LIHAM SA MGA HEBREO
1 Noon, nagsalita ang Diyos sa mga ninuno natin sa pamamagitan ng mga propeta sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan.+ 2 Ngayon, sa katapusan ng mga araw na ito, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng isang Anak,+ na ginawa niyang tagapagmana ng lahat ng bagay;+ at sa pamamagitan ng Anak ay ginawa niya ang mga sistema ng mga bagay.+ 3 Makikita sa kaniya ang kaluwalhatian ng Diyos+ at siya ang Kaniyang eksaktong larawan,+ at pinananatili niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. At pagkatapos niya tayong dalisayin mula sa ating mga kasalanan,+ umupo siya sa kanan ng Dakilang Diyos sa kaitaasan.+ 4 At naging mas dakila siya sa mga anghel+ dahil nagmana siya ng pangalang nakahihigit sa pangalan nila.+
5 Halimbawa, sino sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos: “Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama”?+ At: “Magiging ama niya ako, at magiging anak ko siya”?+ 6 Pero kapag muli niyang isinugo sa lupa ang Panganay niya,+ sasabihin niya: “Yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anghel ng Diyos.”
7 Isa pa, tungkol sa mga anghel ay sinabi niya: “Ginagawa niyang mga makapangyarihang puwersa ang mga anghel niya, at isang liyab ng apoy ang mga lingkod niya.”+ 8 Pero tungkol sa Anak, sinabi niya: “Ang Diyos ang trono mo+ magpakailanman, at ang setro ng iyong Kaharian+ ay setro ng katuwiran. 9 Inibig mo ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan.* Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis+ ng kagalakan nang higit kaysa sa mga kasamahan mo.”+ 10 At: “Nang pasimula, O Panginoon, inilatag mo ang mga pundasyon ng lupa, at ang langit ay gawa ng mga kamay mo. 11 Maglalaho ang mga ito, pero ikaw ay mananatili; at gaya ng isang kasuotan, lahat ng ito ay maluluma, 12 at titiklupin mo ang mga ito gaya ng isang balabal, gaya ng isang damit, at ang mga ito ay mapapalitan. Pero ikaw ay hindi nagbabago, at hindi magwawakas ang mga taon mo.”+
13 Pero sino sa mga anghel ang sinabihan niya: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo”?+ 14 Hindi ba lahat sila ay mga espiritung para sa banal na paglilingkod,+ na isinugo para maglingkod sa mga tatanggap* ng kaligtasan?
2 Iyan ang dahilan kung bakit kailangan nating magbigay ng higit sa karaniwang pansin sa mga narinig natin,+ para hindi tayo maanod palayo kailanman.+ 2 Dahil kung ang salitang sinabi sa pamamagitan ng mga anghel+ ay napatunayang totoo, at ang lahat ng lumabag at sumuway ay naparusahan ayon sa katarungan,+ 3 paano tayo makatatakas kung ipinagwalang-bahala natin ang isang napakadakilang kaligtasan?+ Dahil una itong inihayag ng ating Panginoon,+ at tiniyak ito sa atin ng mga nakarinig sa kaniya, 4 at pinatotohanan pa ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay at iba’t ibang makapangyarihang mga gawa+ at sa pamamagitan ng banal na espiritu na ipinamahagi ayon sa kalooban niya.+
5 Dahil hindi niya sa mga anghel ipinasakop ang darating na lupa,+ na ipinahahayag namin. 6 Pero sinabi minsan ng isang saksi: “Ano ang tao para alalahanin mo, o ang anak ng tao para pangalagaan mo?+ 7 Ginawa mo siyang mas mababa nang kaunti sa mga anghel; kinoronahan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan, at inatasan mo siya sa mga gawa ng iyong kamay. 8 Inilagay mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya.”+ Nang ipasakop sa kaniya ang lahat ng bagay,+ walang anuman na hindi ipinasakop ng Diyos sa kaniya.+ Sa ngayon, hindi pa natin nakikitang sakop niya ang lahat ng bagay.+ 9 Pero si Jesus ay nakikita nating kinoronahan na ngayon ng kaluwalhatian at karangalan dahil sa pagdurusa hanggang kamatayan;+ ginawa siya noong mas mababa nang kaunti sa mga anghel,+ para sa pamamagitan ng walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos ay matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao.+
10 Siya, na para sa kaniya at sa pamamagitan niya ay umiiral ang lahat ng bagay, ay nagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian.+ Kaya ang Punong Kinatawan para sa kaligtasan nila+ ay nararapat gawing ganap ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagdurusa.+ 11 Dahil ang nagpapabanal at ang mga pinababanal+ ay may iisang pinagmulan,+ at dahil dito, hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid,+ 12 gaya ng sinasabi niya: “Ipahahayag ko ang pangalan mo sa mga kapatid ko; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita sa pamamagitan ng awit.”+ 13 At: “Magtitiwala ako sa kaniya.”+ At: “Ako at ang mga anak, na ibinigay sa akin ni Jehova.”+
14 Kaya dahil ang “mga anak” ay mga kabahagi sa dugo at laman, naging kabahagi rin siya sa gayong mga bagay,+ para sa pamamagitan ng kamatayan niya ay mapuksa niya ang nagdudulot ng kamatayan,+ ang Diyablo,+ 15 at para mapalaya niya ang lahat ng tao na sa buong buhay nila ay naging alipin ng takot sa kamatayan.+ 16 Dahil hindi naman ang mga anghel ang tinutulungan niya, kundi ang mga supling ni Abraham.+ 17 Dahil dito, kinailangan niyang maging gaya ng “mga kapatid” niya sa lahat ng bagay,+ para siya ay maging isang maawain at tapat na mataas na saserdote na naglilingkod sa Diyos,+ para makapag-alay siya ng pampalubag-loob na handog*+ para sa mga kasalanan ng mga tao.+ 18 Dahil siya mismo ay nagdusa nang subukin siya,+ matutulungan niya ang mga sinusubok.+
3 Dahil dito, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagtawag,+ isipin ninyo ang apostol+ at mataas na saserdote na kinikilala natin—si Jesus.+ 2 Tapat siya sa Isa na nag-atas sa kaniya,+ kung paanong tapat din si Moises sa buong sambahayan ng Isang iyon.+ 3 Siya ay itinuturing na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian+ kaysa kay Moises, dahil ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa sa mismong bahay.+ 4 Siyempre, ang bawat bahay ay may tagapagtayo, pero ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos. 5 Si Moises ay naging isang tapat na tagapaglingkod sa buong sambahayan ng Isang iyon, at nagsilbi itong patotoo ng mga bagay na ihahayag sa hinaharap, 6 pero si Kristo ay isang tapat na anak+ sa sambahayan ng Diyos. Tayo ang sambahayan Niya+ kung iingatan nating mabuti hanggang sa wakas ang ating kalayaan sa pagsasalita at ang pag-asang ipinagmamalaki natin.
7 Kaya gaya ng sinasabi ng banal na espiritu,+ “Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya, 8 huwag ninyong patigasin ang puso ninyo gaya noong galitin ako nang husto ng mga ninuno ninyo, gaya noong araw ng pagsubok sa ilang,+ 9 kung saan sinubok nila ako, kahit 40 taon nilang nakita ang mga ginawa ko.+ 10 Iyan ang dahilan kung bakit nasuklam ako sa henerasyong ito at sinabi ko: ‘Laging lumilihis ang puso nila, at hindi nila natutuhan ang mga daan ko.’ 11 Kaya sa galit ko ay sumumpa ako: ‘Hindi sila papasok sa kapahingahan ko.’”+
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo dahil baka magkaroon* ang sinuman sa inyo ng masamang puso na walang pananampalataya dahil sa paglayo sa Diyos na buháy;+ 13 sa halip, patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa araw-araw, hangga’t tinatawag itong “Ngayon,”+ para walang sinuman sa inyo ang maging mapagmatigas dahil sa mapandayang kapangyarihan ng kasalanan. 14 Dahil magiging mga kabahagi lang tayo ng Kristo kung hanggang sa wakas ay hahawakan nating mahigpit ang pagtitiwalang taglay natin mula pa sa simula.+ 15 Gaya ng sinasabi, “Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo gaya noong galitin ako nang husto ng mga ninuno ninyo.”+
16 Dahil sino ang nakarinig pero gumalit pa rin sa kaniya nang husto? Hindi ba ang lahat ng lumabas sa Ehipto sa pangunguna ni Moises?+ 17 Bukod diyan, kanino ba nasuklam ang Diyos nang 40 taon?+ Hindi ba sa mga nagkasala, na namatay sa ilang?+ 18 At kanino ba siya sumumpa na hindi sila papasok sa kapahingahan niya?+ Hindi ba sa mga naging masuwayin?+ 19 Kaya nakita natin na hindi sila nakapasok dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.+
4 Kaya dahil mayroon pang pangako na makapasok sa kapahingahan niya, mag-ingat tayo dahil baka may sinuman sa inyo na maging di-karapat-dapat doon.+ 2 Dahil narinig din natin ang mabuting balita gaya nila;+ pero hindi sila nakinabang sa salitang narinig nila, dahil hindi sila nagkaroon ng pananampalatayang gaya ng sa mga nakinig. 3 Dahil tayo na nananampalataya ay pumasok sa kapahingahan, pero tungkol sa iba, sinabi niya: “Kaya sa galit ko ay sumumpa ako, ‘Hindi sila papasok sa kapahingahan ko,’”+ kahit na ang mga gawa niya ay tapos na mula pa nang itatag ang sanlibutan.+ 4 Dahil sa Kasulatan ay sinabi niya tungkol sa ikapitong araw: “At ang Diyos ay nagpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya,”+ 5 at muli niyang sinabi: “Hindi sila papasok sa kapahingahan ko.”+
6 Kaya dahil mayroon pang papasok doon, at ang mga unang nakarinig ng mabuting balita ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,+ 7 muli siyang nagtakda ng isang araw nang sabihin niyang “Ngayon” sa awit ni David pagkatapos ng napakahabang panahon; gaya ng nabanggit sa itaas, “Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”+ 8 Dahil kung naakay na sila ni Josue+ sa isang pahingahan, wala na sanang binanggit pa ang Diyos na ibang araw. 9 Kaya mayroon pang pahinga na gaya ng Sabbath para sa bayan ng Diyos.+ 10 Dahil ang taong nakapasok na sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga na rin sa mga ginagawa niya, gaya ng ginawa ng Diyos.+
11 Kaya gawin natin ang ating buong makakaya para makapasok sa kapahingahang iyon, para walang sinuman ang maligaw sa gayon ding landasin ng pagsuway.+ 12 Dahil ang salita ng Diyos ay buháy at malakas+ at mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim,+ at sa talas nito ay kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao, at ang mga kasukasuan at mga utak sa buto, at kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso. 13 At walang nilalang na nakatago sa paningin niya,+ kundi ang lahat ng bagay ay nakalantad at kitang-kita ng isa na hahatol sa atin sa mga ginagawa natin.+
14 Kaya dahil tayo ay may dakilang mataas na saserdote na pumasok sa langit, si Jesus na Anak ng Diyos,+ patuloy nating ihayag ang tungkol sa kaniya.+ 15 Dahil nauunawaan ng ating mataas na saserdote ang* mga kahinaan natin,+ at sinubok siya sa lahat ng bagay gaya natin,+ pero walang kasalanan.+ 16 Kaya lumapit tayo sa trono ng walang-kapantay* na kabaitan at malayang magsalita,+ para tumanggap tayo ng awa at walang-kapantay na kabaitan na tutulong sa atin sa tamang panahon.
5 Dahil ang bawat taong pinili para maging mataas na saserdote ay inatasang maglingkod sa Diyos para sa mga tao,+ nang sa gayon ay makapaghandog siya ng mga kaloob at hain para sa mga kasalanan.+ 2 Kaya niyang makitungo nang may malasakit sa mga kulang sa unawa at nagkakasala, dahil hindi niya nakakalimutang mahina rin siya, 3 kaya kailangan niyang maghandog para sa mga kasalanan niya gaya ng ginagawa niya para sa kasalanan ng mga tao.+
4 Hindi makukuha ng isang tao ang karangalang ito sa sarili niyang kagustuhan; matatanggap lang niya ito kapag tinawag siya ng Diyos, gaya ni Aaron.+ 5 Gayundin, hindi niluwalhati ng Kristo ang sarili niya+ sa pag-aatas sa kaniyang sarili bilang mataas na saserdote, kundi niluwalhati siya ng nagsabi sa kaniya: “Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama.”+ 6 Gaya rin ng sinasabi niya sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Ikaw ay isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.”+
7 Noong nabubuhay siya sa lupa,* nagsusumamo at nakikiusap si Kristo nang may paghiyaw at mga luha+ sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan, at pinakinggan siya dahil sa kaniyang makadiyos na takot. 8 Kahit na anak siya ng Diyos, natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya.+ 9 At pagkatapos niyang maging perpekto,+ siya ang naging daan para sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya,+ 10 dahil inatasan siya ng Diyos bilang mataas na saserdote gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.+
11 Marami kaming masasabi tungkol sa kaniya, pero mahirap itong ipaliwanag, dahil naging mabagal kayo sa pag-unawa. 12 Dahil dapat sana ay mga guro na kayo ngayon, pero kailangan na namang ituro sa inyo ang panimulang mga bagay+ ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos, at gatas ulit ang kailangan ninyo sa halip na matigas na pagkain.+ 13 Dahil ang bawat isa na umiinom pa rin ng gatas ay hindi nakaaalam ng salita ng katuwiran, dahil siya ay isang sanggol.+ 14 Pero ang matigas na pagkain ay para sa mga maygulang; sa paggamit sa kanilang kakayahang umunawa, sinanay nila itong makilala ang tama at mali.
6 Kaya ngayong nalampasan na natin ang unang mga doktrina+ tungkol sa Kristo, sumulong tayo sa pagiging maygulang+ at huwag na tayong magpabalik-balik sa panimulang mga bagay—ang pagsisisi sa walang-saysay na mga gawa at pananampalataya sa Diyos, 2 ang turo tungkol sa mga bautismo at ang pagpapatong ng mga kamay,+ ang pagkabuhay-muli ng mga patay+ at ang walang-hanggang hatol. 3 At gagawin natin ito, kung ipapahintulot ng Diyos.
4 Dahil tungkol sa mga naliwanagan noon+ at nakatikim ng walang-bayad na kaloob mula sa langit at naging kabahagi sa banal na espiritu 5 at nakatikim ng mabuting salita ng Diyos at mga pagpapala ng darating na sistema, 6 pero tumalikod sa pananampalataya,+ imposibleng mapanumbalik sila para magsisi,+ dahil muli nilang ipinapako sa tulos ang Anak ng Diyos at inilalagay siya sa kahihiyan sa harap ng mga tao.+ 7 Dahil ang lupa ay tumatanggap ng pagpapala mula sa Diyos kapag iniinom nito ang ulan na madalas na bumubuhos dito at pagkatapos ay nagsisibol ng pananim na mapapakinabangan ng mga nagsasaka nito. 8 Pero kung magsibol ito ng matitinik na halaman, pababayaan ito at di-magtatagal ay susumpain, at sa bandang huli, ito ay susunugin.
9 Pero kayo, mga minamahal, kumbinsido kami na nasa mas mabuting kalagayan kayo, kalagayang aakay sa kaligtasan, kahit na nagsasalita kami nang ganito. 10 Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya+ sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal. 11 Pero gusto namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayon ding kasipagan para maging tiyak ang pag-asa+ ninyo hanggang sa wakas,+ 12 para hindi kayo maging tamad,+ kundi maging mga tagatulad kayo ng mga nagmamana ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.
13 Dahil nang mangako ang Diyos kay Abraham, wala siyang maipanumpang mas dakila, kaya ipinanumpa niya ang sarili niya+ 14 at sinabi: “Tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang supling mo.”+ 15 Kaya pagkatapos magpakita ni Abraham ng pagtitiis, ipinangako ito sa kaniya. 16 Dahil ipinanunumpa ng mga tao ang mas dakila sa kanila, at ang panunumpa nila ang tumatapos sa bawat pagtatalo, dahil iyon ay isang legal na garantiya sa kanila.+ 17 Sa katulad na paraan, nang ipasiya ng Diyos na ipakita nang mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako+ na hindi mababago ang layunin niya, ginarantiyahan niya iyon sa pamamagitan ng pagsumpa, 18 para sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi mababago, na sa mga ito ay imposibleng magsinungaling ang Diyos,+ tayo na tumakas papunta sa kanlungan ay magkaroon ng malakas na pampatibay na manghawakan sa pag-asang inilagay sa harap natin. 19 Ang pag-asa nating ito+ ay nagsisilbing angkla ng buhay natin; ito ay tiyak at matatag, at pumapasok ito sa loob ng kurtina,+ 20 kung saan pumasok alang-alang sa atin ang nauna, si Jesus,+ na naging isang mataas na saserdote na gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec magpakailanman.+
7 Dahil si Melquisedec, na hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos, ay sumalubong kay Abraham nang bumalik ito mula sa pagpatay sa mga hari, at pinagpala niya ito,+ 2 at binigyan* siya ni Abraham ng ikasampu ng lahat ng bagay. Una, ang pangalan niya ay isinasaling “Hari ng Katuwiran,” at siya rin ay hari ng Salem, ibig sabihin, “Hari ng Kapayapaan.” 3 Dahil siya ay walang ama, walang ina, walang talaangkanan, walang pasimula ng mga araw at walang wakas ng buhay, kundi ginawang tulad ng Anak ng Diyos, nananatili siyang saserdote sa lahat ng panahon.+
4 Kaya isipin ninyo kung gaano kadakila ang taong ito na binigyan ni Abraham, ang ulo ng angkan, ng ikasampu ng pinakamabubuting samsam.+ 5 Totoo, ayon sa Kautusan, ang mga anak na lalaki ni Levi+ na inatasang maging mga saserdote ay dapat mangolekta ng ikapu mula sa bayan,+ mula sa mga kapatid nila, kahit na ang mga ito ay mga inapo ni Abraham. 6 Pero ang taong ito, na hindi mula sa sambahayan ni Levi, ay tumanggap ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala niya ang pinangakuan.+ 7 Hindi nga matututulan na ang nagbibigay ng pagpapala ay mas dakila sa tumatanggap nito. 8 Sa kaso ng isa, ang tumatanggap ng ikapu ay mga taong namamatay, pero sa isa pang kaso, ang tumatanggap ng ikapu ay pinapatotohanan na nabubuhay.+ 9 At masasabing kahit si Levi, na tumatanggap ng ikapu, ay nagbayad ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham, 10 dahil siya ay magiging inapo pa lang ng ninuno niya nang salubungin ito ni Melquisedec.+
11 Kaya kung posibleng maging perpekto ang tao sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita+ (dahil bahagi iyon ng Kautusan na ibinigay sa bayan), bakit pa kailangan ng ibang saserdote na ang pagkasaserdote ay gaya ng kay Melquisedec+ at hindi gaya ng kay Aaron? 12 Kung may pagbabago sa pagkasaserdote, kailangan ding baguhin ang Kautusan.+ 13 Dahil ang taong tinutukoy ng mga bagay na ito ay nagmula sa ibang tribo,+ na hindi pinagmulan ng sinumang naglingkod sa altar.+ 14 Dahil malinaw na ang Panginoon natin ay nagmula sa Juda,+ pero walang sinabi si Moises na may mga saserdote mula sa tribong iyon.
15 At lalo pa nga itong naging malinaw nang magkaroon ng ibang saserdote+ na gaya ni Melquisedec,+ 16 na naging gayon, hindi dahil sa pinagmulang sambahayan, gaya ng nakasaad sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihang nagbigay sa kaniya ng buhay na di-magwawakas.+ 17 Dahil sinabi bilang patotoo sa kaniya: “Ikaw ay isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.”+
18 Kaya ang naunang kautusan ay inalis dahil ito ay mahina at hindi mabisa.+ 19 Dahil walang anuman na naging perpekto dahil sa Kautusan,+ pero nagawa iyon ng mas magandang pag-asa na ibinigay ng Diyos,+ at sa pamamagitan nito ay nakalalapit tayo sa Diyos.+ 20 Gayundin, hindi ito ginawa nang walang panunumpa 21 (dahil may mga tao na naging saserdote nang walang panunumpa, pero ang isang ito ay naging saserdote sa pamamagitan ng panunumpa ng Isa tungkol sa kaniya: “Si Jehova ay sumumpa, at hindi magbabago ang isip niya, ‘Ikaw ay isang saserdote magpakailanman’”),+ 22 at dahil diyan, si Jesus ay naging garantiya ng isang mas mabuting tipan.+ 23 Bukod diyan, dahil namamatay ang mga saserdote, hindi sila nakapagpapatuloy sa paglilingkod, kaya kailangang may pumalit sa kanila,+ 24 pero dahil siya ay mananatiling buháy magpakailanman,+ hindi kailangan ng mga kahalili sa pagkasaserdote niya. 25 Kaya maililigtas din niya nang lubusan ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil lagi siyang buháy para makiusap para sa kanila.+
26 Dahil kailangan natin ng gayong mataas na saserdote na tapat, walang kasamaan, walang dungis,+ hindi gaya ng mga makasalanan, at itinaas nang higit pa sa langit.+ 27 Di-gaya ng matataas na saserdoteng iyon, hindi niya kailangang mag-alay ng mga handog araw-araw,+ una ay para sa sarili niyang mga kasalanan at pagkatapos ay para sa bayan,+ dahil inihandog niya ang sarili niya nang minsanan at walang hanggan ang bisa nito.+ 28 Dahil ang Kautusan ay nag-aatas sa mga taong may mga kahinaan para maging mataas na saserdote,+ pero ang salitang sinumpaan+ pagkatapos ng Kautusan ay nag-aatas sa isang Anak, na ginawang perpekto+ magpakailanman.
8 Ito ngayon ang pangunahing punto ng pinag-uusapan natin: Tayo ay may gayong mataas na saserdote,+ at umupo siya sa kanan ng trono ng Dakilang Diyos sa langit,+ 2 isang lingkod* sa banal na lugar+ at sa tunay na tolda, na itinayo ni Jehova,* at hindi ng tao. 3 Dahil ang bawat mataas na saserdote ay inatasang maghandog ng mga kaloob at mga hain; kaya kailangang may maihandog din ang isang ito.+ 4 Kung siya ay nasa lupa, hindi siya magiging saserdote,+ dahil may mga tao nang naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. 5 Ang sagradong paglilingkod ng mga taong ito ay isang paglalarawan at anino+ ng makalangit na mga bagay;+ kung paanong si Moises, nang itatayo na niya ang tolda, ay inutusan ng Diyos: Sinabi Niya: “Tiyakin mong gagawin mo ang lahat ng bagay ayon sa parisan na ipinakita sa iyo sa bundok.”+ 6 Pero ngayon, si Jesus ay inatasan sa isang mas dakilang paglilingkod,* dahil siya rin ang tagapamagitan+ ng isang mas mabuting tipan,+ na legal na pinagtibay ng mas magagandang pangako.+
7 Kung walang kapintasan ang unang tipan, hindi na kailangan pa ng ikalawa.+ 8 Pero nakita ng Diyos ang pagkukulang ng mga tao dahil sinabi niya: “‘Darating ang panahon,’ ang sabi ni Jehova,* ‘na makikipagtipan ako ng isang bagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 9 Hindi ito gaya ng tipan ko sa kanilang mga ninuno noong hawakan ko ang kamay nila at akayin sila palabas ng lupain ng Ehipto.+ Dahil hindi sila nanatiling tapat sa aking tipan, huminto ako sa pagkalinga sa kanila,’ ang sabi ni Jehova.*
10 “‘Dahil ito ang ipakikipagtipan ko sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng panahong iyon,’ ang sabi ni Jehova.* ‘Ilalagay ko sa isip nila ang mga utos ko, at isusulat ko ang mga iyon sa puso nila.+ At ako ang magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan ko.+
11 “‘At ang bawat isa sa kanila ay hindi na magtuturo sa kababayan niya at sa kapatid niya at magsasabi: “Kilalanin ninyo si Jehova!”* Dahil ako ay makikilala nilang lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. 12 Dahil patatawarin ko sila* sa mga ginagawa nilang di-matuwid, at hindi ko na aalalahanin ang mga kasalanan nila.’”+
13 Nang sabihin niya ang tungkol sa “isang bagong tipan,” nawalan na ng bisa ang nauna.+ Ngayon, ang nawalan na ng bisa at naluluma ay malapit nang maglaho.+
9 Noon, ang naunang tipan ay may mga batas para sa sagradong paglilingkod at may banal na lugar+ sa lupa. 2 Ang toldang ito ay itinayo na may dalawang silid. Nasa unang silid ang kandelero+ at ang mesa at ang tinapay na panghandog;*+ at tinatawag itong Banal na Lugar.+ 3 Nasa likod naman ng ikalawang kurtina+ ang silid na tinatawag na Kabanal-banalan.+ 4 Naroon ang isang gintong insensaryo+ at ang kaban ng tipan+ na nababalutan ng ginto,+ kung saan nakalagay ang gintong lalagyan na may manna+ at ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng mga usbong+ at ang mga tapyas+ ng tipan; 5 at sa ibabaw nito ay may maluwalhating mga kerubin na nakalukob sa panakip na pampalubag-loob.*+ Pero hindi ngayon ang panahon para pag-usapan nang detalyado ang mga bagay na ito.
6 Pagkatapos itayo ang mga ito sa ganitong paraan, ang mga saserdote ay regular na pumapasok sa unang silid ng tolda para gampanan ang mga tungkulin sa sagradong paglilingkod;+ 7 pero ang mataas na saserdote lang ang pumapasok sa ikalawang silid minsan sa isang taon,+ na laging may dalang dugo,+ na inihahandog niya para sa sarili niya+ at para sa mga kasalanang nagawa ng bayan+ nang di-sinasadya. 8 Sa gayon ay nililinaw ng banal na espiritu na ang daan papunta sa banal na lugar ay hindi pa naihahayag habang nakatayo pa ang unang tolda.+ 9 Ang toldang ito ay isang ilustrasyon para sa kasalukuyan,+ at kaayon ng kaayusang ito, parehong inihahandog ang mga kaloob at mga hain.+ Pero hindi kaya ng mga ito na gawing lubos na malinis ang konsensiya* ng taong gumagawa ng sagradong paglilingkod.+ 10 Ang mga ito ay may kaugnayan lang sa mga pagkain at mga inumin at sa iba’t ibang seremonyal na paghuhugas.*+ Ang mga ito ay mga kahilingan ng batas may kinalaman sa katawan+ at ipinatupad hanggang sa dumating ang takdang panahon para ituwid ang mga bagay-bagay.
11 Pero nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na naganap na, pumasok siya sa mas dakila at mas perpektong tolda na hindi gawa ng mga kamay, hindi makikita sa lupa. 12 Pumasok siya sa banal na lugar para iharap, hindi ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro,* kundi ang sarili niyang dugo,+ at ginawa niya ito nang minsanan; at dahil sa kaniya, nagkaroon tayo ng walang-hanggang kaligtasan.*+ 13 Dahil kung ang dugo ng mga kambing at mga toro+ at ang abo ng dumalagang baka* na iwinisik sa mga nadungisan ay nakapagpapabanal para sa ikalilinis ng laman,+ 14 gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo,+ na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng sarili niya nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga konsensiya mula sa walang-saysay* na mga gawa+ para makapaghandog tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?+
15 Iyan ang dahilan kung bakit siya ay tagapamagitan ng isang bagong tipan,+ nang sa gayon, dahil namatay siya para palayain sila sa pamamagitan ng pantubos+ mula sa mga pagkakasala sa ilalim ng naunang tipan, matanggap ng mga tinawag ang pangako ng walang-hanggang mana.+ 16 Dahil kapag nakikipagtipan ang tao sa Diyos, kailangang mamatay ang taong nakikipagtipan, 17 dahil magkakabisa lang ang tipan kapag namatay ang isa; wala itong bisa kung buháy pa ang taong nakikipagtipan. 18 Dahil dito, ang naunang tipan ay hindi rin naman nagkabisa* nang walang dugo. 19 Nang masabi na ni Moises sa buong bayan ang bawat utos sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga batang toro at mga kambing at ng tubig, at iwinisik ang mga ito sa aklat* at sa buong bayan gamit ang pulang lana at isopo, 20 at sinabi niya: “Ito ang dugo para sa tipan na iniutos ng Diyos na tuparin ninyo.”+ 21 Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang lahat ng sisidlan para sa banal na paglilingkod.*+ 22 Oo, ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo,+ at malibang magbuhos ng dugo ay hindi mapatatawad ang mga kasalanan.+
23 Kaya ang mga lumalarawan+ sa mga bagay na nasa langit ay kinailangang linisin sa ganitong paraan,+ pero ang makalangit na mga bagay ay nangangailangan ng nakahihigit na mga handog. 24 Dahil si Kristo ay pumasok, hindi sa isang banal na lugar na gawa ng mga kamay,+ na isang kopya ng tunay na banal na lugar,+ kundi sa langit mismo,+ kaya nasa harap siya ngayon ng Diyos para sa atin.+ 25 Hindi ito para ihandog ang sarili niya nang madalas, gaya ng pagpasok ng mataas na saserdote sa banal na lugar taon-taon+ na may dugong hindi sa kaniya. 26 Kung hindi gayon, kailangan niyang magdusa nang madalas mula nang itatag ang sanlibutan. Pero ngayon ay naihayag na niya ang sarili niya nang minsanan sa katapusan ng mga sistemang ito* para alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili niya.+ 27 At kung paanong ang tao ay namamatay nang minsanan, pero pagkatapos ay tumatanggap ng hatol, 28 ang Kristo ay inihandog din nang minsanan para dalhin ang kasalanan ng marami;+ at sa ikalawang pagkakataon na magpapakita siya, iyon ay hindi dahil sa kasalanan, at makikita siya ng mga taimtim na naghahanap sa kaniya para sa kaligtasan nila.+
10 Ang Kautusan ay may anino+ ng mabubuting bagay na darating,+ pero hindi ang mismong mga bagay na iyon, kaya hindi nito kailanman kayang* gawing perpekto ang mga lumalapit sa pamamagitan ng paulit-ulit na mga handog na patuloy na iniaalay taon-taon.+ 2 Kung kaya nito, hindi ba itinigil na sana ang paghahandog? Dahil kapag nalinis na ang mga gumagawa ng sagradong paglilingkod, hindi na sila uusigin ng konsensiya nila dahil sa kasalanan. 3 Sa kabaligtaran, ipinapaalaala ng mga handog na ito taon-taon ang mga kasalanan,+ 4 dahil hindi maaalis ng dugo ng mga toro* at mga kambing ang mga kasalanan.
5 Kaya nang dumating siya sa sanlibutan, sinabi niya: “‘Ang hain at handog ay hindi mo ginusto, pero naghanda ka ng katawan para sa akin. 6 Hindi mo kinalugdan ang mga buong handog na sinusunog at mga handog para sa kasalanan.’+ 7 Pagkatapos ay sinabi ko: ‘Narito* ako (iyon ang nakasulat sa balumbon* tungkol sa akin) para gawin ang kalooban mo, O Diyos.’”+ 8 Pagkatapos munang sabihin: “Hindi mo ginusto o kinalugdan ang mga hain at mga handog at mga buong handog na sinusunog at mga handog para sa kasalanan”—mga haing inihahandog kaayon ng Kautusan— 9 saka niya sinabi: “Narito* ako para gawin ang kalooban mo.”+ Inalis niya ang una para itatag ang ikalawa. 10 Dahil sa “kalooban” na ito,+ napabanal tayo sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.+
11 Gayundin, ang bawat saserdote ay pumupunta sa puwesto niya araw-araw para gumawa ng banal na paglilingkod*+ at mag-alay ng paulit-ulit na mga handog nang madalas,+ na hindi kailanman lubusang makapag-aalis ng mga kasalanan.+ 12 Pero ang taong ito ay nag-alay ng isang handog para sa mga kasalanan at ang bisa nito ay walang hanggan, at umupo siya sa kanan ng Diyos,+ 13 at mula noon ay naghihintay siya hanggang sa ang mga kaaway niya ay gawing tuntungan ng mga paa niya.+ 14 Dahil sa pamamagitan ng isang handog na inialay, ang mga pinababanal ay ginawa niyang perpekto+ nang walang hanggan. 15 Bukod diyan, nagpapatotoo rin sa atin ang banal na espiritu, dahil pagkatapos nitong sabihin: 16 “‘Ito ang ipakikipagtipan ko sa kanila pagkatapos ng panahong iyon,’ ang sabi ni Jehova.* ‘Ilalagay ko sa puso nila ang mga utos ko, at isusulat ko ang mga iyon sa isip nila,’”+ 17 sinabi nito: “At hindi ko na aalalahanin ang mga kasalanan nila at ang masasama nilang gawa.”+ 18 At kung pinatawad na ang mga ito, hindi na kailangan ng handog para sa kasalanan.
19 Kaya naman, mga kapatid, dahil nakakapasok tayo sa banal na lugar+ nang walang takot* sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, 20 at ang daan patungo rito ay binuksan* niya para sa atin bilang isang bagong daan na umaakay sa buhay, sa pamamagitan ng pagpasok sa kurtina,+ ang kaniyang laman, 21 at dahil mayroon tayong isang dakilang saserdote sa bahay ng Diyos,+ 22 lumapit tayo nang may tapat na puso at buong pananampalataya, dahil nalinis* na ang puso natin mula sa isang masamang konsensiya+ at napaliguan na ng malinis na tubig ang katawan natin.+ 23 Patuloy nating sikaping ipahayag ang ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan,+ dahil ang nangako ay tapat. 24 At isipin* natin ang isa’t isa para mapasigla* natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti,+ 25 at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin,+ gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa,+ at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.+
26 Dahil kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan,+ wala nang natitira pang handog para sa kasalanan,+ 27 kundi maghihintay na lang tayo nang may takot sa paghuhukom at sa lumalagablab na galit na tutupok sa mga lumalaban sa Diyos.+ 28 Ang sinumang bumale-wala sa Kautusan ni Moises ay mamamatay nang hindi kinahahabagan, sa testimonya ng dalawa o tatlo.+ 29 Gaano pa kaya kalaking parusa, sa tingin ninyo, ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos at hindi nagpahalaga sa dugo para sa tipan+ na nagpabanal sa kaniya at humamak sa espiritu ng walang-kapantay* na kabaitan?+ 30 Dahil kilala natin ang nagsabi: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.” At: “Hahatulan ni Jehova* ang bayan niya.”+ 31 Nakakatakot isipin ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.
32 Pero patuloy ninyong alalahanin na pagkatapos ninyong maliwanagan noon,+ nagtiis kayo ng mga pagdurusa at nakipagpunyagi nang husto. 33 Kung minsan ay inaalipusta at pinahihirapan kayo nang hayagan,* at kung minsan ay dinadamayan ninyo ang mga nakararanas ng ganoon. 34 Nagpakita kayo ng simpatiya sa mga nakabilanggo at masaya ninyong tinanggap ang pang-aagaw sa mga pag-aari ninyo,+ dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuti at permanenteng pag-aari.+
35 Kaya huwag ninyong iwala ang inyong lakas ng loob,* na may malaking gantimpala.+ 36 Dahil kailangan ninyo ng pagtitiis,*+ para kapag nagawa na ninyo ang kalooban ng Diyos, matanggap ninyo ang katuparan ng pangako. 37 Dahil “sandaling-sandali” na lang,+ at “ang paparating ay darating at hindi siya maaantala.”+ 38 “Pero ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya,”+ at “kung uurong siya, hindi ako* malulugod sa kaniya.”+ 39 Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa,+ kundi ang uri na may pananampalataya na makapagliligtas ng ating buhay.*
11 Ang pananampalataya ay ang paghihintay sa mga bagay na may garantiya,+ ang malinaw na katibayan* na ang hindi nakikita ay totoo. 2 Dahil may pananampalataya ang mga tao noon,* tumanggap sila ng patotoo na nalugod sa kanila ang Diyos.
3 Dahil sa pananampalataya, naiintindihan natin na ang mga sistema ng mga bagay* ay inayos sa pamamagitan ng salita ng Diyos, kaya ang mga bagay na nakikita ay umiral mula sa mga bagay na hindi nakikita.
4 Dahil sa pananampalataya, nagbigay si Abel sa Diyos ng isang handog na nakahihigit sa handog ni Cain,+ at dahil sa pananampalatayang iyan, ipinakita ng Diyos na itinuturing Niya siyang matuwid, dahil kinalugdan ng Diyos ang mga regalo niya,+ at kahit namatay na siya, nagsasalita pa rin siya+ sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
5 Dahil sa pananampalataya, si Enoc+ ay inilipat para hindi makatikim ng kamatayan, at hindi siya makita saanman dahil inilipat siya ng Diyos;+ dahil bago siya inilipat, tumanggap siya ng patotoo na lubusan niyang napalugdan ang Diyos. 6 Bukod diyan, kung walang pananampalataya, imposibleng mapalugdan nang lubos ang Diyos, dahil ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral at nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.+
7 Dahil sa pananampalataya, si Noe,+ pagkatapos tumanggap ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita,+ ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka+ para maligtas ang sambahayan niya; at dahil sa pananampalatayang ito, hinatulan niya ang sanlibutan,+ at siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na bunga ng pananampalataya.
8 Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham+ nang utusan siyang pumunta sa lugar na tatanggapin niya bilang mana; umalis siya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.+ 9 Dahil sa pananampalataya, tumira siya bilang dayuhan sa lupaing ipinangako,+ at tumira siya sa mga tolda+ kasama sina Isaac at Jacob, ang mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon.+ 10 Dahil hinihintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang nagdisenyo* at gumawa ay ang Diyos.+
11 Dahil din sa pananampalataya, nagdalang-tao* si Sara kahit lampas na siya sa edad,+ dahil naniniwala siyang tapat* ang nangako nito. 12 Dahil dito, nagmula sa isang lalaki, na para na ring patay,+ ang mga anak+ na kasindami ng mga bituin sa langit at hindi mabilang na gaya ng buhangin sa tabing-dagat.+
13 Lahat sila ay namatay nang may pananampalataya, kahit hindi nila naranasan ang katuparan ng mga pangako;+ pero nakita nila ang mga iyon mula sa malayo+ at nagsaya sila dahil sa mga iyon at hayagang sinabi na sila ay mga tagaibang bayan at pansamantalang naninirahan sa lupain. 14 Dahil ipinapakita ng mga nagsasalita nang ganito na marubdob silang naghahanap ng sarili nilang lugar. 15 Pero kung patuloy nilang inisip ang lugar na pinanggalingan nila,+ may pagkakataon sana silang bumalik. 16 Pero ngayon ay inaabot nila ang isang mas mabuting lugar, isang lugar na may kaugnayan sa langit. Kaya hindi ikinahihiya ng Diyos na tinatawag nila siyang Diyos nila,+ dahil naghanda siya ng isang lunsod para sa kanila.+
17 Dahil sa pananampalataya, nang subukin si Abraham,+ para na rin niyang inihandog si Isaac—ang tao na masayang tumanggap ng mga pangako ay nagtangkang ihandog ang kaisa-isa niyang anak+— 18 kahit na sinabi sa kaniya: “Kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.”*+ 19 Pero inisip niya na kaya ng Diyos na buhayin itong muli, at ibinalik nga sa kaniya ang anak niya mula sa kamatayan sa makasagisag na paraan.+
20 Dahil din sa pananampalataya, pinagpala ni Isaac sina Jacob+ at Esau+ may kinalaman sa mga bagay na darating.
21 Dahil sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jacob,+ pinagpala niya ang mga anak na lalaki ni Jose+ at sumamba siya habang nakahawak sa tungkod niya.+
22 Dahil sa pananampalataya, si Jose, nang malapit na siyang mamatay, ay nagsalita tungkol sa pag-alis ng mga anak ni Israel, at nagbigay siya ng tagubilin* may kinalaman sa mga buto* niya.+
23 Dahil sa pananampalataya, itinago si Moises ng mga magulang niya sa loob ng tatlong buwan pagkapanganak sa kaniya,+ dahil nakita nilang maganda ang sanggol+ at hindi sila natakot sa utos ng hari.+ 24 Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises na tawaging anak ng prinsesa ng Ehipto* nang malaki na siya;+ 25 mas pinili niyang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa pansamantalang magpakasaya sa kasalanan, 26 dahil para sa kaniya, ang hamakin bilang Isa na Pinili* ay kayamanang nakahihigit sa mga kayamanan ng Ehipto, dahil nakapokus siya sa panahong tatanggapin niya ang gantimpala. 27 Dahil sa pananampalataya, iniwan niya ang Ehipto,+ pero hindi siya natakot sa galit ng hari,+ dahil nanatili siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.+ 28 Dahil sa pananampalataya, ipinagdiwang niya ang Paskuwa at naglagay siya ng dugo sa mga poste ng pinto, para hindi patayin* ng tagapuksa ang mga panganay nila.+
29 Dahil sa pananampalataya, tumawid sila sa Dagat na Pula na gaya ng sa tuyong lupa,+ pero nang subukang tumawid ng mga Ehipsiyo, nilamon sila ng tubig.+
30 Dahil sa pananampalataya, ang mga pader ng Jerico ay bumagsak pagkatapos magmartsa ng bayan sa palibot nito sa loob ng pitong araw.+ 31 Dahil sa pananampalataya, ang babaeng bayaran na si Rahab ay hindi namatay kasama ng mga masuwayin, dahil tinanggap niya nang mapayapa ang mga espiya.+
32 Magpapatuloy pa ba ako? Kukulangin ako ng oras kung ilalahad ko pa ang tungkol kina Gideon,+ Barak,+ Samson,+ Jepte,+ David,+ pati ang kay Samuel+ at sa iba pang propeta. 33 Sa pamamagitan ng pananampalataya, tinalo nila ang mga kaharian,+ nagtaguyod sila ng katuwiran, tumanggap ng mga pangako,+ nagtikom ng bibig ng mga leon,+ 34 dumaig sa naglalagablab na apoy,+ tumakas sa talim ng espada,+ mula sa mahinang kalagayan ay napalakas,+ naging magiting sa digmaan,+ nagpaurong sa sumasalakay na mga hukbo.+ 35 Binuhay-muli ang namatay na mga mahal sa buhay ng mga babae,+ pero ang ibang tao ay pinahirapan dahil tumanggi silang mapalaya sa pamamagitan ng anumang pantubos, para magkaroon sila ng mas mabuting pagkabuhay-muli. 36 Oo, nasubok ang iba sa pamamagitan ng mga panghahamak at mga hagupit, at higit pa riyan, sa pamamagitan ng mga gapos+ at mga bilangguan.+ 37 Sila ay binato,+ sila ay sinubok, sila ay hinati ng lagari, sila ay pinatay sa pamamagitan ng espada,+ sila ay nagpagala-gala na nakasuot ng balat ng tupa,+ ng balat ng kambing, samantalang sila ay kapos, nahihirapan,+ pinagmamalupitan;+ 38 at ang sanlibutan ay hindi naging karapat-dapat sa kanila. Sila ay nagpagala-gala sa mga disyerto at mga bundok at tumira sa mga kuweba+ at mga lungga sa lupa.
39 Pero lahat sila, kahit na ipinakita sa kanila ng Diyos na kinalulugdan niya sila dahil sa pananampalataya nila, ay hindi nagkamit ng katuparan ng pangako, 40 dahil patiunang nakita ng Diyos ang isang bagay na mas mabuti para sa atin,+ para hindi sila maging perpekto nang una* sa atin.
12 Kung gayon, dahil napapalibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin,+ at takbuhin natin nang may pagtitiis ang takbuhan na nasa harap natin,+ 2 habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Kinatawan at Tagapagpasakdal ng pananampalataya natin, si Jesus.+ Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay tiniis* niya ang pahirapang tulos* at binale-wala ang kahihiyan, at umupo siya sa kanan ng trono ng Diyos.+ 3 Isipin ninyong mabuti ang isa na nagtiis* ng gayong malupit na pananalita mula sa mga makasalanan+ laban sa sarili nilang kapakanan, para hindi kayo mapagod at sumuko.+
4 Sa pakikipaglaban ninyo sa kasalanang iyon, hindi pa kayo kailanman nakipaglaban hanggang sa punto na mamamatay na kayo. 5 At lubusan ninyong nakalimutan ang payo sa inyo bilang mga anak: “Anak ko, huwag mong maliitin ang disiplina mula kay Jehova,* at huwag kang masiraan ng loob kapag itinutuwid ka niya; 6 dahil dinidisiplina ni Jehova* ang mga mahal niya, sa katunayan, hinahagupit* niya ang bawat isa na tinatanggap niya bilang anak.”+
7 Kailangan ninyong magtiis bilang bahagi ng disiplina* sa inyo. Itinuturing kayo ng Diyos na mga anak niya.+ May anak ba na hindi dinidisiplina ng kaniyang ama?+ 8 Pero kung lahat kayo ay hindi pa tumatanggap ng disiplinang ito, mga anak kayo sa labas, at hindi tunay na mga anak. 9 Isa pa, dinisiplina tayo ng mga ama natin,* at iginalang natin sila. Hindi ba dapat na lalo tayong magpasakop sa Ama ng ating espirituwal na buhay para mabuhay tayo?+ 10 Dahil dinisiplina nila tayo sa maikling panahon ayon sa kung ano ang iniisip nilang mabuti, pero siya, ginagawa niya iyon para sa kabutihan natin para maging banal din tayo na gaya niya.+ 11 Totoo, hindi tayo masaya kapag dinidisiplina tayo, kundi nasasaktan* tayo; pero pagkatapos nito, nagbubunga ito ng kapayapaan at katuwiran sa mga sinanay rito.
12 Kaya palakasin ninyo ang mga kamay na nakalaylay at ang mga tuhod na nanghihina,+ 13 at patuloy ninyong gawing tuwid ang landas ng mga paa ninyo,+ para ang pílay ay hindi lumala, kundi gumaling. 14 Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao+ at magpakabanal,+ dahil kung hindi banal ang isang tao, hindi niya makikita ang Panginoon. 15 Mag-ingat kayo para walang sinuman sa inyo ang hindi makatanggap ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nang sa gayon ay walang nakalalasong ugat ang sumibol at magsimula ng gulo at makaapekto sa marami;+ 16 at mag-ingat kayo para matiyak na walang sinuman sa inyo ang nagkakasala ng seksuwal na imoralidad* o hindi nagpapahalaga sa sagradong mga bagay, gaya ni Esau, na ipinagpalit sa pagkain ang karapatan niya bilang panganay.+ 17 Dahil alam ninyo na pagkatapos nito, nang gusto na niyang makuha ang pagpapala, hindi iyon ibinigay sa kaniya; dahil kahit na sinikap niyang baguhin ang isip ng kaniyang ama nang may pagluha,+ hindi pa rin niya nakuha iyon.*
18 Dahil kayo ay hindi lumapit sa isang bagay na maaaring mahawakan+ at pinagliyab sa apoy,+ at sa isang maitim na ulap at matinding kadiliman at isang bagyo,+ 19 at sa malakas na tunog ng trumpeta+ at sa tinig na nagsasalita,+ na nang marinig ng bayan ay nakiusap silang huwag na silang kausapin pa nito.+ 20 Dahil hindi nila makayanan ang utos: “Kahit hayop pa ang tumuntong sa bundok, dapat itong batuhin.”+ 21 Gayundin, ang tanawin ay talagang nakakatakot, kaya nasabi ni Moises: “Natatakot ako at nangangatog.”+ 22 Pero kayo ay lumapit sa isang Bundok Sion+ at isang lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem,+ at sa napakaraming* anghel 23 na nagkakatipon,+ at sa kongregasyon ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat,+ at sa espirituwal na buhay+ ng mga matuwid na ginawa nang perpekto,+ 24 at kay Jesus na tagapamagitan+ ng isang bagong tipan,+ at sa iwinisik na dugo, na nagsasalita nang nakahihigit kaysa sa dugo ni Abel.+
25 Tiyakin ninyong hindi ninyo babale-walain ang* nagsasalita. Dahil kung hindi nakatakas ang mga bumale-wala sa nagbibigay ng babala ng Diyos dito sa lupa, lalo nga tayong hindi makatatakas kung tatalikuran natin ang nagsasalita mula sa langit!+ 26 Nang panahong iyon ay niyanig ng tinig niya ang lupa,+ pero ngayon ay ipinangako niya: “Minsan pa ay uugain ko hindi lang ang lupa kundi pati ang langit.”+ 27 Ngayon, ang pananalitang “minsan pa” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis sa mga bagay na inuuga, mga bagay na ginawa, para ang mga bagay na hindi inuuga ay manatili. 28 Kaya dahil tatanggap tayo ng isang Kaharian na hindi mauuga, patuloy tayong tumanggap ng walang-kapantay* na kabaitan, dahil sa pamamagitan nito, maaaring malugod ang Diyos sa ating sagradong paglilingkod sa kaniya nang may makadiyos na takot at paggalang. 29 Dahil ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.+
13 Patuloy nawa ninyong ibigin ang isa’t isa bilang magkakapatid.+ 2 Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy;*+ dahil dito, may mga nag-asikaso ng mga anghel nang hindi nila nalalaman.+ 3 Lagi ninyong alalahanin ang mga nasa bilangguan,*+ na para bang nakabilanggo kayong kasama nila,+ at ang mga pinagmamalupitan, dahil kayo rin mismo ay nasa isang katawan pa.* 4 Maging marangal nawa para sa lahat ang pag-aasawa, at huwag nawang madungisan ang higaang pangmag-asawa,+ dahil hahatulan ng Diyos ang mga nagkakasala ng seksuwal na imoralidad* at ang mga nangangalunya.+ 5 Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera,+ at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo.+ Dahil sinabi niya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.”+ 6 Kaya lalakas ang loob natin at masasabi natin: “Si Jehova* ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”+
7 Alalahanin ninyo ang mga nangunguna sa inyo,+ na nagsabi sa inyo ng salita ng Diyos, at habang pinag-iisipan ninyo ang mabubuting resulta ng paggawi nila, tularan ninyo ang pananampalataya nila.+
8 Kung paano si Jesu-Kristo kahapon, ganoon pa rin siya ngayon, at mananatili siyang gayon magpakailanman.
9 Huwag kayong magpapaligáw sa sari-sari at kakaibang turo, dahil mas mabuti sa puso ang mapatatag ng walang-kapantay na kabaitan kaysa ng pagkain,* na hindi nakatutulong sa mga masyadong nagpapahalaga rito.+
10 Mayroon tayong altar, at ang mga naglilingkod* sa tolda ay walang awtoridad na kumain mula sa altar na iyon.+ 11 Dahil ang katawan ng mga hayop, na ang dugo ay dinadala ng mataas na saserdote sa banal na lugar bilang handog para sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampo.+ 12 Kaya si Jesus ay nagdusa rin sa labas ng pintuang-daan ng lunsod+ para mapabanal ang bayan sa pamamagitan ng sarili niyang dugo.+ 13 Kung gayon, puntahan natin siya sa labas ng kampo, at tiisin natin ang pandurusta na tiniis niya,+ 14 dahil wala tayo ritong lunsod na permanente, kundi buong puso nating hinahanap ang lunsod na darating.+ 15 Sa pamamagitan niya, lagi nawa tayong maghandog ng papuri sa Diyos,+ ang bunga ng mga labi natin+ na naghahayag sa mga tao ng pangalan niya.+ 16 Bukod diyan, huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo,+ dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.+
17 Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo+ at maging mapagpasakop,+ dahil patuloy nila kayong* binabantayan na isinasaisip na mananagot sila,+ para magawa nila ito nang masaya at hindi nagbubuntonghininga, dahil makapipinsala ito sa inyo.
18 Patuloy ninyo kaming ipanalangin, dahil naniniwala kaming malinis* ang konsensiya namin at gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.+ 19 Pero partikular kong hinihiling sa inyo na ipanalanging makabalik ako agad sa inyo.
20 Ang Diyos ng kapayapaan, na bumuhay-muli sa dakilang pastol+ ng mga tupa, ang ating Panginoong Jesus, na may dugo para sa walang-hanggang tipan, 21 ay magbigay nawa sa inyo ng bawat mabuting bagay para magawa ninyo ang kalooban niya, at pakilusin niya nawa tayo sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na gawin ang kalugod-lugod sa paningin niya. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
22 Ngayon ay pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, na matiyagang makinig sa mga salitang ito ng pampatibay-loob, dahil maikli lang ang sulat na ginawa ko para sa inyo. 23 Gusto kong malaman ninyo na ang kapatid nating si Timoteo ay pinalaya na. Kapag dumating siya agad, magkasama kaming pupunta sa inyo.
24 Ikumusta ninyo ako sa lahat ng nangunguna sa inyo at sa lahat ng banal. Kinukumusta rin kayo ng mga taga-Italya.+
25 Nawa ay sumainyong lahat ang walang-kapantay na kabaitan.
Sa Griego, ang salitang ginamit ay tumutukoy sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos.
O “magmamana.”
O “di-sana-nararapat.”
O “para makapag-alay siya ng handog bilang pambayad-sala; para makapagbayad-sala siya.”
O “tubuan.”
O “Dahil may simpatiya ang ating mataas na saserdote sa.”
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “Sa mga araw ng kaniyang laman.”
Lit., “pinartihan.”
O “pangmadlang lingkod.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “pangmadlang paglilingkod.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
O “magiging maawain ako.”
O “pantanghal.”
O “sa lugar ng katubusan.”
O “budhi.”
Lit., “iba’t ibang bautismo.”
O “lalaking baka.”
Lit., “katubusan.”
O “batang baka.”
O “patay.”
Lit., “pinasinayaan.”
O “balumbon.”
O “sa pangmadlang paglilingkod.”
O “mga panahon.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O posibleng “hindi kailanman kaya ng mga tao na.”
O “lalaking baka.”
Lit., “Dumating.”
Lit., “balumbon ng aklat.”
Lit., “Dumating.”
O “ng pangmadlang paglilingkod.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “nang may lakas ng loob.”
Lit., “pinasinayaan.”
Lit., “nawisikan,” ng dugo ni Jesus.
O “pagmalasakitan; bigyang-pansin.”
O “maudyukan.”
O “di-sana-nararapat.”
Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “lantaran gaya ng sa teatro.”
Lit., “inyong kalayaan sa pagsasalita.”
O “pagbabata.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “ang nakakukumbinsing ebidensiya.”
O “mga ninuno natin.”
O “ang mga panahon.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O “arkitekto.”
Lit., “tumanggap ng kapangyarihang maglihi ng binhi.”
O “mapagkakatiwalaan.”
Lit., “binhi.”
O “utos.”
O “sa libing.”
O “anak ng anak na babae ng Paraon.”
Lit., “ang Kristo.”
Lit., “galawin.”
Lit., “hiwalay.”
O “binatâ.”
Tingnan sa Glosari.
O “nagbata.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
O “pinaparusahan.”
O “pagsasanay.”
O “ama natin sa laman.”
O “napipighati.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “wala siyang nakitang lugar para doon.”
O “laksa-laksang; sampu-sampung libong.”
O “hindi kayo magdadahilan sa.”
O “di-sana-nararapat.”
O “kabaitan sa mga estranghero.”
Lit., “mga nakagapos.”
O posibleng “na para bang kayo ay nagdurusang kasama nila.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan ang Ap. A5.
Mga kautusan tungkol sa pagkain.
O “naghahandog ng sagradong paglilingkod.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “tapat.” Lit., “mabuti.”