ninyo si Moises ay paniniwalaan ninyo ako, dahil sumulat siya tungkol sa akin.+ 47 Pero kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga isinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”+
6 Pagkatapos, tumawid si Jesus sa kabila ng Lawa ng Galilea, o Tiberias.+ 2 At patuloy siyang sinundan ng isang malaking grupo ng mga tao,+ dahil nakikita nila na makahimala niyang pinagagaling ang mga maysakit.+ 3 Kaya umakyat si Jesus sa isang bundok at umupo roon kasama ang mga alagad niya. 4 Malapit na noon ang Paskuwa,+ ang kapistahan ng mga Judio. 5 Nang makita ni Jesus na may malaking grupo na papalapit sa kaniya, sinabi niya kay Felipe:+ “Saan tayo bibili ng tinapay para sa kanila?”+ 6 Pero sinabi lang niya ito para malaman ang nasa isip ni Felipe, dahil alam na niya ang gagawin niya. 7 Sumagot si Felipe: “Kahit tinapay na halagang 200 denario ay hindi sapat para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya, si Andres na kapatid ni Simon Pedro: 9 “Isang batang lalaki ang may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Pero paano ito magkakasya sa ganito karaming tao?”+
10 Sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Dahil madamo sa lugar na iyon, umupo sila roon, at may mga 5,000 lalaki sa grupong iyon.+ 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay, at pagkatapos magpasalamat, ipinamahagi niya iyon sa mga nakaupo; gayon din ang ginawa niya sa maliliit na isda, at nakakain sila hanggang sa mabusog. 12 Nang mabusog sila, sinabi niya sa mga alagad niya: “Tipunin ninyo ang mga natira para walang masayang.” 13 Kaya tinipon nila iyon, at 12 basket ang napuno ng mga natira nila mula sa limang tinapay na sebada.
14 Nang makita ng mga tao ang tanda* na ginawa niya, sinabi nila: “Ito talaga ang Propeta na darating sa mundo.”*+ 15 Kaya dahil alam ni Jesus na papalapit na sila para kunin siya at gawing hari, muli siyang umalis+ na nag-iisa papunta sa bundok.+
16 Nang gumabi na, ang mga alagad niya ay pumunta sa lawa,+ 17 sumakay sa bangka, at tumawid papuntang Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa rin nila kasama si Jesus.+ 18 At ang lawa ay naging maalon dahil sa malakas na hangin.+ 19 Pero nang makalayo na sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at papalapit sa bangka, kaya natakot sila. 20 Pero sinabi niya sa kanila: “Ako ito; huwag kayong matakot!” + 21 Kaya pinasakay nila siya agad sa bangka, at di-nagtagal, nakarating sila sa lugar na pupuntahan nila.+
22 Kinabukasan, nakita ng mga taong hindi umalis sa kabila ng lawa na wala na sa pampang ang nag-iisang maliit na bangka. Sumakay roon ang mga alagad ni Jesus at umalis nang hindi siya kasama. 23 Ngayon, ang mga bangka mula sa Tiberias ay dumating malapit sa lugar kung saan nila kinain ang tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus o ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka nila at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus.
25 Nang makita nila siya sa kabila ng lawa, sinabi nila: “Rabbi,+ kailan ka dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda,* kundi dahil sa kumain kayo ng tinapay at nabusog.+ 27 Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira,+ kundi para sa di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan,+ na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao; dahil sa isang ito inilagay ng Ama, ng Diyos mismo, ang kaniyang tatak ng pagsang-ayon.”+
28 Kaya sinabi nila sa kaniya: “Ano ang dapat naming gawin para maisakatuparan ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sumagot si Jesus: “Para maisakatuparan ang gawain ng Diyos, dapat kayong manampalataya sa isinugo niya.”+ 30 Sinabi nila: “Kung gayon, anong tanda* ang ipapakita mo sa amin+ para maniwala kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31 Kinain ng mga ninuno namin ang manna sa ilang,+ gaya ng nasusulat: ‘Binigyan niya sila ng tinapay na mula sa langit.’”+ 32 Sumagot si Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na mula sa langit. Ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na mula sa langit. 33 Ang tinapay na ibinibigay ng Diyos ay ang isa na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sangkatauhan.”+ 34 Kaya sinabi nila: “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Ang sinumang lumalapit sa akin ay hindi na kailanman magugutom, at ang sinumang nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mauuhaw.+ 36 Pero gaya ng sinabi ko sa inyo, nakita na ninyo ako pero hindi pa rin kayo naniwala.+ 37 Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at hindi ko kailanman itataboy ang lumalapit sa akin;+ 38 dahil bumaba ako mula sa langit+ para gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.+ 39 Kalooban ng nagsugo sa akin na wala akong maiwalang sinuman sa lahat ng ibinigay niya sa akin,+ kundi ang buhayin ko silang muli+ sa huling araw. 40 Kalooban ng aking Ama na ang bawat isa na nakakakilala sa Anak at nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan,+ at bubuhayin ko siyang muli+ sa huling araw.”
41 At nagbulong-bulungan ang mga Judio tungkol sa kaniya dahil sinabi niya: “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.”+ 42 Sinabi nila: “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kaniyang ama at ina.+ Kaya bakit niya sinasabi ngayon, ‘Ako ay bumaba mula sa langit’?” 43 Sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong magbulong-bulungan. 44 Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin,+ at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.+ 45 Nakasulat sa mga Propeta: ‘Silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’+ Ang bawat isa na nakinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Hindi ibig sabihin nito na may taong nakakita sa Ama;+ ang nakakita lang sa Ama ay ang isa na nanggaling sa Diyos.+ 47 Tinitiyak ko sa inyo, ang sinumang nananampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.+
48 “Ako ang tinapay ng buhay.+ 49 Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang pero namatay pa rin sila.+ 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit para ang sinuman ay makakain nito at hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay* na bumaba mula sa langit. Ang sinumang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko alang-alang sa sangkatauhan* ay ang aking katawan.”+
52 Kaya nagtalo-talo ang mga Judio: “Paano maibibigay ng taong ito ang katawan niya para kainin natin?” 53 Sinabi ni Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang katawan ng Anak ng tao at iinumin ang kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.+ 54 Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli+ sa huling araw; 55 dahil ang katawan ko ay tunay na pagkain at ang dugo ko ay tunay na inumin. 56 Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatiling kaisa ko, at ako naman ay kaisa niya.+ 57 Kung paanong isinugo ako ng buháy na Ama at ako ay nabubuhay dahil sa Ama, ang kumakain sa aking katawan ay mabubuhay dahil sa akin.+ 58 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Hindi ito gaya ng kinain ng inyong mga ninuno, na namatay rin nang bandang huli. Ang sinumang kumakain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”+ 59 Sinabi niya ang mga ito habang nagtuturo siya sa sinagoga sa Capernaum.
60 Nang marinig nila ito, marami sa mga alagad niya ang nagsabi: “Nakakakilabot ang mga sinabi niya; sino ang makikinig sa ganiyang pananalita?” 61 Pero alam ni Jesus na nagbubulong-bulungan ang mga alagad niya, kaya sinabi niya: “Nagulat ba kayo rito? 62 Paano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan?+ 63 Ang espiritu ang nagbibigay-buhay;+ walang kabuluhan ang pagsisikap ng tao. Ang mga sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.+ 64 Pero may ilan sa inyo na hindi nananampalataya.” Nasabi ito ni Jesus dahil mula pa sa pasimula ay alam na niya kung sino ang mga hindi nananampalataya at kung sino ang magtatraidor sa kaniya.+ 65 Sinabi pa niya: “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyo, walang sinumang makalalapit sa akin malibang pahintulutan siya ng Ama.”+
66 Dahil dito, marami sa mga alagad niya ang bumalik sa mga bagay na dati nilang iniwan+ at hindi na sumunod sa kaniya. 67 Kaya sinabi ni Jesus sa 12 apostol: “Gusto rin ba ninyong umalis?” 68 Sumagot si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta?+ Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.+ 69 Naniwala kami at alam namin na ikaw ang isinugo ng Diyos.”*+ 70 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ba ako ang pumili sa inyong 12?+ Pero ang isa sa inyo ay maninirang-puri.”+ 71 Ang totoo, ang tinutukoy niya ay si Hudas na anak ni Simon Iscariote, dahil magtatraidor ito sa kaniya kahit isa ito sa 12 apostol.+
7 Pagkatapos nito, patuloy na lumibot* si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang gawin ito sa Judea dahil ang mga Judio ay naghahanap ng pagkakataon na patayin siya.+ 2 Gayunman, malapit na ang Kapistahan ng mga Tabernakulo,+ na ipinagdiriwang ng mga Judio. 3 Kaya sinabi sa kaniya ng mga kapatid niya:+ “Pumunta ka sa Judea para makita rin ng iyong mga alagad ang mga ginagawa mo. 4 Dahil walang sinumang gumagawa ng anumang bagay sa lihim kung gusto niyang makilala ng mga tao. Kaya ipakita mo sa lahat ng tao* ang mga bagay na ginagawa mo.” 5 Ang totoo, hindi nananampalataya sa kaniya ang mga kapatid niya.+ 6 Kaya sinabi ni Jesus: “Hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin,+ pero puwede ninyo itong gawin kahit anong panahon. 7 Walang dahilan ang sanlibutan para mapoot sa inyo, pero napopoot ito sa akin, dahil nagpapatotoo ako na napakasama ng mga gawa nito.+ 8 Pumunta kayo sa kapistahan; hindi ako pupunta sa kapistahang ito, dahil hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin.”+ 9 Kaya pagkatapos niyang sabihin sa kanila ang mga ito, nanatili siya sa Galilea.
10 Nang makaalis na ang mga kapatid niya papunta sa kapistahan, pumunta rin siya pero palihim. 11 Kaya hinahanap siya ng mga Judio sa kapistahan at sinasabi: “Nasaan ang taong iyon?” 12 At nagbubulong-bulungan ang mga tao tungkol sa kaniya. Sinasabi ng ilan: “Mabuting tao siya.” Sinasabi naman ng iba: “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”+ 13 Pero walang may lakas ng loob na magsalita nang hayagan tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.+
14 Nang kalagitnaan* na ng kapistahan, pumunta si Jesus sa templo at nagturo. 15 Gulat na gulat ang mga Judio, at sinasabi nila: “Bakit napakaraming alam ng taong ito sa Kasulatan+ gayong hindi naman siya naturuan sa mga paaralan?”+ 16 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.+ 17 Kung gustong gawin ng isa ang kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko ay galing sa Diyos+ o sa sarili ko. 18 Ang sinumang nagtuturo ng sarili niyang ideya ay lumuluwalhati sa sarili niya; pero ang sinumang gustong magbigay ng kaluwalhatian sa nagsugo sa kaniya+ ay tapat at matuwid. 19 Hindi ba si Moises ang nagbigay sa inyo ng Kautusan?+ Pero walang isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Bakit gusto ninyo akong patayin?”+ 20 Sumagot ang mga tao: “Sinasapian ka ng demonyo.+ Sino ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi ni Jesus: “Isang himala lang ang ginawa ko nang Sabbath, at nagulat na kayong lahat. 22 Pag-isipan ninyo ito: Ibinigay sa inyo ni Moises ang batas sa pagtutuli+—hindi ibig sabihin na nagsimula iyon noong panahon ni Moises, kundi noong panahon pa ng mga ninuno niya+—at tinutuli ninyo ang isang lalaki kapag Sabbath. 23 Kung nagtutuli kayo kahit Sabbath para hindi malabag ang Kautusan ni Moises, bakit kayo galit na galit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa araw ng Sabbath?+ 24 Huwag na kayong humatol batay sa inyong nakikita, kundi humatol kayo sa matuwid na paraan.”+
25 Pagkatapos, sinabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin?+ 26 Pero tingnan ninyo! Nagsasalita siya sa maraming tao, at wala silang sinasabi sa kaniya. Hindi kaya alam na talaga ng mga tagapamahala na siya ang Kristo? 27 Pero alam natin kung saan nagmula ang taong ito;+ gayunman, kapag dumating ang Kristo, walang sinuman ang makaaalam kung saan siya nagmula.” 28 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya: “Kilala ninyo ako at alam ninyo kung saan ako nagmula. At hindi ako dumating sa sarili kong pagkukusa;+ mayroon talagang nagsugo sa akin,* at hindi ninyo siya kilala.+ 29 Kilala ko siya+ dahil ako ang kinatawan niya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Kaya nagsimula silang maghanap ng pagkakataong hulihin siya,+ pero hindi nila siya nadakip, dahil hindi pa dumarating ang oras niya.+ 31 Pero marami pa rin ang nanampalataya sa kaniya,+ at sinasabi nila: “Kapag dumating ang Kristo, hindi siya gagawa ng mas maraming tanda kaysa sa ginawa ng taong ito.”+
32 Narinig ng mga Pariseo ang bulong-bulungan ng mga tao tungkol sa kaniya, kaya ang mga punong saserdote at mga Pariseo ay nagsugo ng mga guwardiya para hulihin siya. 33 Sinabi ni Jesus: “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon bago ako pumunta sa nagsugo sa akin.+ 34 Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.”+ 35 Kaya sinabi ng mga Judio sa isa’t isa: “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi natin siya makikita? Balak ba niyang pumunta sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego at turuan din ang mga Griego? 36 Bakit sinabi niya, ‘Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako’?”
37 Sa huling araw ng kapistahan,+ ang pinakaimportanteng araw, tumayo si Jesus at sinabi niya: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumunta siya sa akin para uminom.+ 38 Kung ang sinuman ay nananampalataya sa akin, ‘mula sa kaniyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay,’*+ gaya ng sinasabi sa Kasulatan.” 39 Pero ang sinasabi niya ay may kinalaman sa espiritu, na malapit nang tanggapin ng mga nananampalataya sa kaniya; hindi pa ibinibigay ang espiritu noon+ dahil hindi pa naluluwalhati si Jesus.+ 40 Ang ilan sa mga nakarinig sa mga salitang ito ay nagsabi: “Siya nga talaga ang Propeta.”+ 41 Sinasabi naman ng iba: “Siya ang Kristo.”+ Pero sinasabi ng ilan: “Hindi naman sa Galilea manggagaling ang Kristo, hindi ba?+ 42 Hindi ba sinasabi sa Kasulatan na ang Kristo ay manggagaling sa supling ni David+ at sa Betlehem,+ ang nayon ni David?”+ 43 Kaya nagtalo-talo ang mga tao tungkol sa kaniya. 44 Gusto siyang hulihin ng ilan sa kanila, pero hindi nila siya nadakip.
45 Pagkatapos, nang bumalik ang mga guwardiya, tinanong sila ng mga punong saserdote at mga Pariseo: “Bakit hindi ninyo siya hinuli?” 46 Sumagot ang mga guwardiya: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.”+ 47 Sinabi naman ng mga Pariseo: “Nailigaw na rin ba kayo? 48 Walang isa man sa mga tagapamahala o Pariseo ang nanampalataya sa kaniya.+ 49 Ang mga taong ito na nakikinig kay Jesus ay walang alam sa Kautusan at mga isinumpa.” 50 Sinabi sa kanila ni Nicodemo, na pumunta noon kay Jesus+ at isa sa mga Pariseo: 51 “Ayon sa ating Kautusan, hindi ba kailangan muna nating marinig ang panig ng isang tao para malaman kung ano ang ginawa niya bago siya hatulan?”+ 52 Sumagot sila: “Bakit, taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka nang makita mo na walang propetang manggagaling sa Galilea.”+
8 12 Pagkatapos, muling kinausap ni Jesus ang mga tao at sinabi: “Ako ang liwanag ng sangkatauhan.*+ Ang sinumang sumusunod sa akin ay hindi na lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng liwanag+ ng buhay.” 13 Kaya sinabi ng mga Pariseo: “Nagpapatotoo ka tungkol sa sarili mo; hindi mapananaligan ang patotoo mo.” 14 Sumagot si Jesus: “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa sarili ko, mapananaligan ang patotoo ko, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta.+ Pero hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamantayan ng tao;*+ hindi ko hinahatulan ang sinumang tao. 16 Kahit na humatol ako, ang paghatol ko ay ayon sa katotohanan, dahil hindi ako nag-iisa, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin.+ 17 Nakasulat din sa inyong sariling Kautusan: ‘Ang patotoo ng dalawang tao ay mapananaligan.’+ 18 Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin tungkol sa akin ang Ama na nagsugo sa akin.”+ 19 Kaya sinabi nila: “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus: “Hindi ninyo ako kilala o ang aking Ama.+ Kung kilala ninyo ako, kilala rin sana ninyo ang aking Ama.”+ 20 Sinabi niya ang mga ito habang nasa ingatang-yaman+ siya ng templo at nagtuturo. Pero walang dumakip sa kaniya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.+
21 Sinabi niya ulit sa kanila: “Aalis ako, at hahanapin ninyo ako, pero mamamatay pa rin kayo sa inyong kasalanan.+ Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”+ 22 Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay ba siya? Dahil sinasabi niya, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’” 23 Sinabi pa niya: “Mula kayo sa ibaba; mula ako sa itaas.+ Mula kayo sa mundong* ito; hindi ako mula sa mundong ito. 24 Kaya nga sinabi ko sa inyo: Mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Dahil kung hindi kayo naniniwalang ako nga siya, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” 25 Kaya sinabi nila: “Sino ka ba?” Sumagot si Jesus: “Bakit pa nga ba ako nakikipag-usap sa inyo? 26 Marami akong kailangang sabihin may kaugnayan sa inyo at marami akong bagay na hahatulan. Sa katunayan, ang mga sinasabi ko sa sangkatauhan* ay ang mismong mga narinig ko sa nagsugo sa akin, at lagi siyang nagsasabi ng totoo.”+ 27 Hindi nila naintindihan na ang sinasabi niya sa kanila ay tungkol sa Ama. 28 Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng tao,+ malalaman ninyo na ako nga siya+ at na wala akong ginagawa sa sarili kong pagkukusa;+ kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, iyon din ang sinasabi ko. 29 At ang nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi niya ako iniwang nag-iisa, dahil lagi kong ginagawa ang mga gusto niya.”+ 30 Habang sinasabi niya ang mga ito, marami ang nanampalataya sa kaniya.
31 Sinabi pa ni Jesus sa mga Judio na naniwala sa kaniya: “Kung lagi ninyong susundin ang aking salita,* kayo ay talagang mga alagad ko, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan,+ at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”+ 33 Sumagot sila: “Mga supling* kami ni Abraham at kahit kailan ay hindi kami naging alipin ng sinuman. Kaya bakit mo sinasabi, ‘Magiging malaya kayo’?” 34 Sumagot si Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, ang bawat isa na gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan.+ 35 Bukod diyan, ang alipin ay hindi nananatili sa sambahayan magpakailanman; ang anak ay nananatili magpakailanman. 36 Kaya kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay magiging tunay na malaya. 37 Alam ko na mga supling kayo ni Abraham. Pero gusto ninyo akong patayin, dahil hindi ninyo tinatanggap ang salita ko. 38 Sinasabi ko ang mga bagay na nakita ko habang kasama ako ng aking Ama,+ pero kayo, ginagawa ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.” 39 Sumagot sila: “Si Abraham ang ama namin.” Sinabi ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham,+ ginagawa sana ninyo ang mga gawa ni Abraham. 40 Pero gusto ninyo akong patayin, ako na nagsabi sa inyo ng katotohanan na narinig ko mula sa Diyos.+ Hindi iyon gagawin ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawain ng inyong ama.” Sinabi nila: “Hindi kami mga bunga ng imoralidad; iisa lang ang Ama namin, ang Diyos.”
42 Sinabi ni Jesus: “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin ninyo ako,+ dahil nanggaling ako sa Diyos at narito ako dahil sa kaniya. Hindi ako dumating sa sarili kong pagkukusa, kundi isinugo ako ng Isang iyon.+ 43 Bakit hindi ninyo maintindihan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo matanggap* ang aking salita. 44 Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at gusto ninyong gawin ang mga kagustuhan ng inyong ama.+ Mamamatay-tao siya nang siya ay magsimula,+ at hindi siya nanindigan sa katotohanan, dahil wala sa kaniya ang katotohanan. Nagsisinungaling siya dahil iyon ang personalidad niya, dahil isa siyang sinungaling at siya ang ama ng kasinungalingan.+ 45 Pero dahil katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makapagpapatunay na nagkasala ako?+ Kung nagsasalita ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Nakikinig sa mga pananalita ng Diyos ang nagmula sa Diyos.+ Kaya naman hindi kayo nakikinig, dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.”+
48 Sumagot ang mga Judio: “Hindi ba tama ang sinabi namin, ‘Samaritano ka+ at sinasapian ka ng demonyo’?”+ 49 Sinabi ni Jesus: “Hindi ako sinasapian ng demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at winawalang-dangal ninyo ako. 50 Pero hindi ako naghahanap ng kaluwalhatian para sa aking sarili;+ may Isa na humahanap at humahatol. 51 Tinitiyak ko sa inyo, siya na tumutupad sa aking salita ay hindi makakakita ng kamatayan kailanman.”+ 52 Sinabi ng mga Judio: “Talaga ngang sinasapian ka ng demonyo. Si Abraham ay namatay, pati ang mga propeta, pero sinasabi mo, ‘Ang tumutupad sa aking salita ay hindi makararanas ng kamatayan kailanman.’ 53 Sa tingin mo ba ay mas dakila ka kaysa sa aming amang si Abraham? Namatay siya, pati ang mga propeta. Sino ka ba sa tingin mo?” 54 Sumagot si Jesus: “Kung niluluwalhati ko ang sarili ko, ang kaluwalhatian ko ay walang halaga. Ang Ama ko ang lumuluwalhati sa akin,+ ang sinasabi ninyong inyong Diyos. 55 Gayunman, hindi ninyo siya nakilala, pero kilala ko siya.+ At kung sinabi kong hindi ko siya kilala, ako ay magiging tulad ninyo, isang sinungaling. Pero kilala ko siya at tinutupad ko ang kaniyang salita. 56 Si Abraham na inyong ama ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw, at nakita niya iyon at nagsaya.”+ 57 Kaya sinabi ng mga Judio: “Nakita mo na si Abraham samantalang wala ka pang 50 taóng gulang?” 58 Sinabi ni Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, bago pa umiral si Abraham, umiiral na ako.”+ 59 Kaya dumampot sila ng bato para batuhin siya, pero nagtago si Jesus at lumabas sa templo.
9 Habang naglalakad, nakita ni Jesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag. 2 Tinanong siya ng mga alagad niya: “Rabbi,+ sino ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang taong ito, siya ba o ang mga magulang niya?” 3 Sumagot si Jesus: “Hindi ang taong ito ang nagkasala o ang mga magulang niya, pero nagbukas ito ng pagkakataon para maipakita ang mga gawa ng Diyos.+ 4 Habang araw pa, dapat nating isakatuparan ang mga gawain ng nagsugo sa akin,+ dahil kapag gumabi na, wala nang taong makagagawa. 5 Hangga’t ako ay nasa mundo,* ako ang liwanag ng sangkatauhan.”*+ 6 Pagkasabi nito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik at ipinahid niya iyon sa mga mata ng lalaki+ 7 at sinabi rito: “Pumunta ka sa imbakan ng tubig ng Siloam (na isinasaling “Isinugo”) at maghilamos ka roon.” Kaya pumunta siya at naghilamos. Pagbalik niya, nakakakita na siya.+
8 Sinabi ng mga kapitbahay at ng mga nakakita sa kaniya noong pulubi pa siya: “Hindi ba ito ang lalaking namamalimos noon?” 9 Sinasabi ng ilan: “Siya nga iyon.” Sinasabi naman ng iba: “Hindi, pero kamukha nga niya.” Paulit-ulit na sinasabi ng lalaki: “Ako nga iyon.” 10 Kaya tinanong nila siya: “Paano nangyaring nakakakita ka na ngayon?” 11 Sumagot siya: “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid niya iyon sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa Siloam at maghilamos ka roon.’+ Kaya pumunta ako at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.” 12 Kaya sinabi nila: “Nasaan ang taong iyon?” Sumagot siya: “Hindi ko alam.”
13 Dinala nila sa mga Pariseo ang lalaki na dating bulag. 14 Nagkataong Sabbath nang araw na gumawa si Jesus ng putik at pagalingin niya siya.*+ 15 Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya: “Nilagyan niya ng putik ang mga mata ko, at naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.” 16 Sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi isinugo ng Diyos ang taong iyon dahil hindi niya sinusunod ang Sabbath.”+ Sinabi naman ng iba: “Puwede bang makagawa ng ganitong himala ang isang makasalanan?”+ Kaya nagkabaha-bahagi sila.+ 17 At muli nilang tinanong ang lalaki: “Tutal, ikaw ang pinagaling niya, ano ang masasabi mo tungkol sa kaniya?” Sumagot ang lalaki: “Isa siyang propeta.”+
18 Pero hindi naniwala ang mga Judio na dati siyang bulag at napagaling, kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya. 19 Tinanong nila ang mga magulang: “Ito ba ang anak ninyo? Ipinanganak ba siyang bulag? Paano nangyari na nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang mga magulang niya: “Siya nga ang anak namin at ipinanganak siyang bulag. 21 Pero hindi namin alam kung paano nangyaring nakakakita na siya ngayon. Hindi rin namin alam kung sino ang nagpagaling sa kaniya. Tanungin ninyo siya. Nasa hustong gulang na siya. Siya ang dapat sumagot sa inyo.” 22 Sinabi ito ng mga magulang niya dahil natatakot sila sa mga Judio;+ nagkasundo na kasi ang mga Judio na kung kikilalanin ng sinuman si Jesus bilang Kristo, ang taong iyon ay dapat itiwalag mula sa sinagoga.+ 23 Iyan ang dahilan kaya sinabi ng mga magulang niya: “Nasa hustong gulang na siya. Tanungin ninyo siya.”
24 Kaya muli nilang tinawag ang lalaki na dating bulag at sinabi sa kaniya: “Sa harap ng Diyos, magsabi ka ng totoo; alam namin na makasalanan ang taong iyon.” 25 Sumagot siya: “Kung makasalanan man siya, hindi ko alam. Pero ito ang alam ko, bulag ako noon at nakakakita na ako ngayon.” 26 Sinabi nila: “Ano ang ginawa niya? Paano ka niya pinagaling?” 27 Sumagot siya: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo nakinig. Bakit gusto ninyong marinig ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?” 28 Kaya sinabi nila nang may panlalait: “Alagad ka ng taong iyon, pero mga alagad kami ni Moises. 29 Alam naming nakipag-usap ang Diyos kay Moises, pero kung tungkol sa taong iyon, hindi namin alam kung sino ang nagsugo sa kaniya.” 30 Sinabi ng lalaki: “Parang ang hirap paniwalaan na hindi ninyo alam kung sino ang nagsugo sa kaniya pero napagaling niya ako. 31 Alam nating hindi nakikinig ang Diyos sa mga makasalanan,+ pero nakikinig ang Diyos sa mga may takot sa kaniya at gumagawa ng kalooban niya.+ 32 At ngayon lang may nakapagpagaling sa isang ipinanganak na bulag. 33 Kung hindi mula sa Diyos ang taong ito, wala siyang magagawang anuman.”+ 34 Kaya sinabi nila sa kaniya: “Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak na makasalanan?” At pinalayas* nila siya!+
35 Nabalitaan ni Jesus na pinalayas* nila siya, at nang makita niya ang lalaki, sinabi niya: “Nananampalataya ka ba sa Anak ng tao?” 36 Sumagot ang lalaki: “Sino siya, Ginoo, para manampalataya ako sa kaniya?” 37 Sinabi ni Jesus: “Nakita mo na siya, at ang totoo, siya ang kausap mo ngayon.”+ 38 Sinabi niya: “Nananampalataya ako sa kaniya, Panginoon.” At yumukod siya sa kaniya. 39 Sinabi ni Jesus: “Dumating ako sa mundong* ito para mahatulan ang mga tao, para makakita ang mga hindi nakakakita+ at maging bulag ang mga nakakakita.”+ 40 Narinig ito ng mga Pariseo na naroroon, at sinabi nila sa kaniya: “Mga bulag din ba kami?”+ 41 Sinabi ni Jesus: “Kung mga bulag kayo, wala kayong kasalanan. Pero sinasabi ninyo ngayon, ‘Nakakakita kami.’ Nananatili ang kasalanan ninyo.”+
10 “Sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa kulungan ng tupa na hindi dumadaan sa pinto kundi umaakyat sa bakod ay isang magnanakaw at mandarambong.+ 2 Pero ang dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa.+ 3 Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto,+ at pinakikinggan ng mga tupa ang tinig niya.+ Tinatawag niya sa pangalan ang kaniyang mga tupa at inaakay palabas. 4 Kapag nailabas na niya ang lahat ng tupa niya, pumupunta siya sa unahan nila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa dahil kilala nila ang tinig niya. 5 Hindi sila susunod sa ibang tao, kundi lalayuan* nila ito dahil hindi nila kilala ang tinig ng ibang tao.”+ 6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, pero hindi nila iyon naintindihan.
7 Kaya sinabi ulit ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ako ang pinto para sa mga tupa.+ 8 Ang lahat ng dumarating na kahalili ko ay mga magnanakaw at mandarambong; pero hindi nakikinig sa kanila ang mga tupa. 9 Ako ang pinto; ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at siya ay papasok at lalabas at makakakita ng madamong pastulan.+ 10 Dumarating lang ang isang magnanakaw para magnakaw at pumatay at pumuksa.+ Pero dumating ako para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. 11 Ako ang mabuting pastol;+ ibinibigay ng mabuting pastol ang buhay niya alang-alang sa mga tupa.+ 12 Kapag nakita ng taong upahan na dumarating ang lobo,* iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas dahil hindi siya isang pastol at hindi sa kaniya ang mga tupa. Sinusunggaban ng lobo ang mga tupa at binubulabog ang mga ito. 13 Dahil isa siyang taong upahan, wala siyang malasakit sa mga tupa. 14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa,+ 15 kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama;+ at ibinibigay ko ang buhay ko alang-alang sa mga tupa.+
16 “At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito;+ kailangan ko rin silang akayin, at makikinig sila sa tinig ko, at sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.+ 17 At mahal ako ng Ama+ dahil ibinibigay ko ang aking buhay+ para tanggapin ko itong muli. 18 Walang taong kumukuha nito sa akin, kundi ibinibigay ko ito sa sarili kong pagkukusa. May awtoridad ako na ibigay ito, at may awtoridad ako na tanggapin itong muli.+ Ang utos na ito ay tinanggap ko mula sa aking Ama.”
19 Dahil sa mga sinabi niya, muling nabahagi ang mga Judio.+ 20 Sinasabi ng marami sa kanila: “Baliw siya at sinasapian ng demonyo.+ Bakit kayo nakikinig sa kaniya?” 21 Sinasabi naman ng iba: “Hindi ito kayang sabihin ng taong sinasapian ng demonyo. Ang isang demonyo ay hindi nakapagpapagaling* ng mga bulag, hindi ba?”
22 Nang panahong iyon ay Kapistahan ng Pag-aalay sa Jerusalem. Taglamig noon, 23 at naglalakad si Jesus sa templo sa kolonada* ni Solomon.+ 24 Pinalibutan siya ng mga Judio at sinabi: “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na sa amin.” 25 Sumagot si Jesus: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo naniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng Ama ko ang nagpapatotoo tungkol sa akin.+ 26 Pero hindi kayo naniniwala, dahil hindi ko kayo mga tupa.+ 27 Ang mga tupa ko ay nakikinig sa tinig ko, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.+ 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan,+ at hindi sila kailanman mapupuksa, at walang sinumang aagaw* sa kanila mula sa kamay ko.+ 29 Ang ibinigay sa akin ng aking Ama ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pang bagay, at walang sinuman ang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng Ama.+ 30 Ako at ang Ama ay iisa.”+
31 Muli ay dumampot ng bato ang mga Judio para batuhin siya.+ 32 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Marami akong ipinakitang mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan kung bakit ninyo ako babatuhin?” 33 Sumagot ang mga Judio: “Babatuhin ka namin, hindi dahil sa mabuting gawa, kundi dahil sa pamumusong;*+ tao ka lang pero ginagawa mong diyos ang sarili mo.” 34 Sinabi ni Jesus: “Hindi ba nakasulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko: “Kayo ay mga diyos”’?+ 35 Kung tinawag ng Diyos na ‘mga diyos’+ ang mga hinatulan ng kaniyang salita—at hindi puwedeng mabago ang nasa Kasulatan— 36 bakit ako na pinabanal at isinugo ng Ama sa mundo* ay pinaparatangan ninyo ng pamumusong dahil sinabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos’?+ 37 Kung hindi ko ginagawa ang kagustuhan ng Ama ko, huwag kayong maniwala sa akin. 38 Pero kung ginagawa ko iyon, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin,+ maniwala kayo sa mga gawa, para malaman ninyo at patuloy na malaman na ang Ama ay kaisa ko at ako ay kaisa ng Ama.”+ 39 Kaya tinangka nilang muli na hulihin siya, pero nakatakas siya.+
40 At muli siyang umalis papunta sa kabila ng Jordan sa lugar kung saan nagbabautismo si Juan noong una,+ at nanatili siya roon. 41 Marami ang pumunta sa kaniya at sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi gumawa si Juan ng kahit isang himala,* pero totoo ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito.”+ 42 At marami ang nanampalataya roon kay Jesus.
11 Isang lalaki ang may sakit, si Lazaro. Mula siya sa Betania,+ ang nayon ni Maria at ng kapatid nitong si Marta.+ 2 Siya ang Maria na nagbuhos ng mabangong langis sa mga paa ng Panginoon at pinunasan ito ng buhok niya;+ kapatid niya ang may-sakit na si Lazaro. 3 Kaya ipinasabi kay Jesus ng mga kapatid nitong babae: “Panginoon, may sakit ang mahal mong kaibigan.”+ 4 Pero nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya: “Ang sakit na ito ay hindi magwawakas sa kamatayan; ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos,+ para ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan nito.”
5 Mahal ni Jesus si Marta, ang kapatid nitong babae, at si Lazaro. 6 Pero nang marinig niyang may sakit si Lazaro, nanatili pa siya nang dalawang araw sa kinaroroonan niya. 7 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad: “Pumunta tayo ulit sa Judea.” 8 Sinabi ng mga alagad: “Rabbi,+ hindi ba kamakailan lang, gusto kang batuhin ng mga taga-Judea?+ Bakit ka pupunta ulit doon?” 9 Sumagot si Jesus: “Hindi ba may 12 oras na liwanag ng araw?+ Kung ang sinuman ay maglakad sa liwanag ng araw, hindi siya matatalisod dahil nakikita niya ang liwanag ng sangkatauhan.* 10 Pero kung ang sinuman ay maglakad sa gabi, matatalisod siya dahil wala sa kaniya ang liwanag.”
11 Sinabi pa niya: “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog,+ pero pupunta ako roon para gisingin siya.” 12 Kaya sinabi ng mga alagad: “Panginoon, kung natutulog siya, bubuti ang pakiramdam niya.”* 13 Gayunman, ang tinutukoy ni Jesus ay ang kamatayan ni Lazaro. Pero akala nila, tungkol lang sa pagtulog ang sinasabi niya. 14 Kaya tuwirang sinabi ni Jesus: “Patay na si Lazaro,+ 15 at mabuti para sa inyo na wala ako roon, nang sa gayon ay maniwala kayo. Pero ngayon, puntahan natin siya.” 16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa mga kapuwa niya alagad: “Sumama tayo para mamatay tayong kasama niya.”+
17 Nang dumating si Jesus, apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 Mga tatlong kilometro lang ang layo ng Betania mula sa Jerusalem. 19 Maraming Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa pagkamatay ng kapatid nila. 20 Nang mabalitaan ni Marta na parating na si Jesus, sinalubong niya siya; pero si Maria+ ay nanatili lang sa bahay na nakaupo. 21 At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Pero naniniwala pa rin ako na anuman ang hingin mo sa Diyos, ibibigay niya iyon sa iyo.” 23 Sinabi ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” 24 Sinabi ni Marta: “Alam kong mabubuhay siyang muli+ sa huling araw.” 25 Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.+ Siya na nananampalataya sa akin, kahit mamatay siya, ay mabubuhay; 26 at ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.+ Naniniwala ka ba rito?” 27 Sumagot siya: “Oo, Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, ang isa na darating sa mundo.”* 28 Pagkasabi nito, umalis siya at tinawag niya ang kapatid niyang si Maria at ibinulong: “Nandito ang Guro+ at tinatawag ka.” 29 Nang marinig ito ni Maria, dali-dali siyang tumayo at pumunta kay Jesus.
30 Si Jesus ay wala pa sa nayon; naroon pa rin siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta. 31 Nang pagkakataong iyon, may mga Judio sa bahay ni Maria na umaaliw sa kaniya. Nang makita nilang dali-daling tumayo si Maria at umalis, sinundan nila siya dahil iniisip nilang pupunta siya sa libingan+ para umiyak. 32 Nang dumating si Maria sa kinaroroonan ni Jesus at makita niya ito, sumubsob siya sa paanan nito at sinabi niya: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” 33 Nang makita ni Jesus na umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong Judio, parang kinurot ang puso niya at nalungkot siya nang husto. 34 Sinabi niya: “Saan ninyo siya inilibing?” Sinabi nila sa kaniya: “Sumama kayo sa amin, Panginoon.” 35 Lumuha si Jesus.+ 36 Kaya sinabi ng mga Judio: “Tingnan ninyo kung gaano niya siya kamahal!” 37 Pero sinabi ng ilan sa kanila: “Napagaling niya ang isang bulag,+ bakit wala siyang nagawa para hindi mamatay si Lazaro?”
38 Muling nabagbag ang damdamin ni Jesus, at pumunta siya sa libingan. Iyon ay isang kuweba, at isang bato ang nakatakip doon. 39 Sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi ni Marta na kapatid ng namatay: “Panginoon, malamang na nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40 Sinabi ni Jesus: “Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”+ 41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit,+ at sinabi niya: “Ama, nagpapasalamat ako na pinakinggan mo ako. 42 Alam ko na lagi mo akong pinakikinggan; pero nagsasalita ako ngayon dahil sa mga taong narito, para maniwala sila na isinugo mo ako.”+ 43 Pagkasabi nito, sumigaw siya: “Lazaro, lumabas ka!”+ 44 At lumabas ang taong namatay, na nababalutan ng tela ang mga paa at kamay, pati ang mukha. Sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang nakabalot sa kaniya para makalakad siya.”
45 Kaya marami sa mga Judio na dumalaw kay Maria at nakakita sa ginawa ni Jesus ang nanampalataya sa kaniya,+ 46 pero ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at sinabi ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya tinipon ng mga punong saserdote at mga Pariseo ang Sanedrin at sinabi: “Ano ang gagawin natin? Ang dami nang ginagawang tanda ng taong ito.+ 48 Kung pababayaan lang natin siya, mananampalataya silang lahat sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin ang ating templo at ang ating bansa.” 49 Pero sinabi ng isa sa kanila, si Caifas,+ ang mataas na saserdote nang taóng iyon: “Wala kayong alam. 50 Hindi ba ninyo nakikita na mas mabuti para sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan kaysa sa buong bansa ang mapahamak?”+ 51 Hindi niya ito sariling ideya, pero dahil siya ang mataas na saserdote nang taóng iyon, inihula niya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa, 52 at hindi lang para sa bansa, kundi para matipon sa isang grupo ang mga anak ng Diyos na nakapangalat.+ 53 Kaya mula nang araw na iyon, nagsabuwatan na sila para patayin siya.+
54 Mula noon, patago nang naglakbay si Jesus para hindi siya makita ng mga Judio. Umalis siya roon papunta sa isang lugar malapit sa ilang,+ sa lunsod ng Efraim,+ at nanatili siya roon kasama ng mga alagad. 55 Malapit na ang Paskuwa+ ng mga Judio, at maraming tao mula sa mga lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago ang Paskuwa para maglinis ng sarili nila sa seremonyal na paraan. 56 Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi nila sa isa’t isa habang nakatayo sa paligid ng templo: “Ano sa palagay ninyo? Talaga kayang hindi siya darating sa kapistahan?” 57 Pero ipinag-utos ng mga punong saserdote at mga Pariseo na kung may sinumang makaalam kung nasaan si Jesus, dapat niyang sabihin iyon para madakip nila siya.
12 Anim na araw bago ang Paskuwa, dumating si Jesus sa Betania,+ ang lugar ni Lazaro,+ na binuhay-muli ni Jesus.* 2 Kaya naghanda sila ng hapunan para sa kaniya, at si Marta ang nagsisilbi ng pagkain sa kanila,+ habang si Lazaro ay isa sa mga kumakaing* kasama niya. 3 At kumuha si Maria ng isang libra ng mabangong langis na gawa sa nardo, puro at napakamamahalin, at ibinuhos iyon sa mga paa ni Jesus at pinunasan ang mga paa nito ng kaniyang buhok.+ Amoy na amoy sa buong bahay ang mabangong langis.+ 4 Pero sinabi ni Hudas Iscariote,+ isa sa mga alagad niya at malapit nang magtraidor sa kaniya: 5 “Bakit hindi na lang ipinagbili ang mabangong langis na ito sa halagang 300 denario at ibinigay sa mahihirap?” 6 Pero sinabi niya ito hindi dahil sa naaawa siya sa mahihirap, kundi dahil magnanakaw siya at nasa kaniya ang kahon ng pera at dati na niyang ninanakaw ang perang inilalagay roon. 7 Kaya sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyo siya, para magawa niya ito bilang paghahanda sa araw ng aking libing.+ 8 Dahil lagi ninyong kasama ang mahihirap,+ pero hindi ninyo ako laging makakasama.”+
9 Samantala, nalaman ng maraming Judio na naroon si Jesus, at pumunta sila, hindi lang dahil sa kaniya, kundi para makita rin si Lazaro na binuhay niyang muli.*+ 10 Kaya nagsabuwatan ang mga punong saserdote para patayin din si Lazaro.+ 11 Marami kasi sa mga Judio ang pumupunta roon at nananampalataya kay Jesus dahil sa kaniya.+
12 Kinabukasan, narinig ng mga pumunta sa Jerusalem para sa kapistahan na darating si Jesus. 13 Kaya kumuha sila ng mga sanga ng puno ng palma at lumabas para salubungin siya.+ Sumisigaw sila: “Iligtas nawa siya! Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova,+ ang Hari ng Israel!”+ 14 Nang makakita si Jesus ng isang batang asno, sumakay siya rito,+ gaya ng nasusulat: 15 “Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion. Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating na nakasakay sa bisiro ng isang asno.”+ 16 Noong una, hindi ito naintindihan ng mga alagad niya,+ pero nang luwalhatiin na si Jesus,+ naalaala nila na ang ginawa nila ay ang mismong nakasulat tungkol sa kaniya.+
17 At patuloy na nagpapatotoo ang mga nakakita nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan+ at buhayin itong muli.*+ 18 Ito rin ang dahilan kaya siya sinalubong ng mga tao,* dahil narinig nila na ginawa niya ang tandang ito. 19 Kaya sinabi ng mga Pariseo sa isa’t isa: “Nakikita ba ninyo? Walang nangyayari sa mga plano natin. Tingnan ninyo! Ang buong mundo* ay sumusunod na sa kaniya.”+
20 May ilang Griego rin na pumunta sa kapistahan para sumamba. 21 Nilapitan nila si Felipe+ na mula sa Betsaida ng Galilea at hiniling sa kaniya: “Ginoo, gusto naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres+ at sinabi ito sa kaniya. Pumunta naman sina Andres at Felipe kay Jesus, at sinabi nila ito sa kaniya.
23 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Dumating na ang oras para luwalhatiin ang Anak ng tao.+ 24 Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi mahulog sa lupa ang isang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong isang butil lang; pero kung mamatay ito,+ mamumunga ito ng marami. 25 Ang sinumang nagmamahal sa buhay* niya ay pupuksa rito, pero kung napopoot ang isa sa buhay* niya+ sa mundong ito, maiingatan niya ito para sa buhay na walang hanggan.+ 26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod.+ Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama. 27 Ngayon ay nababagabag ako,*+ at ano ang dapat kong sabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito.+ Pero ito ang dahilan kung bakit ako dumating, para harapin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig+ ang nanggaling sa langit: “Niluwalhati ko ito at luluwalhatiing muli.”+
29 Narinig iyon ng mga naroroon at sinabing kulog iyon. Sinabi naman ng iba: “Kinausap siya ng isang anghel.” 30 Sinabi ni Jesus: “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin.+ 31 Ngayon ay may paghatol sa mundong* ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng mundong* ito.+ 32 Pero kung itataas ako mula sa lupa,+ ilalapit ko sa akin ang lahat ng uri ng tao.”+ 33 Sinasabi niya ito para ipahiwatig kung anong uri ng kamatayan ang malapit na niyang danasin.+ 34 Sumagot ang mga tao: “Narinig namin mula sa Kautusan na ang Kristo ay nananatili magpakailanman.+ Bakit mo sinasabi na kailangang itaas ang Anak ng tao?+ Sino ang tinutukoy mong Anak ng tao?” 35 Kaya sinabi ni Jesus: “Makakasama ninyo ang liwanag nang kaunting panahon pa.+ Lumakad kayo habang nasa inyo pa ang liwanag, para hindi kayo madaig ng kadiliman; sinumang lumalakad sa kadiliman ay hindi nakaaalam kung saan siya papunta.+ 36 Habang nasa inyo ang liwanag, manampalataya kayo sa liwanag, para kayo ay maging mga anak ng liwanag.”+
Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila. 37 Kahit gumawa siya ng napakaraming tanda* sa harap nila, hindi sila nanampalataya sa kaniya, 38 kaya natupad ang sinabi ni Isaias na propeta: “Jehova, sino ang nanampalataya sa sinabi namin?+ At kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya?”+ 39 Sinabi muli ni Isaias ang dahilan kung bakit hindi sila naniniwala: 40 “Binulag ko ang mga mata nila at pinatigas ang mga puso nila, para hindi makakita ang mga mata nila at hindi makaunawa ang mga puso nila at hindi sila manumbalik at hindi ko sila mapagaling.”+ 41 Sinabi ito ni Isaias tungkol sa Kristo dahil nakita niya ang kaluwalhatian nito.+ 42 Gayunman, marami pa ring tagapamahala ang nanampalataya sa kaniya.+ Pero dahil sa takot sa mga Pariseo, hindi nila ito ipinapakita para hindi sila matiwalag mula sa sinagoga;+ 43 dahil mas mahalaga sa kanila na maluwalhati ng tao kaysa maluwalhati ng Diyos.+
44 Gayunman, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nananampalataya sa akin ay hindi lang sa akin nananampalataya, kundi sa nagsugo rin sa akin;+ 45 at sinumang nakakakita sa akin ay nakakakita rin sa nagsugo sa akin.+ 46 Dumating ako sa mundo* bilang liwanag+ para hindi manatili sa kadiliman ang bawat isa na nananampalataya sa akin.+ 47 Pero kung ang sinuman ay nakarinig sa mga pananalita ko at hindi tumupad sa mga iyon, hindi ko siya hahatulan; dahil dumating ako, hindi para hatulan ang sangkatauhan,* kundi para iligtas ang sangkatauhan.+ 48 May isa na hahatol sa sinumang nagwawalang-halaga sa akin at hindi tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang mensahe na ipinahayag ko ang hahatol sa kaniya sa huling araw.+ 49 Dahil hindi ko sariling ideya ang sinasabi ko, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. Siya ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin at ituturo ko.+ 50 At alam kong ang utos niya ay umaakay sa buhay* na walang hanggan.+ Kaya anuman ang sinasabi ko, iyon mismo ang sinabi sa akin ng Ama.”+
13 Alam na ni Jesus bago pa ang kapistahan ng Paskuwa na dumating na ang oras niya+ para umalis sa mundong* ito at pumunta sa Ama.+ Dahil mahal niya ang mga sariling kaniya na nasa mundo, patuloy niya silang inibig hanggang sa wakas.+ 2 Naghahapunan sila noon,* at inilagay na ng Diyablo sa puso ni Hudas Iscariote,+ na anak ni Simon, na magtraidor kay Jesus.+ 3 Dahil alam ni Jesus na ibinigay na sa kaniya ng Ama* ang lahat ng bagay at na nanggaling siya sa Diyos at pupunta siya sa Diyos,+ 4 umalis siya sa mesa at hinubad ang balabal niya. Kumuha siya ng tuwalya at itinali iyon sa baywang niya.+ 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at hinugasan niya ang mga paa ng mga alagad at tinuyo ang mga iyon ng tuwalyang nakatali sa kaniya.+ 6 At lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi nito: “Panginoon, huhugasan mo ba ang mga paa ko?” 7 Sumagot si Jesus: “Hindi mo mauunawaan sa ngayon ang ginagawa ko, pero mauunawaan mo rin ito.” 8 Sinabi ni Pedro: “Hinding-hindi ako papayag na hugasan mo ang mga paa ko.” Sumagot si Jesus: “Kung hindi ko huhugasan ang mga paa mo,+ hindi mo ako puwedeng makasama.” 9 Sinabi ni Simon Pedro: “Panginoon, hugasan mo na rin ang mga kamay ko at ulo, hindi lang ang mga paa ko.” 10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung naligo na ang isa, malinis na siya+ at mga paa na lang ang kailangang hugasan. At kayo ay malilinis, pero hindi lahat.” 11 Kilala ni Jesus ang magtatraidor sa kaniya,+ kaya sinabi niya: “Hindi lahat sa inyo ay malinis.”
12 Nang mahugasan na niya ang mga paa nila at maisuot ang balabal niya, bumalik siya sa mesa* at sinabi niya: “Alam ba ninyo kung bakit ko ginawa iyon? 13 Tinatawag ninyo akong ‘Guro’+ at ‘Panginoon,’ at tama kayo, dahil gayon nga ako.+ 14 Kaya kung ako na Panginoon at Guro ay naghugas ng mga paa ninyo,+ dapat din kayong maghugas ng mga paa ng isa’t isa.+ 15 Dahil nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin.+ 16 Sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya, at ang isinugo ay hindi mas dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya.+ 17 Dahil alam na ninyo ito, magiging maligaya kayo kung gagawin ninyo ito.+ 18 Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Pero kailangang matupad ang nasa Kasulatan:+ ‘Siya na dating kumakaing kasama ko ay kumalaban sa akin.’+ 19 Sinasabi ko na ito sa inyo ngayon bago pa ito mangyari para kapag naganap ito ay maniwala kayo na ako nga siya.+ 20 Tinitiyak ko sa inyo, ang tumatanggap sa sinumang isinusugo ko ay tumatanggap din sa akin,+ at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.”+
21 Pagkasabi nito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at sinabi niya: “Tinitiyak ko sa inyo, isa sa inyo ang magtatraidor sa akin.”+ 22 Nagtinginan ang mga alagad dahil hindi nila alam kung sino ang tinutukoy niya.+ 23 Ang isa sa mga alagad, ang minamahal ni Jesus,+ ay nasa tabi niya. 24 Kaya sinenyasan* ito ni Simon Pedro at sinabi: “Sabihin mo sa amin kung sino ang tinutukoy niya.” 25 Kaya sumandig ito sa dibdib ni Jesus at sinabi: “Panginoon, sino iyon?”+ 26 Sumagot si Jesus: “Siya ang bibigyan ko ng tinapay na isasawsaw ko.”+ Kaya pagkasawsaw sa tinapay, ibinigay niya ito kay Hudas, na anak ni Simon Iscariote. 27 Pagkakuha ni Hudas sa tinapay, pumasok sa kaniya si Satanas.+ At sinabi ni Jesus sa kaniya: “Tapusin mo na agad ang ginagawa mo.” 28 Gayunman, walang sinuman sa mga kasama niya sa mesa ang nakaaalam kung bakit niya ito sinabi sa kaniya. 29 Ang totoo, dahil si Hudas ang may hawak sa kahon ng pera,+ iniisip ng ilan na sinasabi ni Jesus sa kaniya, “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa kapistahan,” o na magbigay siya ng anuman sa mahihirap. 30 Kaya pagkakuha sa tinapay, lumabas siya agad. Gabi na noon.+
31 Kaya nang makalabas na siya, sinabi ni Jesus: “Ngayon ang Anak ng tao ay naluluwalhati,+ at ang Diyos ay naluluwalhati sa pamamagitan niya. 32 Ang Diyos mismo ang luluwalhati sa kaniya,+ at agad niya siyang luluwalhatiin. 33 Mahal na mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; at ang sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.’+ 34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.+ 35 Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”+
36 Sinabi ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka pa makakasama ngayon sa pupuntahan ko, pero makakasunod ka rin.”+ 37 Sinabi ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi ako makakasama sa iyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.”+ 38 Sumagot si Jesus: “Talaga bang ibibigay mo ang buhay* mo para sa akin? Tinitiyak ko sa iyo, hindi titilaok ang isang tandang hanggang sa maikaila mo ako nang tatlong ulit.”+
14 “Huwag mabagabag ang mga puso ninyo.+ Manampalataya kayo sa Diyos;+ manampalataya rin kayo sa akin. 2 Maraming tirahan sa bahay ng Ama ko; kung hindi ay sinabi ko sana sa inyo. Pero ngayon, aalis ako para maghanda ng lugar para sa inyo.+ 3 At kapag nakaalis ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking bahay, para kung nasaan ako ay nandoon din kayo.+ 4 At alam ninyo ang daan sa pupuntahan ko.”
5 Sinabi ni Tomas:+ “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”
6 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang daan+ at ang katotohanan+ at ang buhay.+ Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.+ 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko;+ mula sa sandaling ito ay makikilala ninyo siya. Ang totoo, nakita na ninyo siya.”+
8 Sinabi ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama at sapat na iyon sa amin.”
9 Sinabi ni Jesus: “Nakasama na ninyo ako nang mahabang panahon, pero hindi mo pa rin ba ako kilala, Felipe? Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.+ Kaya bakit mo sinasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay kaisa ng Ama at ang Ama ay kaisa ko?+ Ang mga sinasabi ko sa inyo ay hindi mula sa sarili ko,+ kundi sa pamamagitan ko ay isinasakatuparan ng Ama na nananatiling kaisa ko ang kaniyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay kaisa ng Ama at ang Ama ay kaisa ko; kung hindi man, maniwala kayo dahil sa mga gawa.+ 12 Tinitiyak ko sa inyo, ang nananampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga ginagawa ko; at ang mga gagawin niya ay makahihigit sa mga ito,+ dahil ako ay pupunta sa Ama.+ 13 At anuman ang hingin ninyo sa pangalan ko, ibibigay ko iyon, para maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak.+ 14 Kung hihingi kayo ng anuman sa pangalan ko, ibibigay ko iyon.
15 “Kung mahal ninyo ako, susundin ninyo ang mga utos ko.+ 16 At hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong para makasama ninyo magpakailanman,+ 17 ang espiritu ng katotohanan,+ na hindi matatanggap ng mundo,* dahil ang espiritu ay hindi nakikita o nalalaman ng mundo.+ Kilala ninyo iyon, dahil iyon ay nananatili sa inyo at sumasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwang nagdadalamhati. Babalik ako sa inyo.+ 19 Sandali na lang at hindi na ako makikita ng mundo,* pero makikita ninyo ako+ dahil nabubuhay ako at mabubuhay kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako ay kaisa ng aking Ama at kayo ay kaisa ko at ako ay kaisa ninyo.+ 21 Ang nagmamahal sa akin ay ang tumatanggap sa mga utos ko at sumusunod sa mga iyon. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng Ama ko,+ at mamahalin ko siya at lubusan kong ipapakilala sa kaniya ang sarili ko.”
22 Sinabi ni Hudas,+ hindi si Hudas Iscariote: “Panginoon, bakit sa amin mo na lang lubusang ipapakilala ang sarili mo at hindi na sa sangkatauhan?”*
23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung ang sinuman ay nagmamahal sa akin, tutuparin niya ang aking salita,+ at iibigin siya ng aking Ama, at pupunta kami sa kaniya at maninirahang kasama niya.+ 24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Ang naririnig ninyong salita ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.+
25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Pero ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.+ 27 Ang kapayapaang ibinibigay ko sa inyo ay mananatili sa inyo.+ Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo.* Huwag kayong mag-alala o matakot. 28 Narinig ninyo na sinabi ko, ‘Aalis ako at babalik akong muli sa inyo.’ Kung iniibig ninyo ako, magsasaya kayo na pupunta ako sa Ama, dahil ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.+ 29 Kaya sinasabi ko na ito sa inyo bago pa ito mangyari para maniwala kayo kapag naganap na iyon.+ 30 Hindi ko na kayo makakausap nang matagal, dahil ang tagapamahala ng mundo*+ ay dumarating, at wala siyang kontrol sa akin.+ 31 Pero para malaman ng mundo* na iniibig ko ang Ama, ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.+ Umalis na tayo rito.
15 “Ako ang tunay na punong ubas, at ang aking Ama ang tagapagsaka. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat isa na namumunga para mamunga pa iyon nang higit.+ 3 Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo.+ 4 Manatili kayong kaisa ko, at mananatili akong kaisa ninyo. Kung paanong ang sanga ay hindi makapamumunga malibang manatili itong bahagi ng punong ubas, hindi rin kayo makapamumunga malibang manatili kayong kaisa ko.+ 5 Ako ang punong ubas; kayo ang mga sanga. Siya na nananatiling kaisa ko at ako na kaisa niya ay namumunga ng marami;+ dahil kung nakahiwalay kayo sa akin, wala kayong magagawang anuman. 6 Kung ang sinuman ay hindi nananatiling kaisa ko, siya ay itinatapong gaya ng isang sanga at natutuyo. At tinitipon ng mga tao ang mga sangang iyon at inihahagis sa apoy, at ang mga iyon ay nasusunog.+ 7 Kung mananatili kayong kaisa ko at ang mga pananalita ko ay mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang gusto ninyo at ibibigay iyon sa inyo.+ 8 Ang aking Ama ay maluluwalhati kung patuloy kayong mamumunga ng marami at patutunayan ninyong kayo ay mga alagad ko.+ 9 Inibig ko kayo kung paanong inibig ako ng Ama;+ manatili kayo sa pag-ibig ko. 10 Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko,+ kung paanong sinunod ko ang mga utos ng Ama at nanatili sa pag-ibig niya.+
11 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito para madama rin ninyo ang kagalakang nadarama ko at maging lubos ang kagalakan ninyo.+ 12 Ito ang utos ko: Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.+ 13 Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay* para sa mga kaibigan niya.+ 14 Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.+ 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng panginoon niya, kundi tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, kundi ako ang pumili sa inyo, at inatasan ko kayo na patuloy na mamunga ng mga bungang nagtatagal, para anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay maibigay niya sa inyo.+
17 “Iniuutos ko sa inyo ang mga ito para makapagpakita kayo ng pag-ibig sa isa’t isa.+ 18 Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, tandaan ninyong napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo.+ 19 Kung bahagi kayo ng sanlibutan, matutuwa sa inyo ang sanlibutan. Pero hindi kayo bahagi ng sanlibutan,+ kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.+ 20 Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo: Ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo;+ kung sinunod nila ang mga sinabi ko, susundin din nila ang sa inyo. 21 Pero gagawin nila ang lahat ng ito laban sa inyo dahil sa pangalan ko, dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.+ 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, wala sana silang kasalanan.+ Pero ngayon ay wala silang maidadahilan para sa kasalanan nila.+ 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.+ 24 Kung hindi nila nakita ang mga himalang ginawa ko na hindi pa nagawa ng sinuman, wala sana silang kasalanan;+ pero ngayon ay nakita nila ako at kinapootan, gayundin ang aking Ama. 25 Pero nangyari ito para matupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’+ 26 Kapag dumating ang katulong na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang espiritu ng katotohanan+ na nanggagaling sa Ama, ang isang iyon ay magpapatotoo tungkol sa akin;+ 27 kaya naman, magpapatotoo kayo,+ dahil nakasama ko kayo mula sa simula.
16 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito para hindi kayo matisod. 2 Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga.+ Ang totoo, darating ang panahon na ang bawat isa na pumapatay sa inyo+ ay mag-aakalang gumagawa siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos. 3 Pero gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama o kahit ako.+ 4 Gayunman, sinasabi ko ito sa inyo para kapag dumating na ang oras na mangyari ang mga iyon, maaalaala ninyong sinabi ko ang mga iyon sa inyo.+
“Hindi ko sinabi ang mga ito sa inyo noong una, dahil kasama pa ninyo ako. 5 Pero ngayon ay pupunta ako sa nagsugo sa akin;+ gayunman, walang isa man sa inyo ang nagtatanong, ‘Saan ka pupunta?’ 6 Pero dahil sinabi ko sa inyo ang mga ito, napuno ng lungkot ang puso ninyo.+ 7 Gayunman, sinasabi ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo ang pag-alis ko. Dahil kung hindi ako aalis, ang katulong+ ay hindi darating sa inyo; pero kung aalis ako, ipadadala ko siya sa inyo. 8 At kapag dumating ang isang iyon, magbibigay siya sa mundo* ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa kasalanan at sa katuwiran* at sa paghatol: 9 una, may kinalaman sa kasalanan,+ dahil hindi sila nananampalataya sa akin;+ 10 pagkatapos, may kinalaman sa katuwiran,* dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 pagkatapos, may kinalaman sa paghatol, dahil ang tagapamahala ng mundong* ito ay hinatulan na.+
12 “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi pa ninyo iyon mauunawaan sa ngayon.+ 13 Pero kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan,+ gagabayan niya kayo para lubusan ninyong maunawaan ang katotohanan, dahil hindi siya magsasalita nang mula sa sarili niya, kundi sasabihin lang niya ang mga narinig niya, at ipaaalam niya sa inyo ang mga bagay na darating.+ 14 Luluwalhatiin ako ng isang iyon,+ dahil sasabihin niya sa inyo ang narinig niya mula sa akin.+ 15 Ang lahat ng taglay ng Ama ay sa akin.+ Iyan ang dahilan kaya sinabi kong sasabihin niya sa inyo ang narinig niya mula sa akin. 16 Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita,+ pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako.”
17 Kaya sinabi ng ilan sa mga alagad niya: “Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako’ at ‘dahil pupunta ako sa Ama’?” 18 At paulit-ulit nilang sinasabi: “Ano ang ibig niyang sabihin sa ‘kaunting panahon’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” 19 Alam ni Jesus na gusto nila siyang tanungin, kaya sinabi niya: “Tinatanong ba ninyo ang isa’t isa dahil sinabi ko: ‘Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako’? 20 Tinitiyak ko sa inyo, iiyak kayo at hahagulgol,+ pero magsasaya ang mundo; mamimighati kayo, pero mapapalitan ng kagalakan ang inyong pamimighati.+ 21 Kapag nanganganak ang isang babae, napakatindi ng paghihirap niya* dahil dumating na ang oras niya, pero kapag naisilang na niya ang sanggol, nakakalimutan na niya ang naranasan niyang hirap dahil sa kagalakan na isang sanggol ang ipinanganak sa mundo.* 22 Kayo rin naman ay namimighati sa ngayon; pero makikita ko kayong muli, at magsasaya ang mga puso ninyo,+ at walang sinumang makapag-aalis ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman,+ ibibigay niya iyon sa inyo sa pangalan ko.+ 24 Hanggang sa ngayon, hindi pa kayo humihingi ng kahit isang bagay sa pangalan ko. Humingi kayo, at kayo ay tatanggap, para maging lubos ang kagalakan ninyo.
25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga paghahambing. Darating ang panahon na hindi na ako gagamit sa inyo ng mga paghahambing, kundi sasabihin ko sa inyo nang malinaw ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa pangalan ko; pero hindi na kailangang ako ang humiling para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako+ at naniwala kayo na dumating ako bilang kinatawan ng Diyos.+ 28 Dumating ako sa mundo* bilang kinatawan ng Ama. Pero ngayon, iiwan ko ang mundo at pupunta ako sa Ama.”+
29 Sinabi ng mga alagad niya: “Malinaw na ngayon ang sinasabi mo, at hindi ka na gumagamit ng mga paghahambing! 30 Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat ng bagay at hindi ka namin kailangang tanungin. Dahil dito, naniniwala kaming galing ka sa Diyos.” 31 Sumagot si Jesus: “Talaga bang naniniwala na kayo? 32 Sinasabi ko sa inyo, malapit nang dumating ang oras na mangangalat kayo, bawat isa sa sarili niyang bahay, at iiwan ninyo akong mag-isa.+ Pero hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama.+ 33 Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko.+ Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan,+ pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”+
17 Pagkasabi nito, tumingala si Jesus sa langit at sinabi niya: “Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong anak para maluwalhati ka ng iyong anak.+ 2 Binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng tao+ para mabigyan niya ng buhay na walang hanggan+ ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.+ 3 Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan,+ kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos,+ at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.+ 4 Naluwalhati kita sa lupa+ dahil tinapos ko ang gawain na ibinigay mo sa akin.+ 5 Kaya, Ama, luwalhatiin mo ako; hayaan mong makasama kitang muli at magkaroon ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong kasama kita bago pa umiral ang sanlibutan.+
6 “Ipinakilala ko ang pangalan mo sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.+ Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. 7 Alam na nila ngayon na ang lahat ng bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; 8 dahil nang sabihin ko sa kanila ang mga sinabi mo sa akin,+ tinanggap nila iyon at naunawaan nilang dumating ako bilang kinatawan mo,+ at naniwala sila na isinugo mo ako.+ 9 Nakikiusap ako para sa kanila; nakikiusap ako, hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo; 10 at ang lahat ng akin ay sa iyo at ang sa iyo ay akin,+ at niluwalhati nila ako.
11 “Aalis na ako sa sanlibutan, at pupunta ako sa iyo, pero sila ay mananatili sa sanlibutan.+ Amang Banal, bantayan mo sila+ alang-alang sa iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin, para sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa.+ 12 Noong kasama pa nila ako, binabantayan ko sila+ alang-alang sa iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin; at iningatan ko sila, at walang isa man sa kanila ang napuksa+ maliban sa anak ng pagkapuksa,+ para matupad ang nasa Kasulatan.+ 13 Pero pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako ay nasa sanlibutan para madama nila nang lubos ang kagalakang nadarama ko.+ 14 Ipinaalám ko sa kanila ang iyong salita, pero napoot sa kanila ang sanlibutan+ dahil hindi sila bahagi ng sanlibutan,+ kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.
15 “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi hinihiling ko na bantayan mo sila dahil sa isa na masama.+ 16 Hindi sila bahagi ng sanlibutan,+ kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.+ 17 Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan;+ ang iyong salita ay katotohanan.+ 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan.+ 19 At pinananatili kong banal ang sarili ko alang-alang sa kanila, para sila rin ay maging banal sa pamamagitan ng katotohanan.
20 “Nakikiusap ako, hindi lang para sa kanila, kundi para din sa mga nananampalataya sa akin dahil sa kanilang pagtuturo; 21 para silang lahat ay maging isa,+ kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo,+ para sila rin ay maging kaisa natin, at sa gayon ay maniwala ang sanlibutan na isinugo mo ako. 22 Ibinigay ko sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, para sila ay maging isa kung paanong tayo ay iisa.+ 23 Ako ay kaisa nila at ikaw ay kaisa ko, para lubusan silang magkaisa,+ at sa gayon ay malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at na inibig mo sila kung paanong inibig mo ako. 24 Ama, gusto ko sana na kung nasaan ako, naroon ding kasama ko ang mga ibinigay mo sa akin,+ para makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, dahil inibig mo ako bago pa maitatag ang sanlibutan.+ 25 Amang Matuwid, hindi ka nakilala ng sanlibutan,+ pero kilala kita,+ at nalaman nila* na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala,+ para maipakita nila sa iba ang pag-ibig na ipinakita mo sa akin at ako ay maging kaisa nila.”+
18 Pagkasabi nito, tinawid ni Jesus at ng mga alagad niya ang Lambak ng Kidron+ para pumunta sa isang hardin, at pumasok sila roon.+ 2 Alam ni Hudas, na magtatraidor sa kaniya,+ ang lugar na iyon dahil madalas pumunta roon si Jesus at ang mga alagad niya. 3 Kaya isinama roon ni Hudas ang mga sundalo at ang mga guwardiya ng mga punong saserdote at mga Pariseo, at may dala silang mga sulo, lampara, at sandata.+ 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kaniya, kaya hinarap niya sila at sinabi: “Sino ang hinahanap ninyo?” 5 Sumagot sila: “Si Jesus na Nazareno.”+ Sinabi niya: “Ako ang hinahanap ninyo.” Kasama rin nila si Hudas, na nagtraidor sa kaniya.+
6 Pero nang sabihin ni Jesus, “Ako ang hinahanap ninyo,” napaatras sila at nabuwal.+ 7 Kaya tinanong niya ulit sila: “Sino ang hinahanap ninyo?” Sinabi nila: “Si Jesus na Nazareno.” 8 Sumagot si Jesus: “Sinabi ko na sa inyo na ako iyon. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga lalaking ito.” 9 Nangyari ito para matupad ang sinabi niya: “Hindi ko naiwala ang kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”+
10 Pagkatapos, hinugot ni Simon Pedro ang dala niyang espada at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote, at natagpas ang kanang tainga nito.+ Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Kaya sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito.+ Hindi ko ba dapat inuman ang kopa na ibinigay sa akin ng Ama?”+
12 Pagkatapos, dinakip si Jesus ng mga sundalo at ng kumandante ng militar at ng mga guwardiya ng mga Judio, at iginapos nila siya. 13 Dinala muna nila si Jesus kay Anas, dahil siya ang biyenan ni Caifas,+ ang mataas na saserdote nang taóng iyon.+ 14 Si Caifas ang nagsabi noon sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan.+
15 Si Simon Pedro, pati na ang isa pang alagad, ay sumusunod kay Jesus.+ Ang alagad na iyon ay kilala ng mataas na saserdote, at sumama siya kay Jesus sa looban ng bahay ng mataas na saserdote, 16 pero si Pedro ay naiwan sa labas ng pinto.* Kaya ang alagad na kilala ng mataas na saserdote ay lumabas at nakipag-usap sa bantay sa pinto at isinama si Pedro sa loob. 17 At sinabi kay Pedro ng alilang babae na nagbabantay sa pinto: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Sinabi niya: “Hindi.”+ 18 Malamig noon, kaya nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga sundalo at tumayo sa paligid nito para magpainit. Si Pedro ay nakatayo ring kasama nila at nagpapainit.
19 Tinanong ng punong saserdote si Jesus tungkol sa mga alagad niya at sa kaniyang turo. 20 Sumagot si Jesus: “Hayagan akong nagsalita sa lahat ng tao.* Lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo,+ kung saan nagtitipon ang lahat ng Judio, at wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa mga sinabi ko. Alam nila kung ano ang sinabi ko.” 22 Pagkasabi nito, sinampal si Jesus ng isa sa mga guwardiya+ at sinabi: “Ganiyan ka ba sumagot sa punong saserdote?” 23 Sinabi ni Jesus: “Kung may sinabi akong mali, patunayan mo;* pero kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24 Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na mataas na saserdote.+
25 Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro sa tabi ng apoy at nagpapainit. Sinabi nila: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad niya?” Ikinaila niya iyon at sinabi: “Hindi.”+ 26 Sinabi ng isa sa mga alipin ng mataas na saserdote, na kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga:+ “Hindi ba kasama ka niya sa hardin? Nakita kita!” 27 Pero ikinaila ito ulit ni Pedro, at agad na tumilaok ang tandang.+
28 Pagkatapos, dinala nila si Jesus mula kay Caifas papunta sa bahay ng gobernador.+ Umaga na noon. Pero hindi sila pumasok sa bahay ng gobernador para hindi sila madungisan+ at sa gayon ay makakain sila ng hapunan para sa Paskuwa. 29 Kaya lumabas si Pilato at sinabi niya: “Ano ang akusasyon ninyo sa taong ito?” 30 Sumagot sila: “Kung walang ginawang masama* ang taong ito, hindi namin siya dadalhin sa iyo.” 31 Sinabi ni Pilato: “Kung gayon, kunin ninyo siya at hatulan ninyo ayon sa inyong kautusan.”+ Sinabi ng mga Judio: “Wala kaming awtoridad na pumatay ng sinuman.”+ 32 Nangyari ito para matupad ang sinabi ni Jesus na nagpapahiwatig kung anong uri ng kamatayan ang malapit na niyang danasin.+
33 Kaya muling pumasok si Pilato sa bahay ng gobernador, at tinawag niya si Jesus at sinabi: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”+ 34 Sumagot si Jesus: “Itinatanong mo ba iyan dahil iyan ang iniisip mo, o may mga nagsabi sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato: “Hindi naman ako Judio. Sarili mong bansa at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo sa akin. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus:+ “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.+ Kung ang Kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagasunod* ko para hindi ako madakip ng mga Judio.+ Pero ang totoo, hindi nagmumula rito ang Kaharian ko.” 37 Kaya sinabi ni Pilato: “Kung gayon, hari ka nga ba?” Sumagot si Jesus: “Ikaw mismo ang nagsasabi na ako ay hari.+ Ipinanganak ako at dumating sa sanlibutan para magpatotoo tungkol sa katotohanan.+ Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.”+ 38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: “Ano ang katotohanan?”
Pagkasabi nito, lumabas ulit si Pilato at sinabi niya sa mga Judio: “Wala akong makitang dahilan para hatulan siya.*+ 39 Isa pa, may kaugalian kayo na magpapalaya ako ng isang tao kapag Paskuwa.+ Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40 Sumigaw silang muli: “Huwag ang taong iyan, kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang magnanakaw.+
19 Pagkatapos, iniutos ni Pilato na hagupitin si Jesus.+ 2 At gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya at sinuotan siya ng purpurang* damit,+ 3 at lumalapit sila sa kaniya at sinasabi nila: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” Pinagsasampal din nila siya.+ 4 Muling lumabas si Pilato, at sinabi niya: “Tingnan ninyo! Inihaharap ko siya sa inyo para malaman ninyo na wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”*+ 5 Lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang purpurang damit. Sinabi ni Pilato sa kanila: “Narito ang tao!” 6 Pero nang makita siya ng mga punong saserdote at mga guwardiya, sumigaw sila: “Ibayubay* siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!”+ Sinabi ni Pilato: “Kunin ninyo siya at kayo ang pumatay sa kaniya dahil wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”*+ 7 Sumagot ang mga Judio: “May kautusan kami, at ayon sa kautusan,+ dapat siyang mamatay dahil inaangkin niyang anak siya ng Diyos.”+
8 Nang marinig ni Pilato ang sinabi nila, lalo siyang natakot, 9 at pumasok siyang muli sa bahay ng gobernador at sinabi niya kay Jesus: “Saan ka nagmula?” Pero hindi siya sinagot ni Jesus.+ 10 Kaya sinabi ni Pilato: “Hindi ka ba sasagot? Hindi mo ba alam na may awtoridad akong palayain ka o patayin ka?”* 11 Sumagot si Jesus: “Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad, wala ka sanang awtoridad sa akin.+ Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagbigay sa akin sa kamay mo.”
12 Dahil dito, patuloy na naghanap si Pilato ng paraan para mapalaya siya. Pero sumigaw ang mga Judio: “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar. Ang sinuman na ginagawang hari ang sarili niya ay nagsasalita laban* kay Cesar.”+ 13 Kaya pagkarinig ni Pilato sa sinabi nila, inilabas niya si Jesus, at umupo siya sa luklukan ng paghatol sa lugar na tinatawag na Latag ng Bato, pero sa Hebreo ay Gabata. 14 Noon ay araw ng Paghahanda+ sa Paskuwa, mga ikaanim na oras. Sinabi niya sa mga Judio: “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” 15 Pero sumigaw sila: “Patayin siya! Patayin siya! Ibayubay siya sa tulos!” Sinabi ni Pilato: “Papatayin ko ba ang hari ninyo?” Sumagot ang mga punong saserdote: “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.” 16 Pagkatapos, ibinigay niya si Jesus sa kanila para ibayubay sa tulos.+
Kaya kinuha nila si Jesus. 17 Habang pasan ang pahirapang tulos, lumabas si Jesus papunta sa lugar na tinatawag na Golgota sa Hebreo, na ang ibig sabihin ay Bungo.+ 18 Doon nila siya ipinako sa tulos+ kasama ang dalawa pang lalaki, ang bawat isa sa magkabilang panig ni Jesus.+ 19 Isinulat din ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa pahirapang tulos: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.”+ 20 Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit sa lunsod ang lugar kung saan ipinako si Jesus sa tulos, at nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego. 21 Pero sinabi ng mga punong saserdote ng mga Judio kay Pilato: “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi isulat mo na sinabi niya, ‘Ako ay Hari ng mga Judio.’” 22 Sumagot si Pilato: “Kapag naisulat ko na, naisulat ko na.”
23 Nang si Jesus ay maipako na ng mga sundalo sa tulos, kinuha nila ang balabal niya at hinati sa apat, isa sa bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit niya. Pero wala itong dugtungan at hinabi mula sa itaas hanggang sa ibaba. 24 Kaya sinabi nila sa isa’t isa: “Huwag natin itong punitin, kundi magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.”+ Nangyari ito para matupad ang nasa Kasulatan: “Pinaghati-hatian nila ang damit ko, at pinagpalabunutan nila ang kasuotan ko.”+ Gayon nga ang ginawa ng mga sundalo.
25 Sa tabi ng pahirapang tulos* ni Jesus ay nakatayo ang kaniyang ina+ at ang kapatid na babae nito, gayundin si Maria na asawa ni Clopas at si Maria Magdalena.+ 26 Kaya nang makita ni Jesus ang kaniyang ina at ang minamahal niyang alagad+ na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: “Tingnan mo!* Ang iyong anak!” 27 At sinabi niya sa alagad: “Tingnan mo! Ang iyong ina!” Mula noon, kinupkop na ng alagad sa sarili niyang tahanan ang ina ni Jesus.
28 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya para matupad ang nasa Kasulatan, sinabi niya: “Nauuhaw ako.”+ 29 May isang lalagyan doon na punô ng maasim na alak. Kaya naglagay sila ng espongha na punô ng maasim na alak sa isang tangkay ng isopo at inilapit iyon sa bibig niya.+ 30 Pagkatapos matikman ang maasim na alak, sinabi ni Jesus: “Naganap na!”+ Pagyuko niya, nalagutan siya ng hininga.+
31 Dahil araw noon ng Paghahanda,+ hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakabayubay at ibaba ang mga katawan nito para hindi manatili ang mga ito sa pahirapang tulos+ sa Sabbath (dahil espesyal ang araw ng Sabbath na iyon).+ 32 Kaya pumunta ang mga sundalo at binali ang mga binti ng dalawang lalaking ibinayubay kasama ni Jesus. 33 Pero paglapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang mga binti niya. 34 Pero sinaksak ng sibat ng isa sa mga sundalo ang tagiliran ni Jesus,+ at agad na lumabas ang dugo at tubig. 35 Ang mga ito ay pinatotohanan ng taong nakakita nito, at tunay ang patotoo niya. Alam niya na totoo ang sinasabi niya, at sinabi niya ang mga ito para maniwala rin kayo.+ 36 Sa katunayan, nangyari ang mga ito para matupad ang kasulatan: “Walang isa mang buto niya ang mababali.”*+ 37 At sinasabi pa sa ibang kasulatan: “Titingin sila sa sinaksak nila.”+
38 Pagkatapos, si Jose ng Arimatea ay humingi ng pahintulot kay Pilato na makuha ang katawan ni Jesus. Alagad siya ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.+ Pinahintulutan siya ni Pilato kaya pumunta siya at kinuha niya ang katawan ni Jesus.+ 39 Dumating din si Nicodemo,+ ang lalaking pumunta noon kay Jesus nang gabi. May dala siyang pinaghalong mira at aloe na mga 100 libra ang bigat.+ 40 Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang lino na may mababangong sangkap,*+ ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.+ 41 Nagkataong may hardin sa lugar kung saan siya pinatay,* at sa harding iyon ay may bagong libingan+ na wala pang naililibing. 42 Dahil araw iyon ng Paghahanda+ ng mga Judio at malapit lang ang libingan, doon nila inilibing si Jesus.
20 Noong unang araw ng linggo, habang madilim pa, maagang pumunta si Maria Magdalena sa libingan,+ at nakita niyang wala nang nakatakip na bato sa libingan.+ 2 Kaya tumakbo siya papunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad, na minamahal ni Jesus,+ at sinabi niya: “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan,+ at hindi namin alam kung saan nila siya dinala.”
3 Kaya pumunta si Pedro at ang isa pang alagad sa libingan. 4 Sabay na tumakbo ang dalawa, pero unang nakarating sa libingan ang isang alagad dahil mas mabilis siyang tumakbo kaysa kay Pedro. 5 Yumuko siya para sumilip at nakita niyang nakalapag ang mga telang lino.+ Pero hindi siya pumasok. 6 Kasunod na dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. 7 Ang telang ginamit sa ulo niya ay hindi nakalapag kasama ng iba pang tela, kundi hiwalay na nakarolyo sa isang lugar. 8 Pumasok din sa libingan ang alagad na unang nakarating, at dahil nakita niya, naniwala siya. 9 Hindi pa nila naiintindihan ang kasulatan na kailangan siyang bumangon mula sa mga patay.+ 10 At umuwi sa kani-kanilang bahay ang mga alagad.
11 Pero nakatayo pa rin si Maria malapit sa libingan, at umiiyak siya. Habang umiiyak, yumuko siya para sumilip sa loob ng libingan, 12 at dalawang anghel na nakaputi ang nakita niyang+ nakaupo kung saan inilagay ang katawan ni Jesus, ang isa ay sa ulunan at ang isa ay sa paanan. 13 Sinabi nila: “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya: “Kinuha nila ang Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan nila siya dinala.” 14 Pagkasabi nito, tumalikod siya at may nakita siyang lalaking nakatayo. Si Jesus iyon, pero hindi siya nakilala ni Maria.+ 15 Sinabi ni Jesus: “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang hardinero ang kumausap sa kaniya, sinabi ni Maria: “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus: “Maria!” Nang lumingon siya, sinabi niya sa Hebreo: “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay “Guro!”) 17 Sinabi ni Jesus: “Huwag kang kumapit sa akin dahil hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko+ at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama+ at inyong Ama at sa aking Diyos+ at inyong Diyos.’” 18 Pinuntahan ni Maria Magdalena ang mga alagad at sinabi ang balita: “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi niya sa kanila ang mga sinabi ni Jesus.+
19 Kinagabihan nang araw na iyon, ang unang araw ng linggo, nagtipon sa isang lugar ang mga alagad. Nakatrangka ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at tagiliran.+ Nagsaya ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.+ 21 Sinabi ulit ni Jesus: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.+ Kung paanong isinugo ako ng Ama,+ isinusugo ko rin kayo.”+ 22 Pagkasabi nito, humihip siya sa kanila at sinabi niya: “Tanggapin ninyo ang banal na espiritu.+ 23 Kung patatawarin ninyo ang kasalanan ng sinuman, pinatawad na siya ng Diyos. Pero kung hindi ninyo patatawarin ang kasalanan ng sinuman, hindi siya pinatawad ng Diyos.”
24 Pero si Tomas,+ isa sa 12 apostol+ at tinatawag na Kambal, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinasabi sa kaniya ng ibang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Pero sinabi niya: “Maniniwala lang ako kung makikita ko ang butas* ng pako sa mga kamay niya at maipapasok ko ang daliri ko sa mga butas na iyon at ang kamay ko sa tagiliran niya.”+
26 Pagkaraan ng walong araw, muling nagtipon ang mga alagad niya sa isang bahay, at kasama nila si Tomas. Nakatrangka ang mga pinto pero nakapasok si Jesus. Tumayo siya sa gitna nila, at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 27 Pagkatapos, sinabi niya kay Tomas: “Ilagay mo rito ang daliri mo, at tingnan mo ang mga kamay ko, at ipasok mo ang iyong kamay sa tagiliran ko, at huwag ka nang magduda* kundi manampalataya ka.” 28 Sumagot si Tomas: “Panginoon ko at Diyos ko!”+ 29 Sinabi ni Jesus: “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Maligaya ang mga naniniwala kahit hindi nakakita.”+
30 Ang totoo, gumawa rin si Jesus ng marami pang tanda sa harap ng mga alagad niya na hindi nakasulat sa balumbong ito.+ 31 Pero isinulat ang mga ito para manampalataya kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at dahil sa pananampalatayang iyon, maaari kayong magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng pangalan niya.+
21 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad, sa Lawa ng Tiberias. Nagpakita siya sa ganitong paraan. 2 Magkakasama si Simon Pedro, si Tomas (ang tinatawag na Kambal),+ si Natanael+ na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo,+ at ang dalawa pa sa mga alagad. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: “Mangingisda ako.” Sinabi nila: “Sasama kami.” Umalis sila at sumakay sa bangka, pero wala silang nahuli nang gabing iyon.+
4 Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon.+ 5 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak, may makakain ba kayo?” Sumagot sila: “Wala!” 6 Sinabi niya: “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at may mahuhuli kayo.” Kaya inihagis nila iyon pero hindi na nila maiahon dahil sa dami ng isda.+ 7 Pagkatapos, sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus:+ “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, isinuot* niya ang damit niya dahil nakahubad siya, at tumalon siya sa lawa. 8 Pero sinundan siya ng ibang alagad habang nakasakay sa maliit na bangka at hinahatak ang lambat na punô ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa dalampasigan.
9 Pagdating nila sa dalampasigan, may nakita silang nagbabagang uling na may isda sa ibabaw, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus: “Dalhin ninyo ang ilan sa isdang kahuhuli lang ninyo.” 11 Kaya sumakay si Simon Pedro sa bangka, at hinatak niya sa dalampasigan ang lambat na punô ng malalaking isda, 153 ang mga iyon. Pero kahit napakarami ng isda, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus: “Halikayo, mag-almusal muna kayo.”+ Walang isa man sa mga alagad ang nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong kay Jesus kung sino siya, dahil alam nilang siya ang Panginoon. 13 Kinuha ni Jesus ang tinapay at ibinigay iyon sa kanila, pati ang isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon+ na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang buhaying muli.*
15 Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon na anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking mga kordero.”*+ 16 Sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.”+ 17 Sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Lungkot na lungkot si Pedro dahil ikatlong beses nang itinanong ni Jesus sa kaniya: “Mahal mo ba ako?” Kaya sumagot siya: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.+ 18 Sinasabi ko sa iyo, noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa sarili mo at nagpupunta ka kahit saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at ibang tao ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.”+ 19 Sinabi niya ito para ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan luluwalhatiin ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Patuloy kang sumunod sa akin.”+
20 Paglingon ni Pedro, nakita niyang papalapit ang alagad na minamahal ni Jesus.+ Siya ang sumandig sa dibdib ni Jesus noong hapunan at nagsabi: “Panginoon, sino ang magtatraidor sa iyo?” 21 Kaya pagkakita sa kaniya, sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kaniya?” 22 Sumagot si Jesus: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo? Patuloy kang sumunod sa akin.” 23 Kaya kumalat ang pananalitang ito sa gitna ng mga tagasunod* na hindi mamamatay ang alagad na iyon. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi niya: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo?”
24 Ito ang alagad+ na nagpapatotoo tungkol sa mga ito at sumulat ng mga ito, at alam natin na ang patotoo niya ay totoo.+
25 Sa katunayan, marami pang ibang ginawa si Jesus, na kung sakaling naisulat nang detalyado, sa palagay ko, hindi magkakasya sa mundo ang mga isinulat na balumbon.+
O “kinilala.”
O “Ang una niyang ginawa ay hanapin.”
O “direktor.”
Lit., “tandang.”
O “kung hindi sumasakaniya ang Diyos.”
O “ng kaisa-isang Anak na ang Diyos mismo ang gumawa.”
O “sanlibutan.”
O “masaway.”
O “bagay.”
Lit., “gumagamit ng pantakal.”
Lit., “mas maraming nagiging alagad si Jesus.”
Sa Ingles, pool.
Pasilyong may hanay ng mga haligi.
Lit., “tuyot.”
Lit., “alaalang libingan.”
Kasulatan.
O “himala.”
O “sanlibutan.”
O “himala.”
O “himala.”
Lit., “tinapay na buháy.”
O “sanlibutan.”
Lit., “ang Banal ng Diyos.”
O “naglakad.”
O “sa sanlibutan.”
O “mga ikaapat na araw.”
O “ang nagsugo sa akin ay umiiral.”
Lit., “ang mga ilog ng tubig na buháy.”
O “sanlibutan.”
Lit., “ayon sa laman.”
O “sanlibutang.”
O “sanlibutan.”
O “Kung mananatili kayo sa aking salita.”
Lit., “binhi.”
O “Dahil ayaw ninyong pakinggan.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
Lit., “idilat ang mga mata niya.” Ganito rin ang literal na ideya sa tal. 17, 21, 26, 30, at 32.
O “itiniwalag.”
O “itiniwalag.”
O “sanlibutang.”
Lit., “tatakasan.”
O “mabangis na aso.”
Lit., “nakapagdidilat ng mga mata.”
Pasilyong may hanay ng mga haligi.
O “susunggab.”
Tingnan sa Glosari.
O “sanlibutan.”
Lit., “tanda.”
O “sanlibutan.”
O “maliligtas siya.”
O “sanlibutan.”
Lit., “na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.”
O “nakahilig sa mesa na.”
Lit., “na ibinangon niya mula sa mga patay.”
Lit., “at ibangon mula sa mga patay.”
Mga pumunta sa kapistahan.
O “sanlibutan.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “sanlibutang.”
O “sanlibutang.”
O “himala.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “ay buhay.”
O “sanlibutang.”
O posibleng “Inihahanda noon ang hapunan.”
Lit., “ibinigay na ng Ama sa mga kamay niya.”
O “muli siyang humilig sa mesa.”
Lit., “tinanguan.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “sanlibutan.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
O “sanlibutang.”
O “namimighati siya.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “ng mga ibinigay mo sa akin.”
O “pasukan.”
O “sa sanlibutan.”
O “magpatotoo ka tungkol sa kamalian.”
O “Kung hindi kriminal.”
Lit., “tagapaglingkod.”
Lit., “Wala akong makitang mali sa kaniya.”
O “kulay-ubeng.” Tingnan sa Glosari.
Lit., “wala akong makitang mali sa kaniya.”
O “Ibitin.”
Lit., “wala akong makitang mali sa kaniya.”
O “o ibayubay ka sa tulos?”
O “ay kumakalaban.”
Tingnan sa Glosari.
O “Babae, tingnan mo!”
O “madudurog.”
Dahon, langis, o iba pa na ginagamit sa paghahanda ng katawan para sa paglilibing.
O “ipinako sa tulos.”
O “marka.”
Lit., “at tumigil ka na sa hindi pagsampalataya.”
O “ibinigkis.”
Lit., “ibangon mula sa mga patay.”
O “batang tupa.”
O “kapatid.”